Kabanata 13: Miya
-Kasaganaan-
Lumubog na ang araw ngunit hindi pa rin nawawaglit kay Miya ang lahat ng ipinagtapat sa kanya ni Aric. Hanggang ngayon paulit-ulit itong bumubulong sa kanyang kaibuturan at ayaw siyang bigyan ng katahimikan. Sa puso niya alam niyang totoo sa kanya ang mga magulang ngunit sa kanyang isipan may parteng nagsasabi sa kanya na bigyang konsiderasyon ang mga haka-haka ng iniirog. Ang kanyang kutis, buhok, taas at anyo ang nagsisilbing patunay kung sakaling may katotohanan ang sinasabi nito na hindi siya isang Myongan, bagkus isa siyang tubong Cenpyre.
Paano ko mapapatunayan kung totoo ang sinasabi niya, wala pa naman akong nakikitang taong Cenpyre bukod sa kanya...
Paano ko rin ba mapapatunayang totoo rin ang sinasabi nila Ina at Ama sa akin?
Naguguluhan na talaga ako...
***
Bumalik si Miya sa kanilang kubo at nadatnan niya ang kanyang mga magulang na abala na sa paghahain ng pagkaing pagsasaluhan nila: ang inihaw na baboy-ramo.
"Ito na pala siya," bungad ni Marcio kay Maahan habang pinagtutulungan nilang buhatin patungo sa mesa ang mainit-init na putahe.
Napansin ni Miya na umaliwalas at ginanahan ang ekspresyon ng mga magulang kahit na sila ay aligaga pa sa paghahanda. Nagagalak sila at nakauwi agad ang anak. Madalas na kasi nilang hindi makasabay sa hapunan si Miya mula noong mapalapit siya kay Aric.
"Tamang-tama ang dating mo, anak, katatapos lang naming ihawin ito," hindi magkamayaw sa ligaya si Maahan habang inaasikaso si Miya, "maupo ka na at kumain."
Napangiti si Miya ngunit hindi maitatago ang bakas ng pagkabahala sa kanyang mukha. Umupo siya sa tapat ng kanyang mga magulang. Nagsimula silang magsalo-salo sa hapag ngunit nananatiling tahimik at walang imik ang dalaga. Kahit na ang masarap na karne ng isa sa kanyang paboritong putahe ay walang nagawa upang mabawasan ang pasaning kanyang dinadala.
"Mabuti na lang at marami kaming huli nitong nakaraan," sabi ni Marcio, "masarap ba, Miya?"
Nagmistulang walang narinig ang dalaga sa tanong ng Ama, nasa malayo ang kanyang kamalayan, bagay na agad napansin at ipinagtaka ng kanyang mga magulang.
"Miya."
"Ano po yun?"
"Ang tanong ng iyong Ama kung masarap daw ba?"
"Masarap po, masarap naman," binilisan niya ang pagsagot nang sa ganoon ay hindi nila mapansin ang paglipad ng isip niya.
"Masarap ba talaga? Bakit hindi kita sa mukha mo na masarap, may problema ba anak?"
Sabi na nga ba at hindi niya matatakasan ang pansin ng mga magulang, lalo na ang kanyang Ina na isang tingin pa lang alam na agad na may bumabagabag sa kanya. Ngayon napagtanto niyang talagang biniyayaan ng natural na talento ang bawat magulang para mahulaan ang nasa sa loob ng kanilang mga anak. Ayaw na sana niyang pag-usapan ito ngayong oras ng hapunan ngunit oportunidad na ang nagbigay ng pagkakataon para harapin ito.
"Ako ang problema," inamin niya sa mga magulang. "Ang buo kong pagkatao."
Nagkasulyapan ang kanyang mga magulang na napatigil sa pagkain.
"Bakit mo naman nasabi yan?" may panginginig sa tono ni Maahan at iniwas niya ang tingin sa dalaga.
"Sabi nyo sa akin noon, ganito ako dahil pinanganak akong naiiba gaya ng ibang mga ibon at bulaklak. Maging tapat kayo sa akin, totoo ba talaga ang lahat ng ito o sinabi nyo lang ito sa akin para hindi ko na tuklasin ang tunay kong pagkatao?"
"Hindi kita mawari, Miya. Sino ba ang nagtanim ng mga hinalang yan sa isip mo? Ang dayo ba? Dapat pala nakinig na lang ako kay Ama noong nais na niyang paalisin ito, wala na siyang ginawa kundi ilayo ka sa amin at lasunin ang isip mo."
"Huwag nyong ibahin ang usapan, gusto ko lang po sagutin nyo ang tanong ko. Saan ba talaga ako nagmula? Isa ba talaga akong Myongan? Anak nyo ba talaga ako?"
Bumilis ang paghinga ni Maahan sa narinig mula kay Miya. Di niya akalain na direktang itatanong ng anak ang bagay na kinatatakutan nila.
Nag-aabang si Miya ng sagot sa kanila pero nabalutan lamang ng katahimikan ang buong kubo. Sa asta ng Ina, batid niyang mahihirapan itong sagutin siya kaya tinuon na lamang niya ang tingin sa Ama, nagmamakaawa sa kasagutan ang nangungusap niyang mga mata.
Nagpasyang magsalita ang kanina pang nananahimik na si Marcio, "Miya, kasi-"
"Totoo ang lahat," sumabat si Maahan bago pa makapagsalita ang asawa, "anak ka namin, Miya. Walang sinuman ang makatatanggi rito."
Kahit na buo at kumpiyansa ang tinig ng Ina, marami pa ring gumugulo sa isip ni Miya. Mga katanungang uhaw sa katotohanan.
"Kung anak nyo talaga ako, bakit ibang-iba ako sa inyo? Nais kong maliwanagan bakit ganito ang wangis ko at huwag nyo na kong ikumpara sa mga ibon, bulaklak o ano pang nilalang, hindi na ko bata. Bakit ba talaga ako natatangi sa lahat?"
"Hindi ko alam!" Pinanindigan ni Maahan ang kanyang pagmamaang-maangan. "Hindi ko alam kung bakit ka pinanganak na kakaiba, wala akong maisasagot sa tanong mo. Miya, naririnig mo ba ang sarili mo? Hindi ko akalaing kukwestyunin mo kami ng iyong Ama kung anak ka ba namin. Matapos ka naming mahalin at alagaan mula noong musmos ka pa lang, matapos ang lahat ng sakripisyo namin ng iyong Ama, ito lang ang igaganti mo? Pagdududahan mo lang kami na parang hindi mo kami kilala. Alam mo ba kung gaano kasakit ito? Alam mo namang ikaw ang buhay namin."
Bumuhos na ang mga luha ni Maahan sa sama ng loob. Natigilan si Miya at napaisip nang taimtim sa kanyang pwesto.
"Maniwala ka sa iyong Ina, totoo ang lahat ng sinabi niya," udyok ni Marcio.
Noong mga panahon iyon, tumatak kay Miya ang lahat ng sinabi ng Ina. Ngayon lamang niya napagtanto ang pagkakamaling nagawa niya. Inusig siya ng kanyang konsensiya at nagsimula siyang mamuhi sa kanyang sarili sa sobrang pagsisisi.
Ano bang nagawa ko? Bakit ko ba sila pinagdudahan?. Mali! Maling-mali! Napakabuti nilang magulang sa akin pero naging masamang anak ako sa kanila. Hindi ko dapat sila sinaktan ng ganito.
Nagpatuloy sa pagtangis si Maahan. Sa ikalawang pagkakataon sa kanyang buhay, muling napaiyak ni Miya ang kanyang Ina. Nilapitan niya ito at niyakap nang mahigpit mula sa likuran gaya ng madalas niyang gawin noong bata pa siya.
"Tumahan na po kayo, Ina. Patawarin nyo po ako sa lahat ng nasabi ko. Hindi ko po ginustong paiyakin at saktan kayo. Patawarin nyo ko dahil hindi ako lubos na nagtiwala sa inyo. Naniniwala na ako ngayon sa lahat ng sinabi nyo sa akin."
"Pinapatawad na kita, hindi ko naman kayang magalit ng matagal sa'yo," pinunasan ni Maahan ang kanyang luha.
Nadala na rin si Marcio at maging siya ay napayakap na rin sa kanyang mag-ina, "ano ba kayo? Kumain na tayo at lalamig na ang pagkain."
Kapwa nagkatawanan si Miya at Maahan at pagkatapos sila ay bumalik na sa pagkain na para bang walang nangyaring iringan.
***
Kinagabihan, noong mahimbing na ang tulog ni Miya sa kanyang higaan, nag-usap si Marcio at Maahan sa mga nangyari kanina.
"Maahan, bakit di pa natin sinabi sa kanya ang katotohanan?"
Napahinga nang malalim si Maahan nang maalala ang nagawang pagkakasala sa anak.
"Sasabihin ko na sana sa kanya pero naunahan ako ng takot. Hindi ko ito napaghandaan."
Hindi pa rin sang-ayon si Marcio sa ginawa ng asawa, kung siya lamang ang tatanungin, handa na siyang ipagtapat ang totoo kay Miya.
"Patuloy pa rin tayong nagsisinungaling sa kanya, lalo lamang siyang magagalit pag nalaman niya. Hindi natin ito maitatago sa kanya habang buhay."
"Alam ko, Marcio, balak ko rin namang ipagtapat ang lahat sa kanya sa tamang panahon. Kukuha muna ako ng tamang tyempo gaya ng sinabi ko."
Pinagmasdan ni Maahan ang anak na may lumbay sa kanyang mga mata. Natatakot pa rin siya na baka tuluyan ng lumayo sa kanya ang anak sa oras na malaman nito ang katotohanan sa kanyang pagkatao.
***
Pagsapit ng madaling araw, nagtungo si Miya sa may pampang upang makapag-isip-isip. Matagal-tagal na rin siyang hindi nakakapunta rito upang magnilay-nilay mula noong magkaroon ng lindol at dumating si Aric. Pinagmasdan niya ang masiglang pag-agos ng mga alon na tila nag-uunahang makarating sa buhangin. Musika sa kanyang tenga ang tunog ng mga alon. Bumati rin sa dalaga ang unti-unting pag-usbong ng bukang-liwayway hanggang sa tuluyan nang matabunan ng liwanag mula sa araw ang malamig na kadiliman. Kitang-kita niya ang bilugang korte ng araw kahit na siya ay masilaw-silaw sa liwanag na pinapamalas nito. Napapangiting napailing si Miya habang binabalikan ang isang alaala.
Halos sampung taon na ang nakakaraan, naglalakad si Miya sa parehong pampang at namataan niyang naglalaro ang mga batang babaeng Myongan na kasing edad niya. Sila rin ang mga batang ayaw makipaglaro at tumutukso sa kanya. Sa kasalukuyan, maayos naman na ang pakikitungo nila kay Miya at natuto na rin silang galangin at respetuhin ito sa kabila ng kanyang kaibahan, ngunit hindi ganoon ang sitwasyon noong sila ay mga musmos pa.
Sa kanilang paglalaro, lumapit si Miya ngunit agad silang tumigil at nilayuan nila ang natatanging Katribo.
"Hindi nyo pa rin ba ako isasali sa mga laro nyo?"
"Hanggang di mo kami nagiging kamukha, ayaw ka nga naming kalaro."
"Magiging katulad nyo rin ako, nagpapabilad kaya ako sa araw," pagmamalaki ni Miya.
"Basta, di ka pa rin namin sasali. Umalis ka na nga puting labanos!"
"Ano ba kailangan kong gawin para kaibiganin nyo ko?"
Nag-isip ang mga bata, nagkumpulan ang mga ito, nagbubulungan sa isa't-isa kung paano nila pagkakatuwaan si Miya.
"Kulang ang bilad, dapat hulihin mo ang araw para maging kagaya ka namin," kantyaw ng batang babaeng namumuno sa kanila.
"Hulihin ang araw?" naguluhan si Miya sa narinig. "Maaari ba yun?"
"Kapag nahuli mo na ang araw, tsaka ka lang namin sasali sa mga laro namin."
"Pero sabi ni Ama at Ina, masama raw lumapit sa araw, masusunog ako. Paano ko naman makukuha ang araw?"
"Niloloko ka lang ng mga magulang mo, di ka naman masusunog dun, huwag mo lang hawakan, lumapit ka lang at magiging katulad mo na kami. Basta pag di mo nakuha, di ka talaga namin bati."
"Tigilan nyo na nga siya," dumating ang isang batang may katabaan ang pangangatawan.
"Huwag kang makisali dito, Myoris."
Lumapit ang batang si Myoris sa harap ni Miya upang ipagtanggol ito.
"Lagi nyo na lang inaaway si Miya, wala naman siyang ginagawang masama sa inyo, kung ayaw nyong makipaglaro, ako na lang makikipaglaro sa kanya."
"Bahala kayo, halika na nga," nagyaya na ang namumuno sa mga bata.
"Mahuhuli ko ang araw, pangako ko yan," saad sa kanila ni Miya.
Nagtawanan nang mapang-asar ang mga bata sa sinabi niya at sila ay tuluyan ng umalis.
"Ayos ka lang ba, Miya?"
Napangiti si Miya sa kasama.
"Salamat, Myoris, buti ka pa mabait ka sa akin"
"Syempre, kaibigan kita e."
"Totoo kaya ang sinasabi nila, kaya kayang hulihin ang araw?"
Napaisip si Myoris sa sinabi ng kapwa bata, "hindi ko alam, wala pang sumusubok."
Napatingin si Miya sa araw na naghahari sa kalangitan, pagkatapos bumaba ang paningin niya sa karagatan at isang ideya ang nanliwanag sa kanyang munting pag-iisip.
"Ako ang unang susubok."
"Paano mo naman gagawin yun?"
Bumulong siya kay Myoris at ito ay napaurong, hindi makapaniwala sa sinabi niya.
"Marunong ka bang lumangoy?"
"Hindi," Nahihiyang napaamin si Miya, "kaya magbantay ka lang muna."
Naghanda ang bata para sa mahalagang misyon na kunin ang araw. Kumuha siya ng mga baging at tinali ng pabilog at may kalakihan sa dulo. Nag-abang sila bandang tanghali kung kailan iiwan ng mga mangingisdang Myongan ang kanilang mga bangka. Ilang segundo lang, umalis na sila at sinamantala na ni Miya ang pagkakataon. Sumakay siya sa bangka dala-dala ang sagwan. Bahagyang bumilis ang kabog ng didib niya sapagkat umuga ang bangka sa kanyang pagsakay at natakot siya na baka tumaob ito.
Kinakabahan pa rin si Myoris. "Sigurado ka ba sa gagawin mo? Marunong ka bang mamangka?"
"Naisakay na ko ni Ama noon kaya medyo alam ko, kaliwa, kanan lang ang sagwan."
Sinimulan ni Miya ang pagsasagwan sa magkabilang direksyon. Noong una, nangangapa pa siya sa pagbalanse at nagpapaikot-ikot lamang ang kanyang bangka imbes na umusad, pero di kalaunan, nagawa rin niya ang tamang pagsasagwan at unti-unti na siyang nakakalayo sa dalampasigan, patungo sa lumalalim na tubig bughaw.
Tumayo siya nang dahan-dahan sa may bangka nang sa ganoon ay hindi ito umuga. Hawak ang tinali niyang baging, muling pinagmasdan ni Miya ang nakakasilaw na araw.
Hindi ka naman malaki, maliwanag ka nga lang. Kailangan ko lang tumalon ng mataas, hulihin ka at hilahin ang baging pababa.
Noong mga oras na iyon, dahil sa kanyang kamusmusan inaakala niya na ang araw ay isang maliit at bilugang gamit lamang na maaaring hawakan. Desidido talaga siyang makuha ang araw at patunayan sa mga batang nang-aapi sa kanya na nararapat siyang respetuhin at isali sa kanilang mga laro.
Kumuha ng bwelo ang bata at pagkabilang niya ng tatlo, tumalon na siya kasama ang baging. Mataas ang kanyang narating, buo na ang kumpiyansa niyang makukuha na niya ang araw. Inugay niya ang baging patungo sa araw, inaasahang mahuhuli na niya ito, ngunit sa kanyang pagkabigla, kinapos ito. Napagtanto rin niyang higit na mas mataas ang araw kumpara sa kanyang talon at siya ay bumagsak pababa sa may bangka. Paglunsad niya tumaob ito pabaliktad at nahulog sa malalim na tubig ang bata.
"Tulong," naghikahos si Miya sa paghinga at siya ay nagsimulang malunod. "Hindi ako marunong lumangoy."
"Miya! Hihingi ako ng tulong, sandali lang," saad ni Myoris bago ito tumakbo.
Nahihirapan na si Miya sapagkat hindi siya marunong lumangoy, sinubukan niyang igalaw ang kanyang mga paa para lumutang ngunit nararamdaman niyang tinatangay na siya pababa ng tubig at unti-unti na nitong kinukuha ang buhay mula sa kanya.
Ilang segundo lamang, dumating na si Myoris kasama si Marcio at ang iba pang kalalakihan.
"Nandoon po siya," tinuro ng kanyang kaibigan.
Nagmamadaling sinuong ng kanyang Ama ang karagatan upang mailigtas ang anak.
"Paparating na ko, Miya."
"Ama, tulong," pinapasukan na ng tubig ang ilong ng bata at siya ay papalubog na.
Dahil sanay sa paglangoy, mabilis na narating ni Marcio ang kinaroroonan ni Miya at nagtagumpay itong sagipin siya.
"Ligtas ka na, anak."
Nilalangoy na niya ang anak ngunit bigla na lamang itong mamilipit sa sakit.
"Ama, bakit po?"
"May kumirot sa paa ko, pinulikat yata, di ko mailangoy!"
"Tulong, tulong po," sumigaw si Miya sa mga kalalakihang naroroon.
Umagapay ang mga kalalakihan sa mag-ama hanggang sa maiahon ang mga ito sa pampang. Noong sila ay makarating, nawalan ng malay si Marcio at natumba sa may buhanginan. Napansin nilang namumula sa pamamaga ang isa niyang paa.
"Ama," naluluhang tinawag ni Miya si Marcio.
Pinagtulungan ng mga kalalakihan na akayin ang kanilang katribo.
***
Dinala si Marcio kay Myam-Gaam-Ot upang ipasuri kung ano nga ba ang nangyari sa kanya. Nag-aabang si Miya sa kanilang kubo at hindi mapakali habang kausap ni Maahan ang manggagamot.
Nang matapos ang kanilang pag-uusap, lumapit si Miya sa kanyang ina nang maingat at nahihiya, "ano pong nangyari kay Ama?"
"Ang sabi nakagat ng dikya ang iyong Ama, kailangan siyang maagapan bago kumalat ang kamandag sa katawan niya."
"Kasalanan ko po ito, patawarin nyo po ako," lumuluhang binunyag ni Miya sa Ina.
"Ano ba kasi ang ginagawa mo doon sa may dagat?" may bahid ng paninisi sa tono ni Maahan.
"Pumunta lang naman po ako doon para hulihin ang araw."
Napakunot ang noo ni Maahan sa nalaman mula sa anak, "Ano? Saan mo naman narinig yan? Hindi mo mahuhuli ang araw, ni hindi mo nga ito mahahawakan."
"Sabi po kasi ng ibang mga bata magiging katulad ko na kayong lahat kapag nahuli ko ang araw at papasalihin na nila ako sa mga laro nila. Yun lang naman po ang gusto ko, na tigilan na nila ang pang-aasar sakin at tanggapin na nila ako, hindi ko naman po ginustong mapahamak si Ama."
Napagtanto na ng kanyang Ina ang buong pangyayari at nakaramdam siya ng habag para sa anak.
"Huwag ka ng umiyak, hindi naman ako galit sa'yo. Wala kang kasalanan sa nangyari."
Pinagmasdan ni Miya ang Ina at sa unang pagkakataon, nakita niyang umiyak si Maahan malapit sa nakaratay na asawa. Alam niyang isa siya sa dahilan kung bakit umiyak ang kanyang Ina, dahil sa pagkakamaling nagawa niya.
"Marcio, lumaban ka, kailangan ka pa namin ni Miya. Tuturuan mo pa siyang lumangoy hindi ba?"
Hinawakan niya ang palad ni Marcio na wala pa ring malay at nakaratay sa higaan. Umagos rito ang kanyang mga luha.
***
Naging usap-usapan sa Kasaganaan ang pagkakadisgrasya ni Marcio. Lumabas si Miya ng kubo at narinig niya ang pag-uusap ng mga babaeng Myongan. Ang lahat ay nakatingin sa kanya nang may pagkasuklam at pangungutya sa kanilang mga mata. Pagkalagpas niya, rinig niya pa rin patutsada ng mga ito sa kanya.
"Wala talagang dinala ang batang yan kundi puro kamalasan, napahamak na si Marcio nang dahil sa kanya."
"Bakit ba kasi pinagpipilitan nila yan dito? Makakabuti pa nga kung mawawala na lang siya."
Tila nadurog ang puso ni Miya sa kanilang mga salita at siya ay tumakbo na lamang papalayo sa kagubatan, lingid sa kaalaman ng lahat.
Tama nga sila, malas ako at pinahamak ko si Ama, mabuti pang mawala na nga ako.
Tumakbo lamang nang tumakbo si Miya sa kagubatan. Ito ang unang beses na siya ay nagtungo rito nang nag-iisa. Ang nais niya lang ngayon ay lumayo nang sa ganoon ay wala na siyang mapahamak na ibang tao. Masakit man sa kanya na iwanan ang mga magulang, gagawin niya alang-alang sa ikabubuti nila. Tutal ay hindi naman siya nararapat sa Tribong Myongan, baka mahanap niya sa kanyang patutunguhan ang lugar kung saan talaga siya nararapat, kung saan hindi siya naiiba, at hindi siya natatangi. Kung saan siya ay tatanggapin ninuman nang buong puso.
Sa layo ng kanyang tinakbo, narating niya ang liblib at masukal na bahagi ng kagubatan. Balot ng anino at kadiliman ang nasabing lugar at hindi gaanong malalago ang mga puno. Ang tanging bagay na maririnig sa paligid ay ang huthut ng kwago at paglipad ng mga paniki. Namataan niya ang isang malaking batuhan sa may sulok. Sumandal siya roon at nagpahinga.
Siguro dito ako nararapat...
Ilang saglit lamang, nakarinig nang isang nakakapangilabot na ingay ang bata na nagpadagundong sa gubat. Para bang mayroong humahalakhak.
Hee hee hee hee!
Inikot ni Miya ang kanyang paningin sa bawat sulok. Mula sa kapunuan, lumantad sa kanya ang isang pulutong ng mga asong gubat. Pula ang kanilang mga mata, matutulis ang kanilang pangil at tenga, at maraming batik ang kanilang katawan. Naglalaway ang mga ito. Mukhang gutom na gutom na sila at nananabik sa makakain.
"Huwag kayong lalapit," babala niya habang siya ay napapaurong nang may pag-iingat.
Sinagot siya ng mga ito sa pamamagitan ng kanilang mga tawa, tahol at alulong.
Naalala niya ang pagsasanay nila ng Datu ngunit wala itong magagawa upang sagipin siya ngayon sapagkat wala siyang dalang kahit na anong armas. Habang siya ay umuurong, papalapit nang papalapit ang mababagsik na hayop, pinapaligiran na siya ng mga ito sa bawat sulok, pinaghahandaang siya ay lusubin at lapain.
Hindi na nag-aksaya ng panahon ang pinakamalaki sa kanila at ito ay lumundag patungo sa bata. Wala ng nagawa si Miya kundi mapapakit at mapahiyaw nang walang kasing tinis.
Isang sibat ang humampas sa asong gubat at nagpatalsik rito. Dumilat si Miya at nakita niyang nakikipagsagupaan si Datu Mortho sa mga ito. Gamit ang kakayahan niya sa sibat, naging madali sa kanya na hampasin sa ulo at daplisan ng tusok sa tagliran ang mga asong gubat. Animo'y sila ay mga tutang kanyang pinaghahahagis lamang.
Walang balak na magpaawat ang mga asong gubat sa pag-atake kaya naman humiyaw si Mortho sa tuktok ng kanyang baga. Isang hiyaw na kasing bagsik ng anumang mababangis na hayop ang dumagundong sa kagubatan. Narindi sa gaspang ng kanyang sigaw ang mga asong gubat. Napaurong sila at tumakbo papalayo habang tumitili sa takot.
"Miya, apo, ayos ka lang ba?"
"Lolo," lumundag si Miya sa Datu at yumakap nang walang kasing higpit habang siya ay lumuhula at kinarga siya nito.
***
Matapos ang nangyaring insidente, tinahak ng dalawa ang daan pabalik sa dalampasigan.
"Sabi sa akin ng iyong Ina sinusubukan mo daw hulihin ang araw?" tanong ni Mortho.
"Opo, Lolo, akala ko po kasi kapag nakuha ko na ito, mag-iiba na ang anyo ko, magiging kapareho ko na kayo."
"Hanggang ngayon pa rin pala nababahala ka pa rin sa iyong anyo."
"Hindi naman po ako mababahala kung sinasali lang po ako ng ibang bata sa mga laro nila. Maging ang mga matatanda rin po, ayaw po nila sa akin dahil ganito ako. Sinubukan ko naman pong paitimin ang balat ko, pero di po nakatulong ang pagbibilad ko sa araw. Ibig sabihin po ba ganito na talaga ako?"
Napatango si Datu Mortho na puno ng awa at kalungkutan sa kanyang nangungulubot na pisngi.
"Kahit pala sa pagtanda ko hindi na rin ako magiging isang Myongan."
"Apo, hindi mo ba natatandaan ang mga sinabi ko sa'yo? Kahit ano pa ang anyo mo, isa ka pa ring Myongan. Bahagi ng iisang pamilya. Bakit ba nagpapadala sa sinasabi ng iba? Sa akin ka lang makinig."
Napagtanto ni Miya na tama ang pinupunto ng kanyang lolo pero di pa rin napapawi ang lungkot na nadarama niya matapos ang mga nangyari.
"Ayoko na po kasing tuksuin at kutyain ng lahat."
Lumuhod si Mortho upang pantayan ang taas ng bata at hinarap ito ng direkta sa mata.
"Maaaring hindi na magbago ang anyo mo, ngunit hindi ito ang magdidikta sa pagkatao mo. Higit na mahalaga ang landas na pipiliin mong tahakin, ang mga bagay na ninanais mong gawin. Ang mga katangiang dadalhin mo sa iyong paglaki, ito ang bubuo sa iyo. Huwag mong ikahiya kung sino ka. Apo, ayaw mo bang magkaroon ka ng sarili mong pagkakakilanlan? Ayaw mo bang makilala ka bilang isang 'natatanging' Myongan, malay natin, balang araw baka makuha mo nga ang araw."
Sa wakas ay napangiti na ang bata sa mga hirit nito.
"Ano nga ba ang nais mo maging paglaki mo?"
Naalala ni Miya kung paano nilabanan ng Datu ang mababangis na aso. Sa buong buhay niya, ngayon lamang siya napahanga ng ganito.
"Nais ko pong maging kagaya nyo, magaling sa pakikipaglaban. Gusto ko po maging kasing tapang nyo."
Si Mortho naman ang natawa, "kung ganun, dapat mas pag-igihan pa natin ang pagsasanay mo."
***
Pagkarating nila sa dalampasigan, agad na sinalubong ng nag-aalalang si Maahan ang kanyang anak.
"Miya, saan ka na naman ba nagpunta? Hindi mo alam kung gaano mo ako pinag-alala."
"Paumanhin po, Ina, dahil lumayas ako. Ayaw ko lang po kayo mapahamak ng dahil sa akin," saad ni Miya.
"Mapahamak? Mas lalo kaming mapapahamak kung tuluyan kang mawawala sa amin, ikaw ang buhay namin."
Napayakap nang mahigpit si Miya sa kanyang Ina, nagagalak sa binibigay nitong pagmamahal sa kanya. Sa kabila ng panghuhusga ng lahat, mayroong pa ring mga taong handa siyang tanggapin kung sino siya.
"Matutuwa ka sa ibabalita ko."
"Ano po yun?"
"Nagkamalay na ang iyong Ama, magaling na siya."
Nabuhayan ang bata at siya ay sinamahan ng Ina at Lolo sa kanilang kubo.
***
Napangiti na lamang si Miya nang maalala ang mga pangyayaring ito na malaki ang naging ambag sa paghubog kung sino siya ngayon. Marami na ang nagbago gayunpaman, marami pa rin ang nananatiling pareho.
Isa akong Myongan...at ako rin si Miya. Ito ang aking pagkakakilanlan.
"Miya," narinig niya ang isang pamilyar na tinig mula sa kanyang likuran.
Alam na niya kung sino ito. Pagkalingon niya, namataan niya si Aric. Kita sa mga mata nito ang pagsisisi at ganoon rin si Miya. Sa kabila ng lahat, mahal niya pa rin ang dayo. Nagkamali ito sa panghihimasok sa kanyang buhay ngunit batid niyang mabuti ang intensyon nito. Hindi niya hahayaang ang suliraning ito lamang ang sisira sa matamis nilang pag-iibigan. Nais niyang makapiling ito sa bawat araw ng kanyang buhay.
Nananabik na tumakbo si Aric at siya ay sinalubong ni Miya na may baong ngiti sa kanyang pisngi, lalo pang pinatitingkad ng liwanag ang kanyang turkesang mga mata. Nagtagpo ang dalawa at nagyakapan, sabay sa pagsikat ng araw.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro