Kabanata 10: Saraphine
-Palasyo ng Silangan-
Walang makapipigil pa sa nag-aalab na galit ni Saraphine. Mapangahas siyang naglalakad sa kadiliman ng gabi, hawak ang isang patalim. Binagtas niya ang daan patungo sa isa sa mga silid sa Palasyo kung saan nagpapahinga ang puntirya ng kanyang paghihiganti.
Dahan-dahan niyang binuksan ang pinto at pumasok sa loob. Mahimbing na ang tulog ni Fierro sa silid na ipinahanda sa kanya ni Haring Rucaz. Puno ng pagkamuhi sa taong ugat ng lahat ng kanyang kasawian, hindi na natinag pa si Saraphine. Pabilis nang pabilis ang pintig ng kanyang puso.
Nagising ang Emperador nang marinig siya nito at nasilayan niyang may isang taong nakatayo ngunit nakakubli sa dilim.
"Sino ka? Anong kailangan mo sakin?" mahinahong inusisa ni Fierro.
"Hindi mo ba ako nakikilala?" Nilantad ni Saraphine ang sarili sa liwanag upang siya ay maaninag ng Emperador. "Tignan mo ko maigi!"
Taimtim na napatitig ang Emperador sa dalagitang nangingitngit sa galit. Pilit niyang minumukhaan kung sino ang misteryosong babaeng bigla na lamang pumasok sa loob ng silid.
"Ako si Cordelia, anak ni Emperador Costan at Emperatris Ysavel," tumulo ang mga luha sa kanyang luntiang mga mata, kasabay ng kanyang pagtatapat.
"Buhay ka?" nakaramdam ng pagkaligalig si Fierro sa nalaman.
"Oo buhay na buhay. Pinatay mo ang mga magulang ko, ikaw ang sumira sa buhay ko. Ngayon, magbabayad ka sa lahat ng kawalanghiyaan mo!"
Kinuha ni Saraphine ang kanyang tarak.
"Anong gagawin mo? Huwag kang lalapit!" takot na nagbabala si Fierro.
Hindi siya pinakinggan ni Saraphine. Itinaas niya ang kanyang tarak at walang pag-aatubili niyang sinaksak ang Emperador. Napahiyaw si Fierro sa pamimilipit.
Paulit-ulit niya itong sinaksak hanggang sa tumalsik na sa kanyang pisngi ang dugo nito.
"Hayop ka! Hayop ka!" Walang tigil na sinisigaw ni Saraphine habang tinatadtad ng saksak si Fierro. "Papatayin kita!"
Dumilat ang mga mata ni Saraphine sa pagkagulat, natagpuan niya ang sarili sa kanyang kama. Panaginip lang pala ang lahat ng ito.
"Ayos ka lang ba Sara?" nag-aalalang tinanong sa kanya ni Aling Estrella. "Kanina ka pa umuungol, gigisingin na dapat kita kung di ka pa nagising."
"Maayos naman po ako," napahawak siya sa kanyang namimigat na ulo. "Hindi lang maganda ang napanaginipan ko."
"Hindi ka maniniwala sa sasabihin ko, nagtungo dito ang pinakamataas na tao sa Buong Lupain kahapon."
"Ang Mataas na Emperador, alam ko po."
"Ang bali-balita, nagkaroon na sila ng kasunduan ng Hari."
"Mainam para sa kanila," walang bahid ng anumang emosyon ang tinig ng dalaga.
"Uy, ayos ka lang ba talaga?" napansin ng kasamahan na tila wala siya sa wisyo.
"Masama lang talaga ang simula ng aking umaga."
"Paano uuna na ko, marami pa kong gagawin. Huwag ka munang bumangon kung hindi maayos ang pakiramdam mo, ipagpapaalam na lang kita."
"Maraming salamat po, Aling Estrella."
Pagkaalis ni Estrella, kinuha ni Saraphine ang tarak mula sa kanyang unan. Nilagay niya ito ng patago sa kanyang tagliran, naghahanda siya sakaling magkita sila ni Fierro.
Hilingin mong huwag magtagpo ulit ang landas natin, Fierro. Baka magiging totoo ang panaiginip ko!
***
Ngayong araw na ito, tinalaga mismo ng Hari si Saraphine upang maging tagasalin ng kanyang mga inumin. Tila kinawilihan niya ang ginawang pag-aabot sa kanya ng ubas ni Saraphine nitong nakaraan at nais niya ulit ito manilbihan ng direkta sa kanya.
Pagpunta ni Saraphine sa malawak na balkonahe ng Hari, nakita niyang nag-iisa itong nakaupo at walang kasama.
"Kayo lang po, Mahal na Hari? Nasaan na po ang Emperador?"
"Wala na, nakaalis na siya kagabi pa, hindi na siya nagpalipas ng gabi rito, nagmamadali na siyang makauwi agad sa kanila," binalita ni Rucaz.
Sayang...sayang naman at nakaalis na siya.
Itinaas ng Hari ang kanyang tasa bilang pag-uutos. Pinaglingkuran siya ni Saraphine at sinalinan niya ito ng alak.
Maya-maya dumating na si Helena. Sumama na naman ang aura ng Reyna noong makita niya si Saraphine pero hindi na lamang niya ito pinahalata. Tinuon na lamang niya ang pansin sa kanyang asawa.
"Totoo ba talaga ito? Kakampi na natin ang Mataas na Emperador?"
"Sa naging resulta ng usapan natin kahapon mukhang ganoon na nga...sa ngayon."
Napaisip ang Reyna sa kanyang huling kataga. "Anong ibig mong sabihin? Hindi sinsero ang pakikitungo mo sa kanya?"
"Natumbok mo, Mahal ko," sumang-ayon si Rucaz at uminom sa kanyang tasa.
"Naloko mo kami, ang buong akala namin napatiklop ka na sa Emperador," matawa-tawang sagot ni Helena.
"Nakikita kong hindi rin naman siya sinsero, hindi siya nagpunta dito para makipag-ayos, nagpunta siya rito dahil kailangan niya lang ang tulong natin. Alam mo naman dito sa pulitika, gamitan lang. Kung gagamitin niya lang tayo, gagamitin lang rin natin siya. Desperado na talaga siya dahil umabot na sa sukdulan ang tensyon nila ni Duke Aurello. Isang pitik lang at babaha na ng dugo sa Cenpyre."
Sana magtagumpay ang Dukeng ito...sana nga mamatay ka na, Fierro!
"Gayunpaman, aminin nating naging maayos ang lahat kahapon, kung hindi lang ginulo ng isa dyan."
Napasulyap ang dalaga sa Reyna, alam niyang siya ang pinariringgan nito.
"Helena, kalimutan mo na yun, hindi naman yun sinasadya ni Sara, hindi ba?"
"Humihingi po ulit ako ng tawad, Kamahalan," nagmistulang maamong tupa na naman si Saraphine sa kanyang paumanhin.
"Isang pagkakamali mo pa at talagang sisibakin na kita paalis rito," kalmado ngunit halatang may galit ang boses ng Reyna.
"Helena, magtigil na," muli siyang sinaway ni Rucaz.
Habang masama ang tingin niya kay Saraphine, kumikinang sa liwanag ang suot niyang Kwintas na may batong Rubi. Napalingon dito si Helena at lalo niyang napagtanto kung gaano kaganda ang paborito niyang alahas, napatingin siya ulit kay Saraphine na abala sa pagsasalin ng alak sa kanilang mga tasa. Isang plano na naman ang nabuo sa isip ng Reyna.
***
Pagbalik ni Helena sa silid, abot-tenga pa rin ang kanyang ngiti.
"Mukhang maganda ang timpla nyo ngayon, Kamahalan," pansin ni Rhoda. "Ano pong meron?"
"Nakaisip na ko ng paraan kung paano mapapaalis ang haliparot na yan dito sa Palasyo."
"Gagana naman kaya ang plano niyo?" May pag-aalinlangan pa rin ang katiwala. "Napakakapit ng lintang yan, hindi mo maalis-alis."
"Gagana yan basta sundin mo lang ang ipapagawa ko."
"Medyo kinakabahan ako sa gagawin nyo sa kanya."
"Huwag ka mabahala, Rhoda. Kahit papaano naman ay may puso pa rin ako. Kaya bibigyan ko siya ng kaunting konsiderasyon."
"Ano pong ibig nyong sabihin?"
"Nakasalalay sa kanya ang lahat. Hahayaan ko siyang mamili kung paano siya aalis dito nang hindi niya nalalaman. Dalawa lang ang maaaring mangyari, aalis siya dito ng maginhawa o lalayas siya dito na walang natitirang dangal."
"Gusto ko yan."
"Sa pagkakataong ito, siguradong hindi na siya makakalusot," maligayang tinanggal ni Helena ang kanyang mahal na kwintas mula sa kanyang leeg.
***
Bandang tanghali, puspusan si Saraphine sa pagpupunas ng mga salaminan noong siya ay lapitan ni Rhoda.
"Ipinapatawag ka ni Reyna Helena doon sa kanyang Silid-Liguan."
Magsasalita sana si Saraphine ngunit inunahan na siya ng katiwala, "bago ka sumagot, siguraduhin mong hindi tanong ang lalabas sa bibig mo. Nais ni Reyna Helena na ikaw ang magpaligo sa kanya ngayon. Narinig mo ko. Ngayon may problema ba sa'yo?"
"Wala po, kahit ano gagawin ko mapaglingkuran lang ang Kamahalan."
"Ganun naman pala, bilisan mo na at naghihintay na siya."
Pumasok sila sa loob ng magarang Silid-liguan ni Helena. Ito ang unang pagkakataon na nakapasok dito si Saraphine. Higit itong mas malaki at elegante kaysa sa inaakala niya. Isa ito sa mga lugar sa Palasyo na puro ginto ang gamit. Mapa-ilawan, kwadro ng salaminan at maging ang batyang pagliliguan ng Reyna ay yari sa purong ginto.
"Sara, buti at nakarating ka na," puno ng sigla ang pagbati sa kanya ni Helena.
"Kamahalan," yumuko si Saraphine sa kanyang presensiya.
"Nakahanda na ang mga gagamitin mong pangpunas, nalagyan na rin ng sabon tong batya, ang gagawin mo na lang ay kuskusin ang aking mamahaling balat."
Inabot ni Rhoda ang esponghang gagamitin niya sa pagpapaligo.
"Rhoda, maaari mo na kaming iwan."
Noong nakaalis na ang katiwala, nakikiramdam pa rin si Saraphine. Nakukutuban niyang mayroon na namang nilulutong kalokohan si Helena para sa kanya. Walang magandang kinalalabasan tuwing sila ay nagkikita.
"Ano pang hinihintay mo? Simulan mo na."
Napatingin si Saraphine kay Helena, ngayon lamang niya nakitang walang damit ang Reyna. Kahit na lagpas na sa doble ang edad ng Reyna sa kanya, hindi maikakaila na maganda pa rin ang kanyang kutis at ang hubog ng kanyang katawan.
Malumanay na lumapit si Saraphine at umupo sa upuang nakahanda para sa kanya. Nilubog niya ang espongha sa maligamgam na tubigan sa batya.
"Saan ko po uunahin?"
"Simulan mo muna sa braso ko," nilapit ng Reyna ang kanyang braso sa dalaga.
Maingat na dinampi ni Saraphine ang pagkuskos ng espongha sa kanyang braso, kaunting gasgas lamang sa balat ng Reyna at baka bigla na lamang nitong ingudnod ang mukha niya sa tubigan at lunurin.
"Masyadong mabagal, medyo bilisan mo."
Binilisan nang kaunti ni Saraphine ang paggalaw ng pamunas mula kamay, patungo sa kili-kili ng Reyna. Maging ang kanyang kili-kili ay ubod ng kinis.
"Nakuha mo na, magaling, ganyan lang," nasasarapan na saad ng Reyna habang nakapikit.
Sunod na nilinis ng dalaga ang namimintog nitong mga suso. Mas malaki ito kumpara sa kanya. Habang iniikot-ikot ng dalaga ang espongha sa suso, lalong nagalit ang patusok na utong ni Helena. Nakaramdam ng pagkailang si Saraphine sa ginagawa niya. Ngayon lamang siya nagpaligo ng ibang tao sa buong buhay niya.
"Siguro ngayon ka lang nakakita ng ganitong kalaking paliguan?" sinimulan ni Helena ang kanilang usapan.
"Opo, sa totoo nga po, kaya ng ipasok dito ang dalawang kwarto ng bahay namin."
Nagsinungaling na lamang si Saraphine. Tanda niyang sa Palasyo ng Cenpyre, sisiw lamang ang ganitong kalaking paliguan.
"Araw-araw, iba-iba ang sabon na pinanglilinis sa katawan ko. Naaamoy mo ba gaano ito kabango?"
Nilanghap ng dalaga ang aroma ng sabon na maikukumpara sa mabangong bulaklak.
"Opo, Kamahalan, napakabango po."
"Bagay na bagay sa isang Reyna, sayang lang at hindi lahat nakakaranas ng ganitong karangyaan."
Nahahalata na ni Saraphine na nagyayabang na sa kanya si Helena. "Baka po nakakalula na ito sa iba."
"Malamang bago sa'yo ang lahat ng ito, ang magarang kastilyo, ang magandang paliguan, ang masasarap na pagkain. Hindi kita masisisi kung ikaw ay natutukso."
"Ano po?" natigilan si Saraphine sa pagkuskos nito sa katawan ng Reyna.
"Tigilan na natin ang pagpapanggap, alam ko ang dahilan kung bakit ka naririto. Malayo pa lang naaamoy ko na ang lansa mo."
Natahimik si Saraphine at kinabahan.
Nabisto na kaya niya ang mga plano ko?
"Hindi ko batid kung ano ang mga susunod mong hakbang ngunit sigurado ako sa isang bagay. Inaasam mong maging Reyna at agawin ang lahat ng mayroon ako."
"Kamahalan, nagkakamali po kayo." Kahit na mukhang nagulantang siya sa paratang ni Helena, sa loob-loob niya nakahinga ng maluwag si Saraphine sapagkat ligtas pa rin ang kanyang lihim.
"Huwag mo ng igiit, nakikita ko kung paano mo dinidikitan ang Hari na masahol pa sa isang linta! Ano pa ba ang dahilan kung bakit mo siya nilalapitan? Inaakit mo siya para ikaw na ang gawin niyang Reyna at mapunta sa'yo lahat ng kapangyarihang tinatamasa ko!"
"Kaya lang po ako lumalapit sa Hari dahil may pinag-uutos siya. Wala po akong masamang intensyon, maniwala po kayo."
"Sinungaling! Tingin mo ba mapapaniwala mo ko sa mga palusot mo? Sino bang tanga ang hindi naghahangad ng yaman at kapangyarihan?"
Wala akong pakialam sa mga bagay na iyan, ang nais ko lang ay maipaghiganti ang mga mahal ko sa buhay.
"Tutal ito naman ang gusto mo di ba? Ibibigay ko na sa'yo."
Pumasok si Rhoda dala-dala ang isang sako ng Gintong Silangan.
"Kuhanin mo na yan, sobra-sobra na yan sa pangangailangan mo. Pagkatapos, lumayas ka na rito at huwag ka ng babalik kahit kailan!"
"Pasensya na po, Kamahalan ngunit di ko po matatanggap yan."
Nainsulto si Helena sa pagtanggi sa kanya ni Saraphine, hindi niya ito inaasahan.
"Bakit hindi? Hindi mo alam kung gaano kalaking pera ang inaalok ko sa'yo. Kung gaano karaming lote at ari-arian ang mabibili mo. Yayaman ka higit pa sa pinapangarap mo."
"Mawalang-galang na po pero hindi ako nagtatrabaho para sa salapi, gusto ko lamang bumukod at buhayin ang sarili ko sa kakarampot na mayroon ako. Masaya po ako sa trabaho ko rito at hindi po ako mabibili ng anumang salapi. Nagkakamali po kayo tungkol sa akin, Mahal na Reyna, higit na naiiba po ako sa inaakala ninyo."
"Tatanggapin mo ba ang pera? Oo o hindi lang ang hinihingi kong sagot, ito na ang huling beses na tatanungin kita," sa ayos ni Helena, mukhang desidido talaga siyang tuparin ang kanyang salita.
"Sa inyo na po iyan, hindi po ako aalis sa Palasyo," lalong hinabaan ni Saraphine ang sagot niya para mas mayamot ang Reyna. "Maraming salamat po sa alok."
"Sige, kung yan ang pasya mo. Hindi kita pipilitin. Sinasabi ko lang sa'yo, wala ka ng makukuha sa akin. Ang akin ay akin lamang."
Nauubusan na ng pasensya ang dalaga sa ginagawang panghahamak sa kanya ng Reyna kaya naman nagpasya na siyang sagutin ito.
"Hindi ko lang po maintindihan, isa kayong Reyna, nasa inyo na ang lahat, bakit kayo nababahala at naiinggit sa isang katulad ko?"
Tila natusta si Helena sa maanghang na pahayag ng dalaga.
"Anong naiing...nag-iingat lamang ako sa mga oportunista at ambisyosang kagaya mo!"
"Itutuloy ko na po ba ang pagpapaligo sa inyo, Kamahalan?" hindi na lamang siya pinansin ni Saraphine.
"Umalis ka sa paningin ko, ayaw ko ng ikaw ang magpapaligo sakin."
"Masusunod po," natuwa ang dalaga at nagtagumpay siyang pikunin ang matandang bruha. Kahit papaano ay nakaganti siya sa ginawa nitong paglapastangan sa kanya kahapon.
"Pagsisisihan mo ito, Sara!" babala ng Reyna.
Habang naglalakad papalayo, nakapa ni Saraphine ang tarak na nakatago sa kanya, nagtitimpi na lang talaga siya na hindi ito gamitin kay Helena.
"Paano yun, hindi niya tinanggap?" tanong ni Rhoda pagkaalis ng dalaga.
"Mabuti pa nga, binigyan niya pa ako ng pabor na pahirapan ko siya," alam na ni Helena kung ano ang gagawin nila.
***
Nagbigay na ng hudyat si Helena upang isagawa ang masama nilang plano laban kay Saraphine, handa na si Rhoda upang gawin ang ipinag-uutos ng Reyna. Dala-dala na niya ang kwintas ng Reyna at patungo na siya sa silid ng mga kasambahay.
Sa sobrang pagkaligalig ng katiwala, hindi niya namalayan na makakasalubong na pala niya si Prinsipe Rionne at sila ay nagkabanggaan.
"Paumanhin, Mahal na Prinsipe."
"Walang problema," sabi ni Rionne.
Papaalis na ang Prinsipe nang muli siyang mapalingon kay Rhoda. Namataan niyang hawak nito ang kwintas ni Helena. Natatandaan ito ni Rionne sapagkat madalas itong suotin ng Reyna. Hindi na maganda ang pakiramdam niya sa nasaksihan. Nagsimula na siyang magsuspetsa sa gagawin ng katiwala.
Sinundan niya ito ng palihim sa paroroonan nito. Binuksan ni Rhoda ang pinto at pumasok sa Silid ng mga katulong. Inabangan ni Rionne ang kanyang paglabas. Ilang saglit lamang, lumabas na ang katiwala at napansin niyang wala na sa kanya ang kwintas ni Helena.
Pagkaalis ni Rhoda, agad na pumasok si Rionne sa silid. Walang tao sa loob sapagkat oras pa ng trabaho. Napaisip ang binatilyo kung kaninong lugar kaya sa silid maaaring nilagay ni Rhoda ang kwintas. Si Saraphine agad ang unang pumasok sa isipan niya, alam niyang palagi itong pinaglalaruan ng Reyna. Pinuntahan niya ang higaan ni Saraphine. Inalis niya ang unan at kumot at natagpuan niya nga ang kwintas ng Reyna sa kama ng dalaga.
Kinuha ni Rionne ang kwintas, batid na niya kung ano ang pinaplanong gawin ng Reyna kay Saraphine, "sinasabi ko na nga ba."
***
Noong mga oras na ito, hindi mapakali si Saraphine at siya ay ginulo-gulo ng kanyang isipan.
Kumilos ka na, Saraphine. Hindi magtatagal, makakagawa ng paraan si Helena para mapalayas ka rito. Hindi ako papayag na sirain niya lahat ng pinaghirapan ko. Malayo na ang narating ko pero kailangan ko pa ring bilisan.
Nagtungo ang dalagita sa itaas at nagkunwaring siya ay naglilinis. Walang tao sa paligid at pwedeng-pwede siyang maghanap ng ebidensya. Namataan niya sa di kalayuan ang silid ni Prinsipe Rigo na bahagyang nakabukas ang pinto.
Pasimpleng sumilip sa loob ang dalagita. Bukas ang pinto ngunit walang tao. Sinamantala na niya ang pagkakataon at siya ay pumasok sa silid ng Prinsipe. May kalakihan ang silid ni Rigo. Magara ito gaya ng iba pang lugar sa Palasyo ngunit ito ay magulo. Maraming bote ng alak ang nakakalat sa paligid at ganoon na rin ang kanyang mga damit na nakayangyang sa sahig na para bang naghubad ang isang ahas ng kanyang balat. May kakaiba ring naamoy si Saraphine. Malansa, amoy loom at amoy bulok na itlog sa loob.
Nagsimula na sa kanyang pangangalap ng ebidensya ang dalaga. Una niyang napansin ang isang kasuotan na maayos na nakalagay sa kama ni Rigo. Ito ay isang blusang puti na may kahabaan at mukhang elegante. Hinawakan ito ni Saraphine at inamoy, mabango ang nasabing blusa. Lalong napaisip ang dalaga.
Ibig sabihin, mayroon siyang pinapapasok na babae dito sa magulong silid na ito, pero ang tanong, sino?
Nataranta si Saraphine nang bigla na lamang gumalaw ang kurtina malapit sa balkonahe. Mayroong tao sa loob at kailangan niyang magtago.
Mula sa balkonahe, bumalik si Rigo sa kanyang silid at nagmasid sa paligid, nakapagtago na si Saraphine sa likuran ng kaliwang gilid ng kama. Muling lumabas ang Prinsipe sa kanyang balkonahe noong nakita niyang walang tao.
Nagmadali si Saraphine at nilisan niya ang silid, nagdesisyon siyang umatras muna sapagkat hindi pa ito ang tamang pagkakataon. Nasa paligid lamang si Rigo at kahit anong oras maaari siyang mahuli.
***
Pagsapit ng hapon, nagkaroon na ng komosyon sa Palasyo at narinig ng lahat ang galit na pagdadabog ni Reyna Helena. Pumasok ang Hari at nakita niyang tarantang nagwawala sa silid and Reyna.
"Nasaan na iyon, nasaan na?" Kunsumido niyang sinasambit habang siya ay naghahanap.
"Helena, anong problema?"
"Ang kwintas ko, nawawala ang paborito kong kwintas!"
"Yung Kwintas mong Rubi na palagi mong sinusuot?" nilinaw ni Rucaz.
"Ano pa ba? Hindi maaaring mawala ang kwintas na yun, nagmula pa yun sa mga ninuno ko!"
"Kumalma ka, saan mo ba huling nilagay?"
"Dito lang sa kwarto ko, pero nung hinahanap ko wala na, di ko na makita!"
"Baka naman kung saan mo lang nailagay," pinagpalagay ng Hari.
"Hindi, iba ang hinala ko. Tingin ko may pumasok dito at ninakaw yun! Kahit sino magkakainteres sa ganoong kagandang kwintas!"
"Sino ba ang madalas na maparito sa itaas?"
"Si Sara po at ang ibang lingkod," sagot ni Rhoda sa Hari.
***
Natigil ang lahat sa kanilang ginagawa noong sila ay pinatawag ng Hari at tinipon sa kanilang silid.
"Ano na naman kaya ang problema?" Ninenerbyos na tanong ni Aling Estrella.
"Hindi ko rin alam," kahit si Saraphine ay may kaunting pangamba.
Bumaba ang Hari kasama ang Reyna at sila ay yumuko bilang paggalang.
"Paumanhin kung kayong lahat ay naantala sa inyong mga gawain. Mabilis lamang ito. Kailangan lang namin kayong inspeksyonin bago kayo bumalik sa trabaho. Nawawala kasi ang paboritong kwintas ng Reyna."
"Malakas ang kutob kong isa sa inyo ang nagnakaw ng kwintas ko, kaya umamin na kayo at ibalik nyo na bago kayo malintikan!"
Kinabahan ang lahat sa pagbabanta ng Reyna.
"Kamahalan, nasisiguro ko pong walang ni isa sa amin ang nakakita sa kwintas nyo," pagtatanggol ni Estrella sa sarili at sa mga kasama.
"Totoo po yun, hindi nga po namin alam kung ano ang itsura nito," dinagdag ni Saraphine.
Sinimangutan lamang ni Helena ang dalaga.
"Talagang walang aamin, kapkapan nyo sila!"
Sa utos ni Helena, isa-isang kinapkapan ng mga utusan ang mga katulong sa paghahanap sa kwintas. Kinapa nila ito mula taas hanggang baba. Mabuti na lamang at naitago na ni Saraphine ang kanyang tarak at hindi ito nakapa ng mga guwardiya sa kanya.
"Wala po ang kwintas," tugon ng mga utusan matapos ang pagkakapkap.
"Hanapin nyo sa mga gamit nila at baka doon nakatago," utos ni Rucaz.
Isa-isang siniyasat ng mga utusan ang mga kagamitan at ang kanilang mga higaan sa paghahanap sa kwintas ng Reyna. Pinagtatanggal nila ang mga unan at kumot sa bawat kama.
Sunod silang naghalungkat sa higaan ni Saraphine. Nananabik na si Reyna Helena at Rhoda na makita ang kwintas sa kama ng dalaga. Tinanggal ng utusan ang kumot at unan ngunit hindi nila natagpuan doon ang kwintas.
"Kamahalan, negatibo, wala sa mga gamit nila ang kwintas."
Nagkatinginan sa pagkagulantang si Helena at Rhoda.
"Mabuti naman, halika na at maghanap tayo sa iba," sabi ng Hari.
"Sandali lang! Sigurado ba sila na wala talaga dito? Baka naman kung saang lupalop lang nila tinago," pinagpipilitan pa rin ang Reyna.
"Ano pa bang gusto mo, Helena? Halos baliktarin na natin ang silid na ito sa paghahanap sa kwintas mo pero wala talaga."
Matawa-tawa si Saraphine sa pagkapahiya ni Helena sa harapan nilang lahat.
"Makakabalik na kayo sa inyong tungkulin," anunsyo ni Rucaz sa kanila.
Nakahinga nang maluwag ang lahat pati na si Saraphine.
***
Maging ang silid ng mga lalaking guwardiya at katiwala ay pinahalughog din ng Hari ngunit wala silang nakita. Bumalik na lamang sila sa silid.
"Hindi ito maaari! May nagnakaw ng kwintas ko. Alam ko yun!" hanggang ngayon ay naiinis pa rin si Helena dahil hindi gumana ang kanyang plano at bigla na lamang naglaho ang kanyang kwintas, ngayon unti-unti ng nagkakatotoo ang pag-aalala niya rito.
"Talaga bang ipagpipilitan mo yan? Bago ka magbintang, bakit hindi mo muna hanapin ulit ang kwintas mo rito? Malay mo hindi mo lang talaga nakita kanina."
"Papatunayan ko sa'yo," sinunod ng Reyna ang Hari at muli niyang inangat ang unan sa kanyang kama. "Wala talaga dito..."
Natulala ang Reyna sa pagkagulat sapagkat naroroon ang kwintas niya sa ilalim ng kanyang unan, kinuha niya ito at siya ay natahimik.
"Oh andyan naman pala," saad ni Rucaz, "sabi ko naman sa'yo, baka hindi mo lang napansin kanina."
"Imposible ito," hindi pa rin papatinag si Helena, "wala naman to dito kanina, tiyak na may naglagay lang nito sa kama ko habang abala tayo sa paghahanap."
Napailing na lamang si Rucaz sa pagpupumilit nito.
"Helena, tumatanda na tayo. Nagiging makakalimutan na, aminin mo na lang kasi na nagkamali ka lang at hindi naman talaga nawala ang kwintas, nandito lang talaga kung saan mo ito huling iniwan."
Wala nang nagawa si Helena sa pagpalpak ng kanyang plano.
***
Kinagabihan, muling binisita ni Rionne ang silid ng mga kasambahay.
"Sara, pwede ba kitang makausap ng tayo lang," pagpapaalam niya.
"Sige po."
Lumabas si Saraphine at doon sila nag-usap malapit sa may pinto.
"Ano po ang inyong sadya, Kamahalan?"
"Sara, mag-iingat ka. Nagsisimula pa lang ang Reyna, sigurado ako marami pa siyang gagawing patibong laban sa'yo."
"Ano pong sinasabi nyo?" Nagpanggap na walang muwang ang dalaga sa babala nito.
"Ang kaguluhan kanina sa kanyang kwintas, isa lamang itong palabas para sirain ka," ipinagtapat sa kanya ng Prinsipe.
"Pero hindi naman po ako napahamak, wala naman silang nakitang kwintas sa mga gamit ko kanina."
"Iyon ay dahil niligtas kita. Sa iyo tinanim ni Rhoda ang kwintas ng Reyna kanina, kung hindi ko ito nakuha malamang ay napahamak ka na."
Nagiging malinaw na sa kanya ang lahat. Malamang ito ang bagay na sinasabi ni Helena kanina na pagsisisihan niya dahil tinanggihan niya ang kanyang bayad.
"Nasaan na po ang kwintas ngayon?"
"Malamang nakabalik na sa amo niya sa mga oras na ito. Basta palagi ka lang mag-iingat at maging alerto para hindi ka mapahamak."
"Prinsipe Rionne, hindi ko na alam kung paano kita pasasalamatan." Sa pagkakataong ito, taos-puso talaga ang dalaga sa kanyang mga pahayag. "Mula noong dumating ako rito, sobra-sobra na ang ginagawa nyo para sa akin. Bakit nyo po ba ginagawa ang lahat ng ito?"
"Dahil...dahil kaibigan kita," para bang iba ang nais isagot sa kanya ni Rionne, hindi niya lang magawang sabihin sa kanya. "Mahalaga ka sa akin."
"Huwag kang mag-alala, mag-iingat ako sa Reyna. Maraming salamat po sa pagmamalasakit."
"Wala yun, isa pa pala, may ibibigay ulit ako."
Kinuha niya ang bandeha na may lamang...
"Galyetas Mantikilya," napangiti si Saraphine.
"Pagsaluhan nyo ulit ng mga kasama mo. Mukhang mas masarap na tong nagawa ko ngayon."
"Masarap naman na talaga siya," sinigurado sa kanya ng dalaga.
Totoo nga ang iniisip ko, talagang magiging tinik sa akin ang Bruhang Helena. Kung hindi dahil sa tulong ni Rionne, baka napalayas na ko sa Palasyo. Hindi ako dapat magpa-apekto, lalo na ngayon at may pag-usad na sa pagmamatyag ko kay Rigo...sino kaya ang kikitain niyang babae sa kanyang kwarto?
***
Kasagsagan ng hatinggabi, mahimbing na ang tulog ni Haring Rucaz sa kanyang silid. Napakalakas ng kanyang hilik at ito ay bumibingi sa bwisit na Reyna. Hindi pa natutulog si Helena, inabangan niya talaga na makatulog ang Hari, pagkatapos palihim siyang bumangon mula sa kanilang kama.
Dahan-dahang naglakad si Helena papapalabas ng silid, nag-iingat na hindi magising ang Hari. Binuksan niya ang pintuan at napagalaw si Rucaz sa kanyang kinahihigaan. Napatingin ang Reyna, inaakalang nagising ang asawa ngunit mahimbing pa rin ang tulog nito at napalipat lamang siya ng pwesto.
Binilisan ni Helena ang paglabas sa silid. Tinahak niya ang daan patungo sa isa sa mga silid sa Palasyo. Tumigil siya sa parehong silid kung saan nagmanman kanina si Saraphine, sa kwarto ni Prinsipe Rigo at kinatok ito.
Mabilis siyang pinagbuksan ni Rigo, tila hindi man lang siya nagulat na kinatok siya ng kanyang madrasta ng ganitong oras ng kagabi.
"Kamusta si Ama?"
"Mahimbing na," bulong sa kanya ni Helena.
"Pwede na ba?"
"Pwede na, sa'yong- sa'yong na ko buong gabi," mapang-akit ang tono ng Reyna.
Sumigla ang ngiti sa mukha ni Rigo. Wala na siyang pinalagpas na pagkakataon at sinunggaban niya ng halik ang Reyna. Bigay na bigay rin si Helena sa paglaplap sa anak ng kanyang kabiyak.
"Sabik na sabik na ko sa'yo," bulong ng Prinsipe sa kanya.
Lumundag si Helena kay Rigo at sinakyan niya ito, kinarga siya ng Prinsipe papasok sa kanyang silid, sinara niya ang pinto habang tinutuloy ang kanilang paghahalikan.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro