Kabanata 12: Aric
-Sentralisadong Imperyo ng Cenpyre:
Labing-Anim na Taon Na Ang Nakakaraan-
Isang sanggol ang maligayang hinehele ng isang Katiwala sa loob ng silid. Mahimbing ang pagtulog nito at walang maaaninag na paggalaw sa maliit niyang katawan kundi ang kanyang malumanay na paghinga.
Maya-maya, bumukas ng dahan-dahan ang pinto at pumasok si Kapitan Sarito kasama ang anak na si Aric.
"Kapitan Sarito," pabulong na bumati si Aling Edina nang sa ganoon ay hindi magising ang kargang sanggol.
"Maaari ba kaming pumasok?" Nagpaalam ang Kapitan. "Nais lang namin makita ang munting Prinsesa."
"Pasok kayo," pag-imbita ni Edina.
Naghinay-hinay ang dalawa sa pagpasok sapagkat gaya ng Prinsesa, mahimbing rin ang tulog ng Emperatris na nagpapahinga pa dahil sa panganganak.
"Aric!" masiglang tinawag ng tatlong taon na si Cordelia si Aric na anim na taon pa lamang noong mga panahong iyon.
"Huwag maingay, Mahal na Prinsesa, baka magising ang Ina at mga kapatid mo," saad sa kanya ng katiwala.
Maging si Prinsipe Yrvin na isang taon pa lamang noong mga panahong iyon ay masarap rin ang tulog sa kanyang kuna, kaya naman sumunod si Cordelia at nag-ingat sa kanyang pagkilos.
Lumapit si Kapitan Sarito at Aric sa sanggol at nakita nila ito sa unang pagkakataon.
"Pwede ko ba siyang makalong?"
Maingat na binigay ni Edina sa Kapitan ang sanggol at kinalong naman rin niya ito nang dahan-dahan.
Napangiti si Sarito nang mapagmasdan ang maliit at may kaputian nitong pisngi. "Napakaganda ng Prinsesa Ymma, manang-mana sa kanyang Ama at Ina. Tignan mo, Aric.
Umupo ang Kapitan at pasimpleng sumilip si Aric sa batang Prinsesa.
"Ano sabi mo sa kapatid ko?" tanong ni Cordelia. "Ganda niya di ba?"
Nang marinig ang mahinang bulong, nagising si Prinsesa Ymma at dumilat ang kanyang mga maliit na mata. Namangha si Aric nang masilayan niya ang natatangi nitong kulay at siya ay napangiti sa sanggol. Gumanti rin naman ng ngiti ang sanggol sa kanya.
"Tignan nyo ang mga mata niya," tinuro niya sa Ama.
"Aba," maging si Sarito ay napahanga, sanggol pa lamang siya ngunit kapansin-pansin na agad ang tingkad ng kanyang mga mata, "ngayon lamang ako nakakita ng ganitong mga mata. Purong Turkesa, tunay na kakaiba ang Prinsesa."
"Sabi nga nila, tanging si Prinsesa Ymma lamang ang nagtataglay ng ganitong klaseng mata sa Buong Lupain. Biniyayaan talaga siya ng mga Diyos," pagmamalaki ni Edina sa kanila.
"Sana ganyan rin mata ko," may pagkainggit na sinabi ni Cordelia at lahat sila ay tahimik na nagkatawanan sa kanyang sinambit.
-Kasaganaan: Kasalukuyan-
Sa pag-alalay ni Aric, pumasok si Datu Mortho sa loob ng kanyang kubo at inalok niya ito ng mauupuan. Hanggang ngayon kabado pa rin ang binatilyo sa magiging usapan nila ng Datu ngunit nanatili siyang mahinahon. Naupo siya sa kanyang higaan sa harap ng Datu.
"Handa na po akong malaman ano ang naging pasya nyo, Mahal na Datu," taas-noo niyang sinabi.
Nagsimula si Mortho, "Apo, hindi ko na papatagalin, matapos kong makapag-isip-isip ng masinsinan, napagpasyahan kong hayaan ka ng manatili rito."
Totoo ba ang narinig ko o nasisiraan na ko ng pandinig?
Namilog ang mga mata ni Aric sa pagkasorpresa. Salungat ito sa inaakala niya. Inaasahan na niyang papaalisin na siya ng Datu sa Kasaganaan sa lalong madaling panahon.
"Labis po akong nagagalak sa inyong naging pasya," nanigla ang disposisyon ni Aric, "hindi nyo po ito pagsisisihan."
"Hindi muna ako magsasaya kung ako ikaw, makinig ka muna," binalik ng Datu ang atensyon ng Dayo sa kanya.
"Sige po," tila maamong tuta na sumunod ang binatilyo sa Datu, siya ay nanahimik at muling nakinig.
"Humantong ako sa desisyong ito sapagkat nakikita kong may maibibigay kang espesyal sa aming Tribo. Nasaksihan ko kung gaano kasaya ang lahat mula noong napadpad ka rito, lalo na ang mga bata at si Miya. Kahit papaano may naidagdag ka pang katiting na kulay sa aming magandang paraiso at dahil doon, hindi na kita magawang ipagtabuyan."
Nakumpirma ni Aric na totoo ngang nakagaangan na rin niya ng loob ang Datu.
"Nakakaantig naman po ang mga salita nyo, Mahal na Datu. Isang karangalan na marinig ito galing sa inyong kataas-taasan."
"Para lang sa pagkakaalam mo, may mga kondisyon ang pananatili mo rito. Nasa sa iyo naman kung handa mong tanggapin ang kasunduan o kaya naman ay maaari ka ng lumisan."
"Ilatag nyo na po sa akin," buong tapang niyang tinanggap ang hamon.
"Unang-una, wala ng bawian ang pananatili mo rito. Sa oras na nagpasya kang tumuloy, hindi ka na maaaring umalis pa. Ituturing mo itong tahanan hanggang ikaw ay nabubuhay. Kapag nahuli ka naming pumupuslit paalis, ikaw ay aming hahatulan sa aming kodigo. Malinawag ba?"
"Maliwanag pa po sa sikat ng araw," kumpiyansa niyang sinagot.
"Pangalawa, kung ikaw ay mananatili, may mga bagay na kailangan mong isuko," pagpapatuloy ni Mortho. "Dapat mamuhay ka ng naaayon sa Tribo, ibig sabihin kakalimutan mo na ang lahat ng kaugalian at pamamaraang natutunan mo sa Silangan o kung saang lupalop ka pa nagmula. Handa ka na bang ibaon sa limot ang dati mong buhay at maging isang ganap na Myongan?"
"Buong puso po, Mahal na Datu," hindi na pinag-isipan pa ni Aric at mabilis niyang sinagot ito sapagkat desidido na talaga siya.
"Pangatlo at ang pinakamahalaga sa lahat. Ipangako mong hindi malalagay sa panganib ang Tribong Myongan sa pananatili mo rito. Maging tapat ka sa amin at huwag kang mananakit ng iyong kapwa. Tandaan mong ang kapakanan ng Tribo ang pinakamahalaga sa lahat."
Sa pagkakataong ito, bahagyang napaisip si Aric. Batid niyang kahit malayo sila sa Kampo ni Uwalhid, hindi pa rin tuluyang ligtas ang mga Myongan sa banta ng Hari.
"Ano tinatanggap mo ba ang lahat ng kondisyon ko sa'yo, Dayo?" tinanong ng Datu nang mapansin niyang bahagyang natigilan ang binata.
"Tinatanggap ko po ang lahat, Mahal na Datu, mananatili ako sa Kasaganaan at hindi na po magbabago ang aking pasya," sa huli pinanindigan pa rin ni Aric ang kanyang desisyon.
"Mabuti at nagkakaliwanagan tayo, basta sumunod ka sa ating napagkasunduan, wala tayong magiging problema. Isa pa pala, may isa pa kong kondisyon."
"Ano po iyon?"
Nagtalo ang isip ng Datu kung sasabihin ba niya ito o hindi, "kalimutan mo na, medyo personal ang bagay na ito...hayaan na nating panahon ang magdikta ng aking pasya ukol sa paksang ito."
Kahit na hindi niya direktang ipaalam, nakukutuban ni Aric na may kinalaman ito sa kanila ni Miya.
"Huwag nyo po itong madaliin, sabihan nyo lang ako kapag handa na kayo. Wala pong problema sa akin. Maraming salamat po sa tiwala at pagtanggap nyo sa akin. Hindi nyo po alam kung gaano nyo ako napasaya ngayon."
"Tama na yan, Aric, at baka bawiin ko pa," banat ng matanda. "Aalis
na ko."
"Hatid ko na po kayo," masugid niyang inalalayan ang matanda kahit na sinabi nitong kaya na niya.
***
Dahil sa sobrang tuwa, agad niyang naibalita kay Miya ang naging usapan nila ni Mortho. Alam niyang natuwa rin ang dalaga sapagkat niyaya siya nito sa bundok kung saan siya ay nagtatalon at napasigaw sa tuktok. Ito siguro ang pakiramdam ng pagiging malaya, sa unang pagkakataon, natakasan na rin niya ang dati niyang buhay. Ang lahat ng ito ay iiwan na rin niya sa wakas. Dito sa bundok ng Kasaganaan, para bang mas mataas pa siya sa pinakamataas na Hari.
Magiging ganito rin kaya ako kasaya kung natupad ang pangarap kong maging Kawal? Kung di ko kasama si Miya, alam ko na kung ano ang sagot.
Pasimple siyang sumulyap kay Miya na abala sa pagtitig sa kapaligirang lalo pa niyang pinaganda sa kanyang presensiya. Napakaganda ng kabundukan, perpektong lugar para aminin ang lahat at simulan ang kanilang relasyon. Nagkaaminan na nga sila sa tunay na nararamdaman nila sa isa't-isa. Sa kabila ng kanyang nararamdaman, tinanggihan pa rin ni Miya ang alok niyang pagmamahal. Sinabi nito na hindi sila nararapat sapagkat Myongan siya at si Aric ay dayo. Muntik nang masabi ni Aric ang hinala niya sa dalaga na maaaring hindi siya totoong Myongan ngunit nagawa naman niyang pigilan ang kanyang sarili. Alam niyang bukod rito, may iba pang dahilan kung bakit nag-aalangan ang dalaga: si Datu Mortho at mga Myongan. Sinubukan niyang solusyunan ang kanilang problema ngunit hindi ito nagustuhan ng dalaga. Alam niya kung gaano kamahal ni Miya ang kanyang Tribo higit pa sa kanyang sarili. Kahit kailan hindi niya inuna ang sarili niyang kapakanan. Walang mali rito, tutal ito nga ang isa sa katangian niya na nagpa-ibig sa kanya, gayunpaman, hindi niya maiwasang mainis ng bahagya sa kanya. Hindi niya mawari kung bakit hindi man lang bigyan ni Miya ng pagkakataon na maging masaya sila sa pag-ibig ng isa't-isa. Sa pagkabigo, naparami ang mga tanong niya sa iniirog. Sa ekspresyon nito, mahahalatang tumatak sa isip niya ang sinabi ni Aric.
Pagkababa nila sa bundok, hinatid niya si Miya sa isang liblib na batuhan sa may sulok. Matapos magpaalam sa kanya ang dalaga, naglakad siya papauwi pero muli siyang napalingon sa may batuhan at kung ano-ano ang pumasok sa isip niya.
Tama bang iniwan mo siya ng nag-iisa sa liblib na batuhan? Kaya niya ang sarili niya ngunit hindi ako maaaring makampante, magulo ang isip niya ng dahil sa akin. Posibleng hindi siya ligtas sa loob.
Tinahak niya ang batuhan at di nagtagal, namataan niya si Miya na naliligo sa may mainit na bukal, na walang saplot. Nakahinga nang maluwag si Aric nang masigurado niyang ligtas ang dalaga. Kahali-halina ang bukal at bumubula ang tubig kaya naman pati siya ay naengganyo na ring maligo. Nahihiya si Miya na naliligo lamang sila sa iisang tubig at lalo lamang niyang kinaaliwan ang reaksyon nito. Ligo lang, sabi nila, ngunit para bang may pwersang pilit na naglalapit sa kanila at hindi na nila magawang lumayo. Hindi mapaliwanag ni Aric ang pagkahumaling niya kay Miya, tila binubuga niya ang apoy, ngunit lalo lamang itong kumakalat. Hinaplos niya ang kaaya-ayang pisngi ng dalaga hanggang sa sila ay pinag-isa na ng isang matamis na halik.
Wala ng nakapagpigil sa kanila sa mga sumunod na kaganapan. Pinaramdam ni Aric ang pagmamahal niya sa dalaga. Kusa at walang pag-aalinlangang sinuko ni Miya ang kanyang dangal. Sa lahat ng babaeng nakasama niya, kay Miya lamang siya nakaramdam ng hindi maipaliwanag na katiwasayan at kaligayahan, siguro dahil puro at totoo ang pagmamahal niya sa babaeng sinisipingan taliwas sa dati niyang nakagawian kung saan laro-laro lamang sa kanya ang mga babae. Ngayon, tunay at sinsero na ang lahat.
Karaniwan nakakaramdam si Aric nang pag-usig mula sa kanyang konsensiya tuwing mayroon siyang babaeng nakakasalamuha at natitikman. Pakiramdam niya ito ay mali. Hindi ito sumagi sa isip niya sa buong panahon na kasama niya si Miya. Ang alam lang niya, kapiling niya ang babaeng nais niyang makasama habang buhay at wala ng mas hihigit pa sa naranasan ngayon.
Sa totoo nga, nakatulong pa ang kanilang pagroromansa sa kanilang mga alalahanin, dahil dito tinanggap na ni Miya ang pag-ibig niya at nagkaroon na rin sila ng kasunduan na ilihim muna nila ng pansamantala ang kanilang pag-ibig.
Bago sila umalis, muling natuon ang pansin ng binatilyo sa mga mata ni Miya. Hindi niya maalis ang tingin niya rito at siya ay humirit, "katawa-tawa ba kung sasabihin kong nabubuhay ako para masilayan ang iyong pambihirang mga mata na higit pang mas kahali-halina sa pinakamagandang karagatan."
Namula ang pisngi ng dalaga sa kilig, "ngayon ko napatunayang mahal mo nga talaga ako, nababaliw ka na sa akin, yun ang katawa-tawa. O baka epekto lang to ng ginawa natin?"
***
Pagkauwi sa kubo, wala pa ring ibang iniisip si Aric kundi si Miya. Ang mga mata niya, ang kanyang ngiti, ang kinis ng kanyang kutis, ang kanyang mga yakap at halik, ang kanyang buong katauhan na nagbibigay liwanag sa mundo niya. Natitiyak niyang ngayong gabi, malamang nakangiti rin ang dalaga sa kinaroroonan nito, inaalala ang kanilang masayang araw na pinagsaluhan.
Pagsapit ng umaga siya pa rin ang unang sumasagi sa isip niya, kung ano mga gagawin nila ngayon at kung ano pa ang magagawa niya upang mapaligaya ang babaeng minamahal.
Si Miya lamang ang babaeng nakaabot sa kaibuturan ng kanyang kaluluwa. Wala ng ibang nakagawa nito, kahit pa si Saraphine.
Kamusta na kaya siya? Sana dumating ang araw na magkita ulit kami, makahingi ako ng tawad sa nagawa kong kasalanan at maibalik ulit ang aming pagkakaibigan.
Batid niyang may naramdaman din siya kay Saraphine noong mga panahong magkasama sila, ngunit iba na ang sitwasyon ngayon. Walang papantay sa pagkahumaling niya kay Miya. Makita pa lamang niya ang turkesang mga mata nito, tila matutunaw na siya.
Saraphine...
Cordelia...
Turkesang mga mata...
Natigilan si Aric sa kanyang higaan. Sa hindi niya malamang dahilan, para bang may nagsasabi sa kanya na may koneksyon ang dalawang babaeng dumating sa kanyang buhay. Hindi niya lang matumbok. Pilit nagbalik-tanaw ang binatilyo sa kanyang kabataan noong nakatira pa sila sa Palasyo. Naaalala niya muli ang araw na una nilang nakita ng Ama ang bagong silang na si Prinsesa Ymma at kung paano sila namangha sa kulay ng kanyang mga mata na purong Turkesa at sinasabing natatangi sa Buong Lupain. Ngayon niya lang napagtanto na si Miya lamang ang may taglay ng ganitong mata na kahalintulad ng sa nawawalang Prinsesa.
Hindi kaya si Miya at si Prinsesa Ymma...ay iisa?
Muli niyang natandaan ang sinabi ni Saraphine na nahiwalay siya sa kapatid matapos nilang makarating sa Silangan. Malaki ang posibilidad na napulot lamang ng mga Myongan ang bata noong napadpad ito sa Kasaganaan at itinuring na nila itong Katribo. Tila napapagdugtong-dugtong na niya ngayon ang mga pangyayari.
Kung siya nga ang Prinsesa, Ibig sabihin magkapatid sila ni Saraphine!
Nangilabot ang mga mata niya at siya ay nanglambot sa kanyang kinahihigaan sa pagkabalisa. Tunay ngang pinaglalaruan siya ng tadhana, halos hindi siya makapaniwala. Isa itong malaking suliranin.
Sila ay magkapatid at pareho akong nakipagtalik sa kanila! Ano ba tong nagawa ko?
Napapaisip si Aric kung ano nga ba ang kanyang gagawin, kung paano niya sasabihin ang katotohanan kay Miya at paano niya paglalapitin ang landas ng magkapatid. Natitiyak rin niya na magkakagulo sa oras na magkita-kita sila sapagkat parehong may nararamdaman ang magkapatid sa kanya. Hindi niya naman kagustuhan na pag-agawan siya ng magkapatid na Prinsesa. Masyado nang masikip ang kanilang ginagalawan ngayon.
***
Pagkalabas niya sa kanyang kubo, halata pa rin ang pagkabahala ni Aric. Sa pagkakataong ito, si Miya naman naliligalig na lumapit sa kanya.
"Magandang umaga, irog ko," abot tenga ang kanyang namumukadkad na ngiti.
Pinawi ni Aric ang pagkabahala at sinabayan niya ang ngiti ng dalaga. Ayaw niyang mahalata nito na may mabigat siyang dinadala.
"Ano halika na?" alok nito.
"Mamumundok ulit tayo?"
Humalakhak si Miya sa kanyang tanong, "hindi, doon ulit tayo sa batuhan. Alam mo na."
Nakuha ng binatilyo ang pinapahiwatig ng dalaga, hindi niya ito masisisi kung gusto nito ng pribadong oras kasama siya. Maging siya ay nag-aasam rin sa kanya ngunit natatabunan ito ng kanyang mga pangamba.
***
Pagkarating nila sa batuhan, hindi na sila nag-aksaya ng oras. Humiga sila sa makinis na bahagi ng batuhan at si Miya naman ang nagpasimula ng halik. Ganadong-ganado ang dalaga sa paghalik sa kanya habang nakapaibabaw siya kay Aric. Maya-maya, nag-iba sila ng pwesto at siya naman ang hiniga ng binatilyo sa may batuhan. Pinupog niya ng halik ang minamahal sa kanyang balikat at leeg. Sunod niyang hinagkan ang malambot na labi ni Miya.
"Sabik na sabik ako sa'yo," nasasarapang tugon ng dalaga habang nakapikit.
Maayos na sana ang lahat ngunit sa kasagsagan ng kanilang pagroromansa, dumilat ang nakapikit niyang mga mata at tinignan niya si Aric nang may pagmamahal. Muli siyang nabihag sa malantik na tingin ng kanyang turkesang mga mata. Biglang naalala ng binata ang kaugnayan ni Miya kay Saraphine at dahil dito hindi na niya magawang ituloy ang paghalik sa kanya. Nagtaka si Miya sa kanyang inasta, halos hindi pa sila nakakapagsimula at nakasuot pa sila ng kanilang mga damit.
"Anong problema? Ayos ka lang ba?" Napahawak siya sa balikat ng binata.
"Wala, bigla lang sumakit ang ulo ko, sa init siguro ng araw," ginamit na lamang rason ni Aric ang klima sa Kasaganaan na lubha nang mas mainit kumpara noong nakaraan.
"Ganun ba? Gusto mo ba magpatingin kay Myam-Gaam-Ot?"
"Hindi na, kailangan ko lang siguro magpahinga."
"Sige, umuwi na tayo," nagyaya ang dalaga, halata ang pananamlay ng kanyang tinig at ang kanyang pagkadismaya.
Pagkabalik nila sa kanilang kubohan sa dalampasigan, minabuti niyang mapag-isa muna at hindi na niya kinita ang dalaga buong araw.
***
Kinabukasan, pinuntahan ni Aric ang dalaga upang ipagtapat ang lahat at muli silang nagtungo sa batuhan.
"Maayos ka na ba?" may halong pangamba at pagkagulumihanan ang tanong ng dalaga. "Buong araw kitang inisip. Pinag-alala mo ko kahapon sa mga kinilos mo. May problema ba?"
Nagpasya si Aric na ituloy ang kanyang sadya, dapat malaman ni Miya ang totoo.
"Miya, natatandaan mo ba ang sinabi mo na di tayo nararapat dahil isa kang Myongan at ako ay isang Dayo?"
"Oo, yun ba ang bumabagabag sayo? Huwag mo ng isipin yun, tinatanggap naman kita kahit hindi tayo magka-uri."
"Hindi ito tungkol dun," napahinga muna ng malalim si Aric bago ituloy ang sasabihin. "Ano ba ang sabi ng mga magulang mo bakit naiiba ang anyo mo sa mga Katribo mo?"
"Ang sabi nila pinanganak lang ako na naiiba, tulad ng nangyayari minsan sa ibang nilalang. Hindi ba may bulaklak na naiiba ang kulay at mayroon ding mga puting uwak? Tignan mo si Puti, siya lamang ang puting usang nakita ko. Tinamaan raw ako ng parehong kondisyon, kaya tawag nila sa akin dati anak-araw o maputing bangus."
"At naniniwala ka naman doon? Sigurado ka bang nagsasabi sila ng totoo sa'yo?"
Tila hindi nagustuhan ni Miya ang mapanghimasok niyang pagtatanong. Kumunot ang kanyang noo at pumait ang kanyang mukha.
"Sinasabi mo bang nagsisinungaling ang mga magulang ko? Ano bang nais mong iparating? Na hindi ako isang Myongan at niloloko nila ako?"
Napagtanto ni Aric na inis na ang dalaga. "Hindi naman sa ganun, pero maaalis mo ba sa akin na magtaka? Lahat ng may mata makakahalata, mauunawaan ko pa sana kung kulay mo lang ang naiiba, ngunit tignan mo ang sarili mo."
Sinunod ni Miya ang sinabi niya at napatingin siya sa kanyang repleksyon sa may bukal.
"Iba ang iyong wangis, ang iyong taas, ang iyong buhok at ang iyong mga mata. Ni wala kang pinagkatulad sa kanila. Hindi ka man lang ba napapaisip ni minsan sa tanang buhay mo? Miya, malakas ang kutob kong hindi ka isang Myongan."
Kahit na hindi niya aminin, batid ni Aric na nadala si Miya sa mga sinabi niya, nangingilid na ang kanyang mga luha habang pinagmamasdan niya ang sarili sa tubig, tila maraming tumatakbo sa kanyang isipan.
"At ano ako sa tingin mo?"
"Isa kang tubong Cenpyre, kagaya ko," hindi na nagpaligoy-ligoy pa si Aric.
Nagulantang ang dalaga sa nalaman. "Ano? May lahi ka pa lang Cenpyre at ngayon mo lang sinabi sa akin? Ano pa ba ang tinatago mo sakin?"
"Miya, patawarin mo ako at di ko nasabi sa'yo...natakot lang kasi ako na baka paalisin nyo ko sa oras na malaman nyo."
Napailing sa pagkadismaya si Miya.
"Kilala mo ba sila? Minsan nilang nakasagupa ang aming tribo, pagkatapos sasabihin mong isa ako sa kanila? Kilala ko ang mga magulang ko. Tunay nila akong anak at hindi nila magagawang lokohin ako. Alam mo bang sa ginagawa mo nasasaktan ako dahil pinagdududahan mo ang pagkatao ko. Akala ko ba mahal mo ako?"
Mahal nga kita, kaya nga gusto kong malaman mo ang katotohanan...para sa kapakanan mo.
Nais itong sambitin ng binatilyo ngunit di niya magawang bigkasin.
"Ano man ang iniisip mo tungkol sa akin, nagkakamali at patutunayan ko yan sa'yo!" Padabog na nilisan ni Miya ang batuhan at iniwan niya si Aric na mag-isa.
"Miya, sandali!"
Napahampas ang binata sa kanyang noo. Bigo na nga siyang ipagtapat ang katotohanan sa minamahal, nagkairingan pa sila.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro