Kabanata 12: Saraphine
-Palasyo ng Silangan: Ilang Linggo na Ang Nakakaraan-
Isang araw noong panahong may sakit pa ang lingkod ni Haring Rucaz at si Saraphine pa ang pansamantalang nag-aabot ng kanyang mga pagkain sa mangkok, hindi nila inaasahang darating ang isang mensaherong Kawal mula sa Disyerto ng Syl.
Lumapit ang mensahero sa bulwagan ni Rucaz na mukhang pagod sa kanyang paglalakbay. Lumuhod ito bilang paggalang, "Kamahalan."
"Humayo ka at sabihin ang inyong sadya," pahintulot ni Rucaz.
"Tungkol po ito kay Aric, Kamahalan."
Bahagyang nandilat ang mga mata ni Saraphine nang muli niyang marinig ang ngalan ng kababata na pilit na niyang nililimot. Dahil katabi lamang siya ng Hari, pasimple siyang nakinig sa ibabalita nito.
Napangiti si Rucaz nang maalala niya ang binata. "Ang nahihibang na Panday na nangahas hanapin ang lungga ng mga Myongan, anong balita sa kanya at sa ekspedisyon?"
"Ilang araw na po siyang nawawala," ninenerbyos na inanunsyo ng mensahero na may pangangatog sa kanyang boses.
"Anong ibig mong sabihin? Akala ko ba magkakasama kayo?" Nagtaka si Rucaz sa balita at napalakas ang kanyang tinig.
"Nagpasya po siyang umalis mag-isa para tahakin ang dulo ng disyerto at hanggang ngayon hindi pa siya nagbabalik. Kaya po ako pinapunta rito ni Kapitan Uwalhid upang isangguni sa inyo kung itutuloy pa po ba ang ekspedisyon na ito o uuwi na kami?"
"Saglit lang!" Medyo natulero ang Hari dahil kailangan niyang magpasya ng biglaan. "Iba ang pakiramdam ko rito. Mapangahas ang Panday ngunit hindi siya tuso para takasan ang ating pwersa at isa pa sa ayos niya mukha namang kaya niyang protektahan ang kanyang sarili, hindi siya basta maglalaho, pwera na lang kung siya ay..."
Nabuo ang maraming haka-haka sa kanyang isipan.
"Sige, bumalik ka sa Disyerto at sabihin mo kay Uwalhid na manatili lamang sila. Tuloy pa rin ang misyon. Magpapadala rin ako ng karagdagang pwersa upang suyurin ang disyerto at tugisin ang Panday. Hindi natin maaaring ipawalang-bahala na baka nabihag na siya ng mga Myongan. Hanapin nyo si Aric, pag nahanap nyo siya, baka mahanap nyo na rin ang mga pesteng Myongan. Kailangan ko siya ng buhay."
"Masusunod po, Kamahalan."
"Sige na at magmadali ka na, malayo pa ang lalakbayin mo."
Matapos ang kanilang usapan, halos hindi mapakali si Saraphine sa kanyang kinatatayuan ngunit hindi siya napapansin ni Rucaz sapagkat ang nasa isip nito ay ang problema niya sa mga Myongan.
Nawawala si Aric? Ano kaya ang nangyari sa kanya? Maghunos-dili ka, Saraphine. Bakit ka ba nag-aalala sa kanya? Matapos ka niyang lokohin at iwanan, pinagpalit niya ang pagmamahal mo para sa ekspedisyong ito, kung mayroon mang mangyaring masama sa kanya, kasalanan na niya yun. Hindi ka na dapat nagpapaapekto sa sinuman, lalo na isang lalaking gaya niya. Pare-pareho lang sila. Hindi sila nararapat sa pagmamahal mo.
***
Gumising si Saraphine ng ika-siyam ng umaga. Pagbangon niya, natagpuan niya sa kanyang paanan ang isang mensahe malapit sa kanyang kama. Kinuha niya ito at binasa. Napag-alaman niyang isa itong imbitasyon mula kay Rionne.
"Magkita tayo sa sala sa loob ng isang oras -Rionne-"
Ngayon lang ulit naalala ni Saraphine ang naging usapan nila ng Prinsipe kahapon. Naligo siya at nag-ayos ng kanyang sarili bilang paghahanda sa lakad nila. Napansin niyang hindi kagandahan ang kanyang kasuotan kaya naman naghalugkat siya sa kanyang baul at natagpuan niya ang isang berdeng bestida na bigay sa kanya ni Pinang. Napangiti siya nang muli niyang maalala ang araw na binigay ito sa kanya ng kapatid.
"Ayan, bagay na bagay sa'yo," papuri ni Pinang nang makita niyang sinukat ni Saraphine ang berdeng bestida.
"Si Ate talaga, mukhang mamahalin ito, napagastos ka pa." Labing-anim na taon pa lamang siya noong ibinigay ito sa kanya ng kapatid.
"Malaki-laki ang kinita ko ngayon sa taberna kaya napagpasyahan kong bilhin yan para kahit papaano sa maliit na paraan maramdaman mong isa ka na uling Prinsesa."
Maligayang napayakap si Saraphine nang mahigpit sa kanya. "Maraming salamat, Ate Pinang, ikaw talaga ang pinakamabait na kapatid sa Buong Lupain."
***
Makalipas ang isang oras, bumaba si Rionne sa may hagdan. Elegante ang ayos ng Prinsipe sa kanyang asul at ginintuang baro.
Namataan siya ni Aling Estrella na abalang nagwawalis malapit sa may sala. "Grabe gwapo nyo naman, Mahal na Prinsipe. Maligayang Kaarawan po."
"Salamat, Aling Estrella."
"Kamusta naman po kayo?"
"Ayos naman, medyo kinakabahan lang, paano kung tanggihan niya ako?" Nangangamba pa rin ang Prinsipe sa kahahantungan ng kanilang pamamasyal ngayon.
"Papayag yun, maniwala kayo," kumpiyansang siniguro ni Estrella. "Nagkita na ba kayo?"
"Hindi pa, ngayon ko palang siya kikitaan."
"Sigurado ako mamayang gabi magkasintahan na kayo ni Sara, tiyak na masasayahan siya sa mga gagawin at pupuntahan nyo, basta sundin nyo lang po lahat ng sinabi ko." Hindi na maikubli ng lingkod ang kanyang pananabik sa kanilang dalawa.
"Syempre, Aling Estrella, listado pa nga lahat. Maraming Salamat, malaking tulong po kayo."
"Pinaglilingkuran ko lang po kayo, Mahal na Prinsipe, basta kailangan nyo ng tulong, magsabi lang kayo sa akin, ako na bahala sa pagdiskarte nyo kay Sara."
"Sige po, lalarga na ko para kitaan siya."
Paakyat na si Rionne sa itaas nang masulyapan niya si Saraphine. Natulala ang Prinsipe nang makita niyang nakabihis si Sara ng kanyang mamahaling bestida. Sa kanyang suot, mas lalong nangibabaw ang halina at ganda ng dalaga. Maging si Aling Estrella ay napatigil sa pagwawalis at napanganga sa kasamahan.
"Magandang umaga, Sara, mas lalo ka pang gumanda," bati sa kanya ni Rionne na mas kuminang pa ang mga mata nang makita nang malapitan ang dalaga.
"Salamat po, naisip kong magbihis man lang kahit papaano. Nakakahiya naman kung magmumukha akong basahan sa presensiya nyo."
Bahagyang napahalakhak si Rionne. "Sa akin naman wala yun, hindi mahalaga sa akin kung gaano kaganda ang kasuotan mo, ang importante ay ikaw, naririto ka."
Hindi pa nagtatagal, nakasalubong nila si Rhoda na abala sa pagmamando sa mga katulong. "Mahal na Prinsipe, may kasama pala ka-"
Natigilan siya at hindi niya akalain na makikita niya si Saraphine na naka-maayos na kasuotan. Tinitigan niya ang dalaga mula ulo hanggang paa na may inggit.
"At anong kalokohan ito, Sara. Tama bang kasuotan yan pangtrabaho? Magpalit ka nga at magsimula na! Bilis!"
"Hindi na kailangan, Rhoda," tinutulan siya ni Rionne. "Hindi magtatrabaho si Sara, ayos lang bang hiramin ko siya ng buong araw?"
"Ah ganun po ba?" Napahiya na naman ang katiwala sa Prinsipe. "Ayos naman po, Mahal na Prinsipe. Wala pong problema. Kahit ilang araw pa po. Ingat po kayo sa inyong lakad."
Inalok ni Rionne ang kanyang braso at napahawak sa kanya si Sara habang sila ay bumababa sa hagdan. Hindi nila alam na pinagmamasdan sila ni Helena mula sa itaas.
"Salamat po sa 'paghiram' sa akin, makakapahinga ako ngayon," bulong ng dalaga, "ano po ba talagang okasyon ngayon?"
"Ngayon ang kaarawan ko," binunyag ng Prinsipe.
"Maligayang kaarawan po, ilang taon na kayo?"
"Labinlima," pagbibiro niya.
Natawa si Sara sa mga hirit niya. "Kayo talaga, yung seryoso?"
"Dalawampung lima, tumatanda na," may halo pa ring biro sa tono ni Rionne.
"Hindi pa naman."
***
Pagkaalis nila, nagmadaling umakyat si Rhoda upang ibalita ito kay Helena. "Nakita nyo ba yun? Magkasama sina Prinsipe Rionne at si Sara!"
"Mabuti na nga yun nang hindi ko muna siya makita," iritableng tugon ni Helena. "Masyado nang nagiging masikip ang Palasyong ito para sa aming dalawa."
"Hindi ba kayo nababahala na baka akitin niya ang Prinsipe?" nagtataka si Rhoda na tila kalmado lamang ang Reyna ngayon kay Sara kumpara nitong mga nakaraan.
"Wala akong pakialam sa kanila, basta ang mahalaga hindi si Rigo ang nilalandi niya."
"Ano po iyon?" naguluhan ang Katiwala sa sinabi ng amo.
"Ang ibig kong sabihin ay ang Hari," agad na nagpalusot si Helena, "mabuti nang kay Rionne na lang siya kumerengkeng."
***
Pinahanda ni Prinsipe Rionne ang isa sa mga karwahe, pinauna niya si Saraphine at inalalayan niya ito sa pagpasok sa loob.
"Saan ba tayo pupunta?" usisa ng dalaga.
Dinala ni Rionne si Saraphine sa isang parke sa kabilang bayan. Ngayon lamang nakapunta rito ang dalaga. Simple lamang ang parke at hindi ito kalakihan. Mayroon itong malusog na damuhan, mga puwenteng katamtaman ang laki at mga upuang batuhan na tinatambayan ng mga bata at mga magkasintahan. Namangha siya nang makita niya kung gaano karami ang mga maliliit na ibon sa lugar. Lagpas ilang daan ang ibong puti at asul na naghihintay nang magpapakain sa kanila.
"Totoo ba to?" Ganadong napaturo si Sara. "Maraming ibon sa Palasyo pero ito, walang tutumbas rito."
"Napag-alaman kong mahilig kang magpakain ng ibon kahit noon pa, gusto mo ba silang pakainin?"
"Talaga? Pwede pala, kaso di ako nakapagdala ng makakain nila."
"Huwag kang mag-alala," sinenyas ni Rionne ang mga bariles sa may sulok na may mga lamang pagkain ng ibon. Sadyang naririto ito sakaling may gustong magpakain ng ibon.
Tila batang naliligalig si Saraphine habang siya ay tumataripas ng takbo patungo sa pagkain. "Tara."
Kasama ang Prinsipe, sabay nilang kinalat sa sahig ang mga pagkain. Ilang saglit lamang ay nagkumpulan na ang mga ibon upang tukain ang mga ito. Naging abala ang dalawa sa pagpapakain. Mabilis namang umamo ang mga ibon na sanay sa mga tao at ang karamihan sa kanila ay nagdapuan sa ulo, balikat at braso nina Saraphine at Rionne. Nagkakatawanan ang dalawa sa tuwing may magugulat at lilipad na ibon sa kanilang simpleng paggalaw.
Sunod na dinala ng Prinsipe si Saraphine sa isang kainan malapit sa parke kung saan binilhan ni Rionne ang dalaga ng kanyang paboritong pagkain: Nilagang Manok na may mga gulay at mami. Masayang kumain ang dalawa at nagpabilisan sila sa paghigop nang masarap at mainit na sabaw ng nilaga. Naunang makaubos ang binatilyo ngunit siya ay nagkunwaring nabubulunan sa matitigas na gulay na labis na pinagtawanan ng dalaga.
Pagsapit ng hapon, nagkaroon ng mga pagtatanghal sa may parke. Nagpasya sina Saraphine at Rionne na manoood sa mga tumutugtog ng musika gamit ang kanilang mga gitara, tamborin at tambol. Marami rin ang mga nagsasayaw at nagsasadula tungkol sa kasaysayan ng Kontinente ng Silangan. Walang nagbabadyang bagyo kaya naman marami ang nakapanood ng nasabing palabas.
***
Kinagabihan, nagpatuloy ang pamamasyal ng dalawa sa may parke.
"Napasaya ba kita sa mga pinuntahan natin?" malumanay na inalam ng Prinsipe.
"Nakakahiya na talaga sa totoo lang," sambit ni Sara. "Kayo ang may kaarawan ngayon pero mas inuna mo pa rin kung ano ang ikasasaya ko."
"Wala yun, huwag mo ng alalahanin, gusto ko naman talaga makita kang nakangiti at masaya. Kung masaya ka, masaya na rin ako. Yung totoo, nagustuhan mo ba?"
"Sobra, ngayon lang ulit ako nakapagpakain ng mga ibon mula noong pinagbawalan na ako ng Reyna. Naaalala ko tuloy ang mga panahon na madalas namin itong gawin ni-"
Natigilan si Saraphine nang maalala si Pinang. Muntikan na naman siyang madulas. Wala dapat makaalam na kapatid siya ng isa sa mga biktima.
"Ano yun, Sara? May problema ba?"
"Wala, wala po ito," nagmaang-maangan siya.
Napag-isipan ng dalaga na ibahin ang takbo ng usapan. "Mahal na Prinsipe, nagtataka lang po ako, bakit sa dinami-rami ng lugar sa Palasyo, dito nyo napagpasyahan ipagdiwang ang inyong kaarawan kasama ako?"
Sinagot siya ng Prinsipe ng pasimpleng ngiti. "Wala rin naman pinagkaiba ang araw na ito sa karaniwang araw sa Palasyo. Duda nga ako kung may nakaalala sa kanila ngayon sa kaarawan ko."
Tumigil muna sila sa paglalakad at inalok niya muna si Sara na maupo sa isang batuhan na napapaligiran ng mga halamanan. Hinawakan niya ang kamay ng dalaga at hinarap ito.
"Sara, ang totoo kasi, naghahanap lang ako ng tamang tyempo para magtapat sa'yo. Naisip ko na bakit hindi ko na lang ito isabay ngayong kaarawan ko."
"Alin po ang ipagtatapat ninyo?"
May hinugot si Rionne mula sa makapal na halamanan malapit sa kanilang pwesto. Ito ang parehong rosas na nakita ni Saraphine sa kanyang silid noong nakaraang araw. Nahihiya niya itong inabot sa dalaga.
"Ah mga rosas," napipilitang sinambit ni Sara habang kinukuha ito, nagkukunwaring ngayon niya lamang ito nakita. Tila nakukutuban na ng dalaga kung saan ito patungo.
Sunod na kinuha ni Rionne ang lalagyanan na may lamang kwintas na ginto. Pumunta siya sa likod ng dalaga at sinuot niya ito ng dahan-dahan sa kanyang leeg.
"Yan bagay na bagay sa'yo. Mas lalo ka pang gumanda."
Sa kanyang mga salita, muling naalala ni Saraphine ang kanyang Ate Pinang.
"Maraming salamat, Prinsipe Rionne, pero hindi nyo naman po kailangang gawin ang lahat ng ito. Kayo ang may kaarawan, ako nga dapat ang nagbigay ng maihahandog na regalo sa inyo. Naguguluhan na talaga ako."
Nilakasan na ni Rionne ang kanyang loob. "Sara, hindi mo pa rin ba nakikita? Iniibig kita."
"Ano?"
"Mahal kita," muling diniin ng Prinsipe. "Ayan sinabi ko na."
Napatunayan ni Saraphine na tama nga ang kanyang kutob na may gusto sa kanya ang Prinsipe.
"Seryoso po kayo? Bakit naman kayo magkakagusto sa isang pobreng lingkod na katulad ko?"
"Dahil bukod tangi ka sa lahat. Wala akong pakialam kung ano ang katayuan mo sa buhay. Nasa iyo ang mga katangiang hinahanap ko sa isang babae. Una palang napukaw mo ang aking pansin dahil sa iyong kasipagan, kabutihang-loob at sa iyong katatagan, napahanga mo ako dahil hindi ka sumusuko sa bawat ng hamon ng buhay, na kahit pahirapan ka ng Reyna, nananatili ka pa rin mabuti sa paglilingkod sa amin. Mula noon, hindi ka na mawaglit sa isipan ko. Napapasaya mo ako tuwing nakikita kita. Hindi ka mahirap ibigin, Sara. Sana batid mo. Masisisi mo ba ako kung nahulog ako sa'yo?"
"Maghinay-hinay muna kayo, Kamahalan." Napaurong ng konti ang dalaga sa kanya. "Masyadong nagiging mabilis ang lahat."
"Sa tingin ko sapat na ang panahong pinaghintay ko. Anong masasabi mo, tinatanggap mo ba ang pagmamahal ko, pumapayag ka bang maging kasintahan ko?"
Natigilan ang dalaga sapagkat nagtatalo ang kanyang isipan.
Hindi maaari, Sara. Hindi isang lalaki ang magiging kahinaan mo. Malapit ka na sa katotohanan...
Nakikita niya ang sinseridad sa mga mata ni Rionne ngunit ngayon naging bato na ang kanyang puso sa lahat ng nangyari sa kanya. Ang lahat ng kanyang pinagdaanang pagdurusa, ang pagkamatay ng kapatid niyang si Pinang at lalo pang tumatak sa kanya ang pagpapaasa at pag-iwang ginawa sa kanya ni Aric noon. Hanggang ngayon hindi pa rin naghihilom ang sugat na iniwan niya sa kanyang puso. Nadala na siyang umibig pang muli sa sinumang lalaki. Lalaki rin ang lahat ng naging sanhi ng kanyang paghihirap sa buhay. Sa pagkakataong ito, mas pipiliin niyang pairalin ang utak. Alam na niya kung ano ang nararapat niyang gawin at hindi ito magiging madali para sa Prinsipe ngayon pa at kaarawan niya.
Siya naman ang napahawak sa palad ng Prinsipe at hinanda niya ang sarili sa sasabihin.
"Rionne, napakapalad ng sinumang babaeng iyong makakatuluyan. Mabait ka, maalaga, gwapo, masayang kasama...pero ikinalulungkot kong sabihin na hindi ko matatanggap ang iyong pagmamahal. Patawarin mo ko."
Unti-unting napawi ang tuwa sa mukha ni Prinsipe Rionne. Hindi niya inaasahan na ito ang isasagot sa kanya ni Saraphine dahil napansin naman niyang nasiyahan siya sa kanilang gala. Siya ay nadismaya at nagulumihan.
"Maaari ko bang malaman kung bakit?"
"Sabihin na lang natin na wala sa mga plano ko ang umibig sa ngayon. Marami akong ibang bagay na pinagtutuunan ng pansin."
"Pero pag sinagot mo ko hindi naman kita pipigilan sa mga plano at pangarap mo sa buhay, naririto lang ako para suportahan ka sa lahat. Kahit ano pa man yan."
Walang bahid ng pag-aalinlangan ang pangakong binitawan ng Prinsipe sa kanya. Sa kanyang tono, matitiyak ng kahit na sino na siya ay seryoso at sigurado sa kanyang salita.
Yun lang ang inaakala mo. Kung alam mo lang ang lahat, magiging sagabal ka sa mga binabalak ko. Sa oras na tanggapin ko ang pag-ibig mo, magiging komplikado ang lahat, mapupurnada ang paghihiganti ko..."
Hindi pa rin kumbinsido si Rionne sa paliwanag ng dalaga. "Sabihin mo nga sa akin ang totoo. Wala ka bang ni katiting na nararamdaman sa akin? O baka naman may ibang nagmamay-ari ng puso mo."
"Tama ka," agad siyang sinagot ng dalaga. "May isang lalaking nagpaasa at nang-iwan sa akin at hanggang ngayon mahal ko pa rin siya."
Nagtaka si Saraphine sa kanyang sinambit. Hindi niya alam kung totoo ba ang kanyang sinabi tungkol kay Aric o sinabi niya lang ito upang matigil ang pangungulit ni Rionne sa kanya.
"Kaya pala, may mahal ka ngang iba." Lalong nabahiran ng lungkot ang Prinsipe sa nalaman. "Akala ko pa naman sa unang pagkakataon sa buhay ko, mararamdaman ko ng may isang taong magbibigay ng halaga sa akin. Hindi na pala dapat ako umasa pa."
Nahabag ang dalaga sa reaksyon ng binatilyo kaya naman sinubukan niyang bumawi. "Huwag kang mag-isip ng ganyan. Mahalaga ka sa akin, magkaibigan pa rin naman tayo."
"Ayos lang, hindi mo na kailangan sabihin yan para pagaangin ang loob ko. Malinaw na sa akin ang lahat. Ayaw mo sa akin."
"Paumanhin talaga," tinanggal ni Saraphine ang bigay nitong kwintas at inabot niya ito pabalik sa Prinsipe at pati na rin ang bulaklak.
"Halika na, mabuti sigurong bumalik na tayo sa Palasyo," pagyayaya ng Prinsipe.
Habang sila ay pauwi, nakaramdam si Saraphine ng pag-usig mula sa kanyang konsensya. Batid ni Saraphine na hindi siya naging totoo kay Rionne at maging sa kanyang sarili. Sa loob-loob niya, alam niyang kahit papaano naman ay mayroon na rin siyang umusbong na konting pagtingin sa Prinsipe.
Nananahimik ang dalawa sa karwahe at nakaramdam sila ng pagkailang sa isa't-isa, ang araw na nagsimulang ganado at masaya ay nagtapos ng tahimik at malungkot.
Nang marating nila ang Palasyo, muling kinibo ni Saraphine ang tahimik na Prinsipe. "Maligayang kaarawan, Mahal na Prinsipe. Maraming salamat sa araw na ito."
Napatango lamang si Rionne ngunit bakas pa rin ang pananamlay sa kanyang mata at lumbay sa kanyang mukha.
Ganito ka na nga ba kasaklap, Saraphine? Winasak mo ang puso ng lalaking tunay na nagmamahal sa'yo, sa sarili niyang kaarawan...ngunit kung tutuusin mabuti na rin ito kaysa paasahin mo siya sa wala. Sabihin man nating nahuhulog ka na rin sa kanya, wala rin patutunguhan ang lahat. Mabuti na rin ito, lahat ng taong napapalapit sa'yo ay nawawala: ang pamilya mo, si Ate Pinang, si Aric. Mawawala rin siya sa oras na mapalapit siya sa iyo, Isa pa hindi ka naririto para umibig, tandaan mo na may misyon kang bigyan ng hustisya si Ate Pinang. Hindi ka dapat lumihis sa plano.
***
"Rionne," narinig ng Prinsipe ang tinig ng kanyang kapatid mula sa likuran. "Maligayang Kaarawan."
May panibago na namang sorpresa para kay Rionne. Sa loob ng maraming taon, ngayon lang siya ulit binati ni Rucaz sa kanyang kaarawan.
"Akala mo nakalimutan ko?" saad ng Hari habang ito ay naglalakad papalapit sa kanya.
"Nasanay na kasi ako na walang bumabati sa akin," tugon ng Prinsipe na walang ni katiting na sigla.
"Paano ko makakalimutan, dinala ka sa akin ng iyong Ina sa mismong kaarawan mo, mahigit dalawampung taon na ang nakakaraan. Kamamatay pa lamang ni Ama noon. Rionne, alam kong madalas tayong hindi magtugma at may mga panahong magaspang ang pakikitungo ko sa'yo pero para lang malaman mo, hindi lamang akong tumayong kapatid noong pinamigay ka ng iyong Ina. Parang naging Ama mo na rin ako sa laki ng agwat ng ating mga edad. Sana palagi mo yang tandaan."
Maayos na sana ang lahat ngunit napagtanto ni Rionne na pawang panunumbat lang pala ang mga salita sa kanya ng Hari.
"Nasaan na ba siya ngayon?"
"Ang iyong Ina? Balita ko ay nangibang lupain na siya at hindi na bumalik pa, malamang ay kinalimutan ka na niya kaya huwag mo na rin siyang alalahanin."
Madaling sabihin sa kanya sapagkat hindi siya ang nakaranas. May mga panahon pa ring nangungulila si Rionne sa inang nakubli na sa kanyang alaala, napapaisip kung magiging mas masaya nga ba ang buhay niya kung lumaki na lamang siya sa piling nito at namuhay ng pangkaraniwan.
"Ito nga pala, regalo ko para sa'yo." Inabot ni Rucaz ang isang espada sa nakababatang kapatid.
Tinanggal ni Rionne ang espada sa balat na lalagyanan at pinagmasdan ito nang maigi. May kahabaan at kabigatan ito. Mukhang matalas rin at maayos ang pagkakapanday.
"Isa sa mga paboritong espada ni Ama," kwento ng Hari. "Kung hindi mo alam mahilig siyang mangolekta ng mga espada kaya naisip kong bigyan ka ng isa."
Tinapik ni Rucaz ang balikat ni Rionne at bago pa man siya makapagpasalamat ay iniwan na siya ng Hari. Sa tanang buhay niya, ngayon lamang nagbahagi ang kapatid tungkol sa Amang hindi niya nakagisnan. Palaging pinagkakait sa kanya ni Rucaz na makilala ang Haring Romando, ngunit isa lang ang alam niya. Maraming nagsasabi na halos magkatulad sila ni Rucaz lalo na sa pagkamuhi nila sa mga Myongan.
Imbes na gumaan ang kanyang pakiramdam sa pagbati ng Hari, mas lalo lamang itong nakadagdag sa bigat na kanyang dinadala. Hanggang ngayon hindi pa rin makapaniwala si Rionne na tinanggihan ni Saraphine ang kanyang pag-ibig. Hawak niya pa rin ang handog niyang bulaklak at kwintas para sa dalaga. Nagtungo siya sa kanyang balkonahe at hinagis na lamang niya palayo ang bulaklak at kwintas sa sobrang kalungkutan.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro