Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 12: Covel

-Kontinente ng Kanluran-

Tumutulo ang malalapot na dugo mula sa sugat ni Jiaruz, siya ay patuloy na hatak-hatak ng Kapatiran habang sila ay pauwi na sa kanilang kuta. Inaasahan niyang dadalhin siya ng mga ito sa isang liblib na bahagi ng kakahoyan kaya naman siya ay nagtaka noong sila ay tumigil sa isang abandonadong bahay sa Lupain ng Gremon. Hindi niya lubos maisip na dito lang pala sa parehong bayan sila
naglulungga. Pinagmasdan niya nang maigi ang bahay upang itatak sa kanyang isipan. Nasorpresa siya sa sikretong daluyan sa ibaba ng nasabing bahay at napagtanto niyang nasa ibaba pala ang pinaglulunggaan ng kanyang mga kaaway at siya ngayon ay nakapasok na sa bitag. Sa isip-isip niya, siya ay namangha sapagkat higit na mas maayos, mas malawak at mas organisado ang kuta sa inaakala niya. Pagdating nila ay sumalubong sa kanila ang mag-amang Ermin at Itoi. Hindi inaasahan ng dalawa na mayroon silang dala-dalang bihag.

Samantala, sa Lupain ng Arvath, sumiklab ang balitang nasusunog ang pabrika. Agad na tinahak ni Wharen ang lupain upang siyasatin ang pangyayari. Noong siya ay makarating kasama ang kanyang pwersa sakay-sakay ng kanilang mga kabayo, namataan nilang tinutupok na ng apoy ang pabrika. Napansin rin nila ang mga kalat-kalat na dugo sa damuhan, senyales na nagkaroon ng isang labanan sa lugar bago magkasunog. Hindi malaman ni Wharen kung ano ang kanyang mararamdaman, kung siya ba ay matutuwa o maiinis sa pangyayari. Naging palaisipan din sa kanya kung ano ang totoong nangyari sa kanyang hukbo, sa mga bihag, sa Kapatiran at sa kanyang karibal na si Jiaruz.

Sa panuto ni Haurre, pinigilan ni Jualem ang pagdurugo ng sugat ni Jiaruz gamit ang isang makapal na tela na kanyang tinali sa kanyang katawan. Inupo nila sa isang malaking silya ang bihag, pagkatapos ay iginapos nang mahigpit ang kanyang mga kamay at paa sa likuran. Natagpuan ng bihag ang sarili na napapaligiran nang namumuhing tingin nila Gavielle, Toro at ng iba pang miyembro ng Kapatiran. Animo'y siya ay nasa lungga ng mga leon.

Matapos mapawi ang apoy, natuklasan nina Wharen ang mga naabong bangkay ng lahat ng taong nasawi roon, hindi pa rin nila matiyak kung kasama sa mga ito si Jiaruz sapagkat hindi na matukoy ang kanilang pagkakakilanlan.

-Kanlungan ng Kanluran-

Matapos maagapan ang pinsala niya sa katawan, muling nilapitan ni Pinunong Haurre ang bihag upang kwestyunin.

"Ngayon ano nga ba ang gagawin namin sa'yo?" napapaisip pa rin ang Pinuno kung paano nila magagamit si Jiaruz.

Nananatiling tikom ang bibig ni Jiaruz tungkol sa nangyaring pagtatangka sa kanyang buhay ng sarili niyang pwersa.

"Hindi pa rin ba yan magsasalita?" tanong ni Toro na nauubusan na ng pasensya.

"Kahit naman hindi niya sabihin, nakukutuban kong tama ang hinala natin, malamang nagkaroon sila ng iringan ng kanyang mga kasamahan, kung wala tayo roon, malamang nagkapatayan na sila."

Tumindig si Haurre at tinignan ng diretso sa mata ang bihag. "Tutal ay mukhang ipinagkanulo ka na ng pwersa ni Lodell bibigyan kita ng pagpipilian. Makipagtulungan ka sa amin para pabagsakin sila at pakikitunguhan ka namin ng mas mabuti pa sa inaakala mo. Anong masasabi mo?"

Napangisi lamang si Jiaruz at walang paligoy-ligoy niyang dinuruan si Haurre ng kanyang dugo. Nabigla si Covel at ang iba pa sa ginawa nito. Imbes na gumanti, kalmadong pinunasan ng Pinuno ang kanyang mukha at nagtimpi sa ginawa nito sa kanya.

"Nagkakamali kayo kung inaakala nyong basta ko na lamang pagtataksilan ang Mataas na Panginoon! Humanda kayong lahat kapag nakatakas ako rito!" Kahit na sugatan at walang kalaban-laban, hindi pa rin nawawala ang tapang ng bihag.

"Aba gago to!" hindi na nakapagpigil pa si Toro at binirahan na niya ng malakas na suntok si Jiaruz sa mukha.

"Mukhang hindi talaga siya makikipagtulungan, Pinuno," sumali na si Gavielle na ngayon lamang nagsalita mula noong sila ay nakarating. "Ano pang rason na dinala natin siya rito?

"Ano nang balak nyo sa kanya ngayon?" nangangambang tinanong sa kanila ni Ermin.

"Turuan siya ng leksyon, kayo na ang bahala sa kanya, pigain nyo siya hanggang sa mapakanta nyo. Malay mo at makapagbigay siya ng impormasyong mapapakinabangan natin pero huwag nyo siyang papatayin."

Nagkangitian si Toro at ang kanyang mga kasama sa sinabi ng Pinuno. Tinanggal nila ang pagkakagapos ni Jiaruz sa silya at ito ay hinatak nila papalayo. "Halika ritong hambog ka!"

Napagpasyahan muna ni Haurre na napag-isa habang si Covel naman ay may pangambang napatingin sa bihag, nag-aalala siya sa maaaring gawin nila Toro kay Jiaruz.

-Kampo ng Kamatayan-

Pagbalik ni Wharen sa kampo, bumungad agad sa kanya ang mga karwaheng may bandera ng pulang tumanggong at ganoon na rin ang ilan sa kanilang pwersa na nagtungo sa Imperyong Cenpyre.

"Anong ganap?" tanong niya sa isa sa kanyang mga tauhan.

"Nagbalik na po ang Mataas na Panginoon mula sa Imperyong Cenpyre," pagbubunyag nito.

"Agad-agad?" ipinagtaka niya. "Akala ko ba sa mga susunod na araw pa sila makakarating?"

"Napaaga raw po ang uwi ng Panginoong Lodell dahil nakabalik rin agad ang Emperador sa Cenpyre."

"Nasaan ang Panginoon?"

"Naroroon na sa kanyang himpilan."

***

Nagmadali si Wharen sa himpilan ni Lodell. Naabutan niyang nakaupo ang Panginoon sa kanyang pwesto na nakakunot ang noo at mukhang namomroblema. Tila napansin niya na hindi yata naging masaya ang pagbisita nito sa Cenpyre.

"Magandang araw, Panginoon, maligayang pagbabalik," magalang na tumugon ang Komandante.

"Huwag mo kong mabati-bati na parang walang nangyari. Para lang malaman mo, hindi maganda ang araw ko ngayon." May bahid ng pagka-irita ang matamlay na tinig ni Lodell. Mahahalata ang pagod sa kanyang malamlam na mga mata.

"Nabalitaan nyo na pala ang nangyari sa Arvath," napagtanto ni Wharen.

"Paanong hindi ko mababalitaan? Iyon ang laman ng usapan sa buong bayan. Nawala lang ako ng ilang araw, puro problema at kunsumisyon lang pala ang dadatnan ko pagbalik ko. Ano ba talaga ang tunay na nangyari?"

"Itinalaga ko si Jiaruz na magtungo sa Arvath upang hulihin ang mga Puttlan na isinuplong ng katiwala sa pabrika. Ang duda ko ay tinambangan sila at nagkaroon ng engkwentro sa pagitan ng kanyang pwersa at ng Kapatiran. Malamang nanaig ang Kapatiran na paslangin ang kanyang hukbo at itakas ang mga bihag. Sinunog siguro nila ang pabrika para walang maiwang bakas."

Lalong nangitngit sa inis ang Panginoon. "At si Jiaruz, anong balita sa kanya?"

"Sa ngayon wala pa, may mga nakita kaming mga sunog na bangkay, maaaring patay na siya...o kaya naman ay nabihag siya ng Kapatiran."

"Hindi mo sigurado? Kundi ka ba naman inutil! Naisahan ka na naman ng Kapatiran! Sa ilang libong beses na!" Napailing na lamang si Lodell sa pagkadismaya.

"Si Jiaruz ang naisahan ng Kapatiran, siya ang pumalpak. Kung mayroon mang dapat sisihin dito yun ay walang iba kundi siya."

"Mga walang silbi, mga tanga!"

Pasimpleng napangiti si Wharen habang si Lodell ay nalulugmok sa galit. Kahit papaano ay nagalak siya. Napagalitan man siya, matagumpay naman niyang naibaling ang sisi sa kasamahan.

***

Sa kabila ng kanyang katiting na tagumpay, nagmistulang kiti-kiting hindi mapakali ang Komandante. Hindi siya matatahimik hanggang di niya nakukumpirma ang kapalaran ni Jiaruz kaya agad niyang tinipon ang kanyang mga tauhan. Karamihan sa kanila ay nagdidiwang sa pangyayari.

"Tagumpay po ang plano nyo, Mataas na Komandante, patay na si Jiaruz, ano na po ang susunod nyong gagawin ngayon?"

Natagalan si Wharen sa pag-iisip ng susunod niyang hakbang. Muli niyang inalala ang nasilayan niyang mga sunog na mga bangkay at pinanghahawakan pa rin niya ang teoryang sinabi niya kay Lodell. Para bang lalong umiigting ang kanyang mga pagdududa at suspetsa ukol sa kinahinatnan ni Jiaruz. Natitiyak niyang nagkrus ang landas ng kaibigan at ng Kapatiran. Ang tanong na bumabagabag sa kanya ay kung ano ang ginawa sa kanya nila Haurre. Hindi niya maaring isantabi ang posibilidad na magkasama sila ngayon ng Kapatiran at si Jiaruz ay bihag nila.

"Hindi na makilala ang mga bangkay sa sobrang sunog. Hindi natin masigurado kung talagang patay na ba talaga si Jiaruz. Utusan mo ang iba na magpatrolya sa mga bayan-bayan at kung sakaling makita nyo siya, dalhin nyo sa akin agad. Hindi dapat ito malaman ng Mataas na Panginoon."

"Masusunod po, Mataas na Komandante."

"Nasaan ka ba talaga Jiaruz?" Nababalisang binulong ni Wharen sa sarili. "Patay ka na ba o buhay?"

-Kanlungan ng Kanluran-

Samantala, kinadena nina Toro si Jiaruz sa pagitan ng dalawang posteng kahoy, pagkatapos sinimulan nila ang pagpapahirap sa kanya para siya ay mapaamin. Nagpalitan ng suntok sina Toro, Ronis, Nolan at Kamlon sa kanilang bihag.

"Nauubos na ang pasensya ko kaya magsalita ka na! Ano ang susunod nyong plano sa Kampo?" tanong ni Toro habang hablot-hablot ang buhok ng bihag sa ulo.

"Hulaan mo," painsultong sinambit ni Jiaruz kasabay ng pagtawa.

"Hayop ka!" Pinanggigilan ni Toro ang bihag at sinuntok ito nang walang humpay sa magkabilang pisngi at pati na rin sa katawan.

"Mahina ka naman Toro, sakin bibigay to." Si Ronis naman ang sumunod na nagtanong sa bihag. "Sabihin mo samin saan ang sikretong lagusan sa Kampo?"

"Hindi ko alam, pero kaya kong ituro ang lagusan patungong impyerno," muling bumanat si Jiaruz kahit na siya ay bugbog-sarado na.

"Gago pala talaga to!" Hinampas ni Ronis ang bote ng alak sa kanyang ulo at ito ay nabasag.

"Mukhang ito ang nararapat dyan!" Kinuha nila Nolan at Kamlon ang kanilang mga sintron at hinampas nila ito sa bihag na parang isang latigo. Humampas si Nolan sa kanyang harap at si Kamlon naman sa kanyang likuran. Nagsimulang maglatay sa katawan ni Jiaruz ang kanilang bawat tira. Kahit na lubos na nasasaktan ang bihag, minabuti niyang hindi sumigaw at dumaing. Ayaw niyang makita ng kanyang mga kalaban na mahina siya.

Sa loob ng kanilang tolda, naririnig nina Covel, Ermin at Itoi ang ginagawang panununtok at paghampas sa bihag.

"Kulev, Itay, takot Itoi," nangangatog na saad ng bata, "Itoi ayaw ganun ingay."

Dahil sa lakas ng kanilang paghambalos, napakapit ang bata sa piling ng kanyang Itay.

"Ano ba gawa nila? Naglalaro ba sila? Bakit mukha masakit laro nila?"

Walang maisip na isagot si Ermin para maintidihan ng bata ang karahasang nagaganap sa labas.

"Huwag mo na yung intindihin anak." Ito na lamang ang sinabi ni Ermin sa anak. "Covel, ano bang ginagawa nila Toro sa bihag, naghahari-harian na naman siya rito, alam ba ito ni Pinuno?"

"Ako na ang bahala, dito ka lang muna kayo," napagpasyahan ni Covel na pigilan ang pagpapahirap nila sa kalaban.

Paulit-ulit na sinuntok ni Toro si Jiaruz sa mukha hanggang sa ito ay mapasuka na ng dugo. Natigilan si Covel at nanlaki ang kanyang mga mata nang makita ang kalagayan ng bihag na ngayon ay halos di na makilala sa lala ng bugbog at latay na kanyang natamo. Higit na rin itong duguan kumpara noong una itong dinala sa kuta.

Bukod sa kanila, narorooon si Gavielle na walang kurap na pinapanood ang pagpapahirap kay Jiaruz. Hindi niya pinipigilan sina Toro sa kanilang karahasan. Napalingon ang bihag sa dalaga at pinilit niya pa ring painsultong ngumisi kay Gavy kahit na ito ay naghihikahos na sa hirap. Sa tuwing nakikita siya ng dalaga, mas tumitindi lamang ang pag-init ng kanyang dugo. Tagos sa buto ang pagkasuklam niya sa lalaking ito.

"Di pa siguro sapat ang mga kamao ko para mapaamin to," pinagpalagay ni Toro.

Tinanggal nila ang kadena sa kanyang mga kamay at nilagay ito sa kanyang mga paa. Isinabit nila ng patiwarik si Jiaruz habang kinukuha ni Toro ang isang malaking silyang kahoy.

"Gawin ko na ba?" nagpaalam si Toro sa dalaga.

Tumango lamang si Gavielle na walang bahid ng pag-aalinlangan sa kanyang mapait na mukha.

"Siguro dito mapapakanta ka na ng malakas!"

"Huwag!" ihahampas na sana ni Toro ang silya sa bihag ngunit humarang sa kanya si Covel na ikinabigla ni Jiaruz at ng iba pa, lalo na si Gavielle.

"Umalis ka sa harap ko!" Nanggigigil ang kasamahan sa pangingialam niya.

Nanindigan si Covel sa kanyang kinaroroonan. "Itigil mo na ang kalokohang ito, Toro. Hindi na tama ang ginagawa nyo sa kanya!"

Nagdulot ng kontrobersya ang ipinahayag ni Covel sa kanyang mga kasamahan at nagkaroon ng ingay at pagtatalo sa pagitan nila.

"Hindi tama? Nararapat lamang sa kanya ang lahat ng ito, ilang katao na ba ang namatay nang dahil sa kagagawan nila? Kung talagang kaisa ka sa pinaglalaban ng Kapatiran, mauunawaan mo kung bakit namin ito ginagawa. Marami siyang sinaktan at pinahirapan na walang kalaban-laban pagkatapos pipigilan mo kami. Oras na para magbayad siya sa lahat ng kanyang kawalanghiyaan!"

"At sino ba ang gumagawa nito ngayon?" Hindi nagpadala si Covel sa pagtuligsa ni Toro. "Sinasaktan at pinapahirapan mo rin naman siya. May ibang paraan pa para mapaamin siya, hindi dapat lahat dinadaan sa dahas."

Natawa at napailing si Toro sa sinabi niya, ganun na rin sina Ronis, Nolan at Kamlon. "Lahat tayo dito namumuhay sa pamamagitan ng dahas, huwag kang ipokrito."

"Itigil nyo na to kung ayaw mong tayo ang magkagulo," matapang na tumindig si Covel laban sa kanya.

"At sino ka ba para pigilan ako? Hindi ikaw ang Pinuno para sundin ko."

"Sino ka rin ba para hatulan siya?" Nangahas na rin si Jualem na sumali sa kanilang pagtatalo.

"Natatandaan naming sinabi ng Pinuno na maaari nyo siyang pigain pero wala siyang sinabing patayin nyo siya," paalala ni Bilbel. "Sa lagay nito parang tutuluyan nyo na."

"Sige, kung gusto nyong ituloy ito, ituloy nyo pa, pero pag napatay nyo ang bihag, hindi kami magdadalawang-isip na isumbong kayo kay Pinuno," babala sa kanila ni Buto.

"Gusto mo ba iyon, Toro?" tanong ni Ancho na may pag-uuyam sa kanyang tono. "Tiyak na hindi ito magugustuhan ni Pinuno at baka magkasira na kayo."

"Pakiusap Toro, husto na," sa pagkakataong ito, mas naging mahinahon si Covel sa kanyang pagtutol.

"Bahala kayo!" Padabog na hinagis ni Toro ang silya. Umalis ang kanilang grupo at nagtungo sa kanilang mga tolda.

"Ang galing mo talaga, Mahal na Prinsipe," nagagalak siyang pinuri ni Tukmul, "pinakitaan mo talaga si Yabang."

Napatingin nang may hinanakit si Gavielle sa kanya, ito ay napailing na lamang bago siya tuluyang umalis. Napansin rin ni Covel na napapailing rin ang iba pa nilang kasamahan at ang iba naman ay masama rin ang tingin sa kanya. Sa isang iglap tila nawala na ang paghanga at tiwala nila sa Prinsipe.

May nagawa ba kong mali, bakit parang kasalanan ko pa?

Hindi na lamang niya inalintana ang naging reaksyon ang mga kasamahan, bagkus inuna niya munang alalahanin ang lagay ng bihag. "Ibaba nyo na siya at ibalik sa may silya.

Sumunod ang kanyang mga kasamahan at muli nilang ginapos sa silya si Jiaruz.

"Kaya mo pa ba?" tanong ni Covel sa kanya.

"Tandaan nyo to, may araw din kayong lahat sa akin!" Pinagbantaan sila ni Jiaruz na hanggang ngayon naghahabol pa rin ng kanyang hininga sa hirap na dinanas.

"Huwag naman ganun, ikaw na nga tong tinulungan, ikaw pa tong galit," medyo napikon si Tukmul sa bihag.

"Hayaan nyo na," sinaway siya ni Covel.

Pagkatapos nito ay wala na silang narinig na sagot mula sa kanya.

***

Matapos ang siyesta ni Itoi, muling nanigla ang bata at nagpasyang maglaro sa labas ng kanilang tolda, tila nalimot na ang nangyaring ingay kani-kanina lamang. Nagtatakbo siya sa paligid at nakita niya si Gavielle malapit sa kanyang tolda.

"Kamusta, Ate ganda babae, gusto mo laro kasama Itoi?" Bungad niya kay Gavielle.

Napangiti ang dalaga sa bata ngunit noong nakita nitong papalapit rin sa kanya si Covel, naglaho ang saya sa kanyang mukha.

"Nais ko sana makipaglaro, Itoi, kaya lang marami pa kasing gagawin ang Ate ganda mo."

Nakakapagtaka, dati ay sabik siya laging makipaglaro kay Itoi, umiwas ba siya dahil dumating ako?

Nabahiran ng lungkot ang bata. "Ano gagawin mo? Sayang dito pa naman Kulev, lalaro sana tayo, ano ba gagawa mo?"

Napaisip si Gavielle nang maidadahilan, ngunit hindi niya agad magawang sagutin ang simpleng tanong ng bata.

"Itoi, narinig mo naman ang sinabi niya, may mga gagawin pa siya, tsaka na lamang natin siya abalahin," tinulungan na ni Covel ang dalaga sa pangungulit ng kapatid.

"Sige na nga," napapayag rin ang bata si Itoi na napipilitan.

Yumuko si Gavy at itinaas niya ang baba ng nakayukong bata at muling nasilayan ni Covel ang maamong ngiti ng dalaga sa kapatid. "Huwag ka ng magtampo Itoi, sa susunod maglalaro tayo, pangako ko yan."

"Pangako mo yan ah," paalala sa kanya ng bata.

Bahagyang napatango ang dalaga.

"Tara na at baka nakakaistorbo na tayo," hinatak ni Covel ang bata papalayo kay Gavielle.

***

Hindi mawaglit sa isip ni Covel ang problema nila ni Gavielle. Gaya noong kamamatay pa lamang ni Donello, muli na namang dumidistansya sa kanya ang dalaga at ito ay lubos na nakaapekto sa kanya. Minabuti na niyang kausapin ang kaibigan na natagpuan niyang nagmumukmok sa may sulok malapit sa kanyang tolda.

"Sabi ko na nga ba dito kita makikita," panimula ng binatilyo, kumilos siya na parang wala silang tampuhan.

Hindi siya inimik ng dalaga at itinuon na lang niya ang tingin sa malayo.

"Iniiwasan mo ba ako?" hindi na nakapagtiis pa ang binatilyo.

"Iniiwasan ko lang na magtalo tayo," sinagot na siya ng dalaga.

"Tama nga ang hinala ko, galit ka nga sakin. Tungkol ba ito sa bihag?"

"Bakit ba palagi mo siyang pinagtatanggol?" sumabog na ang dalagita sa kanyang galit. "Sa dinami-rami ng kriminal dito sa Kanluran, siya ang unang dapat mamatay pero ikaw ay sumang-ayon kay Pinuno na huwag siyang patayin pagkatapos ngayon kahit ang pagpaparusang nararapat sa kanya pinigilan mo pa rin. Kung tutuusin wala pa sa kalingkinginan nito ang ginawa nila sa kapatid ko!"

Napatayo ang dalaga at tinalikuran niya ang Prinsipe. Humayo rin si Covel mula sa kanyang likuran.

"Gavy, nauunawaan ko ang pinanggagalingan mo, galit na galit ka sa kanya dahil masama siyang tao at malaki ang kasalanan niya sa'yo. Ganyan rin ang nararamdaman ko sa taong sumira sa pamilya ko ngunit nagkakamali ka. Hindi ko siya pinagtatanggol, pinili ko lang gawin kung ano ang tama. Sobra na ang ginagawa nilang pagpapahirap sa kanya, kahit na gaano pa siya kasama hindi ibig sabihin na ito ay tama. Labag ito sa layunin natin bilang kapatiran. Hindi tayo basta pumapatay ng walang kalaban-laban sa atin. Alam kong tayo ay higit na may ibubuti pa. May maitutulong ang pagbihag natin sa taong ito, maaaring hindi pa lang natin nakikita sa ngayon. Ginagawa ko lang kung ano ang makakabuti sa Kapatiran. Sana ngayong nakapagpaliwanag na ko, nauunawaan mo na ang pinanggagalingan ko."

"Yun naman pala," nananatiling tuyot at walang sigla sa tono ng dalaga. "Kung ganun wala na tayong kailangang pag-usapan."

Napahinga nang malalim si Covel nang mapansin niyang hindi pa rin napapawi ang pagdaramdam sa kanya ng kaibigan. "Huwag mo na sanang pahirapan ang sitwasyon."

"Hindi ako ang nagpapahirap ng sitwasyon dito," binalik sa kanya ng dalaga bago niya iwan ang Prinsipe.

***

Tumatak kay Covel ang naging argumento nila ni Gavielle, dahilan kung bakit madaling araw na ay hindi pa rin siya nakakatulog. Namataan siya ni Haurre na nag-iisip sa labas ng kanyang tolda. Gaya niya, madalas ring hindi natutulog ang Pinuno.

"Mahabang gabi?" tanong nito sa kanya.

Tumango si Covel na halata pa rin ang pagkabahala sa mga kaganapan.

"Tara sa loob at pag-usapan natin," inalok siya ng Pinuno sa kanyang tolda.

***

Inalok ni Haurre ng mainit na tsaa ang Prinsipe at hinayaan niyang magbahagi ito ng kanyang mga suliranin.

"Napapaisip lang po ako, Pinuno. Naranasan nyo na bang gumawa ng tama ngunit sa huli kayo pa rin ang nagmumukhang masama? Tama naman ang ginawa ko pero bakit pakiramdam ko mali."

"Tinutukoy mo ba ang nangyari sa inyo kanina?"

"Alam nyo po?" kinagulat niya.

Napangiti ang Pinuno bilang kumpirmasyon.

"Kung ganun bakit di kayo pumagitna noong pinahihirapan nila ang bihag?"

"Dahil sinusubok ko kayo," paglalahad niya. "Inaabangan ko kung mayroong isang mangangahas na pumigil at dumepensa para sa kanya at doon ka na dumating. Mas lalo mo kong pinahanga, Kamahalan. Kahit na kalaban natin siya, inisip mo pa rin ang kanyang kapakanan. Ngayon ko lubos na napagtanto na mayroon ka ngang busilak na puso."

Kahit papaano ay nakatulong ang mga papuri ni Haurre ngunit hindi ito sapat para tuluyang gumaang ang kanyang pakiramdam.

"Pero ang naging kapalit naman ay ang pagkakaibigan namin ni Gavy. Hanggang ngayon galit pa rin siya sa akin, hindi siya sumasang-ayon sa mga pasya ko. Hindi niya pinapakinggan ang mga paliwanag ko. Nalulungkot lang ako na baka tuluyan na siyang lumayo sa akin, na hindi na kami maging magkaibigan."

"Huwag mo nang alalahanin si Gavy, ngayon nadadala lang siya ng kanyang damdamin pero alam kong sa loob-loob niya hindi siya galit sa'yo. Siguro masama lang ang loob niya, nagtatampo. Unawain na lamang natin siya sapagkat hindi pa rin naghihilom ang kanyang sugat. Ako na ang bahala, kakausapin ko siya ng masinsinan."

Tinapik niya sa balikat ang problemadong Prinsipe.

"Sana nga po magkaayos na kami," hiling ni Covel. "Sa totoo lang, hindi lang siya, maging ang iba nating kasapi, pakiramdam ko nawawalan na rin sila ng kumpiyansa sa akin."

"Lilipas rin yan," paninigurado ni Haurre, "ngayon balik tayo sa usapang tama at mali na kaugnay rin nitong kinukwento tungkol sa iyong mga kasama. Noong una pa lamang akong namumuno sa Kapatiran, may mga panahong gumagawa rin ako ng tama ngunit kwestyonableng mga desisyon. May mga hindi sumasang-ayon sa akin at mayroon ring mga nagalit. Ito ang natutunan ko, kahit na alam mong ginawa mo kung ano ang tama, makakaranas ka pa rin nang panghuhusga dahil iba-iba tayo ng pananaw. Ang tama sa'yo maaaring mali sa iba at ang mali sa'yo maaaring tama sa kanila. Maniwala ka man o hindi, maraming gabing nagdaan na naging mailap sa akin ang tulog dahil sa ginawa ko ang nararapat. Hindi madaling gumawa ng tama, pero hindi ibig sabihin na wala itong katumbas na halaga, mahirap man itong gawin, sa huli hindi mo ito pagsisisihan."

Sa pagkakataong ito, naliwanagan na ang gulong isipan ng binatilyo at unti-unti na ring naglaho ang bigat sa kanyang dibdib.

"Naunawaan ko na po, siguro hindi ko rin dapat pigilan ang sarili ko na gumawa ng tama nang dahil lang sa panghuhusga ng iba...alam nyo po ba may isa pa kong napagtanto."

"Ano?"

"Tingin ko isang magandang senyales na palagi tayong nahihirapan at may pinapasan, ibig sabihin nito madalas tayong gumawa ng tama."

"Tama ka dyan," natatawa siyang sinang-ayunan ng Pinuno.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro