Kabanata 14: Aric
-Kasaganaan-
Nagsimula ang dalawampu't-tatlong kaarawan ni Aric tulad ng karaniwang araw. Bumangon siya sa kanyang banig nang may panlalata kahit na husto naman ang tulog niya. Paglabas niya sa kanyang kubo, pinagmasdan niya ang mga Myongan na abala sa kanilang mga araw-araw na gawain. Naghahanda na ang mga mangingisdang Myongan na pumalaot sa karagatan upang manghuli ng mga isda. Ang mga kababaihan ay abala sa paghahakot ng mga prutas o di kaya ay sa pag-aalaga ng kanilang mga maliliit na anak.
Nagpunta si Aric sa Kubo ni Miya upang bisitahin ito ngunit wala roon ang dalaga at ang natatanaw niya sa bintana ay ang mga magulang niya lamang na abala rin sa paghahanda ng almusal.
Nakalimutan kaya niyang kaarawan ko ngayon?
Inikot ni Aric ang tingin sa paligid ng dalampasigan. Wala ring senyales nina Myoris at ng mga batang bumabati sa kanya tuwing umaga.
Wala sila, mabuti na nga siguro ito.
***
Napagpasyahan ni Aric na magtungo sa kabundukan upang mapag-isa at mag-isip sa mga bagay-bagay. Inaasahan niyang naroroon si Miya at nag-aabang sa kanya pero kahit anino ng dalaga ay hindi niya natagpuan sa tuktok ng kabundukan.
Espesyal ang araw na ito sa kanya ngunit sa kabila ng lahat, wala itong nagawa upang pawiin ang bigat sa kanyang kalooban. Habang lumilipas ang mga araw, mas lalo lamang umiigting ang pangamba at pag-uusig sa kanyang kaibuturan. Nag-ugat ito sa katotohanang hiniling niyang hindi na sana niya napagtanto. Ang kaugnayan ng dalawang babaeng napalapit sa kanyang puso. Malamang dala rin ito ng kanyang mga pagkakasala noon at ngayon na hindi na niya mabilang sa kanyang mga kamay.
Isang kandila na naman ang hinipan sa kanyang buhay. Iilan na lang kaya ang natira bago siya tuluyang lamunin ng dilim at kawalan ng kamatayan? Paminsan-minsan, nagninilay-nilay siya sa naging takbo ng buhay niya. Hindi niya lubos akalain na sa panahong ito ng kanyang buhay ay mapupunta siya sa ganitong sitwasyon. Sa edad na dalawampu't-tatlo, sigurado na ang Ama niyang si Sarito sa layunin nito sa buhay. Ganitong edad isa na itong batikang Kawal, isang ama sa munting bata na lalaking nag-aalangan at lito sa patutunguhan ng kanyang buhay.
Kung may hinihiling man ngayon si Aric ay makabalik siya sa panahon ng kamusmusan. Ibibigay niya ang lahat upang maging bata ulit. Sisikapin niyang buuin ang bahay sa itaas ng puno, manatili doon magpakailanman at patigilan ang oras.
Napakarami kong nagawang pagkakamali, kay Miya, kay Ama, sa mga Myongan at maging sa sarili ko. Hindi ako nararapat na magdiwang ng kaarawan ko...tama lang na nag-iisa ako ngayon.
-Silangan-
Ihinain ni Aling Sania sa hapag ang isang puding na may kalakihan at napapalibutan ng mga ubas at iba pang mga hiniwang prutas na karaniwang hinahanda para sa isang taong may kaarawan. Sa hindi kalayuan, pinagmasdan ng tiyahin ang kanyang pamangkin na nakadungaw sa may bintana at nakatulala. Pansin niyang nagkaganito na ito mula noong bumalik ito galing sa Palasyo.
"Sarito, tara na at lalamig ito."
"Wala akong gana," matamlay na sinagot ni Sarito.
"Kailangan mong kumain at magdiwang, hindi ba at kaarawan ngayon ng anak mo?"
Napailing si Sarito sa tila pagwawalang-bahala ng tiyahin sa kalagayan ng kanyang anak.
"Paano ako magdidiwang kung hindi ko alam kung ano na ang nangyari sa anak ko?Sabi ng Hari matagal na siyang nawawala sa disyerto at hanggang ngayon hindi pa nila ito nakikita. Hindi ko nga alam kung sumapit pa ba ang kaarawan niya ngayon."
Sinaway ni Sania ang pamangkin, "Sarito, huwag kang magsalita ng ganyan. Para namang hindi mo kilala ang anak mo. Lumaki siyang matatag, malakas at maabilidad. Hindi lang disyerto ang papatay sa sangganong bata na iyon."
Kahit papaano ay napangiti si Sarito nang tawagin ng tiyahin na sanggano si Aric.
"Sana nga buhay siya at nasa ligtas na kalagayan. Pinagbantaan ako ni Rucaz na mananagot kaming mag-ama at isusuplong niya ko kay Fierro kapag may ginawang kalokoohan si Aric. Matigas pa sa bato ang bungo ng batang yun, ilang beses ko na siyang sinabihan at pinigilan pero hindi pa rin niya ako sinunod."
"May pinagmanahan," natatawang sambit ng tiyahin.
Tinignan lamang siya ni Sarito na nakakunot ang noo, tila pinapahiwatig na hindi nakuha ni Aric ang katangiang ito mula sa kanya.
"Sana malagpasan niya ang pagsubok na ito sa Hari. Sana nga buhay pa siya para pag muli kaming nagkita, masabi ko na sa kanya na...na..."
Hindi magawang tapusin ni Sarito ang kanyang sasabihin, tila napapaso ang kanyang dila at labag sa loob niya na ito ay banggitin o alalahanin.
Hinawakan ni Sania ang palad nito at napangiti, "huwag mo ng sabihin, alam ko na."
Nagpakawala ng buntong-hininga ang nalulugmok na Ama, "sana talaga hindi pa huli ang lahat."
"Huwag kang mag-alala, alam kong buhay pa si Aric at kung saan man siya naroroon sana ay maipagdiwang niya ang kaarawan niya. Ang magagawa lang natin ngayon ay ipanalangin siya at ipagdiwang ang kaarawan niya dahil alam kong ito ang gugustuhin niya. Kaya kumain na tayo."
Ipinagpalagay na lamang ng nababahalang Ama na kasama niya si Aric sa hapag at pinilit na lamang niyang kumain.
-Disyerto ng Syl-
Sa panuto ni Kapitan Uwalhid, pumasok si Eron sa tolda na may baong kaba sa kanyang dibdib. Sa tuwing ipapatawag siya ng Kapitan, palagi na lamang nakakaramdam ang binatilyo ng nerbyos kahit na madalas ay mayroon lamang itong ipag-uutos na maliit na bagay.
Pagpasok niya, taimtim na nakaupo ang Kapitan sa kanyang himpilan at tila nabuhayan ito nang makita ang presensiya ng binatang ginawa nilang utusan.
"Pinapatawag nyo po ako, Kapitan?"
"Oo bata, huwag kang mag-alala, hindi ka malilintikan sa akin, may nais lang akong tanungin sa'yo,"
Tansta niyang maayos ang timpla nito ngayon at nananatiling malumanay ang kanyang tinig.
"Sige po, ano po yun?"
"May nakapagsabi sa akin na nabawasan ang mga bote ng alak namin at ikaw ay namataan nilang lumalaklak kanina. Di ko alam na umiinom ka pala."
Napayuko si Eron, kapansin-pansin na namumula ang mukha niya, maaaring sa hiya o di kaya ay sa alak. Hindi niya maikakaila na nag-inom nga siya kani-kanina lamang.
"Pasensya na po, Kapitan. Hindi naman ako mahilig sa alak talaga, uminom lang ako upang ipagdiwang ang isang espesyal na okasyon. Pasensya na po."
"Walang problema, Eron. Basta sa susunod magpaalam ka muna bago ka kumuha. Maliwanag ba?"
"Masusunod po, Kapitan."
Napukaw ni Eron ang kuryusidad ni Uwalhid sa mga pinahayag nito at siya ay napaisip. "Tsaka nga pala, ano nga pala tong espesyal na okasyon na sinasabi mo?"
Naiilang si Eron na ipaalam sapagkat alam niyang mainit ang dugo ng Kapitan sa kaibigan at baka mag-iba ang timpla nito ngunit wala naman siya maisip na iba pang okasyon. "Kaarawan po kasi ni Aric ngayon."
"Kaya pala, kaarawan pala ng Panday, talagang hindi mo nalilimutan."
"Syempre naman po, kapatid na ang turingan namin ni Aric. Kulang na nga lang magdikit na ang mga bituka namin."
Napapangiting napailing si Uwalhid, pagkatapos ay tumayo siya sa kanyang pwesto at lumapit kay Eron nang mahinahon.
"Malalim na nga talaga ang pinagsamahan nyo. Dahil halos magkadikit na ang bituka nyo, alam nyo na ang lahat sa isa't-isa..."
"Tama po kayo."
"Ibg sabihin kung may binabalak siyang lokohin at gaguhin kami, siguradong may alam ka!"
Hindi inaasahan ng binatilyo ang pagbabago sa boses ng Kapitan, mula sa pagiging malumanay, para bang siya ay isang bulkan na agresibong sumabog.
Bago pa magkaroon ng pagkakataon na sumagot si Eron, binirahan na siya ni Uwalhid ng isang malakas na suntok sa mukha na nagpawala sa kanyang kamalayan.
***
Hindi pa nagtatagal, nagising si Eron at natagpuan niya ang kanyang sarili sa toldang nagsisilbing bodega kung saan nakatago ang mga bariles ng alak at iba nilang armas. Alam niya sapagkat labas pasok siya rito tuwing may pinag-uutos sa kanya. Napansin niyang nakatali ang kanyang kamay at mga paa. Sa kanyang harapan, nakaabang na sa kanya si Kapitan Uwalhid.
"Kapitan, bakit ako andito? pakawalan nyo ko!"
Walang tinag ang tingin sa kanya ni Uwalhid.
"Naku po, sinasabi ko na nga ba at papatayin nyo na ko!" lalong nataranta si Eron habang pinaglalaruan siya ng gulong isipan. "Ganitong kalaking banta na ba ako sa inyo?"
"Kumalma ka nga dyan, hindi ka ganoong ka-importante para pag-aksayahan namin ng panahon."
"Pero naririto ako ngayon, nakagapos."
"Gaya ng sinabi ko, maliit na tao ka lamang, gayunpaman mapapakinabangan pa rin kita."
"Ano ba talaga ang balak nyo?"
"Hindi ka pa namin papatayin, sa ngayon. Gusto lang namin makasigurado na hindi mo kami masasalisihan. Tingin mo ba hindi ka namin napapansin nitong mga nakaraang araw. Kakaiba ang mga kinikilos mo. Ikaw ay nananahimik, aali-aligid, tila humahanap ng tyempo upang makatakas. Akala mo ba wala kaming mga mata?"
Nanahimik si Eron, totoo ang sinasabi ng Kapitan, ilang ulit na nga niyang sinubukang tumakas ngunit palagi siyang nabibigo at ngayon ay nahuli na siya ng tuluyan kanilang patibong gaya ng kinatatakutan niya.
"Siguro may usapan kayo ng Panday na siya muna ang unang aalis, pagkatapos ikaw naman ang susunod. Sabihin mo sa amin kung ano ang plano nyong dalawa!"
"Wala akong masasabi sa inyo dahil wala kaming plano!" nagmatigas na pinanindigan ng binata.
"Mag-ingat ka, bata. Ayoko sa lahat ang sinungaling. Imposibleng wala kang alam! Matalik ka niyang kaibigan."
"Kung ano man ang binabalak o tumatakbo sa isip ni Aric ngayon, siya lang ang nakakaalam nun, paano ko naman yun malalaman e hindi nga kami magkasama. Kaya kung papatayin nyo ko, gawin nyo na, wala talaga ako masasabing impormasyon sa inyo!"
"May taglay ka rin palang tapang. Gusto mong mamatay? Pwes, hindi ko muna yun ibibigay sa'yo. Mabubulok ka muna rito. Gagamitin ka namin bilang pain laban sa kaibigan mo. Kung gaano katagal siyang mawawala, ganoong katagal ka rin magdurusa. Nakasalalay sa kanya kung paano ka niya matatagpuan. Makikita ka pa kaya niyang buhay o matatagpuan niya ang pugot mong ulo at ang bilad mong bangkay dito sa disyerto. Tumatakbo ang oras."
Bago lisanin ni Uwalhid ang bodega, napatingin siya sa bihag na may bahid ng panghihinayang. "Sayang nga lang, bata. Naipit ka pa rito, hindi ko maitatangging isa kang mahusay na utusan."
-Kasaganaan-
Pagsapit ng hapon, matapos ang ilang oras na pananatili ni Aric sa kabundukan, nagdesisyon siyang umuwi sa dalampasigan sapagkat hindi niya kayang lumagpas ang isang araw na hindi niya nakikita si Miya. Lalo pa ngayong kaarawan niya, kailangan niya ito sa kanyang tabi, sa kanyang piling.
Pagkarating niya, nagtaka ang binatilyo sapagkat walang natirang ni isang tao sa dalampasigan. Tila nag-alsa balutan ang buong Tribo. Tanging ang kubo, buhangin at mga alon lamang ang sumalubong sa kanya. Napaisip tuloy siya kung ano ang sanhi ng kanilang pagkawala. May bago na naman bang sakuna sa Kasaganaan? May bagong halimaw o nilalang na kailangang sugpuin?
Nasaan silang lahat?
"Maligayang kaarawan, Kuya Aric," narinig niya ang pamilyar na tinig ng magkapatid na Maoro at Mylka. Maligalig na lumapit ang magkapatid sa kanya.
"Maraming salamat," tugon niya sa dalawa. "Nasaan sila?"
"Luhod ka po muna," masiglang sagot ni Mylka.
"Pero..."
"Luhod na po kayo," si Maoro naman ang nag-anyaya.
"Sige," sinunod na lamang ni Aric ang dalawa at lumuhod.
Mula sa kanilang likuran, kinuha ng mga bata ang kwintas na yari sa mga dahon at bulaklak at isinabit ito kay Aric. Si Mylka muna ang nauna bago si Maoro.
Nagsulputan sina Myoris at ang iba pang tribong Myongan na nagtatago sa kanilang mga kubo at mga puno. Lahat sila ay may hawak na halamang kwintas.
"Maligayang kaarawan, Aric," binati siya ni Myoris habang sinasabit ang kwintas sa kanyang leeg.
Sunod na nagsabit sina Marcio, Maahan, Myam-Gaam-Ot at ang iba pang mga Katribo hanggang sa mapuno na ng kwintas si Aric at magmistulan siyang isang taong halaman.
"Ano ba ang ibig sabihin nito?" pagtatakang usisa ng binata.
"Isa itong sorpresa, para sa'yo," sumulpot si Miya kasama si Datu Mortho.
"Sabi sa akin ng apo ko na kaugalian nyo raw na mag-alay ng handog tuwing may kaarawan kaya sana nagustuhan mo ang mga handog namin," wika ni Datu Mortho.
"Syempre naman po, hindi ko po ito inaasahan, talagang nasorpresa ako, at baka masorpresa din kayo pag nakita nyo kong nakahilera doon sa mga puno."
Napalakas ang halakhak ni Datu Mortho sa biro ni Aric. "Maligayang kaarawan, apo."
Napayakap si Aric sa Datu gaya ng kung paano niya yakapin ang isang Ama. "Maraming salamat po."
"May handog rin ako sa'yo, apo, sana ay magustuhan mo."
Inabot ng Datu ang isang espesyal na palakol. Matalas ang bakal nito. Ang katawan naman nito ay gawa sa kininis na kahoy tulad ng sa sibat. Pagkuha ni Aric ay namangha siya sapagkat may kabigatan ang palakol at maganda ang pagkakayari.
"Isa ka na sa amin, kailangang may armas ka na ng gaya sa amin."
"Maraming salamat, Mahal na Datu."
"Tama na ang pasasalamat, tara na at magdiwang."
Hinanda ng mga tribo ang mga putaheng kanilang niluto at sila ay nagkaroon ng isang munting salo-salo upang ipagdiwang ang kaarawan ng bago nilang Katribo. Ang mga Myongan ay masayang kumain habang naglalaro kung sino ang mauunang makaubos ng mga karneng kanilang nilalamon. Mayroon ring mga kantahan, sayawan at palaro sa mga bata. Maihahalintulad sa pagdriwang na naganap noon para kay Mortho.
Noong mga panahong iyon, napalitan ng saya at ligaya ang lungkot at pagkabalisa ni Aric. Ngayon lamang niya naranasang ipagdiwang ng ganito ang kanyang kaarawan sa tanang buhay niya kung saan ang lahat ay masaya at nagkakaisang nagdiriwang para sa kanya. Pakiramdam niya hindi na siya nag-iisa. Pakiramdam niya mahal at tanggap siya ng lahat at para bang sasabog ang puso niya sa kagalakan.
Hindi maiwasan ni Aric na mapatitig at mahumaling kay Miya na siyang katabi niya sa pagdiriwang. Bahagya niyang napagtanto na sa lahat, siya lang ang bukod tanging walang handog na regalo para sa kanya kahit na nangako ito, gayunpaman, hindi na ito mahalaga, basta makasama at makapiling niya ang dalaga, ito na ang pinakamagandang regalong matatanggap niya.
Sa kasagsagan ng selebrasyon, dahan-dahang lumapit ang dalaga sa binatilyo, pinisil niya ang palad nito at kinuha niya ang atensyon ni Aric. Sumenyas ang mga nangungusap na mata ng dalaga na hindi pa gaano naunawaan ng binata. Habang ang lahat ay abala sa nagaganap na kasiyahan, hinatak ni Miya ang binatilyo patungo sa kagubatan.
***
Kinuha ni Miya ang bandana sa ulo ni Aric at piniring niya ito sa mga mata ng iniirog.
"Saan ba tayo pupunta?" natatawang inalam ng binata.
"Basta, may isa pa akong sorpresa para sa'yo."
Inalalayan ng dalaga ang paglalakad ni Aric, hindi nagtagal, narating rin nila ang kanilang destinasyon.
"Miya, ano ba talaga to?"
"Tatanggalin ko na," panuto ng dalaga, "pagkaalis ko, tumingala ka sa itaas."
"Hindi mo naman hinuli ang araw para sa akin, hindi ba?"
Napahalakhak ang dalaga, "hindi, pero malapit na."
Tuluyang inalis ni Miya ang piring sa mga mata ng kasintahan at agad nitong tinuon ang mga mata sa itaas gaya ng sinabi niya.
Halos bumaba ang panga ni Aric sa nasaksihan. Nasilayan niyang nakatayo ang isang bahay sa itaas ng puno. Napakusot siya sa kanyang mga mata, hindi makapaniwala kung totoo ba ang nakikita niya o namamalik-mata lang siya.
"Miya...paano?"
"Ako ang gumawa," ipinagmalaki ng dalaga, "syempre may kasamang tulong rin mula kay Myoris, sa mga bata at sa iba pa. Tinapos namin ito hanggang kanina."
"Kaya pala wala kayong lahat kanina," napagtanto ni Aric. "Pero anong sabi ng pamilya mo?"
"Huwag kang mag-alala, hindi ito alam ni Lolo at ng mga magulang ko. Halika na, akyatin natin nang makita mo ang loob."
Umakyat ang dalawa sa mga piraso ng parihabang kahoy nagsisilbing hagdan at nakahilera sa may tangkay paitaas. Pagkarating nila sa tuktok, wala na silang inaksayang panahon at pumasok na sila sa loob. Pinagmasdan ni Aric ang bawat detalye ng bahay. Yari sa rattan at nipa ang bubungan nito habang ang palapag naman ay yari sa mga tinali at pinagdikit-dikit na mga kawayan. Malaki ang espasyo nito kaysa sa inaakala niya at kasya rito ang isang pamilya. Napahanga rin si Aric sa ayos ng pagkakakonekta ng mga tangkay at kawayan sa apat na sulok.
"Nasorpresa ka ba? Ito ang regalo ko. Sabi ko naman sa'yo, tutuparin ko ang pangarap mo. Ngayon may bahay ka na sa itaas ng puno."
"Miya, sobra-sobra namang regalo ito, akala ko nasorpresa nyo na ako sa handog nyo kanina...hindi ko akalaing ihahandog mo ito sa akin...na tutuparin mo talaga ang panagarap na sinukuan ko na."
"Alam mo namang handa akong gawin ang lahat para mapasaya ka lang."
Hindi lamang nito natapatan ang bahay na pinapangarap nito, nahigitan pa. Sa laki ng nagawa niyang bahay, nagmistulang bahay lamang ng sisiw ang bahay sa kanyang imahinasyon. Iba't-ibang ito sa larawang binuo niya sa kanyang kaisipan. Ito ay mas malaki, mas maganda, at mas maayos. Halos maluha-luha si Aric at napayakap siya nang walang kasing higpit kay Miya.
"Maraming salamat, mahal ko, hindi ka talaga nabibigong pahangain ako. Ngayon isang bagay na lang ang inaalala ko."
"Ano naman yun?" tanong ng dalaga.
"Matibay kaya ito kapag...alam mo na," isang kakaibang ngiti ang pumorma sa pisngi ni Aric at agad na nakuha ni Miya ang pinupunto niya.
"Bakit hindi natin subukan ng malaman natin...pero saglit lang tayo at kailangan nating bumalik."
Sa hudyat ng dalaga, sinunggaban ni Aric nang halik ang iniirog at sila ay gumawa ng pag-ibig sa bahay na ngayon ay magsisilbing bagong pugad ng kanilang pagmamahalan.
Kahit na sila ay nagtatalbugan, hindi natibag ang pundasyon ng bahay gaya ng pag-ibig nila sa isa't-isa. Kumandong si Miya minamahal at sinakyan ito habang wala namang tinag si Aric sa pagbaon ng kanyang mukha't halik sa kanyang katamtamang suso.
Noong mga sandaling iyon, natupad rin ang isa sa mga hiling ni Aric na manatili sa bahay sa itaas ng puno magpakailanman at patigilan ang oras kahit na pansamantala lamang. Hindi rin niya nakakalimutan na habang mas minamahal niya si Miya, mas lalo niya rin itong ipinagkakanulo.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro