Kabanata 1: Saraphine
Nakasisilaw ang liwanag mula sa kalangitang walang alapaap. Isang binibini ang makikita sa kumikinang na kapaligiran, mahinahon ang tunog ng kanyang paglalakad ganoon na rin ang tunog na nagmumula sa takong sa dulo ng kanyang sapatos. Ang bulwagang kanyang kinaroroonan ay kapareho ng Pangunahing Bulwagan ng Palasyo ng Imperyo, ang kanyang dating tahanan, ngunit sa pagkakataong ito, higit itong mas maliwanag sa taglay na sinag na mula sa bilugang bintana at si Cordelia naman ay malaki na rin ang pinagbago, ngayon siya'y isang ganap ng dalagita. Katamtaman ang kutis, abot hanggang leeg ang unat niyang buhok na walang bahid ng pagkakulot at pinakikinang ng liwanag ang kanyang kulay berdeng mga mata. Nakasuot siya ng isang mahabang puting bestida, na kahalintulad sa isang Reyna, Prinsesa at Emperatris.
Pinagigitnaan siya ng nakararami, mga estrangherong nakaputi na may matatamis na ngiti sa kanilang mga labi. Sa kanyang paglalakad patungo sa sentro ng bulwagan, namataan niya ang kanyang mga magulang. Ang Emperador at Emperatris ng Imperyong Cenpyre. Sina Emperador Costan at Emperatris Ysavel. Tulad niya, sila ay nakasuot rin ng purong puti, nakaupo ang dalawa sa kanilang Ginintuang Trono. Patuloy ang paglalakad ng Prinsesa papalapit sa kanyang mga magulang.
Hindi maiwasang mapaisip si Cordelia sa mga kaganapan.
Nasa palasyo ako ng Cenpyre, naririto ang mga magulang ko, namumuno bilang Emperador at Emperatris. Isang malagim na bangungot lamang ang lahat at ngayon ay gising na ako, nagbabalik sa realidad, ngunit bakit ako lang mag-isa? Nasaan ang mga kapatid ko? Si Kuya Covel, Yrvin at Cordelia.
Sinalubong niya ang kanyang ama at ito'y yumakap ng walang kasing higpit sa kanya.
"Ang aking Tagapagmana," saad sa kanya ni Costan.
Yumuko si Cordelia bilang paggalang sa Emperador. Tumayo si Costan sa kanyang trono, pagkatapos siya naman ang yumuko sa harap ng anak na ikinabigla ni Cordelia.
"Kamahalan," pagbati ng kanyang ama.
Napalingon si Cordelia sa Ina at nasilayan niyang tinanggal ni Ysavel ang Korona sa kanyang ulo, sumenyas siya sa kanyang anak na lumapit ito.
Yumuko muli si Cordelia habang itinatapat ni Ysavel ang Korona sa kanyang ulo, malumanay na inilagay ng kanyang Ina ang Korona sa kanya. Kasyang-kasya ito kay Cordelia at lalo na siyang nagmukhang isang Emperatris.
"Ikaw na ang mamumuno ngayon..." Anunsiyo ni Ysavel. "Saraphine."
Naglaho ang masiglang ngiti kay Cordelia nang marinig niya ang pangalang itinawag sa kanya ng ina.
Saraphine?
Umalingawngaw sa kanyang tenga ang nasabing pangalan, sa tinig ng kanyang ina, na unting-unting nag-iba sa kanyang pandinig. Animo'y isang tinig na tumatawag sa kanya, ngunit malayo ang boses kay Ysavel.
"Saraphine, Saraphine, Saraphine..."
***
Idinilat ni Saraphine ang kanyang mga mata at sa kanyang paningin, nasilayan niya ang maamong mukha ng isang dalagita. Malayo ang anyo nito sa kanyang Ina ngunit gayunpaman, nararamdaman niya ang katiwayasan sa tuwing ito'y nakangiting bumabati sa bawat umaga.
"Saraphine, gising na. Umaga na," saad ng dalagitang may limang taon ang agwat sa kanyang edad.
Humikab si Saraphine at pinunasan ang antok sa kanyang mukha.
"Magandang umaga, Ate Pinang," pagbati niya kay Saraphina.
"Magandang umaga rin, Mahal na Prinsesa," pabirong saad ng kanyang ate. Malaki na ang ipinagbago ni Saraphina ngayon. Mahaba na ang kanyang kulot na buhok, may kalaparan na ang kanyang braso at baywang at gaya ni Uranna, balot na rin ng mga matitingkad na koloreta ang kanyang pisngi at mata.
"Anong oras na nga pala?" tanong ni Saraphine.
"Ikawalo na ng umaga, tara na at may gagawin pa tayo bago ako umalis."
***
Nagtungo ang magkapatid sa bakuran ng kanilang munting tahanan, kung si Saraphina ay may katingkaran ang anyo at pananamit, kasalungat naman niya si Saraphine. Nakasuot lamang siya ng katamtamang palda na kanyang ipinapantulog taliwas sa elegante at puting bestida sa kanyang panaginip.
Napagtanto niyang hindi na siya si Prinsesa Cordelia ngayon. Ang katauhan niyang ito ay matagal na niyang ibinaon sa limot at paminsan-minsan na lamang na dumadalaw sa kanyang mga panaginip at gunita. Natabunan na ito ng dalawa pa niyang pagkatao. Si Vela ang gusgusing musmos na ipinagbenta kay Uranna sa subasta labing apat na taon na ang nakalipas at si Saraphine, isang simpleng dalagitang patuloy na humaharap sa hamon ng buhay sa masalimuot na Silangan kasama ang kanyang Ate Pinang. Tanggap na niyang habambuhay na niyang gagampanan ang papel ni Saraphine basta kasama niya ang kanyang Ate Pinang.
Pinunan ng magkapatid ng palay ang kanilang mga palad at dahan-dahan itong ibinudbod sa kalupaan. Nagsimulang magsibabaan sa paglipad ang mga maliliit na ibon at pinupog nila ang mga palay. Pinanood ng dalawa ang pagtuka ng mga ito sa biyayang kanilang handog at hindi pa nagtatagal, naubos nila ito at nagliparan sa maaliwas at purong asul na kalangitan.
"Naaalala ko noong mg bata pa tayo, palagi mo kong kinukuwentuhan tungkol sa mga ibon," paalala ni Saraphine.
Napangiti si Pinang nang maaalala niya ang mga araw na iyon. "Napakabilis ng panahon, Saraphine. Marami ng nagbago pero marami pa ring bagay na pareho."
Hinawakan niya nang mahigpit ang mainit na palad ng nakababatang kapatid.
"Dati mga inakay pa lamang tayo, ngayon isa na tayong ganap na kalapati," dagdag ni Saraphine, "na may sariling mga pakpak, pero hanggang ngayon nananatili pa rin tayo sa ating munting pugad."
"Ikaw na lang ang nasa pugad," pagtatama ni Pinang. "Matagal na akong nakaalis. Hindi na gaanong katayog ang paglipad ko mula nang pilayan ni Tiyang Uranna ang mga pakpak ko, kabilang na rin ako sa mga kalapating mabababa ang lipad, ngunit ikaw, hindi pa huli ang lahat para sa'yo. Maaari ka pang lumipad ng mataas patungo sa kalangitan, ng malaya at walang humahadlang."
"Balang araw, lilipad rin ako ng matayog, isasama kita sa itaas at hindi na natin kailangan pang bumaba," pangako ni Saraphine.
"Basta mag-iingat lang tayo sa mga buwitre."
Humalakhak si Saraphine sa dinugtong ng kapatid. "Tutal buwitre lang rin naman ang pinag-uusapan natin, nasaan nga pala si Tiyang Uranna?"
"Ang matandang bruha," naiba ang timpla ni Pinang, "malamang inuwi ng mga lalaki niya sa taberna. Malakas kasi ang kita namin ngayon. Dumarami ang mga barakong gustong makabingwit ng mga dilag."
"Mabuti naman at wala siya," tugon ni Saraphine. "Natahimik rin tayo kahit papaano."
"May sasabihin ako sa'yo," hindi na nanumbalik pa ang ngiti sa mga labi ni Pinang.
"Ano yun?"
"Kinausap ako ni Tiyang. Nagbabalak na siyang ipasok ka sa taberna sa lalong madaling panahon."
"Ano?" Bumilis ang tibok ng puso ni Saraphine at nagsimulang manginig ang kanyang mga kamay. "Hindi, hindi maaari. Hindi ako papayag! Ate ayokong sumama sa mga lalaki doon."
Niyakap ni Pinang ang nag-aalalang kapatid. "Nauunawaan ko. Hindi ko sila hahayang yurakan ang pagkababae mo gaya ng ginawa nila sa akin. Hindi sila ang mga tipo ng lalaking nababagay sa'yo. Isa kang Prinsesa, nararapat sa'yo ay isang marangal na Prinsipe na gagalangin, reresputihin at higit sa lahat ay mamahalin ka. Tatandaan mo ito palagi, Saraphine. Hanggang naririto ako, walang sinuman ang makakagalaw at makakapanakit sa'yo. Aalagaan ka ng Ate."
"Salamat..." Kulang pa ang mga salitang ito para matumbasan ang kabutihan ni Pinang sa kanya.
-Palasyo ng Silangan-
Kasalukuyang napapasailalim ni Haring Rucaz ang buong Kontinente ng Silangan. Sa loob ng mahigit sa dalawang dekada, hawak niya sa kanyang palad ang kalupaan kung saan mayroon itong sariling pamahalaang hiwalay sa sakop ng Imperyong Cenpyre at ng Mataas na Emperador. Pinairal niya ang layunin ng kanyang Amang si Haring Romando at ng iba pang mga naunang Hari na paunlarin ang Silangan at gawin itong kasing sopistikado ng Imperyong Cenpyre. Nagpatayo siya ng mga negosyo at etablishamento sa mga liblib na isla at sinumulan niyang burahin ang mga sinaunang kagubutang dating tirahin ng mga Tribo nang sa ganoon ay tuluyan ng mawala ang kanilang bakas. Kaisipang sibilisado ang umiral sa mga nananirahan sa nasabing kontinente at kagaya ng hari, binansagan nilang mangmang ang paraan ng pamumuhay ng mga naunang tribo. Umunlad ang kontinente at kasabay nito umunlad rin ang mga mali at makamundong gawain ng mga Tagasilangan. Nakagawian na nila ang pagnenegosyo ng mga pasugalan at pagsusubasta. Dumami rin ang mga taberna sa mga kabayanan at dahil dito, nagsimulang umusbong ang isang pananaw na mas nakakalamang ang mga kalalakihan sa mga kababaihan at ang lahat ng babae ay maaaring bayaran at bilhin ng sinuman.
***
Isang araw, abala ang isang dalagitang alipin ng Hari sa pagpupunas ng trono sa Pangunahing Bulwagan. Isang tipikal na tubong Silangan ang anyo ng babae. Limang talampakan ang laki, itim ang buhok at mata at kayumanggi ang kutis.
Mula sa isa sa mga haligi, nakasilip ang isang binatilyong may panlilisik ang mga mata. Tinititigan niya ang tagalinis mula ulo hanggang paa Maaaring nasa labinwalo o labinsiyam ang kanyang edad. Siya ay si Prinsipe Rigo, ang nag-iisang anak ni Haring Rucaz sa kanyang unang kabiyak at ang Tagapagmana ng Silangan.
Dahan-dahan siyang naglakad ng palihim patungo sa dalagita na parang isang tumanggong. Nagulat na lamang ang tagapaglinis nang maramdaman niya ang hininga ng Prinsipe sa kanyang leeg.
"Mahal na Prinsipe..." Naiilang na bumati ang dalagita. "May maipaglilingkod po ba ako sa inyo?"
"Oo," bulong ni Prinsipe Rigo sa kanya, pagkatapos ay inilagay niya ang kanyang kamay sa dibdib ng babae at humimas ito pababa mula sa kanyang baywang patungo sa kanyang hita. "Marami kang magagawa para sa akin."
"Mahal na Prinsipe, paumanhin po pero kailangan ko pa pong tapusin ang aking trabaho."
Hindi ito pinansin ng Prinsipe at patuloy niyang hinipuan ang dalagita at inamoy ang kanyang itim na buhok.
Tyempo namang napadaan ang isang lalaki sa Pangunahing Bulwagan. Higit siyang matipuno at matangkad kumpara sa Prinsipe. Maaaring nasa dalawampung lima ang kanyang edad. Kayumanggi ang kanyang balat at maamo ngunit seryoso ang kanyang mga mata. Magkahalintulad ang kasuotan nila ng Prinsipe at madaling mapapansin na kabilang rin ito sa Pamilyang Royal. Siya ay si Prinsipe Rionne, ang bastardong kapatid ni Haring Rucaz na naninirahan sa Palasyo.
Nasaksihan niya ang ginagawang pananamantala ng pamangkin sa babaing alipin habang ito'y pasimpleng nagpupumiglas. Napailing si Rionne sa kalokohan ng Prinsipe, nilakasan niya ang kanyang paghakbang papalapit sa kanila.
"Rigo," mahinahon pero may otoridad ang kanyang malaking tinig at natigilan si Prinsipe Rigo sa kanyang gingawa. Sinamantala ito ng babaing alipin at siya'y kumakala sa pagkakahawak ng Prinsipe.
"Tiyo Rionne, ikaw pala," pilit na pagbati ni Rigo sa kanyang tiyuhin.
Napalingon si Rionne sa babaing alipin at nakita niya ang takot sa kanyang mga mata.
"Maaari ka nang umalis, may pag-uusapan lang kami ng pamangkin ko," utos niya dito.
"Salamat po, Prinsipe Rionne," nanginginig ang tinig ng dalagita, napatingin siya kay Prinsipe Rigo at yumuko bilang pagbati, "Mahal na Prinsipe."
Hinintay muna nilang makaalis ang dalagita sa bulwagan bago mag-usap.
"Anong ginagawa mo dito?" May panggagalaiting tanong ni Rigo sa tiyuhin. "Hindi mo ba nakikitang inaaliw ko ang sarili ko?"
Ngumisi si Rionne sa isinagot ng sutil na Prinsipe. "Pang-aaliw pala ang tawag mo sa ginagawa mo? Binabastos mo na yung tao, hindi mo man lang ba naisip yun?"
"Ano ang pakialam ko sa kanya?" sagot ni Rigo. "Babae lang siya sabi ni Ama at sinumang babae ay pwede kong bilhin at pagkaaliwan hanggang gusto ko."
"Hindi ko hahayaang gumawa ka pa ulit ng kaululan, Rigo," sabi ni Rionne. "Asahan mong palagi kitang pipigilan habang nakatira ako sa Palasyong ito. Kung kailangan kong putulin ang mga sungay mo, gagawin ko."
Natawa lamang si Rigo sa ipinahayag ng kanyang tiyuhin.
"At bakit ako susunod sa'yo? Huwag mong kakalimutan na ako ang susunod na Hari at walang makakapigil sa akin na gawin ang gusto kong gawin at lalong-lalo na ikaw."
"Sige, sabihin mo ang gusto mong sabihin sa akin, Rigo," matapang na saad ni Rionne. "Hindi ako nasisindak sa'yo. Ang Ama mo ang Hari ngayon at hindi ikaw kaya wala ka pang karapatan. Isa ka pa lang musmos na Prinsipe. Marami ka pang kailangang patunayan para makuha mo ang respetong nararapat sa isang Hari."
"Palibhasa inggit ka lang dahil kahit kailan hindi magiging Hari ang isang hampaslupang katulad mo," pagpapatuloy ni Rigo. "Tanggapin mo na kasi Tiyo Rionne na isa ka lamang dagang napadpad dito sa Palasyo. Kahit gaano pa kaganda ang kasuotan mo, wala ka pa ring lugar dito dahil wala kang kwentang tao!"
Nadala si Rionne sa pang-iinsulto ni Rigo at isang malutong na suntok mula sa kanyang kamao ang tumama sa mukha ng batang Prinsipe. Napabagsak ito sa sahig at dumugo ang kanyang labi. Napahawak ang Prinsipe kung saan siya sinuntok. Nangilabot si Rigo nang makita ang dugo sa kanyang daliri.
"Ama!" Dumagundong ang kanyang hiyaw sa Palasyo.
Narinig ito ni Haring Rucaz at agad siyang nagtungo sa bulwagan kasama ang pangalawang asawa na si Reyna Helena na nagsisilbing madrasta ng Prinsipe. Malaki na ang itinanda ng Hari at namumuti na agad ang kanyang buhok kahit na siya ay hindi umaabot sa limampu.
"Rigo! Anak!" Nilapitan ng Hari ang Prinsipe habang nakatayo lamang malapit sa kanya si Rionne.
"Anong nangyari?" Tanong ni Helena sa anak-anakan. "Sinong nanakit sa'yo?"
Nagpanggap pa si Rigo na nasasaktan pa siya sa panununtok ni Rionne.
"Siya!" Itinuro niya ang tiyuhin. "Nakita niyang kausap ko ang isa sa mga babaeng alipin natin, bigla na lamang siyang nanggalaiti at sinuntok ako ng walang kalaban-laban!"
Tumayo si Haring Rucaz sa inis, hinablot niya si Rionne at isinandal ito sa haligi, nanatili lamang na nakataas-noo si Rionne sa presensiya ng Hari.
"Ano naman ito, Rionne? Anong karapatan mong pagbuhatan ng kamay ang nag-iisa kong anak. Ang iyong Prinsipe!"
"Tinutuwid ko lamang siya bilang kanyang tiyuhin," paliwanag ni Rionne. "Pinagsasamantalahan niya ang alipin, pinigilan ko lamang siya pagkatapos kung ano-ano ang sinabi niya sa akin kaya hindi ako nakapagtimpi."
Tila nakumbinsi si Haring Rucaz sa eksplanasyon ng nakababatang kapatid.
"Totoo ba yun, Rigo?" tanong niya sa anak.
"Rucaz, nagbibiro ka ba?" saad ni Reyna Helena sa asawa.
May kaputian ang kutis ng Reyna at may kasingkitan ang kanyang maliit na mata. Nagmula siya sa mayamang angkan na nabibilang sa lahi ng Zahn, na pinaniniwalaang isa sa mga naunang tumira Sinaunang Silangan.
"Mas paniniwalaan mo pa ba ang kapatid mong hambog kaysa sa sarili mong anak?" tanong ng Reyna. "Alam naman nating lahat kung sino ang nagsasabi ng totoo sa kanila! Noon pa man, nuknukan ng sinungaling ang bastardong iyan!"
Nanumbalik ang panggigigil ni Haring Rucaz sa kanyang kapatid. "Wala kang karapatang saktan ang anak ko dahil lamang sa isang putang babae! Sa susunod na pagbuhatan mo ng kamay si Rigo, buhay mo na ang magiging kapalit! Pagbibigyan lamang kita ngayon dahil sa dugong nag-uunay sa ating dalawa! Anak ka lang ni Ama sa isang hamak na labandera. Kung di lang ako naawa sa iyong Ina nang magmakaawa siyang kupkupin na kita pagkamatay ni Ama, wala ka sana sa Palasyo! Basura ka lang na pinulot ko! Itatak mo yan sa kukote mo, Rionne!"
Binitawan niya ng patulak ng kapatid niyang bastardo.
"Umalis ka sa presensiya ko! Naaalibadbaran ako sa'yo!"
"Pasensya na Mahal na Hari," matapang na nanindigan si Rionne, "hindi ko na kayang makitang may nilalapastangang babae si Rigo. Gagawin ko lang kung ano sa tingin ko ang tama at hindi ako magdadalawang-isip na ulitin ito kung kinakailangan."
"Alis!" sigaw ni Rucaz.
Umalis si Rionne na may pagkamuhi sa Hari, Reyna, Prinsipe at sa Palasyong kahit kailan ay hindi naging mabuti sa kanya, na kahit kailan ay hindi naging tahanan sa kanya.
***
Naiwan si Saraphine sa kanyang tahanan na tinatawag niyang "Munting Pugad." Kahit na higit na mas maliit ito sa Palasyo ng Cenpyre at hindi maganda ang pagtrato sa kanya ni Uranna, mahal niya ang bahay na ito sapagkat dito sila lumaki at nangarap ng kanyang Ate Pinang.
Pagkatapos niya maglinis ng bahay, naligo ang dalagita, pumasok sa kanyang silid at inayos ang kanyang buhok habang nakatingin sa salamin. Hinuni niya sa kanyang sarili ang awit na palaging hinehela sa kanya ni Ysavel noong bata pa sila. Napatingin siya sa salamin at natigilan ng ilang sandali. Pinagmasdan niya ang kanyang mga mata, pisngi at ang kanyang katawan na ngayon ay hubog na ng isang ganap na dalagita.
Dalaga ka na talaga Cor...Saraphine...
Nakatitig siya ng taimtim sa salamin nang may maaninag siya malapit sa kanyang pinto.
"Nandito ka lang pala," pagbati ni Uranna sa kanya, tila maganda ang kanyang timpla at nagmamadali itong lumapit sa dalagita. Inamoy niya ang mabangong buhok ni Saraphine. "Tamang-tama bagong ligo ka, sariwang-sariwa, halika na at doon ka na magbihis."
"Saan po tayo pupunta?" may pagtataka sa tono ni Saraphine. Nakukutuban niyang mayroong binabalak ang Tiyahin.
"Sa taberna," walang paligoy-ligoy na isinagot ni Uranna, "hindi ba sinabi ng Ate Pinang mo na ngayon ang unang araw mo sa trabaho?"
Hindi nakaimik si Saraphine sa sinabi ng matandang babae sa kanya.
"Saktong-sakto, maraming kalalakihang yayamanin ang pupunta ngayon, kung sinuswerte ka nga naman talaga! Ano pang hinihintay mo? Tara na!"
Hinawakan niya sa braso ang dalagita ngunit agad itong bumitaw sa kanya.
"Hindi," saad ni Saraphine. "Hindi ako sasama. Hindi ako magtatrabaho sa taberna."
Nabigla si Uranna sa inasal ni Saraphine, sa tagal ng panahong magkasama sila, ngayon lamang siya sumagot ng ganito.
"Anong sinabi mo? Sinasagot mo na ko ngayon? Huwag mong kakalimutan na ako na ang nagpalaki at nagpalamon sa inyong dalawa!"
"Alam ko po iyon, Tiyang Uranna at malaki ang utang na loob namin sa inyo pero hindi ko po kayang magtrabaho sa taberna. Kahit ano po gagawin ko pwera lang dun, ako na po ang gagawa ng lahat dito sa bahay."
"Hindi!" nanatiling matigas si Uranna sa pangungumbinsi ni Saraphine. "Susunod ka sa gusto ko! Kaya nga kita kinupkop, para mapakinabangan kita sa taberna at magdala sakin ng maraming pera. Para saan pa ang lahat kung wala lang rin naman pala akong mahihita sa'yo?"
"Hindi ako sasama!" nagmatigas ulit si Saraphine.
Muling hinawakan ni Uranna ang makinis na braso ng dalagita at sa pagkakataong ito, sinigurado niyang hindi na siya makakawala sa kanya.
"Sasama ka akin kahit kaladkarin pa kita hanggang doon!"
Hinatak niya ang nagpupumiglas na si Saraphine.
"Tulong! Tulong! Ate Pinang, tulungan mo ko!" nilakasan niya ang paghingi ng tulong ngunit walang nakakarinig sa kanya.
"Magtigil ka dyan!" pananaway ng kanyang tiyahin. "Wala dito ang Ate mo. Huwag mong hintaying maimbyerna ako sa'yo, malilintikan ka talaga sakin!"
-Taberna-
Gaya ng sabi ni Uranna, sagana nga ang ang taberna ngayon sa mga mayayamang barako at ang kanilang mga padrino na handang magbayad para sa panandaliang aliw. Sa bawat sulok, nagkakapalitan ng pera para sa halik, yakap at kama sa mga maliliit na silid.
Kasalukuyang inaaliw ni Pinang ang isang mayamang barako. Nakakandong ang dalaga sa harap ng mayamang lalaki habang ito'y namumulutan kasama ang kanyang mga padrino.
"Kamusta naman ang gabi mo ngayon?" tanong ni Pinang habang hinihimas ang dibdib ng lalaki.
"Masaya pero mas sasaya ang gabi kung hahayaan mo akong tikman ka," tugon ng lalaking lasing.
"Kung ganun, bibigyan kita ng gabing hindi mo malilimutan," mapang-akit na bulong ni Pinang sa kanyang tenga.
Hahalikan na ni Pinang ang lalaki ngunit ito'y naudlot ng bumukas ang pinto. Pumasok si Uranna, hatak-hatak ang nagpupumiglas na si Saraphine. Nagulantang siya nang makita ang kapatid sa taberna at itinigil niya ang pang-aakit sa lalaki.
"Oh bakit? Kala ko ba pasasayahin mo ko?" pagtatak ng lalaki nang bumangon ang dalaga mula sa pagkakakandong.
Napukaw ni Saraphine ang pansin ng lahat ng naroroon sa taberna, namangha ang mga lalaking nag-iinuman ganoon na rin ang mga babaeng mabababa ang lipad. Ngayon lamang sila nakakita ng isang dilag na naiiba ang kulay ng balat, buhok at mata kumpara sa kanila na mga Tagasilangan.
Sinundan ni Pinang kung saan pupunta ang dalawa, patungo sila sa silid kung saan nagbibihis ang mga babae.
"Magpalit ka na ng damit, bilis," saad ni Uranna, "hindi pwede nakapambahay dito."
Inabangan ni Pinang ang paglabas ng kapatid sa silid, ilang minuto lamang, bumukas ang pinto at sumulpot si Saraphine na nakamaikling bestidang kulay pula na walang manggas, kita na ang malaking bahagi ng kanyang hita at may kababaan rin ito sa may dibdib.
"Gawin mo na ang trabaho mo," atas ni Uranna, "marami pa kong aasikasuhin."
Nagtungo si Uranna sa grupo ng mga barakong lasenggo at sila'y nagsimulang magsaya. Taimtim na pinagmasdan ni Saraphine ang paligid. Sa sentro ng bulwagan, nasilayan niya ang mga nag-iinumang kalalakihan, sa kanan naman namataan niya ang isang kalapitang may kalaplapan, sa kaliwa naririnig niya ang mga pag-ungol ng mga babaing nakikipagtalik sa mga kalalakihan sa loob ng mga silid.
Hindi ako dapat naririto!
"Saraphine!"
Narinig niya ang pagtawag ng kanyang Ate Pinang na lubusan ring nagulat sa kanyang presensiya sa nasabing lugar.
"Anong ginagawa mo dito?" may pag-aalala niyang tinanong sa kapatid.
"Pilit akong isinama ni Tiyang Uranna," pagsasalaysay niya, "ang sabi niya ngayon na raw ang unang araw ko at kikita daw siya ng malaki sa akin."
Napailing si Pinang sa kahibangan ng kanyang tiyahin, hindi niya hahayaang mangyari ito kung nasa bahay lamang siya.
"Ate, ayoko na dito, gusto ko ng umuwi!" pagmamakaawa ni Saraphine.
"Huwag kang mag-alala," pabulong na isinambit ni Pinang, "gagawa ako ng paraan para makaalis ka rito. Basta dumikit ka lang sa akin, ako na ang bahala."
Lingid sa kanilang kaalaman, sumunod kay Pinang ang lalaking kanyang inaaliw.
"Hoy, bakit ka na lang biglang..."
Napatingin ang lalaki kay Saraphine at nabighani ito sa taglay niyang kagandahan.
"At sino naman ang dalaginding," nilapitan niya ang dalaga sa kanyang pagkailang, "ang tagal ko ng nagagawi dito sa taberna pero ngayon lang ako nakakita ng dalagitang kasing kinis at kasing puti mo. Isang banyaga? Cenpyero ka ba o Kanluranin? Gusto mo bang matikman ang alaga ko?"
"Pasensya na, pero hindi mo siya maaaring galawin ngayon," pumagitna si Pinang sa kanilang dalawa upang maprotektahan ang kapatid.
"Bakit hindi? May pambayad naman ako! Minsan lang naman ako makatikim ng bago!"
"Sa totoo kasi..." nag-iisip ng maidadahilan si Pinang para malusutan ang lalaki. "Matagal na siya dito. Ngayon lang siya nakabalik dahil nagkasakit siya ng malubha."
"Nagkasakit?" tanong ng lalaki.
"Oo," napalakas ang tinig ni Pinang. "Alam mo ba kung ano ang nangyari sa huling lalaking nakasiping niya? Dalawang linggo siya naratay sa bahay, inubo ng malala at nagpantal ang buong katawan. Ayaw naman nating mangyari sa'yo yun? Ilang linggo kang hindi makakatikim ng babae."
Noong una ay naguluhan si Pinang sa palusot ng kanyang Ate ngunit hindi natagal nakuha na rin niya ang kanyang ipinupunto. Pinanindigan na niya ang palusot at siya'y umubo nang may kalakasan, nagpanggap na may sakit.
"Ayan na naman tayo," sinakyan ni Pinang ang kanyang pag-arte. "Inuubo na naman siya, baka mahawa pa tayo."
"Putang Ina, ayokong mahawa ng sakit!" tugon ng lalaki na napaniwala nila.
"Ganito na lang," muling inakit ni Pinang ang lalaki, "di ba sinabi ko sa'yo na bibigyan kita ng gabing hindi mo malilimutan, bakit hindi pa natin simulan ngayon."
"Buti pa nga, buti na lang at wala kang sakit," sagot ng lalaki.
Naglakad ang dalawa papalayo kay Saraphine. Nilingon ni Pinang ang kapatid, itinuro niya ang pintuan at sumenyas ito na umalis na siya.
Sinamantala niya ang pagkakataon at habang walang nakatingin, palihim siyang nagtungo sa may pinto at kumaripas ng takbo palabas ng taberna. Nakahinga ng maluwag si Pinang nang malamang nakalabas na ang kapatid sa lungga ng mga makasalanan, bumalik siya sa pagtatrabaho.
Hindi nila batid na nagmamasid si Uranna sa kanilang mga kilos at namataan niyang lumabas si Saraphine.
"Matigas ka talagang bata ka," may pagkamuhi niyang sinambit.
"Siya na ba yung batang dayuhan ipinagbenta namin sa'yo sa subasta?" tanong ni Nonong na kasama sa mga nag-iinuman.
"Aba, napakaganda ng dalaga ngayon," dagdag pa ni Basyo. "Napapakinabangan mo naman na ba?"
"Hindi pa nga, masyadong maarte, porket birhen pa!" may pagkainis na tugon ni Uranna.
"Birhen pa," ikinatuwa ni Basyo ang narinig. "Kaya naming remedyohan yan."
"Gusto mo tirahin na namin?" tanong ni Nonong.
"Kami ang gagalaw pero ikaw ang makikinabang," inabot ni Basyo ang dalawang sako ng ginto bilang bayad nila ni Nonong.
Muling nasilaw si Uranna sa pera at siya'y napangiti. "Maganda naman palang makipagsosyo sa inyong dalawa. Sige, turuan ninyo ng leksyon, tignan na lang natin kung mag-inarte pa siya pagkatapos ng gabing ito."
***
Nang gabing iyon, mag-isang naglalakad si Saraphine sa kadiliman, sa kanyang sobrang pagmamadali, hindi na niya nagawang magpalit ng damit at nagtyaga na lamang siya sa mapanglantad niyang kasuotan, gayumpaman, nakuntento na siya at sa wakas ay nakaalis na siya sa pugad ng mga uwak at buwitre at ngayon ay lilipad na siya pabalik sa kanyang munting pugad kung saan tahimik, mapayapa at ligtas.
Habang siya'y naglalakad, tila nakaramdam siya ng kakaiba sa kanyang paligid, na animo ay para bang may sumusunod sa kanya sa madilim na daan. Napalingon siya sa may likuran pero agad na nakapagtago si Nonong sa likod ng isang puno. Hindi pa rin nawala ang masamang kutob ni Saraphine. Binilisan niya ang kanyang paglalakad habang nakatingin sa madilim na daanan at siya'y nabangga sa isang lalaki, si Basyo. Tumalikod siya upang umatras ngunit nakaharang na rin si Nonong sa kanyang likuran.
"Kamusta na?" tanong ni Basyo. "Dalagang-dalaga ka na ngayon."
"Hindi mo na ba kita natatandaan, batang Cenpyero?" pag-usisa ni Nonong.
Pamilyar kay Saraphine ang tinig ng lalaki. Madilim ang paligid pero nakilala niya kung sino ang dalawang humarang sa kanyang daan. Bumalik sa kanya ang alaala ng nakaraan noong araw na nawala ang kapatid niyang si Ymma at ang kanyang tagapangalagang si Editha.
"Kayo?" May halong nginig at sindak sa tinig ni Saraphine. "Mga hayop! Kayo ang pumatay kay Ate Editha at sa kapatid ko!"
"Oo kami nga," pag-amin ni Basyo, "minalas nga lang kami at hindi namin natikman yung kasama mo."
"Ngayong dalaginding ka na, ikaw na lang ang pagsasawaan namin ngayon!"
Tumakbo si Saraphine ngunit agad siyang pinagtulungan ng dalawa at siya'y nahuli nila sa kanilang bitag. Ihiniga nila ang dalaga sa sahig at hinawakan ni Nonong nang mahigpit sa kamay ang lumalaban na dalaga. Pumwesto si Basyo malapit sa harapan ni Saraphine, nakahanda nang galawin ito.
"Bitawan nyo ko!" hiyaw ni Saraphine.
"Tignan mo nga naman, dati isa ka lang maliit na paslit, ngayon hinog-hinog ka na! Sisiguraduhin naming hindi ka na makakawala, Nonong hawakan mo ng mahigpit, ako muna ang titikim sa kanya!"
Lalong hinigpitan ni Nonong ang pagkakabihag sa kanya at sinimulan nang pagsamantalahan ni Basyo ang dalaga. Pumatong siya sa harap ni Saraphine at hinagkan ang kanyang leeg.
"Tulong!" sumigaw si Saraphine sa abot ng kanyang makakaya.
Mula sa kadiliman, isang pwersa ang humatak kay Basyo papalayo kay Saraphine habang hinahagkan niya ito. Namataan ni Saraphine ang isang lalaking matangkad at matipuno na may kahabaan ang buhok. Naglaban sila ni Basyo sa madilim na daanan, narinig ng dalaga ang sunod-sunod na suntok na nanggagaling sa dilim. Malulutong ang sapak na tumatama kung sino man sa kanila ang tinatamaan. Nanindak si Saraphine nang bumagsak malapit sa kanya ang bugbog at sugatang si Basyo na nawalan ng malay.
Binitawan ni Nonong si Saraphine nang makitang nabugbog si Basyo siya naman ang sumugod sa dilim, sinubukan niyang suntukin ang misteryosong lalaki ngunit siya'y binirahan nito sa sikmura at paulit-ulit na pinatikim ng kanyang malalakas na kamao sa mukha. Bumagsak rin si Nonong na hilo at nanghihina, gaya ng kanyang kasama.
Hindi makapaniwala si Saraphine sa takbo ng mga pangyayari, ang akala niya ay katapusan na niya. Bago pa man siya makatayo sa kanyang kinaroroonan, hinila siya ng lalaking tagapagligtas papalayo sa mga nananamantala at sila'y naglaho sa madilim na daanan.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro