Kabanata 11: Covel
-Kampo ng Kamatayan:
Isang Taon Na Ang Nakaraan-
Naglalakad si Jiaruz sa may kampo, dala-dala ang isang parihabang lalagyanan. Hindi pa man siya nakakarating sa loob, naririnig na niya ang walang humpay na paghataw ng latigo. Batid na niya kung sino ang humahambalos nito at siya ay napailing sa ginagawa nito.
Kasalukuyang pinapahirapan ni Wharen ang mga Itmai at Puttlan na babagal-bagal sa kanilang mga trabaho. Naabutan ni Jiaruz na ito ay nangingitngit sa galit sa mga bilanggo.
"Manhid na ba yan?" bungad ni Jiaruz sa kaibigan.
Napalingon si Wharen sa kaibigan at napangisi. "Andito ka na pala agad, kamusta ang lakad mo?"
"Matagumpay," kwento niya. "Pinaslang na namin ang mga nag-aalsang rebelde, nabawasan na naman ang mga kumakalaban sa atin ngayon."
"Sayang naman at pinatay mo agad, sana dinala mo muna rito para napahirapan ko muna."
"May iba pa kasi akong pinagkakaabalahan kaya minadali ko na ang pagpunta nila sa impyerno." Ipinakita ni Jiaruz sa kanya ang lalagyanan, "may ibibigay nga pala ako sa'yo, kaibigan."
"Ano naman yan?" mukhang hindi ganado ang Mataas na Komandante sa kanyang handog.
"Nakalimutan mo na bang kaarawan mo ngayon, Wharen?"
Muling napangisi si Wharen nang maalala niyang kaarawan niya nga. "Alam mo namang hindi ako nagdidiwang ng kaarawan ko, wala akong panahon sa ganyang kalokohan."
"Oo nga pala, mas nais mo nga palang manlatigo at kumastigo," biro ng kanyang kaibigan.
"Ano ba yan?" Hinablot ni Wharen ang lalagyanan. Binuksan niya ito at napakunot ang noo niya sa nilalaman. "Talaga? Isang tarak?"
Inilabas niya sa lalagyanan ang parehong tarak na ginagamit niya sa pagpatay sa kanyang mga biktima ngayon.
"Kung ayaw mo, sasaksak ko na lang sa baga mo," banat ni Jiaruz nang mapansin nitong hindi nasiyahan si Wharen.
Natawa si Wharen sa sinabi niya. "Ano naman ang gagawin ko dyan? Mas natuwa pa sana ako kung isang latigo pa ang niregalo mo sa akin."
"Di ka pa ba naumay sa paglalatigo mo? Bahala ka na kung anong gusto mong gawin dyan, ipangbalat mo ng prutas, gawin mong laruan. Yan lang kasi ang naisip kong magugustuhan ng isang marahas na kagaya mo."
"Tatanggapin ko to, pero di ko pa rin alam kung saan ko ito magagamit. Di ako palagamit ng ganitong armas, masyadong mabilis at malinis, hindi ako ganun."
Batid ni Jiaruz na totoo sa kanyang salita ang kaibigan, gaano man ito kalupit.
"Itago mo na lang, malay mo dumating ang panahon na kailanganin mo yan. Kung halimbawa, may isang taong minsang naging mahalaga sa'yo pero dapat mo na siyang dispatsahin at gusto mo bigyan siya ng mabilis at malinis na kamatayan, maari mong gamitin sa kanya. Hindi natin masasabi."
"Malamang gagamitin ko lang to pangpatahimik ng mga babaeng titikman ko, pero salamat pa rin at naalala mo ko, kaibigan."
Tinapik lamang ni Wharen sa balikat ang kaibigan bilang pasasalamat.
***
Balik sa kasalukuyan, isang liham ang natanggap ni Wharen sa kadiliman ng gabi. Binasa niya ito at siya ay napangisi, tila isang plano na naman ang nabuo sa kanyang isipan.
-Kanlungan ng Kanluran-
Kinaumagahan, abala si Toro sa paghahasa ng kanyang espada nang dumating si Itoi kasama ang Kuya Covel.
"Gandang araw, Kuya Toro," masiglang nilapitan ni Itoi ang bagong kaibigan
"Gandang araw din, Itoi," pagbati ni Toro sa kanya
Taimtim na pinagmasdan ng bata ang kanyang ginagawa, napaisip ito at napukaw ang kanyang kuryusidad. "Ano po gawa mo?"
"Naghahasa ako ng espada."
"Espada? May espada rin, Itoi!" lalong nanigla ang bata. "Mamaya laro uli tayo."
"Sige, mamaya," napapayag naman si Toro at bahagyang napangiti sa bata. "Pagkatapos ko."
Pagkaalis ni Itoi, dahan-dahang lumapit si Covel kay Toro, nag-iingat pa rin siya sa nakaalitang kasamahan. Humanap siya ng tamang bwelo para kausapin ito ng maayos. "Magkasundo na pala kayo ni Itoi, hindi ko inaasahan yun."
"Kaya ko rin palang tiisin ang kakulitan niya, aaminin ko, kailangan talaga ng mahabang pasensya." Sinagot siya ni Toro habang patuloy siya sa paghahasa, higit na mahinahon ang tono nito kahit na nananatili pa ring seryoso ang kanyang mukha.
"Nais ko nga palang magpasalamat sa'yo dahil nilibang nyo ang kapatid ko habang wala kami," nararamdaman ni Covel na mukhang magiging maayos ang takbo ng kanilang usapan ngayon.
"Ano pa nga bang magagawa ko?" May bahid ng pagkayamot sa tono ni Toro. "Hindi niya ko tinantanan hanggang sa mapasali na ko sa laro nila."
"Pasensya ka na sa kanya," nahihiyang sambit ni Covel.
Hindi na siya sinagot ni Toro, napagpasyahan niyang ito na ang pagkakataon upang diretsahin ito.
"Alam kong gaya kay Itoi, nagtitiis ka lang rin na naririto ako. Hinihiling ko lang na sana ay magkasundo na rin tayo."
Nakasimangot na napalingon si Toro sa Prinsipe at napaisip ito ng malalim bago siya sagutin. "Sa ayaw ko man o sa gusto ko, si Pinuno ang may nais na dumito ka at siya ang masusunod. Para sa Kapatiran at sa Kanluran, kaya kong isaalang-alang ang anumang alitang namamagitan sa ating dalawa. Basta iisa ang ating layunin at hindi ka tumataliwas sa aming prinsipyo, asahan mong magkakaisa tayo."
"Mabuti naman kung ganun," napangiti si Covel at umaliwalas ang kanyang mukha. "Natutuwa akong marinig yan galing sa'yo."
"Huwag ka munang magbunyi, Kamahalan," sa kabila nito, hindi pa rin natitinag ang pagkaseryoso ni Toro, "sabi ko magkakaisa tayo, pero hindi ibig sabihin na magkaibigan na tayo."
Natunaw ang saya kay Covel, napagtanto niyang malamig pa rin ang pakikitungo sa kanya ni Toro. Umalis na ito bago pa man makasagot sa kanya ang Prinsipe.
Nakalimutan kong Toro nga pala ang tawag sa kanya. Mukhang mainit pa din ang dugo niya sa akin.
***
Pagkalipas ng ilang saglit, nagtungo si Covel at Itoi sa kanilang tolda. Abala si Itoi sa paglalaro ng kanyang manikang kahoy habang si Covel naman ay nagpapahinga sa kanyang higaan. Pumasok ang isang lalaki sa tolda at napatigil si Itoi sa paglalaro. Ito ay walang iba kundi si Ermin.
"Itay!" Nagagalak na nilapitan ni Itoi ang kanyang Ama.
"Anak," kinalong ni Ermin ang kanyang bunso at niyakap ito nang mahigpit. "Nanabik ako sa iyo, di ka ba nagpasaway rito?"
"Huwag mo ng tanungin, Itay," pabirong sumingit si Covel. "Maraming ginawang kalokohan itong si Itoi habang wala kayo."
"Hindi ah!" naasar ang bata sa sinabi ng kanyang Kuya.
"Covel," binaba muna ni Ermin si Itoi at binati ang anak-anakan.
"Itay." Maligayang nagyakapan ang mag-ama na matagal ring hindi nagkita.
"Kulev di sabi totoo, Itay huwag maniwala Kulev," patuloy pa rin ang pagkontra ni Itoi sa pinahayag ni Covel, akala niya seryoso ito sa mga sinabi niya sa Ama.
"Sigurado ako binibiro ka lang naman ng Kulev mo," pinakalma ni Ermin ang anak niya na nagmamaktol.
"Tama naman si Itoi," nagseryoso na si Covel at binawi ang biro. "Naging mabait naman siya, sa katanuyan siya ang nagbibigay saya dito. Lahat ng kasapi ay nalilibang sa kanya."
Pinanggigilan ni Ermin ang anak at piningot ang pisngi nito. "Aba nakakatuwa naman ang anak ko."
"Itay, mabuti at nakabalik na kayo," sabi ni Covel. "Kamusta naman ang paglalakbay nyo?"
"Mahaba at nakakapagod," mahahalata nga sa mata ni Ermin na siya ay pagod sa paglalakbay.
"Mukha nga. Sila Inay at Eryn kamusta sila?"
"Ayun, nalulungkot dahil wala kayong dalawang makulit sa bahay, buti na lang at naging kaibigan ng Inay mo ang ibang Itmai at Puttlan."
"Mabuti naman at kahit paano naibsan ang lungkot nila. Nananabik rin ako sa kanila madalas."
"Medyo naging abala lang kami ng Inay mo kay Eryn," pinaalam ng kanyang Ama.
"Bakit po, may nangyari po ba?" nag-alala siya para sa kapatid.
Napangiti nang may bahid ng pagkailang si Ermin, "nagdadalaga na kasi ang kapatid mo."
Nasorpresa si Covel sa nalaman. "Sandali, huwag nyong sabihing nagsimula na siyang..."
"Ganoon na nga," kinumpirma ni Ermin. "Iyak nga ng iyak, di niya pa maunawaan ang mga pagbabago sa kanya, kinausap na siya ng Inay mo, pinaliwanag na niyang normal lang ito at lahat ng babaeng kasing edad niya ay dadanas rin nito."
"Kayang-kaya niya yan, si Eryn pa. Napakatatag din niya. May iba pa ba kayong balita?"
"Balita tungkol saan? Wala naman ako pinuntuhan kundi ang Kabundukan."
"Pasensya na Itay, nagbabaka-sakali lang ako, umaasa na sana may balita na kayo sa mga kapatid ko."
Hanggang ngayon ay umaasa pa rin si Covel na isang araw bigla na lamang silang lilitaw sa kanilang pinagtataguan at muli silang magkikita. Iniisip niyang hindi naman masamang umasa .
"Wala akong balita sa kanila, ngunit anak..."
"Ano po yun?" taimtim na tinanong ng anak, nakahandang makinig sa Ama-amahan.
Tila nagpigil lamang si Ermin sa nais nitong sabihin. "Marami pa tayong dapat pag-usapan, anak, sa ngayon magpapahinga muna ako at napagod rin ako sa pag-uwi."
May nararamdaman akong kakaiba kay Itay ngayon, hindi ko lang mawari.
-Kampo ng Kamatayan-
Dumating na ang araw ng paghahatol ni Wharen kay Jiaruz. Nang matanggap niya ang liham ng isang Tagapamahala sa isang Pabrika sa Arvath na nagsasabing may mga tinatago silang Puttlan at marami ang bilang ng mga batang naroroon, naisip niyang ito na ang tamang pagkakataon para tuluyang alisin sa landas niya si Jiaruz. Alam niyang magugulo ang isip ng karibal sa gagawing operasyon dahil kahinaan nito ang pagpatay sa mga bata.
Kahit na sinubukan nitong makipag-ayos at bumawi sa kanya, hindi pa rin nagpadala si Wharen. Alam niyang upang makuha ulit ang pabor ni Lodell, kinakailangang mawala na si Jiaruz na isang malaking banta sa kanyang posisyon at kapangyarihan.
Lihim na tinipon ng Mataas na Komandante ang lahat ng tauhan ni Jiaruz. "Alam nyo na kung ano ang gagawin nyo pagdating nyo sa Pabrika ng Arvath?"
"Malinaw na po, Mataas na Komandante," sagot nila, "papatayin na namin lahat at uunahin namin ang mga bata."
"Huwag nyong kalimutang isunod si Jiaruz, siguraduhin nyong hindi na siya lalabas sa lugar na iyon ng buhay," mahigpit niyang inulit sa kanila.
"Masusunod po."
"Pag napatay nyo na siya, dalhin nyo sakin ang kanyang ulo. Patayin nyo na rin pati ang Tagapamahalang nagsuplong, hindi ko na siya kailangan."
Nagtaka naman ang isang Tagapuksa sa ipinag-uutos ng kanilang Pinuno. "Matanong ko lang po, bakit nais nyo pong paslangin ang aming Komandante?"
Tinignan ni Wharen nang masama ang usiserong Tagapuksa at nanggalaiti siya sa inis. "Hindi kita binayaran para kwestyunin ako, binayaran ko kayong lahat para sundin ang lahat ng inuutos ko!"
"P-Pasensya na po," nautal sa nerbyos ang isang Tagapuksa, pagkatapos siya ay lumingon siya sa kasamahan at sinaway ito, "tumahimik ka na nga lang."
"Pauna pa lang ang bayad ko sa inyo, hindi ba Komandante nyo si Jiaruz? Pag napagtagumpayan nyo ito, itataas ko ang ranggo nyo. Lahat kayo magiging Komandante. Ayaw nyo ba yun?"
Nagkangitian ang mga balimbing na Tagapuksa at sila ay nagbunyi sa pinangako ni Wharen.
"Paano naman po pag dumating ang Kapatiran?" tanong ng isa sa kanila.
Natahimik ang Mataas na Komandante at napaisip ng malalim.
"Nawala sa isip ko ang Kapatiran...kung ganun hayaan nyo sila. Mas gusto ko pa nga yun, sabay-sabay nang mawawala ang lahat ng mga kaaway ko, mas marami tayo sa kanila, siguro naman hindi nila kayo maiisahan."
Kinuha ni Wharen ang kanyang tarak at binigay ito sa kanila, "isa pa nga pala, kitilin nyo siya gamit ito, isang gilit lang sa leeg o sunggaban nyo sa likod. Dapat maging madali at malinis ang kanyang pagkamatay. May pinagsamahan naman kami. Gawin nyo ang lahat ng inuutos ko sa inyo, nagkakaintindihan ba tayo?"
Sumaludo sa kanya ang lahat, "Masusunod po, Mataas na Komandante."
-Gremon-
Sa bayan, ipinagpatuloy ni Tukmul ang pagiging espiya niya para sa Kapatiran. Siya ay nagkunwaring pulubi pa rin kahit na ngayon ay may maayos na siyang tirahan sa taguan.
Bago umalis para sa kanilang operasyon, tumambay muna malapit sa tindahan ng alak ang dalawa sa mga Tagapuksa. Nag-ikot-ikot si Tukmul sa paligid upang siya ay mapansin ng dalawa at sa ganoon ay makakalap siya ng balita.
"Hoy, palaboy punta rito!" Gumana ang kanyang pagpapapansin at siya ay tinawag.
Lumapit si Tukmul na kunwari ay walang kamuwang-muwang sa paligid.
"Ibili mo nga kami ng alak." Inabutan nila ng pera si Tukmul at bumili siya ng dalawang bote para sa kanila.
"Ito po, dalawang bote ng alak para sa dalawang makisig at butihing ginoo."
Nagsimulang mag-inuman ang dalawa ngunit napatigil ang isa na tila may inaalala.
"Iinom ba talaga tayo? May operasyon pa tayo mamaya sa kabilang bayan."
"Kaunti lang naman at isa pa, malapit lang naman ang Arvath dito," walang pangambang sambit ng kanyang kasama at siya ay tumuloy sa paglaklak ng alak.
Pasimpleng nakinig si Tukmul sa pinag-uusapan ng dalawa. Inakala ng dalawa na siya ay tatanga-tanga lamang sa paligid.
-Kampo ng Kamatayan-
Bandang tanghali, tinipon ni Jiaruz ang kanyang mga Tagapuksa para isagawa ang kanilang paghuli sa mga nagtatagong Puttlan. Pinaghanda niya ang buong hanay sa kanilang pormasyon, walang kamalay-malay sa plano sa kanyang buhay.
Bago umalis, nilapitan siya ni Wharen at niyakap siya nito. "Mag-ingat ka, kaibigan. Pinapanalangin ko ang ligtas mong pagbabalik."
Tila nahiwagahan ang Komandante sa inasal ni Wharen. Kahit kailan ay hindi pa siya niyakap nito, ngayon lamang.
"Napapakapanibago ka, kaibigan, pero salamat."
Tuluyan nang umalis ang pwersa ni Jiaruz patungo sa Lupain ng Arvath.
"Paalam, Jiaruz," bulong ni Wharen sa sarili habang pinapanood ang paglisan nito.
-Kanlungan ng Kanluran-
"Pinuno," nagmadaling bumalik si Tukmul sa lungga at siya ay hinihingal pa sa sobrang pagtakbo.
"Tukmul, anong nangyari, may nakalap ka bang balita kung ano ang susunod nilang aksyon?" tanong ni Haurre.
"Syempre po meron...ako pa ba?"
"Tama na ang yabang sabihin mo na," nayayamot siyang diniretso ni Toro.
"Ito na nga...biglaan lang to. Narinig ko sa dalawang Tagapuksa na mamaya daw ay tutungo sila sa Arvath. Mayroon daw silang malaking huli! Sabi nila, may grupo ng mga Puttlan na ilang buwan ng nagtatago sa isang pabrika doon at balita ko nagsumbong ang Tagapamahala sa Mataas na Komandante mismo, nilaglag sila!"
Napailing ang Pinuno sa balitang nakalap. "Kaawa-awang mga Puttlan, sigurado akong nakahanda na ang patibong para sa kanila, wala silang kamalay-malay na inaabangan na sila. Kailangan na nating kumilos agad...Tukmul, nalaman mo ba kung saan ang pabrika?"
"Nakuha ko po ang pangalan, Pinuno, at tinanong ko na rin ang daan."
"Magaling, mapapakinabangan din pala ang pag-eespiya mo."
Tinipon agad ni Haurre ang lahat sa pagpaplano ng gagawin nilang paglusob.
"Ano po ang plano, Pinuno?" tanong ni Covel.
"Pupunta na tayo sa Arvath ngayon."
"May oras pa ba tayo, Pinuno?" Namomroblemang inusisa ni Jualem, "malamang sa mga oras na to patungo na ang mga Tagapuksa doon."
"Sigurado mauuna sila sa atin, pero huwag kayong mawalan ng pag-asa, maliligtas pa rin natin sila. Ganito ang mangyayari, mamanmanan natin sila at paliligiran natin ang buong pabrika. Sasamantalahin natin ang pagkakataon habang abala sila sa paghuli, doon na tayo kikilos ng palihim. Papasukin natin ang loob at ililigtas natin ang mga bihag. Maghanda na kayo at aalis na tayo."
"Aalis tayo?" sumulpot si Itoi sa gitna ng kanilang pulong. "Pwede sama Itoi?"
"Hindi pwede, Itoi, mapanganib ang pupuntahan namin," sagot ni Covel sa kapatid.
"Mabuti siguro may maiwang isa sa atin para magbantay sa bata," suhestyon ni Haurre. "Gavy, mababantayan mo ba siya?"
"Alam nyo pong magagalak akong samahan si Itoi ngunit napagpasyahan ko pong sumama sa laban."
"Sigurado ka na ba?" may pag-aalangan sa tanong ng Pinuno.
"Oras na po para masubok ako, kung nagbunga ba ang pagsasanay ko sa pakikipaglaban, nais ko pong tulungan kayo," desidido na talaga ang dalaga na sumabak sa digmaan.
"Pinuno, huwag kayong mangamba kay Gavy," paninigurado ni Covel. "Ilang beses na kaming lumakad ng magkasama, kaya niya ang kanyang sarili, ako na rin po ang bahalang magbantay sa kanya."
Napasulyap ang dalagita sa Prinsipe na medyo namumula ang pisngi. Natutuwa siya sa malasakit na ipinapakita nito sa kanya.
"Sige kung yan ang gusto nyo," hindi na siya pinagbawalan ng Pinuno. "Ermin, mabuti siguro na maiwan ka muna para masamahan mo ang anak mo. Kagagaling mo lang rin sa paglalakbay mula sa Nievah, malamang pagod ka at kailangan mo rin magpahinga."
"Nakakahiya naman Pinuno kung wala akong maitutulong sa inyo," tugon sa kanya ni Ermin.
"Sobra-sobra na ang naitulong mo lalo na noong dinala mo rito ang Kamahalan, tama lang na makabawi ako sa inyo, kailangan mo ng oras kasama ang iyong bunso."
Dahil sa kanyang sinabi, napapayag na si Ermin na maiwan muna sa kanilang lungga.
-Lupain ng Arvath-
Ang Lupain ng Arvath ay isang maunlad na pamayanan na katabi ng Gremon. Ito ay sagana sa mga establishamento at pabrikang nagyayari ng mga tela at iba pang kagamitang pinapadala nila sa iba't-ibang Lupain ng Kontinente ng Kanluran. Sa kabila nito, maituturing pa rin na masukal ang lugar dahil ito ay madamo at napapaligiran din ng mga kakahoyan at kagubatan.
Matatagpuan ang pabrika ng kagamitang bakal malapit sa kagubatan. Katamtaman lamang ang laki nito para sa isang establishamento at sapat na para pagtaguan ng grupo ng mga katao. Gawa sa purong bato ang pabrika. Kwadrado ang porma at mayroong isang malaking tsiminea sa bubungan na nagbubuga ng usok sa may dulo.
Abala ang mga nagtatagong Puttlan sa paghahakot ng kanilang mga gamit. Matapos ang ilang buwang pananatili sa pabrika, sinabihan sila ng Tagapamahala na darating na ang Kapatirang susundo sa kanila upang sila ay dalhin sa mas ligtas na lugar. Lingid sa kanilang kaalaman, niloloko lamang sila ng Tagapamahala. Ang katotohanan ay sinuplong na niya ang mga ito kay Wharen dahil nagiging pabigat na sa kanya ang pinapalamong lahi. Tunay ngang madaling magbago ang tao gaya ng panahon, ang minsa'y kaibigan mo ngayon, kaaway mo na bukas.
Lumipas na ang ilang oras ngunit wala pa rin ang kanilang sundo. Nagsimula ng mainip ang mga nakahilerang Puttlan sa may bulwagan ng pabrika.
"Nasaan na ba ang Kapatirang susundo sa amin?" tanong ng isang lalaking Puttlan.
"Matagal pa ba sila?"
Nakatayo sa kanilang harap ang Tagapamahala. Siya ay malaking tao, maihahalintulad sa baboy ang pamumula ng kanyang balat at kakaunti na lamang ang natitira sa kanyang puting buhok.
"Huwag kayong mag-alala, paparating na sila," sagot ng Tagapamahala na may masamang ngiti sa kanyang mapulang pisngi.
Sumilip siya sa may bintana at namataan niyang nakarating na ang hukbo ni Jiaruz. Sumenyas ang traydor at agad na humagibis sina Jiaruz at ang kanyang pwersa papasok sa loob. Naghiyawan sa takot at ligalig ang lahat ng mga Puttlan na nagkukumpulan sa pabrika. Napayakap na lamang ang mga magulang sa maliliit nilang mga anak.
"Walang kikilos ng masama, itaas ang mga kamay!" tinutukan ni Jiaruz ng pana ang mga Puttlan. "Sa ngalan ng Mataas na Panginoong Lodell, kayo ay aming dinarakip!"
Sa labas ng pabrika, nakarating na ang mga tagapagligtas at pinapaligiran na nila Covel, Haurre at ng buong Kapatiran ang bawat sulok. Nasulyapan na nila ang ilang Tagapuksang nagbabantay sa labas at sila ay patuloy na nagmamanman habang nakakubli sa may damuhan.
"Maawa na po kayo sa amin! May mga anak kami!" umiiyak na napaluhod sa kanila ang isang ginang.
Bahagyang nadala si Jiaruz sa pagmamakaawa ng isang ina lalo na noong makita niya ang musmos nitong kupkop, ngunit tumindig siya at hindi nagpahalata.
"Manahimik kayo! Sumama na lang kayo sa amin at huwag na kayong magtangkang tumakas pa kung ayaw nyong masaktan. Dakpin na ang mga yan!"
"Masusunod po, Komandante," may kakaibang diin sa tono ang kanyang tauhan sa pagsabi nito.
Kinuha ng Tagapuksa ang kanyang pana at walang paligoy-ligoy niya itong tinira sa isa sa mga anak ng Puttlan. Tinamaan ang batang lalaki sa dibdib na mabilis niyang ikinasawi. Napahiyaw at handusay sa hinagpis ang ina ng bata. Maging si Jiaruz ay nagulantang rin sa pangyayari. Hindi niya ito inaasahan.
"Anong ginawa mo? Bakit mo pinatay? Ang utos ni Wharen ay dakpin ang mga yan ng buhay! Hindi ka sumusunod!"
Hindi pinakinggan ng Tagapuksa si Jiaruz at di pa rin ito natitinag sa kanyang pwesto.
"Makinig ka sa akin, ako ang Komandante mo!"
"Pasensya na pero iba na ang sinusunod namin ngayon," sagot nila.
Sabay-sabay nilang tinutok ang kanilang mga pana sa kanilang Komandante na lubos na ikinabigla ni Jiaruz. Napagtanto niyang napagkaisahan na siya.
Maging ang Tagapamahala ay nagtaka rin, "anong nangyayari rito?"
Wala ng inaksayang oras pa ang mga Tagapuksa at agad nilang pinana ang Tagapamahala. Bumagsak ang duguan nitong bangkay malapit sa mga Puttlan at sila ay lalong napasigaw sa sindak.
Sumunggab ang isang Tagapuksa sa likuran ni Jiaruz at itinutok sa leeg niya ang tarak na binigay niya kay Wharen.
"Pasensya na at napag-utusan lang."
Napatingin si Jiaruz sa tarak at napag-alaman niya na si Wharen ang may pakana nito. "Sabihin mo sa nag-utos sa inyo na pagsisisihan niya ito."
Samantala sa labas naman, nagbigay na ng hudyat si Haurre. Lumitaw mula sa damuhan ang mga kasapi ng Kapatiran at sila ay umatake sa mga Tagapuksa na parang mga mababangis na leon.
Isasaksak na ng Tagapuksa ang tarak sa leeg ni Jiaruz nang bigla silang nakarinig ng kaguluhan sa labas.
"Ang Kapatiran! Nilulusob tayo!" sumigaw ang isang bantay mula sa bintana.
Sinamantala ni Jiaruz ang pagkakataon upang makalaban sa kanila at nagsimula ng magkagulo sa loob ng pabrika. Kumawala siya sa pagkakabihag. Nakipagpanaan siya sa mga dating tauhan at mayroon siyang tinamaan. Sinubukan din siyang panain ng mga umuusig sa kanya ngunit agad na ginawang panangga ni Jiaruz ang isang lalaking Puttlan at siya ang tinamaan.
Nagsimula na rin makipaglaban si Covel, Haurre at ibang miyembro ng Kapatiran. Sinuntok ng Pinuno ang nakabantay na guwardiya mula sa likuran at agad niyang binalian ito ng leeg. Sunod na sumugod ang ibang Tagapuksa sa kanya, kinuha ng Pinuno ang kanyang espada at sila ay nagsagupaan.
Gamit ang kanyang matalas na sibat, hinarap ni Covel ang kanyang mga kalaban. Matagumpay niyang nasasaksak sa bawat direksyon ang mga Tagapuksa na may angking lakas at liksi sapagkat nasanay na siya ng Pinuno sa pakikipaglaban. Sunod niyang ginamit ang kanyang pana at inasinta niya ang mga papalapit na bantay sa paligid.
Si Gavielle naman ay masigasig ring nakikipaglaban gamit ang pana, nasilayan niyang mayroong papalapit na Tagapuksa sa likod ni Covel na may dalang espada.
"Covel!" binalaan niya ang Prinsipe at sabay niyang pinakawalan ang tirang pumaslang sa papasugod na kalaban.
Napalingon si Covel kay Gavielle at nakangiti itong napatango sa pagligtas sa kanya ng dalaga.
Sa loob, habang patuloy na nakikipagrambulan ang Komandante sa mga tumutugis sa kanya, nagtakbuhan ang mga bihag na papalabas sa may pinto. Nang makita ni Jiaruz na bumukas ang pinto, tumakbo din ito kasabay ng mga Puttlan na nag-uunahan sa paglabas.
Namataan ni Haurre na tumatakbo papalayo ang mga Puttlan mula sa loob ng pabrika at nagsimula ng paslangin ng mga Tagapuksa ang kanilang mga bihag. Ilan sa kanila ang tinamaan ng kanilang mga pana.
"Iligtas sila!" atas ng Pinuno sa kanyang mga tauhan.
Nakipaglaban sina Toro, Ronis, Kamlon at Nolan sa mga Tagapuksa habang inaasikaso naman nina Jualem, Buto, Bilbel at Tukmul ang pagtakas ng mga bihag.
Sa kasagsagan ng kanilang pagkatakas mayroong isang batang lalaki ang napag-iwanan ng kanyang mga magulang. Hinablot siya ng isang Tagapuksa para patayin.
Napatigil sa pagtakbo si Jiaruz nang makita niya ang umiiyak na bata at siya ay natulala, tila may naalala siyang pangyayari sa kanyang buhay noong siya ay musmos pa lang kagaya niya.
Bago pa tagain ng Tagapuksa ang bata, humarang si Jiaruz sa kanya at sila ay nagbuno sa tarak. Sa kasamaang palad, nadaplisan siya ng tarak sa bandang sikmura at siya ay napabagsak sa pamimilipit. Naroroon rin si Gavielle at bago pa man mapaslang si Jairuz, agad nitong pinana ang Tagapuksa.
Nanlaki ang mga mata ng dalaga sa gulat nang makilala niya ang nasugatang protektor ng bata. Naalala niyang ito ang hangal na humuli sa kanyang Kuya Donello. Hindi siya maaaring magkamali.
Kahit na sugatan na, nilapitan pa rin ni Jiaruz ang bata at inudyukan ito. "Tumakas ka na, bilis bago ka pa mapahamak!"
"Tukmul, Itakas mo na ang bata," saad ni Gavielle at agad na dinala ni Tukmul ang bata sa kanyang mga magulang.
Patapos na ang labanan at di nagtagal ang lahat ng Tagapuksang nais pumaslang kay Jiaruz at sa mga Puttlan ay naubos na nila.
Naluluhang lumapit sa kanila ang mga Puttlan na nailigtas nila. "Maraming salamat Kapatiran at dumating kayo, utang namin ang buhay namin sa inyo."
"Tunay ngang hulog kayo ng langit sa aming mga sawimpalad."
Napayakap kay Haurre ang ilang umiiyak na ginang.
"Walang anuman, ang mahalaga ngayon ay makaalis kayo rito at madala kayo sa ligtas na lugar. Alam kong ang iba sa inyo ay nawalan ng mahal sa buhay at nais nyong magpaalam sa kanila ngunit kailangan nyo ng makaalis sa lalong madaling panahon. Kami na ang bahala sa kanilang mga labi. Jualem, Ancho, Tukmul pakisamahan sila at ituro ang daan sa Kabundukan."
"Masusunod, Pinuno," saad ni Ancho.
Lumarga na ang tatlo kasama ang mga naligtas na bihag.
Nagmasid si Haurre at Covel sa paligid at namataan nila ang ilang Puttlan na napaslang sa kanilang engkwentro. Ang iba sa kanila ay mga batang hindi nalalayo sa edad ni Itoi.
Nakakaawa naman sila...hindi man lang nabigyan ng pagkakataon na mamuhay ng mapayapa.
Pinagsama-sama nila ang bangkay ng Puttlan.
Maya-maya, natagpuan nilang nakatayo si Gavielle malapit sa isang sugatang Tagapuksa.
"Anong meron dito? Ayos ka lang ba?" nag-aalalang tinanong ni Covel kay Gavielle nang makita niya itong tulala at nangingilid ang mga luha.
Pinagmasdan ni Haurre sugatang lalaki sa may damuhan.
"Tagapuksa rin ang isang ito at mayroong mataas na katungkulan sa Kampo," napaghalataan ni Haurre base sa kasuotan ni Jiaruz na naiiba sa kanyang mga tauhan. Mas elegante ang kanyang uniporme at mayroon din siyang mga nakasabit na malaking tsapa.
Kikilos na sana si Jiaruz ngunit pinaligiran ng Kapatiran sa bawat direksyon ang sugatang kalaban.
"Kapatiran, kayo pala," napangisi si Jiaruz habang nagdurugo ang bibig sa kanyang pinsala. "Ihahatid nyo na ba ako kay kamatayan?"
"Hindi lang kamatayan ang nababagay sa'yong demonyo ka!" nanggigil sa pagkamuhi si Gavielle.
"Magkakilala kayo?" Usisa ni Covel.
"Siya ang hayop na humuli kay Kuya at umusig sa akin," pinaalam sa kanila ng dalaga.
"Tignan mo nga naman kung sino ang nakita ko ulit, kamusta na ang kapatid ni Donello? Tila pinagtagpo ulit ang ating landas. Lubos akong nanabik sa'yo, nanabik ka rin ba sa akin?"
Tinignan ni Jiaruz nang may pagnanasa ang dalaga.
"Hayop ka, mamatay ka na! Mabulok ka sa impyerno!" Hindi na nakapagpigil pa si Gavielle sa pagsabog ng kanyang emosyon at susugurin na niya ang kinamumuhiang lalaki.
"Gavielle, tama na, Gavy!" sinaway siya ni Covel at inawat niya ang gagawin nitong pagsugod.
Lalong napahalakhak si Jiaruz sa pang-aasar kahit na malala ang kanyang pinsala.
"Anong gagawin natin sa tarantadong to?" tanong ng napipikon na si Ronis.
"Nakakapagtaka na sugatan siya pero di naman natin siya nakasagupa." napaisip si Haurre.
Nagsalita si Toro. "Nakita ko ang isang yan kanina, parang mailap na hayop na tumatakbo kasama ang mga bihag. Tingin ko may nangyari kanina bago tayo dumating, baka nagpaaway yan sa mga kasamahan niya o kaya naman ay tinraydor siya ng mga ito."
"Magandang palagay, Toro," sumang-ayon si Haurre at hinarap ang bihag. "Nagkasagupa ba kayo ng mga kasama mo kanina?"
Hindi siya sinagot ni Jiaruz. Napawi ang painsulto nitong ngiti nang maalala niya ang ginawang pagtraydor sa kanya at siya ay nangitingit sa galit.
"Patayin na natin yan!" inudyukan sila ni Toro. "Para mapagbayaran niya ang lahat ng kawalanghiyaan niya."
"Hindi," tumutol si Haurre na ikinabigla ni Gavy at Toro. "Mapapakinabangan pa natin ang isang to."
"Sang-ayon ako kay Pinuno," tugon ni Covel.
"Seryoso ka ba?" Hindi makapaniwalang napatanong si Gavy sa kanya. "Kulang pang kaparusahan ang kamatayan para sa kanya tapos bubuhayin nyo pa siya?"
"Sino bang nagsabing ikaw na ang magpapasya para sa amin?" tanong ni Toro kay Covel.
"Tama na yan, makinig muna kayo sa kanya." Pananaway ni Haurre.
"Isa siyang taong may mataas na posisyon sa Kampo, marami pa tayong mapipigang impormasyon sa kanya na makakatulong sa laban natin kay Lodell."
"Pareho tayo ng iniisip, Covel," saad ni Haurre. "Gagawin natin siyang bihag, itayo na yan at igapos."
"Tumayo ka dyan," hinatak ni Toro at Ronis ang bihag.
Nagsiga si Haurre at sabay niyang sinunog ang mga labi ng mga Puttlan, ng mga Tagapuksa at ang buong pabrika.
"Umalis na tayo rito bago pa may dumating na kalaban."
Sinama nila ang bagong bihag na si Jiaruz at tinahak nila ang daan pabalik sa kanilang taguan.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro