Kabanata 13: Aric
-Kasaganaan-
Labis na pinagsisihan ni Aric ang pagkakamaling nagawa niya. Nagpadalos-dalos siya sa pagtatapat ng katotohanan kay Miya. Batid niyang kaya naman niya itong ipaalam nang hindi ito binibigla, bagkus hindi niya nagawang pigilan ang kanyang bibig sa pagtirada. Basta na lang siyang nagsalita, nagtapat at ngayon galit sa kanya ang pinakamamahal niyang si Miya.
Magaling! Paano kung tuluyan ka na niyang layuan dahil sa mga sinabi mo. Ang tanga mo naman, Aric. Di ka ba nag-iisip?
Ang pinakahuling bagay na nais niya ay ang mawala sa kanya si Miya sapagkat labis niya itong iniibig, maaaring higit pa sa kanyang buhay. Ano na lamang ang gagawin niya kung tatalikuran na siya nito at hindi na muling bumalik sa kanyang piling?
Gulong-gulo na siya na sa takbo ng mga pangyayari. Marami mang mga senyales na tama ang kanyang mga kuro-kuro, nagsisimula na ring kwestyunin ni Aric ang lahat.
Hindi kaya nagkakamali lang ako tungkol sa pagkatao ni Miya? Paano kung hindi naman pala sila magkapatid ni Saraphine at hindi siya ang Prinsesa Ymma. Sapat na bang basehan ang kanyang anyo para mapatunayan ko ito?
Ang mga mata niya...
Sa halos dalawampu't-dalawang taon ng kanyang pananatili sa mundong ibabaw, ngayon lamang siya nakakita ng turkesang mga mata na tunay na kakaiba. Tanging si Prinsesa Ymma lamang ang nagtataglay nito. Malakas pa rin ang kutob niyang hindi ito basta nagkataon lamang. May paliwanag sa lahat ng ito na tanging ang mga magulang lamang ni Miya ang makakasagot kung pipiliin nilang maging totoo sa kanya.
Ngayon ang nais lamang niya ay suyuin ang dalaga, hawakan ang mga kamay nito at damhin ang init ng kanyang yakap ngunit nangangamba siya na baka hindi pa napapawi ang init ng ulo nito sa kanya. Mas makakabuti siguro kung maghihintay muna siya ng tamang panahon upang palamigin ang tensyon sa pagitan nila. Napagpasyahan niyang palipasin na lang muna ang araw para mabigyan ng oras at espasyo si Miya.
Nagtungo na lamang si Aric sa kanyang kubo upang magpalipas ng araw at mag-isip-isip sa mga bagay-bagay.
***
"Kuya Aric!"
Nakarinig siya ng ingay mula sa kanyang bintana. Paglingon ng binata, namataan niyang nakasilip si Maoro at Mylka na may sukdulang ngiti sa kanilang mga pisngi. Halatang nananabik ang dalawa sa kanya.
"Maoro, Mylka, kayo pala," bumangon si Aric sa kanyang higaan at nilapitan ang dalawa sa may bintana.
"Nakakaabala ba kami?" sunod na sumulpot si Myoris sa bintana.
Pilit na napangiti si Aric. Ayaw niyang ipahalata sa kanila na hindi masaya ang araw niya ngayon. "Hindi, kahit kailan naman hindi kayo naging abala sa akin."
Napasilip si Mylka sa loob ng kanyang kubo, nilibot ng bata ang kanyang mga mata na parang may hinahanap. "Saan si Ate Miya?"
"Oo nga, akala namin magkasama kayo?" dagdag ni Myoris.
"Sabihin na lang muna natin na mas makabubuti kung hindi muna kami magkasama ngayon."
Napakunot ang kilay ni Maoro. "Bakit? Dapat lagi kayo magkasama kasi ikakasal pa kayo."
"Kelan po kayo kakasal?" si Mylka naman ang nag-usisa. "Gusto na po namin magkaroon ng maraming maliliit na Ate Miya at Kuya Aric na makakalaro namin araw-araw."
Sa pagkakataong ito, hindi na mapigilan ni Aric na mapahalakhak sa mga hirit ni Mylka. Mga bata man sila, mas batid pa nila ang tunay na namamagitan sa kanila ni Miya kumpara sa mga nakatatanda. Isang bagay na kinamangha niya, ang talinong taglay ng magkapatid.
Namula ang pisngi ni Myoris sa kakatawa sa kanilang mga sinabi. "Teka lang muna? Masyado kayong paladesisyong dalawa, darating din sila dyan. Huwag nating madaliin. Maghintay lang kayo. Maglaro muna kayong dalawa, kakausapin ko lang ang Kuya Aric nyo."
Sumunod ang dalawang bata sa pabirong banat ni Myoris at sila ay tumakbo na parang bolang tumatalbog sa pagkaaktibo. Binuksan ni Aric ang pinto at pumasok si Myoris na bumalik na sa pagkaseryoso ang mukha. Nahalata niya ang lungkot at pangamba sa mga mata ni Aric.
"Anong problema? Nag-away kayo no?"
Nagpakawala ng buntong-hininga ang binatilyo bago niya ito sagutin. "Hindi ko masabing nag-away kami, siya lang naman ang nagalit sa akin."
"Bakit ano ba nangyari?"
Nagtatalo pa ang isip ni Aric kung dapat ba niyang ipaalam ang nangyari kay Myoris. Matalik siyang kaibigan ni Miya ngunit ngayon lamang sila nagkakausap nito mula noong matutunan niyang magsalita ng Wikang Myongese. Hindi niya pa rin tiyak kung maipagkakatiwala niya rito ang tungkol sa sitwasyon nila ni Miya. Isa pa, nag-iingat din siya na baka magalit rin ito sa kanya.
"May nasambit akong mga salita na hindi ko na dapat sinabi pa sa kanya. Kasalanan ko naman kaya galit siya sa akin ngayon. Nasaktan ko siya."
"Di ko na aalamin kung ano ang sinabi mo, sa pagitan nyo ito ni Miya at wala ako sa lugar para manghimasok pa. Ito lang ang masasabi ko, hayaan mo na muna siya. Saglit lang at lilipas din yan, kilala ko si Miya, kapatid ko na yan sa ibang ina, mabilis yang magalit pero mabilis din naman humupa, magkakaayos rin kayo."
Nakinig nang masinsinan si Aric sa nakakapanatag na pahayag ni Myoris ngunit hindi pa rin ito sapat upang hindi siya mag-alala sa hinanakit ng dalaga.
"Pero paano kung dinamdam niya ang nagawa ko? Ano ba ang magagawa ko para mabilis niya kong mapatawad? Kailangan ko ba siyang handugan ng awitin, pagsilbihan at dalhan ng mga masasarap na prutas. Lahat gagawin ko. Kahit ano."
Napailing si Myoris sa pagkadesperado ng binatilyo na bahagya niyang ikinaaliw.
"Aric, hindi mo makukuha si Miya sa ganyan. Kung gusto mong mapatawad ka agad ng kaibigan ko, dapat maging totoo ka sa kanya, suyuin mo lang siya at humingi ka ng tawad, higit sa lahat maging tapat ka sa nararamdaman mo sa kanya, yun lang ang kailangan mong gawin at mapapatawad ka rin niya."
"Parang siguradong-sigurado ka."
"Alam ko, dahil mahal ka ni Miya. Marami na ang nag-alok ng pag-ibig sa kanya ngunit lahat sila ay nabigo, kasama na roon si Datu Leyro. Ikaw lamang ang nagtagumpay na bihagin ang puso niya, ngayon ko lamang siya nakitang umibig at lumigaya ng ganito at iyon ay dahil sa'yo, kaya nasisigurado ko, hindi ka matitiis nun. Kapag hindi ka niya pinatawad, sabihin mo sa akin at babatukan ko para makalog ang kukote niya."
Si Aric naman ang natawa sa huli niyang pinahayag. Tunay na may kakayahan si Myoris na magseryoso at magpatawa ng magkasabay.
"Maraming salamat, Myoris. Huwag kang mag-aalala susundin ko ang mga sinabi mo."
"Wala yun, malakas ka sa akin. Basta tandaan mo ang napag-usapan natin."
"Ikaw talaga."
Masayang napayakap si Aric sa kaibigan. Napagtanto niyang tunay nga itomg mapapagkatiwalaan at napakaswerte ni Miya para magkaroon ng kaibigang katulad ni Myoris na ngayon ay tinuturing na rin niyang kaibigan.
***
Pagsapit ng gabi, naging pagsubok kay Aric ang gumawa ng tulog. Hindi siya mapakali sa kanyang pwesto dahil lumipas ang buong araw na hindi sila nagkakaayos ni Miya. Pilit man niyang kalimutan ang nangyari, hindi niya magawa. Nagdaan ang mga minuto at di kalaunan ang mga oras at hindi pa rin natahimik ang kanyang isipan. Sadyang naging mailap ang antok sa kanya, kahit pa nakasanayan na niyang matulog sa magaspang na banig at matigas na papag ng kanyang kubohan. Batid niyang hindi matatapos ang kanyang pagkabalisa hanggang hindi sila nagkakausap ni Miya.
Nakarinig ang binatilyo ng pagtilaok ng mga alagang manok, hudyat na malapit na ang pagbubukas ng bagong umaga. Bumangon siya at lumabas na lamang sa kanyang kubo, totoo nga, lumiliwanag na.
Napalingon siya sa dalampasigan at ang unang bagay na pumukaw sa kanyang atensyon ay ang presensiya ni Miya na nakaupo sa may buhanginan at tila malalim ang iniisip.
Napakaganda ng tanawing nasaksihan ni Aric. Ang babaeng kanyang iniibig na nakamasid sa pag-usbong ng Haring Araw. Kung tutuusin, mas higit pang kahali-halina ang dalaga kumpara sa kapaligiran.
Ito na ang tamang pagkakataon.
"Miya," pagtawag niya na nagpalingon bigla sa dalaga.
Sa mga tingin ni Miya, pinagpalagay niya na wala na itong galit sa kanya, na kung ano man ang naging alitan nila, lumipas na ito. Hindi na nag-aksaya nang panahon pa ang binatilyo, at sa kanyang pananabik, tumakbo siya nang buong ligaya papalapit sa babeng minamahal. Sinalubong siya nito at nagyakapan ang dalawa sa pagsikat ng araw.
"Hindi ka na ba galit sa akin?"
Napailing si Miya kasabay ang maamong pag-ngiti, "hindi na."
"Mabuti naman," muling napayakap si Aric sa kanya at mas hinigpitan pa niya, "patawarin mo ko, Miya dahil nasaktan kita. Hindi ko na dapat sinabi ang mga bagay na yun sa'yo. Sumobra ako."
"Patawarin mo rin ako dahil pinairal ko ang emosyon ko. Nagalit agad ako sa'yo, alam kong hindi mo naman hangad na saktan ako."
Hinaplos ng binata ang malambot niyang pisngi.
"Kahit na, nasaktan pa rin kita. Miya, mula ngayon pinapangako ko sa'yo ko, wala na sa akin kung sino ka at kung saan ka nagmula. Ang alam ko lang ikaw ang nag-iisang babaeng gusto kong makapiling ngayon at magpakailanman. Wala ng iba. Ayaw kong mawala ka sa akin."
Lalong umaliwalis ang ngiti sa mukha ng dalaga. "Ayaw ko ring mawala ka sa akin."
Hinagkan siya ni Aric nang buong pagmamahal ngunit natauhan si Miya kung nasaan sila at ito ay naantala.
"Halika, humanap tayo ng lugar, baka may makakita sa atin."
Inalok niya ang kamay kay Aric at hindi ito nag-atubiling sumama sa kanya.
***
Inakyat ni Miya at Aric ang Kabundukan at doon nila sa tuktok pinagsaluhan ang naantalang halik ng kanilang pananabik sa isa't-isa at naging saksi rito ang buong Kasaganaan. Sa unang pagkakataon, gumawa sila ng pag-ibig sa Kabundukan gaya ng inaasam nila at noong mga panahong iyon tumigil ang oras at sila lamang ang nagpapagalaw sa mundo.
Maya-maya, napahiga ang dalawa sa piling ng isa't-isa habang nakatanaw sa halinang handog sa kanila ng kalikasan. Wala ng hahanapin pa si Aric, nakahimlay siya isa isang literal na paraiso kasama ang babaeng pinapangarap niya. Sa wakas, napawi na ang lahat ng kanyang mga alalahanin.
"Di na kita nakita mula kahapon, naisip kong baka galit ka pa sa akin kaya hinayaan na muna kita. Ano bang mga nangyari?"
"Ayun, sinabi ko kay Ina at Ama yung mga sinabi mo sa akin at nadismaya sila sa pagdududa ko tungkol sa aking pagkatao. Pinanindigan nilang anak nila ako at naniniwala ako sa kanila. Alam ko sa puso ko na nagsasabi sila ng totoo."
Nananahimik na lamang si Aric sa kinahihigaan at napatingin sa kalangitan.
Ito talaga ang pinaniniwalaan niya...
"Hindi ko nagustuhan ang nagawa ko, nasaktan ko sila. Ngayong malinaw na sa atin ang lahat, mabuti siguro huwag na nating ungkatin ang tungkol dito. Sinasaktan ko na ang mga magulang ko sa paglilihim ng relasyon natin, ayoko nang idagdag pa ito sa mga pagkakasala ko sa kanila."
Sinagot ni Aric ang dalagita sa pamamagitan ng isang halik sa noo. Marami pang dinadala ngayon si Miya para ipagpilitan niya ito.
"Walang problema, mahal ko, wala ka ng maririnig sakin, siguro nga talagang nagkamali lang ako sa mga hinala ko."
Siguro hindi pa talaga bukas ang isip niya sa katotohanan.
Nag-iba ng pwesto si Miya at humiga siya nang nakaharap ang mukha at katawan kay Aric.
"Ako naman ang may itatanong."
"Kahit ano sasagutin ko para sa'yo."
"Ngayong nalaman kong isa kang tubong Cenpyre, napapaisip ako kung ano ang naging pamumuhay mo noon, maaari mo bang ibahagi sa akin?"
Naglaho ang ngiti sa mukha ni Aric at naramdaman ng dalaga ang lalim ng kanyang paghinga mula sa kanyang baga.
"Akala ko ba huwag na nating pag-usapan ang tungkol dito?"
"Pero tungkol naman ito sa'yo, hindi sa akin, isa pa nangako ka sa akin na sasagutin mo lahat ng mga tanong ko."
"Sige na nga, ano ba ang gusto mong malaman tungkol sa Cenpyre, saan mo ba gustong simulan?"
"Siguro ilarawan mo ito sa akin, kahit papaano magkaroon naman ito ng anyo sa isipan ko. Ilang beses ko ng narinig ang salitang Cenpyre mula kay Lolo pero wala akong kaalam-alam ukol dito."
Pilit na inalala ni Aric ang kanyang lupang tinubuan na hindi na niya nabalikan sa loob ng mahabang panahon. Sa totoo nga lang higit na limitado ang kaalaman niya sa Cenpyre kaysa Silangan na mas matagal niyang tinirahan.
"Paano ko nga ba papaliwanag? Malaki ang Cenpyre. Hindi lang ito basta maliit na isla. Ito ang pinakamalaking Kontinente sa Buong Lupain at isa rin itong Imperyo na pinamumunuan ng isang Emperador. Marami itong Lupain."
"Imperyo? Emperador? Hindi ko mawari?" napapaghalatang bago lamang ang mga salitang ito para kay Miya at siya ay nagulumihanan.
"Emperador ang tawag sa namumuno sa kanila, katumbas ito ng isang Datu o ng isang Hari pero naiiba sila sa maraming paraan. Ang Imperyo naman ay ang tawag sa mga lupaing sakop at pinamumunuan nila."
"Yun pala ang tawag sa mga yun."
"Ibang-iba rin ang pamumuhay sa Imperyo."
"Naiiba sa paanong paraan?"
"Una, hindi kami nakatira sa kagubatan o dalampasigan, marami kaming mga kabayanan at siyudad, mga lugar at pamayanang itinaguyod at pinaunlad ng mga tao. Nakatira kami sa mga bahay na yari sa bato."
"Ibig sabihin sa isang kweba?"
Matawa-tawa si Aric sa pagka-inosente ni Miya. "Bato ang mga bahay namin pero hinubog ito upang mas maging maayos sa isang kweba. Ang mga namumuno naman sa bawat lupain ay naninirahan sa isang istrakturang tinatawag nilang mga tore o kastilyo, ang iba ay umaabot sa kalangitan."
"Nakamamangha, nakatira sila sa isang mataas na bato. Hindi ko nga lang maisip kung ano ang wangis. Ano pang mayroon sa Cenpyre? Ituloy mo pa."
"Sa Cenpyre at ganoon na rin sa Silangan at Kanluran, may bayad ang lahat. Hindi tulad dito na kalikasan na ang naghahandog ng mga libreng biyaya. Upang mapunan ang aming pangangailangan, mayroon kaming konsepto ng pera at kalakalan. Kapag may gusto kaming makuha, pagkain man o gamit, kailangang may ibigay kami bilang kapalit. Para makakain kailangan mong magbayad ng pera."
Napababa ang panga ni Miya sa pagtataka, bago rin ang ganitong sistema para sa kanya.
"Ang gulo naman doon, kailangan ba talaga may kapalit ang lahat? Maaari naman kayong mamuhay ng simple gaya namin. Lahat ng mayroon kami ibinabahagi namin sa isa't-isa nang hindi naghahangad ng anumang kapalit."
Hindi akalain ni Aric na mapapasang-ayon siya sa palaisipang ipinasa sa kanya ni Miya, may punto naman siya, bakit nga ba kailangang may kapalit pa ang lahat kung maaari naman silang mamuhay ng simple? Sa unang pagkakataon naging katanungan sa kanya kung bakit pa nga ba naimbento ang pera. Matapos niyang maranasang mamuhay dito sa Kasaganaan, hindi niya alam kung nanaisin pa niyang magpaalipin sa ganitong klaseng sistema.
"Ganoon talaga ang pamumuhay sa Cenpyre, mahirap at komplikado."
"Kamusta naman ang panahon doon?"
"Ibang-iba rin dito sa Silangan, kung dito init at ulan lang, doon sa Cenpyre mayroong tag-init, tagsibol, taglagas at taglamig. Masaya roon pag taglamig dahil kasabay ng unang pagbagsak ng niyebe ang isang pagdiriwang na sagrado sa mga Cenpyero."
"Hindi pa ko nakakakita ng niyebe sa buong buhay ko, hindi ko pa rin nararanasan ang taglamig."
Kung alam mo lang, dalawang taon mo ng naranasan ito sa Palasyo.
"Gusto mo bang maranasang maglaro sa niyebe?"
Napatango si Miya, ginanahan ang kanyang mga mata na animo'y isang batang paslit.
"Balang araw, kapag bumalik ako sa Cenpyre, isasama kita."
"Aabangan ko yun, kahit saan basta naroroon ka, masaya na ko."
Naisip ni Aric na kung darating nga ang panahong maisasama niya si Miya sa Cenpyre, marami pa siyang kailangang ituro sa kanya tungkol sa mga bagay-bagay. Wala pa itong muwang noong lisanin nila ang Imperyo, natural lamang na wala siyang natitirang alaala mula rito.
"Ilang taon na ba ang nakakaraan mula noong umalis ka ng Cenpyre?"
"Labing-apat na taon na ang nakaraan."
Napailing si Aric at bahagyang natigilan, kahit na ganitong katagal na, masakit pa rin sa kanyang alalahanin ang bangungot at trahedyang naganap sa Imperyong Cenpyre.
"Bakit? Ayos ka lang ba?"
"Pasensya na, mahirap pa rin saking alalahanin ang mga kaganapan sa buhay ko. Mabigat pa rin ito sa kalooban ko."
"Hayaan mong pagaangin ko ang nararamdaman mo, ilahad mo sakin at baka makatulong ito, maibsan ang lahat."
Napatitig muna nang taimtim at may pag-aalangan ang binata sa dalaga. Pumasok bigla ang ideya sa kanyang isip na baka nga makatulong ang pagbabahaging ito. Maaaaring makatulong ito upang mapaisip si Miya sa nakaraang may kaugnayan rin sa kanya.
"Naninilbihan ang aking Ama sa Emperador ng Cenpyre bilang Kawal at masaya ang aming pamumuhay noon. Lumaki ako sa Palasyo kasama ang mga Prinsipe, ang mga lalaking anak ng Emperador at mga Prinsesa, ang mga anak niyang babae. Sila ang mga Tagapagmana ng Cenpyre at mga kaibigan ko. Maayos ang lahat hanggang sa sumiklab ang isang kaguluhang babago sa buhay naming lahat. Nadawit ang Emperador sa isang pagkakasalang hindi siya ang may gawa at iyon ang kinasawi nila ng Emperatris dahil lamang sa kasakiman ng isang taong nais makuha ang Imperyo. Nagtagumpay siya, napasakanya ang Cenpyre at nagkahiwa-hiwalay ang apat na Tagapagmana at ako naman, nagpasya si Ama na ilayo ako sa Cenpyre para sa kaligtasan namin at mula noon sa Silangan na kami naninirahan. Matagal na itong nangyari pero hanggang ngayon sariwa pa rin sa amin ang lahat."
Tila bumaon sa isip ni Miya ang bawat detalyeng kanyang isinalaysay, sa tanang buhay niya ngayon lamang siya nakarinig ng kwento mula sa isang taong labas na hindi mula sa kanilang Tribo. Naapektuhan siya at kahit papaano ay nakaramdam siya ng emosyon sa kanyang natuklasan.
"Hindi ko alam na ganito pala ang pinagdaanan mo, nalayo ka sa sarili mong tirahan at nawalan ng mga taong mahalaga sa'yo. Ang mga kaibigan mo. Wala ka na bang balita tungkol sa kanila?"
Pinakiramdaman muna ni Aric si Miya kung may napapagtanto ba ito bago sagutin ang kanyang tanong.
"Sa dalawang Prinsipe wala na, pero sa nakatatandang Prinsesa...kailan lang kami nagkita, ngunit komplikado na ang lahat, marami ng nagbago sa amin at nagkahiwalay rin ang aming landas."
"At ang isang Prinsesa, ang nakababata?"
Nakatingin siya sa akin ngayon.
Natahimik si Aric habang nakatingin sa Turkesang mga mata ni Miya na halos hindi kumukurap. Lingid sa dalaga, nais na niyang ipagtapat ang lahat, sabihin sa kanya ang totoo ngunit hindi niya magawa dahil humahadlang ang kanyang pangako.
"Nawawala pa rin hanggang ngayon, anong masasabi mo?"
Patuloy na nakiramdam ang binata sa kilos ng dalaga, naghahanda sakaling mayroon itong mapagtanto.
"Naaawa ako sa batang Prinsesa, saan na kaya siya napadpad? Sana ligtas siya kung saan man siya naroroon."
"Malakas ang kutob kong buhay pa siya. Malayo sa kaguluhan at namumuhay ng maayos at mapayapa. Lingid man sa kanya ang katotohanan tungkol sa kanyang nakaraan, tingin ko mas makabubuti na ito."
Pansin ni Aric na wala pa ring kamalay-malay si Miya na siya ang tinutukoy niya sa mga pahayag na ito. Bigo pa rin siya sa pagtatangka niyang ipabatid sa kanya ang katotohanan ng kanyang pinagmulan.
"Nakaaawa naman ang nangyari sa magkakapatid. Isa nga itong trahedya. Kung sino man ang may kagagawan nito, wala siyang puso. Pareho lang sila ng Hari. Wala silang kasing sama. Hindi ko lubos maisip kung bakit nagtatagumpay ang mga kagaya nila."
"Siguro dahil hindi talaga patas ang mundo."
***
Kinagabihan, maagang natulog si Aric upang mabawi ang kanyang puyat nitong nakaraang araw. Mabilis siyang dinalaw ng antok at hindi niya namalayang malayo na ang nilalakbay ng kanyang panaginip.
*~*~*~
Natagpuan niya ang sarili sa bundok at kasama si Miya. Kasalukuyan nilang pinagsasaluhan ang isang masimbuyong halik. Hindi magkamayaw ang kanilang labi sa piling ng isa't-isa.
"Mahal kita."
"Mahal rin kita," sagot ni Miya.
Natigilan si Aric dahil biglang naiba ang tinig ni Miya. Iba ngunit pamilyar. Napapikit siya at pagkadilat niya hindi na si Miya ang natagpuan niyang nakatayo sa kanyang harapan kundi si Saraphine.
"Kamusta, Aric?" nakangiti itong bumati sa kanya.
Napaurong siya sa piling nito ngunit ito ay patuloy na lumalapit sa kanya.
"Hindi mo na ba ako mahal?" Muling hinagkan ni Saraphine sa bibig ang binata at siya ay bumigay na rin sa linamnam ng kanyang labi.
"Aric!" narinig niya ang pagtawag ni Miya mula sa kanyang likuran.
Napalingon siya at namataan niya ang dalaga na may bahid nang lungkot sa kanyang nasilayan.
"Akin siya," hinigpitan ni Saraphine ang pagyapos sa binata na parang ayaw na niya itong pakawalan sa kanyang puder. "Ako ang mahal niya."
Nanggagalaiting sumugod si Miya at hinila niya ang isang braso ni Aric, "hindi, alam naman natin na ako ang tunay niyang mahal!"
Walang balak na magpaawat si Saraphine sa paghatak. "Bitawan mo siya! Ako ang una niyang minahal!"
"At ako naman ang pinili niya!" Ibigay mo siya sa akin!"
Patuloy nilang hinahatak ang mga braso ni Aric sa magkabilang direksyon at siya ay nagsimula ng mamilipit sa sakit. "Tumigil na kayo! Huwag na kayong mag-agawan! Tama na!"
Sabay na bumitaw ang magkapatid na Prinsesa sa kanyang pagmamakaawa at siya ay napabagsak sa lupa.
Nagbigay ng suhestyon si Saraphine. "Tutal pareho natin siyang gustong makuha bakit hindi na lang natin siya paghatian?"
"Sang-ayon ako!"
Sabay na kumuha ng espada ang magkapatid at walang paligoy-ligoy itong itinapat sa katawan ng binata.
Umabot sa sukdulan ang pintig ng puso ni Aric. "Anong gagawin nyo sa akin?"
"Paghahatian ka!" sambit ni Miya.
"Hindi mo dapat kami pinaglaruan, Aric, ito ang nararapat sa'yo!"
Sabay na inugay ng magkapatid ang espada patungo sa katawan ni Aric upang siya ay mahati sa dalawa.
Huwag!
***
Agad na nagising si Aric mula sa kanyang higaan at siya napabangon nang wala sa oras, hinihingal at nangangatog. Napatingin siya sa kanyang ibaba at ngayon niya lang namalayan na nabasa na pala ng ihi ang banig na hinihigaan. Napahampas siya sa kanyang noong pawis na pawis kasabay nang malalim na paghinga. Kahit papaano ay nakahinga siya nang maluwag ng malaman niyang bangungot lang pala ang lahat at malayo sa katotohanan.
Labis nang naguguluhan ang binata sa kanyang pinagdaraanan. Alam niya sa puso niya na si Miya lamang ang tinitibok nito pero magmula noong mapagtagpi-tagpi niya ang katotohanan sa pagkatao ni Miya, hindi niya maiwasang maiugnay si Saraphine sa kanya. Madalas ring pumapasok sa kanyang gunita ang nakatatandang Prinsesa at tila nakakaramdam rin siya nang hindi maipaliwanag na pananabik na muli itong makita.
Kalimutan mo na si Saraphine, sigurado ako galit pa rin siya sa iyo. Si Miya lamang ang mahal mo.
Napailing ang binata sa palaisipang hanggang ngayon ay namamangka pa rin siya sa dalawang ilog.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro