Kabanata 11: Aric
-Kasaganaan-
Babalik ako...babalik ako. Hindi ko hahayaang may mangyaring masama sa inyo...lalo na kay Miya.
Hindi magkamayaw si Aric sa pagtahak patungo sa Kasaganaan. Matapos ang lahat ng nangyari sa kanyang bangungot, desidido na siya na manatili kasama ang mga Myongan. Malamang ito na ang senyales na binibigay sa kanya ng daigdig. Ang sagot sa kanyang panalangin at ang solusyon sa kanyang suliranin.
Sa kanyang pagkabigla, para bang umaayon sa kanya ang panahon. Pansin niyang wala na ang humahagupit na bagyo ng buhangin sa pagitan ng Disyerto at ng Kasaganaan. Narating niya ang kagubatan sa kasagsagan ng hapon.
Paparating na ko, Miya.
Napatigil si Aric nang mapagtanto niyang narating niya ang daan papalapit sa bundok. Sumagi sa isip ng binatilyo na may posibilidad na makita niya roon si Miya kaysa sa kanilang kubo sa dalampasigan.
Muli siyang tumakbo patungo sa direksyon ng kabundukan. Pagkarating niya sa paanan ng bundok, napatunayan niyang tama ang kanyang hinala. Naroroon nga ang dalaga at kasalukuyan itong umaakyat sa bundok kahit na may pilay ang kanyang isang paa. Marahil ay natuklasan na nito na umalis na siya kaya ito ay nagpasya na lamang na mapag-isa sa paborito niyang lugar.
"Miya! Miya!" buong pananabik na tinawag ni Aric ang dalaga.
Nakuha niya ang pansin ng dalaga at ito ay napalingon sa kanya, "Aric."
Nawalan ng balanse si Miya habang umaakyat kaya nagmadali ang binatilyo upang saluhin ito at siya ay nagtagumpay. Muling nagtagpo ang kanilang mga mata at natigilan na naman si Aric sa kanyang presensiya. Noong nanigla ang mukha ni Miya at napangiti, muntik na siyang matunaw sa kanyang kinatatayuan.
"Kailangan mo ng tulong?" nahihiyang tanong ng binatilyo sa Wikang Myongese na may malumanay na tinig.
Agad na bumaba si Miya mula sa pagkakasalo ni Aric at bahagyang dumistansya. "Ayos lang ako...nagbalik ka?"
Wala ng pinalagpas na sandali si Aric at niyakap niya ang dalaga nang mahigpit at may pananabik. Naiilang si Miya noong una ngunit hindi nagtagal ay napayapos na rin siya sa dayo.
"Oo, nagbalik na ko," buong pusong kinumpirma ng binatilyo.
"At Tuwid ka ng Mag-Myongese," Napansin ni Miya.
"Tuwid na ko Mag-Myongese at hindi na ko aalis, Miya." Lalong nanigla ang tono ni Aric. "Mananatili na ko rito."
Hindi maikakaila na umaliwalas ang ekspresyon ni Miya sa mga sinabi niya ngunit ito ay nangangamba pa rin sa kanyang naging pasya. "Paano naman ang tahanan mo? Ang totoo mong tahanan."
"Ito na ang tahanan ko ngayon," walang bahid ng pag-dadalawang-isip at mapapansing kumpiyansa siya sa bawat salitang binibitawan. "Miya mula noong makilala ko kayo, naiba na ang pananaw ko sa buhay. Dahil sa inyo nalaman kong may mga bagay na mas mahalaga kaysa sa pansarili kong hangarin. Binago nyo ang buong pagkatao ko at mas naramdaman ko ang tahanan dito sa Kasaganaan, sa piling ninyo."
Unti-unting namumuo ang luha sa turkesang mata ng dalaga. "Totoo ba ang lahat ng iyan?"
"Mukha ba akong nagbibiro? Totoo ang lahat ng sinabi ko."
"Maligaya ako," pinunasan ng dalaga ang kaunting luhang dumampi sa kanyang mukha. "Hindi mo alam kung gaano mo ako napasaya."
Isang matamis na ngiti ang sinagot sa kanya ng binatilyo. "Ano nga palang ginagawa mo rito? Hindi ba dapat nagpapahinga ka pa? Bakit umaakyat ka na?"
"Naparito ako dahil..." Natigilan si Miya, hindi niya alam kung itutuloy ba niya ang sasabihin ngunit nilakasan na niya ang loob na sambitin ito. "Galit ako sa'yo. Galit na galit ako sa'yo kanina. Naunawaan mo ba?"
"Galit ka sa akin? Bakit?"
"Paano umalis ka nang hindi man lang nagpapaalam. Nawala ka na lang bigla, wala ba kaming halaga sa'yo?"
Bahagyang naaliw si Aric sa pagtatampo nito sa kanya. Hinawakan niya ang palad ng dalaga bago magpaliwanag.
"Hindi sa ganoon, Miya. Patawarin mo ako at di ko nagawang magpaalam. Ang totoo nyan ay nahihirapan akong magpaalam sa inyo dahil lahat kayo ay napamahal na sa akin. Madudurog ang puso ko sa oras na magpaalam ako sa inyo. Oo, umalis ako, pero nandito na ko ngayon, kung saan ako tunay na nararapat."
"Yun pala ang dahilan," ngayon lamang ito napag-isip ni Miya. "Nagkamali ako at hinusgahan agad kita."
"Naintindihan ko naman, huwag mo ng alalahanin yun. Ang mahalaga ay naririto na ko. Hindi ko na kayo iiwan pa."
Matapos nilang magkaunawaan, napalingon ang dalawa sa itaas ng bundok.
"Nais mo bang magtungo sa itaas?" Alok ng binata.
"Hindi ko alam kung kaya ko na, nakita mo ang nangyari kanina."
"Kung ganun, hayaan mong tulungan kita."
Yumukod ang binatilyo at sumenyas kay Miya. Nahihiya at may pagkalumanay na kumapit ang dalaga sa likuran ni Aric at sinimulan nilang akyatin ang bundok. Hindi tulad noong una, mas nasanay na ang binatilyo sa pag-akyat at hindi niya rin ininda na nakapasan sa kanya ang dalaga sapagkat hindi naman ito kabigatan. Nagagalak pa nga siya at nagtitiwala ang dalaga sa kanyang kakayahang marating ang tuktok. Masaya siyang natulungan niya ito sa panahong siya ay mahina.
Makalipas ang ilang saglit ay narating na nila ang tuktok ng bundok kung kailan papalubog na ang araw.
"Narating na natin." tugon ni Aric na may kapanatagan. "Ano na ngayon?"
"Talaga bang hindi ka na aalis?" muling usisa ng dalaga.
"Oo naman."
"Kung ganun, isigaw mo sa tuktok ng iyong hininga," mapanghamong inutos sa kanya ni Miya, "mangako ka sa kabundukan."
Napangisi ang binatilyo sa nais nitong ipagawa at pinagmasdan niya muna ang tanawin na kulay kahel na dahil sa papalubog na araw. Kumuha ng bwelo si Aric at huminga ng malalim bago pakawalan ang isang malakas na sigaw. "Hindi na ko aalis!"
Sumigaw siya sa puntong halos mapaos na ang kanyang boses. "Ang Kasaganaan na ang tahanan ko!"
Dumagundong mula sa itaas ang kanyang sigaw at nakaramdam si Aric nang kaginhawan nang mailabas niya ang bulong ng kanyang puso. Para bang sa unang pagkakataon sa buhay niya ay naging malaya siya.
Napahalakhak si Miya sa ginawa niyang pagsigaw at dahil na rin sa ligayang kanilang pinagsasaluhan.
"Kailangan na rin natin bumalik maya-maya, baka hinahanap na nila ako at kailangan ko na rin ipaalam kay Lolo na nagbalik ka na."
***
Kinagabihan, bumalik si Aric at Miya sa dalampasigan, sa may kubohan. Sumilip ang dalawa at namataan nilang nakaabang na sa loob ang Datu at ang magulang ng dalaga.
"Dito ka lang muna," panuto sa kanya ng dalaga, "ako muna ang papasok sa loob."
Naiwan si Aric sa labas ng kubo malapit sa may pinto habang si Miya naman ay pumasok na sa loob.
"Miya, ano ka bang bata ka, bakit ngayon ka lang?" May pag-aalalang napatayo si Maahan sa kanilang pwesto at sinalubong ang anak. "Hindi mo alam na mapanganib ang umalis sa lagay mo ngayon?"
"Pinag-alala mo na naman ang iyong Ina," dagdag ni Marcio. "Saan ka ba nagpunta?"
"Sa bundok po," narinig ni Aric na sinagot ng dalaga.
"Ano?" sabay na napatanong si Marcio at Maahan. Matawa-tawa si Aric sa narinig lalo na at nauunawaan na niya ang mga sinasabi nila.
"Pambihira ka, apo," sumabat na si Datu Mortho na halatang dismayado, "tila matigas pa talaga sa bunot ang iyong ulo, hindi ka pa lubusang magaling, bakit nangahas kang umakyat sa bundok?"
"Huwag na po kayo mag-alala, may magandang kinahinatnan naman po ang pagpunta ko sa kabundukan."
"Ano naman?"
"May nais pong kumausap sa inyo."
Lumabas si Miya at nakangiti niyang sinundo ang binatilyo mula sa labas ng kubo. Pumasok sila sa loob at lumantad si Aric sa kanilang lahat. Natulala ang lahat at natigilan na parang sila ay nakakita ng multo. Napansin ng dayo ang gulat sa mukha ng Datu at ng mga magulang ni Miya.
Mukhang hindi sila masaya na makita ako.
"Anong dayo dito gawa?" nagtanong si Datu Mortho sa Wikang Silangan. "Ako akala siya nakaalis na."
"Hindi nyo na po kailangan na kausapin ako sa aking wika, Mahal na Datu," pinaalam ni Aric sa kanilang lengguahe, "magandang gabi po."
Namangha ang Datu nang malaman niyang higit nang marunong ang Dayo sa kanilang lengguahe.
"Lo, nagbalik na po si Aric," masayang nilahad sa kanila ni Miya.
"Tama po si Miya, nagbalik na po ako at napagpasyahan kong dito na po ako maninirahan kung ako po ay papayagan nyo. Ako po ay pormal na nagpapaalam sa inyong kagalang-galangan."
Yumuko si Aric sa presensiya ng Datu. Sa pagkakataong ito alam niyang totoo na siya sa kanyang mga salita, wala ng pagkukunwari at pagpapanggap gaya ng ginawa niya noong una.
Lubhang nasorpresa si Datu Mortho. Hindi niya inaasahan na mapupunta siya sa ganitong sitwasyon. Ang buong akala niya ay tuluyan na talagang umuwi ang dayo at di na babalik pa.
"Napag-isipan mo bang mabuti ang iyong desisyon, Aric?" tanong niya. "Nais mong dito na manirahan sa Kasaganaan?"
"Buo na po ang aking pasya," agarang tugon ni Aric.
"Anong nangyari at humantong ka rito?" nagtataka pa rin ang Datu.
"Napamahal na po ako sa inyong lahat, ang manirahan sa Kasaganaan kasama ang Tribong Myongan ay maihahalintulad ko sa isang paraiso. Marami po akong natutunan at napagtanto sa pananatili ko kasama kayo. Kayo po ang nagturo sa akin paano maging isang matapang at mabuting tao. Kung paano magmalasakit sa aking kapwa, kayo po, sa lahat ng nakilala ko. Malaki po ang utang na loob ko sa inyong lahat."
Tila naantig ang Datu sa sinabi niya ngunit hindi pa rin napapawi ang pagkabagabag sa kanyang kulubot na mukha.
Muli niyang pinaalalahanan ang dayo, "uulitin ko ito sa'yo, bata, pag-isipan mong mabuti ang iyong pasya. Hindi mo alam kung ano ang hinihingi mo, kung gaano kalaki ang isusuko mo sa oras na pinanindigan mo ito."
"Nagkaroon na po ako ng sapat na panahon para mag-isip, naninindigan po ako. Tatanggapin nyo po ba ako bilang bagong kasapi ng inyong komunidad?"
Napagtanto ni Mortho na mukhang wala na siyang magagawa upang mabago pa ang isip ni Aric. Napalingon ang Datu kay Miya na taimtim na nag-aabang sa kanyang sagot.
Tumindig ang Datu sa harap ng dayo. "Apo, noong hinayaan kitang mamuhay kasama namin, iyon ay pansamantala lamang, upang ikaw ay aming subukin kung mapapagkitawalaan ka ba namin, nang sa ganoon ay mapadali ang aking pagpapasya kung ikaw ay papalayain namin o hindi. Wala doon ang pangakong dito ka na mananatili habang buhay at gagawin ka naming isang ganap na Myongan. Tatapatin na kita, hindi ka isa sa amin at wala akong magagawa upang mabago ito."
Tumagos kay Aric ang pagtanggi ng Datu at napalitan ng lungkot ang saya sa kanyang mukha, ganoon na rin si Miya na hindi naibigan ang pagtutol ni Mortho sa petisyon.
"Alam ko naman po na hindi ako pinanganak na isang Myongan, pero sa puso ko alam kong isa ako sa inyo. Nakahanda po akong isakripisyo at kalimutan ang lahat ng kung ano ako kung ang kapalit nito ay tatanggapin nyo ako ng buong kalooban."
Muling lumuhod si Aric sa Datu.
Nagpasya nang magsalita ang dalaga para sa dayo. "Lo, sa ilang buwang nanatili rito si Aric, tingin ko naman po ay napatunayan naman niya ang kanyang sarili sa atin ng ilang ulit. Sa lahat ng ipinamalas niya, napatunayan niyang nararapat siyang makabilang sa ating tribo."
Nadala naman kahit papaano si Mortho sa kanilang mga pahayag at siya ay napaisip.
"Hahayaan muna kitang manatili...pero ngayong gabi lang. Bukas na bukas ay malalaman nyo kung ano ang aking pasya ukol rito."
Muling ginanahan si Aric sapagkat maaari pang magbago ang hatol ng Datu sa kanya.
***
Bago maghating-gabi, bumalik si Aric sa kanyang kubo. Nakita niya ang mga prutas at buslo na nakakalat sa may sahig.
Malamang ay galing ito kay Miya.
Pinulot niya ang mga prutas at muli itong nilagay sa buslo. Inayos niya ulit ang kanyang kubo. Nilagay niya ang kanyang telang hihigaan at ipinatong ang kanyang sibat at ang mga iba pang kagamitan.
Humiga siya at natulog na para bang siya ay nakabalik na sa kanyang komportableng tahanan.
***
Kinabukasan, maagang bumangon si Aric upang simulan ang panibagong araw sa bago niyang mundo. Pagkalabas niya ay masayang-masaya ang lahat nang makita siya.
"Aric!" maligalig na sumalubong sa kanya si Myoris na kasama ni Miya.
"Myoris" malugod na napayakap ang binatilyo sa kanya.
"Lubos kaming nagagalak at nagbalik ka na," sambit ni Myoris, "sabi ko na nga ba at babalik ka para sa akin."
Napahalakhak si Aric sa kanyang biro.
"At siyempre para kay Miya, kung alam mo lang kung gaano kalungkot itong si Miya noong umalis ka, dinaig pa niya ang lantang gulay."
"Talaga?" lalo itong kinatuwa ng binatilyo at binaling niya ang mapaglarong tingin sa dalaga.
"Tama na yan, Myoris, nasosobrahan ka na sa kadaldalan," nahihiyang sinaway ng dalaga ang kaibigan, mahahalata na namumula ang kanyang pisngi.
"Nalungkot ka pala noong umalis ako," pang-asar na pinagmalaki ni Aric sa kanya.
Bago pa makasagot ang nahihiyang dalaga, masiglang naglapitan ang mga bata sa binatilyo sa pangunguna nina Maoro at Mylka.
"Kuya Aric, andito ka na!" walang kasing lakas ang bati ni Maoro.
"Akala namin di ka na namin kita ulit," lumundag sa kanya ang maliit na si Mylka. "Umuwi ka na ba?"
"Oo umuwi na ko dito sa aking tahanan at hindi na ko aalis."
"Matuturuan mo na ba kami ulit paano salita ibang wika?" tanong ng iba pang mga batang Myongan.
"Syempre naman at di lang yan, lagi na rin tayong makakapaglaro," dinagdag pa niya.
Naghiyawan sa tuwa ang lahat ng mga bata.
"Kalma lang muna mga bata," pagsaway ni Miya, "bago tayo magsaya, hintayin muna natin ang pasya ni Lolo, maya-maya. Tingin ko naman ay pahihintulutan niya ito."
***
Sa kanyang kubo, kagigising pa lamang ni Datu Mortho at inunat niya ang kanyang matatandang buto na makunat at nagsisitunugan na. Buti na lamang tuwing umaga ay naisasandal niya ang kanyang likuran sa kanyang paboritong kahoy na silya na nagbibigay ng ginhawa sa kanyang matandang pangangatawan.
Napadungaw siya sa may bintana at namataan niyang masayang nakikipag-araan si Aric kasama sina Miya, Myoris at ang mga bata. Abala ang lahat sa paglalaro at pagtakbo. Tunay ngang higit na mas may kulay at buhay ang dalampasigan ngayon. Nababatid niya kung gaano kasaya ang mga ito sa presensiya ng dayo lalo na si Miya. Madalas niyang makalimutan na isa ring dayo ang kinikilala niyang apo at kung tutuusin, wala rin siyang pinagkaiba kay Aric. Sa kabila ng lahat, siya ay natuto pa ring mamuhay at maging ganap na Myongan. Tila nagtatalo na ang isip ng Datu kung ano ba ang dapat niyang gawin, kung tama pa ba ang pagtatangka niyang ilayo ang apo sa taong nakakapagpasaya sa kanya.
Sumandal na lamang nang malalim si Mortho at muli niyang tinuon ang atensyon sa silya. Bumalik rin sa kanyang gunita na si Aric mismo ang may gawa ng silyang ito.
"Ginawan ko po kayo ng upuan."
Napangiti na lamang si Datu Mortho sa alaalang ito, kasabay ng paghimas sa napakagandang likha ng binatilyo para sa kanya.
-Disyerto ng Syl-
Dala-dala ni Eron ang pitsel ng alak sa loob ng kampo.
"Alak po," alok ng alipin habang nakikipag-usap si Uwalhid sa Kawal na mensahero na nakabalik na mula kay Haring Rucaz.
Tinapat ni Uwalhid ang kanyang tasa at sabay itong pinunan ni Eron, pasimpleng nakikinig ang binatilyo sa kanilang pinag-uusapan.
"Kamusta? Naihatid mo ba ang balita kay Haring Rucaz?" tanong ng Kapitan.
"Nakarating na po sa kanya ang mensahe ninyo, Kapitan," ulat ng mensahero.
"At ano naman ang sabi niya, pinapauwi na ba niya kami?"
"Hindi po, sa totoo nga po ay balak niyang magpadala ng karagdagang pwersa upang ipagpatuloy ang misyon."
"Ano?" halos mabulyawan na ni Uwalhid sa inis ang Kawal. "Bakit naman niya gagawin yun? Nalaman na niyang wala namang pinatutunguhan ang walang kabuluhang ekspedisyon na ito."
"Balak po ng Kamahalan na tugisin ang panday at ipahanap sa mga Kawal. May hinala din po siya na baka kaya nawawala ang binatilyo ay dahil hawak na siya ng mga Myongan ngayon bilang isang bihag. Ang utos niya ay kailangan daw suyurin ang buong disyerto, kapag nahanap si Aric, posibleng mahanap na rin ang mga Myongan."
Napailing si Uwalhid sa nabalitaan. "Hindi ko akalain na mag-aaksaya siya ng pwersa nang dahil lamang sa isang hamak na panday. Bakit niya pinaglalaanan ng oras ang kalokohang ito? Sige na, umalis ka na, wala na rin naman ako magagawa kundi sumunod sa Kamahalan gaano man ako kayamot."
Pagkalabas ng mensahero ay lumingon siya kay Eron. "Ikaw, makakalabas ka na rin."
Nag-usap-usap si Uwalhid at ang iba pang mga Kawal pagkalabas ng utusan.
"Ano po ang hakbang natin, Kapitan?"
"Ni anino ni Aric, hindi man lang magparamdam," sambit ng isa pa.
Napaisip nang masinsinan si Uwalhid bago gumawa ng hakbang.
"Maging ako rin naiinip na sa hangal na panday, sa sobrang inis ko baka ako na ang tumapos sa kanya sa oras na mahanap natin siya. Ganito ang gagawin natin, bibigyan natin ng ultimatum si Aric. Pag hindi pa siya nakabalik sa loob ng ilang linggo, tsaka ko pakikilusin ang buong pwersa kasama na ang ipapadala ng Kamahalan. Susuyurin na natin ang Disyerto hanggang sa kadulu-duluhan, tignan natin kung mararating natin ang kathang-isip niyang Lupain ng Kasaganaan."
"Paano naman si Eron?" pinaalala ng isang Kawal na lalong kinapikon ng Kapitan.
"Sinabi ko na sa inyo, huwag nyong pakikialaman si Eron, habang hawak natin siya, may alas tayo laban kay Aric. Matalik siyang kaibigan ng Panday at hindi nya ito pababayaan. Mapapakinabangan pa natin ang binata! Itatak nyo yan sa kukote nyo, mga gunggong!"
"At paano kung patay na pala si Aric, wala na tayong papakinabang sa kanya."
Kinuha ni Uwalhid ang kanyang espada at sinayasat ang talas nito. "Kung sakaling umabot na roon, ililigpit rin naman natin siya."
Wala silang kamalay-malay na nakikinig lamang si Eron mula sa bukana ng kanilang tolda.
"Nanganganib na ako rito," nangangamba siyang napabulong sa kanyang sarili, "kailangan ko ng makahanap ng paraan para makatakas."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro