Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 13: Graison

-Sentralisadong Imperyo ng Cenpyre-

Sa kagustuhan niyang makita ulit ito sa pangalawang pagkakataon, hinawi ni Graison ang kanyang kamay sa pisara, ngunit sa pagpupumilit niya, siya ay nangatog at lumabo lamang ang imahe hanggang sa maghalo-halo na ang mga kulay nito at tuluyan nang hindi maaninag. Malamang naapektuhan ng kanyang gulong isipan ang nilalaman nito. Napahampas si Graison sa pagkabigo at nalamigan ang nakasara niyang kamao.

Ang mahalaga nasa isip ko pa ang mga nangyari. Sapat na siguro yun.

"Grai," tinawag siya ni Osylla na nakatingin sa kanya mula sa labas ng silid.

"Osylla."

Tumayo si Graison at nilapitan ang kaibigan. Hinawakan niya nang malumanay ang mga palad nito at humanap ng tamang pagkakataon upang ipagtapat ang nalaman. Batid niyang kung mayroon mang unang dapat makaalam ng nangyari, si Osylla yun.

"Tama ka, tama ang hinala mo. Nasa panganib nga si Panginoong Ocillo at si Ina."

Natigilan si Osylla sa narinig. Nanlaki ang mga mata niyang nababalutan ng sari-saring emosyon. "Paano mo nalaman?"

Sumenyas ang Prinsipe sa kanyang pisara at naunawaan na ng dalaga ang nais niyang iparating.

"Pero sinigurado mo sa akin na maayos lang sila, na wala akong dapat ipag-alala."

"Nagkamali ako, patawarin mo ko."

"Si Ama, hindi ko kakayanin kung pati siya mawawala sa akin," tuluyan nang napatangis ang dalaga.

Dinampi ni Graison ang kanyang mga palad sa magkabilang pisngi ng dalaga, dahan-dahang pinunasan ang kanyang mga luha at tinignan siya ng mata sa mata.

"Makinig ka sa akin, buhay pa sila ni Ina, hindi sila pinatay ng pwersang dumukot sa kanila. Huwag kang mag-alala, Osylla. Pinapangako kong maililigtas natin sila. Hihingi tayo ng tulong kay Ama. Alam mo namang gagawin ko ang lahat para sa'yo."

Napayakap si Osylla kay Graison at dinamayan nila ang isa't-isa sa kinakaharap na pagsubok.

***

Ilang saglit ang nakalipas matapos magpaalam si Graison sa kanyang Ama ukol sa kalagayan ng Emperatris at ng Panginoon, nagtungo siya sa Silid-Pulungan. Nauna na roon ang Mataas na Emperador. Dumalo rin sa pagpupulong sina Osylla, Talas, Malko at iba pang konseho. Nakita ni Graison na may bakante pang upuan sa tabi ni Osylla na nakareserba sa kanya kaya naman doon siya umupo kaharap ang kanyang Ama.

Tumindig ang Emperador sa kanyang kinauupuan.

"Kumpleto na tayo, simulan na natin. Graison, ano ang sasabihin mo tungkol sa iyong Ina at kay Panginoong Ocillo? Ang sabi mo mahalaga ito kaya nagpatawag ako ng isang pagpupulong."

Tumindig na rin si Graison at sa kanya tinuon ng lahat ang kanilang tingin. Bahagyang kumabog nang mas matulin ang dibdib ng binatilyo, mapapaghalataang hindi siya sanay magsalita sa harap ng maraming tao. Tinantsa niya muna ang kanyang paghinga at kumuha ng bwelo bago magsalita.

"Naririto ako upang ipaalam sa inyong lahat na nasa panganib ngayon si Ina at si Panginoong Ocillo."

Nabahala ang lahat sa kanyang ibinalita. Naglaho ang ngiti sa mukha ni Fierro at nangitngit naman sa panlulumo si Talas sa kanyang pwesto. Hindi na gaanong nagulat si Osylla ngunit bakas pa rin ang pag-aalala sa kanyang matamlay na aura.

"Nakita ko ang nangyari sa kanila. Sila ay dinukot ng mga lalaking nagpanggap na Kawal Wachtor habang nananatili sila sa Lupain ng Wachtor. Inubos rin nila ang pwersa natin bago sila dakpin. Naipinta ko ito sa pamamagitan ng isang pangitain."

"Sigurado ka ba sa nakita mo?" tanong sa kanya ni Fierro.

"Malinawag ang lahat Ama, nakita ko na parang naroroon ako mismo."

"Nasaan ang pisara? Panoorin natin."

"Hindi natin ito mapapanood si Pisara..."

Dahil nagulo ko ito.

"Dahil hindi ito naitala roon."

"Kung ganun wala tayong patunay maliban lang sa nakita mo na nasa isipan mo lang. Alam naman natin na napakaraming bagay na pumapasok sa isip natin at hindi lahat ay pangitain. Mapanghahawakan ba natin yun, anak?"

Nahalata ni Graison ang pag-aalangan ng Mataas na Emperador. "Ama, siguro naman sa dami ng mga pangyayaring tumugma sa mga pangitaing aking pininta, sapat na yun para magtiwala kayo sa akin."

Naguguluhan ang ibang konseho sapagkat ang iba sa kanila ay ngayon lamang nalaman ang tungkol sa kakayahan ng Prinsipe. Ang iba sa kanila ay napatingin sa kanya na nakakunot ang noo at may katanungan sa kanilang mga mukha. Hindi niya masisisi ang mga ito sa kanilang reaksyon, malamang ganito rin siya aasta kung siya ay nakipagpalit ng sitwasyon sa kanila.

"Nagtataka lang ako, kung totoo ang sinasabi mo, bakit may sulat si Grasiela na nagsasabing matatagalan lamang ang kanilang pag-uwi?"

"Pinilit lamang si Ina ng lalaking dumukot sa kanila na gawin ang sulat na iyon. Hindi totoo ang nakapaloob sa sulat."

Napadasal ang isang konseho sa nabalitaan. "Mga Diyos ko, kaawaan nawa nila ang Mahal na Emperatris at si Panginoong Ocillo."

"Grai, sino naman kaya ang hayop na dumukot sa kanila?" tanong ni Talas.

"Hindi ko pa matiyak sa ngayon, pero ang unang salarin ni Ina ay si Duke Aurello. Malakas ang kutob ko na tama ang hinala niya."

Sa ikalawang pagkakataon, nasilayan na naman ni Graison ang kawalan ng pagtitiwala ng kanyang Ama base sa kanyang mga mata.

"Sandali, sinasabi mong pinadukot ni Aurello ang Emperatris nang hindi niya pinapaalam sa akin? Bakit naman niya gagawin yun?"

"Hindi ko po alam, hanggang dun lang ang nakita ko, hindi ko na nakita kung saan nila dadalhin si Ina."

"Kilala ko si Aurello, hindi ganoon ang estilo niya, lantaran siya kung gumalaw. Naguguluhan na talaga ako sa mga nangyayari...di ko na alam kung ano ang dapat kong paniwalaan."

Natahimik si Graison, maging siya ay naguguluhan na rin bakit nagdududa pa rin ang Ama sa mga binahagi niya. Hindi niya ito inaasahan.

"Ano na po ang balak nyo ngayon, Kamahalan?"

Nagpasya si Graison na magpresinta bago pa makasagot ang Emperador. "Ama kung inyong mamarapatin, mas mabuti kung tatahakin ng ating hukbo ang Lupain ng Artemias. Malaki ang tsansang mailigtas natin si Ina at si Panginoong Ocillo."

Nang matapos si Graison, nabalot ng katahimikan ang Silid-Pulungan sa pamomroblema ng lahat. Taimtim na nakaupo si Emperador Fierro, nag-iisip habang tinutuon ang tingin sa mga bagay-bagay. Nag-aabang lamang si Graison kung papanigan ng Ama ang kanyang suhestyon. Tinuon niya ang paningin kay Osylla, nakayuko ito at walang imik ngunit alam niyang lubos itong naaapektuhan sa sitwasyon nila ngayon. Ayaw niyang nakikitang ganito ang kaibigan kaya hanggang maaari ay susubukan niyang gawin ang makakaya upang makatulong sa suliraning ito.

Hindi ko siya kayang biguin...

"Kapitan Malko."

"Kamahalan," sagot ng Kapitan.

"Magtalaga ka ng ating pwersa sa Lupain ng Wachtor at doon nyo simulan ang imbestigasyon kung ano nga ba ang tunay na nangyari sa aking Emperatris at sa Panginoon ng Ossig."

"Masusunod po, Kamahalan."

Napanganga si Graison sapagkat taliwas at malayo ito sa kanyang pinapayo.

"Sa Wachtor nyo talaga sila papupuntahin? Wala na kayong aabutan doon."

"Graison, pakiusap, wala na akong panahon sa kalokohang ito."

Kalokohan?

Noong mga panahong iyon, tila isang pitik na lang at sasabog na ang Prinsipe. Hindi niya lubusang maatim na sasabihin ng Ama ang salitang ito sa kanya. Sumakit ang kanyang tenga sa narinig at pakiramdam niya ay tataas na ang dugo sa kanyang ulo. Sa unang pagkakataon, may naghimok kay Graison na tumindig at mangatwiran laban sa Ama niyang higit na mataas sa kanya.

"Kalokohan? Ito lang ba ang tingin nyo rito, Ama? Isipin nyo naman si Ina, nawawala siya at nasa peligro. Isipin nyo naman ang kaibigan kong labis na nag-aalala sa kalagayan ng kanyang Ama. Wala akong hinahangad kundi ang mailigtas sila at mailayo sa kapahamakan. Tingin ko mas makabubuti sa interes ng lahat na unahin natin ang paghahanap sa Lupain ng Artemias."

Hindi maalis ni Osylla ang tingin niya sa Prinsipe at ganoon na rin si Talas na napangiti habang nagsasalita si Graison. Ngayon lamang nila nakita ang ganitong tapang at paninindigan mula sa malumanay at mahiyaing Prinsipe at hindi nila maiwasang mnpahanga sa kanya.

"Tama na yan, Graison!" biglang napatayo si Fierro sa kanyang kinauupaan, nagsimulang mamula ang mukha ng Emperador sa pagtitimpi. "Hindi porket ikaw ang nakakakita ng mga kaganapan, ikaw na ang masusunod. Tandaan mo kung sino sa atin ang Emperador!"

Nananatili lamang si Graison sa kanyang kinaroroonan at hindi siya kumurap sa pananaway ng Ama.

"Kung si Aurello nga ang nasa likod ng pagdukot, hindi mo ba naisip na baka isang malaking patibong ang lahat ng ito? Nais mong papuntahin ang hukbo natin sa Artemias para ano? Para mapatay sila ng mga Kawal Artemian. Nakalimutan mo na ba ang sinabi mo na nabawasan na ang ating pwersa sa Wachtor? Gusto ko rin masagip ang iyong ina pero sana maunawaan mo na hindi tayo dapat nagpapadalos-dalos, anak."

"Paumanhin po, Ama," sambit ni Graison, hindi na niya nagawang tignan ng diretso sa mata ang Emperador at siya ay napaupong may kinikimkim pa ring sama ng loob.

"Mananatili ang napagpasyahan ko," ito na ang naging pagtatapos ni Fierro sa pulong.

Nanahimik na lamang si Graison. Para bang binubuo na naman ng kanyang sama ng loob ang pader sa pagitan nila ng kanyang Ama na inakala niyang natibag na niya noon. Siya ay nadidismaya sa kanyang Ama sa maraming bagay. Nasorpresa siya na hanggang ngayon ay hindi pa rin buo ang tiwala ng Ama sa kanyang kakayahan at sa kanyang mga saloobin. Hindi niya rin inaasahan na magagalit sa kanya ang Ama na para bang naging banta siya sa kanyang otoridad kahit na ang ginawa niya lamang ay ang magbigay ng suhestyon kung ano ang dapat gawin. Napagtanto niyang nanumbalik ang pagtingin ng mga mata nitong tila bakante at walang emosyon pagdating sa kanya. Ang parehong tingin na nagpapahiwatig ng kawalan ng pagmamahal at amor sa kanya na anak niya. Ang ekspresyong nakasanayan na niya sa loob ng labing-pitong taon.

Ganito pa rin pala. Sa kabila ng lahat...

***

Matapos ang pagpupulong, agad na nagpunta si Fierro sa kanilang sikretong himpilan ni Tandang Ora. Sinalubong siya ng kanyang lingkod na may kakaibang ngiti sa kanyang kulubot na pisngi at bungal na labi.

"Nakita ko ang ginawa mo sa bata kanina, magaling Panginoon ko."

"Nilagay ko lang siya sa kanyang lugar. Sino ba siya para pangunahan ako? Akala ba niya maaagaw niya sa akin ang trono? Siguro naman ngayon napatunayan ko na sa'yo na hindi ako lumalambot sa kanya. Siya ay isang latak lang sa akin. Wala akong pakialam sa bata."

Tinignan ni Ora si Fierro at pinapakiramdaman niya ang bawat kilos nito.

"Yan ang sinabi mo, pero mag-iingat ka pa rin sa kanya, nakikita kong may galit at hinanakit na unti-unting umuusbong sa kaibuturan niya. Kailangang mag-ingat ang apoy na huwag galitin ang yelo kung ayaw niyang ito ang manaig laban sa kanya."

Uminit ang ulo ng Emperador sa mga matatalinghagang pagbabanta nito. "Tigilan mo na nga ako sa mga yan!"

"Pasensya na, Kamahalan, pansin kong nababalisa ka pa rin. Malamang tungkol sa iyong Emperatris?"

"Ang sabi niya hawak siya ni Aurello, totoo ba yun?"

"Hindi siya nagkakamali, sa mga oras na ito ay paparating na siya sa Lupain ng Artemias. Huwag mong sabihing nag-aalala ka sa kanya?"

"Si Ysavel lang ang iniibig ko, wala ng iba at para lang ipaalala ko sa'yo, hindi mo pa rin nagagawa ang tungkulin mo na buhayin siya!"

"Kaunting tiis na lang, magtiwala ka, ngayon balik tayo kay Grasiela."

"Napapaisip lang ako, kailangan ko pa rin siyang mailigtas, alang-alang sa imahe ko. Ano na lang ang sasabihin ng mga nasasakupan ko kapag nalaman nilang hindi nasagip ng Mataas na Emperador ang kanyang Emperatris? Tama kaya ang pasya kong maghinay-hinay lang sa paghahanap sa kanya?"

"Sang-ayon ako, Aking Panginoon, huwag mo na siyang alalahanin. Isa lamang siyang maliit na alabok sa ating mga plano. Wala siyang silbi."

"Mamamatay na ba siya?" sa tanong ni Fierro, may bahid ito ng pag-aalala at habag para kay Grasiela.

"Hindi siya mamamatay hanggang hindi pa nakatakda, hindi pa ngayon."

-Lupain ng Artemias-

Kinagibahan, nagmartsa sa Lupain ng Artemias ang mga huwad na Kawal Wachtor dala-dala ang kanilang mga bihag na hanggang ngayon ay wala pa ring malay. Napasilip si Aurello mula sa tuktok ng kanyang balkonahe at siya ay napangiti nang makita niya ang mga ito.

Maya-maya, bumaba siya at kinausap ang namumo sa pagdukot. "Kamusta na ang ating mga bisita?"

Napangiti ang kanyang tauhan, "naroroon na sa bartolina, hanggang ngayon ay di pa rin nagigising."

"Walang nakasunod sa inyo?"

"Wala, sinigurado ko yun."

"At ang kanilang mga pwersa."

"Magiging pataba na sa lupa," kumpiyansa niyang pinagyabang.

"Magaling, mahusay," tinapik ni Aurello ang utusan, "ako na ang bahala sa kanila."

***

Nagtungo ang Duke sa kanilang bartolina. Pagkabukas niya ng pinto, nasilayan niya si Emperatris Grasiela at Panginoong Ocillo na sugatan at nakahandusay sa sahig. Nakagapos na ang kanilang kamay at nakabusal pa rin ng tela ang bibig ng dalawa. Dahan-dahang naglakad si Aurello papunta kay Grasiela. Inalis niya ang tela sa bibig nito na siyang nagpabalik sa kanyang kamalayan.

"Kamusta, Mahal na Emperatris?"

Noong una, nanlalabo pa ang mga mata ni Grasiela sa pagkahilo ngunit kinalaunan, nanumbalik na ang linaw ng kanyang paningin at namukhaan ang taong nasa harap niya na siyang salarin sa pagdukot sa kanila.

"Ikaw! Walanghiya ka talaga! Sinabi ko na nga ba ikaw ang may pakana nito!"

Sinubukang tumayo ni Grasiela sa kagustuhan niyang sugurin ang Duke ngunit siya ay binigo lamang ng kanyang mga paa sa sobrang panghihina. Sunod na nagising si Panginoong Ocillo sa ingay. Nagpumiglas ito at sinubukang magsalita ngunit hindi niya magawa sapagkat nakabusal ang kanyang bibig.

"Kumalma ka lang, Kamahalan, kumalma lang kayo. Iipunin ko ang natitira kong lakas kung ako sa inyo, kakailangan nyo yan."

"Ano ba talagang kailangan mo samin?"

"Kailangan ko kayo sa aking panig. Makipagtulungan kayo sa akin at iligtas natin ang Buong Lupain laban sa lagim ni Fierro. Kaya ko kayo pinadala rito dahil nais kong sabihin nyo sa akin ano ang mga susunod na hakbang ni Fierro sa digmaang ito at di pa roon natatapos ang lahat. Kayong dalawa rin ang magiging mga mata at tenga ko sa Palasyo. Lahat-lahat ng kanyang plano, ang bawat kaganapan, lahat ng iyon ay ipapaalam nyo sa akin. Pumayag lang kayo sa proposisyon ko at makakauwi na kayo, ganoong kadali lang. Walang nakakaalam nito, kaya nga nilihim ko ang pagdakip sa inyo. Pagkauwi nyo sasabihin nyo lang na kayo ay dinukot ng mga bandido. Anong masasabi nyo?"

Napangisi si Grasiela na hindi inaalintana ang duguan niyang pisngi at siya ay tuluyang napahalakhak na nagpadagundong sa makipot at madilim na bartolina.

"Inaakala mong nakikipagtulungan kami sa'yo? Nababaliw ka na talaga!"

Imbes na hambalusin, hinayaan lamang ni Aurello ang pang-iinsulto sa kanya ng Emperatris.

"Mabuti nang makipagtulungan sa isang baliw kaysa sa isang diyablo. Marami ka pang hindi nalalaman tungkol sa asawa mo, mga bagay na ikasusuklam at ikababaliktad ng sikmura mo. Malalaman mo rin ang lahat. Ang buong katotohanan."

"Kahit ano pang sabihin mo, hindi mo masisira si Fierro sa akin, at hindi rin kami makikipagtulungan sa'yo, hindi ba Duke Ocillo?"

Umiling si Ocillo bilang kanyang sagot.

"Patayin mo na lang kami at tapusin mo na ang kahibangang ito!"

"Bibigyan kita ng panahon para makapag-isip-isip, sa ngayon pagpasensyahan nyo na at ito muna ang tutuluyan nyo ngayon. Hanggang sa muli, Kamahalan, masyado yatang naging 'mainit' ang pagtanggap ko sa inyo."

Si Aurello naman ang napahalakhak habang sinasarado niya ang mainit at madilim na bartolina.

***

Pagkabalik ni Aurello sa kanyang himpilan ay agad na lumapit sa kanya si Kapitan Roqil.

"Mataas na Panginoon, may nais pong kumausap sa inyo."

"Sino?"

Sumulpot si Celso na bahagyang nahihiya. Naglakad siya nang dahan-dahan palapit kay Aurello.

"Ano na namang ginagawa rito ng asungot na to?" tanong niya kay Roqil bago niya ituon ang tingin sa espiya. "Hindi pa ba sapat ang mga gantimpalang natanggap mo mula sa akin?"

"Iba po ang sadya ko. Hindi po ito tungkol doon, Panginoon. Naparito ako dahil may natuklasan akong malaking balita mula sa Palasyo. Siguradong ito na ang patunay na siyang magpapabagsak sa Emperador."

Napahikab si Aurello sa pagkabagot. "Narinig ko na yan dati. Nakahanap ka na naman ba ng duguang damit? Ano na naman ang nahagilap mo?"

"Hindi 'ano?' Panginoon ko, 'sino?' pagmamalaki ni Celso.

Ipinagtaka ito ni Aurello. "Anong ibig mong sabihin, diretsuhin mo na."

"Sa kasuluk-sulukang silid ng Palasyo, natagpuan ko ang yumaong Emperatris Ysavel na nakahimlay sa isang misteryosong salaminan."

"Ano?" halos tumayo ang mga balahibo ni Aurello sa natuklasan. "Nagbibiro ka ba?"

Nagkatinginan sila ni Roqil at maging ito ay kinilabutan rin sa ipinagtapat ng espiya.

"Totoo, nakita ng dalawa kong mga mata! Buong-buo pa nga ang kanyang mga labi at ganoon pa rin ang anyo nya mula noong siya ay namatay."

"Imposible," hindi pa rin mapakali si Aurello, "labing-apat na taon na ang nakakaraan, dapat buto-buto na siya ngayon. Malamang ginagamitan ito ng Itim na mahika ni Fierro at ng kanyang mangkukulam."

Napaisip si Aurello at hindi nagtagal ang kanyang pagkabigla ay napalitan ng isang ngiti. Sa wakas, ito na ang ebidensyang kanyang hinihintay. Batid niya kung gaano iniibig ni Fierro ang dating Emperatris at nasisigurado niyang magugulo ang isip nito sa oras na mapasakanya ang bangkay upang maipakita ito sa publiko at tuluyan siyang masira. Ibang usapan si Ysavel kumpara sa sirang damit. Magagamit rin niya itong instrumento para tuluyan ng makuha sa kanyang panig si Grasiela. Tiyak na babaliktad siya sa oras na malaman niyang tinatago pa rin ng mahal niyang kabiyak ang mga labi ng unang babaeng minahal nito. Siya rin ang makikinabang pag nagkataon.

"Di ko akalaing sasabihin ko ito sa'yo, Celso, pero natutuwa ako at dumating ka."

"Sabi ko na nga ba at ikatutuwa nyo po ito, baka naman po may maidadagdag kayo sa mga gintong binigay nyo sa akin?"

Naiirita na si Aurello sa pangangwarta sa kanya ni Celso ngunit sinubukan niyang pakalmahin ang sarili, kailangan pa niya ang hampas-lupa. Sa ngayon handa siyang maging palagatasan.

"Darating tayo dyan, sa ngayon bibigyan ulit kita ng bagong misyon."

"Ano pong nais nyong gawin ko?"

"Gusto ko dalhin mo sa akin ang mga labi ng Emperatris, ipuslit mo siya papalabas ng Palasyo nang walang nakakaalam at dalhin mo rito sa Artemias sa lalong madaling panahon."

"Pagkatapos bibigyan nyo ko ng pabuya?"

Napatapik siya sa balikat nito.

"Kapag nagawa mo ito at nagtagumpay ka, lalabas ka sa aking pinto na mas mayaman pa sa inaakala mo."

"Kung ganoon, asahan nyo na po ang pagdating dito ni Emperatris Ysavel."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro