Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 14: Miya

-Kasaganaan-

Nagpatuloy ang lihim na relasyon nina Miya at Aric. Maliban kay Myoris, wala ng iba pang nakakaalam. Mga hinala lamang ang mayroon ngayon sina Marcio at Maahan habang si Datu Mortho naman ay abala sa pamumuno sa tribo para mapansin ang namamagitan sa dalawa. Araw-araw bandang tanghali o hapon, nagkikita sila sa tuktok ng bundok o di kaya ay sa may bukal kung saan sila unang gumawa ng pag-ibig.

Isang araw, habang sila ay nakahiga sa may kabundukan at tinatanaw ng araw, napansin ng dalaga na tila matamlay, tahimik at malalim ang iniisip ni Aric.

"Ano yun, may problema ba?"

Napatingin muna si Aric sa kaulapan, tila naghahanap ng kasagutan sa kalangitan. Kapansin-pansin ang pagkabagabag sa kanyang mukha at batid ni Miya na mayroon itong dinaramdam na hindi niya sinasabi sa kanya.

"Napapaisip lang ako, isang buwan na rin mula noong mapadpad ako rito at ngayon ko lang napagtanto..."

"Na alin?"

"Malapit na pala ang kaarawan ko," binunyag niya. "Sa makalawa na pala."

Napangiti ang dalaga sa nalaman. "Hindi ba dapat masaya ka dahil madadagdagan ng taon ang buhay mo?"

"Oo nga, hindi ko alam bakit ako nakakaramdam ng ganito," naguguluhang tugon ni Aric. "Siguro dahil naiisip ko na tumatanda na ko at napapagtanto ko na unti-unti na ring nababawasan ang natitirang araw ko sa mundo. Siguro dahil ito ang unang kaarawan na malayo ako sa tahanan ko at kay Ama."

"Pero ito na ang tahanan mo di ba? Hindi ka ba masaya rito sa piling ko? Huwag ka ng masyadong mag-isip ng kung ano-ano. Magkikita pa kayo ulit ng Ama mo at sa nakikita ko sa'yo matagal ka pang mananalagi rito sa Kasaganaan, kagaya ni Lolo Mortho. Balat kalabaw ka rin kaya."

Napangiti si Aric sa biro ng dalaga at napawi kahit papaano ang pangamba sa kanyang mukha.

"Basta sa makalawa aasahan ko yung regalo ko mula sa'yo."

"Regalo?" Walang muwang na napaisip si Miya. Isang salita na naman na ngayon lamang niya narinig. "Ano yun?"

"Isa itong handog na binibigay sa isang taong nagdidiwang ng kanyang kaarawan. Nakagawain namin ito sa Cenpyre at sa Silangan rin, kapag mayroong may kaarawan, naghahanda kami ng regalong maibibigay sa kanya."

"Ano bang gusto mong 'regalo?'

"Sa totoo lang, wala na akong hihilingin pa dahil ang lahat ng gusto nasa harapan ko na."

Namula ang pisngi ng dalaga sa mabulaklak niyang pahayag. "Di ko naman pwede regalo sarili ko sa'yo, nakuha mo na ang puso at katawan ko. Yung totoo, ano ba yung bagay na inaasam mo pero hindi mo pa nakukuha?"

"Mag-iisip lang muna ako," saad ni Aric. Binalikan niya ang panahon ng kanyang kamusmusan at isang bagay ang tumatak sa kanya.

"Noong bata pa lamang ako, isang bagay lang ang hinahangad ko mula kay Ama. May magandang puno sa bakuran namin. Pinapangarap ko talagang magkaroon ng isang munting bahay doon sa itaas ng puno. Isang bahay na maaari kong laruan at paglibangan o puntahan sa oras na nalulungkot ako."

"Bahay sa itaas ng puno," nahiwagahan ulit ang dalaga, "kakaiba yun. Ang mga kubo namin sa pampang nakatayo, hindi sa itaas ng puno."

"Talaga? Nasorpresa ako, akala ko sanay din kayong manirahan sa puno at matataas na lugar."

"Mga Myongan kami, Aric, hindi mga unggoy. Kung saan ang tubig naroroon kami. Ano nga palang nangyari?"

"Igagawa na sana ako ni Ama, hinanda na niya lahat ng kahoy at kagamitan, kaya lang nasabay naman na naaksidente ang kanyang paa at hindi na niya ito natapos buuin. Mula noon ako na ang nagsilbing haligi sa aming tahanan dahil hindi na naibalik ang dati niyang lakas at pangangatawan. Ang bahay sa puno ay mananatili na lamang na isang pangarap. Sobra naman kung hihilingin ko ito sa'yo. Nakalakihan ko na ito at hindi na mahalaga sa akin kung matupad ito o hindi."

Napapansin ni Miya na hanggang ngayon ay may bahid pa rin ng pag-aasam at pagkauhaw kay Aric na matupad ang matagal na niyang pangarap, sa kabila ng lahat.

"Malay natin, baka masorpresa ka."

"Basta ang hinahangad ko lang sa ngayon ay maipagdiwang ng maayos at ligtas ang aking kaarawan. Maging mapayapa sana ang lahat."

Napangisi si Miya sa sinabi niya, "ano ka ba? Tayo lang namang mga Myongan ang naririto, umalis na si Leyro kaya wala ng makakapanggulo sa atin."

***

Hila-hila ng isang Tubong Leon ang isang katribong babae. May kaliitan ito, payat na animo'y isang tingting at halos walang natitirang buhok sa kanyang bilugang ulo, tulad ng mga tunay na leonesa, kinasanayan rin ng Tribong Leon na maikli ang buhok ng kanilang mga babae at mahaba naman ang sa mga lalaki.

Sa kanyang kubo, nag-aabang na roon si Datu Leyro. Humulpak ng bahagya ang kanyang mukha at nangitim ang kanyang malamlam na mga mata. Hanggang ngayon di pa rin naglalaho sa isip niya ang dinanas niya sa puder ng mga Tribong Myongan kahit pinipilit niya itong kalimutan.

Pumasok ang kanyang tauhan sa loob hatak-hatak ang babaeng tila manhid at walang bahid ng kahit anong emosyon sa kanyang mukha. Sa kanyang asta para bang alam na niya kung bakit siya dinala sa kanilang Datu, malamang nabalitaan na niya sa iba pang kababaihan.

"Ito na po ang hinihingi nyo, Datu Leyro. Isa sa pinakabata sa ating Tribo at di pa nagagalaw ninuman."

Tinitigan ni Leyro ang dalaga mula ulo hanggang paa, walang mababakas na pananabik at pagkahumaling sa busabos na ekspresyon ni Leyro.

"Sige na, iwan nyo na kami."

Pagkaalis ng tauhan, dahan-dahang nilapitan ni Leyro ang dalaga at hinawakan ito sa kanyang mapayat na balikat. Mula noong bumalik ang Datu sa kanilang tribo, wala na siyang inatupag kundi tirahin ang bawat dalagang Leonesa sa kanilang tribo. Ang iba ay kusang nakipagtalik sa kanya sa pagkahumaling nila sa Datu ngunit karamihan sa kanila ay sapilitan at pwersahan lamang na dinala sa kanya. Walang nagawa ang kanilang mga magulang at mga asawa dahil sa takot nila sa maaaring gawin ng kanilang pinuno. Malamang paraan niya ito upang makalimutan ang masalimuot na nangyari sa kanya.

Habang hinihipuan ang dalaga sa iba't-ibang bahagi ng kanyang katawan, humarap ito sa Datu at nagsalita.

"Handa po akong paglingkuran kayo, Mahal na Datu gaya ng ibang kababaihan."

Natigilan si Leyro sa sinabi nito at napatanong, "ilang taon ka na ba?"

"Labinlima po," sagot ng dalaga.

Napaiwas si Leyro sa kanyang nalaman, totoo ngang isa ito sa pinakabata sa kanilang tribo. Mas bata pa ng isang taon kay Miya. Noong mga panahong iyon, naalala niya ulit ang babaeng minimithi. Alam niya na kahit galawin pa niya ang lahat ng babae sa kanilang tribo, walang makakapantay sa pagnanais niya kay Miya. Sawa na rin siya sa mga katribong maiikli ang buhok, ang buhok ni Miya ang isa sa mga bagay na nagpapahumaling sa kanya.

"Sige na, lumabas ka na," permiso niya sa babae na may halong tamlay at pagkairita sa kanyang tono.

Hindi na sumagot ang babae at ito ay nagmadaling lumabas mula sa kanyang kubo. Naiwan si Leyro na napapaisip kung paano siya makakahanap ng paraan upang mabawi si Miya at makaganti sa mga Myongan. Hindi siya maaaring sumuko na lang. Hindi niya makakalimutan ang nangyari at maniningil siya sa kanilang lahat. Lintik lang ang walang ganti. Nais niyang higitan ang pagpapahiya at pag-aalipustang ginawa sa kanya ni Datu Mortho at ng mga Myongan.

Sa labas, nakita ng dalawang bantay na umalis agad ang dinalang babae. Napakamot sila sa ulo at napaisip.

"Ano nangyari dun, bakit umalis agad?"

"Malamang nagsawa na rin ang Mahal na Datu," saad ni Leor na isa sa mga kasama ni Leyro noong nagtungo siya sa Tribong Myongan. "Ikaw ba naman ang tumira ng tumira ng maraming babae, mapapagod ka rin."

"Ibang-iba na ang Datu mula noong bumalik siya, kakaiba na mga kinikilos niya talaga. Nakakabahala."

"Dala yan ng takot," pinagpatuloy ni Leor, "kung alam mo lang ano nangyari sa kanya dun sa mga Myongan."

"Ano ba nangyari?"

Walang kamalay-malay ang dalawa na sumilip si Leyro mula sa kanilang likuran habang sila ay nag-uusap.

"Sa kagustuhan niyang makuha yung apo ni Datu Mortho sinubukan niya itong gahasain kaso nahuli siya. Grabe yung inabot niyang bugbog kay Mortho, basag na basag mukha niya."

Nagsimulang mang-init ang dugo ni Leyro sa narinig at napasara sa gigil ang kanyang kamao.

"Yun pala ang nangyari, akala ko may nakaaway lang kayong Myongan... Tapos ano pa?"

"Maswerte pa nga siya at binuhay siya ni Mortho, alam mo bang muntikan na siyang ipatali sa puno na may mga dambuhalang langgam. Kung narinig mo lang sana yung tili niya, dinaig pa lahat ng babaeng ginalaw niya."

Ginaya ni Leor ang paghiyaw ng Datu at sila ay nagkatawanan ng kasama.

"Tama na yan!" Hindi na nakapagtimpi pa si Leyro at isang malutong na hampas ang humambalos kay Leor. "Animal ka, pinag-uusapan nyo pa ako!"

"Patawad po, Mahal na Datu, di na mauulit," saad ni Leor habang hinihimas ang nasaktang pisngi.

"Ito na ang huling beses na maririnig kong pinag-uusapan nyo ko, sa susunod papatayin ko na kayo!"

"Hindi na po mauulit, Datu Leyro," sagot ng isang bantay.

"Tawagin nyo ang iba pa nating katribo, ngayon na. May pupuntahan tayo sa kagubatan!"

***

Desidido si Miya na ibigay kay Aric ang regalong matagal na niyang hinahangad. Walang inaksayang panahon ang dalaga. Pinuntahan niya si Myoris sa kanyang kubo at agad na kinunstaba ang kaibigan sa kanyang balak.

"Basta tandaan mo, maaga dapat bukas," paalala ni Miya.

"At walang kasama," inulit sa kanya ng kaibigan.

***

Bandang kainitan ng tanghali habang ang sikat ng araw ay galit na galit, tinahak na ni Datu Leyro at ng kanyang mga tauhan ang kagubatan. Nagsama siya ng isang doseang kalalakihan sa kanilang paroroonan.

"Saan ba talaga tayo pupunta?" tanong ni Leor.

"Basta sundan nyo lang ako," pangunguna ni Leyro.

Matapos ang halos isang oras na lakaran sa masukal na bahagi ng kagubatan, narating nila ang liblib na kweba kung saan nagkalat ang nadurog na piraso ng mga bato sa damuhan.

"Ayon kay Mortho, dito raw sa kwebang ito nanggaling ang Balkot."

"Buktot," tinama siya ni Leor pero dinedma lamang siya ng Datu.

"Ano pong balak nyong gawin?"

"Ano pa ba? Papasukin natin ang loob."

Nangilabot ang lahat sa panukala ni Leyro at sila ay napaurong sa kanilang kinatatayuan.

"Seryoso ba kayo, Mahal na Datu?"

"Bahay yan ng dambuhalang halimaw, paano kung di na tayo makalabas?"

Nayamot si Leyro sa kanyang mga tauhan. "Huwag nga kayong duwag, patay na ang halimaw. Papasok lamang tayo para maghanap kung may naiwan siyang itlog."

"Bakit?"

"Gagamitin ko ito sa paghihiganti ko kay Datu Mortho at sa mga Myongan. Kapag nakahanap tayo ng itlog o ng batang Butlok, aalagaan natin ito. Pakakainin, paaamuin at palalakihan, pagkatapos pag ito ay naging dambuhala na, mapapakinabangan natin ito. Ito ang magdadala ng takot sa mga Myongan, gagamitin natin ang halimaw upang mapasunod sila sa aking palad."

Nagkatinginan ang ibang Tribong Leon, napapailing ang iba. Hindi pa rin sila kumbinsido sa plano ng kanilang pinuno. Napapaisip sila na baka nahihibang na ang Datu sa kanyang ambisyon.

"Mukhang mas madali pang paamuin ang leon, sayang nga lang at wala na ang huling leon na inalagaan natin."

"Anong sayang? Nakawala ang leon at kung hindi pa siya napaslang ng aking Ama, malamang naubos na niya ang ating Tribo. Dapat nga magpasalamat pa kayo. Huwag ng maraming satsat. Hindi nyo ba nakikita? Sa oras na mapasunod natin ang halimaw, makapangyarihan na tayo. Magagawa na natin ang lahat ng gusto natin. Ano sasama ba kayo sa akin?"

"Kung saan kayo, doon kami," sa huli nanindigan rin sila.

"Halika na."

Tuluyan ng tinahak ni Datu Leyro at ng kanyang mga kasama ang kweba dala-dala ang kanilang mga tanglaw at espada.

Madilim sa loob ng kweba. Magaspang at puno ng lubak ang dinaraanan at kailangang mag-ingat ang kanilang mga paa kundi sila ay mahihiwaan o masusugatan. Kulong at walang maririnig sa paligid, sa sobrang tahimik, rinig na nila ang tibok ng kanilang mga puso at maging ang kanilang hininga. Pumasok sa ilong ni Datu Leyro ang kakaibang lansa, tila pinaghalong amoy ng dugo, karne at naaagnas na bangkay.

Sa kanyang paglalakad, nabangga ni Leyro ang isang bagay na may katigasan. Tinapat niya ang kanyang tanglaw sa dinaraanan at tumambad sa kanila ang mga buto ng lobo, lepardo, kambing, usa at iba pang mga hayop na kinain ng Buktot. Malamang dito rin dinadala ng halimaw ang kanyang mga biktima upang lamunin.

Tinubuan ng daga sa dibdib si Leyro. Napaurong ito pero agad naman siyang tumindig, ayaw niyang magpahalata sa mga kasama na unti-unti na siyang natatakot.

"Tara, maghanap pa tayo," noong siya ay magsalita, dumagundong ng ilang ulit sa kweba ang kanyang boses.

Nagpatuloy sila sa paglalakad at hindi nagtagal, natagpuan nila ang hinahanap. Ang mga itlog ng Buktot. Nakapwesto ang pugad nito isang sulok ng kweba. Maihahalintulad ito sa itlog ng manok ngunit sampung beses na mas malaki.

Dahan-dahang hinawakan ni Leyro ang nasabing itlog at nanigla ang kanyang mga mata sapagkat matimbang pa sa ginto ang nahanap niya. Panandalian lamang ang kanyang ligaya sapagkat nadurog at nagkapira-piraso ang mga itlog noong ito ay kanyang kinuha.

"Bugok ang mga itlog!"

"Hindi maaari," nangitngit ang mga mata ni Leyro, "maghanap pa tayo!"

Sa lakas ng kanyang tinig, dumagundong ito sa kagubatan at pagkatapos isang nakakarinding kaluskos ang narinig nila sa hindi kalayuan.

"Ano yun?" tanong ni Leor.

"Doon nanggaling!" Tinuro ng isa ang madilim na bahagi ng kweba kung saan wala ng maaaninag na liwanag.

"Tignan mo kung ano yun," utos ni Leyro kay Leor.

"Bakit ako?"

"Dahil may atraso ka sa akin, bilisan mo na."

Dahan-dahang naglakad si Leor patungo sa dilim, kinuha niya ang tanglaw at sa kabilang kamay naman, pinang-amba niya ang kanyang arnis, naghahanda sa kung ano man ang kakaharapin. Mabilis ang kabog ng kanyang dibdib at nangangatog ang kanyang mga binti. Naglaho siya sa kadiliman at bahagyang nanahimik ang paligid. Naiwang nag-aabang si Leyro at ang mga kasama.

"Leor?" Pagtawag ng Datu.

Nakarinig sila ng hiyaw ng pamimilipit mula kay Leor at sila ay nataranta. Tumakbo ang tauhan pabalik sa kanila. Duguan ang kanyang braso na may marka ng dalawang pangil. May kumagat sa kanya.

"Ano nangyari? Sino ang nagambala mo?"

"Di ko alam, bigla na lang may dumapo sa akin at kinagat ako! Ang sakit!"

Bumalik ang kaluskos at napagkita ang nilalang na kumagat kay Leor. Ito ay isang purong itim na paniki na may kalakihan. Kasing laki ito ng isang aso at kasing haba ng sa agila ang pakpak. Sinaway ni Leyro ang paniki at ito ay matulin na lumipad papalayo sa kanila.

"Anong gagawin natin kay Leor?" tanong ng isa sa kanilang kasama.

"Ano ba kayo? Paniki lang yan, di siya mamamatay dyan. Itutuloy natin ang paghahanap, gamutin nyo na lang yan mamaya."

***

Kinabukasan, naghintay si Miya sa kanilang napag-usapang lugar ni Myoris sa may puso ng kagubatan. Hindi pa nagtatagal, dumating na ang kaibigan at sa kanyang pagtataka, kasama nito sina Maoro, Mylka at iba pang kalalakihan sa Tribo.

"Maoro, Mylka, andito pala kayo," binati ni Miya ang dalawang bata kahit na hindi niya inaasahan ang presensiya nila.

"Pasensya na, Miya. Sinundan nila ako, mapilit ang dalawang ito."

"At sila rin," napatingin si Miya sa mga kalalakihang kasama ni Myoris.

"Muhurya Agni, Miya," pagbati nila.

Napabati si Miya kahit na siya ay naiilang na. "Sandali lang, may pag-uusapan lang kami ni Myoris."

Hinatak niya ang kaibigan na may kaunting inis sa kanyang aura.

"Akala ko ba tayo lang ang makakaalam? Bakit ang dami mong sinama?"

"Hindi natin ito makakayang dalawa. Huwag kang mag-alala, Miya, mas marami tayo, mas madali natin to matatapos, sanay sila sa paggawa ng mga bahay. Isa pa di magsusumbong ang mga yan, nangako sila sa akin."

"Tama Miya, huwag kang mag-alala, walang makakaalam nito. Gusto lang namin talagang tumulong," bumungad ang isang binatilyong Myongan.

"Kapag may nagsumbong sa mga ito, talagang matitikman nila ang hagupit ni Myoris. Hindi ba?"

Napangiti si Miya sa banat ng kaibigan, "sige na nga. Basta kailangan matapos ito mamaya."

Kanya-kanyang naghakot si Miya at ang iba pa ng mga kawayan, nipa, rattan, sanga at iba pang kakailanganin sa pagbuo ng bahay sa itaas ng Puno. Matapos makuha ang lahat ng kagamitan, oras na para pumili si Miya ng puno na nararapat pagtayuan ng munting bahay.

Naglibot-libot sila sa bahagi ng kagubatan kung saan makapal at may kataasan ang mga puno. Mayroong mga punong may kakapalan ngunit mapayat ang mga sanga sa itaas. Mayroon namang may kataasan ngunit di makakasuporta ang tangkay nitong may kanipisan.

Maya-maya napalingon si Miya sa isang punong katamtaman ang taas at katawan. Sapat na rin ang tangkay at mga sanga nito upang masuportahan ang gagawing bahay, hindi ito kasing kapal o taas ng ibang puno ngunit perpekto ang pundasyon nito. Sigurado siyang matutuwa si Aric.

"Nahanap ko na kung saan natin ito bubuuin," inanunsyo sa kanila ni Miya, "simulan na natin."

Maghintay ka lang sinta ko, bibigyang katuparan ko ang pangarap mo at ito ang reregalo ko sa kaarawan mo.

***

Napunta lamang sa wala ang paghahanap nila Datu Leyro sa kweba. Nabigo silang makahanap ng buong itlog o ng batang Buktot. Gabi na ng makauwi ang kanyang pulutong kaya napasarap sa pagtulog ang Datu at hindi pa siya nagisising kahit na magtatanghali na.

"Datu Leyro! Mahal na Datu!"

Gumising sa himbing na kamalayan ni Leyro ang hiyaw ng isa sa kanyang mga tauhan.

"Ano ba yun? Hindi mo nakikita na natutulog ako!"

"Sumama po kayo, may nangyari po kay Leor."

Napilitang bumangon si Datu Leyro sa kanyang kinahihigaan at nagtungo sila kay Leor. Laking gulat niya nang masilayan niyang nangingisay si Leor habang nakatirik ang kanyang mga mata. Naaaninag rin niya na pulang-pula rin sa pamamaga ang kagat sa kanya ng paniki.

"Anong nangyari sa kanya? Ginamot nyo ba ang sugat niya kahapon?"

"Opo, Mahal na Datu, maayos naman po siya kanina, nakasabay ko pa siya sa pagbabantay kaso bigla na lang siyang sinamaan ng katawan. Inubo siya ng walang humpay. Para daw binibiyak sa sakit ang ulo niya pagkatapos humandusay na siya sa lupa at nagkaganyan. Ano pong gagawin natin?"

"Sandali lang, nag-iisip ako!"

Hindi pa nagtatagal, isa pang Tribong Leon ang nagmamadaling nagtungo kay Leyro.

"Datu Leyro, may problema po tayo!"

"Ano na naman!" natatarantang sagot sa kanya ni Leyro.

"Nagkakagulo ang ating Tribo, marami ang may sakit sa kanila, mapabata man o matanda inaapoy ng lagnat at nanginigisay!"

"Ano ba talagang nangyayari?"

Sa isang iglap, tila pinagsakluban ng langit at lupa si Datu Leyro sa mga kaganapan.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro