Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 11: Graison

-Palasyo: Sa Ipinagbabawal na Silid

Walang humpay ang pagtangis ng Emperador habang siya ay nakasubsob sa salaminan kung saan nakapaloob ang mga labi. Kumikanang-kinang ang salaminan at nag-iiba ang kulay nito, gaya ng mga ilaw sa kalangitan ng kabundukan.

Sa sobrang paghihinagpis, halos hindi mabitawan ni Fierro kung sino man ang bangkay na nakahiga, kahit na ang salaminan lamang ang nahahawakan niya.

"Noong namatay ka, tuluyan na ring namatay si Fierro sa akin," may halong poot at lungkot ang kanyang nangangatog na tinig. "Ginawa ko ang lahat ng ito para sa'yo. Minahal kita ng higit pa sa buhay ko... Ikaw lamang ang iniibig ko."

Binaling ni Fierro ang kanyang tingin sa mukha ng bangkay. Ito ay walang iba kundi si Emperatris Ysavel. Tila walang pinagbago ang wangis ng yumaong Emperatris, kung ano ang edad niya noong siya'y namatay, labing-apat na taon na ang nakakaraan, ganoon pa rin siya sa ngayon, ngunit taliwas sa kanyang kalunos-lunos na kalagayan noong siya ay namatay, tila naibalik ang ganda niya at para siyang natutulog lamang. Suot-suot niya ang kanyang paboritong byoletang bestida at nakahawak ang dalawa niyang palad sa mapupulang rosas. Hindi naaagnas ang kanyang katawan sapagkat ang salaminan ay nasa ilalim ng kapangyarihan ni Tandang Ora.

Naalala ni Fierro ang mga huling sandali ni Ysavel, kung paano siya nito tignan, sumpain at kasuklaman hanggang sa huli nitong hininga.

"Ysavel, binigyan kita ng pagkakataon para makapiling ako...pero sa huli mas pinili mo pa rin si Costan. Hindi mo alam kung ano ang sinayang mo. Ikaw sana ang naging Emperatris ko." Kinausap niya ito na para bang makikinig sa kanya ang matagal ng namayapa.

"Nasa akin man ang katawan mo ngayon, alam kong ikaw ay tuluyan ng malayo sa akin, saan ka man naroroon. Huwag kang mag-alala, Ysavel. Hindi ako titigil hanggang hindi ako nakakahanap ng paraan para buhayin kang muli."

Tuluyan nang iniwan ng Emperador ang bangkay sa ipinagbabawal na silid.

***

Kasisimula pa lamang ng araw at nagising si Graison na may panibagong gana at sigla. Nakabawi na ang binatilyo sa mga oras na sinayang niya sa pagmumukmok sa kanyang silid. Dahil sa mga salita ng kanyang Ama, nagkaroon siya ng panibagong inspirasyon para magpatuloy. Kinuha niya mula sa ilalim ng kanyang kama ang Mahiwagang Pisara na nababalutan ng tela. Taimtim niya itong pinagmasdan at nag-isip-isip.

Sana tama ang desisyon kong gamitin ka ulit.

Hindi pa nagtatagal, isang katok ang narinig niya mula sa pinto.

"Pasok," udyok niya.

Malumanay na pumasok si Osylla na nakayuko at halatang nahihiya pa rin sa kanya.

"Osylla," nakangiting binati ni Grai ang kaibigan at siya ay nagalak sa presensya nito.

"Magandang araw, Grai," mahinhing sumagot ang dalaga. "Ayos lang ba kung?"

"Walang problema, tumuloy ka," inalok niya ng mauupuang silya si Osylla. "Gusto nga talaga kitang kausapin ngayon. Osylla, humihingi ako ng paumanhin sa nangyari kahapon."

Napangisi si Osylla. "Huwag mo na yung alalahanin, hindi mo naman kailangan humingi ng tawad sa akin."

"Oo kailangan ko," sinserong pinanindigan ng Prinsipe. "Nais mo lang naman na tulungan ako at pagaangin ang loob ko, pero anong ginawa ko? Pinaalis kita, hindi ko pinahalagahan ang malasakit mo sa akin. Mali ang ginawa ko kaya patawarin mo ko."

Isang maamong ngiti ang ginanti ni Osylla na nagpapahiwatig na hindi siya galit. "Nauunawaan naman kita kung bakit mo nagawa yun. Noong mga oras na yun, siguro mas mainam talaga na mapag-isa ka. Baka kung sa akin nga nangyari yun mas masahol pa ang naging reaksyon ko lalo na at sobrang matatakutin ako."

Bahagyang natawa si Graison. "Ibig sabihin ba nito pinapatawad mo na ako?"

Napahawak ang dalaga sa kamay ng kaibigan.

"Kahit kailan hindi naman ako nagtanim ng sama ng loob sa'yo. Ikaw nga ang inaalala ko, kamusta ka na ba?"

"Maayos-ayos na ako," positibong binalita ni Graison. "Nakausap na ako ni Ama at nakapagpahinga na rin. Nakapag-isip-isip na ako at napagpasyahan kong bumalik sa pagpipinta."

"Talaga, mabuti naman." Lalong naningla ang tono ni Osylla sa nalaman. "Natutuwa ako sa naging desisyon mo. Sino ba si Prinsipe Graison kung hindi siya magpipinta?"

"Tama ka, bahagi na ito ng pagkatao ko, hindi ko ito basta mabibitawan na lang. Gaya ng sinabi ni Ama, mahal ko ang pagpipinta at ngayon gagamitin ko ang kakayahan kong ito para mailigtas ang Buong Lupain, kaya patuloy lang ako sa pagpinta. Sabi niya malaki ang maitutulong ko sa darating na digmaan."

"Pero paano kung makapagpinta ka nang mas malala sa nakita natin kahapon?"

Bahagyang nag-alala ang Prinsipe sa tanong ng kaibigan. Batid niyang hindi imposible na mangyari ito ulit.

"Kailangan ko na lang magpakatatag anuman ang makita ko sa aking mga pinta. Sa akin nakasalalay ang kapalaran ng ating Imperyo, hindi ko kayo dapat biguin."

"May tiwala ako sa'yo. Alam kong hindi mo kami bibiguin, ikaw pa?"

Nasiyahan si Graison sa mga banat ni Osylla. "Ano ba talaga ang gagawin ko kung wala akong kaibigan na katulad mo?"

Muling nadismaya si Osylla nang tawagin siyang kaibigan ni Graison, ngunit hindi na lamang niya pinahalata.

"Balak kong magpinta mamaya, ayos lang ba sa'yo kung sasamahan mo ulit ako?" alok niya na walang malay sa kanyang ginawa.

"Syempre naman," sumang-ayon naman ang dalaga.

***

Pinahanda na ni Lodell ang kanyang karwahe. Hindi na masikmura pa ng Mataas na Panginoon na manatili sa iisang lugar kung saan lihim na namamahay ang matandang mangkukulam. Hindi naging masaya ang pagbisita niya dahil kay Prinsipe Graison na kanyang kinainisan mula noong siya ay salungatin nito sa kanyang pagpapayo at lalong hindi nakatulong ang nalaman niya kay Ora tungkol sa kanyang malagim na kapalaran.

Napansin ng Emperador na iritable at nagmamadali na ito. "Sigurado ka na bang aalis ka na, Lodell? Baka naman gusto mo pang manatili ng ilang araw para makapag-usap pa tayo?"

"Buo na ang pasya ko, Kamahalan. Bigla akong sinamaan ng pakiramdam. Mainam na umuwi muna ako at makapagpahinga. Naririto ka na, hindi na ako kailangan dito. Isa pa, mas kakailanganin ako sa Kanluran. Iba pa rin kung naroroon ang Mataas na Panginoon sakaling sumalakay ang Kapatiran."

"Kung ganun, mag-iingat ka," napayakap sa kanya si Fierro. "Maraming salamat sa tulong na ipinadala mo sa akin. Isa kang totoong kaibigan. Hanggang sa iyong pagbabalik."

"Ipanalo nyo rin ang digmaang ito, nang sa ganoon ay makabisita pa ako." Pilit na lamang na napangiti si Lodell, sa totoo lang wala na siyang balak na bumalik sa Cenpyre matapos ang pangitain ni Tandang Ora. Tuluyan na siyang umalis kasama ang ilan sa kanyang pwersa pabalik sa Kanluran. Kaunti lamang ang sumama sa kanya sapagkat naiwan na ang iba sa Palasyo bilang dagdag tao ni Fierro, sakaling sumiklab na ang giyera.

Pagkaalis ni Lodell, napalingon si Fierro sa mga silid ng kanyang mga trabahador, pinagmasdan niya ang mga naninilbihan sa kanya at siya ay napaisip. Marami ang kanilang bilang. Lahat ay tapat na naglilingkod sa kanya pero walang nakakaalam sa mga kababalaghang nangyayari sa Palasyo, maliban lamang sa isa.

***

Abalang nagliligpit si Edina ng kanyang mga gamit sa kanyang silid. Paglingon niya sa may harap ay bigla na lamang sumulpot si Fierro. Muntik nang mapatalon sa pagkabigla ang babae at siya ay napahawak sa kanyang dibdib.

"Kamusta naman ang isa sa pinakatapat kong katiwala, Edina?"

"Ano pong kailangan nyo?" namamawis ang katiwala sa kanyang kinatatayuan.

"Tayong dalawa lang ang naririto, huwag ka ng magpanggap na ginagalang o nirerespeto mo ako. Nais ko lang malaman mula sa'yo dahil matagal na tayong di nakakapag-usap. Alam mo ang lahat ng lihim ko at kung ano ako. Sa kabila ng lahat ay nagtitiis ka pa rin dito sa Palasyo hanggang ngayon. Bakit nga ba?"

Humugot muna si Edina ng lakas ng loob bago sagutin ang halimaw na nasa kanyang harapan.

"Gusto nyo malaman kung bakit ako nagtitiis rito? Dahil kay Prinsipe Graison. Siya na lamang ang dahilan ng pananatili ko. Nangako ako kay Ysavel na poprotektahan ko ang mga anak niya laban sa'yo. Akala mo ba nakalimutan ko nang isa kang demonyo? Hindi ko malilimot ang ginawa mo kina Emperador Costan, Emperatris Ysavel at sa lahat ng mga kasamahan ko rito sa Palasyo na walang awa nyong pinaslang. Hindi ako naninilbihan para sa'yo."

Walang epekto kay Fierro ang mga insulto sa kanya ng katulong at siya ay nananatili lamang na kalmado sa kanyang pwesto. "Mabuti naman at naging totoo ka sa akin, alipin. Napahanga mo ako."

"Alam ko ang ginagawa nyo sa Mahal na Prinsipe," mapangahas na nilahad ng katiwala. "Alam kong ginagamit nyo siyang instrumento sa mga masasamang balak nyo. Ako na ang nagmamakaawa sa'yo, huwag nyo na siyang idamay rito. Kapag hindi nyo siya tinigilan-"

"Anong gagawin mo?" Sumingit sa kanya ang Mataas na Emperador. "Sasabihin mo sa kanya ang totoo? Itatakas mo siya? Huwag mo nang subukan at mabibigo ka lang. Sa tingin mo, sino ang paniniwalaan ni Graison, ako na kinikilala niyang Ama o ikaw na isang katulong lamang?"

"Yun ay dahil hindi niya alam kung sino at ano ka talaga! Hindi niya alam na wala kang kasing sama!"

Natatawang napailing ang Mataas na Emperador sa kanya.

"Sabihin mo sa akin, kung talagang kasing sama ako ng inaakala mo, kung isa nga akong demonyo gaya ng sinasabi mo, bakit mahal na mahal ako ni Graison at Grasiela?"

Hindi nakaimik si Aling Edina, alam niyang may punto si Fierro sa mga sinabi nito. Narinig niya mismo mula sa Prinsipe kung gaano nito kamahal ang inaakala niyang Ama.

"Nabigo kang iligtas si Ysavel sa akin noon, huwag ka ng umasang maliligtas mo si Graison ngayon."

Napaluha na lamang si Edina sa impyernong dinadanas niya. "Ano ba talagang balak nyo? Bakit hanggang ngayon hindi nyo pa rin ako pinapatay?"

"Kaya kong maging mabait sa mga sumusunod sa akin. Nananahimik ka lamang naman at wala kang ginagawang gulo. Isa pa, may pakinabang ka pa sa amin, sabi ng matandang bruha, ngunit sa oras na lumagpas ka sa lugar mo, matitikman mo ang galit ko at malalaman mo kung sino talaga ako."

Napansin niya ang pamumula ng mga mata ni Fierro at lalong kinilabutan ang katiwala sa kanyang mga banta.

"Siguro nga dapat kitang pasalamatan dahil tumutupad ka pa rin sa ating kasunduan, lalo na ang tungkol kay Ysavel."

Tinapik muna ni Fierro sa balikat ang katiwala bago niya ito iwan sa kanyang silid.

Halos mawalan ng lakas si Edina at siya ay napaupo na lamang siya sa kanyang kama . Bumalik sa kanyang gunita ang maraming mga bagay na hanggang ngayon ay gumigimbal pa rin sa kanya.

Labing-apat na taon na ang nakalipas, noong araw na nawala ang Emperatris, naghanda si Edina nang isang telang ipapambalot niya sa katawan. Balak niya itong ilibing at bigyan ng maayos na himlayan.

Pumasok siya sa silid para ibalot ang mga labi pero bigla na lamang siyang pinigilan ni Fierro at Tandang Ora.

"Lumayo ka sa kanya," hinablot siya ni Fierro sa leeg at hinagis papalayo kay Ysavel.

Agad na inakay ni Fierro ang bangkay at inilabas ito sa kwarto.

"Anong gagawin nyo sa kanya?" napasigaw na humabol si Edina kahit na siya ay nahihilo pa sa paghambalos ni Fierro. "Ibalik nyo siya rito!"

Dinala nila si Ysavel sa isa sa mga kwarto at sumunod si Edina sa kanila. Inilagay nila ang bangkay sa isang kakaibang higaan na animo'y maihahalintulad sa isang altar. Lumapit si Tandang Ora at siniyasat ang katawan.

"Gaano katagal na siyang wala?"

"Mga ilang oras na," naluluhang pinaalam ni Fierro.

"Ano ba talagang binabalak nyo sa amo ko? Patay na siya. Nakikiusap ako, patahimikin nyo na siya!"

"Ikaw ang tumahimik babae ka!" Sinaway siya ni Fierro na gigil na sa galit. "Hindi pa ako tapos sa'yo!"

Pagkatapos manahimik ni Edina, muling binaling ng Emperador ang pansin kay Ora at Ysavel."Magagawan mo ba ng paraan ito, mabubuhay mo pa ba siya?"

Nagulantang si Edina sa narinig ngunit siya ay patuloy na nanahimik. Maging siya ay nais ring mabuhay pa ang mahal niyang amo ngunit hindi sa ganitong pamamaaraan.

"Mahirap maibalik ang namayapa na sa kanyang katawang lupa, may alam akong ritwal ngunit walang kasiguraduhan na maibabalik ko pa ang buhay niya."

"Subukan mo! Gawin mo na," walang pag-aalinlangan siyang inudyukan ni Fierro sa kanyang pagkadesperado. "Ibalik mo sa akin ang pinakamamahal ko."

Pumikit si Tandang Ora, hinawakan ang palad ng ginang at isinagawa ang kanyang ritwal. Taimtim na nanonood si Fierro at Edina sa kanyang ginagawa. Makalipas ang limang minuto, namangha sila nang makita nilang nagkakaroon ng pagbabago sa anyo ng bangkay. Nawala ang pumumutla ng kanyang kutis at ito ay tumingkad. Nagkalaman rin ang nangayayat nitong katawan at nanumbalik rin ang kanyang ganda.

"Ysavel, malapit na, makakabalik ka sa akin." Nagagalak si Fierro sa nagiging resulta ng ritwal.

Sa kasagsagan ng ritwal, bigla na lamang napatigil si Ora at napabagsak sa kanyang kinarororoonan. Siya ay nanghina at nasaktan.

"Anong nangyari? Gumana ba?"

"Hindi kinakaya ng lakas ko," hinihingal na sambit ng matanda. "Tila malayo na ang nilalakbay ng kanyang kaluluwa sa kabilang ibayo."

"Subukan mo pa baka mayroon ka pang hindi nagagawa!" hindi pa rin nagpapatinag si Fierro sa pag-aasam niyang maibalik si Ysavel.

"Kailangan ko pa ng masusing pagtuklas para matutunan ang iba pang pamamaraan sa mga patay. Ang magagawa ko lang sa ngayon ay mapanatili siyang sariwa. Hindi dapat siya maagnas."

Hinawi ni Ora ang kanyang kamay at isang mahiwagang salamin ang bigla na lamang sumulpot mula sa kawalan. Nagsisilbi itong pananggalang sa katawan ng Emperatris.

"Sa ngayon, mananatili muna siya rito. Huwag mo siyang aalisin sa salaminan, sa oras na ginawa mo iyon, magsisimula ng mabulok ang kanyang mga labi."

"Kung ganun, papayag ako na itago siya rito. Tuklasin mo na kung paano siya mabubuhay, wala akong pakialam kahit ilang taon pa ang abutin!"

"Nababaliw na ba kayo?" muling nangialam si Edina. "Mga hayop kayo, nagpapahinga na si Emperatris Ysavel. Kahit ba naman sa kamatayan, aangkinin nyo siya? Hindi ako papayag na gawin nyo ito sa kanya. Nararapat na bigyan siya ng maayos na himlayan! Palayain nyo na siya, utang na loob!"

Nagliyab sa galit si Fierro at tinutukan niya ng kanyang nag-aalab na kamao ang katiwala. "Kanina pa ko naiinis sa'yo! Pakialamera ka, ngayon makukuha mo na kung ano ang nararapat sa'yo! Tutal mukhang di mo rin naman sasabihin kung saan nagtatago ang pamangkin mo at ang mga Prinsesa, ano pang pakinabang ko sa'yo? Oras na para masunog ka!"

Nakahanda na si Edina na tanggapin ang kanyang kapalaran.

"Huwag," pumagitna si Ora sa kanila at napigilan niya si Fierro. Hinawakan niya ang palad ng katiwala at pinakiramdaman ito.

"Bitawan mo ko!" inis na nilayo ni Edina ang kanyang kamay sa matanda.

"Iba ang nararamdaman ko sa mga palad niya, malamang mayroon siyang mahalagang gagampanan pagdating ng panahon. Hindi mo siya maaaring patayin."

Hindi ikinatuwa ni Fierro ang nalaman niya kay Ora lalo pa at napupuno na siya sa katulong.

"Sige, bubuhayin ko siya," napapayag ito at hinarap niya si Edina. "Ang kapalit nito ay maninilbihan ka sa akin sa ayaw at sa gusto mo. Itatago mo hanggang hukay ang lahat ng aming mga lihim at huwag mo nang tangkaing tumakas pa o pakialaman si Ysavel. Basta sumunod ka lang at manahimik, walang mangyayaring masama sa'yo."

Napagtanto ni Edina na hawak na siya ni Fierro sa leeg ngayon at siya ay natigilan. Hindi pa rin malimot ng katiwala ang araw na iyon na bumago sa kanyang buhay at nagbigay ng mabigat na pasanin sa kanya. Naluluha na lamang siya tuwing maaalala niya ang lahat ng ito.

***

Samantala, nakauwi na si Celso sa Palasyo mula sa Lupain ng Artemias, puslit-puslit niya ang isang makapal na sako.

"Ama, nakabalik na po kayo." Sinalubong siya ni Cymon.

"Oo, anak, nandito na ko," mahahalata sa mukha ni Celso ang saya.

"Ano po itong dala nyo?"

"Huwag kang maingay. Magsimula ka ng maghakot ng mga gamit natin at malapit na tayong umalis."

Naguluhan ang binatilyo sa Ama lalo pa at kakaiba ang kanyang mga kinikilos. "Ano pong sinasabi nyo? Di ko kayo maunawaan. Ano ba talagang nangyayari?"

Kinuha ni Celso ang isang sako ng ginto na binigay sa kanya ni Aurello bilang kabuuang bayad sa kanyang serbisyo. "Nakikita mo ba yan? Sa atin na yan. Mayaman na tayo, mabibili na natin lahat ng gusto natin, lupa, ari-arian, lahat! Di na natin kailangan magtrabaho pa."

Natuwa si Cymon sa sinabi nito, "ang galing talaga ng Ama ko. Saan po nanggaling ang mga yan?"

"Huwag ka ng masyadong maraming tanong, Cymon. May pinagawa sa aking trabaho at nagawa ko naman, yan ang bayad sa akin, yun lang ang kailangan mong malaman. Mahalaga makaalis na tayo rito."

Nagpatuloy sila sa paghahakot ng kanilang mga gamit.

"Hindi ba tayo magpapaalam sa Mataas na Emperador?" tanong ng anak.

"Hindi," tumutol si Celso, "hindi dapat nila malaman, mas mabuti kung maglalaho tayo na parang bula."

***

Maya-maya, matapos ang kanilang paghahakot, nakasalubong ni Celso si Edina sa may bakuran pagkalabas ng kanyang silid. Kung siya ay hindi magkamayaw sa tuwa, mahahalata naman ang pagdaramdam ng katiwala sa kanyang pinagdaraanan ngayon.

"Aling Edina, ayos lang ba kayo?"

"Ayos lang ako," sagot nito sa kanya.

"Umiiyak ka ba?"

"Wala ito, bagong hiwa lang ako ng mga sibuyas," umiwas si Edina kay Celso at tila nakahalata ito na may kakaiba sa kinikilos nito. Nagkabangga-bangga ang matandang katiwala at mukhang hindi mapakali.

Nagpasya itong sundan ang kasamahan. Nagmamadaling nagtungo si Edina sa ipinagbabawal na silid sa pag-usig ng kanyang konsensiya at wala siyang kamalay-malay na nakabuntot sa kanya ang espiya. Sa sobrang pagkabahala ng katulong, hindi na niya nagawang isara ang pinto.

Sumilip si Celso at namataan niyang lumuluha si Edina sa harapan ng bangkay ng isang babae.

"Patawarin mo ako," naluluhang sinambit ni Edina. "Paano ako humantong sa ganito na pinaabot ko ang kasamaang ito sa loob ng maraming taon?"

Natulala si Celso sa kanyang nasaksihan at patuloy siyang nakinig.

"Sobra na ang ginawa nila...pinagkaitan ka nila ng pagkakataon na makapagpahinga at hinayaan ko lang ito mangyari, wala man lang akong ginawa. Nawa ay mapatawad mo ko, Emperatris Ysavel."

Nanlaki ang ulo ni Celso sa nalaman at nanindig ang kanyang balahibo. Muli niyang tinuon ang mga mata sa bangkay at napagtanto niyang ito nga si Emperatris Ysavel. Hindi siya makapaniwala sa natuklasan. Lubos itong nagtaka sapagkat matagal na itong patay. Isang ideya ang pumasok sa kukote ni Celso. Ito na ang ebidensyang pinakahihintay ni Aurello at tiyak na matutuwa ito. Tapos na ang kanyang misyon sa kanya ngunit natitiyak niya na mas malaki pa ang ibabayad nito kapag nadala niya ang bangkay nito sa Artemias. Nagmadali itong umalis nang hindi nahahalata ni Edina.

"Huwag kayong mag-alala, baka may panahon pa para maitama ko ito. Hahanap ako ng paraan para alisin ka sa kapangyarihan nila at sa pagkakataong ito, sisiguraduhin kong mapapahinga ka na sa inyong himlayan....Pangako ko rin na patuloy kong aalagaan si Graison."

Nanalangin muna si Edina bago niya lisanin ang silid.

***

Bumalik si Celso sa kanilang silid at naliligalig na naghanda sa pag-alis. "Anak, maiwan muna kita rito ng ilang araw."

"Saan kayo pupunta?" Nagtaka na naman si Cymon. "Akala ko ba mag-eempake na tayo para umalis?"

"Tsaka na lang tayo aalis, may mahalaga akong dapat puntahan, babalik rin ako agad."

Wala na siyang sinayang na panahon at siya ay lumarga na paalis ng Sentralisadong Imperyo.

***

Pagsapit ng hapon, nagtungo ang magkaibigan sa silid ng Prinsipe. Baon ang panibagong determinasyon, muling kinuha ni Graison ang kanyang brotsa, ang mga pintura at ang iba pang kagamitang pangpinta. Nang alisin niya ang tela, sumingaw muli ang lamig sa buong kwarto.

Napausog si Osylla sa may sulok dahil siya ay giniginaw at hinayaan niya lang magpinta si Graison. Napapikit ulit ang Prinsipe at itinuon ang sarili sa pagpipinta. Kabaligtaran sa huli niyang pinta, sa pagkakataong ito, naramdaman ni Graison na kapayapaan at kapanatagan ang nangingibabaw sa kanyang kaisipan habang unti-unting nabubuo ang imahe. Naaaninag niya ang isa sa mga taong madalas niyang makita sa kanyang panaginip at tila pamilyar sa kanya.

Ang babae...sino ba talaga siya?

Makalipas ang ilang minuto, dumilat ang Prinsipe at natapos na niya ang kanyang pagpipinta. Tinignan niya nang may kagaangan sa kanyang kalooban ang panibago niyang likha.

"Osylla, pumunta ka na rito," alok niya sa kaibigan.

"Tapos na agad?" namangha ang kaibigan. "Ang bilis naman."

"Dali na," pag-udyok niya.

Lumapit si Osylla na nakapulupot ang mga kamay sa kanyang braso dahil sa lamig.

"Ano masasabi mo?"

"Tignan mo nga naman," napangiti ang dalaga. "Hindi naman pala nakakatakot ang pininta mo ngayon. Isang babae."

"Isang magandang babae," dagdag ni Graison.

Ang imahe ay si Emperatris Ysavel na nakasuot ng parehong byoletang bestida. Napakaganda niya sa nasabing pinta. Siya ay nasa isang tahimik na hardin at siya ay namimitas ng mga bulaklak.

"Sino siya?" May bahid ng pagseselos si Osylla, akala niya mayroong ibang babaeng kinahuhumalingan ang Prinsipe.

"Di ko rin alam kung sino siya, pero madalas ko siyang makita sa mga panaginip ko. Pamilyar siya sakin, di ko lang matukoy saan at kailan ko siya nakita. Ang ganda niya di ba? Parang isang anghel, siguro nga isa siyang anghel na nagbabantay sa akin."

Tinitigan maigi ni Osylla ang imahe at pilit siyang may minumukhaan sa nasabing babae. "Sa totoo lang...may hawig siya sa'yo."

"Tingin mo?" hindi inaasahan ni Graison ang komento ng dalaga.

"Pareho kayo ng mga mata."

Napatingin si Graison sa mga mata ni Ysavel at nakuha niya na ang pinupunto ni Osylla.

"Ngayong napagmasdan ko, oo nga, pareho kaming may asul na mata. May pagkakahawig nga kami. Ganyan siguro ang wangis ko kung naging babae ako."

"Higit ka pang mas maganda kaysa sa akin," biro ng dalaga.

"Duda ako dyan," kumpiyansang sinagot ng Prinsipe. "Siguro hindi mo lang madalas makita ang sarili mo sa salamin kaya di mo batid kung gaano ka kaganda."

"Huwag ka naman ganyan, Grai, baka masanay ako sa mga ganyang papuri mo sa akin."

Nagtawanan ang dalawa, pagkatapos ay sabay silang nagkatitigan. Nagtagpo ang kanilang mga mata na tila parehong may lalim ang mga tingin. Naglapit nang bahagya ang kanilang mga mukha, ngunit bumukas ang pinto at sila ay naantala.

"Mukhang masaya kayo," bungad sa kanila ni Fierro. "Baka nakakaistorbo ako."

"Hindi naman po Ama," paninigurado niya.

"Kamusta ka naman?" usisa ng Ama niya. "Nakapag-isip-isip ka na ba sa mga sinabi ko?"

"Opo, Ama, bumalik na po ako sa pagpipinta," nagagalak na inanusyo ni Graison.

"Magandang balita yan, anak. Alam ko naman na sa huli yan rin ang magiging pasya mo."

"Sa totoo lang tama ang dating nyo at mapapakita ko na ang pinta ko."

Maligayang ihinarap ni Graison kay Fierro ang nakatalikod na pisara at tinignan nito ang imahe. Natigilan ang Emperador sa nasilayan. Naantig ang kanyang emosyon nang muli nitong masilayan si Ysavel na buhay at gumagalaw kahit na ito ay pinta lamang. Labis ang ligaya ni Fierro sapagkat isa itong senyales na may posibilidad pa ngang bumalik sa pagkabuhay ang yumaong Emperatris at hindi na niya inalintana kung maalala ba ni Graison ang Ina.

Tumulo ang luha sa mga mata ng Mataas na Emperador nang hindi niya namamalayan. Nagtaka ang dalawa lalo na si Graison sapagkat ngayon niya lamang nakitang umiyak ang Ama.

"Ayos lang ba kayo, Ama?" may pag-aalalang tinanong ng anak.

"Oo naman."

"Bakit po kayo umiiyak?"

"Wala, siguro nadala lang ako ng emosyon. Natutuwa lang talaga ako dahil nagpatuloy ka sa pagpipinta mo. Masaya lang ako."

Gaya ng karaniwan, mabilis pa rin itong nakaisip ng maidadahilan.

"Masaya din po ako at sigurado ako kung naririto rin si Ina, matutuwa rin siya sa mga nangyayari."

-Lupain ng Wachtor-

Maririnig ang paghampas ng mga espada at pagtama ng pana na para bang isang digmaan ang naganap sa liblib at mataas na Kastilyo ng Wachtor. Nagsimulang magmartsa ang isang pulutong ng mga Kawal Wachtor paalis ng kanilang lupain.

Karga-karga ng ibang mga kawal ang dalawang katao.

"Ano pa hinihintay nyo? Ilagay nyo na yan at siguraduhin nyong makakarating ng buhay ang dalawang yan kundi malilintikan tayo." Nagbigay ng utos ang namumuno sa kanila.

Kumuha ang mga kawal ng kariton at doon nila nilagay ang dalawa. Ito ay sina Emperatris Grasiela at Panginoong Ocillo. Kapwa walang malay ang dalawa ngunit hindi naman sila duguan. Nagpatuloy ang mga Kawal sa kanilang martsa.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro