Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 1: Miya

-Kasaganaan-

Nag-uunahan sa pagtatakbuhan ang isang grupo ng mga batang babaing Myongan, tumaripas sila ng takbo sa kahoy na tulay sa may dalampasigan kung saan nakatayo at nagdudugtong ang kanilang mga kubo sa ibabaw ng pampang. Hindi sila magkamayaw sa pagmamadali kasabay ng kanilang mga tawanan, nagtungo sila sa isang maliit na kubo.

Naroroon ang dalagitang Myongan na si Myoris, isang masigla at palabirong dilag na hindi katangkaran at may kabilugan ang pangangatawan. Kasalukuyan niyang inaayusan ang isang dalagitang nasa labing anim na taong gulang. Naiiba ang anyo ng nasabing dalagita kumpara sa mga Myongan, mala-porselana ang kanyang kutis, may katangusan ang kanyang ilong at kulay purong asul na karagatan ang kanyang maamong mga mata.

"Ate Miya," pagtawag ng mga bata habang sila ay nag-uunahan sa pagpasok sa kubo.

Nilingon sila ni Miya habang inaayos ni Myoris ang kanyang buhok. Binigyan niya ng nakabibighaning ngiti ang mga batang babae. "Anong ginagawa nyo rito? Magpapaayos rin ba kayo kay Ate Myoris?"

"Hindi po," saad ng isang batang Myongan, "nagpunta po kami para tumulong sa pag-aayos sa inyo."

"Kami na po ang mag-aayos sa'yo, Ate Miya," tugon ng isa sa pinakamaliit na batang Myongan.

"Ako na po sa buhok," lumundag ang isang bata malapit kay Miya at Myoris.

"Hinay-hinay lang," natatawang saad ni Myoris, "natutuwa ang Ate Miya nyo sa iyong malasakit, pero kaya ko na siyang ayusan ng mag-isa."

Nalungkot ang mga bata sa pagtanggi ni Myoris sa alok nila.

"Pero gusto po naming tumulong," saad nila. "May mga dala pa po kami."

Ipinakita nila ang mga dala-dalang maliliit na kabibe, perlas at santan.

"Sige na, kaya na ko na ito," sabi ni Myoris, "mag-uwian na muna kayo at baka hinahanap na kayo."

"Sige po, uwi na kami," malungkot na saad ng mga bata.

Pinagmasdan ni Miya ang mga kagamitang dala ng mga bata at tila isang ideya ang nanliwanag sa kanyang kaisipan. Ayaw niyang madismaya at malungkot ang mga bata.

"Sandali lang," pagtawag ng dalaga sa mga bata habang sila ay papalabas na ng kubo. Sabay-sabay na nagsilingunan ang mga bata sa kanyang pagtawag. "Hindi ba marunong kayong gumawa ng iba't-ibang mga bagay gamit ang mga iyan?"

"Opo," sagot ng nakatatanda, "mga koronang santan at kwintas na perlas po."

"Gusto ko iyan," panghihikayat ni Miya, "ganito na lang, habang inaayusan ako ni Ate Myoris, pwede bang gawan nyo ko?"

Umaliwalas sa sigla ang mukha ng mga bata, "Sige po, Ate Miya."

Nagsimulang magtulungan ang mga batang babae sa paghahabi at paggawa ng kwintas gamit ang kanilang mga perlas at kabibe. Habang ang iba naman ay gumawa ng korona mula sa santan. Natapos na ni Myoris ang pagtrintas sa may kahabaang buhok ng kaibigan, sinuot naman ni Miya ang kanyang kulay asul na kasuotan na walang manggas. Nilagyan naman ni Myoris ng perlas na hikaw ang tenga ng dalagita. Hindi nagtagal natapos ang paggawa ng mga bata at isinuot nila ang nagawang kwintas at korona kay Miya. Handa na ang magandang dalagita para sa dadaluhang pagpupulong.

Hindi maalis ang tingin ng mga bata kay Miya sa kanilang pagkamangha. "Napakaganda nyo po Ate Miya."

"Salamat," tugon niya sa kanila. "At ganoon rin kayong lahat."

"Sana po paglaki namin, maging kasing puti at kasingganda mo rin kami." Ito ang palagi niyang naririnig sa mga batang babae.

Tunay ngang hanga ang mga kabataang Myongan sa kakaibang ganda ni Miya na siya lamang ang nagtataglay sa buong tribo. Halos lahat ng batang babae ay nahuhumaling at umiidolo sa kanyang kagandahan at kababaang-loob.

"Maganda kayong lahat, anuman ang kulay ng kutis nyo," pagpapaaalala niya sa kanila. "Lahat tayo ay maganda sa sarili nating anyo."

"Tulad ko," ibinida ni Myoris ang kanyang sarili sa mga bata, "hindi ako kasing puti ni Miya pero tignan niyo, walang makatatanggi na maganda ako."

" at mataba rin po," dagdag ng pinakamaliit na bata.

Napanganga si Myoris sa sinabi ng bata. "Mataba? Sino nagsabing-"

Naudlot ang pagsasalita ni Myoris nang pumasok ang isang batang lalaking Myongan na nagngangalang Maoro.

"Tulong! Tulungan nyo po ako!" Hinihingal pa ang bata sa pagmamadali at siya ay pawis na pawis.

"Ano yun, Maoro?" tanong ni Miya. "Anong nangyari?"

"Si Mylka po," paglalahad ni Maoro, "naglalaro po kami sa may dalampasigan, nagpunta po kami sa may kalaliman, bigla na lamang po siya namilipit at lumubog. Sabi niya nadali po daw siya ng dikya!"

"Ano?" Ikinagulat ni Myoris ang nangyari.

"Nasaan siya?" tanong ni Miya.

***

Nagtungo si Miya at Myoris sa may dalampasigan sa pangunguna ni Maoro at nagsunuran rin ang mga batang babae.

"Doon po kami naglaro," itinuro ni Maoro ang may kalalimang bahagi ng dalampasigan kung saan mas maasul ang tubig.

Nag-isip si Miya ng paraan kung paano siya makakatulong.

"Mabuti pa umuwi ka muna sa inyo, Maoro," atas ni Miya, "ipaalam mo agad ito sa iyong Ina."

Sinunod ni Maoro si Miya at ito ay tumakbo papauwi sa kanilang kubo.

"Tatawagin ko ang mga kalalakihan, makakatulong sila," pagpresinta ni Myoris.

"Huwag na," sagot ni Miya. "Abala na ang lahat sa paghahanda para sa mga panauhin."

"Pero sino ang sasagip kay Mylka?" tanong ni Myoris.

Walang pag-aalinlangan na tinanggal ni Miya ang kanyang mga hikaw at ganoon na rin ang koronang santan at ang kwintas na perlas.

"Ako na ang bahala sa kanya," matapang na sagot ng dalagita.

"Pero delikado at nakagayak ka na," may pag-aalalang saad ng kanyang kaibigan.

"Magtiwala ka sa akin, kaya ko ito," buong loob na sinabi ni Miya.

"Mag-iingat ka," saad ni Myoris.

Lumusong si Miya sa dalampasigan at siya'y sumisid patungo sa malalim na bahagi ng karagatan. Nagpatuloy siya sa paglangoy at paghanap sa bata. Ilang saglit lang namataan niya si Mylka na lumubog sa lalim na dalawampung talampakan, wala ng malay ang bata at siya ay papalubog na sa ilalim ng karagatan. Kasalukuyang nakadikit ang isang dikyang katamtaman ang laki.

Binilisan ni Miya ang kanyang mga paa sa paglangoy patungo kay Mylka. Hinawakan niya ang katawan ng bata gamit ang isang kamay habang ang isa naman ay ginamit niya sa paglangoy pataas, kumalas ang dikya sa paa ni Mylka noong sila'y paibabaw na.

Nananatiling nakaabang si Myoris at ang mga bata sa dalampasigan, walang kumukurap ni isa sa kanila. Ilang minuto lamang ay naaninag na nila si Miya at Mylka na papaahon mula sa dalampasigan.

Nagtalunan sa tuwa ang mga bata sa tagumpay na pagligtas ni Miya. Agad na ibinaba ng dalagita ang bata sa may buhanginan, itinapat niya ang kanyang tenga sa dibdib ng bata at naramdaman niyang ito ay humihinga pa pero wala pa rin itong malay.

Idiniin ni Miya ang kanyang kamay sa may dibdib at baga ni Mylka upang magising ito ngunit ito ay nanatiling walang malay. Hindi sumuko ang dalagita at mula niyang sinubukang ibalik ang kamalayan ng bata. Napaubo ang bata na may kasamang tubig at ito ay nagising mula sa kanyang pagkakalunod, iniluwa ng bata ang lahat ng tubig na naipon sa kanyang baga.

"Ligtas ka na, Mylka," maligayang saad ni Miya, nakahinga na siya ng maluwag.

"Maraming salamat po," hinihingal na saad ni Mylka.

"Kamusta ang paa mo, masakit ba?" tanong ni Miya.

"Kanina po, ngayon wala na po akong maramdaman," sagot niya.

"Dulot yan ng dikya," paliwanag ni Miya. "Halika na at iuuwi na muna kita sa inyo."

Pagkaakay ni Miya kay Mylka, sakto namang dumating si Maoro kasama ang kanilang Ina.

"Mylka!" napasigaw ang kanyang ina sa pagkabalisa, "anak, anong nangyari sa'yo?"

"Napuruhan po siya ng dikya pero huwag kayong mag-alala, ligtas na siya," paliwanag ni Miya, "kailangan lang niyang magpahinga at magamot agad ang kanyang paa."

Dahan-dahang inabot ni Miya ang bata sa kanyang ina.

"Anak, bakit ba kasi nagpunta kayo sa malalim?" tanong ng Ina, "alam nyo namang delikado."

"Patawad po, Ina," saad ni Mylka na may matamlay na tono sa kanyang hingal na tinig, "sa susunod po di na po kami maglalaro ni Maoro sa malalim."

"Miya, maraming salamat," nangingiyak na saad ng ina, "utang ko sa'yo ang buhay ng anak ko, hulog ka ng Maykapal."

"Wala pong anuman," masaya si Miya sa tuwing siya ay nakakatulong sa kanyang tribo.

Inuwi ng kanilang ina sina Maoro at Mylka at naiwan sa may dalampasigan si Miya, Myoris at ang mga bata.

"Paano ba iyan, gulo na ang ayos mo?" tanong ni Myoris.

"Ulitin na lang natin sa umpisa," natatawang saad ni Miya, bahagyang nahihiya kay Myoris at sa mga bata.

***

Matapos ayusan ulit ni Myoris at ng mga bata, nagtungo si Miya sa himpilan ng kanyang Lolo. Naroroon na ang Mahal na Datu, ang kanyang mga magulang, ang karamihan sa mga Myongan at ang grupo ng isang tribong naiiba sa kanila. Pinagmasdan ni Miya ang anyo ng mga panauhin. May kahabaan ang kanilang mga makakapal at maiitim na buhok na abot sa kanilang mga dibdib, tila yari sa balat ng mga leon ang kanilang kasuotan. Nakatuon ang kanilang mga mata sa dalagita, lalo na ang isang nagmimistulang pinuno ng estrangherong tribo. Hindi sila pinansin ni Miya at siya'y lumapit nang may magalang na pagbati sa kanyang Lolo. Kinuha niya ang makulubot nitong kamay at nagmano bilang pagrespeto.

"Naririto na pala ang mahal kong Miya," sumigla ang tinig ni Datu Mortho, "maaari na tayong magsimula."

"Maligayang pagdating, aking mga katribo at pati na rin sa ating mga panauhin," itinuro ni Mortho ang mga tribong tagalabas. "Mahal na Datu, dito ka malapit sa amin ng aking apo."

Tumindig papalapit at taas noo ang binatilyong Datu na may makisig na pangangatawan kahit na ito ay hindi gaanong katangkaran.

"Miya, siya nga pala si Datu Leyro ng Tribong Leon. Datu Leyro, ipinakilala ko sa iyo ang aking mahal na apong si Miya," saad ni Datu Mortho.

"Miya, napakagandang pangalan para napakagandang dalagita," papuri ni Leyro, "ikinararangal kong makilala ka."

Napangiti si Miya sa papuri ng Datu, "ganoon rin ako, Datu Leyro."

"Sa totoo lang, naiiba ka sa mga kababaihang Myongan na nakilala ko, ikaw ang nangingibabaw sa lahat."

"Mahal kong apo, nagtungo rito ang pinuno ng Tribong Leon para talakayin ang isang mahalagang kasunduan," anunsiyo ng kanyang Lolo.

"Tungkol saan po?" tanong ni Miya.

"Mas mainam kung kay Datu Leyro na mismo manggaling," tugon ni Mortho.

"Miya," walang paligoy-ligoy na nagsalita ang binatilyong Datu. "Nagkaroon ng kasunduan ang Tribong Myongan at Tribong Leon na pag-isahin ang ating Tribo nang sa ganoon ay mas maging malakas at makapangyarihan ang ating pwersa at ito ay maisasakatuparan lamang sa pamamagitan ng pag-iisang dibdib, kung tayo ay maging magkabiyak, kung pakakasalan mo ako."

"Ano?" Nag-iwan ito mapait na timpla sa dalagita. "Magpapakasal tayong dalawa?"

"Oo, apo tama ang iyong narinig," sumang-ayon si Datu Mortho, "malaki ang utang na loob natin sa Ama niyang si Datu Leor at sa Tribong Leon, noong nagkaroon ng matinding sakuna ang ating Tribo, sila ang tumulong sa atin at ngayon mas kakailanganin natin ang tulong nila. Nabalitaan ko mula sa ating mga bantay sa disyerto na may namataan silang mga umaaligid na dayuhan malapit sa Kasaganaan, maaaring mga tauhan ito ng Hari, alam nating hindi siya titigil hanggang hindi nila tayo nalilipol. Sa oras na kayong dalawa ay magpakasal, tuluyan na ring magsasama ang Tribong Myongan at Tribong Leon at matatalo na natin ang hukbo ng Hari kung sakaling dumating ang kinatatakutan nating pagsalakay mula sa kanila."

"Pakasalan mo ko, Miya," muling alok ni Datu Leyro, "pinapangako ko hindi ka magsisisi sapagkat magiging kabiyak mo ang pinakamakisig, pinakamatapang at pinakamalakas sa buong Kasaganaan."

Hindi makasagot si Miya sa alok ng Datu. Maging sina Marcio at Maahan ay nagulantang rin sa takbo ng pagpupulong.

"Nawa'y hindi mo masamain ang aking katanungan, ngunit nais kong malaman, dinugo ka na ba?" tanong ni Leyro.

Lalong nabigla si Miya sa kanyang pag-uusisa, nagulantang rin si Myoris sa kanilang narinig. Napalingon ang dalagita sa lolo niya at ito'y sumenyas na sagutin niya ang tanong ng Datu sa kanya.

"Oo, tatlong taon na ang nakakaraan mula noong ako'y unang dinugo," labing tatlong taong gulang pa lamang si Miya mula nang sumibol ang kanyang pagdadalaga.

"Mabuti naman," nagalak si Leyro sa kanyang isinagot, "dahil pagkatapos nating ikasal, balak kong gumawa tayo ng maraming anak, mga kalalakihang magiging isang magaling na mandirigma kagaya ng kanilang ama, ayos na siguro ang anim o pito. Anong masasabi mo?"

"Kasing taas naman ata ng bundok ang pangarap mo," sagot ni Miya sa tuyot na tono.

Sumabog sa paghalakhak si Datu Mortho ganoon na rin ang iba pang Tribong Myongan at Tribong Leon.

"Natural lang mangarap ng mataas ang isang mataas na taong kagaya ko," saad ni Leyro.

"May kapilyuhan pala ang dila mo, Datu Leyro," pagpapatuloy ni Datu Mortho, "at nakikita kong mataas ang kumpiyansa mo sa iyong sarili, isang magandang katangian ito na dapat taglayin ng sinumang pinuno. Ano ang iyong pasya, Miya? Pumapayag ka na bang pakasalan siya?"

Alam ni Miya ang sagot sa kanyang tanong gayunpaman ayaw niya ring madismaya ang kanyang mahal na lolo sa harap ng maraming tao.

"Opo, Lolo," mahinahon niyang isinagot, "kung ito pa ang makakabuti sa ating Tribo."

"Magaling, mahal kong apo," ikinatuwa ng Datu ang pasya ng dalagita.

Umabot sa tenga ang ngiti sa mukha ng batang leon.

"Ngayong ayos na ang lahat, pwede na ba nating simulan ang paggupit sa kanyang buhok," atas ni Leyro sa kanyang mga tauhan.

"Paggupit ng buhok?" muling nagulumihanan si Miya, "at bakit kailangan itong gawin?"

"Apo, hindi ko nga pala nabanggit sa'yo," pagpapaliwanag ni Datu Mortho, "tradisyon na ng Tribong Leon na gupitan at panatilihing maikli ang buhok ng kanilang mga kababaihan. Tulad ng mga totoong leon, maiksi lamang ang buhok ng mga babae at mahahaba ang sa mga lalaki."

Hindi nagustuhan ni Miya ang kaugaling ito ng nasabing Tribo, "maaari bang gupitin ang aking buhok pagkatapos na ng ating kasal?"

"Walang problema," sagot ni Leyro, "kung ito ang pasya ng aking maakabiyak."

Hindi nyo makukuha ni isang piraso ng aking buhok at lalong hindi mo ako magiging kabiyak.

***

"Ginulat mo kaming lahat kanina, Miya," saad ni Myoris pagkatapos ng naganap na pagpupulong. "Hindi ko akalaing mapapapayag ka niya ng ganoong kadali."

"Pumayag lang ako dahil ayokong mapahiya si Lolo sa kanyang mga bisita at mapahiya siya ng dahil sa akin," Paglalahad ni Miya, "tingin mo ba papayag akong basta na lamang ibigay ang aking mga kamay sa isang estranghero na ganoon lang kadali?"

"Hindi," saad ni Myoris, "sabi ko na nga ba, napilitan ka lang talaga. Pero bakit nga ba ayaw mo sa kanya? Makisig naman siya, buo ang loob at higit sa lahat isang Datu, iyon nga lang medyo nasobrahan ng hangin sa katawan."

"Sinabi mo pa," sumang-ayon si Miya sa kaibigan, "ang kayabangan niya lang ang tanging nangibabaw para sa akin. Alam kong iniisip ni Lolo ang kapakanan ng ating Tribo ngunit hindi talaga ako sang-ayon sa nais niyang mangyari. Hindi ako magpapakasal sa lalaking hindi ko lubos na kilala. Kung mayroon man akong makaka-isang dibdib, gusto ko sa lalaking aking mamahalin ng walang pamimilit. Isa pa, hindi ko alam kung bakit pero sa tingin ko talaga may ibang dahilan si Leyro kung bakit gusto niya kong pakasalan. Wala akong tiwala sa kanya."

***

"Ama sigurado ba kayo na balak nyong ipakasal si Miya sa Datung yun?" may pag-aalalang tanong ni Maahan kay Mortho.

"Anak, buo na ang aking pasya," paninindigan ni Mortho, "maliwanag pa sa sikat ng araw ang aking isipan kahit ako'y matanda na at pumayag naman si Miya na makaisang dibdib si Leyro, ano pa bang inaalala nyo?"

"Iba ang kutob ko sa lalaking iyon," paliwanag ni Maahan, "sa mga salita niya pa lang, nahuhuli ko na siya. Paano kung gusto niya lamang pakasalan si Miya para ipagmalaki at ipagmayabang siya sa kanyang tribo."

"Naiisip ko rin iyan," dagdag ni Marcio, "nakikita ko rin na napipilitan lang si Miya kahit na pumayag siya."

"Mga anak, huwag kayong mabahala," paninigurado ni Mortho, "alam ko ang ginagawa ko. Sa ngayon, nakikita natin ang pagkahambog ni Leyro, pero hindi ito sapat para husgahan natin siya. Nauunawaan ko ang reaksyon ni Miya, hindi madaling ipagkasundo sa isang taong hindi mo lubusang kilala ngunit nasisiguro ko, hindi magtatagal magiging komportable rin sila sa isa't-isa. Gaya ng sinabi ko kanina, kinakailangan natin ng tulong ng Tribong Leon, hindi natin makakaya ang lakas ni Haring Rucaz ng tayo-tayo lang. Kailangan natin ng maraming kakampi. Magiging doble ang ating pwersa kung makikipagkampihan tayo sa kanilang tribo. Ginagawa ko lang kung ano ang makakabuti para sa lahat. Magtiwala kayo sa akin."

"May tiwala ako sa inyo, Ama," sagot ni Maahan.

"Sana nga ay tama kayo," hiling ni Marcio.

***

Naglalakad na pauwi sina Miya at Myoris pabalik sa kanilang mga tahanan nang marinig nilang nag-uusap ang ilang nakatatandang kababaihan sa kanilang kubo. Palihim na nagtungo ang magkaibigan malapit sa may bintana para makinig sa kanilang kwentuhan.

"Maganda ang mithiin ni Datu Mortho na pag-isahin ang ating Tribo sa Tribong Leon," saad ng isang babae.

"Tama ka, malalakas at matatapang ang Tribong Leon, kung makakaisa natin sila, matatalo natin ang sinumang kalaban," sagot ng isa.

"Sang-ayon ako sa Datu," dagdag ng pangatlo, "pwera lang sa isang bagay."

"Ano iyon?"

"Ang pakakasalan ni Datu Leyro," paglalahad niya, "bakit sa dinami-rami ng mga dalagita sa ating Tribo, bakit si Miya pa, dahil ba apo siya ng Datu?"

"Hindi siya karapat-dapat kay Datu Leyro, mas nararapat pa ngang ipakasal sa kanya ang dalaga kong anak kung anyo at kulay lang rin ang basehan, hindi sa dalagitang labanos."

"Kung sa kanya lang rin ipapakasal ang Datu ng Tribong Leon, balewala lang rin ang lahat. Dapat ikasal siya sa isang dalagitang mukhang tunay na Myongan. Alam naman natin na hindi katulad ang Miyang iyan! Kahit ano pang sabihin nila, iba siya sa atin!"

Tumagos kay Miya ang mga salitang ito na parang isang sibat sa kanyang puso, nanahimik siya sa isang tabi at napansin ito ni Myoris. Batid na nila na kahit maraming humahanga kay Miya, may ilan rin na ayaw sa kanya.

"Alam mo, mga wala lang magawa sa buhay ang mga to," may pagkayamot na saad ni Myoris sa kaibigan, "inggit lang sila kasi di ang mga anak nila ang napili. Huwag mo na lang silang pansinin."

"Oo, tama ka, Myoris," hindi pinahalata ni Miya sa kaibigan na siya ay naapektuhan sa mga sinabi ng kababaihan, "sanay naman na ako, kung ano man ang narinig ko, lumalabas lang ito sa kabilang tenga."

"Halika na at umuwi na tayo," pagyayaya ni Myoris.

"Mauna ka na muna," sagot ni Miya sa kanya,"may pupuntahan lang ako."

"Sige, sigurado ka ba?" tanong ni Myoris.

"Oo naman, uuwi rin naman ako agad," paninigurado ni Miya.

***

Pagkaalis ni Myoris, nagtungo si Miya sa may dalampasigan at pinagmasdan niya ang maamong paggalaw ng mga alon sa karagatan. Nakagawian na niyang magpunta rito tuwing siya'y malungkot at nais mapag-isa. Hanggang ngayon, naaalala niya pa rin ang lahat ng narinig mula sa kanyang mga katribo.

Muling nanumbalik sa kanyang alaala ang panahon ng kanyang kabataan. Pitong taon pa lamang siya, namulat na si Miya na naiiba ang kanyang anyo kumpara sa ibang mga batang Myongan, gayunpaman, sinusubukan pa rin niyang makisalamuha sa iba.

Isang umaga, namataan niyang naglalaro ang mga batang babaing Myongan malapit sa dalampasigan at agad niya itong nilapitan para makisali.

"Anong nilalaro nyo?" masigla niyang tanong sa kanila. "Sali ako."

"Ayaw ka namin kalaro," saad ng isang batang babaeng Myongan.

Hindi sila tulad ng mga batang Myongan ngayon na namamangha sa pagkakaiba niya.

"Ayaw namin sa'yo. Sabi ni ina di ka namin kauri," sumatsat ang isa pang bata. "Di ka Myongan! Tignan mo balat mo! Sobrang puti. Kulay labanos! Labanos! Labanos!"

"Magbilad ka muna sa araw para maging kakulay mo kami," suhestyon ng isa pa, "kapag kapareho mo na kami, tsaka lang kami makikipaglaro sayo, labanos."

Nagsibalikan sa paglalaro ang mga bata at naiwan si Miya na nag-iisa at naluluha, pagsapit ng hapon, nanatili siya sa kanyang pwesto sa may dalampasigan kung saan malakas ang sinag ng araw. Sinamantala niya ang pagkakataong ito upang magbilad sa araw. Kada ilang minuto, pinagmamasdan niya ang kulay ng kanyang balat kung ito'y nagiging kayumanggi na kagaya ng sa mga Myongan. Bahagya namang nabawasan ang kanyang puti at nangitim ang kanyang mala-labanos na balat pero hindi pa rin ito katulad sa kanyang mga katribo.

"Siguro kailangang gawin ko to araw-araw para maging kakulay ko na silang lahat," saad niya sa kanyang sarili. "Hindi na nila ako aasarin na labanos!"

Maya-maya pinuntahan na ni Marcio at Maahan ang kanilang anak sa may dalampasigan.

"Miya, anak, anong ginagawa mo rito?" tanong ng kanyang Ina.

"Bakit hindi ka pa umuuwi? Di ka ba nagugutom?" pag-usisa ni Marcio.

"Hindi po, Ama, dito lang po muna ako, magpapabilad lang po ako sa araw," sabi niya sa Ama.

"Magpapabilad sa araw?" pagtataka ni Maahan. "Hindi mo ba alam makakasama yan sa'yo, baka masilaw ka, mainitan ng sobra at magkasakit. Bakit mo naman ito naisipang gawin?"

"Para po maging kakulay ko na kayo," tugon ni Miya. "Sabi po ng mga bata, papayag lang po silang makipaglaro sakin kapag kaparehas ko na kayo ng kulay. Sabi po nila di po daw ako Myongan, inaasar po nila ako na labanos."

Tumulo ang luha ni Miya habang ikinukwento ito sa mag-asawa at pinunasan niya ito gamit ang kanyang maputing braso. Sa kanilang likuran, nakikinig si Datu Motho sa sinabi ng apo at hindi niya maiwasang maawa sa bata.

Nagkalingunan si Marcio at Maahan nang may pagkabahala, hindi nila alam kung ano ang isasagot sa anak.

"Hindi mo dapat sila sinunod," paliwanag ni Maahan, "hindi basta-basta mababago ng araw ang kulay mo."

"Anak, tara na at umuwi na tayo," saad ni Marcio. "Ipinagluto ka namin ng paborito mong hipon."

Inakay ni Maahan si Miya at siya'y napasandal sa kanyang piling habang pinagmamasdan ang papalubog na araw.

Kinabukasan, nagpasya si Datu Mortho na dalhin si Miya sa kagubatan. Alam niyang kailangang may gawin siya upang mapalakas ang loob ng malungkot na apo.

"Lolo, ano pong ginagawa natin rito?" Walang malay na tanong ni Miya.

"Nagpunta tayo rito para pagmasdan ang mga bulaklak, hindi ba gusto mo ang mga rosas, apo?"

"Opo, mahilig po ako sa mga rosas," nanumbalik ang tuwa sa munting tinig ni Miya.

Narating ng maglolo ang mabulaklak na sulok ng kagubatan, kung saan maraming umuusbong na mapupula at mababangong mga rosas. Maligalig na tumakbo si Miya at nilasap niya ang aroma ng mga rosas.

"Ang pupula po nilang lahat, Lolo," saad niya sa Datu.

"Oo nga, apo, pero tignan mo ito?" Turo ng kanyang lolo sa kanya.

Pinagmasdan ni Miya ang isang rosas sa may sulok ng halaman malapit sa kinaroroonan ni Datu Mortho at nanlaki ang mata ng inosenteng musmos sa kanyang nasilayan.

Ito ay isang rosas na naiiba ang kulay sa iba, ito ay purong kulay puti at halos kuminang na sa taglay na sinag ng araw.

"Kakaiba po ang rosas na ito," may pagkamanghang sinabi ni Miya. "Maputi din po siya, tulad ko."

Natawa ang kanyang lolo sa kanyang pagkamangha, "pagmasdan mo siya maigi pati na rin ang iba pang mga rosas, bukod sa kulay may pagkakaiba ba ang Puting Rosas na ito kumpara sa iba?"

Ginawa ni Miya ang utos ni Mortho, pinagmasdan niya ang rosas na puti at ang mga rosas na pula. Iisa lamang ang kanilang hugis at anyo.

"Wala po, sa kulay lang po sila nagkakaiba, rosas pa rin po siya kahit iba ang kulay niya sa iba. Kapareho rin niya ang iba."

"Tulad mo," mahinahon na sinabi ni Mortho sa apo, "ipinanganak ka mang naiiba sa aming lahat, wala kang ipinagkaiba sa amin, isa ka pa ring Myongan. Iisang tao, iisang bulaklak, bahagi ng iisang bunga. Huwag na huwag mo itong kakalimutan, apo."

Tumalon sa pagkagalak si Miya at yumakap siya nang mahigpit sa kanyang lolo.

Napapangiti si Miya tuwing naaalala niya ang araw na iyon ng kanyang kamusmusan.

Hindi mo dapat sila intindihin, Miya. Ingay lang ang mga salita nila. Tandaan mo ang sabi ni Lolo. Isa akong Myongan, iisang tao, iisang bulaklak. Bahagi ng iisang bunga.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro