Kabanata 15: Saraphine
-Silangan-
Nakasakay si Reyna Helena sa isang karwahe patungo sa bayang hindi pa siya nakakapunta. Inalalayan siya ng kanyang mga kasamang Kawal pagbaba nang marating nila ang tahanan ni Uranna. Dahil galing siya sa mayamang angkan ng Tzi, buong buhay namulat siya sa karangyaan kaya naman napatingin siya nang may pandidiri at pagkasuya sa kanyang paligid. Bago sa kanyang paningin ang mga maliliit na kabahayang yari sa kahoy, ang makipot na kalsada, maging ang malubak at madamong daan. Labag sa loob niya ang pumunta sa lugar ng mga pesante at kung hindi lamang sa kanyang mga kutob at hinala hindi siya magtyatyaga ngunit kailangan niyang malaman kung may kaugnayan nga ba si Sara sa huling biktima ni Rigo at sa Urannang ito. Nahuhulaan niyang malapit na niyang matuklasan ano nga ba ang binabalak ng kinamumuhiang katulong.
Narating nila ang nasabing bahay matapos magtanong-tanong. Sumenyas ang Reyna sa kanyang mga Kawal at kinatok ng kanilang malalaking kamay nang may kalakasan ang pinto.
Sakto namang nasa loob si Uranna at narinig niya ang nakakabulabog na katok. "Teka lang naman, sino bang putang-inang-"
Binuksan ni Uranna ang pinto at siya ay biglang natigilan sa nakita. Nasa gitna ng Kawal ang isang babaeng walang kasing garbo ang kasuotan at may kumikinang na koronang ginto. Batid na niya kung sino ito.
"Reyna Helena?" nanlaki pa ang bilog ng mga mata ni Uranna.
"Wala ng iba," pagmamalaking kinumpirma ni Helena.
"Mahal na Reyna," yumuko si Uranna sa kanyang harap bilang paggalang.
"Ikaw ba ang tinatawag nilang Uranna?"
"Ako nga po, Kamahalan. Halika po sa loob at pumasok tayo."
Sinamahan ni Uranna ang Reyna sa loob ng kanyang tahanan at inalok niya ito ng silyang mauupuan sa may mesa. Napamasid ang Reyna sa loob ng lumang bahay na kahoy at agad na napuna ng kanyang paningin ang maagiw na kisame at ang nakausling kahoy sa sahig. Mas masikip pa ang munting bahay sa inaakala niya.
"Pasensya na po at kay gulo rito. Kung alam ko lang sana na magiging panauhin ko ang Reyna ng Silangan sa aking bahay, nakapag-ayos man lang sana ako."
"Hindi na kailangan," sinigurado ni Helena sa kanya. "Siguro naman may ideya ka na kung bakit ako naparito ngayon."
"Sa totoo nga po, wala. Talagang nasorpresa nyo po ako, Kamahalan. Bakit nyo po pala ako sinadya rito?"
"Gusto lang sana kitang usisain..."
Hindi nakakurap si Uranna, bahagya siyang kinabahan sa pahayag nito. Tiyak niyang tungkol ito sa namayapa niyang pamangkin.
"Natanggap mo ba ang grasyang handog ng Hari para sa'yo? Aalamin ko lang kung ibinigay ba talaga sa'yo ni Prinsipe Rionne."
Nakahinga siya nang maluwag sa pinahayag ng Reyna.
"Opo, nakuha ko naman po, tumupad naman po si Prinsipe Rionne sa pangako niya. Napakalaking tulong po nito sa akin, kung alam nyo lang, muntik ng mawala sa akin ang bahay at ang munting lupaing ito, buti na nga lang at hindi umabot doon kundi talagang ipaglalaban ko ito ng patayan."
"Ganoon pala ito kalahaga sa'yo," saad ni Helena habang pinagmamasdan nang may pangmamaliit ang espasyong mas malaki ang kanyang paliguan.
"Minana ko pa ang lupang ito sa mga magulang ko, ito lang ang mayroon ako. Dahil sa pinaambon nyong biyaya, nabayaran ang mga pinagkakautangan ko kaya maraming-maraming salamat po."
"Walang anuman, matulungin naman talaga kami ng Hari sa mga nangangailangan. Handa pa nga akong dagdagan ang tulong namin sa'yo."
Sumenyas ang Reyna at nagpatong ang isa sa kanyang mga kawal ng isang katamtamang sako ng Gintong Silangan sa mesa.
Umabot sa tenga ang ngiti ni Uranna, "Syempre hindi naman po ako makakatanggi sa grasya."
Palapit na sana siya upang sunggaban ang pera ngunit inunahan na siya ng Reyna sa pagkuha nito. "Pero bago ko ito ibigay sa'yo, kailangang sumunod ka muna sa mga kondisyon ko."
"Ano po bang gagawin ko, Kamahalan? Kahit ano nakahanda ako."
Napangisi ang Reyna kasabay ng pagtaas ng kanyang kilay, gumana ang balak niya, pera nga lang ang katapat ni Uranna.
"Dalawa lamang naman ang hinihingi ko. Una, mangako ka rito mismo sa harap ko na mananatiling sikreto ang bagay na nag-uunay sa ating mga landas. Di ko na ito kailangang idetalye sa'yo, alam mo naman na siguro kung ano ang tinutukoy ko. Ang pangyayaring iyon ay isang malagim na trahedya. Nais ko mang itama at baguhin ang nakalipas, wala na kong magagawa. Nangyari na ang nangyari."
Napagtanto ni Uranna na si Pinang nga ang tinutukoy nitong trahedya.
"Bandang huli, iisa lang naman ang nais nating lahat. Ang katahimikan. Iniingatan ng Hari ang reputasyon ng kanyang pamilya at ikaw naman ay naghahangad rin na makabangon mula sa iyong pagkakadagok. Lahat tayo ay panalo at makikinabang. Babayaran ka namin ng malaking halaga kada taon pero kailangang mangako ka sa amin na hindi aalingasaw ang katotoohanan. Pag tinanong ka kung ano ang nangyari sa pamangkin mo, sasabihin mong hindi mo alam at magmaang-maangan ka. Walang sinuman ang dapat makaalam ng nangyari. Nagkakaunawaan ba tayo?"
Noong mga panahong iyon, sari-saring emosyon ang tumatakbo kay Uranna. Nais niyang murahin at sigawan ang Reyna sa nangyari kay Pinang. Hindi niya ikinatuwa na parang wala lang sa kanila ang buhay na ninakaw sa kanyang pamangkin, para bang balewala lang ang dinanas nito ngunit siya ay nagpagil sapagkat nasa harap niya ang isang taong mataas ang otoridad. Isang utos lamang nito sa mga Kawal at maaari siyang ipapatay ngayon mismo sa kanyang sariling tahanan.
"Nangangako po ako, wala akong pagsasabihan na kahit na sino, hindi ito lalabas sa publiko. Basta po matugunan nyo ako, ayos na sa akin. Ano pa nga bang magagawa ko, hindi ko naman na rin maibabalik ang buhay ni Pinang."
"Pinang? Ito ba ang pangalan niya?"
"Palayaw niya po, ang totoong pangalan niya ay Saraphina. Anak siya ng nakababata kong kapatid. Napakabuti niyang bata, kaso nga lang naging pareho ang kapalaran namin. Maaga rin siyang namasukan sa taberna."
Lalong napaisip si Helena nang malaman niyang may "Sara" rin sa ngalan ng biktima ni Rigo.
"Ngayong nangako na po ako, ano naman po ang ikalawang kondisyon?"
Isang kakaibang ngiti ang nabuo sa mukha ni Helena, tila ito na ang hinihintay nyang pagkakataon para sabihin ang tunay niyang pakay.
"Mabuti at natanong mo, ang totoo kaugnay kay Pinang ang susunod na kondisyon. Isang katanungan ang itatanong ko sa'yo at ang gagawin mo lang ay sagutin ako ng tapat at totoo."
"Subukan nyo ko."
"Bukod kay Pinang, wala ka na bang ibang pamilya o kamag-anak na nakakaalam ng buong pangyayari?"
Natahimik si Uranna sa tanong ng Reyna at napaisip. Ang unang sumagi sa isip niya ay si Saraphine. Bumalik sa kanyang gunita ang huli nilang pagkikita. Hindi ito naging maganda. Umabot ito sa sumbatan at tutukan ng kutsilyo, naaalala niya rin kung gaano siya sinusuka ng dalaga matapos ang lahat ng kasalanang nagawa niya rito. Natandaan niyang hindi na nais pa ng dalaga na makita siya ulit at hindi niya ito masisisi. Mabuti nang huwag na niyang idawit rito si Saraphine.
"Si Pinang na po ang huling pamilyang natira sa akin, wala ng iba. Bakit nyo po naitanong, Kamahalan?"
"Wala lang, naisip ko lang kasi baka may iba pa kayong kamag-anak na namamasukan ngayon sa Palasyo. Ang ngalan ay Sara, halos kapareho ng ngalan ng iyong pamangkin. Maputi at maganda siyang dalaga na mukhang may lahing banyaga. Mabait at masipag sa mga gawaing bahay. Ang sabi kasi niya sa akin siya ay pinalaki ng isang mapang-abusong tiyahin. Hindi mo naman siya kilala ano?"
Mas lalong nagimbal si Uranna sa natuklasan. Hindi siya makapaniwala na si Saraphine ay nagtatrabaho sa puder ng taong pumaslang sa kanyang kapatid. Si Saraphine na siya mismong nagsiwalat sa kanya na isa sa mga Prinsipe ang salarin sa pagkamatay ni Pinang. Si Saraphine na sukdulan ang galit sa Pamilyang Royal. Si Saraphine na uhaw sa hustisya. Batid niyang may mas malalim pang dahilan kung bakit ito namamasukan sa Palasyo.
"Hindi po, Kamahalan. Wala akong kilalang Sara, kami lamang ni Pinang ang nakatira rito."
Napansin ni Helena ang pagbabago sa aura ni Helena. Halata ang pangangatog ng kanyang tinig at palad. Kita rin ang takot sa mga mata nito. Para bang nababasa na niya ang isip at galaw nito.
"Mabuti naman kung ganun, naninigurado lang naman ako kung konektado kayo sa isa't-isa. Maganda ng wala tayong nililihim, hindi ba?"
"Opo, Kamahalan."
"Tanggapin mo na ito, dagdag bayad," tuluyan na niyang inabot ang pera kay Uranna.
"Salamat po."
Tumayo na si Helena sa kanyang inuupuan.
"Aalis na po kayo? Ipaghahanda ko muna kayo ng makakain. Kahit kape o tsaa."
"Hindi na, kailangan ko na ring umuwi at abala ako sa Palasyo."
"Maraming salamat po ulit, Kamahalan, ingat po kayo pag-uwi," tugon ni Uranna.
Pagkalabas, natunaw ang ngiti sa mukha ni Helena at ito ay napalitan ng poot at pagkairita. Naiwan naman si Uranna na napapaisip sa mga bagay-bagay.
-Palasyo-
Lumilipas na ang mga araw ngunit hindi pa rin nagbubunga ang pangangalap ni Saraphine ng ebidensyang magtuturo sa kanya kung sino ang salarin sa pagpatay kay Pinang. Iniba ang oras ng kanilang toka sa paglilinis sa itaas kaya sa tuwing nagkakaroon siya ng pagkakataon na makalapit sa kwarto ni Rigo, palagi lamang itong nakakandado, tila may pinoprotektahan. Ngayong araw na ito, inaasahan niya na magiging tulad rin ito ng karaniwan.
Katatapos lamang niyang magpakain ng ibon nang masilayan niyang paparating ng karwahe si Reyna Helena kasama ang kanyang mga Kawal. Ikinubli ni Saraphine ang sarili sa sulok ng isang pader at palihim niyang minanmanan ang Reyna.
"Anong tingin nyo, Mahal na Reyna? Nagsasabi kaya siya ng totoo?" tanong ng isa sa kanyang mga Kawal.
"Duda ako sa Urannang yan," sambit ni Helena, "nahahalata kong hindi siya nagsasabi ng totoo. Malakas ang kutob kong kilala niya si Sara. May pinagtatakpan siya."
Bumilis ang hininga ni Saraphine sa narinig. Hindi niya ito inaasahan.
"Ano pong plano nyo, Kamahalan?"
"Dukutin nyo siya, siya ang susi para malaman ko kung ano talaga ang intensyon ni Sara. Tatakutin natin siya hanggang sa mapaamin natin."
"Paano kung hindi siya magsalita?"
"Papatayin na natin siya kung ganun. Sa tingin ko naman, madali natin siyang mapapakanta. Nakita nyo kung gaano siya kanerbyos kanina. Dalhin nyo siya sa akin."
"Masusunod po, Kamahalan. Dadakpin na namin siya ngayon."
"Gawin nyo ito sa dilim ng gabi, mahirap na at baka may makakita sa inyo ng ganitong oras."
Nagmadaling tumakbo si Saraphine, hindi makapaniwala sa narinig.
***
Naghihinala na ang Reyna, nakarating na siya kay Tiyang Uranna!
Hindi siya maaaring maunahan ni Helena sa kanyang mga plano. Hindi niya rin hahayaang saktan nito si Uranna. Nagtatalo ang isip ng dalaga. Sa dami ng nagawang pagkakasala ni Uranna sa kanya, halos hindi na niya ito mabiling sa kanyang daliri. Inalila siya nito mula pagkabata, pinasok niya si Pinang sa maduming mundo ng taberna at ilang ulit rin siya nitong pinilit na mamasukan roon upang pagkakitaan siya. Higit sa lahat, siya rin ang nag-utos sa mga lalaking iyon na pagsamantalahan siya at kunin ang kanyang puri. Ilang beses na siyang nilapastangan at inabuso ng Tiyahin. Kung tutuusin wala siya sa posisyon para tulungan ito pero sa kabila ng lahat, umiral pa rin sa kanya ang awa at pag-aalala sa kalagayan nito. Kahit na ganoon si Uranna, hindi niya maitatanggi na malaki pa rin ang utang na loob niya rito. Kinupkop siya nito at binigyan ng tahanan, gaano man kagaspang ang pag-uugali nito, wala siya ngayon kung hindi dahil sa kanya.
Hindi niya ko binuking sa Reyna, bakit kaya?
Batid niyang nararapat niyang balaan ang tiyahin sa panganib na nagbabadya sa buhay nito, para mailigtas siya sa kapahamakan at mapanatili ang kanyang sikreto.
Humanap ng tamang tyempo si Saraphine. Kasagsagan ng tanghali, habang abala ang mga tao, karwahe at kariton sa paglabas pasok sa Palasyo, palihim na ipinuslit ni Saraphine ang sarili sa kariton ng mga bariles na papaalis ng Kastilyo.
***
Bandang alas-tres ng hapon nang marating ni Saraphine ang dati niyang tahanan. Pagkasilay niya sa maliit na bahay, para bang pakiramdam niya ay bumalik siya sa panahong buhay pa ang kanyang Ate Pinang. Noong panahong masaya pa silang nagbibiruan habang nagpapakain ng ibon sa kanilang puno. Wala na ngayon ang mga ibon. Kahit ang kanilang mga pugad ay naglaho na rin. Kailan lamang siya pumanaw ngunit kay Saraphine, tila habang buhay na ang nagdaan. Siguro ganito talaga ang bulong ng pusong nagdadalamhati.
Pasimpleng naglakad ang dalaga papalapit sa pinto. Naghulog siya ng isang papel na may lamang mensahe, pagkatapos tatlong ulit siyang kumatok nang malumanay. Pagkarinig niya ng mga yabag ni Uranna, mabilis na nagtago si Saraphine sa mga halamanan.
Binuksan ni Uranna ang pinto, sa pagkakataong ito, hindi na siya nagtatalak sapagkat nag-iingat siya na baka ito ay ang Reyna. Sa kanyang pagtataka, walang tao sa labas at ang tanging bagay na napansin niya ay ang piraso ng papel na nakalapag sa sahig.
Pinulot niya ito at tinignan kung ano ang nilalaman.
"Tumakas ka na, nanganganib ang buhay mo. Paparating na ang Reyna."
Kinikilabutan na napalingon si Uranna sa paligid, hinahanap kung saan at kanino nanggaling ang babalang ito.
"Kung gusto mong mabuhay, dito ka magtungo."
Nilista ni Saraphine saan matatagpuan ang panuluyan ni Aling Thelma kung saan siya pansamantalang nanuluyan noon.
Nangatog ulit ang kamay ni Uranna at nagmadali siya sa pagsara ng pinto. Napapaisip siya kung sino ang nagmagandang loob na nagbabala sa kanya.
***
Pagsapit ng gabi, tinambangan ng mga Kawal ni Helena ang paligid ng bahay ni Uranna. Nagsuot sila ng mga maskarang ginagamit ng berdugo upang hindi sila makilala. Matapos nilang siguraduhin na walang kaluluwang nakamasid sa paligid, sumenyas ang nangunguna sa kanila, hudyat na oras na para gawin ang kanilang misyon.
Balak nilang isagawa ng malinis ang trabaho kaya sila ay kumatok sa pinto. Aabangan nilang lumabas si Uranna at doon na nila sasamantalahin ang pagkakataon para dakpin siya. Ilang ulit ng kumatok ang Kawal ngunit hanggang ngayon ay walang bumubukas ng pinto kaya naman pinagsisisipa na lamang ito ng namumuno hanggang sa tuluyan itong mabuksan. Pagkapasok sa loob, natagpuan nilang madilim ang bahay at wala roon si Uranna.
"Halughugin ang buong bahay!"
Pinasok ng mga Kawal ang bawat silid. Naghanap sila sa bawat sulok at wala silang nakita ni anino nito. Hindi nagtagal bago nila napagtanto na wala talaga roon si Uranna.
"Maglibot kayo sa labas, sa paligid, baka di pa nakakalayo yun!"
Sa huli, nabigo rin ang mga galamay ng Reyna na mahanap ang dating katiwala ng Taberna.
-Palasyo-
"Hindi nyo siya nahanap?" Nangitngit ang singkit na mata ni Helena sa kanilang ibinalita. "Iisang babae lang, naisahan kayo? Mga tanga!"
"Wala talaga siya, kahit sa paligid ng bayan. Hinala namin nag-alsa-balutan na."
"Ang bruhang yun, nakutuban pa yata ako!" Napaigik si Helena sa inis at napahampas siya sa hawakan ng balkonahe. "Basta ipagpatuloy nyo lang ang paghahanap. Magbantay lang kayo malapit sa bahay niya, abangan nyo at baka umuwi. Dapat makuha natin ang babaeng yan! Ipapahanap ko siya kahit saang lupalop pa siya magtago!"
Pagkaalis ng mga Kawal, naiwang naiimbyerna si Helena sa balkonahe. Sa tindi ng poot niya kay Saraphine, naiisip na niyang gawin ang mga bagay na di pa niya nagagawa, kahit ba ang kumitil ng buhay. Hindi siya makakapayag na madaig siya ng isang hamak na katulong at magtagumpay ito sa mga tinatago niyang agenda.
Habang siya ay naghihimutok sa kanyang pagkabigo, hindi niya namalayan na papalapit na pala sa kanya si Prinsipe Rigo na pasimpleng naglalakad mula sa kanyang likuran.
"Anong problema at naririto ka?" sinunggaban niya mula sa likuran ang Reyna at pinulupot niya ang kamay sa baywang nito.
"Ikaw bakit ka naririto?" kumalma ang tinig ni Helena sa kanyang presensiya. "Baka may makakita sa atin."
"Huwag kang mag-aalala, nakatulog na si Ama, pagod na pagod siya sa pangangaso namin kanina, kaya ngayon masosolo kita."
Hinagkan niya ang leeg ng Reyna nang may pananabik, "ano ba talaga ang problema?"
"Si Sara, mukhang naisahan na naman ako ng babaeng yun, sa tuwing gumagawa ako ng hakbang para mapatalsik ang babaeng yan rito, lagi na lang ako nabibigo."
"Nagpapaapekto ka na naman sa babaeng yun, ikaw ang talo."
"Makikita niya, darating ang araw na maiisahan ko rin siya."
"Ano bang meron sa kanya at ganyan ka kainis sa kanya?"
"May hinala kasi ako na ang Sarang yan ay may kaugnayan sa huli mong biktima."
Natigilan si Rigo sa ginagawa niya kay Helena. "Ano? Sigurado ka ba? Ibig sabihin may alam siya sa nagawa ko?"
"Hinala pa lang ay mayroon ako sa ngayon, nakakainis nga kung bakit hindi ko matumbok ang tunay na pagkatao ng dalagang yun. Nakakagigil."
Napawi na ang pagkabahala sa Prinsipe sa narinig at muli niyang tinuloy ang paghimas sa Reyna.
"Huwag mo na siyang isipin, ang mahalaga ngayon malaya tayo. Sa atin ang gabi ngayon."
Nilantakan niya ng halik sa labi ang Reyna, sa sobrang pagkahayok, halos sipsipin niya ang bibig nito.
"Huwag dito," suhestyon ng Reyna, napagtanto niyang nasa balkonahe sila at baka may makapansin ng kanilang lambingan.
"Magsumbong pa sila kay Ama," mapangahas na tinuloy ni Rigo ang paghalik kay Helena, "salita ko laban sa salita nila, walang maniniwala sa kanila."
Napangiti si Helena at tuluyan na rin siyang bumigay sa tawag ng kanyang laman. Nagpatuloy ang kanilang laplapan sa kasagsagan ng gabi.
***
Nawa sinunod mo ang babala, Tiyang Uranna. Ligtas ka sana ngayon.
Nagmadali si Saraphine sa pagtakbo patungo sa mga silid. Wala na siyang ibang pagkakataon. Kung di pa ngayon, kailan pa? Kapos na siya sa oras. Dapat ngayong gabi, mahanap na niya ang pruwebang maglulutas sa pagpaslang kay Pinang. Kailangang matapos na niya ang kanyang paghihiganti bago pa malaman ni Helena na kapatid siya ng biktima.
Uunahin niya ang silid ni Rigo na ilang beses nang naging mailap sa kanya. Habang walang nakatingin, dahan-dahang naglakad ang dalaga patungo sa kanyang silid. Pagkalapat niya ng palad sa bukasan, laking gulat niya nang mabuksan niya ito. Hindi na ito nakakakandado gaya ng karaniwan.
Malumanay siyang pumasok at nakiramdam sa paligid. Sakto namang wala si Rigo kaya sinamantala na niya ang pagkakataon. Ganoon pa rin ang nasabing silid. Magulo, makalat at amoy kulob. Sa sahig, sala-salabat ang mga iniwan niyang kasuotang hindi pa nalalabhan.
Wala ng inaksayang segundo si Saraphine. Sinimulan na niya ang paghahalungkat sa mga gamit ni Rigo, simula sa kama. Inangat niya ang unan at kumot at naghanap sa ilalim ng kama. Negatibo, wala roon ang ebidensya.
Napukaw ng aparador sa sulok ang atensyon ni Saraphine. Malaki ito, tiyak na maraming maitatagong mga gamit.
Sana nandito na ang ebidensyang hinahanap ko.
Gamit ang dalawa niyang kamay, binuksan niya ang dalawang pinto ng aparador. Puno ng mga magagarbong kasuotan ang loob. Nanghalungkat siya at inisa-isa ang bawat sulok ng aparador pero ang natatagpuan niya lamang ay mga butones, tela, kapa, at iba pang kasuotang Pang-Prinsipe. Sunod niyang hahalughugin ang tuktok. Dahil masyado na itong mataas, hindi na niya maaninag kung ano ang nakalagay. Tinaas niya ang kanyang paa upang ito ay abutin at kinapa ng kanyang kamay kung ano ang nasa itaas.
Hindi niya namalayang nasanggi na pala niya ang isang bagay. Isang kahoy na baul na katamtaman ang laki at hindi kabigatan. Bumagsak ito mula sa itaas at agad na umiwas ang dalaga para hindi siya tamaan. Bumukas ang baul sa pagkakabagsak at nagkalat ang nilalaman nito.
Lumapit si Saraphine upang siyasatin ang gamit. Pinulot niya ang isa sa mga ito at nabitawan nga agad ito sa pagkabigla. Napagtanto niyang isa itong punit na tela na may mantsa ng natuyong dugo.
Kinakabahan man, inangat niya ang baul at tumambad sa kanya ang higit sa isang dosenang piraso ng damit na lahat ay duguan. Mayroong mula sa palda, mayroong galing sa balabal at meron din sa bestida.
Nagsimulang kilabutan si Saraphine sa nakita at bumilis ang pintig ng kanyang dibdib, "ano ba tong nahanap ko?"
Isang piraso ang nangibabaw sa kanya. Kinuha niya ang kulay abong piraso ng manggas mula sa isang bestida. Kilala niya ito.
Natatandaan niyang ito ang bestidang suot-suot ni Pinang noong makita niyang hatak-hatak siya ng mga Kawal. Madalas niya itong suotin tuwing siya ay uuwi mula sa taberna.
Muling nanumbalik sa kanya ang imahe ni Pinang na nakahandusay sa kakahoyan. Sira-sira ang kanyang bestida at siya ay puno ng saksak sa tiyan.
Ang kanyang huling salita ay muling umalingawngaw sa kanyang nagulantang na kamalayan.
"Sino ang hayop na gumawa nito sa'yo?"
"Si Prinsipe... Prinsipe...Prinsipe..."
Rigo....
At ngayon natagpuan niya ang duguang piraso ng kanyang bestida mismo sa silid ni Prinsipe Rigo. Nagiging malinaw na sa kanya ang lahat. Naisiwalat na sa kanya ang katotohanan. Nakumpirma na niya ang matagal na niyang hinala. Ito na ang hinahanap niyang ebidensya. Siya nga ang pumatay hindi lang kay Pinang, kundi sa lahat ng mga dalagang nilapastangan sa Silangan at ang mga ito ay piraso ng kanilang mga kasuotan na kanyang iniipon bilang koleksyon. Tunay na nakakasuka, nakakagalit at nakakanginig ng kalamnan.
Nagkaroon na ng mukha ang salarin at tila nabuo sa isip ni Saraphine kung paano hinalay, binaboy at pinaslang ni Rigo ang kapatid. Kung paano naghikahos at nagdusa si Pinang sa mga kamay nito, kung paano ito humingi ng tulong sa Kakahoyan ngunit walang sumagip sa kanya at kung paano siya pinagsasaksak ni Rigo na walang kalaban-laban.
Hindi na napigilan pa ni Saraphine ang pagpatak ng kanyang nag-aagos na luha. Walang salitang makapagpapaliwanag sa nararamdaman niya ngayon. Para bang pinatay ulit si Pinang sa ikalawang pagkakataon. Idinikit niya sa kanyang dibdib ang damit ni Pinang at niyakap ito nang mahigpit at may pananabik, pagkatapos sumara ang kamao niya sa galit habang hawak ito.
Nang mga sandaling iyon, nakaramdam ng matinding pandidiri at pagkasuklam ang dalaga para kay Rigo. Nais niyang sumabog at lamunin ito sa kanyang poot.
Higit pa sa pinaranas niya sa'yo ang gagawin ko sa kanya. Hayop ka! Humanda ka na dahil oras na para pagbayaran mo ang lahat ng kahayupan mo! Bukas na bukas rin, papatayin na kita!
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro