Kabanata 10: Graison
-Lupain ng Artemias-
Nagmistulang "Lupain ng Apoy" ang Artemias sa tindi ng sunog. Maririnig ang nagsisigawang mga Artemian habang sila ay tumatakbo papalayo sa damuhan at anumang halamanang kulay kahel. Mayroong inabot ng pinsala at maririnig ang kanilang paghiyaw habang sila ay nalalapnos. Natupok rin ang ibang kabahayan na malapit sa mga kapunuan at marami ang nawalan ng tahanan. Nagtulong-tulong ang iba sa paghahakot ng tubig sa mga bariles upang asintahin ang apoy ngunit hindi tumatalab ang pagbubuhos nila ng tubig. Sa laki ng sakop ng sakuna, nagsisimula nang kumalat ang maiitim na usok sa paligid. Marami na ang inuubo at nahihirapang huminga. Malayo pa lamang, maaaninag na ang higanteng usok sa kalangitan ng Artemias.
"Ano bang mga nangyayari?" hindi pa rin makapaniwala si Konde Sethro. "Ngayon lang ako nakaranas nito sa buong buhay ko. Nakakapangilabot!"
"Kamusta na sa labas?" kinakabahang tanong ni Aurello kay Roqil.
"Nagkakagulo pa rin po, lahat sila ay natataranta," sagot niya.
Napasilip si Aurello mula sa kanyang balkonahe at nasilayan niya ang nagliliyab na puno at halaman. Nararamdaman niyang hindi natural ang mga pangyayaring ito.
"Sigurado akong may kinalaman si Fierro at ang kanyang Itim na Diyos sa mga nagaganap ngayon. Tinulungan siya ng kanyang Panginoon para talunin ang ating pwersa! Hindi ko ito palalagpasin! Bubwelta tayo ng higit pa sa inaakala nila. Ngayon naniniwala na ba kayo na may kapit sa kadiliman ang Emperador?"
"Kung totoo nga ang sinasabi mo, mahihirapan tayong labanan siya, parang kinalaban na rin natin ang kalikasan," namomroblemang pinaalala sa kanya ni Sethro. "Anong panama natin sa kidlat at apoy?"
"Mataas na Panginoon, baka ito na ang senyales para itigil na natin ang pagkalaban sa Emperador," payo sa kanya ni Roqil.
"Hindi," lalong nanggalaiti si Aurello, "hindi ako titigil sa pagpapabagsak kay Fierro kahit suungin ko pa ang karagatan ng apoy! Ngayon nga tayo dapat mas magpursige na pigilan siya. Simula pa lamang ito. Hindi natin alam kung ano pang sakuna ang ipapadala nila hindi sa lang sa Artemias kundi sa Buong Lupain. Kapag hinayaan natin siyang magwagi, mababalot na ng kanilang lagim ang mundong ito. Kung gusto nyo nang sumuko, bukas ang pinto."
"Ngayon pa ba ako aatras? Marami na akong isinaalang-alang sa digmaang ito," tugon ni Sethro.
"Kasama nyo kami, Panginoong Aurello," naghayag ng pagsuporta si Roqil, "patuloy tayong lalaban para sa Buong Lupain."
***
Makalipas ang tatlong oras, muling gumalabog sa Artemias ang isa na namang malakas na pagkulog at pagkidlat. Kasabay nito, bumuhos ang pagkalakas-lakas na ulan. Ito lamang ang siyang humupa sa nagliliyab na apoy.
"Salamat, salamat," nakahinga ng maluwag ang mga matatanda.
Tuluyan nang naapula ang matinding sunog sa Lupain pero bago yun, marami na itong kinuhang buhay at iniwang pinsala sa lahat ng naroroon.
-Sentralisadong Imperyo ng Cenpyre-
Kinabukasan, maagang nagising si Graison. Walang kaalam-alam sa naging kaganapan sa Artemias, plano ng Prinsipe na mamasyal muna sa Bayan at makipagkarera ulit kasama si Osylla bago niya simulan ang mga tungkulin niya sa Pangunahing Bulwagan ngunit noong magpapaalam na siya sa mga bantay, hindi siya pinayagang lumabas ng Palasyo.
Bumalik siyang dismayado kay Osylla. "Paano ba yan mukhang hindi tayo makakalabas ngayon. Mahigpit pa lang pinagbawalan ni Ama at Ina na lumabas ako ng Palasyo. Akala ko kahit papaano ay magkakaroon ako ng kaunting kalayaan, nakalimutan kong kahahaling Emperador nga lang pala ako."
"Mauunawaan naman natin sila," tugon ni Osylla. "Lubhang mapanganib ngang lumabas ngayon dahil sa mga nangyayaring kaguluhan. Siguro maghanap na lang tayo ng ibang paglilibangan ngayon. Wala naman tayo magagawa, mahika na ang kailangan para makalabas tayo sa Palasyo."
Mahika?
Naisip na ni Graison kung ano ang kanilang gagawin ngayon.
"Gusto mo bang pakitaan kita ng kaunting mahika?"
"Marunong ka?" tanong ng dalaga. "Naturuan ka ba ng mga lingkod na mahikero?"
"Hindi. Totoong mahika ito, walang halong ilusyon, tara doon tayo sa silid ko at ipapakita ko sa'yo."
Pagpasok nila, sinara ni Graison ang pinto. Kinuha niya ang Mahiwagang Pisara na nakatakip pa ng puting tela.
"Maghanda ka, Osylla, huwag kang magugulat pag nakita mo na."
Habang taimtim ng nakaabang ang dalaga, dahan-dahang inalis ni Graison ang tela at lumabas ang malamig na usok nito sa buong silid. Gininaw si Osylla at nanginig.
"Ano ang bagay na iyan? Bakit napakalamig?"
"Ito ang Mahiwagang Pisara ng Yelo," pagmamalaking ipinakilala sa kanya ng Prinsipe.
"Mahiwagang Pisara?"
"Yari ito sa yelong hindi natutunaw gawa ng isang mahika, hawakan mo."
Hinawakan nga ni Osylla ang pisara, malamig ito ngunit hindi nga basa at hindi natutunaw.
"Gamit lamang ang iyong isip at imahinasyon, kaya nitong buhayin at pagalawin ang anumang pinipinta mo."
Hinawi ni Graison ang kanyang basahan pakaliwa at pinakita niya kay Osylla isa-isa sa bawat punas ang lahat ng kanyang mga gumagalaw na obra, kailan lamang nalaman ni Graison na maaari pa pala niyang balikan ang mga nakaraan niyang pininta na para bang naitago at naipon ito ng Pisara.
"Kamangha-mangha," napangiti si Osylla sa mga gumagalaw na pinta.
"Di ba sabi ko sa'yo isa itong tunay na mahika," nagagalak si Graison at gumana ang pagpapakitang-gilas niya sa dalaga.
"Saan ito nagmula?"
"Handog ito sa akin ni Aling Doray, na nagtatrabaho rito sa Palasyo. Ang sabi niya nararapat sa akin ang Pisarang ito dahil ako daw ay biniyayaan ng kakayahang makakita ng imahe, nakaraan man, kasalukuyan o hinaharap na kahit ang mga magagaling na maghuhula ay hindi raw mapapantayan. Marahil ito ang dahilan kung bakit ako madalas magkaroon ng mga matatalinhaga at malalim na panaginip."
"Talaga?" Mas namangha pa si Osylla sa binahagi niya. "Ibig sabihin tunay ngang ikaw ay kakaiba."
"Oo, Osylla kaso nga lang nagtataka ako, wala pa namang nagaganap sa mga pinipinta ko." Natigilan nang bahagya si Graison at napapaisip kung bakit nga ba. "Malaki ang naitulong sakin ng Pisara, mula nang dumating ito, hindi na ako pinagbabawalan ni Ama na magpinta, nalilibang siya sa imaheng napapagalaw nito. Marami pa sana akong itatanong kay Aling Doray, kaso nga lang bigla na lamang siyang naglaho."
"Maaari mo bang gamitin ito ngayon, nang sa ganoon ay makakita ulit ako ng iyong bagong obra."
Nagustuhan ni Graison ang hiling ng kaibigan ngunit may isang bagay siyang inaalala.
"Karaniwan kasi pinipinta ko ang mga napanaginipan ko, wala akong napanaginipan kanina, pero sige. Hahayaan ko na lang maglaro ang imahinasyon ko. Manood ka lang Osylla."
Kinuha ni Graison ang kanyang brotsa, idinikit ito sa kanyang Pisara at siya ay pumikit habang dumadampi ang malalamig na hangin na nagmumula rito. Sinimulan ng Prinsipe ang pagpipinta nang nakapikit, umaasa lamang sa imaheng ipapakita ng isip niya ngayon.
Hindi nagtagal, mayroon nang nabubuo sa kanyang kaisipan. Naaninag niya ang isang malagim na gabi sa Lupain ng Artemias. Katatapos lamang maganap ang isang labanan. Ang paligid ay puno ng umaagos na dugo mula sa mga magkakapatong na mga bangkay, Cenpyero man o Artemian. Nanliwanag ang paligid noong sumulpot sa kadiliman ang isang nilalang na nagliliyab, hindi matukoy ni Graison kung ano ito, kung isa ba siyang tao, apoy o isang taong apoy. Kahit na nagigimbal na, patuloy pa rin ang pagpipinta ni Graison habang nakapikit.
Nag-aalala na si Oyslla sapagkat ito ay pinagpapawisan na. "Ayos ka lang ba? Grai?"
Walang tinag ang Prinsipe sa pagpipinta na para bang nawawala na siya sa kanyang sarili.
"Grai...Grai! Graison!" napalakas ang pagtawag ng dalaga na siyang nagpatigil sa kanya.
"Ano?" may bahid nang pagka-irita sa tinig ng binata.
"Tignan mo?" tinuro ng dalaga ang Pisara.
Nabuo na ang imahe rito at wala itong pagkakaiba sa nakita ni Graison sa kanyang pangitain. Ang Artemias ay puno ng dugo at mga bangkay. Isang taong apoy ang naghahari sa kanilang lahat.
Nanlaki ang mga mata ni Graison sa kanyang pininta, sa lahat ng kanyang ginawa, ito ang pinaka-nakakatakot. Nagsimulang manginig ang kanyang buong katauhan. Napailingon siya kay Osylla na napaurong sa pagkasindak sa nakita. Hindi ginusto ni Graison na takutin siya, ang gusto lamang niya ay gumawa ng isang obra at libangin ang kaibigan. Hindi niya rin ginusto na ito ang kanyang naipinta.
"Isa ba itong pangitain?" tanong ni Osylla.
"Hindi!" Napailing sa kilabot si Graison, "hindi dapat ito ang pininta ko, isa itong pagkakamali, hindi ito maaaring mangyari, hindi!"
Kinuha niya ang kanyang pamunas at agad niya itong binura, hindi niya maatim na makita ulit ang ganitong imahe.
Binalutan niya ng tela ang pisara at tinago ito sa ilalim ng kanyang higaan.
"Patawarin mo ko at nakita mo pa iyon, Osylla."
"Huwag mo kong alalahanin, maayos ako. Ikaw ang inaalala ko, ayos ka lang ba? Baka kailangan kang matignan ng Manggagamot para masigurong maayos ka."
"Wala to, maayos na ako," pinakalma ni Graison ang sarili at pilit na nilimot ang nangyari, "mabuti pa mag-isip na lang tayo ng ibang gagawin."
"Mainam pa nga."
Hindi pa nagtatagal, kumatok ang isang katiwala at siya ay binuksan ng Prinsipe. "Kamahalan, nagbalik na po si Kapitan Malko at ang mga kawal, naririto po si Ginoong Talas."
Pumasok si Talas na susuray-suray at sugatan ang balikat.
"Tiyo Talas, anong nangyari?" Katatapos lamang mabigla ni Graison ngunit ngayon nagulantang na naman siya dahil sa kalagayan ng tiyuhin.
Inalalayan ng dalawa ang Kawal paupo sa kanyang kama.
"Hindi namin naaresto si Duke Aurello," naghihikahos niyang nilahad. "Naisahan kami at tinambangan nila ang pwersa namin. Nakatakas lang kami noong may nangyaring hindi namin inaasahan, nagkagulo sa buong Artemias, kumidlat nang walang kasing lakas at nag-apoy ang lahat ng puno at halaman sa lugar nila."
Natigilan si Graison sa nalaman niya mula kay Talas.
"Tangina kung nakita nyo lang, parang katapusan na ng mundo sa Artemias. Nakakatakot...hindi ko maipaliwanag..."
Hinang-hina pa rin si Talas sa pinsalang kanyang tinamo. Nagawa niyang mapigilan ang pagdudugo ng braso gamit ang nilagay niyang tela pero di ito sapat para maibsan ang sakit.
"Magpagamot po muna kayo," tinayo ni Graison ang tiyuhin at pinasamahan niya ito sa manggagamot.
Naalala ni Graison ang kanyang pininta nitong nakaraan tungkol sa mga kulay kahel na mga punong nag-aapoy. Tugmang-tugma ito sa kaguluhan ngayon sa Artemias. Isa lang ang ibig sabihin nito, nahulaan niya nga ang pangyayaring ito. Tila nawalan ng lakas ang Prinsipe at siya ay tulalang napaupo sa kanyang kama.
"Ayos ka lang ba, Grai?" tinabihan siya ng dalaga.
"Kagagawan ko to," bulong niya sa sarili.
"Ano?" tanong ni Osylla.
"Ang nangyari sa Artemias, nakita ko na ito sa pinta ko...kasalanan ko ang lahat..."
Nagsimula na namang sumpungin ng kanyang pagkabalisa si Graison at siya ay huminga nang may kabilisan.
"Hindi, wala kang kasalanan, Grai," sinubukan siyang pakalmahin ng kaibigan.
"Nangyari ang lahat ng ito dahil sakin," nangingilid na ang mga luha sa kanyang mata.
"Huwag mong isipan yan, malay mo nagkataon lang ang lahat."
"Mabuti pa iwan mo na muna ako," saad niya sa dalaga.
"Pero, Grai..."
"Umalis ka na muna, ayokong mapagbuntunan ka, Osylla. Nais ko munang mapag-isa."
Nag-aalala man si Osylla, ginalang niya pa rin ang hiling ng kaibigan. Hinayaan na muna niya itong mapag-isa sa kanyang silid.
***
Gaya ni Talas, ligtas ring nakabalik si Malko sa Palasyo nang walang katiting na galos sa katawan sapagkat siya ay nagtago lamang noong oras ng labanan. Habang naglalakad ang Kapitan, hindi niya inaasahang makakasalubong niya ang Mataas na Panginoon at kaibigan niyang si Lodell sa bulwagan.
"Kapitan," binati siya ni Lodell.
"Panginoong Lodell," maligayang napayakap sa kanya si Malko.
"Buti naman at kilala mo pa ako, akala ko baka nakalimutan mo na ako dahil mataas na ang ranggo mo."
"Kahit kailan hindi, habang buhay ng nakatatak sa akin ang araw na iyon, ang araw na ipinamalas ng Panginoon ng Apoy ang kanyang tunay na lakas."
"Huwag mo namang ipagsigawan at baka may makarinig. Sa pagkakaalam ko sikreto lang natin ito," napangising binulong ni Lodell sa kanya.
"Siyempre, ipagpaumahin mo, nagalak lang talaga ako at naparito ka."
"Nagagalak din ako at naririto ako ulit sa Palasyo. Kamusta naman kayo ng inyong hanay? Balita ko nagkaroon kayo ng kaunting aberya sa Artemias."
"Tama ka, maliit na balakid lang naman," nagsalita si Malko na para bang wala lang sa kanya ang nangyaring sagupaan. "Maswerte lang ang mga tauhan ko at ako ang Kapitan nila, kundi baka mas maraming nalagas samin."
"Hindi nga nagkamali si Fierro nung pinili ka niyang mamuno sa kanyang hukbo," sinakyan na lamang ni Lodell ang kanyang pagyayabang. "Paano aalis na muna ako, may kikitain pa kong isa pang pamilyar na mukha."
***
Tinahak ni Lodell ang daan patungo sa pinakababa ng Palasyo, dinaanan niya ang mga sikretong daluyan ni Fierro sapagkat binigyan siya nito ng permiso na magtungo sa kanilang sikretong himpilan, gawa ng isa lamang siya sa katiting na nakakaalam ng kanyang malagim na lihim.
Narating niya ang madilim, mainit at masangsang na taguan ni Tandang Ora. Kasalukuyang abala sa kanyang mga ritwal ang matanda.
"Matagal pa ba yan?" walang pagdadalawang-isip niyang inistorbo ang matanda.
"Liodencio," napalingon sa kanya si Ora. "Hindi ko inaasahan ang pagparito mo ngayon."
"Naisip ko lang na dalawin ang isang kaibigan. Magkasama nating iniligtas ang Mataas na Emperador noon at kung hindi dahil sa'yo, wala kami pareho sa mga kinalalagyan namin."
"Totoo yun, batid kong malayo na ang narating mo."
"Sa Kanluran binibigay nila ang respetong nararapat lamang para sa isang Panginoon, doon sinasamba nila ako."
"Ano ang maipaglilingkod ko sa'yo?" tanong ni Ora.
"Nung huli tayong nagkita, pinalahad ko sa'yo ang aking kapalaran, maraming magagandang pangitain ang natupad na ngunit mayroon ding mga bagay na hindi ko nagustuhan, nais ko lang malaman kung sa pagkakataong ito, nabago na ang mga iyon."
"Alamin natin."
Kinuha ni Ora ang kanyang bolang krystal. Nilagay niya ito sa mangkok na may kumukulong tubig at tsaka niya isinagawa ang kanyang ritwal.
"Dampi mo ulit ang iyong palad sa ibabaw ng krystal," utos niya kay Lodell.
Kahit na mainit-init pa, hindi nag-atubili si Lodell na sundin ang ipinag-utos ng matandang mangkukulam tulad ng ginawa dati noong huli siyang nagpahula.
"Nakikita ko...nakikita ko..." nakapikit na bulong ng matanda.
"Anong nakikita mo?" nag-aabang si Lodell ng mga kasagutan.
"Nalalapit na ang panahon, magtatapos ang pamumuno mo sa Kanluran dahil sa isang maputla o maitim na nilalang. Hindi ko matiyak kung alin sa dalawa, nag-iiba ang kulay ng imahe. Siya ang magpapabagsak sa'yo at sa buong pwersa mo, para hindi na kayo bumangon pang muli. Pareho pa rin ang nakikita ko sa magiging kapalaran mo."
Hindi matanggap ni Lodell ang kanyang nalaman. Naghahalo ang nerbyos, takot at galit sa kanya ngayon, pagalit niyang inalis ang kanyang palad sa krystal.
"Nagkakamali ka, tanda!"
"Huwag kang magalit sa isang tagasilip lamang, Liodencio."
"Hindi mo ba alam kung ano ginawa ko sa Kanluran sa loob ng isang dekada. Inuubos ko na ang lahat ng Itmai at Puttlan bilang pagganti sa mga kasawian ko noon! Nagpatayo ako ng kampong papatay sa kanilang lahat. Hindi ko sila pinapakitaan ng kaunting awa, kahit mga babae at mga bata pinapatay namin! Ginagawa ko na ang lahat para hindi ito mangyari! Paano mo nasasabing sila ang magiging katapusan ko?"
"Subukan mo mang iwasan ang iyong paglagapak, kung ikaw ay patungo sa matulis na patalim, ikaw ay matutusok pa rin."
Tumagos sa kaibuturan ni Lodell ang mga salitang ito ni Ora, ngunit hindi niya pinahalata na siya ay nasindak sa kanyang babala.
"Tapos na tayo! Maraming salamat na lang pero di ko matatanggap ang mga hula mo."
"Paalam, Liodencio. Maaaring ito na ang huli."
Padabog na lumayas si Lodell paalis ng kanyang lungga.
-Lupain ng Mairuz-
Matapos ang ilang araw na paglalakbay, narating na rin ni Emperatris Grasiela, Panginoong Ocillo at ng kanilang mga Kawal ang Lupain ng Mairuz. Bahagyang nagtagal ang biyahe nila dahil iniwasan nila ang Lupain ng Artemias kung saan nagbabadya ang kaguluhan.
Taliwas sa Artemias, wala pang senyales na may kaguluhan sa Mairuz, marami pa ring mga tao na abala sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay at mapayapa pa ang lahat. Hindi kalayuan sa kabayanan ang Kastilyo ni Panginoong Mairo na kasalukuyang namumuno sa Lupain. Katamtaman lamang ang laki ng mga kastilyo at toreng may pagka-luntian ang kulay ngunit hindi naman ito nakabawas sa pagka-elegante nito.
Malugod na sinamahan ng mga Kawal Mairuz ang kanilang panauhin sa loob. Pagkapasok pa lamang bumungad na agad kay Grasiela at Ocillo ang naghihintay nilang Pinuno. Tulad ng kanilang tahanan, katamtaman lang rin ang laki at pangangatawan ni Panginoong Mairo, hindi nalalayo ang kanyang edad kay Fierro at malamang ay nasa kwarenta anyos pa lamang ito, maaari ring nagmumukha lamang siyang bata dahil wala siyang bigote at balbas.
"Maligayang pagdating Emperatris Grasiela, Panginoong Ocillo, bukas ang Mairuz para sa inyo. Manatili kayo anumang oras ninyo gusto."
"Salamat na lamang Panginoong Mairo, malamang nahuhulaan nyo na ang dahilan ng pagparito namin dito," sinagot sa kanya ni Grasiela.
"Sa totoo lang hindi, maaaring nyo bang punan ang aking tasa?" Walang malay na sambit ni Panginoong Mairo.
"Noong naghamon ng digmaan si Duke Aurello laban sa Emperador, naglabasan ang tunay na kulay ng mga lupain. Mayroong nananatiling tapat sa Imperyo at nagpahayag ng kanilang pagsuporta gaya ng Kartiño, mayroong kumampi sa kaaway at mayroon ding katulad ninyo na nananatiling tahimik sa kabila ng kaguluhan."
"Hindi man lang ba kayo nahihiya?" si Panginoong Ocillo naman ang nagsalita. "Habang ang buong pwersa ng Ossig ay naghahanda, kayo ay nananatili lamang dito at nagwawalang-bahala."
"Mag-ingat ka sa pananalita mo, Panginoong Ocillo, tandaan mo wala ka sa teritoryo mo," nagbigay babala si Panginoong Mairo matapos siyang mainsulto sa sinabi nito sa kanya.
"Panginoong Mairo, hindi kami naririto para makipag-away, masyado ng magulo ang lahat, dadagdag pa ba tayo sa mitsa? Nagtungo lang kami rito para malaman kung ano ba talaga ang opinyon ninyo sa mga nangyayari ngayon. Kanino ba talaga kayo pumapanig?"
Kahit papaano ay napuhapa ni Grasiela ang namumuong tensyon sa pagitan ng dalawang Panginoon. Nanahimik si Mairo at nag-iisip kung ano ang angkop na isasagot sa Emperatris.
"Kamahalan, ipagpatawad ninyo ang pananahimik namin. Alam nyo naman ang reputasyon naming mga Taga-Mairuz. Tahimik kami at hanggang maaari ay umiiwas kami sa anumang kaguluhan, maaalis nyo ba sa amin kung ayaw naming makisali sa hidwaang labas namin kami?"
"Hindi kayo labas sa gulong ito pagkat sakop kayo ng Imperyong Cenpyre, ang Imperyong nais pabagsakin ni Aurello," mahigpit na pinaalala sa kanya ng Emperatris.
"Kamahalan, tignan nyo muna ang posisyon namin sa mapa ng Cenpyre. Napapaligiran kami ng Artemias at ng mga Lupaing nakipagkampihan sa kanila, nasa Hilaga namin ang Heracio at nasa ibaba namin ang Entrafor, sa oras na sumalungat ako sa kanila, malalagay sa kompromiso ang aming Lupain kaya nananatili na lang kaming walang kinikilingan sa diskusyong ito."
Hanggang ngayon hindi pa rin nagugustuhan ni Grasiela ang mga katwiran ng Panginoon.
"Gustuhin mo man o hindi, malalagay pa rin sa kompromiso ang inyong Lupain, sa tingin nyo ba hindi kayo babalikan ng mga kalaban kapag nalaman nilang wala kayong kinampihan? Iisipin nilang mahina kayo. Sa oras na maipanalo ni Aurello ang digmaang ito, maghihiganti siya sa lahat ng Lupaing hindi nakipagtulungan sa kanila, kahit sa inyo na walang kinilingan."
Unti-unti nang napapagtanto ni Mairo ang pinupunto ng Emperatris.
"Kayo ang bahala kung ano ang inyong pipiliin, mananatili ba kayong tahimik dito o makikipaglaban kayo kasama namin at ipakita sa lahat na may tapang at paninindigan rin ang Lupain ng Mairuz."
Tuluyan nang nadala ang Panginoon sa panghihikayat ni Grasiela. "Pumapayag na akong makipagtulungan, Kamahalan, basta maipapangako ninyong tutulungan ninyo ang Mairuz sa oras na kami ang malagay sa matinding panganagailangan."
"Gaya ng ginagawa namin sa lahat ng aming nasasakupan, nangangako kami."
"Isa pa pala, may hihilingin din sana ako bilang kapalit ng aming pagtulong."
Nagkatinginan nang may pagsususpetsa ang Emperatris at si Ocillo.
"Hindi ko alam na may bayad pala itong pagtulong nyo," napapailing na kantyaw ni Grasiela.
"Huwag kayong mag-alala, hindi naman kabigatan ito. Matagal ko ng gustong pagsamahin ang ating mga pamilya, kaso nga lang puro lalaki ang lahat ng aking mga anak at hindi sila maaaring pakasal sa Prinsipe. Buti na lamang at biniyayaan ng isang sanggol na babae ang aking panganay. Nais ko sanang ipagkasundo siya sakaling magkakaroon ng anak na lalaki si Prinsipe Graison."
Nakahinga ng maluwag si Grasiela, buti na lamang at totoo ito sa kanyang salita na magaang lamang ang kanyang pakiusap.
"Wala naman problema sa kahilingan nyo pero ito ay wala ring kasiguraduhan, panahon lang ang makakapagsabi kung ito ay matutupad."
"May pasensya naman ako, Kamahalan," paninigurado ni Mairo.
"Pumapayag na rin ako, ang mahalaga ay malinaw nang kayo ay pumapanig pa rin sa Emperador."
Maya-maya dumating ang isang katiwala na may sulat galing kay Aurello na pilit pa ring pinapakilala ang sarili bilang Mataas na Panginoon ng Malayang Lupain.
Binasa ito ng Panginoon at inabot ito sa Emperatris, "mukhang kailangan nyo itong mabasa."
Ito ang nilalaman ng sulat:
"Nitong nakaraan lamang, nagtungo ang mga Kawal Imperyal upang ako ay arestuhin sa salang pagtataksil sa Imperyo. Malugod akong sumama sa kanila upang maiwasan ang pagdanak ng dugo ngunit hindi ko inaasahan na kasama pala nilang nagtungo sa Artemias ang isang delubyong sumindak sa aming lahat. Dahil sa tulong ng Diyos ng Kasamaan na pinaglilingkuran ng inyong mahal na Emperador, muntikan ng matupok ng apoy ang aming Lupain. Naging apoy ang lahat ng aming mga halaman, maraming nasunog na ari-arian at tinatayang ilang daan na ang nasawi at napinsala sa trahedyang ito. Hindi pa kami lubusang nakakabangon. Kahapon, pinaranas niya sa amin ang Impyerno at kung hindi tayo magtutulungan lahat para pigilan siya at ang kanyang kasamaan, tuluyan ng magiging impyerno ang Cenpyre, kaya inaanyayahan ko kayo, lahat ng kumakampi kay Fierro, huwag na kayong magpabulag sa kanya. Isa siyang halimaw na kailangan puksain, makipagtulungan kayo sa akin, at sama-sama nating ililigtas ang Buong Lupain sa kanyang lagim."
"Ano pong masasabi nyo?" usisa ni Mairo sa Emperatris.
"Kalokohan, isang kalokohan. Hindi ko alam kung saan niya hinuhugot ang mga paratang na ito at bakit may naniniwala pa rin sa kanya. Wala itong basehan at hindi makatotohanan. Hindi kampon ng kasamaan ang asawa ko. Nasisigurado ko yun."
Hindi pa rin magawang paniwalaan ni Grasiela ang mga paratang na ito na isinasakdal sa kanyang mahal na kabiyak.
-Sentralisadong Imperyo ng Cenpyre-
Ipinakalat na naman ni Aurello ang balitang ito sa bawat sulok ng Imperyo. Hindi nagtagal, wala nang hindi nakakaalam tungkol sa matinding sunog sa Artemias. Nadagdagan ang mga naniniwala kay Aurello dahil sa kakaibang pangyayaring ito ngunit marami pa rin ang nagwawalang-bahala sa kanyang rebelasyon, pinagpapalagay nilang nasisiraan na ng ulo ang Duke sa pag-aasam nitong pabagsakin si Fierro.
Ligtas na nakabalik sa Kontinente ng Cenpyre ang Mataas na Emperador lulan ng pampublikong barko mula sa Silangan. Maaliwalas ang panahon at mahinahon ang mga alon kaya naman wala siyang naging problema sa kanyang paglalayag.
Gaya ng kanyang paglisan at pagpunta sa Kontinente ng Silangan, pinanatili rin niyang lihim ang kanyang pagbabalik sa Sentralisadong Imperyo. Nakasuot siya ulit ng mahabang balabal at binunyag niya lamang ang kanyang sarili pagkarating niya sa Palasyo.
Pagpasok sa Pangunahing Bulwagan, ang unang taong nakita niya ay walang iba kundi si Lodell.
"Kamahalan, maligayang pagbabalik," sa pagkakataong ito, yumuko na ang Mataas na Panginoon bilang paggalang.
"Maraming salamat, mabuti kong kaibigan. Nagagalak akong makita kang muli pagkatapos ng maraming taon."
"Ganoon din ako, Panginoon ko. Hindi ko maaaring tanggihan ang paghingi nyo ng tulong, ganoon din ang gagawin nyo para sa amin sa Kanluran. Kamusta nga pala ang negosasyon mo sa Silangan?"
"Matagumpay," sagot ni Fierro. "Dumarami man ang kaaway ko, ganoon rin naman ang mga kakampi ko."
"Mabuti kung ganun."
"Nasaan nga pala ang Emperatris?" Napalingon ang Emperador sa paligid sa paghahanap kay Grasiela.
"Umalis sila ni Panginoong Ocillo upang hikayatin at pamunuan ang paghahanda ng ibang lupain. Hindi ka ba niya napadalahan ng liham?"
"Wala akong balitang natanggap mula sa kanya. Abala pa siguro siya sa pag-aasikaso sa kanila. Kung wala si Grasiela, malamang ikaw ang pansamantalang namununo ngayon dito sa Imperyo?"
"Ganoon nga dapat ang nangyari ngunit iba ang naging pasya ng Emperatris, ipinaubaya niya sa Mahal na Prinsipe ang pagpapatakbo ng Cenpyre at tinalaga niya ko para maging Tagapayo niya."
"At nagawa naman niya ng tama?" Medyo namangha si Fierro sa narinig, hindi niya inaasahan na si Graison ang humalili sa kanila ni Grasiela.
"Nahubog nyo siya ng maayos ng Emperatris. Ngayon nga lang sana ako mauupo sa Ginintuang Trono dahil sa nangyari sa Prinsipe kaso nga lang tyempo namang nakauwi na kayo."
"Bakit? Anong nangyari kay Graison?"
"Mula noong nabalitaan niya ang malalang sunog sa Artemias, hindi na siya lumabas sa kanyang silid. Dinamdam niya yata ito. Hindi ko alam na may kababaang-loob at pagkasenstibo pala ang Prinsipe sa mga ganitong bagay."
"Nakuha niya ang puso ng kanyang Ina."
"Sino ba ang tinutukoy mo? Si Grasiela o si...Ysavel?"
Nawalan ng imik si Fierro sa itinanong nito sa kanya. Nag-iba ang aura nito nang marinig ang pangalang iyon.
"Paumanhin, Kamahalan, isang biro lamang," binawi bigla ni Lodell ang kanyang tanong. Nag-iingat siyang huwag palabasin ang Panginoon ng Apoy kay Fierro.
"Nakuha mo ko." Isang pilit na ngiti na lamang ang ginanti ni Fierro. "Sige na, Lodell. Kailangan ko munang puntahan ang aking anak."
***
Nagtungo si Fierro sa kwarto ng anak at natagpuan niya itong sarado. Sa may pinto naroroon pa ang mga pagkain na iniwan ng mga lingkod para sa kanya. Tyempo namang papunta rin si Osylla at nakita niya ang Mataas na Emperador.
"Kamahalan, mabuti po at nakabalik kayo ng ligtas. Kailangan ko po ng tulong nyo kay Prinsipe Graison."
"Osylla, sabihin mo sa akin, ano ba talaga ang nangyari sa anak ko?"
"Nagsimula po iyon noong magpinta siya sa Mahiwagang Pisara."
"Alam mo ang tungkol doon?"
"Opo, nais lamang po niya ako pakitaan ng kanyang mga pinta ngunit pareho kaming nabigla sa kinalabasan nito...nakakagimbal po ang mga imaheng kanyang naipinta. Hindi ko na po dedetalye kung ano ang mga ito, masyado pong nakakatakot. Pagkatapos, dumating na po ang balita tungkol sa Artemias. Alam nyo na po ba?"
"Oo nabalitaan ko na noong pauwi ako," kinumpirma sa kanya ng Emperador.
"Kayo po ang sinisisi ni Duke Aurello sa kaguluhan."
"Kahit ba naman ang sama ng panahon at paghagupit ng kalikasan isisisi niya sa akin? Nasa Silangan ako noong nangyari yun, ano naman ang kinalaman ko dun? Alam mo naman yang si Aurello, kahit ano sasabihin masiraan lang ako sa Imperyo. Ngayon balik tayo kay Graison."
Itinuloy ni Osylla ang kanyang paglalahad. "Lalo po siyang nabalisa nang malaman niya ang nangyari, sinabi niyang nahulaan niya ang naganap na sunog dahil naipinta na raw niya ito. Sinisisi niya ang kanyang sarili. Itinago na niya ang pisara at sa lagay niya mukhang matatagalan bago siya magpinta ulit. Pagkatapos, nagkulong na siya sa kanyang silid. Ayaw niyang tumanggap ng bisita, hindi rin niya ginagalaw ang mga pagkaing dinadala namin ni Aling Edina. Nangangamba na po kami para sa kanya."
Napahawak ang Emperador sa kanyang sentido dahil sa pamomroblema. "Ano na naman kaya ang nangyayari sa batang yan?"
"Kamahalan, ginawa na po namin ang aming makakaya, pero tingin ko sa pagkakataong ito, kayo lang po na kanyang Ama ang makakatulong sa kanya ngayon. Gusto ko lang pong makitang masaya ulit ang kaibigan ko."
Ramdam ni Fierro ang pag-aalala ni Osylla, para bang nagpipigil na lamang ng kanyang luha ang dalaga.
"Maraming salamat sa pagbabahagi mo nito sa akin, Osylla. Ako na ang bahalang kumausap sa aking anak. Magpahinga ka na muna."
-Lupain ng Wachtor-
Pagkatapos ng Mairuz, ang Lupain ng Wachtor naman ang sunod na pinuntahan nina Grasiela at Ocillo.
Kilala ang Wachtor bilang pinakaliblib na lugar sa Cenpyre. Sa lahat ng Lupaing sakop ng Imperyo, ito ang hindi gaanong matao. Ang mga daan dito ay mabangin, malubak at mabato. Nakaposisyon ang Kastilyo ni Panginoong Wylarth sa isang mataas na batuhan na kailangan pa nilang akyatin para marating.
"Kamahalan, Panginoon, kayo po ay pinapasamahan sa amin ni Panginoong Wylarth at mayroon siyang ipapakita sa inyo," saad ng isang katiwala.
Hindi maganda ang kutob ni Grasiela at Ocillo rito.
Nang marating nila ang bulwagan, nagulantang sila sa dami ng pwersang nakahanay. Libo-libo ang bilang ng mga Kawal Wachtor.
"Kamahalan," binati sila ni Panginoong Wylarth, ang matandang Panginoon na nasa walumpu na ang edad at dala-dala ang kanyang saklay. "Ipagpaumanhin ninyo ang pananahimik namin, ayokong magbigay ng deklarasyon hanggang di pa kami handa, ngayong handa na ang buong pwersa ng Wachtor, ginagalak kong ipahayag sa inyo na lalaban kami sa ngalan ng Mataas na Emperador."
Napangiti si Grasiela, hindi niya inaasahang magiging ganitong kadali ang lahat sa Lupaing ito.
-Sentralisadong Imperyo ng Cenpyre-
"May kinakaharap na suliranin ang Mahal na Prinsipe," nagulantang si Fierro nang marinig ang isang pamilyar na tinig sa kanyang sala. Si Tandang Ora.
"Anong ginagawa mo rito sa sala ng Palasyo?" Sinita niya ang matandang mangkukulam.
"Kumalma ka, Kamahalan. Ikaw lamang ang nakakakita sa akin."
Lumapit ang isang katiwala noong marinig nitong nagsasalita mag-isa ang Emperador.
"Sino pong nakausap nyo, Kamahalan?"
"Wala, may nakita lang akong daga, kaya napatanong ako ano ang ginagawa nito sa Palasyo," nakaisip agad ng dahilan si Fierro.
"Sige po, huhulihin namin."
Nilingon ni Fierro ang paligid at napagtanto niyang wala ngang nakikita ang mga lingkod niya.
"Doon tayo sa loob ng silid mag-usap," bulong ni Fierro, "bago pa ko mapagkamalang baliw dito."
Pagdating sa Silid ng Emperador muli nang nagsalita si Ora. "Tumigil na siya sa pagpipinta. Hindi ito maaari. Kailangan mahikayat mo siya na bumalik sa pagpipinta."
Nataranta si Fierro sa pagmamando ng matanda sa kanya. Marami na siyang iniintinding problema at ngayon dumagdag pa itong si Graison.
"Paano ko siya mahihikayat kung talagang ayaw na niya? Natakot na siya sa kung ano-anong nakikita niya sa pisara! Hindi ko maintindihan, may kakayahan ka rin namang manghula, bakit kailangan pa natin siya?"
"Dahil ang kakayahan ko rito ay limitado lamang kumpara sa kakayahan niya na malawak at walang hangganan. Kailangan natin ang Prinsipe kung gusto mong maipanalo ang digmaang darating at maisakatuparan ang plano ng ating Diyos!"
***
Walang nagawa si Fierro kundi sundin ang kanyang pinapagawa. Kinatok niya ang kwarto ni Graison ngunit hindi siya nito pinagbuksan.
"Graison ako to," pinaalam ng Emperador sa kanya.
Si Ama!
Nagulat ang binata at nakauwi na pala ito. Bumangon siya sa kanyang pagkakahilata at pinagbuksan ito."
"Ama, nakabalik na pala kayo."
"Oo anak, nandito na ko. Nakwento na sakin ni Osylla ang nangyari. Pwede ba kong pumasok at pag-usapan natin?"
Pinatuloy ng Prinsipe ang Ama sa loob ng Silid.
"Hindi mo ginagalaw ang mga pagkain mo, baka magkasakit ka nyan."
"Ama, may mga nasawi po ba sa sunog sa Artemias?" isang tanong ang isinagot sa kanya ng anak.
"Ilang daan daw at ganoon rin ang mga napinsala. Ito ang nabalitaan ko."
Lalong nanlumo at inusig ng kanyang konsensiya ang nalulugmok na binata.
"Naging posible ang lahat ng yun dahil sa akin at sa mga salot kong pinta. Ang puno ng apoy na siya palang maghahasik ng lagim sa Lupaing Kahel. Wala itong pinagkaiba sa pininta ko noong nakaraan."
"Hindi, anak. Hindi natin alam yan. Maaaring nagkataon lang ang lahat. Huwag ka sanang tumigil sa pagpipinta dahil dito."
"Huwag tumigil? Alam nyo ba kung ano ang huling imaheng naipinta ko? Mga patay na sundalong bumabaha ang dugo at nangingibabaw sa kanila ang isang nilalang na Apoy."
Napaisip si Fierro sa nalaman, kung siya kaya ang nilalang na Apoy na tinutukoy niya o isa lamang itong simbolismo.
"Kung ang mga pinta ko ang magdudulot ng katapusan sa ating mundo, mas pipiliin ko na lang maputulan ng kamay, nang sa ganoon ay hindi na ako makapagpinta kahit kailan. Hindi ko na po kayang magpinta ulit."
"Pero mahal mo ang pagpipinta, higit pa sa anumang bagay. Isa pa pinagkaloob sa'yo ang Pisarang yan dahil espesyal ka. Biniyayaan ka ng isang kakaibang kakayahan."
"Hindi ito isang biyaya, isa itong sumpa at patuloy lang ako nitong sisirain. Mapapatawad ko pa ba ang sarili ko pagkatapos ng mga nangyari? Kaya pa ba kong patahimikin ng lintik kong isipan? Nang dahil sakin maraming masasamang nangyayari. Sinisira ko ang lahat! Totoo ngang sinumpa ako!"
Hindi na nakapagpigil pa si Graison at bumuhos na ang kanyang mga luha. Napayuko na lamang ang binata sa kanyang unan. Napahawak naman si Fierro sa kanyang likuran bilang pagdamay.
"Graison, maaaring nahulaan mo nga ang nangyari sa Artemias pero makinig sa akin, nakita mo lamang ang mga bagay na iyon, hindi ibig sabihin na ikaw ang may kagagawan nito. Hindi mo ito ginusto at lalong hindi mo rin kontrolado kung ano ang mga makikita mo. Wala kang panunugutan dito."
Napabangon si Graison mula sa higaan, napaisip siya nang taimtim sa sinabi ng Ama.
"Sa ngayon, kailangan mong magpakatatag dahil nakasalalay sa'yo ang kapalaran ng Imperyong Cenpyre. Kailangan mong bumalik sa pagpipinta. Makakatulong ang mga imaheng ipipinta mo nang sa ganoon malaman natin ang plano ng kalaban at mapigilan natin ang mas malaking kaguluhan na kanilang gagawin."
"Ama, hindi ko po alam kung ano ang sasabihin ko..." napahinga ng malalim ang binata sa pagkalito.
"Alam kong mahirap, posibleng may makita ka ulit na mga bagay na hindi mo nanaising makita pero isipin mong may mas malaking dahilan kung bakit mo ito ginagawa, higit pa sa ating mga sarili. Isapuso mo na nagpipinta ka para iligtas ang Imperyo laban kay Aurello."
Alam ni Fierro na may halong kasinungalingan lamang ang ginawa niyang panghikayat pero pinagpatuloy niya lamang sapagkat nakikita niyang nakakatulong ito para palakasin ang loob ng bata.
"Nagtatalo pa rin po ang isip ko kung itutuloy ko pa ba?" naguguluhang inusisa ni Graison. "Napakaraming boses na bumubulong sa akin at lahat sila negatibo."
Nagpasya si Fierro na ibigay ang isang payong nakatulong sa kanya noon.
"Ganito ang mangyayari kapag nagkaroon ka ulit ng mga negatibong kaisipan. Huwag mo silang bigyan ng kahit katiting na espasyo sa utak mo. Huwag mo silang papakinggan, magbingi-bingihan ka. Ipakita mo na ikaw ang mas malakas. Kung kinakailangan magbuhat ka ng sariling bangko, gawin mo. Nais ng mga negatibong boses na ibagsak ka, pwes sila ang ibabagsak mo kung saan sila dapat lumugar, sa kawalan."
Napaluha ulit ang binata at siya ay napasandal sa piling ni Fierro, labag man sa loob ng Emperador, nagawa niyang yakapin at damayan ito, gaya ng ginagawa ng isang tunay na Ama sa kanyang anak.
Kahit papaano ay nakakaramdam din siya ng habag para sa Prinsipe. Tila nakikita niya ang kanyang sarili noong panahon ng kanyang kabataan. Noong magulo pa ang kanyang mundo.
***
Pagkabalik niya sa kanyang Silid, nakaabang na si Tandang Ora.
"Anong nangyari? Napakiusapan mo na ba?"
"Hindi pa siya nakakapagpasya ngunit napakalma ko na. Nagpaka-ulirang Ama na ako mahikayat lang siya. Maaari nang ibigay sa akin ang lahat ng papuri at parangal sa pagiging Ama sa kanya."
"Sigurado ka bang pagpapanggap lamang ang lahat o baka naman napapamahal ka na talaga sa bata?"
Nabwiset ang Emperador sa kanyang pangingialam.
"Nahihibang ka na ba para itanong sa akin yan? Wala akong katiting na malasakit sa kanya! Huwag mo ng dagdagan ang mga problema ko! Baka akala mo nakakalimutan ko na ang ginawa nyo sa Artemias na lalong nagdidiin sa pangalan ko! Ngayon, maaari ko na bang gawin ang gusto ko?"
"Kayo ang masusunod, Panginoon ko," sagot ni Ora.
***
Mabilis pa sa alas-kwatro, nagtungo si Fierro sa kanyang pinagbabawal na silid sa Palasyo kung saan nakapasok si Graison noon.
Nakakubli pa rin sa loob ng misteryosong silid ang isang parihabang bagay na natatakpan ng puting tela. Malumanay na inalis ni Fierro ang tela. Ang parihabang bagay pala ay isang salamin na nagsisilbing kabaong para sa isang taong namayapa na. Naroroon sa loob nakahimlay ang isang labi.
Mangiyak-iyak si Fierro habang siya ay taimtim na nakatitig sa kung sinuman ang nakahiga rito.
"Napakagulo na ng mundo sa labas, dito lamang ako sa iyong piling nakakaramdam ng kaunting katahimikan."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro