Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 14: Graison

-Sentralisadong Imperyo ng Cenpyre:
Sampung Taon Na Ang Nakakaraan-

Nagbabagsakan ang mga niyebe na tila na mga maliliit na nilalang na nag-uunahan pagsayad sa kalapuan, patungo sa kawalan. Kasabay ng pagsapit ng Taglamig ang pagsalubong ng mga Cenpyero sa kanilang sagradong pagdiriwang: Ang Pista ng Pasasalamat. Abala ang iba sa paglalagay ng mga makukulay na pailaw sa kanilang mga tahanan habang ang iba naman ay naghahanda ng kanila-kanilang mga putaheng pagsasaluhan.

Kung abala ang lahat, ganoon rin ang Pitong Taon na si Graison sa tuktok ng kanyang balkonahe. Hindi matinag sa pagpipinta ang bata habang siya ay nakamasid sa mga niyebeng mula sa kalangitan. Kanina lamang, nasilayan niya ang pagbagsak ng isang niyebeng mayroong perpektong hugis. Bilog sa gitna at tila isang bulaklak na may anim na patusok na talutot sa gilid. Dahil sa pagkahumaling tumatak ito sa isip ng munting Prinsipe at ito ngayon ang pinipinta niya sa kanyang pisara. Isang linya na lamang at patapos na siya sa kanyang bagong likha. Maligaya ang bata tuwing sumasapit ang panahon ng Taglamig. Animo'y umaayon ang kapanatagan ng kanyang musmos na kaluluwa sa malumanay na paggalaw ng mga niyebe.

"Grai," narinig niya ang tinig ng kanyang Ina na paparating mula sa kanyang likuran. "Anak, halika na at malapit na tayong magsalo-salo."

"Patapos na po ako, Ina."

Binilisan ni Graison ang pagpinta at di pa nagtatagal, nananabik at naliligalig niyang kinuha ang pisara pagkatapos.

"Ipapakita ko po ito kay Ama."

"Sige na nga, tara na," natatawang sambit ni Grasiela.

Nagtungo ang dalawa patungo sa Silid-Kainan. Naghihintay na ang Emperador na may mahabang mukha. Tanging siya lamang ang walang angking saya tuwing Pista ng Pasasalamat, bagay na hindi mawari ng Mag-Ina. Sa katunayan, ayaw niyang paghandaan ang okasyong ito kung hindi lamang siya napakiusapan ni Grasiela.

"Pinaghintay nyo ko," tugon niya sa tuyot na tono.

"Sinundo ko lang si Graison, nagpipinta pa kasi siya kanina," paliwanag ni Grasiela.

"Ama, may ipapakita po ako sa inyo," masiglang hinarap ng bata ang katamtamang pisara sa presensiya ng Ama, "ako po ang may gawa nyan. Nagustuhan nyo po ba?"

Nakamasid si Graison na abot-tenga ang ngiti, nag-aabang ng reaksyon mula sa kanya, natural sa mga batang kagaya niya ang pag-aasam na mapasaya ang Ama ngayong araw ng Pista.

Ilang segundo lamang tinignan ni Fierro ang pisara pagkatapos ay inabot na niya ito sa bata na wala man lang papuri o komento.

"Ito lang ba ang alam mong gawin, ang gumihit at magpinta?"

Natunaw ang saya sa mukha ng batang Prinsipe nang malaman niyang hindi nasiyahan ang Ama sa ginawa niya.

"Hindi ba dapat nagsasanay yan sa paghawak ng espada at mga pana? Noong ganyang edad ako, yun na ang kinahihiligan ko."

Naghanap ng maidadahilan ang Emperatris sa asawa, "nakita mo naman ang panahon sa labas, napakalamig. Baka naman maaari na nating pagbigyan ang anak mo kung di siya makapagsanay."

Wala ng sinagot pa si Fierro kay Grasiela, tinuon niya kay Graison ang mata niyang mas malamig pa sa panahon at tsaka nangusap. "Kung gusto mong matuwa ako sa'yo at maipagmalaki kita, huwag puro pinta at basa ang atupagin mo. Ilaan mo ang oras mo sa makabuluhang mga bagay. Mag-aral kang makipaglaban at maging matapang ng magkaroon naman ng silbi ang buhay mo bilang isang tao. Para saan pang naging lalaki ka kung hihina-hina at tatamlay-tamlay ka?"

"Paumanhin po, Ama."

Nahabag si Grasiela sa anak na nathimik sa kanyang pwesto, batid niya kung gaano nasaktan si Graison sapagkat tumagos rin sa kanya ang mapanakit na salita ni Fierro.

Nilapitan na lamang niya ang musmos na Prinsipe at kinuha ang pisara, "napakaganda naman nito, anak. Hayaan mo, mamaya isasabit natin ito sa silid mo, kumain na tayo."

***

Balik sa kasalukuyan, nasasaktan pa rin si Graison sa tuwing sumasagi ang alaalang ito sa kanya. Ito ang isa sa mga una niyang pagkabigo. Ang unang gunita niya sa malamig at blangkong mata ng Emperador na muli niyang nasilayan matapos ang pulong. Nagkakaisip na siya ng mga panahong ito at dito na niya unti-unting napapansin na iba ang trato sa kanya ng Ama.

Alam niya sa isip niya nagawa niya ang kanyang parte para matulungan ang Ina at hindi niya ginagawa ito upang makuha ang pagtanggap ng Ama, ngunit sa pakiramdam niya bakit parang may kulang pa rin?

Kanino ba talaga ako may nais patunayan, kay Ama nga ba o sa sarili ko?

-Bilangguan ng Artemias-

Pagkaalis ni Celso, muling nagtungo si Aurello upang dalawin ang Emperatris at ang Panginoon sa kanilang bilangguan.

Dala-dala ang kanyang tanglaw, nasilayan niyang nakasandal si Emperatris sa pader habang si Ocillo naman ay nakahiga at nakabusal pa rin ang bibig.

"Kamusta, Grasiela? Nakapagpasya ka na ba?" Bungad niya sa Emperatris.

"Sigurado ako sa mga oras na ito nag-aalala na sa akin ang Emperador at nangungulila na ang anak ko," ito lamang ang binungad ni Grasiela sa kanya imbes na sagutin ng direkta kanyang panukala. "Nagmamakaawa ako sa'yo, Aurello. Pakawalan mo na kami. Pinapangako ko, hindi ako magsusumbong basta hayaan mo lang kaming makauwi ng buhay at ligtas sa Palasyo. Maunawaan mo sana na kailangan ako ng pamilya ako."

Hindi natitinag si Aurello at lalo pang nagmistulang aso ang kanyang ngisi sa mga pahayag ng Emperatris. Sa kanyang ekspresyon, walang senyales ng habag.

"Talagang hindi matatawaran ang pagmamahal mo sa Emperador. Hanggang ngayon, siya pa rin ang iniisip mo. Ang tanong iniisip ka rin ba niya gaya ng inaakala mo?"

"Ano bang sinasabi mo? Sinusubukan mo na namang siraan siya sa akin. Sinasabi ko sa'yo, hindi mo mababago ang pagtingin ko sa kanya!"

Napailing lamang si Aurello sa bugso ng damdamin ni Grasiela. Humanap muna siya ng tyempo para pahupain ang galit nito.

"Paano kung malaman mo na ang lahat ng sinasabi ko sa kanya ay hindi paninira at pawang katotohanan?"

"Diretsohin mo na ako! Sabihin mo na ang nais mong sabihin sa kanya! Walang puwang ang mga salita mo at di mo ko madadala."

"Hanga ako sa'yo, Grasiela, naging isa kang mabuting kabiyak. Sayang at hindi sinuklian ni Fierro ang pagmamahal mo. Nararapat lamang na malaman mo na niloko ka lang niya mula sa umpisa at ginawang tanga."

"Hindi totoo yan, mahal ako ni Fierro, sa loob ng labing-apat na taong pagsasama namin, naramdaman ko yun," inulit ni Grasiela kay Aurello ang mga katagang madalas niyang sabihin sa kanyang sarili.

"Kaya pala marami siyang bagay na nilihim sa'yo sa loob ng mahabang panahon. Alam mo ba ang katotohanan kung paano napasakanya ang Imperyong Cenpyre? Sige nga nais kong marinig mismo sa'yo."

May kumpiyansa siyang sinagot ng Emperatris, "kinuha niya ang Trono mula sa kapatid niyang sumira at nagpahirap sa kanya. Siya ang tunay na Tagapagmana. Binawi niya lang ang nararapat sa kanya."

"Grasiela, Grasiela, Grasiela," napahalakhak na animo'y nakarinig ng isang nakakaaliw na hirit ang Duke. "Wala ka ngang nalalaman. Binilog nga talaga ni Fierro ang ulo nyo. Gusto mo marinig ang katotohanan? Hindi si Fierro ang totoong Tagapagmana sapagkat hindi siya anak ng pinsan ko sa Emperador. Wala siyang dugong Imperyal."

"Alam ko na ang tungkol dito, sinabi na nya yan sa akin! Hindi mahalaga kung kadugo ba siya o hindi. Siya ang nakakuha ng basbas ni Emperador Cresento dahil masama ang bastardo niyang anak."

"Nagkakamali ka ulit. Si Costan ang tunay na pinamahan ng Cenpyre at si Fierro ang totoong masama. Bali-balita noon sa Artemias ang paglabas ng apoy mula sa kanya. Saksi rito ang Ama kong walang awa niyang pinaslang! Ang totoo ginamit niya ang kapangyarihang pinagkaloob ng Itim na Diyos para makuha ang Imperyo. Ang nangyaring mga kaguluhan dito, ang mga patayan na diumano'y ginawa ni Costan, siya lahat ang may pakana. Binaluktot niya ang mga kaganapan mula noong umupo siya sa pwesto. Ganoon naman talaga, ang nasa taas ang nagsusulat ng kasaysayan. Nilinlang niya kayo. Kung ako sa'yo, Grasiela, magsaliksik ka, marami ka pang di alam dahil hindi ka naman dito nakatira dati."

Natahimik si Grasiela at unti-unting nabubuo ang mga suspetsa at katanungan sa kanyang isipan, naalala niya ang mga kaduda-dudang asta ni Fierro, kung paano nito iniiwasang pag-usapan ang tungkol sa nangyari noong nakaraan at ang pagiging malihim niya sa mga bagay-bagay.

"Imposible...paano niya magagawa ang mga ito? Mahal niya kami."

"Mahal niya lang ang kanyang sarili at... si Ysavel."

"Huwag mong mababanggit ang pangalang yan!"

"Anong pangalan? Si Ysavel?" lalo pang nang-asar si Aurello. "Masakit ano, sa tingin ko batid mo na siya pa rin ang tanging babaeng iniibig ng mahal mong Emperador. Ginamit ka lang niya at ginawang panakip-butas para punan ang pagkawala ng totoo niyang mahal."

Umaliwalas ang mukha ni Aurello nang may maalala, "may isa pa pala kong gustong ipaalam sa'yo."

Yumuko siya, tinapat niya ang mukha sa Emperatris at tinignan ito ng walang kakurap-kurap. "Ang babaeng pinagseselosan mo ay naroroon pa rin sa puder ni Fierro."

Hindi makapaniwala si Grasiela sa ipinagtapat niya, sa pagkakatong ito, sigurado siya na nagsisinungaling lamang ito, "Nababaliw ka na nga, matagal ng patay ang babaeng yun, paano siya mapupunta kay Fierro?"

"Natatandaan mo ba ang silid na pinakaiingatan ni Fierro sa may sulok? Yung ayaw niyang pakialaman ng sinuman. Di ka ba nagtataka kung bakit niya ito pilit na kinukubli sa inyong lahat? Doon nakahimlay ang di naaagnas na katawan ni Ysavel. Binalita ito ng aking espiya sa at sa mga oras na to, tinatahak na niya ang daan patungo sa Palasyo para kuhanin ang mga labi at dalhin dito sa akin. Ito na ang ebidensyang wiwindang sa'yo at sa buong Imperyo. Maghintay ka lang at makikita mo."

Wala ng nagawa ang Emperatris sa pagtulo ng kanyang mga luha. Ayaw man niyang paniwalaan si Aurello ngunit sa isip niya alam niyang tumutugma ang ibang mga detalye sa mga isinisiwalat niya, maging ang tungkol sa pinagbabawal na silid.

"Huwag mo ng aksayahin ang mga luha mo sa kanya. Hindi ka nararapat sa isang walang kwentang tao."

Pinagmasdan ni Aurello ang mukha ni Grasiela at tinignan nito nang may lantik sa kanyang mga mata. "Alam mo, maganda ka. Kailangan mo ng isang lalaking kayang suklian ang pagmamahal mo. Tumanda na kong binata at nasanay na akong mag-isa ngunit di ko pa rin papalagpasin ang pagkakataong maging kabiyak ka. May bago akong ilalatag sa'yo. Sumama ka na sa akin, iwan mo na si Fierro. Pinapangako ko, ikaw ang magiging Emperatris ko kapag napasaakin na ang Imperyo."

"Lumayo ka sa akin," nagtitimpi na lamang si Grasiela sa pagkamuhi.

Lalong lumapit si Aurello at inamoy ang buhok at leeg ni Grasiela. Nagpumiglas naman ang nakabusal na si Panginoong Ocillo sa ginagawa niyang pananamantala sa Emperatris.

"Sinabing lumayo ka sa akin!" sa lakas ng sigaw ni Grasiela, napabangon si Aurello at napausog. "Sira ulo ka! Kahit kailan hindi ako papatol sa isang baliw! Sa tingin mo ba mapapaniwala mo ko sa mga sinasabi mo ngayong nakikita ko ang mga kilos mo! Baliw ka na!"

"Di na bale kung ayaw mo sa akin ngayon. Magbabago rin ang isip mo kapag nakita mo na sa personal ang bangkay ni Ysavel. Kaya maghintay lang kayo at huwag kayong magtatangkang tumakas!"

Umalis na si Aurello at naiwan na ang dalawa na nangingilabot at nababahala sa loob ng selda.

***

Pagsapit ng umaga, nagising si Grasiela at Ocillo sa pagbukas ng pinto ng kanilang selda. Akala ng Emperatris na si Aurello ulit ito na naparito upang kutyain at anyayahan siya, bagkus isa lamang itong Kawal. Lumapit siya sa dalawa at naglapag ng platong mayroong mga pagkain: pinritong karne na may kasamang mamon at hiniwang mansanas.

"Yan, kumain na kayo at baka mamatay pa kayo sa gutom," saad ng Kawal habang ito ay papalabas ng selda. Tinanggal niya ang kadena ng dalawa sa kamay nang sa ganoon ay makakain sila ng maayos.

"Sandali," tinawag siya ni Grasiela, "wala ka bang nakalimutan? Sa tingin mo paano makakakain si Panginoong Ocillo na may busal sa bibig?"

Nagtungo ang Kawal na para bang tinatamad at nayayamot. Inalis niya ang busal sa bibig ni Ocillo at sa wakas nakahinga na rin ng maluwag ang Panginoon.

"Pwede na siguro kayong kumain ngayon."

Inirapan lamang ni Grasiela ang Kawal bago ito tuluyang umalis.

"Kumain na kayo, Panginoong Ocillo para lumakas kayo."

"Huwag nyo na akong intindihin, Kamahalan," sagot ng Panginoon na naghahabol pa ng kanyang hininga. "Kailangan nyo ng makaalis rito, nanganganib ang buhay nyo habang naririto pa kayo sa puder ng baliw na yun."

"Paano naman tayo makakaalis rito? Mahigpit ang pagkakakadena sa atin at maraming bantay?"

Napaisip si Panginoong Ocillo, tumingin siya sa mga bagay-bagay, humahanap ng ideya, napalingon siya sa pagkaing hinanda para sa kanila.

"May naisip ako."

Bumulong siya sa Emperatris at napaurong ito ng bahagya sa pagkabigla.

"Sigurado ba kayo dyan sa binabalak mo? Hindi ba mapanganib?"

"Aaminin ko mapanganib nga, pero ano ba magagawa natin? Kailangan nating sumugal," desidido na si Panginoong Ocillo na isagawa ang balak.

-Sentralisadong Imperyo ng Cenpyre-

Nagtungo si Graison sa may bakuran kung saan natagpuan niya si Talas sa dati niyang nakagawian. Nakabalik na siya sa pagsasanay sa mga baguhang Kawal mula noong ito ay gumaling sa kanyang pinsala. Abala ito sa pagsalo ng tira ng kanyang mga estudyante na masigasig sa pag-ugay ng kanilang mga espada. Napalingon si Talas at napansin niya ang Prinsipe na naglalakad malapit sa kanila. Hinarang niya ang panangga sa sinasanay na Kawal at napatigil.

"O sige mamaya na ulit. Mag-uusap lang kami ng Mahal na Prinsipe at maligo na kayo, putang ina ang babaho nyo na!"

Isa-isang yumukod sa presensiya ni Graison ang bawat binatilyong nakasalubong niya sa daan. Sinagot naman sila ng Prinsipe nang isang malumanay ngunit matamlay na ngiti.

"Anong sadya mo ng ganitong kaaga?" tanong niya sa pamangkin.

"Nais ko sanang magsanay ulit," buo ngunit may pag-aalangan sa boses ng Prinsipe.

"Pero sinanay naman na kita at kahit papaano naman ay nagkaroon ka ng katiting na pag-usad. Talaga bang gusto mong magsanay dahil gusto mo o napipilitan ka lang dahil kailangan mo?"

"Ginagawa ko ito para kay Ama," pag-amin ni Graison. "Alam nyo naman na iba ako kumpara sa ibang mga lalaki, di ako mahilig sa pakikipaglaban at pakikipagpalakasan, sa takbo ng mga pangyayari ngayon, mukhang sa gyera na talaga hahantong ang lahat, lalo na kung tama ang pangitain ko na si Duke Aurello nga ang nagpadukot kay Ina. Kailangan kong matutong makipaglaban at maging matapang gaya mo at ng iba pang mga Kawal nang sa ganoon magkaroon naman ako ng silbi."

Nilapitan ni Talas ang Prinsipe, may lalim sa kanyang mga tingin na hindi matiyak ni Graison kung dala ba ito ng awa o ng pagkadismaya.

"Bata, may silibi ka, nakikipaglaban ka naman, sa ibang paraan nga lang," tinuro ni Talas ang kanyang ulo. "Hindi mo na kailangang magsanay. Tulad ng sinabi mo kanina, hindi ka nga namin katulad."

Napayuko ang Prinsipe na nahihiya.

"Dahil pinatunayan mo na higit kang mas matapang kumpara sa aming lahat."

Nandilat ang nalulumbay na mga mata ni Graison at napalingon siya sa tiyuhin na may pagtataka sa kanyang naguguluhang mukha.

"Sa tinagal-tagal ko, marami na kong nasaksihang mga kahanga-hangang mga bagay. Nakakita ako ng isang mandirigmang kayang sumugod sa pulutong mg mga kalabang halang ang bituka, ng isang sundalong kayang talunin ang kaaway na kalahati ang laki sa kanya, ng isang Kawal na kayang pumatay ng tigre gamit lamang ang kanyang kamay, pero walang nagpahanga sa akin na gaya ng ginawa mo kahapon. Kung paano ka nanindigan laban sa Mataas na Emperador. Ito ang pinakamatapang na nasaksihan ko."

Seryoso ba siya?

Hindi inaasahan ng Prinsipe ang papuri sa kanya ni Talas at siya ay napapailing na ngumiti.

"Nagsisisi nga ako sa nagawa ko sapagkat nasagot ko si Ama. Magulang ko siya, hindi ko dapat nagawa yun."

"Para sa akin, wala naman akong nakitang mali sa ginawa mo. Hindi mo naman siya sinagot dahil suwail ka at gusto mo siyang bastusin, nagawa mo lang naman iyon sa kagustuhan mong mailigtas ang iyong Ina. Kung ako ang nasa katayuan mo, hindi ko alam kung kakayanin ko bang magtaas-noo sa Kamahalan."

"Siguro nga po, magagawa mo ang mga bagay na hindi mo akalaing magagawa mo kapag nakasalalay na ang buhay ng mga mahahalaga sa iyo. Kaso lang, hindi ko maiwasan manliit sa sarili ko. Marami pa rin akong mga bagay na hindi ko pa kayang gawin..."

Hinawakan ni Talas si Graison sa may balikat at tinaas niya ang nakayuko nitong mukha. "Tandaan mo tong sasabihin ko. Ang sukatan ng isang tao ay hindi nakadepende kung ano ang kayang gawin ng kanyang panlabas, kundi sa kayang ibigay ng kanyang puso. Ang mahalaga handa kang manindigan sa tama, magmalasakit at magmahal. Ngayon ko lang sasabihin ito sa'yo, pero kinagagalak kitang tawaging 'Mahal na Prinsipe.' Maganda ang pagpapalaki sa'yo ng pinsan ko."

Natawa si Graison, nasanay na siyang bata ang tinatawag sa kanya ni Talas.

"Sige na at alam kong marami ka pang gustong gawin kaysa humawak ng espada at pana. Kapag bukal na sa loob mong magsanay, alam mo kung saan ako pupuntahan."

"Salamat, Tiyo Talas."

Bago siya tuluyang umalis, muling pumasok kay Graison ang isa pang katanungan. "Sa tingin nyo po ba magtatagumpay ang mga pinadalang Kawal ni Ama para mahanap si Ina?"

Napailing ang beteranong Kawal sa kanyang tanong.

"May tiwala ako sa iyong Ama, pero sa mga pinadala niya, di ko masabi kung makakaya ng mga tanga na hanapin si Grasiela. Dapat ako na pinadala niya, kaso minabuti na lamang ng Emperador na hindi ako isama dahil magkamag-anak kami at baka mabulilyaso raw ang misyon kapag pinairal ko ang damdamin ko. Huwag kang mag-alala, kapag walang naging bunga ang paghahanap nila, ako na mismo ang kikilos para maibalik sa'yo ang iyong Ina. Makakaasa ka."

Napatango si Graison. Nanumbalik ang gana sa Prinsipe. Tumatak sa kanya ang papuri at magagandang salita sa kanya ni Talas sapagkat ito ang mga salitang nais niya ring marinig mula bibig ng kanyang Ama.

-Lupain ng Artemias-

Mula sa kulungan, dumagundong ang isang malakas at namimilipit na pag-ungol. Walang humpay ang pagsigaw ni Panginoong Ocillo habang siya ay nakahawak sa kanyang sikmura at naghihikahos sa kanyang kinaroroonan.

"Tulong! Tulungan nyo kami!" humiyaw si Emperatris Grasiela na agad na pumukaw sa pansin ng guwardiya.

Pumasok ito sa loob at nasilayan si Panginoong Ocillo na namimilipit at inaalalayan ng Emperatris.

"Anong nangyari?"

"Ang sikmura ko, napakasakit," inda ni Ocillo. "Ano bang pinakain nyo sa amin, lason?"

"Tulungan nyo siya, bilis!"

"Wala ang manggagamot ngayon, tiisin mo na lang muna," natatarantang sambit ng bantay.

Napautot si Ocillo na nagpaalingasaw sa buong selda. Amoy ito ng pagkiang matagal naimbak sa sikmura. Naamoy ito ni Grasiela at ng bantay. Napatakip sila sa kanilang ilong.

"Samahan mo na lang muna ako sa palikuran, kailangan ko na talagang magbawas," pagyayaya ni Ocillo.

"Hindi maaari, dyan ka na lang magbawas!"

"Ganyan ka ba talaga kayo?" muling puna ng Emperatris. "Sasamahan mo lang siya sa palikuran hindi mo pa mapagbigyan, nakita mong nahihirapan na yung tao. Gusto mo bang dito siya magkalat, sige ka, ikaw din naman ang makakaamoy kapag bumulwak na siya."

"Sige na nga, pero saglit lang!"

Gumana ang banta ni Grasiela laban sa bantay at napilitan itong tanggalin ang posas at kadena sa mga kamay at paa ni Panginoong Ocillo. Habang abala ang guwardiya sa pagkalag sa kanya, napatingin ang Panginoon sa Emperatris at sumenyas na si Grasiela bilang hudyat.

Bago pa niya makalagan ang isang paa ni Ocillo, agad nitong hinablot ang pamalo sa kanyang bulsa. Hindi na nagpaligoy-ligoy pa ang Panginoon at hinambalos niya sa ulo ang bantay gamit ang sarili nitong armas. Agad itong napabagsak at nawalan ng malay. Kinuha niya ang susing hawak nito at siya na ang nagkalag sa sarili. Sunod niyang tinanggal ang nakakabit sa Emperatris.

Pagkalabas nila sa kanilang selda, nakatayo ang isa pang guwardiya. Tinambangan siya ni Ocillo mula sa likod. Isang hampas lamang at ito ay bumagsak na wala ng malay sa sahig gaya ng kasama niya.

"Tara na," hinatak niya palabas si Grasiela.

Tinahak ng dalawa ang daan paakyat sa paikot na hagdan ng bilangguan kung saan may lusutan patungo sa may bakuran. Nang marating ng dalawa ang bakuran, tyempo namang nagpapatrolya si Kapitan Roqil at wala silang kamalay-malay na makakasalubong nila ito. Napatingin ang dalawa sa Kapitan at sila ay bahagyang natigilan sa kanilang kinatatayuan. Nagpakiramdaman muna ang magkabilang panig sa pagkabigla, pagkatapos ay nagpatuloy sa pagtakbo ang dalawa.

"Tigil!" sigaw ni Roqil, hinabol niya ang dalawa at nagsunuran na rin ang iba pang mga Kawal Artemian.

"Nakita nila tayo, paano yan?"

Napalingon si Ocillo sa Kapitan na higit na mas nauuna sa kanyang pwersa at muli siyang napaisip. "Kamahalan, tumakbo na kayo, pipigilan ko siya."

"Pero paano ka?" nag-aalangan si Grasiela na iwan ang kaibigan.

"Ako na ang bahala sa kanila, takbo na!"

Hindi natinag si Grasiela sa pagtakbo habang si Panginoong Ocillo naman ay nagtungo sa kabilang direksyon. Tumaripas siya nang pasugod sa Kapitan upang hindi niya maabutan ang Emperatris. Lumundag siya kay Roqil at sila ay nagbuno sa hawak nitong espada habang ang ibang mga Kawal naman ay patuloy ang paghabol sa Emperatris na malayo-layo na ang agwat sa kanila.

Dahil sa kanyang bigat, nangibabaw si Panginoong Ocillo. Pinipilit niyang isaksak ang espada sa katawan ng Kapitan ngunit lumalaban at hindi rin papadaig si Roqil. Naglaban ang kanilang pwersa kung sino ang mananaig sa pagbaon ng espada.

Sumipa ang Kapitan sa sikmura ng Panginoon at siya ay napabagsak, nagtangka uling sumugod si Ocillo, kinuha ni Roqil ang espada at inugay nito sa kanya. Tinamaan si Ocillo sa may sikmura at luminya ang may kahabaang hiwa sa kanyang damit. Bumagsak ang Panginoon habang tumutulo ang dugo mula sa kanyang pinsala.

"Panginoong Ocillo!" natigilan si Grasiela nang masilayan ang nangyari. Noong mga sandaling iyon, walang pag-aalinlangan na inabandona ni Grasiela ang plano nilang pagtakas sapagkat mas kailangan ngayon ni Ocillo ng tulong. Hindi niya maaatim na iwanan ito matapos nitong ipagsanggalang ang sarili para sa kanya.

Pinuntahan niya agad ang duguang Panginoon habang si Kapitan Roqil naman ay natulala, nangangatog ang kanyang kamay na may hawak sa espada, para bang hindi makapaniwala sa nagawa.

"Panginoong Ocillo, gumising ka," pagtawag ni Grasiela ngunit wala nang malay ang Panginoon nang madatnan niya.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro