Kabanata 15: Covel
-Kanlungan ng Kanluran-
Inuugay ni Itoi ang espadang kahoy na bagong gawa ng kanyang Ama. Ilang oras na rin ang nagdaan mula noong lumakad ang Kapatiran upang hanapin ang tumakas na bihag. Sila lamang ni Ermin ang naiwan sa kuta kaya naman mabilis siyang naburyo at naisipan ng Ama na gawan siya ng bagong laruang pagkakaabalahan habang hinihintay si Covel at ang Kapatiran.
Habang abala ang anak, nagtungo si Ermin sa malaking silyang pinagbihagan kay Jiaruz. Hanggang ngayon, hindi pa rin siya mapakali sa kahihinatnan ng pagtakas nito. Dalawa lamang ang posibleng mangyari: magtatagumpay ang Kapatiran na mahuli siya at maibalik bago pa man siya magdala ng pinsala sa kanilang lahat o siya ang magtatagumpay na isuplong sila sa Mataas na Panginoon. Kinatatakutan niyang mangyari ang ikalawa.
Napatingin si Itoi sa Ama at nahalata ng bata na ito ay nakatulala malapit sa may silya kung saan niya nakilala ang bago niyang kaibigan.
"Nakauwi na Kuya Jiaruz?"
"Hindi," tugon ni Ermin, "tumakas siya at hinahanap siya ngayon ni Kulev at ng Kapatiran para ibalik rito."
"Bakit hanap siya Kulev? Di ba dapat pauwi nila Kuya Jiaruz, siya kawawa, puro siya dugo, pasa, sugat. Bakit ayaw nyo pakawalan siya?"
Nag-isip ng mairarason ang Ama ngunit alam niyang sa kabila ng kalagayan ni Itoi, may angkin rin siyang talino at hindi siya basta-basta malulusutan, mabuti pang ipagtapat na niya sa bata ang katotohanan kaysa magsinungaling.
"Kaaway kasi ng Kapatiran ang Kuya Jiaruz mo kaya hindi siya maaaring umalis."
"Kaaway? Pero siya bait naman. Siya bago ko kaibigan. Pagbalik po ba niya, gamutin natin sugat niya?"
Pasagot pa lamang si Ermin nang maantala sila sa ingay na nagmula sa daluyan. Narinig nila ang mga yabag ng paa. Batid nilang nakabalik na ang Kapatiran mula sa kanilang paghahanap.
Sinalubong sila ng Mag-Ama at nadatnan nila ang Kapatiran na taranta at ligalig pa sa mga kaganapan. Sa pangunguna nina Covel at Kapitan Haurre, nagmamadali ang lahat. Akay-akay nina Ancho at Tukmul ang walang malay na bihag habang si Toro at Ronis naman ang may alalay kay Nolan at Kamlon.
"Anong nangyari?" Bungad ni Ermin kay Covel.
"Napalaban kami. Muntik na siyang madakip ng mga Tagapuksa, buti na lang at naabutan namin kaso nga lang napuruhan siya."
Napasulyap si Ermin kay Jiaruz at nasilayan niya ang lapnos nito sa katawan.
"Bilis, kailangang magamot agad ang lapnos niya, ako na ang bahala," agad niyang inalok ang pinakamalapit na tolda sa kanilang pwesto. "Ihiga nyo siya ng patalikod."
Pumasok sila sa loob at dahan-dahang hiniga nina Tukmul at Ancho ang bihag gaya ng suhestyon ni Ermin.
"Ano ang tingin mo?" Tinanong siya ni Haurre na halata ang pagkabalisa sa kanyang tono. "Sa lagay niya, makakayanan pa ba niya?"
"Malaki ang pinsala ng apoy sa kanang likod niya. Markado na siya ng lapnos, pero mabubuhay pa siya kung maaagapan."
"Sina Nolan at Kamlon rin sugatan," pinasok rin ni Toro at Ronis ang mga sugatang kasama. Hiniga nila ang dalawa sa kabilang kama malapit sa bihag.
"Huwag nyo na kami alalahanin, mababaw lang to," paninigurado sa kanila ni Kamlon.
"Ako na ang gagamot sa kanila," nagpresinta si Jualem.
"Salamat Jualem," pagkatapos kay Ermin naman lumingon ang Pinuno. "Siguraduhin mong mabubuhay ang bihag."
"Susubukan ko, may alam kong paraan ng panggagamot sa sunog, natutunan ko ito sa Kabundukan."
"Tama si Ama, kung mayroon mang makakagamot sa bihag, siya yun."
Naalala ni Covel na noong naninirahan pa sila sa Bundok ng Nievah, tinuruan ang Ama kung paano gamutin ang mga sugat, paso, gasgas, hiwa at iba pang pinsala. Ilang beses na rin silang naremedyohan ng Ama sa tuwing siya ay nasusugatan at nagagasgasan sa pag-akyat ng Kabundukan.
Muling Siniyasat ni Ermin ang pinsala ni Jiaruz at nag-isip kung ano ang maaari niyang gamitin panggamot.
"Kailangan ko ng kahit anong malamig...yelo-yelo, dalhan nyo ko ng yelo, samahan nyo na rin ng ibang halamang dala ko. Kunin nyo dun sa tolda ko. Itoi, samahan mo ang Kuya Tukmul mo."
"Tara, Kuya Tukmul," masiglang hinila ng bata at malapatpat na braso ni Tukmul.
Pagkabalik nila dala ang mga kagamitan, sinimulan na ni Ermin ang panggagamot. Dinampian niya ng yelo ang likuran ng bihag, sunod, nilanggasan naman niya ito ng mga halaman at pinahiran ng pulot-pukyutan ang namumulang bahagi.
Mapalad pa rin talaga siya at naririto si Ama, siguradong makakaligtas na siya.
Napailing si Toro na tutol pa rin sa pagtulong nila kay Jiaruz.
"Ano ba tong ginagawa natin, Pinuno?"
"May sinasabi ka, Toro?"
"Bakit niligtas pa natin ang hayop na yan? Dapat hinayaan na natin siyang mamatay sa kamay ng mga kasamahan niya. Tutal muntik na niya tayong ipahamak sa pagtakas niya!"
"Toro, huwag kang magpadalos-dalos sa emosyon mo," pinakalma siya ng Pinuno.
"Hindi pa huli ang lahat para itama natin ang kalokohang to. Isang utos nyo lang at liligpitin ko na yan ngayon mismo."
Hahablutin na sana ni Toro ang tarak mula sa kanyang bulsa para ambaan ang bihag ngunit pinigilan ni Haurre ang kanyang kamay bago pa niya ito mailabas.
"Wala kang gagawin sa bihag, hindi mo pa rin ba nauunawaan hanggang ngayon? Kailangan natin siya ng buhay!"
Nagtaka rin si Gavielle sa mga desisyon ni Haurre at hindi na rin niya napigilan na ihayag ang kanyang saloobin, "Pinuno huwag nyo sanang masamain, pero kahit ako, naguguluhan na ring unawain ang lahat. Bakit ba natin siya tinutulungan? Hindi siya nararapat sa malasakit natin. Walang kasing sama ang taong ito at nararapat siyang mamatay."
Napansin ni Covel na nilalamon na rin si Gavy ng kanyang pagkamuhi kaya nagpasya na rin siyang magsalita para sa bihag.
"Gavy, alam ko malaki ang galit mo sa bihag ngunit nararamdaman ko, may natitira pa sa kanyang kabutihan, bakit hindi natin siya bigyan ng pagkakataon? Baka magbago pa siya."
"Nahihibang ka na, Mahal na Prinsipe. Ang mga taong katulad niya wala ng pag-asang magbago pa. Sagad na sa buto ang kasamaang nananalaytay sa pagkatao niya."
"Sang-ayon ako, kaya dapat tapusin na natin siya bago niya tayo ipahamak lahat," sambit ni Toro.
Susugurin na sana niya ulit ang bihag nang biglang humarang si Covel sa daan niya. "Hindi ako papayag na patayin nyo siya."
"Kung ganun, ako ang makakabangga mo!"
"Magsitigil na kayo," pumagitna na si Haurre sa tumitindi nilang iringan. "Walang patutunguhan ang bangayang ito. Mananatili ang aking pasya, walang sinuman ang magtatangka sa bihag. Ang mahalaga ngayon, naibalik na natin siya at hindi tayo natakasan. Kailangan natin siya, bilang Komandante, isipin nyo na lang ang laki ng maitutulong niya pag nagkataon. Sigurado ako sa pamamagitan niya, mapipigilan natin ang operasyon nina Lodell, para mangyari yun, dapat nasa panig natin siya, pero hindi ibig sabihin noon na kakalimutan na natin ang mga kasalanan niya."
Natigilan si Haurre at tila napaisip. "Ang ipinagtataka ko lang ay kung paano talaga siya nakatakas... Malinis ang pagkakakalag ng kadena..."
Muling pumasok sa gunita ng Pinuno ang pangungutya ni Jiaruz at isang salita ang tumatak sa kanya. "Ahas."
"Hindi kaya...tama ang hinala ko..."
"Anong hinala?" tanong ni Toro, wala siyang kaalam-alam kung ano ang tinutukoy ni Haurre.
Nagpakawala ng buntong hininga si Haurre, "Patawarin nyo ko at naglihim ako sa inyo. Tanda nyo ba noong binigyan ko kayo ng oras para makalabas sa kuta? Noong mga panahong iyon binigyan ko ng misyon si Prinsipe Covel at ang iba pa para maging mga mata ko. Sinadya kong gawin yun para manmanan kayong lahat."
Hindi inaasahan ng lahat ang pagsisiwalat ng kanilang Pinuno. Maliban kina Buto, Bilbel at Ancho, walang ni isa sa kanila ang nagsuspetsa at sila ay nagulantang.
"Bakit naman po, Pinuno?" tanong ni Jualem. Natandaan nya ang araw na iyon sapagkat ito ang huling beses na nakausap niya ang nangtangkwil na Ama.
"Noong natambangan ako sa ilog, nagkaroon ako ng masamang kutob na baka mayroong isang traydor sa ating puder na naglalantad ng mga plano at kilos natin sa mga Tagapuksa."
Nabalot ng katahimikan ang Kapatiran sa ipinagtapat ni Haurre. Napatingin sila sa isa't-isa at tinubuan ng takot at pagdududa.
"At ang traydor na ito ang nagbukas ng kandado para makatakas ang bihag." Napagtagpi ni Toro ang pinupunto ni Haurre. Napalingon siya bigla kay Gavy na may masamang tingin. "Ikaw! Nasa iyo ang susi! Ikaw siguro ang nagpatakas sa bihag! Ikaw ang traydor!"
Hindi makakurap ang dalaga nang ituro siya ni Toro. Kanina lamang ay nasa panig niya ito at tugma ang kanilang mga sentimyento. Sadyang kay bilis magbago ng ihip ng hangin.
"Naririnig mo ba ang sinasabi mo? Malaki ang kasalanan niya sa akin. Bakit ko naman siya patatakasin?"
"Malay ko, ikaw ang pinakabago rito, malay ba namin kung may sabwatan kayo ni Jiaruz. Paano kung isa ka palang bayarang babae at ikaw rin mismo ang nagsuplong sa kapatid mo dahil ang totoo nasa panig ka ng mga Tagapuksa!"
"Hindi ko hahayaang bastusin mo ko ng ganito!" Pinanindigan ito ni Gavielle. "Alam ninyong lahat na sukdulan ang galit ko sa bihag. Kilala nyo ko."
"Kilala ka nga ba namin talaga?" binalik sa kanya ni Toro ang tanong. "Traydor!"
Nagawang makumbinsi ni Toro ang iba pang mga kasapi at tinignan rin nila ng masama ang dalaga na para bang siya ang kaaway.
"Umamin ka na, nagpapanggap ka lang ba? Espiya ka ba ng mga Tagapuksa?" udyok ni Ronis.
Maging si Covel ay hindi makapaniwala sa mga pahayag nila. May irinigan man sila ngayon ng dalaga, hindi niya pa rin magagawang pag-isipan ng masama ang dalaga. Nauunawaan niya ang sitwasyon nito dahil minsan na rin niyang naranasang mahusgahan ng Kapatiran. Alam niyang dapat may gawin siya.
Ipagtanggol mo siya. Hahayaan mo bang pagkaisahan siya?
"Tigilan nyo na si Gavy," buong tapang niyang sinaway si Toro. "Naniniwala ako sa kanya. Nakakalimutan nyo na bang pinigilan niya si Itoi noong muntik na niyang kalagan ang bihag kahapon? Nakita ko kung gaano siya kasigasig sa pagbabantay. Sa totoo nga ang bihag ang dahilan kung bakit kami nagkaroon ng di pagkakaunawaan. Hindi tama na paratangan mo siya kung wala ka namang patunay. Kaibigan ko siya at isa siyang miyembro ng Kapatiran. Buo ang tiwala ko sa kanya na hindi siya ang traydor dahil mabuti siyang tao."
Natigilan ang dalaga sa kanyang kinatatayuan. Nasorpresa din siya na kahit may alitan sila at ilang ulit na niyang sinungitan at di pinakitaan ng maganda ang Prinsipe, nagawa pa rin siya nitong ipagtanggol kay Toro at sa iba pa nilang kasamahan.
Napalingon si Covel sa kanya. Isang maamong ngiti ang sinagot ni Gavielle bilang pasasalamat. Napatango naman sa kanya ang Prinsipe, nagagalak dahil pinahalagahan ng dalaga ang pagtatanggol niya sa kanya. Nawa ito na ang daan para magkaayos sila.
"Bahala kayo, basta ako wala ng tiwala sa kanya," patuloy na nagmatigas si Toro.
"Husto na, Toro," saad ni Pinunong Haurre. "Imposibleng si Gavielle ang traydor sapagkat wala pa siya sa ating pangkat noong tinambangan ako sa ilog. Hindi pa natin napatunayan kung mayroon talagang taksil sa samahan. Walang nakakaalam kung ano ang nangyari at kung paano nakatakas ang bihag. Maaaring gawa-gawa niya lang ang kwento upang paglaruan ang mga isip natin at pagwatak-watakin tayo. Posibleng bihasa siya sa pangungutingting ng kadena at ginamit niya ang nalalaman para makatakas."
"Ayun na nga, walang nakakaalam. Nakakapagtaka na ilang ulit na tayo nabulilyaso."
"Nauunawaan ko ang himutok mo, dapat maging alerto at mapagmatyag pa rin tayo sa kilos ng bawat isa at ganoon na rin sa bihag. Hindi natin alam kung kailan mauubos anh swerte natin. Maaaring nalagpasan natin ito, pero hindi natin masasabi sa susunod. Ermin, kamusta siya?"
"Nagamot ko na ang lapnos niya, normal pa naman ang pulso niya, kailangan niya lang magpahinga at magpalakas ng ilang araw."
May dahilan kung bakit pa siya binuhay...isang bagay na lang ang aming pinag-aalala, may traydor nga ba talaga? Kung mayroon man, alam na niya ang pagkatao ko. Naiulat na kaya niya ito kay Lodell?
-Kampo ng Kamatayan-
Sa isa mga tolda ng Kampo, rumirindi sa tenga ang nakabubulabog na ire mula sa isa sa mga kababaihang bilanggo. Kasalukuyang nanganganak ang bagong dating na Puttlan at siya ay inaalalayan ng isang komadronang nabibilang rin sa parehong lahi.
"Malapit na, sige lang, iire mo pa," sabi ng komadrona sa babae habang siya ay nakaabang na sa paglabas ng bata.
"Di ko na kaya," naluluhang sagot ng babae. Suko na siya sa nararamdamang pamimilipit. Maaaring nasa dalawampu lamang ang kanyang edad. Siya ay isang bagong ina lamang at hindi pa niya nararanasan ang hirap ng panganganak.
"Kaya mo, saglit lang yan, magtiwala ka sa akin."
Humawak ang babae sa palad ng komadrona at kahit papaano ay nakaramdam siya ng katiting na ginhawa at kapanatagan.
"Subukan natin ulit, itulak mo lang."
"Aaaaahhhhhhhhh!" Umabot sa sukdulan ang pag-ire ng babae, nagalit na ang ugat niya sa noo at namula ng bahagya ang maputla at hirap niyang mukha.
Ilang saglit lamang, narinig na nila ang iyak ng sanggol. Matagumpay ang panganganak niya.
"Lalaki, lalaki ang anak mo," masayang pinaalam ng komadrona.
Akay-akay niya ang sanggol na puno pa ng dugo. Pinutol niya ang nakakonektang pusod at nilinis ito gamit ang isang malinis na tela, pagkatapos ay dahan-dahan niya itong nilapag sa kanlungan ng Ina.
"Napakagwapong bata. Manang-mana sa Ina."
"At sa kanyang Ama, sayang at wala na siya," pinupog niya ng halik sa ulo at noo ang sanggol na kumalma na sa pag-iyak. Matapos ang matinding hirap, umaapaw na kaligayahan naman ang naranasan niya nang masilayan ang anak.
Ilang linggo lamang ang nakakaraan, napaslang ang kabiyak niya noong sila ay tinugis ng mga Tagapuksa sa kanilang pinagtataguan. Nanlaban ito sa mga umuusig sa kanila at inalay niya ang buhay para sa kanyang mag-ina. Sa kabila nito, nahuli pa rin siya ng pwersa ni Demetria.
Mula sa kawalan, isang anino ang sumulpot malapit sa kanila at nagambala ang ilang minutong kapayapaan sa kampo. Ang anino ay sa manggagamot na si Alorde. Natakpan ng matangkad niyang postura ang liwanag. Nakatuon ang tingin niya sa Mag-Ina, nakangisi na parang aso, halatang natutuwa siya sa kanyang nadatnan.
"Nanganak na pala ang bago nating panauhin, mainam. Hinihintay ko ang araw na ito."
Bumalik ang pamumutla ng Ina sa presensiya nito at siya ay napahawak nang mahipit sa anak.
"Gusto ko siyang makita ng malapitan, iabot mo sakin," utos niya sa Komadrona.
"Mahal na Manggagamot, kabibigay ko lang po ng sanggol sa kanyang ina."
"Hindi mo ba narinig ang utos ko, gusto ko itong makita," malumanay ngunit may diin ng panggigigil sa tinig ni Alorde.
Labag man sa loob, napasunod na lamang ang komadrona sa Manggagamot. Noong kukunin niya ang sanggol, ayaw itong ibigay ng kanyang ina.
"Hindi."
"Titignan lamang niya sandali," saad ng nagpaanak at sa huli ay wala ring nagawa ang babae kundi inabot ang sanggol sa kanya.
Agad itong kinuha ni Alorde, pinagmasdan at tila inaaral nang maigi ang bawat detalye ng sanggol.
"Hmm, malusog at kaaya-aya ang bata. Maraming salamat sa paghandog mo sa akin."
"Anong ibig nyong sabihin?" nagtaka ang Ina.
"Mula ngayon, pag-aari ko na ang batang ito, mapapakinabangan ko siya. Malaki ang maiaambag niya sa kaunlaran ng lahing Erroiah."
Naglakad papalayo si Alorde papalabas ng kampo.
"Anong gagawin nyo sa anak ko, ibalik nyo siya sa akin!"
Hindi pinansin ni Alorde ang babae at siya ay tuluyan ng lumabas ng tolda.
"Mga hayop kayo! Ibalik nyo ang anak ko!" naging mas malakas pa ang sigaw niya kumpara sa pag-ire niya kanina.
Sinubukan niyang tumayo ngunit pinigilan siya ng komadrona. Makakasama ito dahil kapapanganak niya pa lang.
"Tama na, wala na tayong magagawa. Isipin mo na lang ang buhay mo!"
"Ang anak ko!"
Tumatangis na napasandal ang babae sa piling ng komadrona.
***
Sa kanyang laboratoryo, isinagawa ni Alorde ang kanyang eksperimento. Tapos na niyang sipsipin ang sariwang dugo mula sa mga bagong silang na sanggol. Nilagay niya sa malaking garapon ang bangkay ng sanggol kasama pa ang ibang mga sanggol na nakahilera sa kanyang estante. Iniipon niya ang dugo upang pag-aralan kung may maitutulong ba ito upang mapabagal o mapigilan ang pagtanda ng mga lahing Erroiah. Isang bagay ang kanyang minimithi, ang maging imortal at dayain ang kamatayan.
Maya-maya, pinuntahan niya ang sanggol ng babaeng Puttlan na nilagay niya muna pansamantala sa kuna. Hindi niya muna sinama ito sa mga pinroseso niya.
"Dyan ka lang muna, hihintayin muna kitang mahinog bago kita pitasin at kunin ang iyong katas."
Walang imik ang sanggol at mahimbing ang pagtulog nito.
Bukod sa mga sanggol, tipo rin niyang biktima ang mga kambal. Nais niyang tuklasin kung nagtataglay sila sa kanilang katawan ng isang bagay na magbibigay kakayahang maglikha ng isang bagong nilalang na identikal sa kanilang anyo. Sa tuwing may dinadala siyang kambal, isa na lamang ang nakababalik kung papalarin at kapag sila ay nakabalik, hindi na sila katulad ng dati. Karaniwan bulag na ang isa nilang mga mata, kulang ang bahagi ng katawan o di kaya ay baog at wala ng ari. Sa tuwing siya ay tatanungin kung nasaan na ang kakambal, ito ang sinasagot niya: "dalawa naman sila, wala namang problema kung kukunin ko ang isa."
Maraming tsismis at haka-haka kung ano ang ginagawa ni Alorde sa kanyang mga pasyente. Ang balita, marami pa siyang "ritwal" at nakapangingilabot na eksperimentong para lamang sa matitibay ang sikmura. Ilan dito ay ang pagpatak sa mata ng isang likido upang baguhin ang kulay nito, pagkasta sa mga kalalakihan para pag-aralan ang kanilang itlog at pangongelekta ng mga lamang loob, sinasabing pinag-aaralan niya ang mga ito at ang iba naman ay nilalagay niya sa garapon bilang koleksyon.
Isa sa nakagigimbal na pag-aaral niya ay ang pagputol sa braso ng kanyang mga pasyente. Susubukan niyang idugtong ito sa katawan ng isang taong walang braso at aalamin kung ito ba ay mapapagalaw.
Minsan ay kinwestyon siya ng isa sa kanyang mga alalay, "Akala ko po ba walang lugar sa Kanluran ang mga mahina, may kapansanan at kulang-kulang kahit na sila ay purong Erroiah, bakit ganitong pag-aaral ang isinasagawa nyo?"
"Ginagawa ko rin ito upang manatiling perpekto ang Lahing Erroiah, sabihin na lang natin na may isang kababayan natin ang nawalan ng kamay o paa sa isang aksidente o digmaan. Kung magtatagumpay ang pag-aaral ko rito, hindi na sila mananatiling kulang-kulang at baldado, para sa kanila ko ito ginagawa, hindi para sa mga Kanluraning pinanganak ng ganito."
"Pero bakit mga Itmai at Puttlan ang kinukuha mo?"
"Dahil masydong mahal ang buhay at dugo nating mga Erroiah. Sabihin na lang natin na sila ang mga "alay" na sasakripisyo ko alang-alang sa ating pag-unlad. Sa kanila ko muna susubukan at kapag ako ay nagtagumpay maaari na natin itong isagawa sa mga kalahi natin. Gumagawa tayo ng kasaysayan dito. Sa hinaharap, kapag lalo pang lumago ang larangan ng agham dito sa Kanluran, iisang pangalan lamang ang titingalain nila, at yun ay ang manggagamot na si Alorde."
Totoo sa kanyang salita, walang ni katiting na konsiderasyon si Alorde sa kaligtasan ng kanyang mga alay. Wala siyang pagpapahalaga sa buhay ng tao. Wala siyang pakialam kung sila ay mamatay sa proseso, ang mahalaga ay magawa niya ang kanyang pag-aaral nang walang limitasyon. Sa ngayon, wala pang nagtatagumpay sa mga ito at nagbubunga lamang to ng kamatayan sa mga kaawa-awang Itmai at Puttlan, mga bangkay na idadagdag sa nauubos nilang bilang.
***
Sa bakuran ng kampo, taas-noong, nagpapatrolya si Wharen gaya ng nakasanayan. Hanggang ngayon ay siya pa rin ang humahalili kay Lodell sa pagpapatakbo ng kampo at sinusulit niya ang bawat segundong lumilipas, pwera na lang kung makasalubong niya si Alorde, sa kabila ng kanilang alyansa at tugmang ideyolohiya, siya pa rin ang paksa ng kanyang inis at pagkairita. Kinaiinisan niya ito sapagkat ito lamang ang tanging taong kayang magpabaliktad ng sikmura niya.
Habang naglalakad, nakasalubong niya ang isang mababang Tagapuksa na may hawak na piraso ng papel.
"Ano yan at saan mo dadalhin?"
"Iniwan lang po ng isang lalaking nakatakip ang mukha. Mensahe para daw po sa Mataas na Panginoon."
"May sakit pa si Panginoong Lodell, hindi pa siya makakatanggap ng mga mensahe, ibigay mo sa akin."
Hindi makaimik ang Tagapuksa, nagtatalo pa ang isip niya kung ibibigay ba niya sa Mataas na Komandante ang mensahe o hindi.
"Ibibigay mo ba sa akin yan o ikaw ang ibibigay ko sa mga aso? Tamang-tama hindi ko pa sila napapakain."
Sa takot kay Wharen, napilitan na lamang siyang ibigay ang sulat sa kanya.
"Lumayas ka sa harapan ko."
Nang makaalis na ang Tagapuksa, binuksan ni Wharen ang liham at binasa ang nilalaman.
"Para sa Mataas na Panginoon.
Hindi nyo pa ako nakikilala sa ngayon pero ako ay isang espiya. Tulad nyo nais ko ring pabagsakin ang Kapatiran at sa mga oras na ito, nasa puder ako nila Haurre, nakikisama sa kanila at nagbabalat-kayo bilang isang kasapi. Wala silang kaalam-alam na ako ang traydor. Susubukan ko sanang kasabwatin ang inyong Mataas na Komandante sa aking binabalak ngunit napag-alaman kong isa siyang mangmang kaya naisip kong sa inyo na mismo dumulog. Tiyak na matutuwa kayo sa malaking balitang isisiwalat ko sa inyo.
Isang taong matagal nyo ng hinahanap ang nasa pangangalaga ng Kapatiran. Isa siya sa Tagapagmana ng Imperyong Cenpyre.
Si Prinsipe Covel.
Kasapi na siya ng samahan at sinasanay siya ni Haurre na makipadigma para pabagsakin kayo at bawiin ang trono ng kanyang Ama.
Kung gusto nyo pang makibalita tungkol sa Prinsipe, abangan nyo lang at magpapadala pa ko ng mga ulat. Huwag kayong mag-alala at hindi magtatagal, ilalantad ko rin ang sarili ko sa inyo, hanggang dito na lang."
Nangatog ang kalamnan ni Wharen sa natuklasan, nanginginig niyang nilukot ang papel at nilagay sa kanyang bulsa. Nagmasid siya sa paligid upang tiyakin kung wala bang nakakita o nakapansin sa kanya.
Nakumpirma niyang tama nga ang hinala niya, mayroon ngang taksil sa Kapatiran. Sino man ito, bihasa siya sa pagpapanggap sapagkat hanggang ngayon ay buo pa rin ang tiwala sa kanya ni Haurre. Mapangahas rin ito na tawagin siyang mangmang. Ikinababahala niya ito sapagkat misteryoso ang taong ito pero higit sa lahat, mas gumimbal sa kanya ang rebelasyong natuklasan. Ang Prinsipe Covel, buhay at naririto sa Kanluran. Kasapi ng Kapatiran at kahalili ni Haurre.
Isang malaking sikreto ang kanyang nadiskobre at mananatili itong sikreto. Nakasalalay rito ang kahihinatnan, hindi lamang ng Kanluran kundi ng Buong Lupain. Mabuti na lamang at siya ang unang nakabasa ng mensahe. Hindi niya ito ipapaalam kay Lodell. Kung mayroon mang nararapat na magsuplong sa Prinsipe at makatanggap ng grasya mula sa Mataas na Emperador, siya lamang yun at wala ng iba.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro