Kabanata 10: Aric
-Kasaganaan-
Maraming nangyari kay Aric nitong ngayong araw at ang lahat ay kamangha-mangha. Lalo siyang napalapit sa mga Myongan, nakita niya ang kagandahan ng Kasaganaan sa kabundukan, nailigtas niya si Miya sa panglalapastangan ni Leyro ngunit walang gugulat sa kanya gaya ng inanunsyo ni Datu Mortho pagsapit ng gabi.
"Maaari ka ng umuwi sa iyong pinanggalingan anumang oras."
Napilitan lamang siya sa pagngiti sa Datu. Sa totoo lamang ay hindi niya nagustuhan ang sinabi nito. Nakita niyang maging si Miya ay nabigla rin sa winika ng kanyang Lolo. Para bang siya ay nadismaya rin sa kanyang nalaman.
"Paano ba yan, makakauwi ka na rin, sa wakas," bungad ng dalagita na halatang nagpipigil lamang ng kanyang pagkagulat.
"Oo nga, dumating na rin ang panahon..." hindi pa rin maikakaila sa binatilyo ang pagkagulumihanan kahit na ito ay ikubli niya.
"Ito ba talaga ang gusto mo?" tinapat siya ni Miya. "Hindi ka naman pinapaalis ni Lolo. Maaari ka naman siguro manatili hanggang gusto mo."
"Mabuti siguro itulog ko na lang muna at bukas na ko magpapasya," tugon niya.
"Mabuti pa nga," sumang-ayon ang dalaga. "Muhurya Ognos, Aric."
"Muhurya Ognos, Miya."
***
Lumipas ang mga oras pero naging mailap ang antok sa binatilyo. Nananatili lamang siyang nakahiga sa kanyang kubo at nakatulala sa itaas. Marahil hindi siya pinatatahimik ng kanyang naguguluhan na kaisipan.
Iisa lamang ang nais iparating ng anunsyo ni Datu Mortho. Siya ay nahaharap ngayon sa isang mabigat na desisyon at kailangan na niyang magpasya sa lalong madaling panahon.
Bago sumikat ang araw, kahit magdamag siyang gising, bumangon na agad ang binatilyo dala-dala ang kanyang mga kagamitan. Tulog pa ang lahat at walang nakakaalam sa kanyang gagawing paglisan.
Habang naglalakad, napatigil si Aric sa kubo ni Miya at siya ay nag-alinlangan.
Masakit sa akin ang iwan ka, Miya, ngunit mas masakit para sa akin magpaalam sa'yo at makita kang malungkot nang dahil sa akin.
Kasisikat pa lamang ng araw noong narating ng binatilyo ang tuktok ng bundok. Naalala niya ang sinabi ni Miya na kapag siya ay maraming alalahanin dito siya pumupunta. Naisip ni Aric na baka kahit papaano ay mapagaan ng magagandang tanawin ang kanyang mabigat na kalooban.
Tila pinagsakluban ng langit at lupa ang binatilyo sa kinakaharap niyang suliranin.
Nagbibiro ba talaga ang tadhana? Bakit ngayon pa?
Kung dati pa ito ipinagkaloob sa kanya ni Datu Mortho, noong siya ay bulag pa sa kanyang mga pangarap at ambisyon, malamang iba ang naging reaksyon niya. Malamang agad-agad siyang bumalik sa Disyerto ng Syl at isinuplong ang mga Myongan ngunit ibang-iba na ang sitwasyon ngayon.
Ngayon pa kung kailan mulat na siya sa totoong kulay ng Myongan na sila ay mabubuting tao na nais lamang mamuhay ng tahimik malayo sa anumang kaguluhan.
Ngayon pa kung kailan hindi na siya nagpapanggap at totoo na ang malasakit na ipinapakita niya sa Tribo. Napamahal sa kanya ang mga Myongan gaya ng isang pamilya mula noong namuhay siya kasama sila. Sa sandaling panahon na nanatili siya sa Kasaganaan, tila mas marami pa siyang natutunan sa kanila kumpara sa labing-apat na taon niya sa Silangan.
Ngayon pa kung kailan nakilala na niya ang babaeng magbibigay ligaya sa kanyang mga araw. Hindi na niya maikakaila na may nararamdaman na siyang pagmamahal kay Miya.
Ano nga ba ang pipiliin ko, ang pagmamahal ko kay Miya at sa mga Myongan o ang pangarap kong maging Kawal...
Abot kamay na niya ang kanyang pinapangarap, ang gagawin na lamang niya ay kunin ang pagkakataon. Nakasalalay na lamang sa kanya ang lahat ngunit kakayanin ba ng kanyang konsensiya na pagtaksilan ang mga Myongan na siya namang tunay na biktima ng Hari.
At paano naman si Miya?
Hindi maatim ng binatilyo na makita niyang malagay sa panganib ang dalaga.
Sa sobrang pagkalito at pamomroblema, nagpakawala na lamang ang binatilyo ng isang malakas na paghiyaw. Sumigaw siya sa tuktok ng kanyang hininga. Kahit papaano ay nakaramdam siya ng katiting na kapayapaan. Nakatulong marahil ang ginawa niyang pagpapalabas ng kanyang emosyon.
Hindi nagtagal at nilisan niya rin ang kabundukan. Siguradong sa mga oras na ito ay hinahanap na siya ni Miya at posible siyang magtungo rito. Hanggang maari ayaw ni Aric na mag-abot sila ni Miya habang siya ay nagkakaganito.
-Disyerto ng Syl-
Nilisan na ni Aric ang Kasaganaan at nakipagsapalaran siya sa mahangin at mabuhanging parte ng Disyerto ng Syl. Kung saan siya dumaan sa pagpunta sa Kasaganaan, doon siya dumaan sa paglabas. Pagkarating sa kalmadong bahagi ng disyerto, doon muna nanatili si Aric para mag-isip-isip sa kanyang gagawin. Bandang tanghali siya naglakad kaya naman todo ang init at sikat ng araw. Sa dami ng pawis na nawala sa kanyang katawan, mabuti na lamang at mayroon siyang baon na tubig na pampawi sa init at pagod. Hinubad na rin niya ang dati niyang kasuotan na kanyang sinuot bago siya umalis. Nakakita siya ng isang malaki at pahabang batuhan sa may sulok na maaari niyang pagpahingahan ang lilim. Nahiga ang binatilyo at hindi nagtagal siya ay nahimbing sapagkat wala pa siyang tulog nitong nakaraang gabi. Kasalukuyang nasa pagitan ng mga Myongan at ng Kampo ni Uwalhid ang kanyang kinaroroonan.
~*~*~*~
Pagsapit ng hapon, nagising si Aric at hindi niya namalayan kung gaano katagal siya nakatulog ngunit alam niyang hindi pa katagalan dahil tirik pa rin ang araw sa disyerto. Sa pagkakataong ito, alam na niya kung ano ang kanyang gagawin. Tumayo siya at tinakbo ang mainit na disyerto, pabalik sa Kampo ni Uwalhid.
Pagkarating niya sa Kampo, wala pa ring pinagbago ang lahat. Nakatayo pa rin ang mga tolda ni Uwalhid at mukhang wala pa silang balak na umuwi sa Silangan. Abala ang karamihan sa pag-iinuman, pagsusugal at paghilata.
Pasikretong nilibot ni Aric ang Kampo sa paghahanap sa kaibigan niyang si Eron. Ilang saglit lamang ay namataan niya itong naghahakot ng mga bariles para sa kanilang mga Kamelyo.
"Eron," pabulong na tinawag ni Aric ang kaibigan mula sa dulo ng isang tolda at ito ay napalingon sa kanya.
"Aric, andito ka na," masigla siyang binati ni Eron.
"Huwag kang maingay, oo nakabalik na ko," bulong niya sa kaibigan.
Maingat na lumapit si Eron sa kinaroroonan ni Aric at doon sila nag-usap.
"Bakit ka ba natagalan? Kung alam mo lang, pinag-iinitan ako nila Uwalhid dito. Ginawa nila akong alipin at mukhang may binabalak na silang masama sa akin, sakaling di ka na dumating."
Napatunayan ni Aric na tama nga ang kanyang hinala. "Patawarin mo ko, kaibigan, napakarami ko ring pinagdaanan nitong nakaraang buwan, isa lang ang masasabi ko sa'yo. Nahanap ko na ang pinagtataguan ng mga Myongan."
Muling namangha si Eron sa nalaman. "Yun naman pala, ano pang hinihintay mo? Sabihin mo na kay Uwalhid nang sa ganoon ay makauwi na tayo."
"Hindi ko maaaring gawin yun. Mabubuting tao sila, hindi ko sila susuplong. Naririto ako ngayon para itakas ka rito bago pa sila may gawing masama sa'yo. Isasama na muna kita sa Kasaganaan."
"Saan?" Naguguluhan ang kanyang kaibigan. "Tama ba ang naririnig ko, totoo ang Kasaganaan?"
"Wala ng oras, mamaya ko na papaliwanag, ang mahalaga makaalis na agad tayo rito."
Pasimpleng lumabas si Aric at Eron sa Kampo ngunit noong papaalis na sila, laking gulat nila noong sila ay pinaligiran ng mga Kawal Silangan at nakatutok sa kanila ang espada ng mga ito. Sumulpot si Uwalhid na may masamang ngiti, matagal na nilang pinaghahandaan ang pagsulpot ng binatilyo.
"Aric, nakabalik ka na pala, akala ko patay ka na. Kamusta ang naging paglalakbay mo? Nahanap mo na ba ang lungga ng mga Myongan?"
"Nagtagumpay ako na mahanap ang pinagtataguan nila pero nagkakamali ka kung inaakala mong isusuplong ko sila sa'yo," nanindigan sa kanya si Aric.
Napangisi si Uwalhid kasabay ang pag-iling. "Nag-iba na pala ang ihip ng hangin, sa pagkakaalala ko ikaw tong pursigidong mahanap ang mga Myongan para matupad na ang pangarap mong maging Kawal. Anong nangyari at bigla na lamang nagbago ang isip mo?"
"Mga kaibigan ko sila at hindi sila nararapat mamatay sa kamay ng tiranong si Rucaz," matapang niyang tinugon sa lahat.
"Pero paano naman ang pangarap mo?" pinaalala ng Kapitan. "Ano bang napakain ng mga Myongan sa'yo? Para sa kanila handa mong talikuran ang lahat, pagkatapos ng lahat ng sinakripisyo mo? Mag-isip ka nga mabuti, bata. Hinog na ang bunga at pipitasin mo na lang. Isang hakbang na lang at magiging ganap na Kawal ka na. Nirerespeto, tinitingala."
"Wala na akong pakaialam sa lahat ng ito."
Sumenyas si Uwalhid at bigla na lamang sumunggab ang isang Kawal sa likuran ni Eron at tinutukan ito ng kutsilyo sa leeg.
"Aric! Tulong!" Nasisindak na sigaw ng kanyang kaibigan.
"Eron!" napalakas ang tinig ni Aric."huwag nyo siyang sasaktan!"
"Wala ka ng pakialam sa pangarap pero sa kaibigan mo wala na rin ba? Ngayon, ituturo mo sa amin kung saan nagtatago ang mga Myongan o gigilitan namin itong kaibigan mo! Mamili ka!"
Inilabas ni Aric ang kanyang sibat na binigay sa kanya ng mga Myongan. Tinutok niya ito kay Uwalhid at sa mga Kawal.
"Aric, ayoko pang mamatay," mangiyak-iyak na sinabi sa kanya ni Eron.
Nataranta si Aric at hindi na niya malaman kung ano ang kanyang gagawin.
"Bilisan mong magpasya at naiinip na ko!" Minadali siya ng Kapitan.
"Sige na, ituturo ko na kung saan sila nagtatago," napapayag na ang binatilyo kahit na napipilitan lamang, "basta pakawalan nyo lang siya...at tutuparin nyo ang pangako nyo sa akin na magiging Kawal ako."
"Mapanghahawakan mo ang aming salita," pangako ni Uwalhid.
Binitawan na ng Kawal si Eron at tinulak ito sa may buhanginan.
"Igapos yan," sa utos ni Uwalhid, tinalian nila ang kamay ni Aric. "naninigurado lang kami at baka isahan mo kami. Lalakad na tayo ngayon din at ikaw ang magtuturo sa amin ng daan."
Pinaghanda ng Kapitan ang buong hukbo. Nabigla si Aric nang makita niyang mas marami ngayon ang tauhan ng Hari kumpara noong sila ay umalis.
"Nagulat ka ba? Hindi ko nasabi sa'yo, nagpadala pa ng karagdagang pwersa ang Hari para sugpuin ang mga kaibigan mong Myongan. Nadoble na ang bilang ng aming pwersa kaya sigurado ako walang ni isa ang matitira sa kanila. Lahat sila ay mamamatay mamayang gabi!"
Napayuko si Aric na nalulungkot sa kanilang kasasapitan. Hindi niya inaakala na sa huli dito rin pala ang hahantong ang lahat. Sa karahasan at patayan.
Maging si Eron ay ginapos rin ng mga Kawal.
"Ang iba, maiwan dito at bantayan ang isang yan," utos ni Uwalhid.
Hinatak ng Kapitan si Aric at sila ay nagsimula na sa kanilang paglalakbay patungo sa Kasaganaan.
~Kasaganaan~
Matapos ang ilang oras na paglalakad sa disyerto at sa matinding ulan ng buhangin sa dulo ng Syl, narating rin nila ng ligtas ang Kasaganaan.
Hindi makapaniwala si Uwalhid at ang kanyang mga Kawal sa angkin nitong bighani at ganda.
"Noong una akala ko ay nababaliw ka na pero totoo pala talaga ang sinasabi mong Lupain ng Kasaganaan at dito mismo nagtatago ang mga surot na Myongan."
Pagsapit ng gabi, tinatahak na ni Uwalhid at ng mga Kawal ang gubat ng Kasaganaan dahil sa pagtuturo ni Aric. Nakahanda na ang buong pwersa ng Hari dala-dala ang kanilang mga espada, pana at mga tanglaw. Sila ay papalapit na sa dalampasigan para lipulin ang mga Myongan.
Sa kanilang tahanan, abala ang mga Myongan sa paghahanda sa kanilang mga iihawin na huli para sa kanilang hapunan, wala silang kamalay-malay sa panganib na nagbabadya sa kanilang lahat.
Si Datu Mortho ay naglalakad-lakad sa paligid at napansin niyang wala sa labas ang kanyang apo. Nilapitan niya ang anak.
"Hindi pa rin ba nalabas si Miya?" nag-aalala niyang tinanong.
"Malungkot pa rin siya, Ama," sagot ni Maahan.
Bago pa makasagot ang Datu, bigla na lamang lumipad ang isang ligaw na pana mula sa kawalan at tinamaan nito ang isang lalaking Myongan. Hindi nagtagal, dumami pa ang mga pana at maging ang iba pang Myongan ay tinamaan nito.
Nagulantang sina Mortho, Maahan at ang iba pa sa nangyari, napatili naman ang mga Myongan sa nangyayaring komosyon.
Nakatago pa si Uwalhid habang tumitira na ang ibang pwersa nila. Hindi na nakapagpigil si Aric sa galit niya sa Kapitan, nilundagan niya ito pero dahil siya ay nakagapos, natalo siya ni Uwalhid. Itinulak niya sa may puno si Aric at ito ay nawalan ng malay.
Napatingin ang mga Myongan sa may punuan sa dulo ng dalampasigan kung saan nagmula ang mga pana. Mula rito, lumitaw ang pwersa ni Uwalhid at pasigaw silang sumugod sa dalampasigan, sa pagkasindak ng lahat.
Lumabas ang Kapitan kasama ang iba pang mga kawal, "Lusob!"
"Napasok tayo ng mga kalaban!" babala ni Mortho sa kanyang Tribo.
Nagsipaghanda ang mga Myongan sa mga papasugod na taong labas. Napasilip si Miya mula sa kanyang bintana at nanlaki ang mga mata niya sa nakita. Kinuha niya ang kanyang mga sibat at arnis. Lumabas ang dalaga upang makidigma kahit na hindi pa magaling ang kanyang paa at iika-ika pa siya sa paglalakad.
Nagsimula ang madugong sagupaan sa dalawang pwersa. Sa sobrang agresibo ng mga Kawal naging madali sa kanila ang pagpaslang sa mga kalabang tribo. Pinagsasaksak nila ang mga mandirigmang Myongan at ang iba naman ay tinamaan ng mga umuulan na pana. Nagtakbuhan ang mga babae kasama ang kanilang mga anak at ganoon rin ang matatanda.
"Patayin silang lahat, walang ititirang buhay!" Inudyukan ni Uwalhid ang mga kasama, "sunugin ang lahat ng kanilang bahay!"
Gamit ang kanilang mga dala-dalang mga tanglaw, pinagsusunog ng mga Kawal ni Uwalhid ang bawat kubo sa dalampasigan kahit na mayroon silang naririnig na nasa loob. Kabilang sa kanilang sinunog ay ang bagong gawang bahay ni Myam-Gaam-Ot. Sa tindi ng usok at apoy sa looban, naghikahos ang matandang manggagamot. Sinubukan nitong lumabas ngunit hindi na kinaya ng kanyang katawan. Bumigay na ang matanda at bumagsak. Tuluyan siyang natupok kasama ng kanyang tahanan.
Nakipaglaban si Miya sa mga Kawal gamit ang kanyang sibat at matagumpay niyang nasaksak ang mga Kawal na nanggugulo sa kanila. Maging si Mortho ay nakikipagdigma na rin sa kabila ng kanyang edad. May katandaan man ang Datu, natatalo pa rin niya sa espadahan ang mga kalaban at katumbas pa rin ng ilang katao ang kanyang taglay na lakas.
Kahit ang mga bata ay lumalaban na rin at binabato nila ng mga maliliit na bato ang mga Kawal. Walang humpay ang pagtitirador nila Maoro, Mylka at ng iba pang mga bata sa mga malalaki nilang kalaban.
"Umalis kayo, mga salbahe!" sigaw ni Mylka.
Tinutok ng isang Kawal ang kanyang pana habang nakatalikod ang batang babae, pinakawalan nito ang kanyang tira at ito tumama sa katawan ni Mylka.
"Mylka!" hiyaw ni Maoro sa kapatid.
Bumagsak si Mylka na wala ng buhay sa buhanginan. Dahil sa pagtakbo ni Maoro sa kanyang kapatid, siya rin ay tinamaan ng mga pana at bumagsak siya ilang hakbang malapit kay Mylka. Noong makita ng mga bata ang sinapit ng magkapatid, nagtakbuhan sila na parang mga maiilap na hayop. Pinaulanan nila ng mga tira ng pana ang mga bata. Lahat sila ay tinamaan at napatay.
Ang mga kababaihan naman ay sinusubukang tumakas sa mga kalaban, ngunit dahil higit silang mas mahina at mas mabagal, naabutan sila ng mga ito. Kinaladkad ng mga Kawal ang mga nagpupumiglas na babaeng Myongan, ang iba ay ginagahasa muna nila bago tuluyang paslangin, kabilang sa mga nahuli nila ay sina Maahan at Myoris.
"Maawa kayo! Maawa kayo!" nag-iiyak si Myoris sa kanila. Hinatak nila ang dalaga sa kanyang buhok.
"Mga hayop kayo, bitawan nyo siya," sigaw ni Maahan.
Hindi pinakinggan ng mga walang pusong Kawal ang pakiusap nila sapagkat iba ang kanilang lengguahe. Itinaas niya ang kanyang espada at ito ay ibinaon niya kay Myoris. Paulit-ulit niyang sinaksak ang dalagita hanggang sa ito ay sumuka ng dugo na kanyang ikinasawi.
"Halimaw kayo!" Tumayo si Maahan para labanan ang Kawal ngunit maging siya ay sinaksak nito gamit ang isang matalas na sibat.
"Maahan!" Napahinto si Marcio nang makita niya ang ginawa sa kanyang asawa. Pagkalapit niya, natagpuan niya si Maahan na wala ng buhay at nakadilat pa ang mga mata.
Sa galit ni Marcio, nilundagan niya ang Kawal na pumaslang sa kanyang asawa, pinagtangkaan niyang sakalin ang kaaway ngunit mayroong baong kutsilyo ang kawal. Agad nitong nilaslas ang leeg ng nanggagalaiting Myongan. Naramdaman ni Marcio na bumuka ang kanyang leeg at siya ay bumagsak malapit kay Maahan, habang patuloy na umaagos ang dugo mula sa kanya. Tuluyan na siyang nilagutan ng hininga.
Hindi pa rin natitinag sa pakikipaglaban sina Miya at Mortho. Karamihan sa mga Myongan ang hindi pinalad sa pakikidigma. Dehadong-dehado sila dahil higit na marami ang bilang ng mga Kawal at unti-unti nang nauubos ang mga mandirigmang Myongan sa tama ng pana at saksak ng espada.
"Maahan, Marcio!" Namataan ni Mortho ang wala ng buhay na anak at manugang. Sumunggab sa Datu ang Kawal na nakapatay sa kanila. Inihagis niya ang matanda sa buhanginan. Habang siya ay papasugod sa Datu, gigil na hinablot ni Mortho ang isang palakol na nakabaon sa isa sa mga kababaihan nilang pinaslang ng mga Kawal. Sinalubong ng Datu ang Kawal at hinampas niya ang palakol sa mukha nito. Bumaon sa bungo ng kalaban ang palakol.
Pagkatayo ng Datu, nakarinig siya ng tunog ng bagong alis na espada sa lalagyan, lumingon siya at nakaharap niya si Kapitan Uwalhid. Madungis na ang mukha nito sa pakikipaglaban ngunit wala pa ring bahid ng pagkapagod. Inalok niya ang isang espada kay Datu Mortho.
"Wakasan na natin ito, Datu Mortho," panghahamon niya, "dumating na ang oras mo, tanda!"
Hinagis niya ang espada sa Datu. Kinuha ito ni Mortho, nakahanda ang matanda na labanan ang Kapitan na higit na mas bata sa kanya. Nagpakiramdaman ang dalawa at naglakad ng paikot sa isa't-isa. Kasabay ng isang nakakapangilabot na hiyaw, sumugod na si Datu Mortho kay Uwalhid.
Sa kasagsagan ng kanilang labanan, nagkaroon ng malay si Aric sa may sulok ng punuan. Hilo pa rin siya ngunit naririnig niya ang pag-uugoy ng espada at ang malutong na kaluskos ng apoy sa paligid. Napangtanto niyang nagaganap na ang isang labanan.
Liligtas ko sila...
Bumangon ang nakagapos na binatilyo, kiniskis niya ang kanyang nakataling palad sa isang matulis na bato at natanggal niya ang kanyang tali.
Samantala, patuloy pa rin ang pakikipagsagupaan ni Datu Mortho at Uwalhid. Binigay ng Datu ang buong pwersa niya ngunit yamado ang Kapitan dahil sa kanyang edad. Sinasadya nitong pagurin ang Datu sa pag-ilag sa kanyang mga tira. Ang Kapitan naman ang nagpasyang tumira. Walang paligoy-ligoy niyang isinaksak ang kanyang mahabang espada sa matanda, ibinaon niya ito hanggang sa ito ay tumagos palabas sa likuran ni Mortho. Nagsimulang bumulwak ang dugo sa bibig ng natalong Datu.
"Lolo!" Hiyaw ni Miya nang makita niyang tuluyan ng bumagsak ang magiting na Datu.
"Sugurin siya!" Utos ni Uwalhid nang makita niyang si Miya na lang ang natitira sa mga Myongan.
Pinalibutan nila si Miya, ngunit hindi pa rin papagapi ang dalaga. Lalo lamang siyang bumangis sa nangyari sa kanyang mahal na Lolo. Sinabayan niya ang pag-atake ng mga kaaway. Inugoy niya nang buong tapang ang sibat sa bawat direksyon at hindi siya pumalya sa pagkitil sa mga kawal na lumulusob sa kanya.
Narating ni Aric ang dalampasigan at namataan niyang nakikipaglaban si Miya sa kalayuan.
Miya?
Napagtanto ni Uwalhid na higit na malakas ang dalaga sa inaakala niya at kinuha niya ang kanyang pana. Tinutok niya ito ng patago habang nakikipaglaban ang dalagita sa kanyang pwersa. Pinakawalan ng Kapitan ang kanyang tira at nakita ni Aric na patungo ang pana sa dalaga.
"Huwag!" Sigaw ng binata. "Miya!"
Walang malay si Miya dahil abala siya sa pakikipaglaban. Tumama ang pana sa kanyang sikmura na hindi niya inaasahan, bago pa makagalaw ang dalaga mula sa kanyang kinaroroonan, isa pang pana ang tumama sa kanyang dibdib mula kay Uwalhid.
Nagpasuray-suray ang dalaga bago ito tuluyang bumagsak sa buhangin, umaagos ang dugo mula sa kanyang bibig at katawan.
"Miya!" narinig ni Miya ang tinig ni Aric at bahagya niyang namataan na tumatakbo ito patungo sa kanya bago manlabo ang kanyang paningin. Hindi na siya nahintay ng dalaga, tuluyan nang pumikit ang kanyang mga mata. Binawian na ng buhay si Miya bago pa makarating sa kanya si Aric.
"Miya," natigilan si Aric nang makita ang mga labi ng dalaga at siya ay napaluhod. Kinandong niya ang duguan at walang buhay na dalaga. Naluluha niyang hinaplos ang buhok nito.
Nagmasid ang binatilyo sa paligid at hindi siya makapaniwala sa mga nangyari. Ang mala-paraisong dalampasigan ng Kasaganaan ay nagmistulang impiyerno. Tinutupok na ng apoy ang lahat ng kanilang kubo at tulayan. Nagkalat ang mga bangkay at dugo sa purong puting buhangin ng dalampasigan. Tulad ng sinabi ni Uwalhid, wala silang itinirang ni isang buhay sa Tribo. Patay na si Mylka, Maoro at ang lahat ng batang kanyang tinuturuan. Hindi rin pinalagpas ng mga Kawal sina Maahan, Myoris at ang mga kaawa-awang kababaihan. Napaslang rin si Marcio, ang mga kalalakihang Myongan na nakasama niya sa mga gawain at ang kanilang mahal na Datu Mortho. Higit sa lahat, tuluyan na ring kinuha sa kanya si Miya, na lubos niyang iniirog.
Matapos ang digmaan, pinunasan ng Kapitan ang espada niyang puno ng dugo ni Mortho.
"Magbunyi tayo!" maligayang sinambit ni Uwalhid, "tagumpay ang ating misyon! Nabura na natin ang lahat ng Myongan sa mukha ng Buong Lupain."
"Siguradong matutuwa ang Hari," sagot ng isang Kawal.
"At baka bigyan pa niya tayo ng mataas na parangal!" dagdag pa ng isa.
Hinarap ni Uwalhid si Aric na nakatulala pa rin sa piling ni Miya. "Huwag nating kakalimutan si Aric, kung hindi dahil sa kanya, hindi magiging posible ang lahat ng ito. Tumayo ka nga dyan."
Nakatulala lamang ang binatilyo, tila walang naririnig.
"Tunayo ka sabing lintik ka!" Hinatak niya pabangon ang binatilyo. "Magaling bata, napatunayan mo ang iyong sarili at dahil dyan, isa ka ng ganap na Kawal."
Inabot ng isang tauhan ang kasuotan at mga armas ng Kawal. "Suotin mo na yan."
"Ayaw ko," naluluhang sagot ni Aric.
"Suotin mo sabi!"
Naluluhang sinunod ni Aric ang kanyang utos, sinuot niya ang magarbong kasuotan, ang balabal, ang kupya at ang bakal na armas sa balikat at katawan.
"Mabuhay ang bagong Kawal ng Silangan!" nagbigay pugay si Uwalhid sa kanya.
"Mabuhay!"
Natupad na ang matagal na pinapangarap ni Aric ngunit wala siyang nararamdamang kahit katiting na kaligayahan sa pagiging isang Kawal.
Napatingin ang binatilyo sa kanyang kamay at nakita niyang nagsisimula itong magdugo kahit wala naman siyang sugat. Ito ay lubha niyang ipinagtataka.
"Anong nangyayari?" Habang pilit niyang pinupunasan ang dugo sa kanyang mga palad, mas lalo lamang itong dumarami at lalo siyang nagimbal. "Anong nangyayari!"
"Nasa kamay mo ang mga dugo nila," sagot ni Uwalhid kasabay nang isang nakakarinding halakhak. "Ikaw ang pumatay sa kanila!"
Para bang ito ang dugo ng lahat ng Myongan na napaslang sa naganap na digmaan.
Lahat sila ay nagtatawanan sa pangungutya kay Aric.
"Hindi! Hindi!" Kinilabutan na napasigaw si Aric sa pagdami ng malalapot na dugo sa kanyang palad.
***
"Hindi!" Napabangon si Aric mula sa kanyang kinahihigaan. Naghahabol siya ng hininga sa tindi ng kanyang kaba. Napalingon siya sa paligid. Naroroon pa rin siya sa lilim ng batuhan sa Disyerto ng Syl. Hindi pa rin natitinag ang init at liwanag nga araw.
Panaginip lamang...isang bangungot...hindi pa nangyayari ang lahat.
Ipinagpalagay niyang ito ay isang pahiwatig ng mga maaaring mangyari sa oras na bumalik siya sa Kampo. Hindi niya hahayaang magkatotoo ito.
Desididong tumindig si Aric. Sa pagkakataong ito, tinahak niya ang daan pabalik sa Kasaganaan.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro