Kabanata 1: Covel
-Lupain ng Gremon:
Labing-Apat na Taon ang Nakalipas-
"Bitawan niyo ko, ang anak ko! Anak!" naghihikahos na isinisigaw ng isang babaeng Puttlan habang inilalayo ng mga Tagapuksa ang anak sa kanyang piling.
"Inay, inay!" Isang matinis na paghiyaw ang pinakawalan ng bata, nanginginig man sa takot, sinubukan pa rin nitong kumawala sa pagkakabihag ng mga Tagalinis at puntahan ang inang tinutugis ng ilang kalalakihang kabilang sa mga Tagapuksa.
Isa lamang ang mag-ina sa libo-libong Itmai at Puttlan na dinakip ng pwersa ni Lodell noong araw na iyon. Sila ay dadalhin sa Kampo ng Kamatayan upang harapin ang tadhanang nakahatol sa kanila. Pagkarating nila sa Kampo, sinimulan ng ihiwalay ang mga kalalakihan sa mga kababaihan, ganoon rin ang mga batang mababa pa sa pitong taong gulang. Nakapangingilabot na ingay ang maririnig sa bawat sulok ng kampo: ang paghiyaw ng mga magulang na ihiniwalay sa kanilang mga anak, ang pagtangis ng mga nagigimbal ng mga musmos, pati na rin ang mga may pagkamuhing pananaway at paninindak ng mga opisyales sa mga lalaking nanlalaban at mga kababaihang nagpupumiglas. Pinagsama-sama nila ang mga musmos sa isang hilera, ganoon na rin ang kanilang mga magulang.
"Ano na ang gagawin namin sa mga paslit na ito?" tanong ng isa sa mga Tagalinis sa nakatataas.
"Dalhin na ang mga iyan sa loob," utos ng isa sa mga Komandante ng mga Tagapuksa.
"Tara na sa loob mga bata," umamo ang tono ng mga Tagalinis upang hindi sila masindak. "Gusto niyo ba ng laruan? Marami sa loob."
Itinuro niya ang isang maliit at kwadradong silid na yari sa bato, mayroon itong isang malaking tsiminea kung saan lumalabas ang usok na may kakapalan. Pinagmartsa ng mga Tagalinis ang mga batang Itmai at Puttlan patungo sa loob ng nasabing silid, nagsimulang magsiiyakan ang karamihan, habang ang iba naman ay kalmadong sumunod sa takot sa mga matatangkad na lalaki.
"Anak!" Hindi magkamayaw sa pagtawag ang Ina, nasilayan niyang isa ang anak sa mga naunang pinapasok sa misteryosong silid. "Anong gagawin niyo sa kanila?"
"Mananahimik na sila maya-maya lang," may bahid na pag-uuyam ang marahas na ngiti ng Komandante.
Nang makapasok na ang lahat sa loob, bahagyang nanahimik ang mga bata. Lahat ng magulang ay nakatuon ang pansin sa maliit na silid kung saan naroroon ang kanilang mga anak. Ilang minuto lamang ang nakalipas, nakarinig sila ng isang kakaibang tunog, kakaiba ngunit pamilyar. Para bang bumuhos ang laman ng isang malaking timba ng tubig at kasabay nito, nagsigawan ng walang kasing tinis ang mga bata na tila sila'y napapaso at namimilipit sa sakit. Tumayo ang balahibo ng mga magulang sa pangingilabot, wala ng mas sasakit pa kundi ang marinig nilang naghihirap ang mga anak nila at wala man lang silang magawa. Ilang saglit lamang, tumigil sa paghiyaw ang mga bata sa loob at lalong kumapal ang usok na nagmumula sa tsiminea patungo sa alapaap.
"Tapos na ang paghihirap nila," saad ng Komandante, "hindi rin naman namin sila mapapakinabangan dito dahil masyado pa silang mga bata para magtrabaho."
"Mga hayop kayo!" Sinugod ng Ina ang Komandante at pinaghahampas ang kanyang mukha. "mga demonyo! Magbabayad kayong lahat, pagbabayaran niyo ang buhay ng aming mga anak!"
Tumindig ang Komandante sa harap ng Ina, walang makikitang emosyon sa kanyang pagmumukha, pagkatapos binirahan niya ito ng isang malakas na suntok sa sikmura na nagpabagsak sa kanya sa sahig.
"Alam niyo na ang gagawin sa kanila, linisan niyo, bihisan at pagtrabahuhin," utos ng Komandante sa mga iba pang Tagalinis.
***
Isang araw na naman ang lumipas sa masalimuot na bayan, pagsapit ng hatinggabi sa Kampo, sagad sa buto ang klima sapagkat ngayon ay panahon ng matinding Taglamig sa Kontinente ng Kanluran. Panginginig ng kalamnan ang dulot ng mga makakapal na niyebeng bumabalot sa Lupain ng Gremon.
Mula sa maliit na tolda, isang lalaking Itmai ang pumuslit palabas ng kampo. Hulpak ang kanyang pagmumukha at makikita na ang buto ng kanyang tadyang sa kanyang kapayatan. Naglakad siya ng dahan-dahan upang hindi siya mapansin ng mga guwardiyang nakabantay. Nagmadali itong nagtungo sa bukana ng Kampo at namataan ang hanay ng libo-libong kahoy na kanilang sinibak kaninang umaga.
Sinunggaban ng lalaking Itmai ang mga kahoy na parang masasarap na pagkain at pumuslit siya ng ilang piraso. Babalik na sana siya sa kanilang tolda ngunit isang anino ang humarang mula sa kanyang likuran. Napalingon siya at nasilayan ang isa sa pinakabata ngunit marahas na Komandante ng Kampo na si Jiaruz.
"Anong sa tingin mo ang ginagawa mo?" kalmado ang tinig ng Komandante, itinutok niya ang kanyang pana sa lalaking Itmai. "Ibaba mo ang mga kahoy."
Hindi malaman ng lalaki kung ano ang gagawin, natulala lamang ito, hindi kumukurap ang mga mata.
"Ibaba mo sabi kundi matitikman mo ang pana ko!" lumakas ang tinig ni Jiaruz.
Binitawan ng lalaking Itmai ang mga kahoy at ito'y nahulog sa niyebehan. Itinaas niya ang kanyang mga kamay bilang pagsuko.
***
Dinala ni Jiaruz ang Itmai sa himpilan ng kanyang Mataas na Komandante, itinulak niya ito at natumba ang kanyang malapatpat na tuhod sa sahig.
"Nakita ko ang hinayupak na ito, nagnanakaw ng kahoy habang ako'y nagpapatrolya kanina," saad ni Jiaruz. "Ano bang gagawin natin sa kanya?"
Tumayo sa kanyang kinauupuan ang Mataas na Komandante, madilim na ang himpilan at tanging liwanag na lamang ng kandila ang maaaninag sa silid.
Naglakad ng mahinahon ang pansamantalang namumuno sa Kanluran. Nilapitan niya ang nakaluhod na Itmai at tumapat sa liwanag ang kanyang mukha. Matangkad ang nasabing Komandante, pahaba ang kanyang mukha at ilong at matalim kung tumingin ang kanyang mga mata. Sa unang tingin mapapagkamalan siyang si Wael ngunit siya'y higit na mas bata kung ikukumpara sa kanya. Nanginig sa takot ang Lalaking Itmai nang magtagpo ang mga mata nila ng Mataas na Komandante.
"Panginoong Wharen, patawarin niyo po ako kung nagawa kong pumuslit ng ilang pirasong kahoy, sobrang lamig na po kasi sa aming tolda at hindi na po kinakaya ng mga kasama ko ang ginaw ng niyebe, marami na po sa kanila ang nagkakasakit, gusto lang po namin magpainit kahit sandali lang. Maawa na po kayo sa amin."
Yumuko ang Itmai at humalik sa kanyang mga bota, tumatangis at nagmamakaawa para sa kanyang buhay.
"Humayo ka," malumanay na isinagot ni Wharen, dahan-dahan niyang ibinangon ang Itmai na ipinagtaka naman ni Jiaruz. "Yun lang naman pala, bakit hindi ka nagpaalam? Pabibigyan ko naman kayo kahit kaunti. Tauhan lang rin naman ako ng Mataas na Panginoong Lodell at kahit papaano naman ay mayroon pa rin naman akong simpatya sa mga mabababang uring kagaya mo."
"Salamat po, Panginoon," halos pupugin na ng halik ng Itmai ang mga palad ng Mataas na Komandante.
"Tara, ibibigay ko ang kailangan niyo," inakbayan ni Wharen ang kanilang bihag.
Sumunod si Jiaruz sa likod, sumenyas sa kanya si Wharen at tila nagkaunawaan ang dalawa.
***
Dinala ng dalawa ang lalaki sa isa sa mga pinakamalaking gusali sa Kampo, ang lugar na sinasabi nilang kung sino man ang pumasok ay hindi na nakakalabas pang muli.
Umakyat sila sa isang hagdang kahoy na may maraming palapag at may kataasan, mainit ang temparatura sa loob at napapawi na ang lamig sa katawan ng kahabag-habag na bihag.
"Nararamdaman mo na ba ang init?" mahinahong tanong ni Wharen. "Huwag kang mag-alala, malapit na tayo sa taas."
Hindi nagtagal, narating nila ang tuktok kung saan mayroong mahabang kahoy sa may dulo. Siniyasat ng lalaki ang paligid, nagsimulang tumubo ang takot at pagkabahala nang siya'y tumingin sa ibaba at namataan niya ang isang dambuhalang paso na puno ng kumukulong tubig. Sa taglay nitong init, umaabot na sa kanilang kinaroroonan ang usok na nagmumula rito.
"Igapos mo na," atas ni Wharen sa malumanay na boses.
Walang paligoy-ligoy na itinali ni Jiaruz ang kamay ng lalaking Itmai, sa kanyang pagkabigla.
"Ano pong ibig sabihin nito?" naguguluhang itinanong ng bihag.
Hindi umimik si Wharen sa kanyang tanong. Nakatitig lamang ito ng malamig sa kanya.
"Lumakad ka sa dulo!" sigaw ni Jiaruz.
Dinedma ng Itmai ang utos ni Jiaruz at lumingon sa Mataas na Komandante. "Nagmamakaawa po ako, huwag niyo kong patayin."
"Lumakad ka sabi!" itinutok ni Jiaruz ang kanyang pana sa lalaki at wala na itong nagawa kundi maglakad hanggang sa dulo.
Tumingin ito sa ibaba at pinagmasdan ang kumukulong tubig sa pasoan.
"Ang malas mo at nagpahuli ka," nakarinig siya ng bulong sa kanyang tenga, nasa likuran na niya si Wharen, hawak-hawak ang kanyang latigo sa likuran. "Dyan nababagay ang mga duming katulad mo. Hindi lang ikaw ang unang Itmai na ipinadala ko sa Impyerno..."
Wala nang nagawa ang Itmai kundi ipikit ang mga matang lumuluha, handa nang tanggapin ang kapalarang hindi na niya matatakasan pa.
"Hindi ba gusto mo mainitan? Puwes, magpainit ka!"
Humagupit ang latigo ni Wharen sa likod ng lalaki, sa tindi ng paghambalos nito, nawalan ng balanse ang lalaki sa dulo ng kahoy at siya'y tuluyan nang nahulog sa kumukulong tubig.
Mararinig ang isang malakas na tunog mula sa paso na animo'y mayroong ginigisa. Nakapangingilabot ang sigaw ng Itmai habang siya'y tinutusta ng napakainit na tubig. Ilang segundo lamang ang itinagal niya at siya'y namatay agad sa tindi ng init. Nagmistulang sunog na karne ang kanyang katawan. Ngumiti si Wharen nang may pagkagalak, tuwang-tuwa sa kanyang ginawa at walang bahid ng awa.
***
Kinabukasan, naglakad-lakad si Wharen at si Jiaruz sa iba't-ibang sulok ng Kampo upang siyasatin ang kanilang mga bilanggo habang sila'y nagsisibak ng kahoy. Bantay-sarado ng mga guwardiya at ng kanilang mga alagang aso ang mga bilanggo upang masiguradong ang lahat ay nagtatrabaho.
Animo'y isang malaking sementeryo ang kampo dahil tambak na ang mga bangkay ng mga Itmai at Puttlan na namatay sa hirap, pagod at gutom. Laganap na rin ang hawahan ng mga sakit kaya naman araw-araw nadadagdagan ang bilang ng mga nasasawi.
Maging ang mga buhay ay mapapagkamalang patay dahil buto-buto na ang kanilang pangangatawan. Manhid na ang karamihan sa kanila at wala ng kahit anong emosyon ang makikita sa kanilang anyo ngunit noong dumaan ang Mataas na Komandanteng si Wharen, ang lahat ay nangilabot. Kahit ang anino pa lamang niya ay sapat na para manginig ang lahat sa takot.
"Takot na takot na sila sa'yo ngayon," napansin ni Jiaruz.
"Hindi na nila nanaisin pang maulit ang ginawa ko dati," pagmamalaki ni Wharen, "atas naman talaga ng Mataas na Pinuno na paslangin ang sinumang nagpapahinga at babagal-bagal sa trabaho. Ginagawa ko lang ang tungkulin ko. Teka nga pala, nakahanda na ba ang lahat para sa pagbabalik ng Panginoong Lodell?"
"Oo naman," sagot sa kanya ni Jiaruz.
"Nakahanda na ba ang kakainin niya, ayos na ba ang kanyang silid?"
"Niluluto na ang usang ihahain sa kanya at walang ni isang dumi ang natira sa kanyang kwarto."
"Mabuti naman, kailangan engrande ang pagsalubong natin sa kanya," tugon ni Wharen.
***
Matapos magtagumpay ni Emperador Fierro na angkinin ang Imperyong Cenpyre, nagtungo na si Lodell sa Kontinente ng Kanluran. Lugmok ang Kanluran sa trahedyang naganap sa dalawang tore at ginamit niya itong pagkakataon upang kunin ang tiwala ng taumbayan at ibaling sa mga lahing Itmai at Puttlan ang sisi. Nilason niya ang isipan ng mga Kanluranin at pinaniwala niya ang mga ito na ang mga nasabing lahi ang nanggugulo sa Kontinente, na sila ay mga duming sumisira sa Kanluran mula pa noong sila'y nagsimulang manirahan sa kanilang mga Lupain 500 taon na ang nakalipas. Hinirang siya bilang Mataas na Panginoon ng Kanluran at itinuring na isang bayani. Nakuha niya ang suporta ng mga Kanluranin.
Nilagay niya sa kanyang palad ang buong Kanluran at itinatak niya sa isip ng bawat Kanluraning may Dugong Erroiah na sila ang mas nakakaangat sa sinumang lahi at walang lugar sa mundo ang mga mapuputla at maiitim ang balat. Napasailalim sa Diktadurya ni Lodell ang buong Kontinente at ipinatupad niya ang pag-usig at pagtugis sa mga Itmai at Puttlan maging sa sinumang kanluranin na may dugo nila. Kontrolado niya ang bawat aspeto ng pamumuhay sa Kanluran at sinumulan niyang pilayan ang mga kinamumuhiang lahi. Inalisan niya ng karapatan ang mga ito, kinamkam ang kanilang mga lupa at ari-arian, ipinasara ang kanilang mga negosyo't kabuhayan at nawalan ng posisyon ang mga dating namumuno sa ilang kabayanan.
Nagtalaga ang Mataas na Pinuno ng mga 'Tagapuksa' na siyang magpapatryolya sa bawat bayan at huhuli sa lahat ng mga Itmai at Puttlan sa buong Kanluran. Marami ang dinakip sa kanilang mga tahanan at ang sinumang nanlalaban ay pinapatay ng walang awa. Nagkalat ang bangkay ng libo-libong katao, ilang araw pa lamang ang nakalipas. Inusig sila na mas masahol pa sa hayop at sila'y dinala sa mga Kampong ipinatayo ng Mataas na Pinuno. Dito sila'y binabantayan ng mga 'Tagalinis' na may karapatang ligpitin ang mga maysakit, mahina at nanlalaban. Ang mga bilanggong dinala sa Kampo ng Kamatayan ay tinatakan sa kanilang mga noo ng marka ni Lodell at ipinagsuot ng mga malabasahang kasuotan na tadtad ng butas. Pinagkasya sila sa maliliit na tolda at sapilitang pinagtatrabaho sa pamamagitan ng pagsibak ng mga kahoy para sa taglamig. Hindi rin nila napapakinabangan ang kanilang pinagtatrabahuhan sapagkat hindi sa kanila napupunta ang mga kahoy at ang mga ito ay ginagamit upang bumuo ng apoy at pakulaan ang tubig sa mga paso na siya namang instrumento para paslangin ang mga bata, matatanda at mga maysakit.
Hindi lamang ang mga lahing Itmai at Puttlan ang pinadadakip ni Lodell kundi pati na rin ang mga Tagasilangang matatagpuan sa Kanluran at ang sinumang lahing naiiba sa kanilang mga anyo pwera lamang sa mga Cenpyero na kalahi ng Mataas na Emperador. Higit sa lahat pinapahuli rin niya ang sinumang kumakalaban at komokontra sa kanyang pamumuno, kahit na sila'y purong Kanluranin pa. Ginagahasa naman nila ang mga babaeng kaanak nila.
***
Gumawa ng pormasyon ang libo-libong Tagapuksa at Tagalinis na naninilbihan sa Mataas na Panginoon. Taas-taas ng kanilang mga kanang kamay ang bandera ni Lodell, isang ulo ng tumanggong na matingkad ang pagkapula.
Bumaba ang Mataas na Panginoon sa kanyang karwahe at sabay-sabay na nagsigawan ang kanyang mga tauhan sa iisang tinig: "Panginoon ko!"
Bahagyang ngumiti sa kanila si Lodell, lumapit si Wharen at Jiaruz sa kanya at sinabayan ito sa pagmartsa. Pumwesto sila sa kaliwa at kanan at pinagitnaan nila ang Mataas na Panginoon.
***
Nagtungo si Lodell sa kanyang himpilan at siya'y ipinaghain ng minatamis na usa mula sa sariwa nilang huli.
"Kamusta naman ang Emperador?" tanong ni Wharen sa kanya.
"Maayos naman siya, ipinatawag lang naman niya ako para makibalita kung ano ang kalagayan ng Kanluran," sagot ni Lodell na para bang nag-aabang ng balita mula sa kanya.
"Mainam naman," kumpiyansang sagot ni Wharen, "Marami kaming nadakip at patuloy na pa rin ang pag-usig ng ating mga tauhan sa mga nagtatagong hayop, inutusan ko na silang halughugin ang bawat bayan, bawat siyudad at pati na rin ang mga liblib na kabundukan sa Hilaga. Hindi magtatagal wala nang mapupuntahan ang mga nangangahas na magtago."
"Magaling Wharen," nakuntento si Lodell sa ulat ng kanyang kanang kamay. "Tandaan mo lang palagi ang sinasabi ko sa'yo. Para silang mga naninirang anay, mga latak, mga mantsang nararapat na burahin sa mundo. Bawat isa sa kanila."
"Kasama niyo ko sa pagpuksa sa kanila," pagsang-ayon ni Wharen, "Maaasahan niyo ang aking salita. Uubusin natin sila hanggang sa kahuli-hulihan."
"Noon pa man alam kong hindi mo ko bibiguin," papuri ni Lodell, "malaki ang tiwala ko sa iyo, gaya ng ama mong si Wael."
Nawalan ng imik si Wharen nang marinig ang pangalan ng kanyang ama. Sa unang pagkakataon, nahalata ang emosyon sa kanyang matalas na pagmumukha.
"Batid kong hanggang ngayon hindi mo pa rin matanggap ang pagkamatay ng iyong ama," pagpapatuloy ni Lodell. "Nauunawaan kita, huwag kang mag-alala, ipaghihiganti natin siya. Sa bawat paglipas ng mga taon, mas nakikita ko sa'yo si Wael. Ang iyong ama, isa siyang marahas na tao, gayunpaman, hindi niya kinakalimutang pairalin ang talas ng kanyang pag-iisip. Kaya mo ba siyang higitan, anak?"
Ngumisi si Wharen sa ipinahayag ng Mataas na Panginoon, "Panginoon ko, kung nakikita mo lang kung ano ang ginawa ko sa mga bilanggo noong mga panahong wala ka, mapapagtanto mong isang maliit na bagay lamang na ikumpara mo ako sa aking ama. Matitikman ni Haurre at ng kanyang mga kawal ang hagupit ng aking latigo! Nang dahil sa kanila maaga akong naulila! Pagbabayaran nila ang buhay ng ama ko!"
"Tama, dapat mahanap na natin sila Haurre at ang Kanlungan ng Kanluran," saad ni Lodell. "Masyado na silang nagiging hadlang sa ating pamumuno. Kailangan ng mawala ang Kapatiran sa lalong madaling panahon, wala ng makakapigil sa atin, at kung sinuman ang nagbabalak na lumaban, tutugisin natin sila, saang lupalop man sila nagtatago!"
-Kabundukan ng Nievah-
Kilala ang Nievah bilang ang "Hilaga ng Hilagang Kanluran" sapagkat isa itong lupain na matatagpuan sa tuktok ng mapa ng Kanluran. Ang Lupain ng Nievah ay sagana sa mga matataas na kabundukan at ilog ng yelo. Tahanan ito sa libo-libong katao at milyon-milyong uri ng hayop. Dito namumuhay ang mga Tubong Nievo sa hamog ng nyebe, sa pangangaso ng mga mababangis ng hayop, sa pagmamasid sa mga Hilagaynung Ilaw at sa pangingisda ng mga salmon, malayo sa sibilisado ngunit magulong mundo ng Gremon at iba pang Lupain sa Gitnang Kanluran.
***
Isang araw, dalawang bata ang nagtungo malapit sa ilog. Nababalutan sila ng mga makakapal na kasuotang yari sa balat ng lobo. Babae ang mas nakakatanda at lalaki naman ang mas nakababata.
Tumakbo ang batang lalaki patungo sa ilog na para bang isang lumulundag na kuneho, dala-dala niya ang isang maliit ngunit may katalasang sibat.
"Itoi, mag-ingat ka, baka mahulog ka sa ilog," pananaway ni Eryn na may labindalawang-taon ang edad.
"Huwag ka alala, Ate. Ayos lang, Itoi," sagot ng batang lalaki, kasabay ang isang masiglang halakhak, kita na ang kanyang gilagid sa sobrang pagtawa. "Maghuhuli tayo isda ngayon, diba turuan mo ko?"
Muling nagtatalon si Itoi sa batuhan ng Ilog na nagpaalala kay Eryn.
"Tuturuan kita, pero dapat kumalma ka muna."
"Sige, sige, tahimik na Itoi," nanatili na lamang siya sa kanyang pwesto.
"Ngayon, mag-aabang muna tayo ng mga salmon," tugon ni Eryn. "Magmasid lang tayo sa tubig."
Ginawa ni Itoi ang utos ng kanyang ate at itinuon niya ang kanyang paningin sa tubig na kasing linaw ng salamin, makikita mo na ang iyong sarili. Ilang minuto lamang namataan nilang lumalangoy ang isang malusog at kulay kahel na salmon papalapit sa kanila.
"Ito na, itapat mo na ang sibat mo, pagkatapos-"
Itinusok agad ni Itoi ang kanyang sibat sa tubig bago pa man matapos ang pagtuturo ni Eryn, nagulantang ang isda at ito'y lumangoy papalayo sa kanila.
"Di nakahuli, Itoi," lumungkot ang aura ng maligalig na bata.
"Di mo kasi muna ako pinatapos," sagot ni Eryn, "mag-abang na lang tayo ulit ng isa pa, makinig ka na."
Hindi nagtagal, lumangoy ulit ang ilang piraso ng salmon, patungo sa kanilang kinaroroonan.
"Itapat mo lang muna ang sibat mo," masigasig na saad ni Eryn. "Ituturo ko sa'yo yung sinabi sa akin ni Kuya Colev nung una akong natutong mangisda."
"Tusukin ang isda ng sibat?" inosenteng tanong ni Itoi.
"Hindi," napahalakhak si Eryn sa kanyang sagot, "ang sabi niya, para ikaw ay makahuli ng isda, kinakailangang maging isa ang galaw natin sa isda. Tignan mo siya maigi, pagkatapos sumabay ka lang sa galaw niya. Kapag siya'y kalmado, dapat kalmado ka rin. Kapag siya'y mabilis dapat mabilis ka rin."
Tinitigan ni Itoi ang isda, bahagya itong lumangoy at bahagya niya ring inilapit ang kanyang sibat. Sa isang iglap, humagibis ng langoy ang isda.
"Ngayon na," hudyat ni Eryn.
Maliksing itinusok ni Itoi ang kanyang sibat sa tubig, sabay sa paggalaw ng salmon at ng iangat niya ito, nakita nilang matagumpay na niyang nahuli ang isda sa kanyang sibat.
"Nagawa mo," may pagkagalak na inanunsiyo ng kanyang ate.
"Nakahuli ako!" Muling tumawa si Itoi nang labas ang kanyang giladid at namula ang kanyang pisgi. "Nakahuli si Itoi."
"Sino ang nakahuli?" Isang tinig ang narinig ng dalawa sa kanilang likuran. Nagmula ito sa isang binatilyong may katamtaman na pangangatawan at laki, matingkad ang kanyang kulay berdeng mga mata at may kapulahan ang buhok na may kahabaan ngunit nakatali sa likuran. Gaya ng dalawang bata, nakasuot rin siya ng kasuotang yari sa balahibo ng isang hayop. May kabataan pa ang binatilyo at siya'y maaaring nasa dalawampu't-isang gulang pa lamang.
Napalingon ang dalawang bata at sila'y napangiti sa kanyang presensiya.
"Kuya Colev," pagtawag ni Eryn.
"Ku Lev," maligayang pagbati ni Itoi sa binatilyo. Nilundagan niya ito kasabay ng kanyang halakhak. "Tignan mo, nakahuli Itoi ng isda."
"Aba, ang galing-galing naman ng kapatid ko," papuri niyang hinaplos ang buhok ng bata.
"Tinuro ko sa kanya yung pamamaraan mo sa paghuli ng isda, Kuya," dagdag ni Eryn.
"Ang huhusay talaga ng mga kapatid ko, dahil dyan, may premyo kayo kay Kuya Lev," saad ni Colev. "Dahil kayong dalawa ang nakahuli, sa inyong dalawa na ang salmon. Tara na at ihawin na natin, alam kong nagugutom na kayo."
"Yey! Kay Itoi na kain ng isda!"
"Oy, sa ating dalawa daw," pagtatama ni Eryn.
***
Pinanood ng dalawa ang kanilang Kuya Colev habang iniihaw niya ang salmon sa may niyebehan, dito sa Nievah, hindi ka makakakain o makakatulog kung hindi ka marunong gumawa ng apoy. Pinagsaluhan ng magkapatid ang kanilang huli habang si Colev naman ay naghahasa ng kanyang sibat, gamit ang isang makapal na bato. Nakakangilo ang pagkaskas ng bato sa talim ng espada, ngunit para kay Covel, ito'y walang epekto sa kanyang tenga.
Pinagmasdan siya ng dalawang bata na halos masimot-simot na ang pinagsaluhang huli at tanging mga tinik na lamang ang natira sa salmon. May naisip na kalokohan si Itoi at ito'y ibinulong niya kay Eryn. Nagtungo ang dalawa sa may sulok ng niyebehan, malapit sa isang puno at sila'y palihim na dumakma ng niyebe sa kanilang mga kamay. Binilog nila ang pinong niyebe, nakahanda ng ibato sa kanilang Kuya Colev.
Bago pa man nila ito maibato, humagis patungo sa kanila ang isang malaking tipak ng niyebe at napabagsak ang magkapatid. Sabay humalakhak si Colev nang maisahan niya ang dalawa.
"Akala niyo malulusutan niyo ko, palagi atang handa ang Kuya niyo," saad niya.
"Kuya naman eh," may pagkayamot na sagot ni Eryn.
Lumundag paalis ng niyebehan si Itoi palapit kay Colev at sila'y nagbuno, maya-maya sumali na rin si Eryn sa kanilang harutan.
"Tatalunin ka namin."
"Sige nga, kaya niyo ba?" Magkasabay na inakay ni Colev ang dalawa sa kanyang pagkakahawak at sila'y gumulong pababa ng niyebehan, nagtatawanan na parang walang alalahanin sa mundo.
Hindi pa sila nakakabangon, isang lalaki ang lumapit sa magkakapatid. Ito ay si Ermin na ngayon ay kumisig ang pangangatawan sa pagtatrabaho sa niyebehan.
"Tagumpay ba kayo sa paghuli ng isda?" tanong niya sa mga bata.
"Itay," nilapitan ni Eryn at Itoi ang kanilang ama.
"Tagumpay po kami, nahuli na po ni Itoi ang una niyang isda," paglalahad ni Eryn.
"Galing Itoi," maligayang papuri ni Itoi sa sarili niya. "Mangingisda na Itoi."
"Natuto siya sa turo ni Eryn, na natutunan naman ni Eryn sa akin," saad ni Colev habang pinapagpag ang mga pino ng niyebe sa kanyang kasuotan.
Napangiti si Ermin sa sinabi ni Colev, pagkatapos niyakap niya si Itoi, "mahusay rin pala ang bunso ko sa pangingisda."
"Huli pa Itoi ng isa," paanyaya ng bata.
"Anak, may mga trabaho pa kasi kaming kailangang tapusin ng Kuya Colev mo, sa ibang araw na lang muna."
Nabahiran ng lungkot ang masayang mukha ni Itoi.
"Huwag ka ng malungkot, bukas na bukas manghuhuli ulit tayo at pagmamasdan natin ang Hilagaynung Ilaw," pangako ni Colev sa kanya.
"Totoo?" tanong ni Itoi habang nanlalaki na ang mga mata niya sa tuwa.
"Syempre naman," sumang-ayon si Colev sa kapatid.
Muling nanumbalik ang saya kay Itoi, "narinig mo, Ate Eryn, bukas mangisda ulit Itoi, tapos manonood ng ilaw si Itoi."
"Lahat ng iyon ay gagawin niyo bukas," paninigurado ng kanilang ama, "ngayon, umuwi na muna kayo sa inyong Inay ng makapagtrabaho na kami ng Kuya mo. Eryn, bantayan mo mabuti ang kapatid mo."
"Opo, Itay," tugon ni Eryn, "tara na."
"Sana magbukas na, handa na Itoi."
Kahit sa kalayuan, naririnig pa rin nina Colev at Ermin ang pagkasabik ng bata sa kanilang gagawin kinabukasan.
Noong wala na ang magkapatid, sumenyas si Ermin sa anak at sila'y nagsimula nang magtrabaho. Sumakay sila sa kanilang mga bangka, sumagwan sa gitna ng ilog at ihinagis ang kanilang mga lambat sa malamig na tubig. Hindi kalaunan, napuno ng mga malalaking salmon ang kanilang lambat, nagpupumiglas sa paggalaw. Tantsado nila ang oras kung kailan marami ang isda sa ilog at sinasamantala nila ang pagkatataon upang mangisda. Maya-maya, hinakot nila ang mga huli at ito'y isinalin sa kwadradong kahoy, nakahanda ng ipagbenta sa kabayanan.
***
"Nahakot na ba natin ang lahat, Colev?" tanong ni Ermin sa binatilyo nang sila'y matapos.
Napangisi si Colev sa pagtawag ng ama, "Tay naman, wala na sina Eryn at Itoi, pwede niyo na kong tawaging Covel."
Napangiti si Ermin sa pagtatama ng anak-anakan, "pasensya ka na, anak. Sinasanay ko lang ang sarili ko, hindi pwede malaman ninuman ang tunay mong pangalan."
"Sapagkat ang pangalan ko ay gigimbal sa kamalayan ng Demonyong Emperador," pagtatapos ni Covel. "Ang akala niya isang dekada na akong patay."
Mula noong sila'y dumating sa Kanluran, ginamit na ni Covel ang palayaw na Colev upang walang makakilala sa kanya. Simula noong siya'y pitong taon hanggang ngayon na siya'y labing isang taon na at isa ng ganap na binatilyo, dito na siya nanirahan at lumaki sa Kabundukan ng Nievah. Napagpasyahan ni Ermin at Lynda na mas makakabuting magtago na lamang sila sa dulo ng mundo, dahil dito sila ay malayo sa mga kamay ni Lodell, lalong-lalo na sa puder ni Fierro na hanggang ngayon ay namumuno pa rin bilang Mataas na Emperador ng Cenpyre. Dito na rin nagpakasal at bumuo ng pamilya ang dalawa, biniyayayaan sila ng dalawang supling na sina Eryn at Itoi.
"Anak, maraming salamat nga pala," nahihiyang panimula ni Ermin.
"Para saan?" Pagtataka ni Covel.
"Salamat sa pag-aalaga mo sa mga kapatid mo, lalong-lalo na kay Itoi. Alam naman ng lahat na siya'y espesyal, iba ang pamamaraan niya ng pananalita, ganoon na rin ang kanyang kilos, minsan umaasta siya ng hindi naaangkop sa kanyang edad, pero sa kabila ng lahat hindi ka naiinis at napapagod sa pag-aaruga at pag-unawa sa kanya."
"Ano ba kayo, Tay, kapatid ko si Itoi," sambit ni Covel, "at napakabuti niyang bata. Kahit kailan, hindi ako magsasawa na intindihan siya. Mahal ko sila ni Eryn gaya ng pagmamahal ko sa inyo ni Inay. Hindi niyo na rin kailangang magpasalamat sa akin. Kulang pa itong kabayaran sa laki ng isinakripisyo niyo para sa akin. Inalagaan niyo ko ni Inay, pinalaki at itinuring na parang isang tunay na anak, kahit na buhay niyo ay nalagay sa peligro. Dahil sa inyo, nagkaroon ulit ako ng mga magulang, ng isang pamilya. Kung wala kayo malamang matagal na kong patay ngayon."
Tinapik ni Ermin sa balikat ang anak-anakan, nangingilid na ang mga luha sa kanyang mata. Para sa kanya, anak na rin ang trato niya sa Prinsipeng matagal na niyang pinoprotektahan.
***
Bago umuwi, nagpasya munang mapag-isa si Covel. Umaakyat siya sa itaas ng Bundok Nievah, kung saan kita niya ang buong Lupain ng Nievah mula sa mga nagyeyelong ilog patungo sa kalangitang yakap ng hamog. Bilog ang buwan at maririnig ang sabay-sabay na pag-ungol ng mga lobo, na may pagkakaisa at animo'y isang kanta. Sa kabundukang ito madalas siya pumupunta kapag siya'y may problema o may malalim na iniisip.
Muling bumalik sa gunita ni Covel ang buhay niya sa Palasyo noong nakaraan, na ngayon ay magsisilbi na lamang na mga alaala. Hindi niya rin malimutan ang gabing bumago sa kanyang buhay. Ang gabing nawalay siya sa kanyang mga magulang at mga kapatid.
Cordelia, Yrvin, Ymma, nasaan na kayo ngayon, buhay pa ba kayo? Nagtatago sa isang lupain sa kalayuan kagaya ko? Naaalala niyo rin ba ako gaya ng pag-alala ko sa inyo?
Hindi na matiyak ni Covel ang sagot sa katanungang ito, ang magagawa na lamang niya ay ang umasa.
Tandaan mong isa kang Prinsipe, kailangang maging matapang ka!
Ito ang mga huling salitang binitawan sa kanya ng ama bago sila tuluyang nagkawalay, bago siya pumanaw sa mga kamay ni Fierro. Sa loob ng labing-apat na taon, paulit-ulit niyang naririnig ang mga katagang ito, na parang isang bulong na dumudulog sa kanyang kaluluwa.
Hindi na ko isang Prinsipe ngayon, ako na si Colev, anak ng isang mangingisda, kabilang sa Tubong Nievo...ngunit kailangan ko pa rin maging matapang.
Sa Lupain ng Nievah, tapang ang sandata ninuman, tapang na sumugod sa bagyo ng niyebe, tapang na akyatin ang matatarik na kalupaan, tapang na lumusong sa ilog ng yelo, tapang na mangaso ng mga oso, lobo at iba pang mababangis na hayop. Gayunpaman, sa lupaing ito, nakahanap siya ng bagong tahanan, ng bagong pamilya at ng bagong buhay.
-Kanlungan ng Kanluran-
Balot man ng kasamaan at kadiliman ang Lupain ng Gremon, mayroon pa ring natitirang katiting na liwanag sa malimuot na kabanatang ito ng kanilang kasaysayan. Mayroon pa ring handang ipaglaban ang tama makamit lamang ang hustisya at katarungan para sa mga inaalipusta.
Sa isang abandonadong gusali sa Lupain ng Gremon, matatagpuan ang isang sikretong daluyan sa ilalim ng isang sahig na nahaharangan ng isang malaking estante.Pagkababa sa nasabing daanan, makikita ang isang banderang may Katagang "KNK". Binuo ang mga letra sa disenyo ng mga espadang pinagdikit-dikit. Ito ang simbolo ng Kanlungan ng Kanluran.
***
Naglalakad ang isang binatilyong may katamtamang kutis at pangangatawan, maamo ang kanyang mga mata ngunit mapapansin rin na siya'y maingat sa kanyang pagkilos. Nagtungo siya sa hanay ng ilang kalalakihang nasa dalawampu hanggang apatnapu ang edad. Masaya silang nag-iinuman at naghahalakhakan malapit sa apoyan.
"Alam niyo ba kung ano ang ginawa ko sa Tagapuksang aatake sa akin?" tanong ni Ronis na isa sa mga binatilyong nangunguna sa inuman.
"Ano? Hinagisan mo sila ng isang bote ng alak tapos sabay takbo." sambit ni Toro. Isang binatilyong may katangkaran at may kalaparan ang balikat at pangangatawan.
Nagsitawanan ang lahat sa pangangantyaw ni Toro lalong-lalo na ang kanyang mga kasamang sina Kamlon at Nolan.
"Nakakatawa Toro, palibhasa inggit ka lang sa akin kasi marami akong napatay," pagyayabang ni Ronis. "Ganito ang ginawa ko sa kanya, binasag ko ang itlog niya, habang siya'y mamimilipit, sinamantala ko ang pagkakataon, hinatak ko siya at ibinalibag sa-"
Naantala ang kanyang pagkukuwento nang lumapit ang malumanay na binatilyo sa pangkat.
"Paumanhin kung nakakaabala ako sa kasiyahan," mas maamo pa sa tupa ang malumanay niyang tinig.
"Anong kailangan mo, Jualem?" sigang tanong ni Toro na halata ang pagkayamot sa kanyang pang-iistorbo.
"Hindi mo ba nakikitang nagkukuwento ako?" dagdag ni Ronis, "tara nga dito at uminom ka ng mabinyagan ka na."
Umiling ang maamong binata sa kanyang pag-aalok. "Nais ko lang ipaalam sa inyo na ipinapatawag kayo ni Pinunong Haurre para isang pagpupulong na gaganapin mamaya."
"Pagpupulong?" pagtataka ni Kamlon.
"Hindi ba katatapos lang natin makipaglaban kanina tapos ngayon may pagpupulong ulit?" pagrereklamo ni Nolan.
"Oo nga, hindi pa nga tapos ang kwento ko at inom na inom pa ako " tutungga na sana sa kanyang bote si Ronis pero siya ay pinigilan ni Toro.
"Tama na iyan, may bukas pa," tugon ni Toro. "Mag-ayos na tayong lahat. Hindi dapat tayo makitang lasing ng Pinunong Haurre. Bangon na."
Nagsunuran ang mga kalalakihan sa atas ni Toro, bukod kay Haurre, sa kanya sumusunod ang mga miyembro ng Kapatiran.
***
Nagkumpulan ang mga kalalakihan sa kanilang munting Silid-Pulungan, naghihintay sa pagdating ng kanilang Pinuno. Makalipas ang sampung minuto, namataan nilang paparating na si Haurre. Sa edad na animnapung lima, tuwid pa rin ang tindig ng dating Kawal at halos hindi mahahalata ang kanyang gulang. Umupo siya sa kabilang dulo ng isang mahabang mesa at hinarap ang kanyang mga tagasunod.
"Ito po," saad ni Bilbel, isang matabang binatilyong nagsisilbing tagapagluto ng samahan, pinaghanda niya ng mga prutas at tinapay ang Pinuno. Isang tasa naman ng alak mula sa katas ng ubas ang isinunod ng isang miyembrong binansagan nilang Buto dahil sa kanyang payat na pangangatawan.
"Maraming salamat," napangiti ang Kataas-Taasang pinuno ng samahan, "naririto na ba ang lahat, Jualem?"
"Opo, Pinuno," malugod na sagot ni Jualem.
"Mabuti," sabi ni Haurre,"magsimula na tayo. Kamusta na nga pala ang mga naligtas natin kanina?"
"Ihinatid na po sila ng mga kasapi patungo sa Lupain ng Nievah, magiging ligtas na sila," ibinalita ni Toro.
"Kung ganoon dapat tayo magbunyi sa ating mga sarili sapagkat may mga buhay na naman tayong naisalba laban sa kasamaan ni Lodell. Sa kabila nito, hindi pa rin mapawi ang pangamba ko sa kalagayan ng kapatiran. Marami na ang nalagas sa ating mga kasamahan sa digmaan noong mga nakaraang araw, unti-unti na tayong humihina habang mas lalo namang lumalakas ang pwersa ng mga kaaway."
"Hindi lang po iyon, Pinuno," sumingit si Toro sa usapan, "ang balita ko nilalason na ni Lodell ang isipan ng mga iba pa nating tagasuporta. Nagtatanim siya ng takot sa isipan nila. Tinuturing na nila tayong mga rebelde at tulisan, tinasaan pa niya ang patong sa mga ulo natin at marami ang sakim sa pera. Sa susunod, idadawit na nila ang Kilusan sa mga krimeng sila mismo ang may gawa. Palibhasa nasa panig niya ang Emperador kaya malakas ang loob niyang tapak-tapakan tayo. Hawak niya ang tiwala at suporta ng nakakarami. Para lamang tayong mga dagang naglalakas-loob sa teritoryo ng mga pusa. Ganoong kababa lamang ang tingin nila sa atin. Iilan na lamang ang naniniwala sa ating ipinaglalaban."
Nanahimik ang lahat sa sinabi ni Toro, maging ang Pinunong Haurre, nauunawaan niya ang ipinupunto ng binatilyo. Nagsisimula ng panghinaan ng loob ang ilan.
"Kumagat na ang mga Kanluranin sa patibong niya dahil sila ay bulag sa katotohanan. Naiiba tayo sa kanila, tanging sa Kanluran lamang ang ating katapatan, hindi sa sinumang Pinuno, Hari o Panginoon. Kahit na nasa kanya pa ang suporta at pagmamahal ng taumbayan, Kung nakikita nating hindi na wasto ang pamamalakad niya sa ating Lupang Tinubuan, walang makakapigil sa atin na maghimagksik! Hanggang binabalewala at niyuyurakan nila ang karapatang-pantao. Hanggang sila'y gumagawa ng tulisan sa mga mararangal at nag-aangat sa mga masasama, Hindi tayo mananahimik, lalaban tayo hanggang sa huling katao. Kakampi man niya ang mga bulag na Kanluranin hindi dapat tayo matakot pagkat tayo ang nasa tama, nasa panig natin ang Poong-Maykapal, siya ang ating Kanlungan. Nabubuhay silang mga sakim sa kapangyarihan, tayong mararangal ay nabubuhay para sa prinsipyo."
"Tama si Pinuno!" sigaw ni Buto. "Lalaban tayo!"
"Isang grupo laban sa kanilang lahat! Hindi tayo susuko!" dagdag pa ni Bilbel.
"Ano pang hinihintay natin? Sugurin na natin ang kuta nila!" Suhestiyon ni Ronis.
"Sandali lang muna," pananaway ni Haurre, "batid kong buo na ang inyong loob, hindi natin susukuang ipaglaban ang Kanluranin ngunit kailangan nating maging maingat. Isang bagay na natutunan ko noong ako'y isang kawal pa ay hindi dapat tayo magpadalos-dalos sa anumang laban. Kailangan suriin muna nating mabuti ang kaaway, kung ano ang kanyang lakas at kahinaan. Ano ba ang lamang niya sa atin at paano natin siya matatalo?"
"May kapangyarihan sila at hawak sila ng Emperador," muling pag-uulit ni Toro, "yun ang lamang nila sa atin."
"Tama si Toro, maliliit na tao lamang tayo para kalabanin ang makapangyarihang taong kagaya ni Lodell at kakampi niya ang Mataas na Emperador. Kailangan natin ng tulong mula sa nakakataas. Sa ngayon dehado ang ating pwersa, aminin man natin o hindi. Kailangan natin ng kakamping may kapangyarihan, kundi tuluyan na nila tayong matatalo at mapupunta sa wala ang lahat ng ipinaglalaban natin."
"Ang tanong ay sino?" pagsingit ni Ronis.
Ang lahat ay napapaisip kung sinong nakakataas pa ang dudulog sa kanilang hinaing sa panahong kumakapit ang lahat sa makapangyarihan na parang linta.
Humakbang si Jualem papalapit kay Haurre, "Pinuno, kung inyo pong mamarapatin, hindi niyo man ako maaasahan sa pakikipaglaban, sana kahit paano ay makatulong ang aking suhestiyon sa ating suliranin."
"Malaya kang ipahayag ang iyong saloobin, Jualem," pahintulot ni Haurre sa binatilyo.
Napaubo muna si Jualem bago magsalita, ninenerbyos na baka walang makagusto sa kanyang mungkahi.
"Papaano kung ang makapangyarihan at nakatataas na kakamping makakatulong sa atin ay naninirahan lamang sa Lupain ng Nievah bilang isa ordinaryong mamamayan?"
Nagtaka ang lahat sa sinabi ni Jualem, nagsabay-sabay ang kanilang pag-uusap at napahampas ang Pinuno sa mesa.
"Sino ang tinutukoy mo?" Walang paligoy-ligoy na tanong ni Toro.
"Ang Tunay na Tagapagmana ng Trono," napagtanto ni Haurre. "Si Prinsipe Covel. Halos makalimutan ko na ang tungkol sa kanya. Ilang taon na ring kumalas sa Kapatiran ang Ama-amahan niyang si Ermin dahil gusto na niyang lumagay sa tahimik, hindi ko na sila maaaring guluhin...pero sa isang banda..."
Nanlaki ang mga mata ni Haurre na para bang may ideyang nanliwanag sa kanyang kaisipan.
"Malaki nga ang maitutulong sa atin ni Prinsipe Covel sa labang ito. Kapag nakuha na niya ang Buong Lupain kay Fierro, mawawalan na ng kapangyarihan si Lodell at maibabalik na ang minimithi nating kapayapaan sa Kanluran."
"Mawalang-galang lang po Pinuno," sumabat agad si Toro, "pero paano kung imbes na mapabuti, lalo lamang tayong mapasama kapag isinali pa natin ang Covel na iyan sa ating laban? Baka nakakalimutan nating hindi siya pangkaraniwang tao. Pinaghahahanap siya ng Emperador, sa oras na matunton nito ang kinaroroonan niya at kaanib na natin siya, pati tayo ay babagsak kasama niya."
"Hindi mangyayari iyon, Toro," kumpiyansang sinabi ni Haurre, "akala ni Fierro matagal ng patay si Covel at ito ay dahil sa tulong ng mga yumao kong mga kawal noong gabing itinakas nila ang mga ito. Hindi siya mapapaghinalaan. Ang kailangan muna nating gawin sa ngayon ay ang hasain ang batang Prinsipe. Gawin natin siyang isa sa atin, tuturuan natin siya kung paano maging isang ganap na mandirigma, ipauunawa natin sa kanya ang ating ipinaglalaban at pagdating ng panahon, siya mismo ang tutulong sa atin na sagipin ang Kanluran."
Nagsabay-sabay ulit ang diskusyon ng karamihan, sang-ayon ang lahat sa mungkahi ni Haurre pwera lamang kay Toro na hanggang ngayon ay may pangamba at pag-aalinlangan pa rin sa nasabing plano.
"Bago ang lahat, kailangan ko munang humingi ng permiso kay Ermin. Bilang ama-amahan, may karapatan siyang magpasya kung papayag ba siya o hindi. Ancho!"
"Pinuno," tumayo ang isang binatilyong tinatawag nilang Ancho. Siya ang ang nagsisilbing tagakolekta ng mga pera at pondo ng Kilusan.
"Magtungo ka sa Kabundukan ng Nievah," atas ni Pinunong Haurre, "hanapin mo si Ermin at papuntahin mo dito. Sabihin mong kailangan ko ang tulong niya."
"Masusunod, Pinuno," sagot ni Ancho.
-Kabundukan ng Nievah-
Umuwi si Covel sa kanilang maliit na pamayanan na matatagpuan pagkalagpas ng ilog. Kabilang na ang kanyang pamilya sa mga Tubong Nievo, mga katutubong namumuhay sa yelohan. Sila'y hindi aabot sa limang talampakan, may kahabaan ang kanilang mga buhok, bilugang ilong at pisngi at kurbang mga mata. Natutong makipamuhay sina Ermin sa kanila at sila'y malugod na pinatira rito mg kanilang Amang na si None.
Patungo na si Covel sa kanilang maliit ngunit bilugang tolda na mahahalintulad sa isang iglo, bago pa siya makapasok sa loob, lumundag palabas ang isang mabalahibong hayop. Siya'y may pagkakatulad sa isang lobo pero siya'y mas maliit at mas payat. Napabagsak ang binatilyo sa kanyang pwersa at siya'y pinupog nito ng dila sa pisngi. Malakas ang paggalaw ng kanyang buntot.
"Masugid, talagang inaabangan mo akong umuwi," natatawang saad ni Covel habang patuloy ang pagdila sa kanya ng mabalahibong aso.
Lumabas mula sa tolda ang Ina-inahan niyang si Lynda na ngayon ay bahagyang lumapad na rin ang pangangatawan nang dahil sa panganganak.
"Buti naman at nakauwi ka na, anak," pagbati niya sa itinuturing na panganay.
"Nay," tumayo si Covel at niyakap ang ina, "nakauwi na ba si Eryn at Itoi?"
"Tulog na sila," ipinaalam ni Lynda, "Halos hindi tumigil si Itoi sa kakakwento sa nahuli niyang isda."
Napahalakhak si Covel sa pagsasalaysay ng ina, "si Itay po nakauwi na?"
"Hindi pa, akala ko nga magkasama kayo."
"Malamang pauwi na rin iyon."
Ilang saglit lamang, gumalaw ang ilong ni Masugid, suminghot ito na parang may kakaibang naamoy, pagkatapos siya ay umungol na kahalintulad ng isang lobo. Lumabas ang mag-ina upang tignan kung ano ang nangyayari sa labas.
Namataan nila si Ermin, kasunod niya sa kanyang likuran ang isang grupo na mahigit ay nasa tatlumpu. Ang iba ay mapuputla at ang iba naman ay may kaitiman, malamang ay nasa apat hanggang lima ang pamilya ng mga Itmai at Puttlan. Halata sa kanilang mga ekspresyon ang pagod at hirap.
"Ermin, anong nangyari?" tanong ni Lynda sa asawa.
"Mga Itmai at Puttlan, nakasalubong ko sila malapit sa may ilog," paliwanag ni Ermin, "kailangan nila ng tulong natin."
"Inuusig kami ng pwersa ng Mataas na Panginoon, hindi sila titigil hanggang hindi nila kami nauubos," saad ng isang babaeng Itmai. "Papatayin nila kaming lahat."
"Nakaligtas lamang kami sa tulong ng Kapatiran," itinuloy ng isang lalaking Puttlan ang pagsasalaysay. "Sinabi nilang magtungo kami sa Hilaga, dito sa Lupain ng Nievah, sumakay ng bangka at puntahan ang unang Kabayanan pagkalagpas namin ng ilog. Sabi nila matutulungan niyo raw kaming makapagtago."
"Halika," walang pag-aalinlangan na paanyaya ni Lynda, "ipagpapaalam namin kayo kay Amang None kung mapapahintulutan niya kayong manatili rito."
***
Hinarap ni Ermin at Lynda ang mga estranghero sa kanilang pinuno na si Amang None, na maihahalintulad na sa matandang punong kahoy sa kanyang katandaan at mahabang buhok. Kasama ang kanyang mga konseho, taimtim nilang pinagmasdan ang mga bagong salta. Hindi marunong magsalita ng Dialektong Niev ang mga Itmai at Puttlan kaya naman isinalin ni Ermin sa Amang ang nais nilang sabihin.
Nagbigay ng kanyang pahayag ang matandang pinuno sa salitang Niev na siya namang isinalin ni Ermin para sa mga panauhin.
"Ang sabi ni Amang ay wala siyang anumang diskriminasyon sa ibang lahi, Cenpyero man o Kanluranin, Silangan man o Itmai at Puttlan, basta't mabubuti ang inyong mithiin, papayagan niya kayong manatili dito sa Lupain ng Nievah hanggang kailan niyo gusto."
Napawi ang takot sa mga mukha ng mga batang Itmai at Puttlan at nagsingitian ang kanilang mga magulang at kaanak.
"Maraming salamat po," saad ng isang lalaki kay Ermin pagkatapos siya'y yumuko sa harap ni Amang None.
"Nay, sino po ang sinasabi nilang 'Kapatiran'?" pagtatanong ni Covel kay Lynda.
"Ang Kanlungan ng Kanluran," paliwanag ni Lynda, "isang samahan na tumutuligsa sa maling pamumuno ni Lodell at sumasagip ng mga Itmai at Puttlan sa kapahamakan."
"Napakasama talaga ng Mataas na Panginoon," napapailing si Covel sa pagkainis, "kahit mga batang inosente nais niyang patayin dahil lamang may dugo silang Itmai at Puttlan, buti na lang nandyan ang Kapatiran para kalabanin siya. Marami silang buhay na naililigtas."
***
Kinabukasan, humahanap na ng tyempo si Ermin kung paano sasabihin sa kabiyak na humihingi sa kanya ng tulong ang Pinunong Haurre, matapos itong ipaalam sa kanya ni Ancho kagabi bago pa niya ihatid ang mga Itmai at Puttlan sa bayan.
Namataan niyang naglalaro ang anak na si Itoi ng kanyang mga laruang hayop habang nagluluto naman si Lynda.
"Nasaan si Covel at si Eryn?" tanong niya.
"Nasa labas, inihahanda na yung mga gagamitin nila sa pangingisda," napansin ni Lynda na para bang may gustong sabihin sa kanya ang asawa. "Anong meron?"
"Lynda, may dapat kang malaman," saad ni Ermin, pumwesto siya sa may sulok at sumunod naman si Lynda sa kanya.
"Ano yun?"
"Kahapon bago ko ihatid dito ang mga Itmai at Puttlan, may isang miyembro ng Kapatiran ang kumausap sa akin, pinapupunta niya ako sa Lupain ng Gremon, sabi niya nangangailangan daw ng tulong ang Pinunong Haurre."
Napailing sa pagkadismaya si Lynda sa ipinagtapat ng asawa, "kung hinihikayat ka niyang bumalik sa Kapatiran, alam mo na ang isasagot ko sa'yo."
"Lynda..."
"Labas na tayo sa digmaang nagaganap sa Gremon," pagpapatuloy niya.
"Mahal sana naman maunawaan mo, hindi ko maaaring basta na lang tanggihan si Pinunong Haurre," pagpapaliwanag ni Ermin, "malaki ang utang na loob natin sa kanya, kung hindi dahil sa kanya, wala tayo sa kinalalagyan natin ngayon."
"Matagal mo ng nabayaran ang utang natin sa kanya nung sumapi ka sa Kapitaran noon," pagmamatigas ni Lynda, "tandang-tanda ko pa noong ipinagbubuntis ko si Eryn at wala ka sa tabi ko dahil nakikikipaglaban ka kasama nila. Alalang-alala ako sa'yo. Iniisip ko kung makikita pa ba kita, kung makakauwi ka pa ba, tapos ngayon babalikan mo sila. Anong gagawin mo doon, makikipaglaban sa hidwaan nilang walang katapusan? Isipin mo naman ako at ang mga anak natin. Kailangan ka ni Covel, ni Eryn at lalong-lalo na ni Itoi."
"Wala akong magagawa sa ngayon kundi sumunod," tugon ni Ermin, "kakausapin lang naman ako ni Pinunong Haurre, aalamin ko lang kung sa paanong paraan ako makakatulong sa kanya. Hindi nangangahulugang sasapi na ulit ako sa samahan. Huwag ka ng magalit, Lynda."
Niyakap niya mula sa likod ang kabiyak bilang paglalambing.
"Bahala ka sa buhay mo, hindi ka naman nakikinig sa akin," may bahid pa rin ng pagkayamot ang tono ni Lynda, "isa lang ang hiling ko sa'yo. Huwag mo nang idamay dito si Covel."
"Huwag kang mag-alala, hindi ko ipapaalam sa kanya kung saan ako pupunta, pangako," hinagkan ni Ermin sa pisngi ang asawa.
***
Pagsapit ng mahamog na hatinggabi, nagsimula ng maghakot ng mga gamit si Ermin para sa kanyang nalalapit na pag-alis. Isinama niya sa mga kagamitan ang espadang bigay sa kanya ng kanyang Tiyo Jortan, ang parehong armas na kanyang kasangga noong siya'y miyembro pa ng kapatiran isang dekada na ang nakalipas.
Nagtungo siya sa ilog at nanghuli ng mga salmon, pagkatapos ay hinakot niya rin ito gamit ang makakapal na tela. Lingid sa kanyang kaalaman, pinagmamasdan na siya ni Covel.
"Hindi ba masyado nang gabi para manghuli ng isda?" Pambungad ng binatilyo sa kanya.
"Anak, bakit gising ka pa?" malumanay na sagot ni Ermin nang malamang naroroon si Covel.
"Naririnig kitang naghahakot ng mga gamit mo," saad ni Covel. "Saan ba ang punta? Anong oras ba tayo aalis? Tulungan ko na kayong maghakot."
"Covel, hindi isang ordinaryong kabayanan ang aking pupuntahan," paglalahad ni Ermin, "ako'y magtutungo sa Lupain ng Gremon."
"Lupain ng Gremon?" napaisip si Covel sa nasabing lugar. "Hindi ba mapanganib doon? Di ba nga doon nagmula ang mga kahabag-habag na Itmai at Puttlan na tinulungan natin. Bakit naman kayo pupunta dun?"
Napaisip si Ermin ng maidadahilan sa anak, "napag-alaman kong mabenta ngayon ang mga huli nating salmon sa kanilang merkado at malaki-laki ang kikitain natin."
Naniwala naman kaagad si Covel sa paliwanag ng ama-amahan. "kung ganun, samahan ko na kayo."
"Anak, sa pagkakataong ito, hindi ka maaaring sumama," sagot ni Ermin.
"Bakit naman hindi, magbebenta lang naman tayo ng mga isda," pagtataka ni Covel. "Hindi naman tayo makikipaglaban o makikisali sa kaguluhan."
Nagpakawala ng bugtong-hininga si Ermin sa pamimilit ni Covel. "Covel, ilang ulit ko bang kailangang ipaunawa sa'yo na hindi ka maaaring umalis sa Kabundukan. Isang pagkakamali lamang, isang tao lamang ang makakilala sa'yo at tapos ka na. Tapos na ang lahat ng ating pinaghirapan."
"Pero Tay, hindi na ko bata, kaya ko ng protektahan ang sarili ko," pagmamalaki ni Covel, "habang pinipigilan niyo ko, mas lalo akong napapaisip na mayroon kayong inililihim sa akin. Mayroon ba?"
Natagalan si Ermin na sagutin ang tanong ni Covel, ayaw niyang magsinungaling sa kanya pero hindi niya rin maaaring sabihin sa kanya na siya'y makikipagkita sa Kapatiran, sa magulong mundo ng Kanluran.
"Anak, sa buhay minsan may mga digmaang hindi sa atin para labanan," pangaral niya sa anak. Ayaw na niyang isali si Covel sa hidwaan ng Mataas na Pinuno at ng Kapatiran.
"At sino naman nagsabing ipagpapalit ko ang tahimik na pamumuhay natin dito sa kabundukan para makipaglaro sa digmaan nila?"
Napansin ni Ermin ang seryosong tinig ni Covel.
"Covel, minsan ba hindi sumagi sa isip mo na bumalik sa Imperyong Cenpyre at bawiin ang trono ng nasira mong Ama?"
"Para saan pa?" lalong tumindig ang tinig ni Covel. "Kung ang Ama ko nga na pinakamakapangyarihan sa Buong Lupain ay nagawang pabagsakin ng taumbayan, paano pa ang isang musmos na Prinsipeng katulad ko? Wala na akong maaasahan pa sa mga Cenpyero, tinalikuran nila kami, pinagtaksilan nila ang aking Ama at kung ako'y magbabalik, malamang tumulad lamang ako sa naging kapalaran niya."
Nalulungkot si Ermin na isipin na may sama ng loob ang Prinsipe sa kanyang mga kababayan ngunit hindi niya ito masisisi kung ito ang nararamdaman niya.
"Covel, si Fierro ang may kasalanan ng lahat, gumawa siya ng krimen at idinawit niya si Costan. Nilason niya ang isip ng mga Cenpyero. Wala ka bang balak na hamunin siya?"
Tila napuno na si Covel nang marinig niya ang pangalan ni Fierro. Matulin niyang itinusok ang kanyang sibat sa tubig at isang malaking salmon ang nahuli niya.
"Kung alam mo lang kung gaano ko siya kinamumuhian," nanggagalaiting sambit ni Covel. "Walang magpapatahimik sa akin kundi ang makitang nakabaon sa puso niya ang aking sibat!"
"Nauunawaan kita," inaakbayan ni Ermin ang binatilyo, "alam ko ang lahat ng hinanakit sa puso mo at gusto mo lamang ay ang isang buhay na tahimik at mapayapa, pero pagdating ng panahon, kapag handa ka na, darating ang araw na magbabalik ka sa Imperyong Cenpyre para harapin ang sugat ng nakaraan ng sa ganoon ay maghilom ito ng lubusan."
Nagpatuloy si Ermin sa paghahakot ng mga isda, "magpahinga ka na, magpapahinga na ako at maaga pa ang alis ko bukas. Mga ilang linggo rin akong mawawala. Ikaw na muna ang bahala sa Inay at mga kapatid mo."
Naiwan si Covel na napapaisip sa nalalapit na paglisan ng kanyang ama-amahan, itinusok na lamang niya ang kanyang sibat sa ilog at nagpatuloy sa pangingisda.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro