Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 15: Graison

-Artemias-

Kasalukuyang nagpapahinga si Panginoong Ocillo sa isa sa mga kama sa Kastilyo. Nagamot na ang kanyang pinsala at ito ay natakpan na ng benda at tela. Nakabantay sa Panginoon si Kapitan Roqil na hanggang ngayon ay tulala at di pa rin makapaniwala sa nagawa niya. Nababalisa siya kung paano niya ito papaliwanag sa kanyang amo.

Ilang saglit lang, nagmamadaling pumasok si Aurello sa silid, halatang namomroblema sa nalaman, "kamusta ang lagay niya?"

"Ligtas na siya, Panginoon," tugon ni Roqil, "sabi ng manggagamot hindi naman ganoong kalalim ang sugat niya. Kailangan niya lang magpagaling at magpahinga."

"Wala sa plano ko na patayin si Panginoong Ocillo, ipapahamak mo ba ako, Roqil? Ano ba talaga ang nangyari?"

"Paumanhin po, hindi ko naman sinasadya. Biglaan lamang ang lahat. Sa kagustuhan niyang patakasin ang Emperatris nanlaban siya at nilusob niya ko. Kailangan kong protektahan ang aking sarili kaya nadaplisan ko siya."

Napailing si Aurello sa sinabi nito. "Nagpasindak ka sa isang matandang mataba? Ano ka ba naman? Pasalamat ka at matagal ka ng naglilingkod sa akin, kundi baka kung ano na ang nagawa ko sa'yo."

"Hindi na po mauulit, magiging maingat na ako sa susunod."

Humupa rin ang inis ni Aurello sa kanyang tapat na Kapitan, sa isang banda naunawaan niya rin naman ito.

"Nasaan ngayon ang Emperatris?"

"Naibalik na po sa selda niya."

"Mabuti naman kung ganun. Bibisitahin ko siya."

***

Nagtungo si Aurello sa selda ni Grasiela. Sumilip siya sa maliit na bintana sa pinto at nasilayan niya itong nakahiga sa sahig, tumatangis at nalulugmok sa nangyari. Nang marinig ng Emperatris ang pagbukas ng pinto, agad siyang napabangon.

"Nasaan na si Panginoong Ocillo? Kamusta na siya?"

"Huwag kang mag-alala, makapal pa sa baka ang balat ni Ocillo. Buhay siya at nagpapagaling."

Nakahinga na ng maluwag si Grasiela, hindi kakayanin ng kanyang konsensya kung may mangyayaring masama sa Panginoon. Hanggang ngayon hindi pa rin napapawi ang galit niya kay Aurello.

"Hayop talaga kayo, papatayin nyo talaga kami!"

"Walang dapat sisihin sa nangyari kundi kayo. Hindi naman ito mangyayari kung hindi kayo nagtangkang tumakas. Ngayon alam mo na ang mangyayari sa'yo pag ginawa mo yun ulit."

"Hindi mo pa rin ako matatakot, tatakas pa rin ako sa oras na nagkaroon ako ng pagkakataon!"

Matigas pa rin si Grasiela, nakaisip si Aurello ng paraan para kahit papaano ay mabawasan ang angas ng Emperatris. Si Panginoong Ocillo.

"Gawin mo lang kung ano ang gusto mo pero kung tumakas ka at ikaw ay napahamak, sayang lamang ang ginawa ni Ocillo para sa'yo. Nabalitaan kong nagsakripisyo siya. Handa siyang ibuwis ang buhay niya para sa'yo. Babalewalain mo lang ba yun? Mag-isip ka muna, Kamahalan."

Iniwan niya si Grasiela na napapaisip at nagpatuloy sa pag-iyak sa kanyang pwesto.

-Sentralisadong Imperyo ng Cenpyre-

Pagsapit ng bukang-liwayway, pasikretong nakapasok si Celso sa malaking pinto ng bayan kasabay ang iba pang mga Cenpyero. Tinakpan niya ng balabal ang sarili, nag-iingat na walang makapansin sa kanya. Naging madali sa kanya ang pagpasok sa Palasyo sapagkat kabisado na niya ang pasikot-sikot at ganoon na rin ang asta ng mga bantay. Tinandaan niya ang bilin ni Aurello. Dapat magawa niya ang misyon ng tahimik at walang nakakaalam.

Habang siya ay naglalakad, napatigil siya sa may kwadra nang masilayan niya ang anak na si Cymon na naroroon at nagpapakain ng mga kabayo. Namuo ang pananabik at kagustuhan niyang lapitan ang anak ngunit alam niyang hindi pa siya maaaring magpakita rito hanggang di pa niya naisasagawa ang misyon. Alang-alang sa kanyang kaligtasan, minabuti na lamang niyang iwasan ito.

"Tatapusin ko lang to, pagkatapos pag nabayaran na ko ni Aurello, magpapakalayo-layo na tayo, anak."

***

Sa sikretong himpilan ni Fierro, dumilat ang mga mata ni Ora matapos siyang may maramdamang kakaiba sa kasagsagan ng kanyang ritwal.

"Naririto na siya, ang dagang aali-aligid sa Palasyo. Nagbalik siya para kuhanin ang iyong pinakamamahal."

Namula ang mata ni Fierro sa natuklasan, tila isang bulkang mag-aalboroto. "Ano? Alam na niya ang tungkol kay Ysavel? Hindi ako makakapayag. Papatayin ko siya bago niya makuha sakin si Ysavel. Masyado nang perwisyo ang tiktik na yan."

"Hindi na kita pipigilan sa nais mong gawin sa kanya. Sa totoo lang dito natin mapapakinabangan ang isa pa nating lingkod."

"Si Edina? Ano naman ang mahihita natin sa kanya?"

Napangiti lamang si Tandang Ora sa tanong ng Mataas na Emperador.

***

Dahan-dahang binuksan ni Prinsipe Graison ang pinto sa silid ni Osylla at siya ay pasimpleng dumungaw. Nakita niyang nakahiga lamang ang kaibigan sa silid at nagmumukmok. Mula noong mabalitaan niya ang nangyari sa Ama, lagi na lang malungkot at matamlay ang dalaga. Hindi niya naman ito masisisi, kahit siya man ay nilalabanan lamang ang nadaramang pangungulilala at pag-aalala para sa Emperatris. Ang nais lamang niya ngayon ay ang manumbalik ang saya at sigla kay Osylla, batid niyang hindi sila maaaring magpadala sa lungkot at kawalan ng pag-asa, sa kabila ng mga hindi magandang nangyayari ngayon sa Imperyo at sa kanilang buhay.

Napaisip ang Prinsipe kung ano ang maaari niyang gawin para kahit papaano ay maibsan ang pighati ng kaibigan. Isang ideya ang pumasok sa kanyang isipan at siya ay napangiti.

"Osylla," masigla niyang binati ang dalaga habang siya ay papalapit.

"Prinsipe Grai," napalingon ang dalaga ngunit nananatiling malamlam ang kanyang mga mata.

"Maaari ka bang sumama sa akin? May pupuntahan tayo."

"Salamat na lang, wala pa kong ganang lumabas ngayon."

"Tara na," masiglang hinatak ni Graison ang kamay ng dalaga sa kanyang pagkabigla at siya ay napabangon ng walang oras sa kama.

Dinala ng Prinsipe ang dalaga malapit sa kwadra at nakaabang na roon ang kanilang mga kabayo.

"Ano bang gagawin natin?"

"Mamamasyal."

Nagpakawala ng malalim na hininga si Osylla na para bang siya ay nabibigatan sa nais ng Prinsipe.

"Hindi ko magagawang mamasyal habang nawawala pa si Ama. Ikaw, paano mo nagagawang magsaya kahit na nawawala rin ang iyong Ina?"

"Osylla, malungkot rin ako sa mga nangyayari ngunit isipin mo, kung naririto si Ina at si Panginoong Ocillo, sa tingin mo nanaisin ba nilang makita tayong nilalamon ng pag-aalala at lumbay? Hindi ba mas gugustuhin nilang maging malakas tayo, na piliin nating maging masaya, gaano man kahirap ang mga pinagdaraanan natin. Ilang araw na tayong nagpadala sa lungkot, ayaw mo bang kalimutan ang lahat kahit pansamantala lang?"

Napagtanto ni Osylla na tama ang pinupunto ni Graison, ilang araw na ng kanyang buhay ang nasayang dahil nagpadala siya sa kanyang emosyon. Napatingin siya sa nakangiting Prinsipe at bahagya na ring nanigla ang aura sa kanyang pisngi.

"Saan naman tayo pupunta?"

"Kahit saan mo gusto, sa iyo ako buong araw."

Namula si Osylla sa sinabi nito.

Bakit ba maling salita lagi ang nasasambit ko?

"Ibig ko sabihin, noong mga panahong ako ay nalulugmok palagi kang nandyan, hindi mo ko iniwan at sinukuan. Panahon na para ako naman ang gumawa nito sa'yo ngayon. Kaya kung ayos lang sa'yo, maaari bang ituring kitang Prinsesa ngayon."

Sa pagkakataong ito, narinig na niya ulit ang halakhak ni Osylla, "makakatanggi ba ako sa Mahal na Prinsipe."

"Si Grai lang ako ngayon, ikaw nga ang Prinsesa hindi ba?"

Muling nagkatawanan ang dalawa. Tyempo namang naroroon si Cymon sa may kwadra at nasilayan niyang nag-uusap si Graison at Osylla. Nahihiya man ang binatilyo, nagpasya siyang lakasan ang loob at lumapit sa kanila.

"Prinsipe Graison."

Napalingon ang Prinsipe sa tagapangalaga ng kabayo. "Cymon, kamusta?"

"Hindi mabuti, Mahal na Prinsipe, gusto ko sanang sumangguni sa inyo tungkol kay Ama."

"Bakit, anong nangyari kay Mang Celso?"

"Ilang araw ko na siyang hindi nakikita," kwento ng binatilyo, "ang sabi niya sa akin nakaipon na siya ng pera at balak na naming umalis, kaso nagpaalam siya sa akin na may pupuntahan muna siya sandali bago kami lumisan. Hanggang ngayon, wala pa rin akong balita tungkol sa kanya. Habang lumilipas ang mga araw, mas lalo lamang ako nag-aalala sa kanya."

"Wala ba siyang nasabi sa'yo kung saan siya pupunta?"

"Iniwasan niyang sagutin ang mga tanong ko. Kaya ako lumapit sa inyo, kayo lang ang mahihingian ko ng tulong, pakiusap, Mahal na Prinsipe, Binibini."

Napalingon si Osylla kay Graison, puno ng habag at malasakit ang dalaga sa nalaman. "Grai, alam ko na kung ano nais kong gawin. Tulungan natin si Cymon na mahanap ang kanyang Ama. Ano sa tingin mo?"

Napaisip muna si Graison, natatandaan niyang hindi naging maayos ang relasyon nila ni Cymon nitong mga nakaraan pero hindi ito ang oras para ungkatin ito. Nangangailangan siya ng tulong ngayon. Gaya nila, nawawala rin ang magulang ni Cymon at alam niya kung ano ang nararamdaman nito ngayon.

"Magtatanong-tanong tayo sa bayan kung may nakakita sa kanya."

***

Nagsimula ang kanilang paghahanap kay Mang Celso, nagtanong-tanong si Graison, Osylla at Cymon kung mayroong nakikita sa Ama nito. Nilarawan nila ang laki at anyo ni Celso sa mga nakakasalubong ngunit lahat sila ay pareho-pareho ang sagot. Umiiling ang iba at sinasabing hindi nila ito nakita, gayunpaman, naging masigasig pa rin ang Prinsipe sa paghahanap. Dahil sa kanyang titulo at posisyon, nagsimula siyang pagkumpulan ng taumbayan. Hindi araw-araw nakikita nilang pagala-gala sa bayan ang Mahal na Prinsipe, sa kabila nito mas pinagtuunan pa rin ni Graison ang pagtulong sa kaibigan kaysa bigyang atensyon ang sarili. Dumaan ang mga oras at inabot na sila ng paglubog ng araw, wala pa rin silang nakuhang impormasyon tungkol kay Celso.

***

Wala silang kamalay-malay na ang hinahanap nilang tao ay nasa loob lamang ng Palasyo. Pagsapit ng dilim, habang hindi na ganoong kaaktibo ang mga naninilbihan sa Palasyo, sinamantala na ni Celso ang pagkakataon upang sumalisi sa silid at isagawa ang kanyang misyon.

Siniyasat niya muna ang paligid habang tinatahak niya ang daan. Tinubuan pa rin ng kaba si Celso sa kanyang gagawin at nararamdaman niyang bumibilis ang pintig ng kanyang dibdib. Hindi biro ang kumuha ng isang bangkay at sa iba ito ay nakapangingilabot, pero handa siya itong suungin alang-alang sa ibibigay na gantimpala sa kanya. Iniisip na lamang niya na pagkatapos ng mapangahas na misyong ito, yayaman na siya.

Pumasok siya sa silid na walang kaingay-ingay. Tinanggal niya ang tela sa salaminan at muli niyang nasilayan ang bangkay ng Emperatris Ysavel na nakahimlay.

Sunod niyang inalis ang parihabang salamin at sa kanyang pagkasorpresa, hindi naman ito kasing bigat ng inaakala niya.

Binuhat ni Celso nang may pag-iingat ang mga labi ng dating Emperatris. Kataka-taka na kahit na labing-apat na taon na siyang patay, hindi pa rin naninigas ang kanyang katawan at mainit-init pa rin ang bangkay. Isa pang bagay na ikinagulat niya.

Hiniga niya muna sa sahig si Ysavel, pagkatapos kinuha na niya ang malaking sako at dahan-dahan niyang binalot rito ang bangkay. Kinarga niya ito mula sa kanyang likuran. Tagumpay na si Celso sa unang hakbang, ang kailangan na lang niyang gawin ay ang maipuslit ang mga labi na walang nakakakita. Madali na siguro ito.

Papalabas na siya ng silid ngunit pagkabukas niya ng pinto, hindi niya lubos akalain na makikita niya roon si Aling Edina na nakatayo.

"Aling Edina!" Nanumbalik ang kaba sa dibdib ni Celso sapagkat may nakakita na sa kanya. Paano pa niya mailalabas si Ysavel ngayon?"

"Celso?" hindi rin makapaniwala si Edina. "Anong ginagawa mo rito?"

Napatingin siya sa himlayan ni Ysavel at wala na roon ang dati niyang amo. Tumuon ang pangingin niya sa sakong nasa likuran nito at napagtanto niya kung ano ang binabalak nitong gawin.

"Saan mo dadalhin ang amo ko?"

"Hindi na mahalaga kung saan, napag-utusan lamang ako."

"Sandali, napag-utusan? Nino? Ni Duke Aurello? Espiya ka ba niya?"

"Wala na akong panahon pa, kailangan ko ng umalis. Pakiusap Aling Edina, huwag mo akong isusumbong."

"Hindi kita hahayaang umalis hanggang di mo sinasagot ang mga tanong ko. Hindi rin ako makakapayag na nakawin nyo si Emperatris Ysavel, namamahinga na siya kaya lubayan nyo na siya."

Nataranta si Celso sa pagbubunganga ni Edina, natatakot siya na baka may makarinig rito kaya napilitan na siyang ipagtapat ang lahat.

"Sige na nga, aamin na ko, ipinag-utos sa akin ni Aurello na kuhanin ang bangkay ng Emperatris, pero wala siyang binabalak na masama sa bangkay. Ginagawa niya lamang ito upang ipakita sa lahat ang katotohanan at mapigilan ang kasamaan ni Fierro."

Nawalan ng imik si Edina sa sinagot nito.

"Oo, alam ko ang lahat ng nangyayaring kababalaghan at kasamaan dito sa Palasyong ito. Sugo si Fierro ng kadiliman at sigurado akong alam mo rin ito, kaya kung nais mong matigil na ang paghahasik niya ng lagim sa Buong Lupain, tulungan mo kong makatakas rito kasama ang bangkay."

Naunawaan na ngayon ng katiwala ang ginagawa ni Celso, maging siya nais na ring matapos ang pamumuno ni Fierro.

"Sumunod ka, may alam akong sikretong labasan sa likuran."

Nakahinga ng maluwag si Celso nang mapagtantong tutulong na ito, "salamat, Aling Edina."

Binagtas nila ang madilim na daan sa ibaba ng Palasyo, malapit sa may bartolina. Nagtungo sila sa sikretong daluyan na dati ay pinatakpan na ni Costan ngunit muling nabuksan noong nag-aklas si Fierro. Nabigla si Celso sa nadiskobre, kahit na matagal na niyang hinahalughog ang Palasyo, ngayon lamang niya narating ito. Sinundan niya lamang si Edina na halatang sanay na sa nasabing lugar. Ilang ulit na rin niyang sinubukang tumakas gamit ang daang ito ngunit siya ay palaging nabibigo.

"Malayo pa ba tayo?"

"Malapit na," sagot ni Aling Edina. "Kumaliwa ka dyan at at kapag may nakita kang hagdan, umakyat ka, may daan na roon papalabas ng gubat."

"Maraming salamat, Aling Edina, tatanawin ko tong malaking utang na loob."

Hindi magawang tignan ni Edina si Celso nang direkta sa mata, para bang nagugulumihanan pa rin siya sa ginagawa niya. "Sige na at hanggang dito na lang ako."

Kumaliwa si Celso buhat-buhat ang bangkay nang sa hindi niya inaasahan, bigla na lamang sumulpot si Fierro sa kanyang harapan.

"Prinsipe Fierro!" Nanlaki ang mga mata ni Celso. Nakatayo lamang roon ang Mataas na Emperador, walang bahid ng kahit anong emosyon.

Nagpasya siyang magtungo sa kabilang direksyon ngunit si Tandang Ora naman ang nakasalubong niya. Sa pagkabigla, nabitawan niya ang dala-dala at maging siya ay napabagsak.

"Mukhang nagmamadali ka," saad ng mangkukulam.

"Saan ba ang lakad mo, Celso?" Malumanay na tanong ni Fierro. "Pabalik sa amo mong si Aurello?"

Noong mga panahong yun, nablangko si Celso sa pagkaligalig. Nais niya magsalita ngunit binigo siya ng kanyang bibig. "Paano nyo..."

"Akala mo ba may nakakalagpas sa akin? Alam ko ang lahat ng nangyayari sa Palasyo. Matagal ko ng batid na ikaw ang bubuwit na aali-aligid rito. Ngayon nahuli ka na namin sa aming bitag dahil sa tulong ng isa sa aking mga lingkod."

Napalingon si Celso at lumantad si Edina mula sa sulok, nakayuko at nahihiya.

"Ikaw?"

"Patawarin mo ko, Celso," naluluhang sambit ni Edina. "Hindi ko maaaring ibigay sa'yo ang amo ko."

"Mahusay, Edina. Napatunayan mong may maipapakinabang rin pala kami sa'yo. Maaari ka ng umalis."

Muling napatingin si Edina kay Celso na may pag-uusig ng kanyang konsensya. "Ano pong gagawin nyo kay Celso?"

"Hindi mo na kailangang malaman pa, umalis ka na."

Labag man sa loob, umalis na lamang si Edina gaya ng ipinag-uutos sa kanya.

***

Naalala niya ang buong pangyayari kanina lamang. Katatapos lamang niya sa kanyang mga gawain nang bigla siyang ipinatawag ni Fierro para kausapin.

"Mabuti at naririto ka na, paborito kong lingkod."

"Ano na naman bang kailangan nyo sa akin!"

"Kumalma ka at hayaan mong sabihin ko sa'yo kung ano ang ipapagawa ko sa'yo."

"Sinasabi ko sa'yo, kung gagamitin nyo lang ako sa madidilim nyong plano, patayin nyo na lang ako."

"Hindi naman kailangang umabot sa ganoon. Simple lang naman ang ipapagawa ko sa'yo. Mamaya, sa itinakdang oras ikaw ay mag-aabang sa silid ni Ysavel. Mag-aabang ka hanggang sa dumating roon ang isang taong may masamang binabalak. Ang nais ko lang gawin mo ay linlangin mo siya, pangunahan mo ang daang magdadala sa kanya sa akin. Ganoong kadali lang."

"At kung ayokong sumunod?"

"Tuluyan nang mawawala sa atin si Ysavel dahil siya ang pakay ng taong ito. Nanakawin niya si Ysavel."

Dahil sa pagmamalasakit at katapatan sa dati niyang amo, walang nagawa si Edina kundi sundin ang utos nito. Hindi niya naman inaakala na kilala niya ang taong ito, na si Celso pala ang espiya, kaya naman lalo itong naging mas mahirap para sa kanya. Ang buong akala niya, isang estranghero o kawatan lamang ang kanyang bibingwitin.

Habang tinatahak nila ang daan sa patibong, ilang ulit na sumagi sa isip niya na patakasin ng tuluyan ang kasamahan, ngunit alam niyang imposible ito sapagkat may mata si Fierro sa bawat sulok at dingding ng Palasyo. Kung papatakasin niya si Celso, tiyak na papatayin rin siya ni Fierro. Ngayon, puno siya ng pagsisisi at konsensya sa nagawa. Sigurado siyang hindi na masisilayan ni Celso ang pagsikat ng araw. Naaawa siya para kay Cymon. Hindi niya matanggap na tuluyan na siyang nagpagamit at naging instrumento sa kasamaan.

***

Pagkaalis ni Edina, tanging si Fierro at Tandang Ora na lamang ang naiwan kasama ang espiya. Nagsimula nang bumuhos ang galit ng Mataas na Emperador.

"Walanghiya ka! Balak mo pa talagang nakawin sa akin si Ysavel!"

Sinipa niya sa sikmura si Celso at ito ay napaungol sa sakit.

"Patawarin nyo po ako, Kamahalan. Napag-utusan lang po ako ni Aurello. Siya po ang may gustong makuha ang Emperatris!"

"Sa tingin ba niya maiisahan niya ako? Palagi akong lamang ng sampung hakbang sa kanya! Isa rin siyang tanga para iasa sa isang katulad mo ang kanyang mga plano! Hindi ka na dapat bumalik pa, ngayon matitikman mo ang parusa ko."

Umabot sa sukdulan ang daga sa dibdib ni Celso. "Parang-awa nyo na po, aalis na po, alang-alang sa anak ko, huwag nyo po akong patayin! Pinapangako ko pag binuhay nyo ko, walang sinuman ang makakaalam nito, aalis na po ako at hindi na ako magpapakita pa!"

"Talagang hindi ka na makikita," ngumisi si Fierro, "sino ba ang gustong makakita ng isang patay na daga?"

"Gawin mo na, Panginoon ko. Ibigay mo sa kanya ang nararapat sa kanya," udyok ni Tandang Ora.

Nagliyab ang palad ni Fierro at lalong nasindak si Celso sa nakita, napaurong siya sa pangangatog.

"Huwag!" tanging sigaw ni Celso ang maririnig sa madilim na daluyan.

***

Matapos ang ilang oras na paghahanap, tinahak nina Graison, Osylla at Cymon ang daan pabalik sa Palasyo. Hindi naging matagumpay ang paghahanap nila kay Mang Celso.

"Pasensya na at hindi namin nahanap si Mang Celso," nahihiyang sinabi ni Prinsipe Graison.

Napangiti si Cymon. "Ayos lang yun, Kamahalan. Malaki nga ang dapat ipagpasalamat ko sa inyo, sa pagtulong nyo sa akin."

"Pwede ulit natin subukan bukas," suhestyon ni Osylla.

Naglalakad na ang tatlo sa bakuran ng Palasyo nang matigilan si Cymon. Namataan nila si Mang Celso na nakatayo sa isang madilim na sulok.

"Ama?"

"Cymon," sagot nito.

"Si Mang Celso," tinuro ni Osylla sa Prinsipe.

Tumakbo si Cymon nang may pananabik patungo sa Ama. "Buti at nakabalik ka na, ilang araw akong nag-alala sa'yo."

"Sabi ko naman sa'yo, may aasikasuhin lang ako bago ako bumalik," kalmado at may kahinaan ang tinig ni Celso kumpara sa karaniwan ngunit hindi na ito inalintana ni Cymon, ang mahalaga ay nakauwi na siya.

"Ibig sabihin ba nito tuloy na ang pag-alis natin?"

"Oo, anak, aalis na tayo."

"Salamat at nakabalik kayo ng ligtas, Mang Celso," saad ni Prinsipe Graison.

"Siya nga pala, tinulungan ako ni Prinsipe Graison at Binibining Osylla sa paghahanap sa inyo kanina," ipinagmalaki ng anak sa Ama.

"Maraming salamat sa pagtulong sa anak ko, Mahal na Prinsipe."

"Wala po yun, tuloy na po pala talaga ang alis nyo?"

"Opo, Kamahalan. Huwag kayong mag-alala. Naipaalam ko na ito sa Mataas na Emperador. Maaari mo siyang tanungin."

"Saan naman po kayo patungo ni Cymon?"

"Sa malayong-malayo," biro nito. "Maya-maya ay aalis na kami."

"Mag-iingat po kayo sa inyong paglalakbay."

"Salamat," muling tinuon ni Celso ang tingin sa anak, "paano ba yan anak, kailangan na nating bumalik sa paghahakot ng mga gamit natin."

"Sandali lang, Ama. Magpapaalam lang ako sa kanila."

Ganadong lumapit si Cymon kay Graison at Osylla.

"Maraming salamat sa tulong nyo."

"Walang anuman, Cymon. Ingat kayo," pagpapaalam ni Osylla.

Sunod siyang lumapit kay Prinsipe Graison, napayuko siya nang may pagkailang.

"Mahal na Prinsipe, humihingi ako ng paumanhin sa mga inasta ko noon. Hinusgahan ko kayo. Nagkamali ako, ngayon nakikita kong karapat-dapat kayo sa lahat ng bagay."

"Kalimutan mo na yun, Cymon. Importante ayos na tayo."

"Hanggang sa muli, Kamahalan."

"Paalam, Cymon."

Napalingon muna si Cymon sa dalawa na may baong ngiti bago sila umalis ng Ama. Nagtungo naman si Graison at Osylla pabalik sa kastilyo.

***

"Tara, Cymon," nanguna si Celso sa paglalakad.

Nagtaka si Cymon sapagkat sa ibang direksyon papunta ang Ama.

"Ama, saan tayo pupunta? Akala ko ba maghahakot na tayo?"

"May ipapakita muna ako sa'yo, mabilis lang to."

Nagtungo si Celso sa isa sa mga sikretong daluyan sa Palasyo na nakatago sa damuhan. Bumaba siya rito at inalok niya ang anak na nagsimula nang magtaka. Ngayon lamang niya nalaman na mayroon palang daanan rito.

Pagkababa nila, lalong namangha si Cymon sa malaking lagusan sa ilalim ng pinakababang palapag. Hindi na siya komportable lalo na at nananahimik ang Ama, gayunpaman sumunod pa rin sa kanya.

"Ama, ano na naman ba to? Ano bang papakita mo sa akin?"

"Sandali na lang, makikita mo rin."

Tumigil si Celso sa isang sulok at sumunod naman sa kanya si Cymon.

"Ito na, tignan mo."

Lumapit si Cymon upang tignan ang ipapakita nito. Nanlaki ang mga mata niya sa nasaksihan, kumulo ang sikmura nito at muntikan ng maduwal kung hindi lamang niya tinakpan ang bibig niya.

Tumambad sa dalawa ang isang nakapangingilabot na bangkay. Tustado ang buong pangangatawan nito. Hindi na matutukoy ang pagkakakilanlan nito sa sobrang itim. Agad niyang inalayo ang paningin niya rito. Ang tignan ito ay hindi niya maatim.

"Ama...anong? Sino ba ito?"

"Siya ang Ama mo," binunyag ni Celso.

"Ano?" Lalong naguluhan si Cymon sa pinahayag nito, paanong magiging ito ang kanyang Ama kung ang kaharap niya ay si Mang Celso?

Sa kanyang pangingilabot, biglaan na lamang nag-iba ang anyo ni Mang Celso sa harapan niya at ito ay naging isang matandang mangkukulam.

"Hindi ito mo ito inaasahan?" isang nakapangingilabot na ngiti ang pinakita ni Ora sa binatilyo.

Napaurong si Cymon sa pagkasindak, halos tumayo na ang lahat ng balahibo sa katawan niya.

"Siya nga ang Ama mo."

Unti-unti ng nauunawaan ni Cymon ang lahat, nagpapanggap lamang si Tandang Ora bilang Celso. Napatingin siya sa bangkay at napagtanto niya sa kanyang puso na ito nga ang kanyang Ama. Napahagulgol sa pag-iyak ang binatilyo habang nilalapitan ang sunog na bangkay.

"Ama! Anong ginagawa nyo sa kanya? Napakasama nyo!"

Hindi namalayan ni Cymon na naroroon na sa kanyang likuran si Fierro.

"Patawarin mo ko at kailangan pang umabot sa ganito. Nagtraydor ang iyong Ama sa Imperyo. Nakipagsabwatan siya sa kaaway. Ginawa ko lamang ang tungkulin ko bilang Mataas na Emperador."

Tumindig si Cymon, hinarap niya si Fierro at tinignan ito nang may pagkasuklam.

"Alam kong nais mo ng makasama ang iyong Ama, kaya hindi ko na ito patatagalin pa."

Tinignan siya ni Fierro nang mata sa mata at isang pitik, bigla na lamang nagliyab ang apoy sa katawan ni Cymon mula sa kanyang kainatatayuan. Naghihiyaw siya sa init nito at umabot sa sukdulan ang pamimilipit ng binatilyo habang siya ay unti-unting tinutupok ng apoy.

Walang kakurap-kurap si Fierro at Tandang Ora habang pinagmamasdan nila ang bago nilang biktima.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro