Kabanata 1: Graison
Nagliliyab ang sinilabang apoy mula sa toreng nasa tabi ng isang higanteng istatwang yari sa purong ginto. Ang nasabing istatwa ay kawangis ng Mataas na Emperador. Nakatayo ito ng matuwid at may otoridad sa bukana ng Palasyo. Sumasalamin ang kinang ng kahel na apoy sa malaking bahagi ng istatwa sapagkat eksakto ang posisyon ng tore. Marahil ay sinadya ito sa pagkakabuo ng istraktura upang lalong maaninag ng mga Cenpyero ang mukha ng Emperador Fierro lalo na sa kanyang kaarawan kung kailan nakagawiang sindihan ang tore bilang pagpupugay sa kanilang Kamahalan.
Abala ang lahat sa Pangunahing Bulwagan sa pagdiriwang ng Apatnapung-apat na kaarawan ng Emperador. Nagsidaluhan ang mga Panginoon, Konde, Duke mula sa iba't-ibang Lupain at pati na rin ang iba pang mamamayan ng Cenpyre, sa dami ng makikisaya sa selebrasyon, halos mapuno na ang buong bulwagan.
Nakaupo sa kanyang Ginintuang Trono si Fierro na napanatili ang kanyang kabataan sa kabila ng kanyang edad, sa kanyang kanan katabi niya ang kanyang kabiyak at ang kinikilalang Emperatris ng Imperyo na si Grasiela. Malaki na ang pinagbago ng kanyang anyo mula ng mapangasawa niya ang Emperador at ngayon mukha na talaga siyang isang ganap na Emperatris, taliwas sa kanyang simpleng porma noong una siyang nagtungo sa Cenpyre. Bukod sa Emperatris, nakabantay malapit sa trono ng Emperador ang kanyang Kapitan ng mga Kawal na si Malko at pati na rin ang pinsan ng Emperatris na si Talas na ngayon ay isa na ring Kawal ng Imperyong Cenpyre. Sa bandang kaliwa naman ng Emperador, kapansin-pansin ang isang bakanteng upuan na kahalintulad ng inuupuan ni Grasiela ngunit ito'y tila dinededma lang ni Fierro. Nakatuon ang kanyang pansin sa dami ng mga dumalo sa kanyang espesyal na araw.
Nagtungo ang naninilbihang si Edina dala-dala ang Gintong Tasa na may lamang mamahaling alak na ipinasadya pa talaga para lamang inumin ng Mataas na Emperador. Ihinandog niya ito kay Fierro at malumanay niya itong tinanggap, tumindig ang Emperador mula sa kanyang trono at sabay-sabay na nagsitayuan ang mga bisita sa kanilang mga upuan.
Itinaas ni Fierro ang tasa at nagsimulang magbigay ng kanyang mensahe. "Maraming salamat sa inyong lahat na dumalo sa aking kaarawan. Masaya ako at sa loob ng isang dekada ng aking pamumuno bilang Mataas na Emperador, nananatili pa ring mainit ang inyong pagtanggap sa akin. Habang ako ang nakaupo sa Ginintuang Trono, ipinapangako ko na patuloy na magiging masagana ang Imperyong Cenpyre at pati na rin ang Kontinente ng Kanluran. Ginagawa ng aking Mataas na Panginoong si Lodell ang lahat para linisin ang Kontinente at pagbayarin sa batas ang lahi ng mga militanteng nagbabanta sa ating kaligtasan. Sama-sama tayong lahat na mga Cenpyero at Kanluranin sa pagbuo ng isang bagong mundo, kung saan walang kapangyarihan ang sinumang sumasalungat sa mithiing ating ipinaglalaban: Ang Kaunlaran ng ating Imperyo. Ngayong aking kaarawan sama-sama tayong magkaisa para sa Mataas na Imperyong Cenpyre."
"Para sa Imperyong Cenpyre," saad ng mga panauhin, taas-taas ang kanilang mga tasa, "Mabuhay ang Mataas na Emperador!"
***
Hindi nagtagal, nagsimula na ang kainan. Nagpahanda ang Emperador ng isang engrandeng piging para sa kanyang mga panauhin. Ihinain sa hapag ang pinakasariwang huli ng usa at pati na rin ang mga mamahaling alak.
Habang abala ang mga panauhin sa pagkain, lumapit sa Emperador at Emperatris ang isang mag-amang mula sa mataas na angkan, si Panginoong Ocillo ng Lupain ng Ossig at ang anak niyang dalagita na si Osylla.
"Kamahalan, maligayang kaarawan po sa inyo," pagbati niya sa kay Fierro. May katabaan ang pangangatawan ni Ocillo at hindi ito katangkaran. Halos kalbo na ang kanyang makintab na anit kahit na siya ay nasa limampung taong gulang pa lamang.
"Maraming salamat, Panginoong Ocillo," tugon ni Fierro, "nagagalak ako sa iyong presensiya. Natatandaan ko na isa ka sa unang Panginoong nagbigay ng iyong suporta sa akin at dahil dyan, mananatiling espesyal ang Lupain ng Ossig sa aking puso."
"Maliit na bagay lang po iyan, Kamahalan. Kami nga po ang dapat magpasalamat sa inyo. Isa ang aming lupain sa mga hinagupit ng kalupitan ng dating Emperador at nasilayan mismo ng aking mga mata ang dugong dumanak mula sa libo-libong kababayan. Mapalad pa kami at dumating kayo sa Imperyo upang tumulong at bigyan sila ng hustisya."
Napangiti si Fierro sa sinabi ng Panginoon ng Ossig.
"May kasabihang maswerte ang kaarawan kapag magkapareho ang mga numero nito," pagpapatuloy ng Panginoon, "Nawa po ay magtagal pa ang inyong pamumuno sa Imperyong Cenpyre."
"Wala rin akong ibang mahihiling," sumang-ayon ang Emperador.
"Mahal na Emperatris," yumuko si Ocillo bilang paggalang kay Grasiela, "mas lalo pa po kayong naging katangi-tangi sa paningin."
"Maraming salamat sa papuri, Panginoong Ocillo," nalulugod na saad ni Grasiela, napalingon siya sa dalagitang katabi ng Panginoon, "hindi rin naman nalalayo ang iyong kasama. Siya na ba ang inyong Mahal na Binibini?"
"Ay oo nga pala," ngayon lamang naaalala ni Ocillo na ipakilala ang kanyang anak, "siya nga pala si Binibining Osylla, ang aking nag-iisang anak."
"Maligayang kaarawan po, Mahal na Emperador," yumuko bilang pagrespeto ang dalagita.
"Isang karangalan na makuha ang respeto ng isang napakagandang dalagita," pahayag ni Fierro.
"Salamat po, Kamahalan," mahinhin ang tinig ni Osylla, mahahalatang nahihiya ang dalagita.
May kaliitan ang kanyang pisngi at gaya ng kanyang Ama hindi rin siya kataasan. Kahit na nasa labinlimang taong gulang na siya mapapagkamalan siyang nasa dose anyos dahil sa kasing taas at pangangatawan, gayumpaman, kaaya-aya ang kanyang asul na mata at maputing buhok.
"Kung matatandaan nyo po, naisama ko na siya dati rito sa Palasyo," pagpapaalala ni Ocillo.
Nagkalingunan si Fierro at Grasiela, pilit na inaalala ang kung kailan ang nasabing pangyayari.
"Oo nga, naalala ko na, nakakalaro siya ni Graison noong mga bata pa sila," paglalahad ni Grasiela.
"Tutal nakita nyo na ulit ang Osylla ko, gusto ko ring makita si Prinsipe Graison, nasaan ba siya?" sa tono ni Ocillo, para bang may kailangan siya sa Emperador.
Wala pa ring nakaupo sa pwesto ng Prinsipe at hindi ito madaling makaila sa pansin ng mga panauhin.
"Makikita nyo rin siya maya-maya," pangako ni Grasiela sa mag-ama, pagkatapos ay sumenyas siya kay Edina sa may sulok.
***
Sa kanyang silid, malayo sa halakhakan at kasiyahan ng mga Cenpyero, taimtim sa kanyang pagpipinta ang isang binatilyong nasa labing pitong taong gulang na may maaamong mata at may pagkakulot na buhok. Malapit ng matapos ni Prinsipe Graison ang ipinipinta niyang larawan, isang kabundukang balot ng nyebe at hamog kung saan namumuhay ang mga oso, usa at iba pang hayop sa Hilaga.
"Mahal na Prinsipe," pagtawag ni Aling Edina sa alaga.
"Pasok po, Nang Edina," pahintulot ni Graison habang abala sa pagpipinta.
Binuksan ni Edina ang pinto at siya'y nagmasid sa larawang ipinipinta ng Prinsipe.
"Ang ganda naman ng ipinipinta mo, anak," papuri ng katiwala, "matagal pa ba matatapos iyan?"
"Sandali na lang po," sagot ni Graison. "Kailangan ko lang ayusin ang pagpinta sa lilim."
"Anak, ayaw mo bang bumaba muna sa bulwagan?" tanong ni Edina.
"Sa totoo po, Nang Edina, ayaw ko talaga, hindi po talaga ako mahilig sa mga magarbong selebrasyon o handaan at makisosyo sa maraming tao. Mas nais ko pang manatili dito ng mag-isa basta't nakapaglilibang ako sa aking mga libro at pluma. Isa pa, mamaya pa naman magsisimula ang pagdiriwang at may oras pa po akong tapusin ang aking pagpipinta."
"Pero anak, kanina pa nagsimula ang pagdiriwang," ipinaalam ni Edina.
"Ano po?" nagulantang si Graison sa sinabi nito sa kanya.
"Kaya nga nandito ako ngayon, ipinapatawag ka sa akin ng inyong Ina. Oras na para sa sayawan at hinihintay ka na ng kababata mong si Osylla. Hinahanap ka na rin ni Panginoong Ocillo."
Nataranta si Graison at naibagsak niya sa pagmamadali ang kanyang brotsa at mga pintura.
"Masyado ata akong nalibang sa pagpipinta at hindi ko na namalayan ang pagtakbo ng oras. Kinakailangan ko na pong magtungo sa Silid-Sayawan."
"O sige, sige ako na ang bahala rito, magbihis ka na muna at maghanda," paninigurado ni Edina.
***
Pagkatapos, magbihis ni Graison, tinakbo niya ng mabilis pa sa Alas-Kwatro ang hagdan mula sa kanyang silid patungo sa Silid-Sayawan, sa sobrang pagmamadali, hindi na niya nagawang suklayin ang kanyang buhok at tignan ang kanyang mukha sa salamin. Kailangan na niyang makaabot sa sayawan ngayon rin.
Nang marating niya ang Silid-Sayawan, itinapat niya muna ang kanyang tenga sa pintuan upang pakinggan kung ano na ang nagaganap sa loob, maririnig na ang tunog ng mga instrumento at musika sa loob.
Nagsimula na ang sayawan, ito na ang pagkakataon ko para pasikretong pumasok, siguradong walang makakapansin sa akin dahil abala na silang lahat sa pagsasayaw.
Huminga siya ng malalim at dahan-dahang binuksan ang pintuan, pagkapasok sa loob, isinara niya ang pinto ng hinay-hinay, pagkatapos ay humarap ang batang Prinsipe. Sa kanyang pagkagulat, napagtanto niyang nakatingin sa kanya ang lahat ng naroroon at tumigil ang pagtugtog ng mga musikero.
"Prinsipe Graison," saad ng isa sa mga panauhin sa Palasyo.
"Mahal na Prinsipe," nagsiyukuan ang lahat bilang paggalang sa Tagapagmana ng Imperyong Cenpyre.
Nahihiyang napangiti si Graison sa kanilang lahat, hindi inaasahan ang eksenang idinulot ng kanyang naantalang pagdating. Ikinatuwa ni Grasiela ang kanyang pagdating habang si Fierro naman ay nanatiling seryoso ang mukha sa pagsulpot ng anak-anakan sa kanyang espesyal na araw. Hindi naman maalis ni Osylla at ng amang si Ocillo ang kanilang paningin sa Prinsipe.
***
Kasalukuyan nang nagaganap ang sayawan sa silid at ang lahat ng naroroon ay may kapareho at kapareha na sa kanilang pagsasayaw, maliban kay Graison na nananatiling nakatayo sa isang sulok, umiinom mula sa isang tasa, lingid sa kanyang kaalaman, sa kanya pa rin nakatuon ang pansin ni Osylla, kasama ang kanyang Tagapangalaga na si Zusan.
"Napakagwapo naman talaga ni Prinsipe Graison," Papuri ni Zusan sa Prinsipe.
"Napakaswerte ng Binibining magiging kabiyak niya," tugon ni Osylla kasabay ng isang sulyap.
"Sinabi mo pa," sumang-ayon si Zusan, "wala ka man lang bang gagawin, hihintayin mo pa bang maunahan ka pa ng iba sa kanya? Lapitan mo na siya, mag-usap kayo."
"Hindi ko po alam, Nay Zusy," kinakabahang sagot ni Osylla, "matagal na kaming huling nagkita, baka hindi na niya ko kilala, baka hindi niya ko pansinin, baka hindi niya ko magustuhan."
"May diperensya ang paningin niya kung hindi ka niya magugustuhan, sa ganda ng alaga ko. Tignan mo siya, mukhang pareho naman kayo. Parang nahihiya rin siya tulad mo."
Hindi mapigilang matawa ni Osylla sa sinabi ng kanyang tagapangalaga, kahit papaano ay nagkaroon ng lakas ng loob ang dalaga.
"Sige na, kaya mo yan."
Nadala si Osylla sa pag-udyok ni Zusan at lakas loob na niyang nilapitan si Graison.
"Prinsipe Graison," pagbati niya.
"Osylla," sagot ni Graison, "ikaw pala."
"Natatandaan mo pa ako?" nagtatakang tanong ng Binibini.
"Oo naman, nakapaglaro tayo dati noong bumibisita si Panginoong Ocillo dito. Kamusta ka naman?"
"Mainam," malumanay na saad ni Osylla, "Ikaw?"
"Maayos naman rin ako," nanatiling matipid ang pagsagot ni Graison sa kanya, at halos hindi niya matignan ng diretso sa mata ang kababata.
Nag-isip si Osylla kung ano ang maaari nilang pag-usapan, batid niyang nahihiya si Graison sa kanya at kung hindi siya magsasalita, malamang hindi rin ito magsasalita at walang patutunguhan ang kanilanh pagkikita.
"Bakit ka nga pala nandito sa sulok?" tanong niya. "Ayaw mo bang sumali sa sayawan?"
"Kasi..." hindi alam ni Graison kung ano ang isasagot sa dalagita.
Hindi niya pwedeng malaman na nahihiya ako sa maraming tao, baka mag-iba lang ang tingin niya sa akin.
"Hindi ako mahilig magsayaw, mas gusto ko na lang manood."
"Kaya pala," napagtanto ni Osylla, "ayos lang ba kung samahan kita?"
Tumango si Graison nang may pagsang-ayon. Sabay silang nanood sa pagsasayaw ng mga dalaga at binatilyo at nakikita nila ang pagkaaliw ng mga panauhin.
"Mukhang nagsasaya talaga sila," tila may pagkainghit sa tono ni Osylla.
"Oo nga," sabi ni Graison, nilingon niya si Osylla at napansin niya na parang naghihintay lamang ang dalagita na alukin niya ang kamay nito sa pagsasayaw. "Nais mo bang makapareha kita sa pagsayaw?"
"Magsasayaw ka na?" nasorpresa ang dalagita.
"Kung ikaw ang makakapareha ko," niyaya siya ng Prinsipe.
"Isang karangalan po, Prinsipe Graison," nanatiling may paggalang ang dalagita sa kababata.
"Huwag ka ng mangupo at Gry na lang ang itawag mo sakin."
Napangiti si Osylla na may pamumula ang pisngi, "Salamat Gry."
"Tara na," muling alok ni Graison.
Hinawakan ng dalagita ang kamay ng Prinsipe at nagsimula silang makisali sa mga nagsasayaw. Noong una ay hindi alam ni Graison ang mga hakbang na kailangang gawin sa pagsasayaw sapagkat ngayon lamang siya nakisali sa sayawan, tinignan na lamang niya ang ginagawa ng mga kalalakihan at ginaya niya ito. Ihinawak niya ang isa pa niyang kamay sa baywang ni Osylla, itinaas ang kanilang mga kamay, kasabay ng iba at umikot ang dalagita kasabay ng mga kababaihan. Ilang saglit lang at bahagyang bumagal ang tugtog ng musikero at sumabay sa himno ang takbo ng sayaw.
Hindi makatingin si Osylla kay Graison habang ito'y nakatitig sa kanya, nakayuko lamang ang dalagita ngunit napapaghalataan ang kilig dahil sa pamumula ng kanyang makinis na pisngi. Nilingon niya patingala ang Prinsipe pero sa pagkakataong ito, si Graison naman ang umiwas ng tingin sa Binibini. Tila parehong nagkakahiyaan ang dalawa ngunit pareho rin nilang ayaw ipahalata.
Habang nakatitig siya sa sa Prinsipe, napansin ni Osylla na mayroong maitim na dumi malapit sa kaliwang panga ni Graison, ito ay bahid ng pinta na naiwan pagkatapos niyang magpinta kanina.
"Gry, mayroong kang..." Hindi masabi ni Osylla ng diretsahan na may dumi sa panga ang Prinsipe. "Sandali lang at pupunasan ko."
Kumuha siya ng panyo at malumanay na pinunasan ang itim na pinta mula sa kanyang panga, napangiti si Graison.
"Naiwan siguro kanina noong nagpipinta ako," paliwanag niya.
"Isa ka palang Pintor," namangha ang dalagita sa natuklasan,"punong-puno ka ng sorpresa, Prinsipe Gry."
Nagpatuloy sa pagsasayaw ang dalawa, nanonood sa kanila si Emperatris Grasiela, Talas, Panginoong Ocillo, Zusan at ang Mataas na Emperador. Natapos ang sayawan at nagsipalakpakan ang mga nanonood.
Hindi magkamayaw sa saya si Panginoong Ocillo at agad niyang nilapitan ang anak at ang Prinsipe. "Mukhang nahanap na ni Prinsipe Graison ang kanyang magiging Emperatris balang araw, hindi po ba, Kamahalan?"
Ngumisi si Emperador Fierro kay Panginoong Ocillo kahit na kanina pa mahaba ang mukha niya mula nang makita ang anino ni Graison. Kinamumuhian niya ang anak ni Costan pero kailangan rin niyang pakisamahan ang Panginoon ng Ossig.
***
Pagsapit ng ikatatlo ng hapon, nagtungo ang lahat sa labas ng Palasyo, kung saan may pinahandang mga hanay ng upuan na animo'y isang maliit na koliseo. Oras na para sa Palakasan, naging tradisyon na rin sa kaarawan ni Fierro na magkaroon ng libangan ang mga nasasakupan sa pamamagitan ng mga palarong pisikalan. Dito maglalaban ang mga kalalakihan sa pag-eespada, pagduelo, pagpapana at pangangabayo.
Bukod sa sayawan, isa ito sa pinakakinaayawang gawain ni Graison sa selebrasyon ngunit bilang Prinsipe ng Imperyong Cenpyre at Tagapagmana ng Trono, obligado siyang makilahok sa palakasan upang sanayin ang kanyang pisikal na kakahayan. Nagsimula siyang makisali noong siya'y tumungtong na sa labintatlong taon. Noong nakaraang taon, sumali siya sa pagpapana, ngayon, hindi pa niya alam kung ano ang kanyang sasalihan.
"Tara na, Gry," pagyayaya ni Talas sa pamangkin, "sa pangangabayo ka sasalang."
"Sino ang makakalaban ko?" tanong ni Graison.
"Huwag kang maaalala, si Cymon lang ang makakalaban mo, kayang-kaya mo siya."
Si Cymon ay isa sa mga binatilyong nag-aaral na maging isang Kawal balang araw, magkasing-edad sila ni Graison at may kayapatan ang kanyang pangangatawan.
Labag man sa kanyang kalooban, naghanda na si Graison para sa palakasan, isinuot na niya ang kanyang mga armas, hinawakan ng mahigpit ang kanyang kahoy na patpat at sumakay sa kabayo.
Sa larong ito, patatakbuhin ng magkataunggali ang kanilang kabayo mula sa magkabilang direksyon, patungo sa isa't-isa at susubukan nilang tamaan ng patpat ang kalaban hanggang sa mahulog ang isa sa kanila mula sa kabayo at magwagi ang mananatiling nakasakay.
"Tandaan mo laro lang ito, hindi nyo dapat seryosohin," paaalala ni Talas, "hindi nyo to ginagawa para magsakitan."
"Opo Tiyo Talas," sagot ni Graison.
Nakahanda na sa kabilang pwesto si Cymon hawak ang kanyang patpat, nakaabang na rin ang Emperador, Emperatris, at pati na rin sina Panginoong Ocillo, Osylla at Zusan.
Nagbigay ng hudyat ang isang Kawal at nagsimula na ang pangangabayo, itinapat ni Griason ang kanyang patpat sa kalaban at pinatakbo nang matulin ang kanyang kabayo, sa kabila, nagsimula na ring umarangkada si Cymon upang puntiryahin ang Prinsipe.
Kasagsagan ng laro, ang lahat ay naghihiyawan para sa kanilang mga pambato, pero nangibabaw ang tinig ng dalawang batang lalaking naglalaro ng kanilang mga kahoy na espada at napalingon sa kanila si Graison.
"Hindi mo ko matatalo!" sigaw ng batang lalaki.
"Tatalunin kita!" sagot naman ng bunso.
Sa isang iglap, nagulantang na lamang si Graison nang magunita niya ang alaalang ngayon lamang nanumbalik sa kanyang kamalayan. Nagbago ang anyo ng dalawang bata at sa kanyang pagkagimbal, nakilala niya kung sino ang isa sa mga ito. Ang mas maliit na batang lalaking nakikipaglaro ay walang iba kundi siya. Hindi siya maaaring magkamali. Malinaw pa sa umaga, nasilayan niyang nakikipaglaro siya ng isang espadang kahoy sa isang batang hindi niya makilala kung sino. Naaaninag niya ng bahagya ang mukha ng batang kalaro ngunit hindi niya matukoy ang katauhan nito. Masaya ang alaala niyang ito para sa kanya. Puno ng buhay at kulay, Puno ng tawanan at ligaya.
Tuluyan ng nawala sa sarili si Graison, hinila niya ang taling nasa nguso ng kanyang kabayo at ito'y biglang napatigil. Bumaba ang Prinsipe at binagsak niya sa kalupaan ang kanyang sandata. Nagmasid siya sa paligid, namumutla at tila kinakabahan, pagkatapos nagmamadali siyang tumakbo paalis ng koliseo at pabalik ng kanyang silid ng walang kahit na anong eksplanasyon.
"Mahal na Prinsipe!" pagtawag ni Talas.
Lubos na nagulumihanan ang lahat sa kanilang nasaksihan. Natigilan rin ang kalaban niyang si Cymon sa pag-atras ng Prinsipe sa tunggalian. Nag-alala si Grasiela sa nangyari habang si Fierro naman ay palihim na natuwa sa kapalpakan ni Graison. Nagtaka si Osylla at Ocillo sa inasta ng Prinsipe.
"Anong nangyari?" Tanong ni Ocillo na may pagkadismaya sa kanyang tinig.
Nag-usap-usap ang mga nanonood sa biglaang pag-urong ni Graison sa kompetisyon, akala ng karamihan kinabahan o naduwag ang Prinsipe na makipaglaban.
Tumayo si Emperatris Grasiela sa kanyang kinauupuan sa kabila ng mga tsismisan at bulungan, "natitiyak kong may may magandang rason ang inyong Prinsipe Graison kung bakit kailangan niyang lumiban..."
Hinawakan ni Fierro ang kanyang kamay at sumenyas na umupo ang Emperatris. Wala siyang nagawa kundi sundin ang Emperador.
"Aking mga nasasakupan, tayo po ay manahimik," atas ng Mataas na Emperador, "huwag natin hayaang masira ang aking kaarawan dahil dito, magpapatuloy ang kompetisyon, sa pag-atras ng inyong Mahal na Prinsipe, mayroong hahalili sa kanyang lugar upang makipaglaban kay Cymon."
***
Nagtungo si Graison sa kanyang silid na nangangatog ang kanyang binti, namumuo ang pawis sa sentido at hindi malaman ang gagawin. Paulit-ulit na bumabalik sa kanya ang imaheng kanyang nasilayan, na animo'y isang alaala, pangitain o guni-guni. Hindi niya matiyak kung ano nga ba ito, ang alam niya lamang, kasama siya rito noong panahon ng kanyang kamusmusan at may kalaro siyang isang misteryosong bata na hindi niya maalintana. Pinipilit niyang alalahanin ang mukha ng nasabing bata ngunit ang kanyang anyo ay tila hinaharangan ng isang makapal na alapaap. Humiga siya sa kanyang kama at sinubukang itulog ang kanyang pagkabagabag pero hindi siya magawang patahimikin nito.
Kinuha na lamang niya ang kanyang mga kagamitang pampinta at siya'y nagsimulang gumuhit sa blangkong pisara, nag-iisip pa lamang siya ng ipipinta, muling nanumbalik sa kanyang isip ang nakitang gunita. Hinawakan niya ang pampinta at hinayaan niyang ang kaisipan niya ang gumuhit ng mga imahe para sa kanya. Naipinta niya ang kanyang sarili noong siya'y bata pa, maliksi at may hawak na espadang kahoy. Sunod niyang ipininta ang batang kanyang kalaro, mula sa paa patungo sa ulo. Noong siya'y matapos, itinuon niya ang pansin sa batang kanyang kalaro at pinagmasdan ang kanyang anyo. Mas matangkad ito sa kanya, kulay berde ang kanyang mga mata, kulay kape ang kanyang buhok at katamtaman ang kanyang kutis. Hindi niya kilala kung sino ba ito pero siya ay pamilyar sa kanya.
Sino ka ba? Bakit ang labo mo sa isip ko, pero ang linaw mo sa aking pinta?
***
Kalahating oras ang lumipas mula ng lisanin ni Graison ang koliseo, tuloy-tuloy ang tunggalian ng mga kalalakihan sa palakasan nang sa isang iglap, mayroong natanaw si Kapitan Malko na isang eleganteng karwaheng paparating malapit sa Palasyo. Nagtungo siya sa may bakuran upang siyasatin kung sino ang nasabing panauhin. Maaaninag sa karwahe ang isang banderang may kulay Kahel na puno na sumisimbolo sa Lupain ng Artemias.
Pagkarating malapit sa pintuan, lumabas ang isang matipunong Kawal Artemian, na nakataas-noo at matuwid ang postura ng pangangatawan. Sinalubong siya ni Kapitan Malko mula sa pintuan, tinitigan ang kapwa Kawal mula ulo hanggang paa.
"Anong kailangan nyo?" tuyo ang tono ni Malko sa kanyang pagtatanong.
"Ako si Roqil," pagpapakilala niya, "Ang Kapitan ng mga Kawal ni Duke Aurello ng Lupain ng Artemias, naririto siya ngayon upang ibigay ang pagbati niya sa kaarawan ng Emperador."
"Makakarating ito sa Kamahalan," agad na tinalikuran ni Malko ang Kawal, walang balak na buksan ang pinto.
"Hindi mo man lang ba kami papapasukin?" may pag-uuyam na tinanong ni Roqil kay Malko, "malayo-layo rin ang nilakbay ng Mahal na Duke."
"Ang alam ko walang ipinadalang imbitasyon ang Mataas na Emperador sa Lupain ng Artemias ukol sa kanyang kaarawan, kaya nararapat lamang na hindi ko kayo papasukin."
"Ang alam ko tanging ang Mataas na Emperador lamang ang may karapatang magpasya kung sino ang dapat tanggapin sa Palasyo, hindi ang Kapitan ng kanyang mga Kawal," sambit ni Roqil, "bakit hindi mo muna kami papasukin ng magkaalaman na kung tatanggapin ba kami ni Emperador Fierro sa kanyang kaarawan?"
Wala ng naisagot pa si Malko sa pambabara ni Roqil sa kanya, sumenyas siya sa kanyang mga Kawal, "buksan ang pinto."
Sinunod ng mga Kawal ang Kapitan at dahan-dahan nilang pinagbuksan ng pinto ang Karwahe ni Duke Aurello.
***
Nakaporma na ang dalawang Kawal na maglalaban sa laro ng espadahan nang biglang sumulpot ang karwaheng dala ang bandera ng Artemias, napukaw ang lahat sa presensiya nito kabilang na si Emperador Fierro at sinenyas niya ang kanyang kamay sa dalawang kalahok na pansamantala munang ihihinto ang tunggalian.
Huminto ang karwahe nang marating nito ang sentro ng koliseo sa tapat ng kinauupuan ng Emperador at Emperatris. Bumukas ang pintuan, at taas-noong lumabas mula rito ang kasalukuyang Duke ng Artemias at anak ng yumaong Duke Aragon, si Duke Aurello, kung ano ang payat ng kanyang pangangatawan ganoon rin ang kanyang tangkad. Hindi maitatanggi na magkapareho ang anyo nila ng kanyang Ama.
"Duke Aurello, ang mahal kong pinsan," pagbati ni Fierro na hindi ipinahalata ang kanyang pagkabigla.
"Kamahalan," saad ni Aurello na hindi man lang nagawang yumuko sa presensiya ng Emperador.
"Nagagalak akong nakarating ka sa aking kaarawan," pagpapatuloy ni Fierro, "Pasensya na at hindi kita napadalhan ng imbitasyon, hindi ko kasi inaasahang makakapunta ka. Ang balita ko kasi ay madalas kang mag-isa at nagkukulong sa iyong silid, malungkot. Bakit ba?"
"Batid mo naman siguro, mahal kong pinsan na hanggang ngayon ay ipinagdadalamhati ko pa rin ang pagkawala ng aking ama," tugon ni Duke Aurello.
"Si Lolo Aragon," sagot ni Fierro, "nauunawaan ko ang nararamdaman mo, maging ako ay nalulungkot sa biglaan niyang paglaho, minsan akong tumira sa Artemias noon at nakita ko kung gaano niya ko minahal na parang tunay na anak."
Napangisi lamang ang Duke sa kanyang sinambit, "dalawang dekada na ang lumipas at hanggang ngayon wala pa ring kasagutan kung ano ba talaga ang nangyari sa Mahal kong Ama. Marami akong tanong na nangangailangan ng kasagutan. Ipinagkait ng panahon sa akin ang hustisya para sa kanya, iyon ang kailanman ay hindi ko matanggap kaya madalas akong magkulong sa aking Kastilyo."
"Huwag kang mag-alala," paninigurado ng Emperador, "handa akong tumulong upang bigyang linaw ang kinahinatnan ni Lolo Aragon at kung may kailangang managot, sinisigurado kong magbabayad sila."
"May nakapagsabi sa akin na kasalukuyan kang naninirahan sa Artemias noong panahong nawala ang aking Ama," direktang sinabi ni Duke Aurello.
"Nagkakamali ka," napanatiling kalmado ang tinig ni Fierro, "nilisan ko na ang Artemias ilang araw bago mawala ang iyong Ama."
"Nakakatawang isipin na halos magkasabay ang pag-alis mo sa Artemias at ang pagkawala ni Ama. Nagkataon lamang ba talaga ang lahat o may iba pang kadahilanan?"
Namangha ang mga nanonood sa mapangahas na pahayag ni Duke Aurello at muling nagkaroon ng bulungan sa paligid ng koliseo.
Humalakhak na lamang si Fierro sa pinagsasasabi ng kanyang pinsan, "Pinaparatangan mo ba ako sa nangyari kay Lolo Aragon?"
"Sa bibig mo na mismo nanggaling iyan," matapang na sambit ng Duke, "tinitignan ko lamang ang bawat anggulo, Kamahalan. Maaaring isa sa mga ito ang maglapit sa akin sa katarungan."
"Malungkot ka lang, Pinsan," pabirong tugon ni Fierro, "Pag-usapan na lang natin ito pagkatapos ng pagdiriwang, gaya ng sinabi ko, handa akong tulungan ka. Sa ngayon, huwag nating hayaang bulabugin ng mga maling akusasyon ang aking espesyal na araw. Tara, umupo ka kasama namin at manood. Tutal ay pinagsamahan naman tayo. Magsisimula na ulit ang Palakasan."
"Maraming salamat, Kamahalan, ngunit kailangan ko nang umalis," mapait na tumanggi ang Duke, "wala akong balak magtagal. Hindi ko nilisan ang Artemias para lamang makipaglaro ng bait-baitan sa'yo. Pumunta lang talaga ako dito para batiin ka ng Maligayang Kaarawan, sana maging masaya pa ang mga susunod."
Tinalikuran ni Aurello ang Emperador at ihinatid siya ni Roqil pabalik ng kanyang karwahe. Bago sumakay ng karwahe, humarap ang Duke kay Fierro na may pagkamuhi sa kanyang mga kahel na mata.
"Balang araw, lalabas at lalabas rin ang katotohanan, makukuha ko ang hustisya para kay Duke Aragon at magbabayad ang tunay na may sala."
Walang paligoy-ligoy na nagtungo ang Duke sa kanyang Karwahe at sila'y tuluyan ng umalis ng koliseo.
Naiwang nanggagalaiti sa inis si Fierro, mahigpit ang pagkakasara ng kanyang kamao, pero hindi niya pinahalata ang kanyang galit sapagkat naroroon si Emperatris Grasiela, Panginoong Ocillo at ang iba pang mga Cenpyero.
"Pumunta lang siya rito para mang-inis at pagbintangan kayo, Kamahalan," pabulong na sinabi ni Malko. "Dapat siyang parusahan sa kanyang kalapastangan."
"Tsaka na, Malko," bulong ni Fierro, "darating tayo dyan, sa ngayon hayaan muna nating masunog si Aurello sa sarili niyang mitsa."
***
Nakatitig pa rin si Graison sa kanyang pinta, natauhan siya sa kanyang pag-iisip nang pumasok sa loob ng silid ang ina niyang si Grasiela.
"Anak," pagtawag niya.
"Ina."
Yumakap siya nang mahigpit sa piling ng Emperatris.
"Ano bang nangyari kanina?" hindi maitago ni Grasiela ang kanyang pagkabalisa, "ayos ka lang ba? May masakit ba sa'yo? Bakit bigla ka na lang umalis? Pinag-alala mo kami! Ano ba talagang nangyayari sa'yo?"
"Hindi ko po alam, ina," nangangatog na sinagot ni Graison, "kahit ako hindi ko rin alam."
"Sabihin mo sa akin," kinumbinsi niya ang anak, "makikinig ako."
Napadaan si Fierro sa may silid ng anak-anakan at narinig niyang may pinag-uusapan ang mag-ina kaya siya ay nakinig sa kanila mula sa likod ng pintuan.
"Hindi ko po alam," sagot ng Prinsipe. "Basta napatingin lang ako sa dalawang batang naglalaro ng espada tapos bigla akong may naalala. Tulad nila nakapaglaro na rin ako ng espadang kahoy dati dito sa Palasyo tapos may kalaro akong isang batang lalaking mas malaki sa akin pero hindi ko maaninag ang mukha niya, tapos-"
"Tama na ang paliwanag, Graison," lumitaw si Fierro mula sa likuran ng pintuan.
"Ama," pagbati ng Prinsipe.
"Huwag ka ng mahiya sa amin ng iyong Ina, sabihin mo na ang totoo," tugon ni Fierro, "dinaga ang dibdib mo kanina kaya bigla na lang umurong ang bayag mo sa tunggalian."
"Hindi po, Ama," itinanggi niya, "may naalala lang po akong bumagabag sakin."
"Sinasabi ko na nga ba, magpakita ka man sa selebrasyon o hindi, parehong problema lang ang idudulot mo sa akin," pagpapatuloy ni Fierro. "Kaya mas mabuti kung hindi ka na lang nagpakita."
Napayuko si Graison sa hiya sa Ama.
"Fierro," sinaway ni Grasiela ang kabiyak.
"Totoo naman," pinanindigan ni Fierro sa Emperatris, pagkatapos ay muli niyang itinuon ang pansin sa anak, "nakakahiya ang ginawa mo kanina hindi lang para sa'yo kundi para sa akin na iyong Ama. Ngayon iisipin ng iba na mahina at malambot ka, na hindi ka pa karapat-dapat na pumalit sa akin."
"Paumanhin po, Ama, maniwala po kayo o hindi, ginagawa ko naman po ang makakaya ko para hindi ko kayo biguin."
"Hindi mo ko binigo," sagot ng Mataas na Emperador, "hindi mo ko binigong madismaya sa'yo."
Napalingon si Fierro sa paligid ng kanyang silid at pumukaw sa atensyon niya ang imaheng ipininta ni Graison mula sa kanyang alaala. Nilapitan niya ang litrato at nakilala niya si Prinsipe Yrvin noong kanyang kabataan at ganoon na rin ang kanyang kalarong bata. Alam niya kung sino ito, nakita na niya ang batang ito, noong gabing nilusob nila ang Palasyo. Nakilala niya ang panganay na anak ni Costan at Ysavel. Tandang-tanda niya ang mukha ng bata bago ito itakas nila Ermin at Lynda.
"Ano ito?" Nanlalaki ang kanyang mga mata. "Sino ang nagpinta ng litrato?"
"Ako po, Ama," sagot ni Graison, "iyan po ang dahilan kung bakit hindi ako nakapagpatuloy sa palakasan, ang imaheng iyan ang pumasok sa isipan ko kanina."
Nawalan ng imik si Fierro sa nakita, natulala ang Mataas ng Emperador gaya ng nangyari kay Graison, napagtanto na niya ang tunay na dahilan sa pagkabagabag ng anak-anakan.
"Mahal, ayos ka lang?" napansin ni Grasiela ang pananahimik ng kabiyak.
"Ama?" maging si Graison ay nabahala.
"Ito," tumindig si Fierro at itinuro ang litrato, "kaya pala hindi mo magawang ayusin ang kilos mo, ito ang dahilan kung bakit ka nagkakaganyan. Wala kang ginawa kundi magbasa, gumuhit at magpinta kaya kung ano-ano ng kalokohan ang pumapasok sa kukote mo. Ano na lang iisipin ng iba sa'yo? Kailan mo ba to titigilan, anak?"
Sinubukang magpakatatay ang tono niya kay Graison kahit na nanggagalaiti siya sa ibang dahilan.
"Ama, wala naman pong masama sa ginagawa ko, libangan ko lang naman ang mga ito, mga hilig," pagtatanggol ni Graison.
"Hindi," sagot ni Fierro, "hindi ito ang dapat pinagkakaabalahan ng isang tunay na lalaki. Kung gusto mong maging isang ganap na Prinsipe, dapat matuto kang makipaglaban, lahat ng naging Emperador ay minsan ng dumaan sa pakikidigma, sila ang tunay na lakas ng Imperyo, kung di ka matututong humawak ng espada o gumamit ng pana, hindi ka magiging karapat-dapat sa Tagapagmana ng Imperyo."
Muli niyang tinignan ang imahe at ito ay kinuha niya bago lisanin ang silid, "kukumpiskahin ko na muna ito, sana maging leksyon ito sa'yo."
Naiwan si Graison kasama ang Ina niya na nahahabag sa kanya.
***
"Ina, may mali po ba sa akin?" tanong ni Graison.
"Anak, bakit mo naman nasabi iyan?"
"Kasi po hindi ko po maiwasang mapansin," sagot ng batang Prinsipe. "Noon pa man, malamig na ang pakikitungo sa akin ni Ama. Kahit kailan hindi kami nakapaglaro, kinamusta kung kumain na ba ako o inalagaan kapag maysakit ako."
Napaisip si Grasiela sa himutok ng anak-anakan.
"Tapos ngayon, hindi niya nagugustuhan ang mga bagay na kinahihiligan ko. Ano po bang masama sa pagbabasa, pagpipinta at pagtuklas? Nasusukat lang ba ang pagiging isang Prinsipe sa paggamit ng mga armas at pakikipaglaban? Ginagawa ko naman po ang lahat para maging isang mabuting anak sa kanya, para maipagmalaki niya ko pero bakit parang palaging hindi sapat? Bakit pakiramdam ko kailangang paghirapan kong makuha ang pagmamahal niya?"
"Graison, unawain mo na lang ang Ama mo," pag-udyok ni Grasiela. "Maaaring mahigpit at matabang nga ang pakikitungo niya sa'yo pero nakasisiguro ako na mahal ka niya. Iba lang pamamaraan niya ng pagpapakita ng kanyang pagmamahal. Ang gusto lang naman niya ay maging matatag at malakas ka. Hindi biro ang responsibilidad na iaatang niya sa'yo. Hindi madali ang maging Emperador ng isang malaking Imperyo. Anak, magulo ang mundo sa labas ng Palasyo, palaging may panganib na nagbabadya. Hinahangad niya lamang ang mas makabubuti sa'yo. Ang maging matapang ka at makatayo sa sarili mong mga paa at malaman mo kung sino ka ba talaga."
"Ina, alam ko naman kung sino ako," tugon ni Graison. "Ang Prinsipe ng Imperyong Cenpyre at Tagapagmana ng Trono. Kaya lang mayroong mga alaala, mga panaginip na kahit alam kong hindi, kinukutuban ako na para bang mga bahagi ng aking pagkatao, tulad ng naalala ko kanina."
Nabahala si Grasiela nang maalala ang nangyari sa anak. Napapaisip siya na baka unti-unti ng bumabalik ang mga nalimutang alaala ng anak noong bata pa siya.
"Anak, panaginip at guni-guni mo lang iyan," pabirong sagot ni Grasiela. "Minsan mahilig maglaro ang kaisipan natin, lalo na sa mga matatalinong kagaya mo."
Napangiti si Graison sa sinabi ng ina, "ano po ba ang kailangan kong gawin para mapasaya ko si Ama?"
"Ganito na lang, bakit hindi mo na lang yayain ang Tiyo Talas mo na magduelo kayo, para naman matuto ka na ring humawak ng espada. Hindi ba iyon naman ang gusto ng iyong Ama?"
"Magandang ideya po, Ina," sumang-ayon si Graison, "baka maging masaya si Ama kapag sinunod ko ang gusto niya."
***
Niyaya ni Graison ang kanyang Tiyo Talas sa hardin para magsanay kung paano makipag-espadahan, ngunit hindi niya agad sinabi ang dahilan ng kanilang pagtungo roon.
"Bakit nga ba tayo nandito, bata?" walang paligoy-ligoy na tanong ng kanyang Tiyuhin.
Hinugot ng Prinsipe ang isang espada mula sa kanyang sintrunan. Isa ito sa mga espada ni Talas na pasikretong pinuslit ni Graison mula sa kanya.
"Di ba isa ka sa pinakamagaling na kawal sa Imperyo?" tanong ni Graison.
"Sinabi mo pa," pagmamalaki ni Talas.
Inangat ni Graison ang espadang may kabigatan at itinuro ito kay Talas. "Turuan mo ko kung paano makipaglaban, hindi ko na maaaring biguin pa si Ama. Gusto kong ipagmalaki niya ko."
Napangisi si Talas sa kanyang ipinahayag. "Anong nakain mo, Bata? Sa wakas at natauhan ka rin, ginulat mo kaming lahat kanina sa paglayas mo. Alam mo para kang isang pagong, hindi naman sa sinasabi kong mabagal at mahina ka. Batid mong anak na ang turing ko sa'yo. Ang sa akin lang palagi kang nagtatago sa loob, natatakot kang ipakita kung sino ka ba talaga. Ito lang ang maipapayo ko sa'yo Gry. Kung palagi ka lang mananatili sa loob, hindi mo malalaman kung gaano kaganda ang mundo sa labas at kung ano ang mga bagay na hindi mo alam na taglay mo pala. Magandang ideya na sa akin ka magpapaturo, matututo ka sa isang alamat. Simulan na natin. Ibalik mo ulit sa loob ang espada."
Ginawa ng Prinsipe ang ipinag-uutos ng Kawal at itinusok niya ang espada sa lalagyan ng kanyang sintrunan.
"Ngayon, hugutin mo ulit, gaya nito," hinugot ni Talas ang kanyang espada bilang halimbawa at isang matalas na tunog na nakakangilo ang nailikha. Ginaya ni Graison ang paraan ng kanyang paghugot.
"Tignan mong maigi ang espada," atas ni Talas. "Ito ang pinakamahalagang sandata ng isang mandirigma, dito nakasalalay ang buhay at ang kamatayan. Kapag may kalabang pupuntirya sa'yo hawakan mo nang mahigpit ang espada at huwag na huwag mo itong bibitawan. Tandaan mo na magkatambal ang kamay at ang espada, hindi mo sila dapat kailanman na paghiwalayin."
Hindi napigilan ni Graison na matawa sa pagtuturo ng kanyang tiyuhin na para bang may iba itong kahulugan sa kanya. Nanlaki ang mga mata ni Talas sa kanyang napansin.
"Tang-ina naman, bata, alam kong matalino ka pero hindi ko alam na madumi rin pala ang isipan mo, seryoso ako."
Lalong natawa si Graison sa reaksyon ni Talas, "paumanhin Tiyo, hindi ko lang po talaga mapigilan."
"Anak ng Puta, sige na, bumalik na tayo sa pagsasanay. Paano nga ba makipaglaban? Sa digmaan susubukan ng kalaban na itira ang sandata niya sa'yo pero dapat ay mabilis ka, pag-ugay niya dapat ipangharang mo agad ang espada mo at sa oras na magtagpo ang dalawa, samantalahin mo ang pagkakataon at ikaw naman ang umugay, pero natural iiwas rin ang kalaban at paulit-ulit lang ito hanggang sa mayroong tamaan sa inyong dalawa, ngunit gaya ng sinabi ko sa'yo kanina, matalino ka at alam mo na iyan."
Inugay ni Talas ang kanyang espada patungo kay Graison at ipinangharang ng Prinsipe ang kanyang armas, nang magtagpo ang kanilang mga sandata, kumilos agad ang binatilyo at siya naman ang umugay patungo sa Tiyuhin. Hinarang rin ni Talas ang espada sa tira ni Graison.
"Mahusay, kaya mo naman pala," papuri ni Talas, "ito ang panangga."
Inabot niya kay Graison ang isang pananggang yari sa bakal.
"Iyan ang proteksyon mo kung sakaling may papana sa'yo o pag sa tingin mong malakas ang ugay ng kalaban. Gamitin mo ito kung kinakailangan at kung sakaling wala kang panangga, alalahanin mo ang turo ko sa'yo sa espada."
"Hawakan ng mahigpit at huwag bibitawan," inulit ni Graison.
Nagpatuloy sa pag-eespadahan ang magtiyuhin, sa bawat pag-ugay ni Graison, hindi maiwasang sumagi sa kanyang isipan ang malabo niyang alaala. Ang parehong alaalang gumimbal sa kanya kanina sa palakasan. Ang alaala niya at ng isang batang lalaking naglalaro ng espadang kahoy sa parehong lugar ngunit ibang panahon.
***
Pagsapit ng hatinggabi kung kailan wala ng ni isang kaluluwa ang gising sa Palasyo ng Cenpyre, nagtungo ang Mataas na Emperador sa kanyang sikretong himpilan sa ilalim ng Palasyo. Sa kadilimang taglay ng nasabing lugar, tanging ang lagablab lamang ng Panginoon ng Apoy ang nagbibigay liwanag. Dito naghihintay sa kanyang pagdating ang kanyang sugong si Tandang Ora.
"Kamusta ang kaarawan mo, Panginoon ko?" tanong ng magkukulam.
"Mainam na sana, kung di lamang panggulo ang dalawang salot sa aking selebrasyon."
"Sino?"
"Si Aurello, nanggulo siya kanina at nangahas siyang pagbintangan ako sa harap ng mga nasasakupan ko, hindi siya natatakot sa akin," napagtanto niya, "kapag hinayaan ko siya, marami ang maglalakas-loob na tuluran siya at kalabanin ako. Sa ginawa niya kanina, nagtanim siya ng pagdududa sa isipan mga Cenpyero na maaaring ikasira ng reputasyon ko. Pinagbantaan niya ko na aalamin niya ang katotohanan, hindi niya dapat malaman ang ginawa ko sa kanyang Ama. Hindi pa dapat mabunyag ang ating sikreto hanggang hindi pa dumarating ang nakatakdang panahon! Kailangan may gawin na ako kay Aurello!"
"Huwag kang mabahala," walang bahid ng pag-aalala ang kanyang sugo, "si Aurello ay isa lamang bubuwit na nangahas pumasok sa lungga ng mga leon, wala siyang kapangyarihan laban sa atin. Isa lamang siyang isang maliit na balakid sa ating mga plano."
"Tama ka, wala siyang binatbat sa Panginoon ng Apoy," tugon ni Fierro.
"Sino naman ang isa mo pang pinoproblema, Panginoon?"
"Ang anak ni Costan na nasa puder ko," paglalahad niya.
"Bakit naman?"
Kinuha ni Fierro ang litratong ipininta ni Graison at ihinarap ito kay Ora. "Siya ang gumuhit ng imahe, nanumbalik ang isang piraso ng kanyang alaala, nagawa niyang iguhit ng malinaw ang mukha ng kanyang kapatid kahit nakalimutan na niya ang nakaraan, kahit malabo sa isipan niya."
"Ano na an ang problema roon, hindi pa naman niya naaalala ang lahat," dugtong ni Ora.
"Base sa nakikita ko madunong ang bata, may kakaiba sa kanyang pagkatao, hindi ko pa lang matukoy. Ikinatatakot ko na baka dahil sa karunungan niya, maalala niya ang lahat-lahat tungkol sa nakaraan, hindi imposibleng kalabanin niya ko gaya ng kanyang Ama. Malaki rin ang posibilidad na maging banta siya sa aking pamumuno kapag natuklasan niyang siya ang natitirang Tagapagmana ni Costan! Sinasabi ko na nga ba, dapat noon pa man pinaslang ko na ang bata!"
Sinilaban niya ng apoy ang litrato at unti-unting nasusunog ang makapal na pisara.
"Panginoon ko, huwag ka ng mabahala," saad ni Ora, "ang lahat ay nauukol pa rin sa kalooban ng Diyos."
"Anong sinasabi mo?"
"Tignan mo ang litrato," tugon ni Ora, "hindi ba sinabi ko sa'yo na balang araw mapapakinabangan natin ang bata, may kakahayan siyang hindi kayang gawin ng sinuman sa mundo, dito natin siya magagamit. Ang kakayahan niyang bigyang linaw ang lahat sa pamamagitan ng kanyang mga pinta!"
Tinitigan ni Fierro at Ora ang imahe hanggang sa tuluyan ng matupok ng apoy ang mukha ni Graison.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro