Kabanata 14: Saraphine
-Palasyo-
Thlak thlak thlak...
Malutong ang paghiwa ni Saraphine ng mga pipino sa sangkalan. Siya at si Aling Estrella ang natalaga ngayon sa kusina upang magluto ng mga paboritong putahe ng Reyna ngunit kanina pa walang imik ang dalaga na abala lamang sa kanilang gawain taliwas sa masigla at palakwentong dalaga na kilala niya. Alintana ni Aling Estrella ang pait sa ekspresyon ng dalaga at malamang kung papabayaan niya si Sara lamang ang magluluto ng putahe, magmimistulang ampalaya ang lutuin.
"Madalas inaabot na ng umaga sa pag-uwi si Prinsipe Rionne, amoy-alak at lasing. Nabalitaan kong naging libangan na niya ang taberna."
Nagpatuloy lamang sa paghihiwa si Saraphine, hindi niya binigyang pansin ang nalaman gaya ng hindi pagbibigay pansin sa kanya ng Prinsipe nitong nakaraan.
Nag-aabang si Aling Estrella sa kanyang komento. "Anong masasabi mo?"
"Sinubukan ko namang makipag-ayos sa kanya pero hindi naman niya tinanggap. Labas na ako kapag may nangyari sa kanya."
Hindi natipuhan ng kasamahan ang pagmamatigas na tugon ng dalaga.
"Wala ka ba talagang gagawin? Sara, akala mo ba hindi ko napapansin, ilang araw ka ng wala sa sarili mo at alam kong dahil yan kay Prinsipe Rionne. Aminin mo ng may dinadamdam ka."
Tama siya, may dinaramdam nga ako...pero hindi si Rionne.
Si Aric, si Fierro, si Sarito, ang nakaraan, ang kanyang pamilya, si Pinang, ang pumatay sa kanya, ang kanyang paghihiganti at ang kanyang masalimout na mundo na hindi siya binibigyan ng kahit katiting na katahimikan. Lahat ng ito ay tila mga dambuhalang nag-aagawan para lamunin at wasakin siya. Walang sinuman ang nakakaalam kung paano pinahihirapan nito ang kanyang kalooban. Masyado pa siyang bata para pasanin ang lahat ng kabigatang ito sa kanyang buhay. Wala na siyang lakas para idagdag pa ang Prinsipe sa kanyang mga alalahanin.
"Aling Estrella, maaari bang kayo na muna ang bahala rito, kailangan ko lang mapag-isa muna."
"Mainam pa nga, nang makapag-isip-isip ka rin. Huwag kang mag-alala, ako na ang bahalang magpaliwanag pag hinanap ka ng bruhang Rhoda. Sige na."
Kinuha ni Aling Estrella ang kutsilyo sa kanya at siya na ang nagpatuloy sa paghiwa ng mga gulay.
***
Mag-isip-isip, ito nga ang ginawa ni Saraphine pagkarating niya ng kanyang silid. Napahawak siya nang may panggigigil sa kanyang unan, dito niya ibinunton ang lahat ng hinanakit. Habang walang nakakakita, kinuha niya sa ilalim ng kama ang kanyang baul. Binuksan niya ito at ang unang bagay na binigyang pansin niya ay ang matalim na tarak.
Mukhang malapit na kita magamit, malaman ko lang talaga kung sino sa inyong dalawa ang bumaboy at pumatay kay Ate Pinang, makikita nyo!
Malayo na ang narating niya ngunit dapat pa siyang magmadali tungo sa daan ng katarungan. Hindi siya maaaring madapa. Alam na niya kung ano ang susunod niyang hakbang. Mata sa mata, ngipin sa ngipin. Buhay ang kinuha kay Pinang kaya nararapat lamang na buhay rin niya ang maging kabayaran. Isang bagay na lamang ang humaharang sa pagitan ng kanyang tarak at ng salarin: Ang katotohanan.
Sa kabilang banda, isang bagay rin ang bumabagabag sa isipan niya lalo na at ilang ulit ng nagparamdam sa kanya ang nakaraan. Sa oras na magtagumpay siyang paslangin ang salarin, ano na ang gagawin niya pagkatapos? Ngayon lamang ito naging palaisipan sa kanya.
Abala ako sa paghihiganti para kay Ate Pinang pero hindi ba dapat ganito rin ang ginagawa ko para sa tunay kong pamilya? Hindi ba nararapat ring makamit ang hustisya para kanilang lahat?
Nagsusumamo rin siyang paghigantihan si Fierro mula noong makita niya itong muli. Siya ang ugat ng lahat pero batid niya ring imposible niya itong magawa ngayon? Hindi basta-basta ang kalaban. Si Fierro ang Mataas na Emperador, ang pinakamakapangyarihang tao sa Buong Lupain at sa kanyang pakikipag-alyansa kay Haring Rucaz, lalo pang lumakas ang kanyang pwersa. Samantalang siya ay isa na lamang hamak na katulong. Anong laban niya sa higanteng kanyang babanggain?
Para mapabagsak si Fierro, kailangan ko ng lakas, impluwensiya at higit sa lahat...kapangyarihan...na kayang tumapat sa kanya.
***
Lumabas si Saraphine sa kanyang silid para ipagpatuloy ang kanyang pagbabalat-kayo. Naglalakad siya sa bulwagan nang mapalingon siya sa itaas sa may balkonahe. Kasalukuyang nasa gitna ng laplapan sina Haring Rucaz at Reyna Helena. Pinupupog niya ng halik sa leeg ang Reyna na parang gusto na niyang higupin ang balat nito.
Hindi nagpahalata si Saraphine na siya ay nakamasid sa kanila. Sa unang pagkakataon, nakaramdam ng inggit ang dalaga sa Reyna. Hindi dahil sa ginagawa sa kanya ni Rucaz, kundi dahil nasa kanya ang lahat ng kapangyarihan at impluwensiya na gawin kung ano ang nais niya.
Kung siya lang sana ang nasa katayuan ni Helena ngayon, malamang may tsansa pa siyang makapaghiganti kay Fierro. Noong mga sandaling iyon, umaliwalas ang mapait na pisngi ng dalaga. Sa wakas, nakahanap na siya ng kasagutan ano ang gagawin niya matapos ang una niyang misyon.
May kasabihang walang mas makapangyarihan sa Hari maliban sa kanyang Reyna. Nakapagpasya na siya. Kapag naipaghiganti na niya si Pinang, mananatili pa rin siya sa Palasyo para sa panibagong misyon. Gagawa na siya ng hakbang para makuha ang Hari. Aalisin niya sa kanilang puder si Helena. Kailangang siya ang maging Reyna ng Silangan.
***
Kinagabihan, natapos na ang mga gawain nina Saraphine. Papasok na siya sa kanilang silid nang biglang sumulpot si Prinsipe Rionne sa may sala. May hawak itong bote ng alak, mamula-mula ang kanyang pisngi at pasuray-suray ang kanyang paglalakad. Aalis na sana ang dalaga para umiwas ngunit muli siyang napalingon rito, hindi niya rin matiis na pabayaan ang Prinsipe sa ganitong kalagayan at agad niya itong nilapitan.
"Mahal na Prinsipe, saan ba kayo nanggaling? Bakit ganyan ang itsura nyo?"
Kahit na lasing at iikot-ikot ang paningin ni Rionne, nakilala pa rin niya si Saraphine.
"Wala kang pakialam, tumabi ka dyan," malakas lamang ng bahagya sa bulong ang wala sa tonong tinig ng Prinsipe. "Hindi kita kailangan, umalis ka."
"Tutulungan ko na kayo at baka madisgrasya ka pa sa pag-akyat," inalalayan ni Saraphine ang nalulugmok na Prinsipe. Malamang galing nga ito sa taberna sapagkat amoy alak ito, gayunpaman, wala siyang naaamoy na pabango ng mga babae tulad ng ginagamit ni Uranna at ni Pinang.
Pinagtyagaan niya si Rionne paakyat sa hagdan hanggang sa marating nila ang silid nito. Dahan-dahan niya itong inihaga sa kama. Hindi pa rin natitinag ang Prinsipe sa paglalabas ng kanyang hinaing sa dalaga.
"Hindi kita kailangan..."
"Ano bang nangyayari sa'yo? Bakit mo sinisira ang sarili mo?"
"Ikaw, ikaw ang may kasalanan ng lahat," muling binungad sa kanya ni Rionne. "Nang dahil sa'yo kaya ako nasasaktan. Bakit ba kasi kita minahal ng ganito?"
Pagkatapos niya itong sabihin, nakatulog na ang Prinsipe. Hindi mapigil ni Saraphine ang pagpatak ng kanyang mga luha. Nagkamali siya, akala niya pusong bato na talaga siya pero ngayon bakit nasasaktan rin siya tuwing nakikita niyang nasasaktan si Rionne? Nadudurog ang kanyang puso na humantong sa ganitong pagkalugmok ang Prinsipe at alam niyang hindi ito nagkakamali, siya nga talaga ang dahilan. Kagagawan niya ang lahat ng ito.
Siguro nga kasama rin siya sa dinaramdam ko.
Pinalitan niya ng damit pang-itaas ang Prinsipe. Kumuha siya ng tela at gamit ang maligamgam na tubig, pinunasan niya si Rionne sa ulo, pisngi at braso. Hinaplos niya ang malambot nitong buhok at siya ay napangiti na may bahid na pighati.
"Tanga ka talaga, nagpapakatanga ka dahil sa akin."
***
Sa kalasingan, pasado hapon na nang magising si Rionne at mahimasmasan. Natagpuan niya ang kanyang sarili sa kama. Malinis na siya at nakamaayos na damit. Noong una nagtaka siya paano siya nakarating dito, hindi nagtagal sumagi rin sa naliwanagan niyang isipan ang nangyari kagabi at kung paano niya napagsalitaan si Saraphine. Galit siya sa dalaga, masama ang loob, ngunit hindi niya pa rin magagawang sabihin ang mga bagay na ito kung siya ay nasa tamang katinuan. Napailing si Rionne at napakamot sa kanyang ulo. Pinagpalagay na lamang niya na hindi siya ang sumambit sa mga salitang ito, kundi ang alak na kanyang nilaklak.
-Taberna-
Pagsapit ng gabi, nagtungo na ulit siya sa taberna upang magpakalasing. Ilang araw pa lamang siya nagpupunta rito at pinupupog na siya ng mga babaeng nag-aagawan para sa kanyang atensyon. Kilala nilang isa siya sa mga Prinsipe, ang mas matino sa kanilang dalawa. Nakikihalibilo naman siya sa mga babaeng aali-aligid, iyon nga lang madalas hanggang halik lamang ang kayang ibigay sa kanila ni Rionne sapagkat mabilis siyang mawalan ng malay kapag nalalasing. Wala pa siyang nagagalaw ni isa sa mga babae at sa tuwing sila ay mamimilit, inaabutan lamang sila ni Rionne ng maliliit na sako ng pera. Lasing man siya, hindi niya pa rin gawaing tumikim ng iba't-ibang putahe ng taberna. Hindi talaga siya katulad ni Rigo. Naririto lamang siya upang magpalipas oras, makaalis sa kinamumuhiang Palasyo at makalimutan si Saraphine nang pansamantala.
Ngayong gabi, naghinay-hinay si Rionne sa pag-inom ng alak. Hindi tulad dati, ilang lagok lamang at tinigilan na niya. Mahirap na at baka kung ano uling masasakit na salita ang masambit niya kay Saraphine. Habang siya ay nakaupo sa kanyang pwesto sa may sulok, naglakbay ang kanyang paningin sa paligid. Ilang mesa lamang malapit sa kanya, namataan niya ang isang maton na sarap na sarap sa paghalik sa babaeng nakakandong sa kanya. Ang isa naman ay nagsasayaw sa harap ng mga kalalakihan at halos kita na ang kanyang kaluluwa. Sa mga pribadong silid naman, rumirindi sa pandinig ng Prinsipe ang pagtalbog ng mga kahoy na kama at ang pag-ungol ng mga babaeng tinitira. Tila nauntog si Rionne pabalik sa katotohanan at siya ay natauhan kung ano nga ba ang ginagawa niya sa lugar na ito.
Nagsimulang humilab ang kanyang sikmura at siya ay nagmamadaling lumabas. Nasuka ang Prinsipe sapagkat hindi na niya kayang sikmurain ang nakikita sa loob.
"Kailangan mo ng tulong?" lumapit ang isang babaeng nakabalabal at inabutan niya ng tela ang Prinsipe.
"Maraming salamat," kinuha ni Rionne ang tela nang hindi tinitignan ang nagbigay at pinunasan niya ang kalasingan sa kanya.
Lumapit ka sa kanya ang babae at muli siyang kinausap, "mukhang may problema kayo, Mahal na Prinsipe."
"Marami nga ho, pero hindi nyo na kailangan malaman pa."
Lumingon ang Prinsipe. Namukhaan niya ang nasabing babae kahit na ito ay nakasuot ng mahabang kasuotan. Si Uranna.
"Kilala kita, ikaw ang namamahala sa mga babae dyan sa taberna."
"Ako nga, mabuti at natatandaan nyo pa ako."
"Anong ginagawa mo rito, bakit hindi ka pumasok sa loob?"
May bahid ng lumbay at problema ang matamlay na aura ni Uranna. "Sinubukan ko namang pumasok kanina pero hindi na nila ako pinayagan. Wala akong kamalay-malay na tinanggal na pala nila ako."
"Anong nangyari?"
"Nagkabaon-baon ako sa utang sa amo ko na may-ari ng taberna, kaya pati ang lupa at ari-arian ko kukunin na nila bilang kabayaran."
"Kawawa naman pala kayo."
"Nagkamalas-malas ako mula noong mamatay ang pamangkin ko."
"Namatay po ang pamangkin nyo?"
"Siya yung hinalay at natagpuang patay doon sa kakahoyan, kumakailan lang. Nabalitaan nyo naman po siguro yun. Imposible namang wala kayong alam tungkol dito."
Hindi akalain ni Rionne na mayroon pa palang magpapabaliktad sa sikmura niya matapos ang nasilayan sa taberna kanina. Nadiskobre niyang si Uranna pala ang tiyahin ng isa sa mga biktima ni Rigo. Walang maisagot ang Prinsipe at napahakbang siya nang bahagya paurong sa kanya. Nagsimula siyang usigin ng kanyang konsensya.
"Kaya sinadya kita ngayon, Mahal na Prinsipe. Kakapalan ko na ang mukha ko. Kailangan ko ng tulong mo para mabayaran ko ang lahat ng utang ko at hindi ako mapaalis sa tahanan ko. Alam ko ang katotohanan, huwag kayong mag-alala at hindi ako magsasalita. Ang hinihingi ko lang ay katiting na tulong bilang bayad-perwisyo sa sinapit ng pamangkin ko, wala ng iba. Nagmamakaawa ako, kayo na lang ang pag-asa ko."
Tuluyan nang napatangis si Uranna. May paghihinay na lumapit si Rionne at tinapik ang kanyang balikat bilang pag-agapay. Tunay na nahahabag siya sa kanya.
"Huwag kang mag-alala, dudulog ako sa Hari para mabigyan kayo ng tulong. Gagawin ko po ang makakaya ko."
Hiningi ng Prinsipe ang lugar ng tinitirahan ni Uranna at agad naman niya itong pinaalam.
"Mag-abang lang kayo, mamaya darating ang tulong sa inyong pinto, pinapangako ko."
"Ngayon pa lang po nagpapasalamat na ko sa inyo, Kamahalan," maluha-luhang sinagot ni Uranna.
Nagmadali si Rionne pabalik sa Palasyo.
-Palasyo-
Naiwan ang init ni Rucaz sa upuan at sandalan ng kanyang Trono. Papaalis na siya ng Pangunahing Bulwagan para magpahinga nang biglang pumasok si Rionne na nagmamadali at naghahabol ng hininga.
Hindi inaasahan ng Hari ang presensiya niya, sa totoo lang ni hindi nga sumagi sa isip niya ang kapatid noong mga nagdaang araw.
"Rionne, anong ginagawa mo rito?" Pinagmasdan niya ang magulong anyo ang Prinsipe at nalanghap niya ang hanging dala nito sa kanyang pagpasok. "Amoy alak ka pa, huwag mong sabihing ikaw ang papalit kay Rigo sa taberna at magiging sakit ng ulo ko!"
"Galing nga ako ng taberna, Kamahalan, at may kailangan kayong malaman."
"Ano na naman yan?"
"Napag-alaman kong naroroon ang tiyahin ng isa sa mga biktima ni Rigo, naghihikahos siya ngayon sa buhay at humihingi siya ng tulong mula sa atin."
Napasandal sa kanyang palad ang Hari. "Tanda ko nabigyan ko na ng tulong ang pamilya ng mga biktima."
"Hindi ang isang ito, ngayon lang siya nagkaroon ng lakas ng loob na humingi dahil wala na siyang pagpipilian."
"Sigurado ka bang mapapagkatiwalaan yan? Baka mamaya lokohin at saksakin tayo nyan patalikod, hindi maaaring lumabas ang sikretong ito."
"Wala siyang balak na magsalita, hangad lang niya ang tulong natin. Sana man lang maibigay natin ito sa kanya nang makabawi man lang tayo sa mga kasalanan natin."
Napaisip si Rucaz sa sinabi niya, naisip rin ng Hari na mabuti pang sundin na lamang ang kahilingan nito kaysa ilantad ni Uranna ang baho ni Rigo na pilit nilang binabaon.
"Sige na nga," sumenyas ang Hari sa isa sa mga katiwala. "Maghanda kayo ng isang sako ng Gintong Silangan, ibigay nyo sa Prinsipe at samahan nyo siya."
"Masusunod po."
Muling nagbalik ang sigla sa mukha ni Rionne. Sa wakas ay natuwa rin siya sa Hari dahil pinili nitong gumawa ng tama. Isang tamang gawain para sa libo-libo nilang pagkakamali.
"Maraming salamat, Kamahalan."
Lumabas si Rionne dala-dala ang sako. Hindi niya akalaing makakasalubong niya si Saraphine na naglalakad sa may bulwagan. Nagtagpo ang kanilang mga mata ngunit agad na umiwas ang Prinsipe. Nais man niyang lapitan ang dalaga, humingi ng tawad at magpasalamat sa pagmamalasakit nito, minabuti na niyang ipagpaliban na lamang sapagkat oras ang kalaban nila. Para sa kanya, may bagay na mas mahalaga ngayon kaysa sa nararamdaman niya sa dalaga. Pagkalagpas nila ng mga Kawal, napalingon ang dalaga sa sakong dala-dala ng Prinsipe.
-Bahay ni Uranna-
Kanina pa nagpapaikot-ikot si Uranna sa pag-aabang. Inaantabayanan niya kung tototohanin ng Prinsipe ang pangako o ito ay pawang mga salita lamang. Isang araw na lamang ang natitirang palugit at kung wala pa siyang maibabayad, kakamkamin na ang kanyang munting lupain at pupulutin na siya sa kalsada.
Ilang saglit lang, nakarinig siya ng katok mula sa pinto. Naliligalig itong binuksan ni Uranna at sa ibaba naroroon ang isang malaking sako ng Gintong Silangan na may tatak ng Hari. Nagpakawala siya nang isang malalim na paghinga at nakahinga na siya ng maluwag.
"Salamat, salamat."
Lingid sa kanya, nagtatago lamang si Rionne sa isa sa mga puno.
***
Pagsapit ang umaga, dumating na ang mga galamay ni Mang Guillermo upang paalisin ng tuluyan si Uranna. Lumapit ang namumuno sa kanila na may masamang ngiti sa kanyang labi. Naroroon na ang matandang babae, nag-aabang sa kanila.
"Paano ba yan, hindi ka umabot sa palugit tsk tsk tsk," Lakas loob siyang kinutya ng lalaking namamahala. "Alam mo naman siguro na wala ka ng karapatan sa lupaing ito at kailangan ka na naming kaladkarin palabas dahil wala kang pambayad."
Imbes na magbunganga, isang matinis na halakhak ang sinagot sa kanya ni Uranna na kanilang ikinagulat. Napagkamalan nilang nababaliw na ito. Animo'y isa siyang matandang bruha at ibinalik niya ang insulto sa lalaki. "Sino naman nagsabing wala akong pambayad?"
Kinuha niya ang sako mula sa loob at binagsak ito sa may sahig bilang pagmamalaki. Nanlaki ang mata ng mga lalaki sa dami ng nakita nilang pera.
"Imposible, paanong?"
"Ano ba akala nyo sa akin, wala akong kaibigan sa itaas?"
Pinarte ni Uranna ang pera at kinwenta ang lahat ng utang niya kay Mang Guillermo. Sa dami ng pera, kailangan pa niyang hatiin ito, kinuha niya ang kanyang bahagi habang ang ipapambayad naman niya ay nilagay niya sa sakong galing kay Rionne.
"Ayan, ingudngod nyo sa pagmumukha ng amo nyo. Yan lahat ng bayad sa utang ko. Huwag na huwag kayong mangangahas na bawasan yan kahit isang kusing! May marka yan ni Haring Rucaz, hindi nyo naman siguro nais na isumbong ko kayo sa Kamahalan?"
Hindi na makaimik ang lalaki, hindi niya akalain na iba ang magiging takbo ng araw ngayon. Inaasahan nilang si Uranna ang lalabas na kawawa ngunit nasa kanya pala ang huling halakhak.
"Kung wala na kayong kailangan, lumayas na kayo sa lugar ko!" tinuro niya ang daan paalis sa kanyang lupain.
Naglakad na papaalis ang mga lalaking napahiya sa kanyang mga hirit.
"Isa pa pala, pakisabi nyo na rin dyan sa amo nyo, kahit pilitin pa niya ako, hindi na ako babalik sa bulok niyang taberna! Tapos na ko sa kanya."
-Palasyo-
Sa kanilang silid, nagising si Reyna Helena sa lakas ng paghikab ni Haring Rucaz. Kasasapit pa lamang ng ika-pito ng umaga.
"Gising na," tinapik ng Hari sa may baywang ang kanyang Reyna na nakahilata pa sa kanilang kama.
Una siyang natulog sa Hari pero mas una pa rin itong nagising sa kanya. Kalaunan nagiging mas madalas na ang maagang paggising ni Rucaz kaya naman hindi makatyempo si Helena na puntahan si Rigo sa silid nito at ipagpatuloy ang kanilang lihim na lambingan.
"Maaga ka na naman nagising, hindi ba puyat ka kagabi?"
"Di naman gaano, mabilis naman natapos ang pinag-usapan namin ni Rionne."
"Ano na naman ang gusto ng kapatid mo at inistorbo ka pa niya kagabi? Nagpapaawa na naman ba siya na hindi mo siya pinahahalagaan dito sa Palasyo?"
"Hindi," mahinahong tugon ni Rucaz. "Tungkol ito kay Rigo."
Bahagyang nandilat ang singkit na mga mata ni Helena pero hindi niya pinahalata na siya ay nabahala. Napabangon siya nang dahan-dahan mula sa kanyang kinahihigaan.
"Anong sinabi niya kay tungkol kay Rigo?"
"Sa totoo, tungkol ito sa isa sa mga biktima niya," binunyag ng Hari.
Napawi na ang pagkabahala kay Helena, ang buong akala niya ay tuluyan ng mabubuking ang namamagitan sa kanila ni Rigo.
"Nakita ni Rionne ang tiyahin ng isa sa mga biktima ni Rigo, nagmamakaawa ito na bigyan siya ng kaunting tulong sapagkat gipit na gipit na raw ito."
"At binigyan mo naman?"
"Oo, binigyan ko dahil may nalalaman ito, mabuti ng tapalan sila ng salapi kung ito ang magpapatahimik sa kanila at magkukubli sa kalokohan ng anak ko."
Napailing si Helena sa naging pasya ng Hari, "Tumatalino na ang mga hampaslupang linta, sinasabi ko na nga ba, hindi magtatagal marami na ang gagaya sa kanya. Mautak rin talaga ang tiyahin niya."
Sa hindi niya malamang dahilan, bigla na lamang bumalik sa alaala ni Helena ang naging usapan nila noon ni Saraphine kung saan inuusisa niya ang dalaga tungkol sa buhay nito. Naalala niya ang sinabi nito na siya ay lumaki sa puder ng mapangsamantalang tiyahin.
"Itong tiyahin na ito, may iba pa ba siyang pamangkin bukod dun sa pinatay ni Rigo?"
"Walang nabanggit sa akin si Rionne tungkol dun," sagot ng Hari.
Taimtim na napaisip si Helena, iba ang kutob niya rito. Posible kayang may koneksyon ang dalawa? Nais niyang alamin ang lahat sa pagkatao nito.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro