Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 11: Miya

-Kasaganaan-

Masakit ngunit kakayanin...

Paulit-ulit itong binubulong ni Miya sa kanyang sarili bago niya ibangon ang pipilay-pilay niyang paa. Hindi lamang ang paa niya ang masakit, kundi pati na rin ang kanyang katawan. Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwala sa dami ng pangyayari nitong nakaraang araw. Tila nabunutan siya ng tinik sa paglisan ni Leyro ngunit ngayon maging si Aric ay nakatakda na ring umalis sa basbas ni Datu Mortho na higit rin niyang ikinabigla.

Noong gabing iyon, napansin niya rin na hindi nasiyahan ang dayo sa balitang natanggap kahit na ibig ito ng Datu bilang pabuya sa ginawa nitong pagsagip sa kanya. Hindi na niya gaanong ginambala si Aric at hinayaan niya itong makapag-isip-isip kung ano ang nararapat niyang gawin.

Bumangon si Miya sa kanyang kinahihigaan, sinubukan niyang itapak ang napinsalang paa ngunit kumikirot pa rin ito at hindi niya ito magawang ilakad ng diretso at walang suporta. Gayunpaman, natuwa na rin siya at kahit papaano ay nakakapaglakad pa rin siya, sa kabila ng kanyang kondisyon.

Nagtungo siya sa may hapag kung saan namataan niyang nag-aalmusal ng mga suman at ibang kakanin ang kanyang mga magulang kasama ang kanyang Lolo.

"Magandang umaga," pagbati niya sa kanila.

Dahil sa pagod sa mga kaganapan, mas tinanghali ang dalaga sa paggising kumpara sa karaniwan. Inalalayan siya ng kanyang Ama paupo sa silya.

"Kamusta naman ang paa mo, apo?" tanong ni Datu Mortho na nakatuon ang pansin sa kanyang pinsala.

"May pilay pa po pero guminhawa naman na po kahit papaano," sagot niya.

"Buti na lang talaga at di malala ang pinsala mo, kundi baka hindi na ko nakapagtimpi pa kay Leyro," sumama ang timpla ng Datu nang muling maalala ang ginawa ng kapwa niya Datu.

"Huwag nyo na po alalahanin yun, Lo," pinakalma ni Miya ang matanda. "Wala na siya rito at balewala rin naman to."

"Sigurado ka ba? Baka dapat hindi ka muna nagalaw, sabi ni Myam-Gaam-Ot na kailangan mong magpahinga," may bahid ng pag-aalala sa tugon ni Maahan.

"Ina, malayo naman ito sa bituka," paninigurado niya. "At isa pa mana ako sa aking Lolo na matatag at malakas."

"Hindi ko maitatanggi yan," nakangiting sambit ni Mortho habang patuloy ang pagnguya niya sa kinakain. "Totoo ang lahat ng yan, Miya."

Napakindat ang dalaga sa Datu.

"Nagpapahinga naman po ako, hindi ako pupunta sa gubat at sa tuktok ng bundok kung iyon ang inaalala nyo. Maninibago nga lang ako na walang ginagawa at nakahilata."

"Makikita nyo, Ama, ilang araw lang di rin yan makakatiis," pinagpalagay ni Marcio na maririnig ang kumpiyansa sa kanyang tinig. "Alam nating lahat na buhay na ni Miya ang gubat at ang kabundukan."

Napahawak ang nangungulubot na palad ng matanda sa braso ng kanyang apo at tinignan niya ito na may nangungusap na mga mata.

"Gusto kong makitang bumalik ang liksi ng iyong paa nang sa ganoon ay magawa mo na  ulit kung ano ang nais mo pero sa ngayon magpahinga ka muna."

Tumango si Miya bilang pagsang-ayon at nagpatuloy sila sa pagkain. Hindi makakaila na maganda ang wisyo ng Datu ngayong araw.

"Mukhang nagiging maayos na ang lahat, nakawala na tayo sa Tribong Leon at pinakawalan ko na rin ang dayo. Di magtatagal at babalik na rin ang lahat sa normal gaya ng inaasam ko."

Napangiti si Maahan at Marcio ngunit hindi si Miya na tila hindi masaya sa nabalitaan.

"Miya," napansin ito ni Mortho, "ayos ka lang ba, apo?"

"Opo, Lo," pilit na napangiti ang dalaga.

"May nais ka bang sabihin sa akin?" Nabigo siyang kumbinsihin ang kanyang Lolo sapagkat lubusan siya nitong kilala. "Sige na, sabihin mo kung ano ang bumabahala sa'yo nang mapag-usapan natin at maayos kung ano man ito."

Napalingon muna si Miya sa kanyang Ina, sumenyas si Maahan at nagbigay hudyat sa anak na sundin ang Datu.

"Nagtataka lang po ako sa naging desisyon nyo, Lo. Dati ayaw nyong pakawalan si Ari...ang dayo." Minabuti na lamang ng dalaga na hindi tawagin sa kanyang ngalan ang binata upang hindi na mapaisip ang kanyang pamilya. "Sabi nyo nangangamba kayo sa kaligtasan natin, pero bakit ngayon tila biglaan naman yata ang inyong pasya na paalisin siya."

Nangibabaw ang katahimikan sa buong hapag dahil sa tanong ni Miya. Hindi makaimik ang kanyang mga magulang at pati na ang kanyang Lolo. Nahahalata ng dalaga na may alam ang tatlo na hindi niya batid, at mayroon din siyang nalalaman na lingid sa kanila.

"Paumanhin po, hindi ko po sinasadya na kwestyunin ang inyong desisyon," nagpasya siyang putulin na ang nangyayaring ilangan.

"Hindi, ayos lang," kalmadong sumagot ang Datu. "Gaya ng sinabi ko kagabi, pinayagan ko na siyang makauwi sa kanyang pinanggalingan bilang gantimpala sa ginawa niyang pagsagip sa'yo laban kay Leyro."

"Iyan lang po ba talaga ang dahilan?" muling tanong ni Miya na parang hindi pa rin kuntento.

"Bakit, may iba pa bang dapat na dahilan?" seryosong binalik sa kanya ni Mortho ang tanong.

"Wala naman po," malumanay na tinanggi ng dalaga at siya ay napayuko.

"Humantong ako sa desisyong ito sapagkat ito naman talaga ang hinahangad ng dayo simula nung gawin natin siyang bihag. Hindi ba at lagi siyang nagpupumilit na pakawalan na natin siya dahil gusto na niyang umuwi. Ngayon binibigay ko na ito sa kanya. Wala naman akong nakikitang masama doon."

Sa tono ni Lolo, mukha ngang may tinatago siya...

Pansin ni Miya na madalas nitong ipagtanggol ang kanyang sagot at para bang pinagpipilitan niya ito kahit na alam niyang hindi siya totoo sa kanyang mga sinasabi. Nahuhulaan na ng dalaga na nais ng Datu na magkahiwalay na sila ng dayo.

Nagpatuloy ang dalaga. "Batid ba natin kung ito talaga ang gusto niya ngayon? Nakita natin lahat kung paano siya namuhay bilang isang Myongan. Kung paano siya napalapit sa atin kung gaano siya kasaya rito sa Kasaganaan."

Huminga ng malalim ang Datu bago siya sagutin. "Ang lahat ng ito ay isang pagsubok lamang sa kanya kung siya ba ay nararapat na palayain o hindi. Miya, alam natin ang katotohanan na magbihis Myongan man siya, hindi pa rin siya magiging isa sa atin at hindi magtatagal, kinakailangan na rin niyang makaalis, sa ganitong paraan man o sa iba."

"Paano kung ayaw na niyang umalis, paaalisin nyo pa rin ba siya?" Hindi pa rin nagpapatinag ang dalaga sa pagpigil sa kanya.

Sa pagkakataong ito, hindi na nagugustuhan ni Mortho ang walang humpay na tanong ng apo at medyo napalakas ang kanyang boses. "Miya, hindi ko na alam kung saan patungo ang usapang ito. Tapatin mo nga ako, bakit nga ba ganito na lamang ang pag-aalala mo sa kapakanan ng dayo?"

Dahil napapasaya niya ako...dahil siya ang nagbibigay ng ngiti sa akin... At dahil nararamdaman kong may koneksyon kami sa isa't-isa... Ano ba ang nangyayari sa akin. Umayos ka!

"Naging kaibigan ko na po siya," tinantsa niya maigi ang kanyang sagot. "Hindi rin natin matatanggi na lahat tayo ay napalapit sa kanya. Isang komunidad tayo at pamilya na ang turingan natin sa isa't-isa."

"Totoo, napalapit na nga ako sa binata, pero kung pamilya rin ang tingin niya sa atin, uuwi na siya para sa kaligtasan nating lahat." Nanindigan pa rin ang Datu sa kanyang pasya.

"Magtiwala ka kay Ama," panghihikayat ni Maahan sa anak. "Tama siya at sumasang-ayon kami sa kanya. Baka nga oras na para makauwi si Aric sa tunay niyang tahanan."

"Apo, hindi tunay na magiging masaya ang isang ibon kung hindi natin ito palalayain at hahayaang lumipad. Isipin mong para rin ito sa ikabubuti niya."

Sa pagkakataong ito, nakuha na si Miya sa pahayag ng Datu at napagtanto niyang may punto rin naman ito.

"Huwag kang mag-alala, hindi ko naman siya mamadaliin, bibigyan ko kayo ng panahon para makapagpaalam sa isa't-isa. Malamang sa ngayon ay nakapagpasya na siya at baka naghahanda na."

Natapos na ang kanilang diskusyon at sila ay bumalik sa pagkain ng almusal.

***

Kahit na hindi pa lubusang magaling, kumuha si Miya ng mga prutas mula sa kanilang hinakot sa kagubatan nitong mga nakaraan. Nilagay niya ang mansanas, ubas, peras at isang piling ng saging sa isang buslo. Balak niya itong ibigay kay Aric bago ito umalis.

Kung sakaling magutom siya sa paglalakbay pauwi.

Tila tanggap na ng dalaga na hindi na talaga maiiwasan pa ang paglalayo nilang dalawa. Iika-ika siyang naglakad papunta sa kubo ni Aric.

Nakasarado ang pinto kaya siya ay kumatok.  "Aric."

Wala siyang narinig na sagot mula sa loob kaya muli niya itong tinawag. "Aric, nandyan ba ikaw?"

Pagkatok niya ay bumukas ng kusa ang pinto. Dahan-dahan siyang pumasok sa loob dala-dala ang buslo. Pagkapasok, nilibot niya ang paningin sa paligid. Wala na roon ang dayo. Wala na ang tela sa kanyang higaan at pati na rin ang kanyang mga kagamitan at sibat. Walang natirang ni isang bakas mula kay Aric. Nabalutan ng lumbay ang mukha ng dalaga at sa kawalan ng gana ay naibagsak na lamang niya sa sahig ang buslo. Nagpagulong-gulong ang mga prutas sa sahig. Iisa lamang ang ibig sabihin nito.

Umalis na siya...at hindi man lang niya nagawang magpaalam.

Nilisan ni Miya ang kubo na may kinikimkim na sama ng loob.

***

Habang siya ay papauwi na sa kanyang kubo, nakasalubong ni Miya sina Myoris at ang mga bata na patungo sa kubo ni Aric.

"Miya, anong nangyari sa'yo?" tanong ng kaibigan. "Bakit naglalakad ka na agad, may pilay ka pa?"

Nahalata ni Myoris ang lungkot sa mukha ng kaibigan. "Oy, ayos ka lang ba?"

"Hula ko, papunta kayo kay Aric?" ito ang binungad sa kanila ni Miya imbes na sagutin ang tanong niya.

"Opo, Ate Miya," masiglang sinagot sa kanya ni Mylka na abot tenga ang ngiti.

"Hindi ako tinatantanan ng mga bata, gusto nila ulit magpaturo kay Aric kaya sinamahan ko na," natatawang pinaliwanag ni Myoris.

"Mabuti pa huwag na kayong tumuloy, hindi na rin naman niya kayo matuturuan," payo ni Miya sa matamlay at tuyot na tono.

"Anong ibig mong sabihin?" naguluhan si Myoris.

"Wala na siya, umuwi na siya sa pinanggalingan niya," nakayukong kinumpirma ni Miya sa kanilang lahat.

"Wala na?" Napatanong ang mga bata. Nawala ang kanilang sigla at sila ay natahimik rin sa nalaman.

"Kailan siya babalik?" tanong ni Maoro. Akala nila ay may pinuntahan lamang na ibang lugar ang dayo at ito ay babalik rin maya-maya.

Napaisip si Miya bago sagutin ang tanong nito, ayaw niyang madismaya ang mga bata ngunit ayaw rin niyang paasahin ang mga ito sa wala. "Hindi ko rin alam, malamang hindi na."

Lalong nalungkot ang mga bata sa sagot ng kanilang Ate Miya at ganoon na rin si Myoris.

"Umuwi na pala siya, ano sabi niya bakit siya umalis?"

"Hindi ko na siya nakausap," sambit ni Miya. "Kagabi na ang huling beses na nagkita kami."

"Ganun? Iba rin siya, umalis na lang kaagad ng walang pasabi. Kinalimutan magpaalam sa akin...at sa'yo. Biglaan naman." Kahit na malungkot nagawa pa ring magbiro ni Myoris.

"Oo nga pero alam naman ito ni Lolo. Bilang gantimpala sa pagsagip sa akin kahapon, pinaalam niya kay Aric na maaari na siyang umuwi at siya ay malaya na."

"Sayang naman, napalapit na tayong lahat sa kanya at napakalaki rin ng ambag niya sa tribo, dahil sa kanya natututo na tayo magsalita ng ibang wika. Palagi kong maaalala ang gwapo."

"Palagi rin namin siya maaalala," malungkot na sinabi ni Mylka.

"At alam kong may isa pa rito na palagi ring makakaalala at mananabik sa mabuting dayo."

Bahagyang napangiti si Miya sa mga biro ni Myoris.

"Kamusta ka naman?"

"Ito, hindi pa rin lubusang natatalos ng isip ko na wala na siya," kahit na pilitin niya, hindi pa rin magawang itago ni Miya ang lungkot na nadarama.

"Huwag mo na gaanong damdamin, hindi pa naman siya patay," muling banat ni Myoris sa kagustuhan niyang pagaangin ang loob ni Miya ngunit seryoso lamang siyang tinignan nito na may kaunting kunot sa noo, tila hindi natuwa sa kanyang biro.

Nagseryoso na rin ang kaibigan, "babalik siya para sa'yo, maniwala ka sa akin."

"Kailangan ko ng umalis at magpapahinga muna ako," umiwas na lang ang dalaga.

"Sige, maigi pa nga,"  sagot ni Myoris na may pag-aalala sa kaibigan.

Nagpatuloy na ulit sa paglalakad si Miya pauwi sa kanyang kubo.

"Basta kailangan mo ng kausap nandito lang ako na kaibigan mo," paalala ng dalaga ngunit hindi na siya nagawang lingunin ni Miya.

Sinamahan na lamang ni Myoris ang mga nanahimik na bata pabalik sa kanilang mga kubo.

***

Nagtungo si Miya sa munting silid sa kanilang kubo. May parteng nagsasabi sa kanya na baka nagtungo muna si Aric sa kabundukan bago tuluyang lisanin ang Kasaganaan. Nais niya sanang magtungo roon ngunit sa kanyang lagay, batid niyang hindi pa kaya ng kanyang mga paa na umakyat kaya nanatili na lamang siya sa kanyang kubo.

Nalaman mo lang na maaari ka ng umuwi, nagmadali ka ng umalis at naglaho na lang na parang bula...

Tama nga ba si Lolo? Yun nga lang ba ang nais mo, ang makaalis at makawala sa amin. Naging totoo ka nga ba talaga o kinuha mo lang ang loob namin? Pagpapanggap lang ba ang lahat ng ito? Wala ba akong halaga sa'yo kaya kahit maikling paalam man lang ay hindi mo ipinagkaloob sa akin...

Alam kong malulungkot ako sa oras na umalis ka pero hindi ko lubos matanto na masasaktan ako ng ganito. Nalilito na ako, ano nga ba ang nangyayari sa akin? Bakit ako lubhang naaapektuhan nang dahil sa'yo, na isang dayo lamang.

Lumapit ang alaga niyang si Puti sa dalaga. Pinagmasdan siya ni Miya at naalala niya ang unang beses na nagtagpo ang kanilang landas ni Aric, nang dahil sa maliit na usa. Muli ring pumasok sa isip ng dalaga ang mga panahong lihim niyang dinadalaw at dinadalhan ng pagkain ang dayo sa kanyang kulungan. Muli rin niya nagunita ang pagligtas sa kanya ni Aric sa Buktot, ang pag-aaral nila ng Wikang Silangan, ang sayaw na kanilang pinagsaluhan, ang paglalaro nila kasama sina Myoris at ang mga bata. Higit sa lahat, naalala niya rin ang panahong sinama niya ito sa tuktok ng bundok.

Hindi na dapat kita inaalala. Wala ka na rito, dapat na kitang kalimutan.

Sa ganitong pagkakataon, mas nanaisin ni Miya na magtungo sa kabundukan upang mapag-isa at ilabas ang bugso ng kanyang naguguluhang damdamin. Batid niyang walang makakatulong sa kanyang suliranin ngayon. Hindi ang kanyang mga magulang, hindi si Myoris at hindi rin kahit ang kanyang Lolong si Datu Mortho. Kailangan niyang pumunta sa lugar kung saan siya ay makakapag-isip-isip. Maya-maya lamang ay babalik na sa kubo ang kanyang mga magulang at madadatnan siya ng mga ito na nagmumukmok. Hanggang maaari, ayaw pa niyang makipag-usap kanino man.

Bandang kasikatan ng hapon, pumasok si Maahan sa kubo at nagtungo siya sa lugar ng dalaga upang bigyan ito ng mamemeryendang pagkain ngunit pagtingin niya ay wala roon ang anak.

"Magandang balita, may nahuli kaming malaking baboy-ramo, mukhang mapapasarap na naman tayo ng kain mamayang hapunan." Kauuwi lang rin ni Marcio, kagagaling lamang niya sa gubat kasama ang ibang kalalakihan upang mangaso ng kanilang kakainin.

"Marcio, nakita mo ba si Miya?" tanong niya sa kabiyak.

"Hindi, akala ko nagpapahinga siya dyan sa loob," sagot ni Marcio.

"Kanina nga nagpapahinga siya, pero ngayon wala na siya. Saan na naman kaya nagsususuot ang batang yun? Alam naman niyang hindi pa siya gaanong magaling."

"Kumalma ka lang, Maahan," sinaway siya ng asawa, "kilala natin si Miya. Kaya niya ang sarili niya. Magtiwala ka lang sa anak natin. Kung saan siya nagtungo, doon siya dapat na naroroon ngayon."

***

Tinahak ng dalaga ang daan patungo sa kabundukan na hindi inaalintana ang pilay ng kanyang paa. Gamit ang isa sa kanyang mga sibat, nagsilbi itong saklay na pangsuporta sa kanyang paa. Naghihikahos pa rin ang dalaga sa kanyang paglalakad. Kumpara noon, higit siyang mabagal at naging pagsubok sa kanya ang dating gawain na madali lamang sa kanya. Masakit man ang kanyang pangangatawan, mas nangibabaw pa rin ang pag-aasam ng kanyang puso na makarating sa tuktok ng bundok.

Matapos ang pagtitiis sa sakit at kirot, natunton din ng dalaga ang paanan ng bundok. Tumingala siya at inaninag niya ang tuktok na nais niyang marating.

Sinimulan na niya ang pag-akyat sa mga batuhan. Sinubukan niyang ipang-akyat ang pilay niyang paa kung ito ay uubra ngunit siya ay namilipit lamang sa sakit. Nagpasya na lamang ang dalaga na umakyat gamit ang dalawang kamay at isang paa. Tinutusok niya sa batuhan ang kanyang sibat tuwing siya ay uusad ng akyat.

Kakapiraso pa lamang ang naaakyat ni Miya ngunit pakiramdam niya ay bibigay na siya sa sakit ng kanyang braso, katawan at binti. Halos mamula na ang kanyang pisngi sa pagod.

Kaya mo to...masakit pero kakayanin...masakit pero kakayanin...

Sa kasagsagan ng pag-akyat, nakarinig siya ng yabag ng mga paa na tila mayroong taong tumatakbo papalapit sa kanya.

"Miya! Miya!" pamilyar ang tinig ng lalaking tumatawag sa kanya.

Napalingon ang dalaga mula sa batuhan at namataan niya si Aric na tumataripas ng takbo sa kanya na para bang wala ng bukas. "Aric?"

Hindi namalayan ni Miya na dudulas na ang isa niyang paa at siya ay nahulog. Agad naman siyang sinalo ni Aric sa piling nito. Nagkatinginan ang dalawa. Napangiti si Miya at muling nabuhayan ang kanyang nananamlay na mga mata.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro