Kabanata 15: Miya
-Kasaganaan-
Walang humpay ang pag-ubo, pagsuka, pangingisay at ang kaguluhan sa puder ng Tribong Leon. Bawat kubo makakarinig ng pag-ungol, iyakan at pagdaing. Ilang oras lang ang nakaraan noong dumoble ang bilang ng dinadapuan ng misteryosong sakit, ngayon ay naging nagtriple na. Ang iba ay kinukumbulsyon na sa taas ng lagnat samantalang ang kanilang mga kaanak naman ay nagsisimula ng ubuhin, mamula sa pamamantal, sumakit ang lalamunan at mahilo. Ito ang unang senyales ng kagimbal-gimbal na sakit na nagmula sa kagat ng paniki.
Sa kanyang himpilan hindi na malaman ni Leyro kung ano ang gagawin. Balisa siyang paikot-ikot sa paglalakad habang nananatiling nakasara ang kanyang pinto at maging ang kanyang bintana. Batid niyang siya ang nagdala ng sakit sa buong tribo dahil sa ginawa nilang pagpunta sa kweba. Hindi naman niya akalain na hahantong sa ganito ang lahat.
Ilang sandali lamang, pumasok ang isa sa kanyang mga utusan upang magbigay ng ulat.
"Bilis, isara mo agad ang pinto nang hindi makapasok ang sakit!" atas ng Datu.
Sumunod ang utusan at nagmadali itong isara ang pinto.
"Kamusta na sa labas?"
"Mas lumala pa po, kada sandali dumami pa ang dinadapuan ng sakit, kahit ang mga bantay natin inuubo na rin."
Napasuntok sa hangin si Leyro sa kunsumisyon. "Si Leor?"
"Tuluyan na pong nawalan ng malay at bumagal na ang pintig ng puso. Baka hindi na rin siya magtagal."
"Bukod sa kanya, mayroon pa bang ganito ang lagay?"
"Wala pa naman po, pero lumalala na rin ang iba. Ano pong gagawin natin?"
Sinubukang mag-isip ni Leyro kung ano ang magagawa nilang panandalian na solusyon.
"Palabasin nyo sa mga kubo ang mga di pa apektado, pagsama-samahin nyo sila malayo sa mga maysakit, nang sa ganoon ay hindi na madagdagan pa ang nahahawa."
"Sige po," pagkatapos bigla na lamang binahing ang utusan.
Napaurong si Datu Leyro nang ilang hakbang. Agad niyang kinuha ang bandana sa ulo at pinangtakip ito sa kanyang ilong na parang nandidiri, "magtakip na nga, gusto mo ba pati ako mahawa."
"Patawad po," nagtakip na rin ang utusan. "Mahal na Datu, tingin ko mas makakabuti kung lilisan na muna ang mga wala pang sakit. Hanggang naririto sila, hindi sila magiging ligtas, nasa hangin na ang sakuna. Tiyak na marami rin sa kanila ang mahahawa."
"Saan naman sila pupunta?" tanong ni Leyro.
"Mainam siguro kung hihingi kayo ng tulong kay Datu Mortho at sa mga Myongan. Baka may maitulong sila sa suliraning kinahaharap natin."
"Hindi!" Maangas na pinanindigan ni Leyro. "Mas gugustuhin ko pang dapuan ng sakit kaysa humingi ng tulong sa kanila!"
"Pero Datu Leyro, hindi nyo ba nakikita? Kung hindi tayo hihingi ng tulong, maaaring ito na ang maging katapusan ng Tribong Leon."
Napaisip si Datu Leyro sa sinabi nito. Ngayon pa ba niya paiiralin ang pagmamataas? Aanhin pa niya ito ngayong buhay na nila ang nakasalalay?
***
Malayo sa sakuna ng Tribong Leon, abala naman ang Tribong Myongan sa pangangaso ng kanilang mga kakainin. Sa pangunguna ni Marcio, sinama niya si Miya at ang ilang kalalakihan kabilang na roon si Aric. Naghiwa-hiwalay sila sa puso ng kagubatan at naiwang magkasama ang lihim na magkasintahan.
"Mabuti at nakasama ka sa pangangaso namin," saad ni Miya sa tinig na malakas lang ng bahagya sa bulong
"Oo naman, ilang beses na rin ako nakasama ng Ama mo at nasanay na rin ako," pagmamalaki ni Aric.
"Hindi natin to madalas gawin. Di ko nga alam kung magaling ka bang mangaso."
Napangisi si Aric na buo ang kumpiyansa. "Ako pa ba? Magaling ako. Sa totoo nga, ikaw dapat ang tinatanong ko kung kaya mo ba mangaso."
Matawa-tawa si Miya, tila hindi makapaniwala sa palagay ng kanyang kasintahan.
"Paano mo naman nasabing hindi ako marunong mangaso, dahil ba babae ako?"
"Hindi, dahil nakita kong may malasakit ka sa lahat ng may buhay. Kaya nga tayo nagkita dahil pinigilan mo ko noong pupuntiryahin ko na sana si Puti."
"At handa ulit akong gawin yun sa ibang mundo kung ang ibig sabihin ay magtatagpo ulit ang ating mga landas."
"Tama na nga yan, baka hindi ako makapagpigil at hagkan kita. Papakitaan na lang kita kung paano ako manghuli ng uulamin natin."
Nakarinig ang dalawa ng kaluskos mula sa makapal na halamanan.
"Sige nga, ipakita mo sakin gaano kagaling ka sa paghuli. Mukhang baboy-ramo."
"Magkakaalaman tayo ngayon," bungad ni Aric.
Ihahagis na sana niya ang sibat nang biglang lumantad ang nilalang na nagtatago mula sa damuhan. Laking gulat nila nang makita si Datu Leyro.
"Huwag!"
"Ikaw?"
"Miya," napalingon si Leyro sa kanya at tila nakahinga ito ng maluwag. "Salamat! Mabuti at natagpuan kita."
"Anong ginagawa mo ritong hayop ka?" nanggalaiti ang dalaga sa presensiya ng lalaking kinasusuklaman. "Matapos ng lahat ng ginawa mo sa akin, magpapakita ka pa talaga sa harap ko. Hindi mo ba ako titigilan?"
"Hayaan mo muna ako magpaliwanag."
"Hindi ako makikinig sa anumang paliwanag mo, umalis ka na at huwag ka ng babalik pa!"
Sinubukan ni Leyro lumapit kay Miya ngunit pinapwesto siya ni Aric sa kanyang likuran para maprotektahan ang iniirog.
"Leyro, binabalaan kita, umalis ka na kundi talagang mapipilitan akong gamitin sa'yo ang sibat ko. Huwag ka ng magpapakita at manggugulo pa!"
"Huwag kang makialam rito, Dayo! Hindi ka kasali rito!"
Tinutok ni Aric ang sibat niya kay Leyro ngunit hindi siya pinansin nito.
"Miya, pakinggan mo muna ang sasabihin ko. Kailangan ko ang tulong mo, nakasalalay rito ang kahihinatnan ng Tribo ko."
"Anong pinagsasasabi mo?" Hindi inaasahan ni Miya ang mga pahayag nito, ang buong akala niya siya pa rin ang pakay ni Leyro.
"Samahan nyo ko kay Datu Mortho nang maipaliwanag ko sa kanya ang lahat," pagsusumamo niya.
"Paano naman namin nasisigurong wala kang gagawing masama?" Hindi pa rin natitinag si Aric sa pagtutok sa kanya ng sibat.
"Kunin nyo na to," ibinagsak ni Leyro ang patalim ng kanyang sibat sa damuhan, hudyat na siya ay sumusuko sa kanila.
Napatingin si Miya kay Aric na nagugulumihanan.
Hindi ko pa rin matiyak kung mapapagkatiwalaan ko ba siya, pero ngayon ko lang siya nakita na ganitong kabalisa. Kung ano man ang nangyari sa kanyang tribo, malamang seryoso ito.
"Ano sa tingin mo, Miya?" tanong ni Aric. "Tatawagin ko na ba ang Tribo para turuan to ng leksyon."
"Huwag, sa tingin ko makakabuti kung dadalhin muna natin siya kay Lolo, para malaman kung ano talaga ang pakay niya."
***
Maya-maya, nagpatawag ng pagpupulong si Datu Mortho nang mabalitaan niya mula kay Miya at Aric ang tungkol sa pagbabalik ni Datu Leyro. Hatak-hatak ng dalawang bantay, iniharap nila sa presensiya ni Datu Mortho ang bihag na Datu. Nangitngit siya sa galit nang makita niya ulit si Leyro at halos pumula na ang pisngi niya sa pagtitimpi.
"Datu Mortho," yumuko si Leyro bilang paggalang, nahihirapan siyang tignan ng direkta ang matandang Datu. Nahihiya siya kay Mortho at at isa pa, may kinikimkim rin siyang galit dito.
"Ang lakas rin naman ng loob mong bumalik rito! Hindi ba sinabi ko sa'yo na susunod na magpakita ka, papaslangin na kita! Di ka pa nadala sa mga langgam, siguro ngayon sa akin ay matatakot ka na!"
Kinuha ni Mortho ang kanyang matulis na bolo, lumapit siya kay Leyro at desidido na siyang paslangin ito sa harap ng lahat. Nanlaki ang malamlam at nangingitim na mga mata ni Leyro. Di niya akalain na tototohanin talaga ng Datu ang kanyang banta.
"Pakiusap, Datu Mortho, huwag nyo kong patayin. Alam kong may nagawa akong pagkakasala kay Miya at hindi na dapat ako bumalik pa, pero naririto ako ngayon para humingi ng tulong sa inyo! Kailangan namin ng tulong nyo, mauubos kaming lahat ng sakuna!"
Napatigil si Datu Mortho sa narinig, "sakuna? Anong sakuna?"
"Biglaan na lamang dinapuan ng malubhang sakit ang aking mga Katribo. Mula sa isa, kumalat ito ng napakabilis at ngayon marami na sa Tribong Leon ang may sakit at nasa malubhang kalagayan."
"Anong uri ba ito ng sakit?" Inusisa ni Miya.
"Hindi ko masabi, ang alam ko lang nagsisimula silang ubuhin pagkatapos sila ay lalagnatin na ng malubha at namamantal. Ang iba ay nangingisay pa nga."
Nagkalingunan si Miya at Datu Mortho nang may pag-aalala sa kanilang mga mata, nagulantang sila sa dinalang balita ni Leyro. Higit itong mas kagimbal-gimbal sa inaakala nila.
"Alam mo ba kung paano sila dinapuan ng ganitong karamdaman?" tanong ni Mortho.
Natigilan si Datu Leyro bago siya sagutin. "Galing ito sa paniki, nakagat ng paniki ang isa kong tauhan pagkatapos sinamaan na siya ng pakiramdam, doon ito nag-umpisa."
"Ibig sabihin nagtungo ang paniki sa lugar ninyo? Hindi ba madalas lang nasa kweba ang mga paniki?" May bahid ng pagdududa ang tanong ni Miya.
"Tama ka, Miya, pero nagulat na lang kami nang biglang sumulpot ang paniking ito sa aming lugar. Malaki ito at mabangis," pinanindigan ni Leyro ang kanyang kasinungalingan, hindi nila maaaring malaman na siya ang puno't-dulo ng lahat.
"Sinabi mong kumalat na ito, ibig sabihin ito ay nakakahawa?" muling tanong ng Datu.
"Ganoon na nga."
"At ngayon naririto ka sa aming lugar!" Napalakas ang tinig ni Mortho. "Hahawahan mo pa kami ng sakit na nagmula sa inyo! Dakpin siya at ilayo nyo rito ngayon din!"
Muling hinatak ng mga Myongan si Leyro papalayo.
"Sandali! Hindi nyo man lang ba kami tutulungan? Hahayaan nyo na lang bang malipol kaming lahat!"
"Wala na kaming pananagutan sa inyo, problema nyo yan, kayo ang mag-ayos!" paninindigan ni Mortho.
Hindi sang-ayon si Miya sa pasya ng Datu.
"Lo, saglit lang. Pakinggan muna natin siya."
Nakita ni Mortho ang awa sa mga mata ni Miya kaya naman sumenyas siya sa mga tauhan na bitawan muna si Leyro.
"Pagbibigyan kita. Sabihin mo sa amin kung ano ang maitutulong namin sa inyo?"
Pinakiramdaman muna ni Leyro ang timpla ni Mortho at pinag-isipan niya mabuti ang sasabihin nya.
"Kung maaari sana, hayaan nyong manatili muna sa inyong puder ang mga Katribo kong hindi pa nahahawahan ng sakit hanggang hindi pa gumagaling ang iba."
"Ano? Mapanganib ang hinihiling mo, Leyro. Paano kami nakasisigurong hindi pa tinatablan ang mga walang senyales? Hindi ko maaaring ilagay sa alanganin ang kapakanan ng mga Myongan. Pasensya na pero di talaga kita matutulungan."
"Tama, Datu Mortho, paalisin na yan!" sumang-ayon ang isang Myongan.
"Hindi sila nararapat tulungan!"
Kita-kitang ni Miya ang pagkamuhi ng mga Myongan kay Leyro, naintindihan niya ang himutok nila sapagkat maging siya ay mainit rin ang dugo rito ngunit hindi naman siya makapapayag na maging makasarili ang kanilang tribo. Batid niyang kailangan na niyang pumagitna.
"Lo, sa pagkakataong ito, sumasang-ayon ako kay Leyro. Wala na ba tayong magagawa?"
"Pasensya na, Miya, pero di kita mapagbibigyan. Naaawa rin ako sa kanila ngunit malay ba natin baka nasa katawan na nila ang sakit at di pa lang nila nararamdaman."
"Pero hindi natin alam yun, may pagkakataon pa tayo para matulungan sila kung pahihintulutan nyo."
Naguguluhan ang Datu sa inaasal ng apo. "Naririnig mo ba ang sinasambit mo, Miya? Pagkatapos ng kahayupang ginawa sa'yo ng lalaking ito, gusto mo pa rin siyang tulungan?"
"Hindi ko makakalimutan ang paglapastangan niya sa akin, pero handa akong isaalang-alang ito para makatulong sa ibang nangagailangan. Tayo lamang ang makakatulong sa kanila at kailangan nila tayo. Kung wala tayong gagawin, mamamatay silang lahat."
Nadala si Mortho sa mga salita ni Miya. Kung siya ang nasa katayuan ni Leyro at nanganganib ang mga Myongan, siguaradong gagawin rin niya ang ginawa nito.
Nagpakawala nang malalim na buntong hininga ang Datu. "Sige na nga at pumapayag na ko."
Napangiti si Datu Leyro sa kanyang desisyon at ganoon na rin sina Miya at Aric.
"Ganito ang ating magiging kasunduan. Sunduin nyo ang inyong mga katribong wala pang sintomas ng sakit at bigyang importansya ang mga babae, mga bata at matatanda. Papuntahin nyo sila rito kung saan sila ay magiging ligtas sa banta ng sakuna. Dito muna sila hanggang sa gumaling ang mga maysakit sa lugar nyo. Ito lang ang paraan upang hindi magpatuloy ang hawahan at pagkalat ng sakit."
"Pumapayag ako," tugon ni Leyro. "Matanong ko lang, kung naririto sila, sino ang maiiwan sa mga maysakit?"
"Kailangang may magsakripisyo na isang miyembro ng kanilang pamilya para sila ay maalagaan at mabantayan, kung ang buong pamilya ay apektado ng sakit, kailangan mo na silang ihabilin sa iba mong tauhan. Huwag kang mag-alala, magtatalaga rin ako ng mga Myongan na handang tumulong sa inyo. Mayroon bang magpepresinta?"
Noong una walang nais magkusa, ngunit maya-maya, isang Myongan ang tumindig.
"Handa akong tumulong!"
"Ako rin, malakas naman ang pangangatawan ko," saad ng isa pa.
"Mainam," saad ni Mortho. "Ang mga tutulong ay sasama kay Leyro pabalik sa kanilang tirahan. Sasangguni rin ako kay Myam-Gaam-Ot upang matukoy kung ano ang sakit. Malinaw na ang napagkasunduan natin. Dito muna mananatili ang Tribong Leon hanggang sa malunasan natin ang sakunang ito."
"Maraming salamat, Datu Mortho."
"Huwag ka sakin magpasalamat, kay Miya. Siya ang nakapagpabago sa isip ko."
Lumingon si Leyro nang may kagalakan sa babaeng kanyang ninanais hanggang ngayon.
"Salamat, Miya."
"Hindi ko ito ginagawa para sa'yo, ginagawa ko ito para sa mga Katribo mo," bumalik ang taray sa ekspresyon ng dalaga.
"Ano pang hinihintay mo?" tanong ni Mortho, "Sunduin mo na ang mga Katribo mo at siguraduhin mong wala silang sakit."
Papaalis na si Datu Leyro ngunit may dinagdag pa si Mortho. "Isa pa pala. Siguraduhin mo lang rin na pagkarating nyo rito, wala kang gagawing katarantaduhan, at ganoon na rin sa iyong mga Katribo. Kapag lumabag kayo, ito na ang huling pagkakataong matutulungan namin kayo."
Habang tumatakbo si Leyro pauwi kasama ang mga alay na Myongan, napatingin sa kanya si Miya at napaisip kung tama nga ba ang desisyon niyang manindigan para sa kanila. Isa lang ang kanyang napatunayan.
Tama nga si Aric. May malasakit nga ako sa lahat ng may buhay.
***
Makalipas ang ilang oras, bumalik si Datu Leyro sa bahagi ng mga Myongan. Kasama na niya ang Tribong Leon na kanyang napiling ligtas sa nasabing sakit. Kahit na malaking bilang ng kanilang tribo ang dinapuan ng sakit, marami-rami pa rin ang naisama ni Leyro. Napatingin sina Miya, Aric, Datu Mortho at ang iba pa sa mga Tribong Leon.
Karamihan sa lumisan ay mga kababaihan, kabataan at matatanda. Namangha sina Miya at Myoris nang makita nila ang mga dalagitang leonesa na maiikli ang buhok sa ulo sapagkat ngayon lamang nila ito nakita. Nakaramdam rin sila ng awa sapagkat mukhang lugmok ang Tribong Leon, lahat sila ay tila nawalan na ng saya, wala silang makikitang ni isang nakangiti sa mga dalagita, at sa mga babaeng may edad na. Kahit ang mga bata ay hindi na gaano masigla.
Malamang nabigla pa sila sa nangyari at siguradong nag-aalala rin sila sa mga kaaanak nilang maysakit na naiwan nila.
Sunod namang naglakad ang mga kalalakihang leon, sa kabila ng kanilang sitwasyon, nananatili pa ring nakatindig at taas noo ang mga ito, kuha nila ang ugali ng kanilang Datu. Habang nakatingin si Aric at ang iba pang kalalakihang Myongan, napansin nilang may angas at pagmamalaki sa asta ng mga Leon. Noon pa man, kung hindi lamang namamagitan ang mga Datu, hindi talaga magkakasundo ang mga Myongan at mga Leon.
"Ito na sila, Mahal na Datu," anunsyo ni Leyro.
Hinarap ni Datu Mortho ang Tribo, "maligayang pagdating. Habang laganap pa ang sakuna, ito muna ang magsisilbi nyong pansamantalang tahanan kaya huwag kayong mahiya. Alam kong hindi madali ang sitwasyon nyo, pero gagawin namin ang aming makakaya nang kahit papaano ay makatulong kami sa inyo. Mamaya, magtutulong-tulong tayo para mabigyan kayo ng tutuluyan. Magpapahanda ako rin ako ng putahe para sa inyong lahat."
"Maraming salamat po, Mahal na Datu," sagot ng mga kababaihan.
***
Nagbayanihan ang mga Myongan sa paggawa ng mga Kubong tutuluyan ng mga Leon. Matapos ang buong araw na trabaho, nagtipon-tipon ang lahat para maghapunan. Totoo sa kanyang salita, nagpahanda nga si Datu Mortho ng putahe para sa mga panauhin. Nag-ihaw sila ng mga hinuli nilang kambing at baboy-ramo. Ilang araw pa sana ito aabutin sa mga Myongan pero dahil marami ang bagong dating na Tribo, napagpasyahan nilang ihain ang lahat ng ito at manghuli na lamang ulit sa susunod na araw.
"Kain lang kayo ng kain," alok ni Maahan sa mga bata at ganoon na rin sa mga nakatatanda habang patuloy ang paghahain niya ng mga prutas at inihaw na karne.
"Kaya nga, huwag kayong mahiya, malamang nagutom na kayo sa inyong paglalakbay," saad rin ni Marcio.
Mabilis na gumaan ang loob ng ilang babaeng may edad sa mag-asawa.
"Maraming salamat at kahit papaano naiibsan ang aming mga pangamba. Sana gumaling na ang anak ko, naiwan siya kasama ang nakatatandang kapatid niya para maalagaan niya ito."
"Ganoon rin ang asawa ko," sagot pa ng isang ginang.
"Manalig lang kayo, gagaling rin sila, malalagpasan nyo rin ang pagsubok na ito," sagot sa kanila ni Maahan.
***
Sa kanilang hanay, tumabi si Miya at Myoris sa isang dalagitang Leonesa na mas bata pa sa kanila. Mahinhin itong kumilos at payat ang kanyang pangangatawan. Siya rin ang Leonesang tinanggihan noon ni Leyro.
"Huwag ka ng malungkot, gagaling rin ang Tribo nyo," sabi sa kanya ni Myoris.
"Tama siya, naririto lang kami para sa inyo," dagdag ni Miya, "hindi namin kayo pababayaan."
Napangiti ang dalaga sa kanila, "salamat, sana nga gumaling na ang aking Ina. Ako nga po pala si Leyla. Kayo po si Miya hindi ba?"
"Ako nga," nagtaka si Miya dahil kilala na siya ng dalaga, "paano mo ako nakilala, Leyla?"
"Kayo po kasi ang bukambibig ng aming Datu. Sinabi niya sa amin na ikaw daw ang pinamagandang dalaga rito sa Kasaganaan at ngayon napatunayan kong hindi siya nagkakamali. Napakaganda nyo po talaga."
Bahagyang natawa si Miya sa paghanga nito sa kanya. "Salamat, Leyla."
"Si Miya lang ba ang maganda? Ako ba hindi?" Pabiro siyang tinanong ni Myoris.
"Leyla, siya nga pala ang kaibigan kong si Myoris."
"Magandang gabi po," pagbati ni Leyla.
"Ngayong magkakilala na tayo, masasabi mo bang maganda ako?"
"Opo, sa totoo nga po, naiinggit kaming mga Leonesa sa inyo pong mga Myongan."
"Bakit naman?"
Muling nanumbalik ang lungkot sa mukha ng dalagita. "Kasi po may kalayaan kayong pahabain ang inyong mga buhok. Kami kahit kailan hindi namin naranasang haplusin ang mga buhok namin, noong araw palang tradisyon na sa Tribong Leon na mga lalaki lamang ang may karapatang magkaroon ng mahabang buhok."
"Huwag kang mag-alala, Leyla. Ngayong naririto na kayo at magkakaibigan na tayo, mabibigyan na kayo ng pagkakataon para magkaroon ng mahabang buhok."
"Talaga po?"
"Kakausapin ko ang inyong Datu. Papakiusapan ko siyang baguhin na ang kaugaliang ito."
"Salamat, Miya."
Natigilan bigla si Leyla, pagkatapos ay bigla na lamang itong bumahing nang may kalakasan. Bahagyang napaurong si Myoris sa kanyang kinauupuan habang si Miya naman ay nananatili lamang sa kanyang pwesto.
"Ayos ka lang ba?"
"Opo, pasensya na, kailangan ko lang munang magpahangin," nagmadaling umalis si Leyla sa may hapag.
Napatingin si Myoris nang may pag-alala kay Miya. Hindi ito magandang senyales.
***
Kinabukasan, habang naglalakad si Miya at Aric sa may dalampasigan. Nakita nila si Mylka na papalapit sa mga batang babaeng Leonesa.
"Halika laro tayo," alok niya.
"Sige," sumigla ang kanyang bagong kaibigan.
Nagsimula silang maglaro sa buhanginan at magtampisaw sa pampang na para bang matagal na silang magkaibigan.
Hindi maiwasan ni Miya na mapangiti. "Tignan mo sila, kahit na magkaiba sila, nagkakasundo sila."
"Oo nga, kung sana ang lahat ng tao ay kaparehong mag-isip ng mga bata, siguro mas magiging mapayapa ang Buong Lupain," sagot ni Aric.
Nagpatuloy ang magkasintahan sa paglalakad. Naiwan si Mylka at ang bata sa dalampasigan. Umubo ang batang kalaro niya at maya-maya si Mylka naman ang sinimulan ng bahingin.
***
Nagdaan ang mga araw sa Kasaganaan, noong una naging maayos ang lahat para sa Tribong Myongan at Tribong Leon. Natuto at nasanay silang mamuhay kasama ang isa't-isa ngunit di kalaunan, nagsimula ng makaramdam ng kakaiba ang mga Myongan. Dumarami sa kanila ang nakakaranas ng sipon, lagnat at pananakit ng ulo. Sumasabay sa agos ng dalampasigan ang pagbahing at walang humpay na pag-ubo ng mga Myongan, kataka-taka na mas maraming Myongan ang nagkakasakit ngayon kumpara sa mga Tribong Leon na nagtungo sa kanila.
Sa kanilang kubo, hindi magkamayaw sa pag-ubo si Maahan na ikinabahala na rin ni Miya.
"Ayos lang ba kayo, Ina?" Inalalayan niya ang Ina paupo sa silya.
"Wala ito, Miya," paninigurado ni Maahan kahit na halatang hindi siya maayos.
"Ako na po muna ang maghahakot ng mga prutas," nagpresinta si Miya.
Pagkalabas ni Miya, napansin niya ang pangongoonti ng mga Katribo sa dalampasigan. Napalingon siya sa paligid at sa kanyang pagtataka, wala roon si Myoris para batiin siya gaya ng karaniwan. Nakasara ang kubo nito, maging ang bintana. Mula sa mga kubo, narinig niya ang pag-ubo mula sa kanyang mga katribo. Mapalalaki, babae, bata man o matanda ay nagkakasakit.
Nakasalubong niya si Maoro na nag-iisa sa may dalampasigan.
"Maoro, anong ginagawa mo rito, nasaan si Mylka, bakit di mo siya kasama?"
"Mataas po ang lagnat ni Mylka, pinalabas muna ako ni Ina para maglaro."
Namataan ni Miya ang pamumula ng pantal sa braso ng bata.
"Kailan ka pa nagsimulang mamantal?"
"Kanina lang po, Ate Miya."
Bago pa makasagot si Miya, narinig niya ang walang humpay na pag-ubo ng isang matandang babaeng Myongan.
Nilapitan niya ang matanda at inalalayan ito, "tulungan ko na po kayo pabalik sa inyong kubo."
"Salamat, apo."
Dahan-dahang inakyat ni Miya ang matanda paakyat sa tahanan nito. Maya-maya, nakarinig siya ng komosyon mula sa isa sa mga kubo.
"Anong nangyayari?" Saad ng mga nasa loob. "Bakit siya nangingisay?"
Hindi na maganda ang kutob ni Miya sa mga nangyayari ngayon.
Tinamaan na rin ba ng sakuna ang aming Tribo?
Sa takot, nagpasya siyang bumalik na lamang sa kanyang kubo. Habang naglalakad, nagsimulang mangati ang braso ng dalaga, kinamot niya ito at pagkatingin niya, matindi na rin ang pamumula ng mga pantal sa kanyang maputing braso.
"Hindi..."
Bigla siyang nakaramdam ng pamimigat sa kanyang ulo. Nagsimulang manlabo at dumoble ang kanyang paningin at tila isang malakas na kalembang ang rumindi sa kanyang tenga.
"Miya!" sa kabila ng panghihina ng kanyang pandinig, narinig niya pa rin ang pamilyar na tinig.
Napalingon siya at nakita niya si Aric sa di kalayuan. Ilang saglit lamang ay tuluyan ng natumba si Miya sa may buhanginan.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro