Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 13: Covel

-Kanlungan ang Kanluran-

Nagsimula ang araw nang taliwas sa karaniwan. Nag-almusal ang lahat ng tinapay at kape ngunit sa pagkakataong ito walang ni isa ang kumikibo. Sa malaking mesa nakaupo si Pinunong Haurre na malumanay na lumalagok ng kanyang kape, ang tanging tunog na bumabasag sa nakakabinging katahimikan. Sa pwesto ni Covel kaunti lamang ang umupo: ang Amang si Ermin, ang sandang-dikit niyang si Tukmul, sina Buto at Bilbel, Jualem at Ancho. Gaya ng nakasanayan, may sariling pwesto sina Toro at ang kanyang mga grupo. Naglibot ang mata ng Prinsipe sa paligid, napansin niyang tila ilang at lumalayo sa kanya ang iba pang kasapi na madalas niyang makakwentuhan tuwing almusal. Wala rin si Gavielle sa hapag ngayon. Tumungo ang mata niya kay Haurre, sumenyas ang Pinuno na may nangungusap na tingin at para bang naunawaan na niya ang nais iparating nito sa kanya.

Hayaan mo na lamang at lilipas rin ito.

Nagpatuloy na lamang sa pagkain ng tinapay si Covel, pilit na hindi inaalintana ang matamlay na umaga.

Mahahalata ang pinsalang iniwan ng kontrobersyang naganap nitong nakaraang araw. Hindi niya akalain na ang simpleng pangyayari lamang ang hahati sa kanilang pangkat, animo'y isang pader ang humaharang sa pagitan niya at sa mga kasamahan. Iisa lamang ang dahilan: ang kanilang bihag.

***

Pagsapit ng tanghali, sa panuto ni Haurre, tinungo ni Covel at Tukmul ang bihag. Napatingin sa kanila ang mata niyang namumula sa pamamaga. Kulay talong na rin ang mga pasa niya sa mukha sa sobrang bugbog ng grupo ni Toro.

Lumapit si Covel mula sa kanyang likuran at kinalagan ang mga lubid na nakatali sa kanyang kamay.

"Papatayin nyo na ba ako? Bilisan nyo na kung ganun."

"Kung ayaw mo ng masaktan pa, makipagtulungan ka na sa amin. Pinapahirapan mo lamang ang sarili mo sa pagmamatigas."

"Mas makikipagtulungan pa ko kay Kamatayan."

Hindi na nagtaka si Covel, alam niyang matigas pa rin ang bungo ng bihag at hindi niya ito agad na makukumbinsi. Isa pa rin siyang walang pusong Tagapuksa sa kabila ng lahat. Isa sa mga halimaw na nagsasagawa ng maruming adhikain ni Lodell.

Pinulupot niya nang mahigpit ang kadena sa kamay ni Jiaruz.

"Dala mo ang susi at kandado?" tanong niya kay Tukmul.

"Ito na po, Mahal na Prinsipe," inabot niya ang kandado at ang makintab na susi kay Covel.

Matawa-tawa si Jiaruz sa narinig.

"Mahal na Prinsipe? Ganito pala ang tawagan nyo rito?"

Hindi na siya inimik ni Covel na abala lang sa pagkandado sa kadena niya.

Nilingon siya ni Jiaruz at pinagmasdan ang mukha niya. Naglaho ang ngiti nito nang mapansin ang kulay berde nitong mga mata. Napansin rin niyang naiiba ang anyo nito sa isang Kanluranin. Isang bagay ang tuluyan niyang napagtanto.

"Ikaw ang isa sa nawawalang Prinsipe ng Imperyong Cenpyre."

Tumalikod si Covel at umiwas na harapin ang bihag.

Nakilala na niya ako.

"Huwag ka ng magtago, kilala na kita. Ikaw ang tinutugis ng Mataas na Panginoon at ng Mataas na Emperador. Panalangin mong hindi ako matakas dito...kundi magkano kaya ang ipapabuya nila sa akin para sa ulo mo?"

Tumaas na ang dugo ni Covel at di nagawang pigilan ang sarili. Nandilim ang kanyang paningin.

Mataas na Emperador!

Hinablot niya ang kwelyo ni Jiaruz at pinanggigilan ito. Napahakbang naman ng paurong si Tukmul, ngayon niya lamang nakitang sumabog nang ganito ang Prinsipe.

"Naging mabuti ako sa'yo kahit na naging kapalit nito ang tiwala ng mga kasamahan ko, pero mag-ingat ka! Sa oras na ituloy mo to, hindi mo alam kung ano ang magagawa ko sa'yo!"

Binitawan ni Covel nang padabog ang bihag, sinagot naman siya ni Jiaruz nang isang painsultong ngisi.

Habang naglalakad sila paalis, sumigaw si Jiaruz, "tandaan nyo, hindi nyo ko makukulong dito habang buhay!"

-Kampo ng Kamatayan-

Malutong ang mga yabag nang paang sabay-sabay sa pagmamartsa. Taas-taas ang bandera ng Pulang Tumanggong, ang martsa ay pinamumunuan ng isang babaeng may katangkaran, may kaiklian ang buhok, matalim ang nanglilisik na mga mata at nakasuot rin ng uniporme ng mga Tagapuksa. Taas noo ito sa pagmartsa at walang kasing tuwid ang kanyang postura na nagpapamalas ng otoridad. Ang pwersang kasama niya ay binubuo rin ng mga kakabaihang mas tigasin pa kumpara sa ibang lalaki.

Bumukas ang pinto ng Kampo at napasulyap si Wharen sa pwersang paparating. Nagmartsa sa loob ang babaeng Tagapuksa at ang kanyang pulutong. Nang masilayan niya ang babae, bahagyang napangiti ang Mataas na Komandante na may kakaibang gana sa kanyang mga mata, nagpapahiwatig ng pananabik.

"Nagbalik ka, Demetria."

"Naatasan ako ng Mataas na Panginoon na magbalik dito. Ang sabi niya nawawala si Jiaruz at kinakailangan niya ng kapalit na Komandante kaya naparito ako. Nasaan ang Panginoong Lodell?"

"May sakit ang Mataas na Panginoon, mula noong pumunta siya sa Imperyong Cenpyre madalas na siyang sinasamaan ng pakiramdam."

"Di na bale, ako na ang tutungo sa kanya pag magaling na siya," nananatiling buo ang tuyot niyang boses na higit na malaki para sa isang babae.

"Masaya akong makita ka ulit," paos si Wharen ngunit mapapaghalataan ang maamong tono na bibihira sa kanya.

Hindi siya inimik ni Demetria sa presensya ng kanyang hukbo at tinuon niya ang tingin sa likuran.

"Ano pang hinihintay nyo papasukin na ang mga yan!"

"Pasok na!" sigaw ng isang babaeng Tagapuksa.

Tinulak nila ang grupo ng mga babaeng Puttlan. Sila ay nag-iiyakan, uka-uka ang mga ginupit nilang mga buhok, puno ng pasa ang kanilang pisngi at pumutok ang duguan nilang mga labi. Ang isa sa kanila ay natatangi sa lahat sapagkat ito ay nagdadalang-tao. Kinaladkad sila ng mga Tagapuksa papasok sa loob na parang mga hayop at wala pa ring tigil ang kanilang pag-iyak.

"Mga nahuli namin sa mga dinaanang bayan."

"Bakit ganyan ang itsura ng mga yan?" tanong ni Wharen.

"Masyado silang magaganda, uminit ang dugo ko sa kanila kaya sinigurado kong darating sila rito na busabos at panget. Alam kong hindi ka makakatiis sa kanila, hahayaan ko bang mangyari yun?"

Humalakhak ang Mataas na Komandante, "di ka pa rin nagbabago, Demetria. Kaya hanggang ngayon gustong-gusto pa rin kita."

Hinawakan ni Wharen si Demetria sa may baywang ngunit sila ay naantala sa pagdating ni Alorde. Ngumiti ito na gaya ng isang mabangis na pating nang makita niya ang mga bagong dating na mga Puttlan.

"Tamang-tama, naghahanap ako ng maaari kong mapakinabangan sa mga pag-aaral ko. Ako na ang bahala sa kanila."

Pinalinya kay Alorde ang mga bihag at sinimulan niya itong siyasatin kung sino ang ipapadala sa kanya at kung sino ang itatapon sa sunugan.

"Andito pa rin pala ang baliw na yan?" Sambit ni Demetria noong malayo na sila ni Wharen.

"Oo patuloy pa rin sa mga kakaiba niyang eksperimento, hindi ko na inalam pa kung ano. Malamang nakakasuka kahit na sa akin."

Nilibot siya ni Wharen sa paligid ng Kampo kung saan naghuhukay ang mga bilanggong Itmai at Puttlan. Ang buong lugar ay umaalingasaw sa amoy ng mga bangkay at ng sunugan ngunit hindi nila ito inalintana at nagpatuloy lamang sila sa kanilang pag-uusap habang naglalakad.

"Kamusta naman ang Kampo sa Lod?"

"Halos wala ring pinagkaiba rito. Nalalapit ng matupad ang nais ng Panginoong Lodell, nauubos na sila."

"Duda ako dyan, hindi ko maatim kung paano nyo sila nababawasan? Wala naman kayong mga sunugan."

"Wala nga kaming sunugan pero hindi nangangahulugang mala-paraiso na ang buhay nila doon kumpara dito. Sa bawat araw, pakaunti ng pakaunti ang binibigay naming rasyon sa kanila at halos hindi na namin sila pinagpapahinga sa mga gawain. Kung tutuusin baka nga mas marami pa ang bangkay namin kada araw kumpara sa inyo."

Sa kasagsagan ng kanilang pag-uusap, isang Puttlan na naghuhukay ang napalingon sa kanila. Napasulyap ito kay Demetria at napatingin rin sa kanya ang babae na walang bahid ng kahit katiting na awa sa kanilang sitwasyon. Napansin rin ito ni Wharen. Inalis ng Puttlan ang tingin niya bilang pag-iingat sa Mataas na Komandante.

Ilang saglit lamang, nilapitan ni Wharen ang isa mga bantay at may binulong. Agad na tinawag ng Tagapuksa ang nasabing Puttlan.

"Ikaw, pumunta ka rito, dali."

Pumunta ang Puttlan na nangangatog ang mga binti at kalamnan. Iniharap siya kay Wharen at Demetria.

"Napansin kita, napansin kong napatingin ka sa kasama ko?"

"H-hindi po," hindi maitatago ang panginginig sa tinig nito.

"Bakit mo siya tinignan? Pinagnanasahan mo ba siya?" kalmado ngunit makikita ang talim sa mata ni Wharen.

"Patawarin nyo po ako," naluluhang saad ng Puttlan. "Nagulat lang ako dahil ngayon lang ako nakakita ng babaeng Tagapuksa, yun lang po."

Yumuko si Wharen at nilapit ang mukha sa bilanggo. "Inaamin mo na napatingin ka sa kanya?"

"Wala po akong masamang iniisip, Mahal na Komandante."

"Napatingin talaga siya sa akin," gumatong na si Demetria, "at sa tingin niya parang gusto na niya akong hubaran."

"Hindi po!" Napaluhod ang kaawa-awang lalaki. "Patawarin nyo ko di na po mauulit."

"Huli na, dapat naisip mo yan bago mo tignan ang mahal ko. Kailangan mong magbayad. Isang mata para sa pagtingin sa kanya at isa pang mata dahil ikaw ay nagsinungaling."

Kinuha ni Wharen ang isang matalim na kutsilyo mula sa kanyang bulsa. Nakatayo naman si Demetria at nakaabang sa gagawin nito.

"Maawa na po kayo!"

May panggigigil na sinaksak ni Wharen ang kanang mata ng Puttlan, pagkatapos ay mas binaon pa niya ang sa kaliwa. Umalingawngaw ang nakakikilabot na hiyaw ng Puttlan. Narinig ito ng mga kasama niya ngunit nagpatuloy lamang sila sa paghuhukay, pilit na pinagwawalang-bahala ang nangyaring karahasan. Nagiging maingat na sila na huwag sapitin ang parehong kapalaran. Ito ang nagpapaalala sa kanila na manatili na lamang ang mga mata nila sa lupa.

Napakagat naman sa kanyang labi si Demetria habang ginagawa ni Wharen ang kanyang pagpapahirap, sa ginawa ng Komandante, mas nabubuhayan ang babaeng Tagapuksa.

"Dalhin na yan sa Sunugan," atas ni Wharen sa mga bantay, "bulag na yan, wala ng pakinabang."

Hinatak ng mga bantay ang umiindang Puttlan papalayo patungo sa hanay ng mga susunugin.

Pinulupot ni Demetria ang kanyang mga kamay sa katawan ni Wharen at bumulong siya sa likod nito. "Mas lalo akong naaakit sa'yo kapag nananakit ka, ngayon gusto ko ako naman ang saktan mo."

Napangiti si Wharen kasabay nang malalim na paghinga, dinadama ang mga haplos nito. Hinila ni Demetria ang kanyang kamay upang gawin ang kanilang sadya.

-Kanlungan ng Kanluran-

Upang takasan ang katahimikan sa lungga pati na rin ang pagbabanta ng bihag, umakyat na lamang si Covel sa itaas, sa abandondanong bahay ni Gavielle. Gamit ang pwersa, tinulak niya ang estante ng libro na kumukubli sa kanilang daluyan. Pagsara niya, dumirekta ang kanyang paningin sa mga librong nakahilera sa estante. Sari-saring mga libro: makakapal, maninipis, malalaki at maliliit.

Siniyasat na lamang niya ang mga libro sa bawat hanay. Sa ibaba, ang aklat ay tungkol sa kasaysayan ng Buong Lupain, sa itaas tungkol sa agham, ang mga sumunod ay para sa musika at mga ibang hayop. Tiyak na magugustuhan ito ni Jualem lalo na at mahilig ito magbasa. Napaisip tuloy siya kung nabasa na ba niya ang lahat ng nakapaloob sa estanteng ito. Hindi interesado ang Prinsipe, sa buhay na kinagisnan niya sa Kabundukan, nawalan na ng gamit sa kanya ang mga libro. Wala na mula noong mapaalis sila sa Palasyo. Ang lahat ng bagay na natutunan niya, narinig niya sa mga kwentong pinagsalin-salin ng mga Tubong Nievah. Matagal na panahon na mula noong huli siyang nakapagbasa, hindi na niya alam kung marunong pa ba siya, kaya natatakot siyang subukan ulit.

Gayunpaman, patuloy pa rin siyang naghalugkat at nangibabaw sa lahat ang pinakamaliit at pinakamanipis na libro sa estante. Kinuha niya ito at binuklat. Hindi ito pangkaraniwang libro. Imbes na mga letra, mga guhit at larawan ang nakapaloob rito. Guhit ng dalawang bata. Isang lalaki at isang babae. Sa bawat buklat, iba-iba ang ginagawa nila. Mayroong naglalaro, natutulog, nagbabasa ng libro at nagsasanay sa mga espada. Tila talaan ng mga pangyayari sa pamamagitan ng pagguhit. Tinitigan ni Covel ang batang babae, pilit itong minumukhaan bagamat pamilyar.

Si Gavy...

Hindi nga ito pangkaraniwang libro. Gawa nito ng kanilang Ama.

Ito ay Aklat ng mga Alaala.

***

"Kulev?"

Nagising si Itoi na wala ng kasama. Pinunasan niya ang pungas sa kanyang mga mata at kinuha niya ang laruang manika. Abala sa paglalaro ang bata nang may maaninag siyang isang liwanag na kumukinang sa tela ng kanilang tolda. Isang kinang na nagmula sa isang makintab na gamit. Hinanap ng bata kung saan nanggagaling ang nasabing liwanag at natagpuan niya ito sa may sulok ng higaan ni Covel. Ito ang susi na ginamit niyang pangkandado sa kadena ni Jiaruz. Hinawakan ito ni Itoi at nabuo ang ngiti sa kanyang pisngi.

Dala-dala ang bagong diskobreng pagkakalibangan, nagpagala-gala si Itoi sa kuta at nagpatuloy sa kanyang paglalaro. Sa lawak ng kanyang imahinasyon, pinagkukunwari niyang maliit na espada ng kanyang manikang kahoy ang susi. Hindi niya pa napapansin ang bihag na nakagapos sa may sulok.

Napadilat si Jiaruz sa paglalaro ng bata at siya ay napalingon. Hindi niya inaasahan na mayroon pa lang bata sa lugar na ito. Batid niyang hindi ito lugar para sa edad niya sapagkat maaaring manganib ang buhay nito sa oras na matuklasan ito ng mga Tagapuksa, sa oras na makatakas siya at maituro ito sa kanila. Tinuon niya ang pansin kay Itoi habang siya ay naglalaro ng kanyang manika, hindi gumagawa nang anumang tunog. Agad namang pumukaw sa atensyon niya ang susing pinaglalaruan ito. Napagtanto niyang ito ang parehong susing ginamit nila sa pagkandado sa kanyang kadena kanina. Nabuo ang isang ideya sa isip niya. Kung siya ay magiging mautak, makakaalis siya rito, makakabalik sa Kampo at maituturo ang kuta ng Kapatiran. Higit sa lahat maisusuplong niya kay Lodell ang nawawalang Prinsipe at malaki ang magiging gantimpala niya. Baka nga ibigay pa sa kanya ng Mataas na Panginoon ang ranggo ni Wharen at makakaganti na siya sa pagtraydor nito sa kanya. Lahat ng ito ay abot kamay niya, ang kailangan niya lang gawin ay utuin ang bata na kalagan siya at sa tingin niya hindi naman ito ganoong kahirap.

Sumitsit siya mula sa kanyang kinaroroonan, narinig ito ni Itoi at napatigil sa kanyang paglalaro.

"Bata, pumunta ka rito, bilis."

Sa kanyang kuryusidad, naglakad nang dahan-dahan ang bata at dito na niya nasilayan sa unang pagkakataon ang bihag na sugatan at nakagapos sa isang upuan.

"Anong gawa ikaw dyan?"

"Hindi ako makaalis sa upuang ito, naipit ako at nakandado ko ang sarili ko. Hirap na ko. Mabuti na lang at dumating ka, matutulungan mo ba ako?"

Hindi umiimik ang bata, tila napapaisip pa rin sa estranghero.

"Sabi Kulev, huwag ako kausap di ko kilala."

"Huwag kang matakot, ako si Jiaruz, mabait ako, isa akong kaibigan. Anong pangalan mo?"

"Itoi."

"Alam mo ba Itoi marami akong ibibigay sa'yo pag nakaalis ako rito. Gusto mo ba ng mga mamon at maraming mga laruan?"

Napatango ang bata at nanigla ang kanyang mga mata. Nakikita ni Jiaruz na gumagana na ang pang-uuto niya.

"Bibigyan kita ng maraming-marami, mas maganda pa dyan sa manikang kahoy mo, basta tulungan mo lang akong makaalis dito."

"Paano tulong Itoi?"

"Nakita mo ba yang hawak mo?"

Muling napatingin si Itoi sa hawak niyang susi.

"Pumunta ka lang sa likuran ko at ituturo ko sa'yo kung ano ang gagawin mo."

Naglakad na ang bata papalapit sa kanya dala-dala ang susi, pumorma ang masamang ngiti sa mukha ng bihag, sigurado na siyang sa pagkakataong ito, magtatagumpay na siya sa balak niyang pagtakas. Epektibo ang pagkuha niya sa loob ng paslit. Papunta na si Itoi sa likod ng bihag.

"Itoi!" Naabala ang dalawa sa tinig ng isang babae.

Sumulpot si Gavielle. Base sa kanyang nasaksihan, nahulaan na niya kung ano ang muntikan nang mangyari kung di siya dumating.

"Ate Ganda Babae."

"Anong ginagawa mo, Itoi?"

"Siya po si Kuya Jiaruz, naipit po siya sa upuan, Itoi tulong sa kanya alis para siya bigay laruan at mga mamon."

"Talaga? Sinabi niya yun?" tinignan ni Gavielle ang bihag, inirapan niya muna ito bago ituon ang tingin sa bata, "akin na muna yan."

Inabot ng bata ang susi sa kanya, "tulungan mo siya ah, Ate Ganda Babae."

"Ako na ang bahala sa 'kaibigan' natin, Itoi. Maglaro ka na lang muna."

Umalis si Itoi at naiwan ang bihag sa presensiya ni Gavielle.

"Inuto mo pa ang bata, magaling, napakahayop mo talaga! Akala mo ba makakaalis ka pa rito? Hanggang naririto ako hindi ko hahayaang mangyari yun. Sisiguraduhin kong magdurusa at mabubulok ka ng higit pa sa ginawa mo kay Kuya Donello. Dito mararanasan mo ang impyernong nababagay sa mga katulad mong mapagsamantala at mamamatay-tao. Huwag ka ng umasang makakatakas ka pa."

Nilayasan siya ng dalaga at naiwan si Jiaruz sa kanyang upuan, bahagya itong ginalaw na may pagdarabog, nanghihinayang na dumating pa ang dalaga at napurnada pa ang kanyang pagtakas. Ramdam niya ang galit ng dalaga sapagkat pareho rin ang nararamdaman niyang poot sa kanya at sa buong Kapatiran.

-Kampo ng Kamatayan-

Plap! Plap!

"Ahh," nasasarapan sa pag-ungol si Demetria.

Plap! Plap! Plap!

Patuloy ang paghampas mula sa balat na sintron ni Wharen.

"Ahhh, sige, sige saktan mo pa ko!"

Hindi tumigil sa paghampas si Wharen habang kinakantot niya sa likuran ang babae. Nilalamutak ng kanyang gigil na kamay ang pwet nitong puno ng mga latay at marka ng kanyang mga daliri. Noong siya ay labasan, si Demetria naman ang pumaibabaw, binilisan niya ang pagtalbog kay Wharen na para bang siya ay nakasakay sa isang kabayong matulin ang pagtakbo. Muling humampas ang kanyang sintron at ito ay nag-iwan ng mahabang latay mula sa kanyang suso, patungo sa kanyang sikmura. Nang sila ay matapos, halos lumundo na ang kama.

"Kunwari ka pa kanina na hindi ka nasabik sa akin."

"Natural hindi ko lang pinahalata. Nasa tungkulin tayo." Tugon ni Demetria habang nakahiga sa piling niya. "Ngayong nadispatsa mo na si Jiaruz, ano na ang plano mo?"

"Uubusin ko ang mga Itmai at Puttlan, pati na rin ang Kapatiran. Buburahin ko sila sa mukha ng mundo. Pananatilihin ko ang mataas kong posisyon at sisiguraduhin kong buo pa rin ang tiwala sa akin ni Panginoong Lodell."

"At pagkatapos?" Sa kanyang tono, halatang may hinihintay si Demetria mula sa kanya.

"Pagkatapos ano?"

Bumangon si Demetria na nakaismid ang mukha. "Bumalik ako rito, akala ko pakakasalanan mo na ko."

"Oo naman, sa oras na nailigpit ko na ang lahat ng kalaban. Napag-usapan na natin ito bago ka umalis. Sa ngayon kasal muna ako sa aking trabaho."

Umikot ang mata ng babae na tila ito ang pinakawalang kwentang bagay na kanyang narinig.

"Ang sabihin mo kasal ka sa karahasan at sa pagnanasa mong ipagmalaki ka ng Mataas na Panginoon. Hindi pa ba sapat ang mga nagawa mo para sa kanya? Palagi ka na lang bang magiging tauhan na sususian niya, wala ka na bang mas mataas na ambisyon?Wala ka bang balak na lumipad nang mas matayog pa sa puder ng tumanggong?"

"Malaki ang utang ko sa kanya. Siya ang nagpalaki sa akin, hinubog niya kung ano ako ngayon. Kaya ko nga kinukuha ang loob niya dahil makikinabang ako balang araw. Pag nawala na siya sa akin niya ipapamana ang buong Kanluran."

"Balang araw pa? Hindi mo ba siya kayang higitan ngayong nabuhuhay pa siya? Ayaw mo bang ikaw ang maging Mataas na Panginoon?"

Natahimik si Wharen, hindi siya sang-ayon sa minumungkahi ni Demetria pero sa isang banda naisip niyang hindi na maayos ang pakikitungo sa kanya ni Lodell nitong mga nakaraan. Habang tumatagal, tinatrato siya nito na parang isang utusang aso. Kaunti na lang at mapupuno na siya sa Mataas na Panginoon at hindi na niya masasabi kung ano ang kalalagyan nito pag nagkataon. Hindi niya alam na nagpalaki siya ng isang halimaw na balang araw ay kikitil sa kanya. Kung tutuusin kaya niyang samantalahin ang pagkakataong habang siya ay nanghihina at may sakit. Sa ngayon ang magagawa niya lamang ay magtimpi.

-Kanlungan ng Kanluran-

Bumalik si Covel sa ibaba ng kuta bitbit ang maliit na libro. Malaki ang pag-asa niyang matutuwa si Gavielle pag naipakita niya ito sa kanya. Malamang ito na ang magpapalambot sa kanyang kalooban at makapag-aayos sa kanilang samahan.

Alaala ang papawi sa bawat pighati.

Mabilis pa sa alas-kwatro, agad siyang nagtungo sa tolda ng dalaga na may baong ngiti sa kanyang mukha. Nakakubli ang libro sa bulsa ng kanyang damit. Nakahiga ang dalaga sa kanyang higaan.

"Gavy, may ipapakita ako sa iyo na ikatutuwa mo."

Tumayo ang dalaga, hindi pa rin natitinag ang pagkakunot ng kanyang noo, mapapaghalataang may sama pa rin siya ng loob sa Prinsipe.

"Ako muna ang may papakita sa'yo," dinukot niya ang susi sa kanyang bulsa at pinakita ito sa kanya.

Natahimik si Covel habang nakatitig sa susi. Naging palaisipan sa binata kung paano ito napunta kay Gavy dahil huli niya itong iniwan sa tolda nila.

"Alam mo ba kung saan ko ito nakita? Hawak-hawak ni Itoi, muntikan na niyang pakawalan ang bihag."

"Sigurado ka ba? Bakit naman gagawin ni Itoi yun?"

"Malamang inuto siya ng Jiaruz na yun para pakawalan siya ni Itoi. Hindi mo ba alam na nakuha niya ang susi?"

"Tinago ko lang sa tolda namin, hindi ko naman alam na kukunin niya."

"Isipin mo ano ang mangyayari sa atin kung napakawalan niya ang bihag, malalagay tayong lahat sa panganib."

May punto si Gavielle sa sinabi niya ngunit hindi niya pa rin nagugustuhan ang kanyang tirada sa kapatid.

"Sandali lang, sinisisi mo ba si Itoi? Sinasabi mo bang ipapahamak niya tayo at dapat wala siya rito? Gavy, alam mo namang kakaiba ang kapatid ko. Akala ko ikaw ang unang makakaunawa sa kanya."

"Yun na nga, may deperensiya si Itoi kaya nga dapat mas binabantayan mo siya. Hindi naman lingid sa'yo na napalapit na siya sa akin. Ang sinasabi ko lang dapat maging responsable tayo sa kanya. Kaunting kapabayaaan lang at maaaring ito na ang maging katapusan natin."

"Ako na ang may kasalanan," inamin ni Covel. "Nagpabaya ako. Masaya ka na ba?Pinapangako ko sa'yo hindi na ito mangyayari ulit."

"Talagang hindi na, dahil ako na ang magtatago ng susi mula ngayon."

Lumabas na lamang si Covel sa kanyang tolda. Mainit na ang ulo ng dalaga at wala pa itong alam na nakilala na siya ng bihag. Hindi ito ang tamang panahon para pakita sa kanya ang libro, malamang kung ipapakita niya, wala rin itong matutulong sa mas lumalala nilang hidwaan. Kailangan pa niyang humanap ng tamang tyempo, kapag lumamig na tensyon sa pagitan nila.

Sa isang banda nauunawaan niya rin si Gavielle, kung nagtagumpay sa pagtakas si Jiaruz, tiyak na mayayari na siya. Ang simpleng kapabayaan niya kay Itoi ang muntikan nang magdala ng kapahamakan sa kanya at sa Kapatiran.

Ang nawawalang Prinsipe, ang tinutugis na Prinsipe...hindi pa ba sila susuko sa paghahanap sa akin?

***

Pagsapit ng hatinggabi, habang mahimbing ang tulog ni Gavielle, isang anino ang sumulpot sa kanyang tolda nang hindi niya namamalayan.

Kinaumagahan, nagising si Jiaruz sa kanyang silya. Napagalaw nang kaunti ang kamay niya at pinilit niyang ilingon ang kanyang ulo. Napansin niyang para bang lumuwag ang pagkakagapos sa kanya ng kadena. Noong siya ay muling gumalaw, nahulog na sa sahig ang nakabukas na kandado.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro