Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 13: Saraphine

-Palasyo-

Sa damuhan, nananatili ang mga tungkos ng bulaklak at ganoon na rin ang gintong kwintas na hinagis ni Prinsipe Rionne matapos tanggihan ni Saraphine ang kanyang pag-ibig. Magdamag itong nakahimlay rito, nakalantad sa mga langgam na gumagapang at langaw na dumadapo. Umusbong na ang araw ngunit wala pa ring nakakakita rito upang ligpitin.

Maya-maya, isang makinis at maputing kamay ang kumuha sa bulaklak, pinapagpag ang dumi't-alikabok mula sa damuhan. Habang ito ay hawak ni Saraphine, napalingon siya sa itaas sa may balkonahe ni Prinsipe Rionne. Batid niyang sa sobrang lungkot at pagkadismaya, napagbuntunan ito at hinagis dito sa may bakuran. Nauunawaan niya ang sakit na nararamdaman nito ngayon dahil minsan na niyang naranasan ito pero tama ba na gawin niya rin ito sa ibang tao?

Ngayon, hawak ng dalaga ang bagay na sumisimbolo sa pag-ibig nitong hindi nasuklian at sa damdaming kanyang sinugatan. Umagang-umaga pa lamang at ito na agad ang bumungad sa kanya. Nilagay na lamang ng dalaga sa isang bakanteng plorera ang mga bulaklak. Sinalba niya ang bulaklak kaakibat ng pag-asang masasalba rin niya ang samahan nila ni Rionne. Tinago naman niya sa kanyang baul ang kwintas.

***

Sumapit ang tanghali, oras na ng pahinga para sa mga katulong. Sila ay nagtungo sa kanilang mga kwarto. Kasalukuyang naglalakad si Aling Estrella papalapit sa kanyang kama nang bigla na lamang siyang mapatigil sa kinatatayuan. Sumama ang kanyang mukha habang napapahawak sa kanyang binti.

"Anong problema, Aling Estrella?" tanong ni Saraphine.

"Namanhid ang paa ko, hindi ko mailakad. Sa edad ko na siguro."

"O sige, huwag muna kayong gumalaw at baka matumba kayo."

Pinalipas muna nila ang ilang minuto pagkatapos inalalayan ni Saraphine nang dahan-dahan sa kama ang kasamahan.

"Ayos na po?"

"Oo wala na," saad niya pagkaupo sa kama, "buti pa ang paa ko nawala na ang pamamamnhid, hindi tulad ng iba dyan."

Napakunot ang noo ni Saraphine sa kasama. Tila naiba ang timpla ni Aling Estrella at halata namang may patutsada ang kanyang mga pahayag.

"Ano po yun?"

"Wala ka ba talagang malay, Sara? Manhid ka nga talaga. Pinaghandaan ni Prinsipe Rionne ang araw na iyon para sa'yo."

Ngayon lamang napagtanto ng dalaga na siya nga ang tinutukoy ng kasama. Ang nangyari sa kanila ni Rionne na kanina pa pilit na may nagpapaalala sa kanya na para bang gumawa siya ng isang kasuklam-suklam na krimen.

"Alam nyo ang tungkol doon?"

"Talagang alam ko dahil sumangguni siya sa akin. Wala siyang hinangad kundi pasayahin at alagaan ka dahil totoong mahal ka niya, pagkatapos winasak mo lang ang puso niya...at sa sarili pa niyang kaarawan. Sinong gagawa nun? Kung di ba naman bato ang puso mo, di ko na talaga alam."

Nauunawaan niya ang sentimiyento ng kasamahan, kahit sino naman ang tanungin ay kakampi sa nasaktang Prinsipe.

Siguro nga bato na ang puso ko.

"Maniwala kayo sa akin, hindi ko ginustong saktan ang Prinsipe, hindi lang talaga tama ang panahon para palalimin ang relasyon namin."

"Ano pa bang kulang sa Prinsipe? Kung kasing edad mo lamang ako, hindi ako magdadalawang-isip na tanggapin ang pag-ibig niya. Nasa kanya na ata lahat ng katangiang hinahangad ng isang babae. Hindi nararapat sa kanya na masaktan ng ganito. Sigurado ako dinadamdam pa rin niya ang nangyari, ni hindi ko pa siya nakitang lumabas ng kanyang silid mula kanina."

"Aling Estrella naman, nakokonsensiya na nga ako sa ginawa ko sa kanya, mas lalo nyo pang pinabibigat ang nararamdaman ko."

"Dapat lang yan sa isang pusong batong katulad mo," tinalikuran ni Estrella ang kaibigan habang nakahalukipkip.

"Nagdadamdam na nga akin si Rionne, pati ba naman kayo," nilambing ni Saraphine ang kasamahan. "Parang nanay ko na kayo."

Nadala ang katulong sa sinabi ni Saraphine. Hindi na niya napigilan ang sarili at napaharap siya sa sa dalaga.

"Ikaw naman kasi...alam mo bang pabor na pabor ako sa inyong dalawa...gusto ko talagang magkatuluyan kayo."

"Kung kami talaga ang para sa isa't-isa, hahanap ng paraan ang tadhana, kahit ilang taon pa ang lumipas. Sa totoo nga po, nais kong bumawi sa Prinsipe. Ano kaya ang magagawa ko para mapasaya siya?"

Napangiti si Aling Estrella, "may naisip ako."

***

Dahil wala ang panadero, si Aling Estrella ang natoka sa hurnuhan at sinamahan niya si Saraphine. Dala-dala ang harina, pulot-pukyutan, mantikilya, kanela at iba pang sangkap, tinulungan niya ang dalaga paano gumawa ng mga kukis. Siya ang pinaghalo at si Estrella naman ang naghulma sa mga korte, pagkatapos ay nilagay nila ito sa malaking hurnuhan. Marunong magluto si Saraphine ngunit ang paggawa nito ay hindi pamilyar sa kanya. Karamihan kasi ng niluluto niya dati para sa kanyang Ate Pinang at Tiyang Uranna ay mga pritong karne at sinabawang gulay. Isa pa, hindi rin sila nakakagawa nito sapagkat mayayaman lamang ang nakakatikim ng ganitong uri ng tinapay. Madalas ay bumibili lamang sila ng mga kakaining ordinaryong tinapay sa mga panaderya sa bayan.

Matapos ang labinlimang minuto, kinuha na nila ang mga bagong hurnong mga kukis. Nalanghap ng dalawa ang mabangong aroma na nagmumula rito, pagkatapos ito ay tinikman nila.

Nagdahan-dahan si Saraphine sapagkat mainit pa, habang si Estrella naman ay nilantakan ito na para bang hindi nararamdaman ang init. Unti-unting nilasap ng dalaga ang kukis. Maayos ang pagkakaluto rito. Pagkakagat niya, tsaka lamang ito nagkapira-piraso at ito ay may kalutungan. Hindi ito matigas na mahirap kagatin at hindi rin naman malabsa na mabilis madurog. Tantsado rin ang tamis, nagsama-sama ang linamnam ng mantikilya, pulot at kanela ngunit tama lamang ang timpla at hindi nasobrahan. Naubos na niya ang isang piraso ngunit naiwan ang sarap nito sa kanyang bibig. Sa kabuuan tagumpay at masarap ang kanilang gawa.

"Ang sarap, sigurado ako matutuwa ang Prinsipe sa luto natin," sabi ni Aling Estrella.

"Sana nga po, dadalhan ko na siya."

***

Nagtungo si Saraphine sa silid ni Rionne dala-dala ang mga kukis. Kinatok niya ang pinto ngunit wala siyang narinig na sagot. Ilang saglit pa, muli siyang kumatok at sa pagkakataong ito bumukas na ang pinto at humarap na sa kanya ang Prinsipe.

Hindi inaasahan ng dalaga ang anyo ng Prinsipe. Gulo-gulo ang kanyang buhok at pupungas-pungas pa ang namimigat niyang mga mata. Hindi pa ito nakakapagpalit ng damit mula noong gumala sila kahapon. Hindi nakabutones ang kanyang panloob na puting damit at kita ang maskulado niyang pangangatawan. Napatingin rito ng bahagya si Saraphine at napalunok ngunit agad niyang inalis ang kanyang mga mata sa pagkailang. Ibang Rionne ang humarap sa kanya ngayon, taliwas sa disente at sopistikadong Prinsipeng kilala niya.

"Magandang hapon, Mahal na Prinsipe."

"Gandang hapon," sagot niya sa impormal at may kabagalang tinig.

"Gusto lang kita kamustahin. Nag-aalala kasi ako. Mahal na Prinsipe, tungkol nga pala sa nangyari kaha-"

"Sara, Sara, tama na yan... Ayos ako, ayos naman..." sumingit ang Prinsipe bago niya matapos ang kanyang sasabihin. "Napagod lang ako at napuyat kaya hinapon ng gising, hindi naman problema yun kasi wala rin namang maghahanap sa akin...huwag mo na akong intindihin, ayos na ayos lang ako."

Isang pamilyar na amoy ang pumasok sa ilong ng dalaga. Naamoy na niya ito sa kanyang Tiyang Uranna kapag ito ay nalalasing, napalingon si Saraphine sa loob at namataan niya ang ilang bote ng alak na nakakalat sa silid.

Hindi nga siya ayos. Naglasing siya.

"Nagdala nga po pala ako ng mga kukis para sa inyo, kami ni Aling Estrella ang naghurno," inilapit niya ang plato sa Prinsipe na may pagmamalaki.

Napakuha si Rionne ng isa habang napapakamot sa kanyang ulo, tila tinatamad at walang gana. Tinikman niya ito ngunit halatang napilitan lamang siyang kainin ito. Nananatiling blangko ang ekspresyon sa kanyang mukha.

"Nagustuhan mo ba?"

"Pwede na," saad niya sa payak na tinig na walang bahid ng katiting na sigla at pagkagana.

Napawi ang ngiti sa mukha ni Saraphine at napatitig siya sa Prinsipe.

"May kailangan ka pa?" tanong ni Rionne nang mapansin niyang nakatayo pa rin doon ang dalaga.

"Wala na po, Mahal na Prinsipe."

"Sige, makakaalis ka na, maaari ka ng bumalik sa trabaho mo."

Yumuko si Saraphine bilang pagpapaalam at agad na sinara ni Rionne ang pinto. Nahuhulaan na niya ang gagawin ng Prinsipe, malamang lalaklak na naman ito ng alak at hihilata sa kanyang kama.

Lalaki nga naman, ganito ba nila kami tatratuhin pag di nila nakuha ang gusto nila?

Anong bang gusto mong mangyari? Ngitian ka niya, salubungin at pakitunguhan ng maayos, matapos mong saktan ang kanyang puso. Natural, galit siya sa'yo at hindi mo siya masisisi. Nararapat lamang ito sa'yo. Huwag mo na siyang intindihin gaya ng sabi niya, magpatuloy ka sa misyon mo.

***

Sumunod na araw, natoka si Saraphine na maglinis sa Pangunahing Bulwagan habang si Haring Rucaz ay abala sa pagdinig sa mga hinaing ng taumbayan. Patuloy lamang ang dalaga sa pagpupunas ng mga plorera at mga salaminan. Nakahinga siya ng maluwag sapagkat wala ngayon si Reyna Helena at walang gumagambala at nagpapahirap sa kanyang mga trabaho. Kahit na abala siya sa tungkulin, hindi niya rin maiwasang makinig sa mga hinaing nila. Ilang residente ang humingi ng tulong sapagkat sinalanta ng malakas na bagyo ang kanilang lupain at kinakailangan nila ng mga pagkain at kagamitan sa pagpapaayos ng kanilang tirahan. Ang isa naman ay humihingi ng tulong sapagkat pineste ang kanilang mga ani. Binigyan sila ng Hari ng paunang lunas at pinangakong siya ay magpapadala ng tulong sa mga sawimpalad na nasasakupan, bagay na nagustuhan ni Saraphine. Kung hindi lamang ito namumuhi sa mga Myongan at kung wala siyang pinagtatakpang baho ng kanyang pamilya, iisipin na niyang mabuti at epektibong Hari si Rucaz.

"Sino ang susunod?"

Binuksan ng nga katiwala ang pinto at pinapasok ang susunod na dudulog sa Hari.

"Si Mang Rito po, Kamahalan. Ama ng Panday."

Mang Rito?

Napatigil si Saraphine sa pagpupunas at siya ay pasimpleng napalingon sa panauhin. Pumasok ang isang lalaking nakatakip ng kulay abong balabal, ito ay may kakubaan, mabagal maglakad ang naghihina at iika-ika niyang mga paa na sinusuportahan ng isang tungkod. Lumipas ang ilang minuto bago niya marating ang Trono ni Rucaz.

Tinanggal niya ang kanyang balabal sa ulo, pinakita ang kanyang mukha at hinarap ang Hari, "Kamahalan."

Siya nga. Si Kapitan Sarito!

Nanibago si Saraphine sapagkat halos hindi na niya ito nakilala. Ibang-iba na ito mula noong huli niya itong nakita. Ang kanyang dating tikas at lakas, lahat ng ito ay naglaho na at ang nalalabi na lamang ay isang matandang pilantod na nangangatog ang mga paa at naghihikahos sa bawat hakbang. Pagkatapos ni Aric at ng kinamumuhian niyang si Fierro, si Sarito ang ikatlong taong mula sa kanyang nakaraan na muli niyang nasilayan.

"Mang Rito, ano ang sadya mo ngayon?" tanong ng Hari.

"Mahal na Hari, naparito ako ngayon upang makibalita sa aking anak. Matagal-tagal na mula noong siya ay umalis ngunit hanggang ngayon ay wala akong natatanggap na balita. Bilang kanyang Ama, ako ay nag-aalala kung ano na ba ang lagay ni Aric."

Taimtim na nakikinig ang Hari habang nakaupo sa kanyang trono. Hinimas niya muna ang kanyang balbas at patuloy siya sa pangunguyakoy bago sagutin ang Ama ng Panday.

"Natatanggap mo ba ang mga tulong na binibigay ko sa inyo mula noong magsara ang Pandayan?"

"Opo, Kamahalan."

"Wala ka bang nababalitaan mula sa iba pang mga Kawal kapag dinadalhan ka nila ng mga pagkain?"

"Nagtanong ako. Hindi sila sigurado sa mga sagot nila."

"Di mo sila masisisi, maging ako hindi ko rin alam ano ang maisasagot ko sa'yo. Wala rin akong malay kung ano na ba nangyari sa anak mo."

"Ano pong ibig nyong sabihin?"

"Nangahas ang Panday na tahakin ang Disyerto ng mag-isa at hanggang ngayon ay hindi pa rin siya bumabalik sa kampo. Ni anino niya walang iniwang marka. Walang nakakaalam kung nasaan siya."

Nanahimik si Sarito sa kanyang natuklasan. Napahinga ito nang malalim at napaisip sa ekspresyong "ano naman ang pinasok ni Aric?" palagay ni Saraphine. Hindi nito malaman ano ang kanyang isasagot sa Hari. Tila umuurong ang dila niya sa sobrang pag-aalala. Masamang balitang ito at walang kasiguraduhan ang kinahinatnan ni Aric. Maging ang dalaga ay nabahala na rin sa kanyang pwesto, kahit na hindi ito ang unang beses na narinig niya ang balitang ito, hindi pa rin niyang maiwasang mangamba sa dating kaibigan.

"Rito, ikaw ang kanyang Ama, sabihin mo nga sa akin, may nalalaman ka ba? Ano ba talaga ang pakay ng anak mo?"

"Ang alam ko lang higit pa sa anumang bagay, hinahangad niya na maging isang Kawal at wala akong nagawa upang pigilan siya sa pagsama sa ekspedisyong ito."

"Totoo ang sinasabi mo? Baka naman ginagago kami ng Panday, paano kung tinakasan na niya kami?"

"Hindi niya yun gagawin, Kamahalan. Kilala ko ang anak ko. May isang salita siya, kapag sinabi niyang gagawin niya ang isang bagay, mapapanghawakan mo ang kanyang pangako. Kaya natitiyak kong hindi niya kayo tinakasan."

Hindi man buo ang tiwala ni Rucaz kay Sarito, sapat naman ang kumpiyansa nito upang makumbinsi siya kahit na papaano.

"Siguraduhin mo lang na walang gagawing katarantaduhan si Aric, kundi ikaw ang mananagot. Dapat lang malaman mo na kilala kita, Sarito."

Nanlaki ang malamlam na mga mata ng dating Kawal, hindi nito lubos akalain na tatawagin siya ng Hari sa buo niyang pangalan.

"Alam ko kung ano ka dati bago ka maging isang hamak na Panday. Alam ko ang kaugnayan mo sa nasirang Emperador at alam ko rin na isa ka sa mga taong inuusig ng Mataas na Emperador hanggang ngayon. Kung tutuusin, isang salita ko lang at maaari na kitang isuplong kay Fierro lalo na ngayon at may nabuo nang alyansa sa pagitan naming dalawa."

Nangatog lalo ang nanghihinang mga paa ni Sarito at kung hundi dahil sa kanyang tungkod ay tutumba na sana siya. Nagsimula siyang pagpawisan ng malapot at nag-ikot ang kanyang paningin sa paligid, sa bawat Kawal at maging kay Saraphine na agad na tumalikod nang mapansing tututok sa kanya ang paningin nito. Nangamba ang dating Kawal na baka may nagmamasid sa kanya na tao ni Fierro.

"Huwag kang mag-alala, alang-alang sa utang na loob namin sa inyo ni Aric, mananatili itong sikreto sa ngayon. Naalala kong sa Pandayan nga pala ginawa ang mga espada ng aking hukbo. Sa oras na may dumating na balita tungkol kay Aric, sasabihan ka agad namin, buhay man siya o patay, malalaman mo. Ipanalangin mo lang na huwag gumawa ng isang maling hakbang ang iyong anak kundi hindi ko na alam kung saan kayo pupuluting mag-ama."

"Maraming salamat sa inyong konsiderasyon, Mahal na Hari."

Naglakad papalabas ng bulwagan si Sarito. Bumalik si Saraphine sa pagpupunas ng mga plorera, pilit na umiiwas sa kanya. Hindi pa nagtatagal mula noong ito ay makalabas, binilisan ng dalaga ang kanyang gawain.

***

Palihim niyang sinundan si Sarito na bahagyang tumigil sa may bakuran at tila napapaisip, malamang nababahala ito sa maaaring kahihinatnan nila ng anak. Humahanap ng tamang tyempo ang dalaga para kausapin ito, sinigurado niyang walang sinuman ang makakarinig sa kanila sa oras na sila ay mag-usap. Sinamantala niya habang nakatigil si Sarito. Matapos magpakawala ng malalim na buntong-hininga, naglakad ang dalaga papalapit sa taong minsan nang naging bahagi ng kanyang nakaraan. Pabilis nang pabilis ang pintig ng kanyang puso, sari-saring emosyon ang bumabalot sa dalaga. Hindi si Sarito ang sumira sa kanyang buhay ngunit may pagkukulang ito sa nangyari sa kanyang pamilya. Nais niya itong sumbatan at hatulan sa lahat ng kanyang kasawian.

"Umaasa pa rin ba kayo na makakabalik siya at mapapagtagumpayan niya ang misyong ito?"

Napalingon si Sarito, nakita niya ang dalaga ngunit kailangan pa niyang paliitin ang kanyang mga mata upang makita niya ito ng maayos at siya ay napaisip.

"Paumanhin, Binibini?"

Mas lumapit pa si Saraphine sa kanya upang siya ay mas maaninag nito, "hindi nyo na ba ako natatandaan, Kapitan Sarito?"

Natulala ang panday at napatitig ito sa berdeng mga mata ng dalaga. Hindi kumukurap si Saraphine at direkta ang tingin nito sa kanya. Biglang namutla si Sarito at lalong natigilan sa kanyang pwesto, animo'y siya ay nakakita ng isang multo.

"Prinsesa Cordelia."

"Ako nga po."

Napangiti si Sarito na nangingilid ang luha sa mga mata. "Maraming salamat sa mga Diyos at buhay ka. Dalaga ka na. Kamusta ka na?"

"Ito naninilbihan sa Hari ng Silangan, patuloy na nagbabalat-kayo gamit ang ibang katauhan. Hindi naging madali ang buhay ko nitong nakalipas na 14 taon."

"Sigurado ako, anak. Malamang hindi ko maaatim ang hirap na pinagdaanan mo kahit na subukan ko. Ang mga kapatid mo? Kasama mo ba sila?"

"Wala na kong balita kay Kuya Covel at pati na rin kay Yrvin. Isa lang ang alam ko, wala na si Ymma, nasawi sila ni Ate Editha sa isang aksidente."

Napansin ni Saraphine ang panlulumo ni Sarito sa natuklasan, pagkatapos agad nitong pinawi ang lungkot at bahagyang napangiti.

"Nalulungkot ako sa nangyari sa mga kapatid mo pero ako ay nagagalak dahil nandito ka at buhay. Makakatulog ako ng mahimbing mamaya kahit papaano."

Nagagalak siya? Akala niya ba ganitong kasimple lang ang lahat?

"Matutuwa si Aric pag..." may napagtanto si Sarito sa unang sinabi ng dalaga. "Sandali, alam mo ang tungkol sa misyon, ibig sabihin nagkita na kayo ng anak ko?"

"Opo," nananatiling walang buhay ang tono ng dalaga. "Nagkita na kami. Pinagsaluhan namin ang isang gabing hindi ko makakalimutan pagkatapos pinaasa niya lang ako sa isang pag-ibig na hindi naman niya kayang suklian. Iniwan niya ko na parang wala akong halaga nang dahil lamang sa munting pangarap."

Nawalan ng maisasagot ang dating Kawal sa kanyang mga sinabi. Ngayon niya lamang nalaman ang tungkol dito.

"Hindi ba niya sinabi sa inyo?" Napailing na napangisi si Saraphine. "Ano pa nga ba ang aasahan ko? Lumaki siyang tinutularan ang isang taong kayang talikuran ang lahat ng mahalaga sa kanya, isang taong walang ginawa kung hindi ang tumakbo at takasan ang kanyang mga responsibilidad. Ngayon alam ko na kung kanino siya nagmana."

Wala ng nakapagpigil sa kanya sa pagsabog ng kanyang mga saloobin, hinihiling niya na sana tumagos kay Sarito ang bawat salitang kanyang binitawan na parang isang itak na babaon sa kanyang dibdib.

Gumana naman ito. Agad na nabatid ng dating kawal ang pagpapatama nito sa kanya. "Patawarin mo ko, Mahal na Prinsesa."

Pumatak na ang mapapait na luha sa pisngi ni Sarito kasabay nito, napahawak siya sa palad ni Saraphine, nalaglag ang kanyang saklay at siya ay napaluhod sa harapan ng dalaga.

"Isa akong Kawal, dapat pinrotektahan ko kayong lahat laban kay Fierro sa abot ng aking makakaya, nagkulang ako. Sinubukan ko pa sana!"

Hindi na rin napigilan ng dalaga na mapatangis sa sinabi nito. "Kung ganun bakit di nyo ginawa?"

"Dahil natakot ako, natakot ako para kay Aric, sa kaligtasan niya. Pinangunahan ako ng takot! Nilabag ko ang aking tungkulin at inuna ko ang aking sarili bago ang Emperador pero maniwala ka sa akin, walang araw na hindi ako inusig ng aking konsensiya sa aking nagawang pagkakamali sa Imperyo. Kung maibabalik ko lang ang lahat! Pinagdusahan ko ito at nagbayad ako ng malaki, tignan mo ako, ito na lang ang natira sa akin mula noong lisanin ko ang dati kong buhay! Mahina na ako at wala ng silbi."

"Mabuti naman," walang maririnig na simpatya mula sa dalaga. "Sa tingin ko nararapat lang ang lahat ng ito. Tadhana na ang nagparusa sa ginawa mong pagtalikod sa aking pamilya."

"Patawarin mo ko sa lahat."

Tinanggal ni Saraphine ang kamay ni Sarito, sa pagkakataong ito, hindi na niya magawang tignan ito ng direkta sa mata. Nais niyang lumuhod ito sa kanya, humingi ng tawad at magkamakaawa sa sobrang pagsisisi ngunit wala siyang naramdamang saya, kakuntentuhan at kapanatagan noong ginawa ito ng dating Kawal. Bagkus, nakaramdam lang siya ng pagkaasiwa, kahit na siya ay tunay na Prinsesa, hindi niya nakagawiang manghamak at mang-alipusta ng ibang tao, hindi tulad ng Reynang pinagsisilbihan niya ngayon. Sa kabila ng lahat, may awa pa rin ang dalaga sa sinapit ng Panday. Nakita niyang totoo ngang sirang-sira na si Sarito sa isip at sa panlabas.

"Hindi ko pa maibibigay ang kapatawaran ko, isa lang ang nais ko. Sana ito na ang huling pagkakataon na magtagpo ang mga landas natin. Hindi ko nanaisin na makita pa kita ulit."

Lumayas ang dalaga at naiwan si Sarito na tumatangis sa may damuhan. Kinuha na lamang niya ang kanyang tungkod at tuluyang lumabas.

***

Nagtungo si Saraphine sa kanyang silid at lalo pang bumuhos ang kinikimkim niyang emosyon. Sa muling pagkikita nila ni Kapitan Sarito, nanunumbalik ulit ang multo ng kanyang nakaraan na pilit niyang nililimot at tinatakasan. Ikatlong pagkatataon na itong nangyari sa kanya.

Ano nga ba ang pinapahiwatig nito? Bakit paulit-ulit mo na lang akong binabalikan. Hindi na ba kayang hilumin ng panahon ang sugat ng nakalipas?

Walang humpay na ang kanyang pagtakbo sa kagustuhang makalayo ngunit sa bawat pagkakataon bumabalik lamang sa iba't-ibang anyo ang nakaraan upang hulihin at gapusin siya sa madilim na kawalan.

Apoy...espada...pana...mga bangkay...

Napahawak ang dalaga sa kanyang ulo, sinusubukang burahin ang malalagim na pangyayari at palitan ito ng masasayang mga alaala.

Ang mainit na yakap ni Ama.

Ang haplos at hele ni Ina... Ikaw ang aking mundo, ang aking buhay.

Ang responsableng pag-alalay ni Kuya Covel.

Ang pangungulit ng pilyong si Yrvin.

Ang lambot mula sa pisngi at palad ni Ymma.

Ang aking pamilyang tuluyan ng nawala dahil sa kasakiman ng isa at sa kapabayaan ng ilan.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro