Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 10: Miya

-Kasaganaan-

Sumapit na ang bukang-liwayway, pero para kay Miya, hindi pa rin nawawaglit sa isip niya ang lahat ng nangyari noong nakaraang gabi. Madalas niyang naaalala ang pagsasayaw nila ni Aric sa selebrasyon. Ang kanyang nangungusap at maamong mga mata, ang init ng kanyang palad noong siya'y sinalo nito at ang naramdaman niyang katiwasayan sa piling ng binatilyo. Hindi maiwasan ng dalaga na mapangiti habang siya'y nakahiga at taimtim na nag-iisip.

Wala siyang alam na siya ay pinagmamasdan ng kanyang mga magulang. Kasisimula pa lamang ng araw, lumabas na agad ang dalaga at nagpasya silang pag-usapan ang tungkol dito.

"Ngayon ko lang nakitang nagkaganyan si Miya, nakangiting mag-isa, tulala." Hindi mapakali si Maahan sa kakaibang inaasta ng anak.

"Dalaga na si Miya at talagang darating at darating yan," mas mahinahon ang reaksyon ni Marcio sa sitwasyon. "Ayaw mo bang makitang umiibig ang anak natin?"

"Wala naman problema kung sa ibang Myongan at hindi dyan sa dayo," nababalisang pinagtapat ni Maahan sa asawa. "Alam kong hindi lang ako ang nakapansin kahapon kung paano sila magtinginan, malalagkit, parang may kakaiba."

Sa loob-loob ni Marcio, nangangamba rin siya sa mga nangyayari ngunit ayaw niyang pigilan ang anak kung saan ito masaya.

"Napansin ko rin yun, Maahan, pero hindi natin hawak ang puso ni Miya. Pinagpapalagay ko na lang na kaya siya nagiging malapit sa dayo ay dahil ngayon lamang siya nakakita ng isang taong hawig ang anyo sa kanya."

"Nangangamba lang ako na...na baka dahil sa pagiging malapit nila ng dayo, muli niyang kwestyunin ang kanyang tunay na pagkatao kahit na napaniwala natin siya na kakaiba lang talaga ang kanyang anyo sapagkat anak-araw siya. Ayaw kong dumating sa punto na iwan niya tayo pag nalaman niya ang lahat."

Nabalutan si Maahan ng takot at niyakap na lamang siya ni Marcio para pakalmahin ito. "Hindi iyon gagawin ni Miya. Tayo ang mga magulang niya at anak natin siya."

"Huwag kayong mag-alala," saad ni Datu Mortho na bigla na lamang sumulpot sa kanilang kubo. Kanina pa pala siya nakikinig sa kanilang usapan. "Ako man ay nangangamba rin sa pagiging malapit ni Miya kay Aric. Hindi pa naman huli ang lahat."

"Ano pong ibig niyong sabihin, Ama?" tanong ng kanyang anak.

"Ako na ang bahalang gumawa ng paraan, ipaubaya nyo na ito sa akin. Nararapat na tapusin na natin ito bago pa lumalim ang namamagitan sa kanila."

***

Maaga pa lamang ay nagkakasayahan na sina Miya at Aric sa kanyang kubo kasama si Myoris at ang mga bata. Tinuruan sila ng binatilyo ng isang laro na kanilang mapapaglibangan. Kailangan nilang magpahula sa isa't-isa sa pamamagitan ng kanilang mga kilos.

Kasalukuyang si Myoris ang nagpapahula sa kanila. Inarte niya ang kanyang mukha at nilabas niya ang kanyang mga pangil. Umangil siya at ginalaw ang kanyang mga kamay gaya ng isang mabangis na hayop.

"Leon," hula ni Maoro.

"Hindi, Oso!" Ganadong sinabi ni Mylka.

Napailing si Myoris. Tumalikod siya at nagkunwaring may mahabang mga buntot gamit ang kanyang mga kamay.

Isang mabangis na hayop na may matutulis na kuko, pangil at mahaba ang buntot. Mukhang alam ko na.

"Buktot!" may kumpiyansang isinigaw ni Miya, umaasa na tama ang kanyang hula.

Tinuro siya ni Myoris at napatango. "Sa wakas at nahulaan nyo rin, tutal ikaw ang nakahula, ikaw ang susunod."

Tumayo si Miya at hinawi niya ang parehong kamay sa magkabilang direksyon, pagkatapos itinaas niya ang mga ito at gumawa ng isang parisukat na korte gamit ang kanyang mga daliri.

"Tuktok!" Sigaw ni Myoris.

"Bulkan?" hula ni Mylka.

"Bundok!" si Aric naman ang nagsalita.

Napatango ang dalaga sa kanya.

"Paano ba yan, tatlong puntos sa mga matatanda at dalawang puntos sa mga bata," biro ng binatilyo kina Maoro at Mylka, "mukhang panalo kami."

"Daya, mas matanda kayo," humaba ang nguso ni Mylka sa pagrereklamo.

"Masyado tayong naaliw," sinaway sila ni Myoris. "Tara na mga bata, ihahatid ko na kayo sa mga magulang ninyo at baka hinahanap na kayo."

Nagsunuran ang mga bata sa matabang dalagita papalabas ng kanyang kubo.

"May bundok din ba dito sa Kasaganaan?" napapaisip na tinanong ni Aric sa kanila.

"Marami, madalas punta doon si Miya," sagot ni Myoris habang di pa siya nakakalabas.

"Gusto kong pumunta, masasamahan nyo ba ako?"

"Mahina ako sa akyatan, pero yang si Miya sanay na sanay yan. Gusto ko sana kaso marami pa rin akong gagawin."

Pagkaalis ni Myoris, si Miya naman ang tumayo at nagtungo papalabas ng kubo.

"Aalis ka na rin?" hindi pa niya ibig na mahiwalay sa dalaga.

"Gusto mo makita ang bundok hindi ba?" seryoso siyang tinanong ni Miya. "Tara."

Napangiti ang binatilyo na parang isang batang napagbigyan ang kahilingan.

***

Tinahak ni Miya at Aric ang puso ng kagubatan para marating nila ang kabundukan. Marami silang inakyat na mga batuhan gamit lamang ang lakas ng kanilang mga braso, katawan at paa. Namangha lalo ang binatilyo sa liksi ng pangangatawan ni Miya, para bang napakagaan lamang ng kanyang pangangatawan at sasaglit lamang ang ginawa niyang pag-akyat. Noong una ay napapag-iwanan si Aric, ngayon niya lamang napagtanto kung gaano kabigat ang kanyang pangangatawan habang siya ay nakikipagsapalaran sa pag-akyat sa ere. Hinintay siya ng dalaga hanggang sa marating niya ang tuktok. Inalok niya ang kamay sa binatilyo at tinulungan niya ito na makarating sa itaas.

Pagkarating nila, mahingal-hingal si Aric sa taas at namimintog ang malalapot niyang pawis ngunit ang lahat ng iyon ay napawi nang ituro sa kanya ni Miya ang tanawin mula sa itaas ng kabundukan. Sa tuktok, kitang-kita nila ang buong Kasaganaan. Nagmistulang mga maliliit na damuhan ang mga berdeng kapunuan sa kagubatan. Mabuti na lamang at hindi siya nalulula. Naaninag rin nila ang talon na walang tigil ang pag-agos at ang purong turkesang karagatan sa may ibayo na kakulay ng mga mata ng dalaga. Ang karagatang nasa Silangan pa ng Silangan. Sa itaas, napasulyap sila sa mga ibong malayang lumilipad sa himpapawid. Dinama ng binatilyo ang pagsinag ng araw sa kanyang mukha at ang pagkapit ng simoy ng hangin sa kanyang balat.

"Napakaganda naman dito, parang ayoko ng bumaba," habang tumatagal, mas lalong nakakaramdam ng kapanatagan at ginhawa ang binatilyo sa kanyang kinaroroonan.

"Ganoon rin ako, ito ang paborito kong lugar sa buong Kasaganaan," ipinalaam ni Miya. "Bukod sa dalampasigan, dito ako punta pag ako gusto mag-isip-isip. Isang tingin lang at nawawala lahat ng mga alalahanin ko."

"Matagal na rin ako dito pero hindi pa rin nabibigo ang Kasaganaan na sorpresahin ako, gaya mo."

Ito na naman siya sa mga mabubulaklak niyang mga salita.

Napangiti si Miya sa sinabi ng binatilyo sa kanya.

"Kailan nyo nga pala narating ang paraisong ito?"

"Matagal na, bago pa raw ipanganak ako," ito lamang ang alam ni Miya, buong buhay niya, ang Kasaganaan na ang kinagisnan niya. "Pinag-uusig raw kami ng Hari noon pa man, wala raw kami mapuntahan. May isang taong tumulong kay Lolo na marating ang lugar at mula noon, kami dito na nanatili, kung saan tahimik at ligtas."

Bahagyang kumunot ang noo ni Aric at napatingin sa malayo nang marinig nito ang kwento ni Miya tungkol sa Haring nais kumitil sa Tribong Myongan.

"Ayon sa kasaysayan, bago pa man dumating ang Unang Hari, ang tubong Tzi at ang iba pa, kayo raw mga Tribo ang unang nakadiskobre sa Kontinente ng Silangan dahil kayo ay isang magaling na manglalayag. Kung tutuusin kayo ang mas may karapatan sa mga lupain sa Silangan, ayaw nyo na bang bumalik doon?"

"Kapag kami bumalik doon, kami ay mamamatay," sambit sa kanya ni Miya. "Uubusin kami ng Hari at hindi siya titigil hanggang di kami nalulupig. Nagawa na niya ito sa amin dati. Hindi ko lang alam talaga bakit niya ito gawa sa amin? Wala naman kami ginagawa sa kanila. Bakit kailangan nila kami paslangin at usigin na parang mga hayop? Gusto lang namin mabuhay gaya ng lahat."

"Sadya talagang may mga taong kagaya niya," saad ng binatilyo, "mga taong takot sa mga bagay na naiiba sa kanila. Ibig sabihin ba nito walang balak si Datu Mortho na balikan ang Hari pagkatapos ng lahat ng kasamaang idinulot niya sa inyo?

"Para saan pa? Para makapaghiganti? Wala naman kami makukuha roon. Matanda na si Lolo, tapos na ang mga araw niya ng pakikidigma. Ang gusto lang namin talaga ay mamuhay ng mapayapa at malayo sa anumang kaguluhan dito sa aming tahanan. Hindi na namin hinahangad ang Silangan, masaya na kami dito sa Kasaganaan."

Tila napaisip si Aric nang masinsinan sa nalaman niya, pagkatapos dahan-dahan niyang hinawakan ang malambot na palad ng dalaga, tinignan niya ito na may angking paghanga sa kanyang mga ngiti.

***

Sa kanilang ginawang himpilan sa may dalampasigan, masama pa rin ang timpla ni Datu Leyro, hindi pa rin niya makalimutan ang kanyang pagkaasar sa dayo lalo pa at parang nagiging naiitsipwera na siya sa mga Myongan.

"Hindi ako makapaniwala. Paano nangyari na mas naging tanyag pa sa mga Myongan ang isang estrangherong kararating pa lamang kumpara sa akin na napakarami ng nagawa para sa kanila? Mga walang utang na loob!"

"Mas matangkad kasi ang estranghero," natatawang biro ng kanyang kasama.

"Mas matikas."

"At huwag nyong kalimutan na siya ang nakapatay sa Buktot."

Mas napalakas ang kanilang halakhak at pangkakantyaw sa kanilang Pinuno.

"Kanino ba talaga panig? Gusto nyo bang ihandog ko sa dayo ang mga pinag-untog-untog nyong mga ulo?"

"Siyempre sa inyo, Mahal na Datu."

"Magtataka pa ba ako kung talagang maliliit ang mga utak ng mga Myongan. Makakita lang sila ng taong labas namamangha na sila na parang mga matsing na nakakita ng diyamente."

"Talaga ngang nahumaling na sila sa dayo, para ngang balewala na tayo sa kanila kahapon sa selebrasyon."

"Ang masama pa nahahalata kong natitipuhan na ni Miya ang taong yun! Hindi ako makapapayag!"

"Bakit ka naman magtitiis kay Miya, kung marami namang mga babaeng Leonesa ang nagkakandarapa sa'yo?"

"Sawa na ko sa mga kalbo, naiiba pa rin si Miya. Siya lang ang nararapat sa akin," desididong sagot ng Datu. "Isa pa magagamit ko siya. Kapag napangasawa ko na siya, matutupad na ang plano kong palakasin ang Tribong Leon dito sa Kasaganaan at gawing alipin ang lahat ng mga Myongan."

"Ano naman ang gagawin mo para makuha ulit si Miya?"

"Kailangang lagyan ko na siya ng sanggol sa sinapupunan niya. Kapag dinadala na ni Miya ang aking anak, wala siyang magagawa kundi pakasalan ako sa ayaw niya man o sa gusto niya."

Nanlaki ang mga mata ng kanyang Katribo sa kanyang panukala.

"Gagahasain nyo siya? Lubhang mapanganib ang binabalak mo, paano kung magsumbong siya sa kanyang Lolo?"

"Hindi niya yun magagawa, Mahal ni Miya si Datu Mortho, ito ang kahinaan niya. Pagbabantaan ko siya, tatakutin na sa oras na magsumbong siya, papatayin ko ang Mahal niyang Lolo."

"Hindi naman sa minamaliit ko kayo pero malakas ang dalaga, minsan na niyang nakasagupa ang ilan sa ating tribo at natalo sila."

"Madali lang yan, gagawa ako ng bitag para sa kanya. Hindi siya makakapanlaban sa akin ngayon."

"Mukhang magtatagumpay ka na sa pagkakataong ito, Datu Leyro," nakumbinsi na ni Leyro ang kanyang mga tauhan.

***

Kasagsagan ng hapon, pinasok ni Leyro ang kubo ni Miya habang walang tao. Sa may maliit niyang mesa malapit sa kanyang higaan, namataan niya ang mga arnis at sibat ng dalaga. Kinuha niya ang mga ito at itinapon sa may bintana. Pagkatapos, hinanda na niya ang kanyang bitag at nag-iwan siya ng mga balat ng saging sa sahig.

Tyempong pauwi na si Miya at Aric galing sa kabundukan at sila ay nagkanya-kanya na ng daan pabalik sa kanilang mga tahanan. Pumasok ang dalaga at nagulantang siya nang makitang nakaupo na si Leyro malapit sa hapag.

"Anong ginagawa mo rito?" Napakagat ang dalaga sa kanyang labi sa pagkainis.

"Gusto ko lang mag-usap tayo, Miya," malumanay itong nag-alok ng silya sa dalaga.

Bahagyang lumapit ang dalaga na may pag-iingat ngunit hindi niya nakikita ang mga balat ng saging sa ibaba.

"Anong pag-uusapan natin?"

"Ang tungkol sa magaganap nating pag-iisang dibdib."

"Nasisiraan ka na ba? Wala na ngang magaganap na pag-iisang dibdib. Ilang ulit pa ba namin sasabihin sa'yo? Ganyan ka na ba kadesperado sa atensyon ko, Leyro? Hindi ko gusto na bigla ka na lang pumapasok dito sa kubo namin. Ngayon, lumabas ka na. Naaasiwa ako sa presensiya mo sa sarili kong tahanan."

"Hindi pa tayo tapos," tumayo si Leyro na may kakaibang ngiti sa kanyang mabagsik na mukha. Tinitigan niya ang dalaga mula ulo hanggang paa.

"Bakit ganyan ka makatingin?"

Napalingon si Miya sa kinaroroonan ng kanyang mga armas.

Wala ang mga sandata ko, itinago niya, tiyak na mayroon siyang binabalak...

"Huwag kang lalapit, binabalaan kita."

Nagsisimula nang bumilis ang pintig ng puso ng dalaga.

"Anong gagawin mo? Tayo lang ang nandito, ngayon wala ka ng kawala sa akin."

Nagpasya ang dalaga na umalis. Sa kanyang pagtakbo hindi niya namalayan ang balat ng saging sa sahig. Siya ay nadulas at napabagsak. Napa-aray sa sakit ang dalaga, hindi maganda ang kanyang pagkakadulas at siya ay nahihirapang makabangon.

Sinamantala ni Leyro ang pagkakataon at pumaibabaw siya sa dalaga. Nagpumiglas si Miya ngunit mahigpit niyang binaba ng kanyang malaking kamao ang mga nanlalabang braso ng dalaga.

"Hayop ka! Bitawan mo ko! Nasusuklam ako sa'yo!"

"At sino ang gusto mo? Ang dayo!" sumabog na ang galit ni Datu Leyro. "Tignan lang natin kung maliligtas ka pa niya sa gagawin ko sa'yo ngayon. Akin ka lang, Miya! Akin ka lang!"

Sinimulan na niya ang gagawin niyang pananamantala sa dalaga at pinupog niya ito ng halik sa kanyang leeg. Napahiyaw si Miya sa kanyang pagpupumilit.

Bago pa niya tuluyang magawa ang maitim niyang balak, isang kamay ang humablot sa Datu papalayo kay Miya. Ito ay walang iba kundi si Aric. Sinuntok niya si Leyro nang malutong sa mukha. Nahilo ang Datu ngunit hindi nagpatinag, may dinukot siyang isang itak at siya ay nanlaban. Nakailag si Aric sa kanyang pag-atake at dumiretso ang Datu sa kahoy na dingding ng kubo. Tinadyakan ng binatilyo si Leyro sa sikmura, dinagukan niya ito likuran pagkatapos pinagsusuntok niya ito ng paulit-ulit sa kanyang pisngi. Sa lakas ng pwersa ni Aric, napatalsik niya si Leyro sa bintana patungo sa tubigan sa pampang.

Napatingin si Myoris at ang ibang Myongan sa nangyari kay Leyro sa bahay nila Miya.

"Miya, ayos ka lang?" tanong ng binatilyo kay Miya.

Naluluhang napayakap si Miya sa binata.

Dahil sa pinsalang tinamo ng dalaga sa pagkakadulas, inakay siya ni Aric papabalabas ng kubo.

Pagkalabas nila, nag-aabang na sa kanila ang mga Myongan at maging si Leyro na bugbog sarado.

"Anong nangyayari dito?" tanong ng ilang kababaihan sa Datu.

Wala roon si Datu Mortho at ang iba pa dahil sila ay kasalukuyang nangangaso sa kagubatan.

Hindi pinansin ni Leyro ang mga Myongan, nakabaling lamang ang pansin niya kay Miya at Aric. "Saan kayo pupunta?"

"Walanghiya ka!" sigaw ni Miya sa kanya. "Anong karapatan mong bastusin ako!"

Nabigla ang lahat sa narinig mula kay Miya. Nang mapagtanto ni Leyro na nakatingin na sa kanya ang lahat, natuliro ito at nag-isip kung ano ang kanyang sasabihin.

"Patawarin mo ko, Miya hindi ko sinasadya. Nadala lang ako ng selos, hindi ko matanggap na aagawin ka lang sa akin ng ulupong na to!"

"Sino ang tinatawag mong ulupong?" sinagot siya ni Aric sapagkat nauunawaan na niya ang sinasabi nito.

"Hayop ka!" saad ni Leyro nang malaman niyang nakakaintindi na ng kanilang lengguahe ang dayo. "Huwag kang makisali dito! Bakit di ka pa bumalik kung saang pesteng lupain ka nagmula!"

"Ikaw ang hayop, Datu Leyro!" lalong nangitngit sa galit si Miya. "Pagbabayaran mo ang ginawa mo sa akin!"

Naglapitan ang mga lalaki at pinaligiran nila ang Datu.

"Dakpin nyo siya, sinubukan akong halayin ng taong yan!"

Hinatak ng mga lalaking Myongan si Leyro at ginapos. "Anong ginagawa nyo sa akin! Bitawan nyo ko! Isa akong Datu, tandaan nyo yan!"

***

Dinala ni Aric ang dalaga sa manggagamot para mapatignan ang kanyang pinsala.Nilanggasan ni Myam-Gaam-Ot ang mga paa ni Miya, pagkatapos ay binalutan ito ng dahon ng bayabas.

"Kamusta po ang mga paa ko?" Nag-aalala niyang tinanong sa matanda.

"Napilayan ka lang ng kaunti dahil sa pagkakadulas," paglalahad ng matanda. "Kailangan mo lang ipahinga ng ilang araw para mas mabilis gumaling. Wala munang pag-akyat, paglangoy at pagtakbo."

"Maraming salamat po sa paalala."

Nilapitan ni Aric ang dalaga at dinamayan ito, "huwag ka ng matakot, Miya. Ligtas ka na, hindi ka na masasaktan pa ni Leyro."

Bago pa siya masagot ni Miya, pumasok sa loob ng kubo sina Marcio at Maahan.

"Miya!" Kababalik pa lamang nila mula sa pangangaso, nabalitaan nila ang nangyaring kaguluhan kanina.

"Ayos ka lang ba, anak? Anong ginawa sa'yo ng Leyrong yun?" Hinaplos ni Maahan ang buhok ng anak sa pag-alala.

"Huwag na po kayo mabahala, maayos na po ako. Tinulungan po ako ni Aric."

Lumapit si Maahan sa binatilyo. Kahit na hindi siya sang-ayon sa pagiging malapit ng dalawa, batid niyang malaki ang utang na loob niya sa binatilyo. "Maraming salamat."

"Wala pong anuman," sinagot siya ni Aric sa Wika ng mga Myongan.

"Pag talaga nakita ko yang Datu Leyro na yan, baka tagain ko yan!" nanggagalaiting sinambit ng kanyang Ama.

"Hindi na po kailangan, nahuli na po siya ng mga katribo natin," tugon ni Miya.

"Sigurado ako may kalalagyan siya kay Ama," pinagpalagay ni Maahan.

***

Kinagabihan, iniharap ang nasasakdal na Datu kay Datu Mortho. Nakatalikod pa si Mortho noong dalhin sa kanya ang nakagapos na si Leyro. Ang lahat ay naroroon at nagkukumpulan upang abangan kung ano ang magiging hatol ng Datu sa kanya. Si Miya naman ay inaalalayan pa rin ni Aric at ng kanyang mga magulang.

"Mahal na Datu," mahinahong pagtawag ni Leyro sa kanya.

Hinarap siya ng matandang Datu at kasabay nito, hinampas niya ng kanyang tungkod sa katawan ang bihag sa kanyang pagkamuhi at ito ay napabagsak sa buhanginan. Sa galit ni Mortho, paulit-ulit niyang hinampas ang binatilyo at kinailangan na siyang awatin ng kanyang mga tauhan.

"Tama na po."

"Hayop ka!" nagmistulang isang tigreng galit ang Datu. "Pinagkatiwalaan kita! Kaming lahat dito ay nagtiwala sa'yo, pagkatapos ito ang igaganti mo sa kabutihang pinakita namin sa inyo? Pinagtangkaan mo pang gahasain ang apo ko!"

"Datu Mortho, patawarin nyo po ako, hindi ko po sinasadya, nandilim lang po ang paningin ko, hindi ko namalayan ang aking ginagawa." Sa pagkakataong ito, lahat ay sasabihin niya huwag lamang siya maparusahan.

"Hindi mo namalayan?" Inulit na tanong sa kanya ni Maahan. "Kaya pala itinapon mo ang mga sandata ng aking anak at nilagyan mo ng padulas na saging ang aming kubo! Kung hindi mo naman talaga binalak ang lahat!"

"Umamin ka na kasi na sinadya mo talagang pagsamantalahan ang anak namin!" Sigaw ni Marcio. "Hayop ka!"

"Patawarin nyo po ako sa nagawa ko, hindi ko na uulitin, pangako!" Lumuhod sa kanila ang duguang Datu.

Si Miya naman ang muling humarap sa taong may pananagutan sa kanya. "Paano ka pa namin mapapagkatiwalaan pagkatapos ng ginawa mo sa akin? Tingin mo ba basta na lang kita papatawarin sa kalapastanganan mo? Kung hindi lang dumating si Aric, malamang nagtagumpay ka na sa binabalak mo sakin!"

"Miya, hindi ako titigil hanggang di ko nakukuha ang kapatawaran mo, nagawa ko lang naman yun dahil sa pagmamahal ko sa'yo," sa paanan naman ng dalaga, lumuhod si Leyro.

"Hindi dahilan yun para pagsamantalahan mo ako, wala kang minahal kundi ang sarili mo!" nanggangalaiting sinagot sa kanya ng dalaga.

Kung titignan si Leyro ngayon, hindi aakalain na iisa lamang sila ng Datung madalas na magyabang at magpasikat sa kanila noon.

"Ang nararapat sa isang ahas na katulad mo ay parusahan nang sa ganoon ay hindi na tularan ng iba pa. Kunin nyo na yan!"

Laking gulat ni Leyro noong siya ay kinuha na ng mga Myongan sa utos ng Datu.

"Sandali lang, anong gagawin nyo sakin! Hindi nyo ko pwedeng saktan! Ako ang Datu! Ako ang Datu ng Tribong Leon!"

Dinala nila si Leyro sa isang malaking puno sa gubat na nag-uumapaw sa mga dambuhala at mapupulang mga langgam.

"Hinahatulan na kita, Leyro. Kamatayan ang kaparusahan sa kalapastangan! Itali na yan at hayaan nyong ubusin ng mga langgam!"

"Tama, patayin siya!" maging ang ibang mga Myongan ay umuudyok na ito ang gawing hatol ni Mortho.

"Huwag! Huwag! Hindi ko na uulitin!" Parang isang babaeng nagtitili si Leyro habang siya ay dinadala na sa puno.

Napatingin si Miya sa napakaraming langgam na gumagapang sa puno. Makamandag ito at lubhang mapanganib kapag nakakagat. Ilang kagat lamang nito at tiyak na mamamatay si Leyro sa sakit at lason.

"Sandali lang po, Lo," sumingit si Miya.

"Ano yun, apo ko?"

"Hindi ko po nais na siya ay mamatay."

"Pero binastos ka niya," pinaalala sa kanya ni Mortho. "Nararapat lamang ito ayon sa kodigo ng ating batas!"

"Kaya ko pong palagpasin ang ginawa niya sa akin, ang inaalala ko po ay ang Tribo natin. Kapag pinaslang nyo ang Datu ng Tribong Leon, siguradong gaganti ang Tribo niya. Baka magkaroon pa ng kaguluhan, ito ang iniiwasan kong mangyari at isa pa, hindi po ba mas nararapat na pairalin natin ang awa kahit sa mga taong may kasalanan sa atin?"

Naisip ni Mortho na tama ang apo. Maaari nga itong pagmulan ng isang malaking digmaan laban sa Tribong Leon. Sumenyas siya sa mga tauhan niya at hindi na nila tinuloy ang paggapos kay Leyro.

Hinarap ni Mortho si Leyro, "mapalad ka pa rin at mabait ang aking apo. Lumayas ka na, ikaw at ang lahat ng kasama mo, winawaksi ko na kayo dito sa aming teritoryo at sa oras na bumalik kayo, hindi na kami magdadalawang-isip na paslangin kayo!"

"Nagkamali kayo sa pagkanti sa akin," nagbalik na ang tapang ni Leyro ngayong malaya na ulit siya, "pagsisisihan nyo itong lahat!"

Tuluyan nang nilisan ni Leyro at ng iba pang Tribong Leon ang lugar ng mga Myongan sa Kasaganaan.

***

Kinagabihan, ipinatawag ni Datu Mortho si Miya at si Aric sa kanyang kubo.

"Lo, pinatawag nyo po kami?"

"Oo, mabuti at nandito na kayo."

Napatingin ang Datu sa dayo na may maamong ngiti.

"Aric, gusto lang sana kitang pasalamatan sa pagligtas mo kay Miya. Kung wala ka roon, baka kung ano na ang nagawa ni Leyro sa apo ko. Malaki ang utang na loob ko sa'yo."

"Wala pong anuman," sinagot siya ni Aric sa Wikang Myongese. "Handa po akong tumulong sa kahit na sino."

"Hindi po tayo nagkamali na pagkatiwalaan siya," tugon ni Miya.

"Tama ka, Miya," sumang-ayon ang Datu. "Ilang beses na niyang napatunayan ang kanyang sarili. Nakita natin ang kanyang sipag sa paggawa, ang angkin niyang katapangan at ang pagiging matulungin sa kapwa. Napagtagumpayan na niya ang hamon ng pagiging isang tunay na Myongan at dahil dito nais kong bumawi sa kanya at bigyan siya ng gantimpala."

"Talaga po?" Masayang tanong ni Aric. Maligaya silang nagkalingunan ni Miya.

"Panahon na para ibigay ko sa'yo ang matagal mo ng minimithi. Ikaw ay pinapalaya ko na...maaari ka ng umuwi at bumalik sa iyong pinanggalingan anumang oras."

Naisip ni Mortho na samantalahin na ang pagkakataon para tuluyan niyang paghiwalayin ang dalawa.

Imbes na matuwa, tila nagulat pa si Miya sa naging desisyon ng kanyang Lolo, ang buong akala niya ay bibigyan lamang ni Mortho ng isang pabuya o karangalan si Aric. Napalingon ang dalaga sa binata. Napangiti si Aric ngunit napansin niyang tulad niya ay nagulantang rin ito sa inanunsyo ni Mortho at pilit lamang ang kanyang ngiti. Napaghalataan niyang naglaho ang sigla sa mukha ni Aric.

Hindi rin niya ito nagustuhan, nakikita ko...mayroon ding pumipigil sa kanya na gawin ito...ang isip nga ba...o ang puso?

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro