Kabanata 1: Aric
Ang buhay ay maihahalintulad sa espadang ipinapanday, lahat tayo ay malakas at matibay na sa umpisa pa lang tulad ng isang bakal, ngunit minsan kailangan din nating dumaan sa pagsubok at paghihirap, sa initan at ulingan. Palalambutin tayo nito gaya ng pagpapalambot ng mga nagbabagang uling sa isang bakal, nang sa ganoon kapag humampas sa atin ang hamon ng kapalaran ay makukuha natin ang naaangkop nating hulma, pagkatapos tayo ay hahasain hanggang sa tayo ay maging matalas at malakas. Gagamitin ang espada ng mga kawal at mandirigma bilang kanilang armas at instrumento, gaya nito tayo ay armas at instrumento rin tayo ng mga Diyos.
Tuk! Tuk! Tuk!
Malutong ang paghampas ng mga maso sa matulis na bakal na malambot-lambot pa galing sa nagbabagang ulingan. Sa bawat pukpok, nahuhubog ang porma ng espada sa naangkop nitong hugis. Katumbas ng kalahating tao ang haba ng bakal, may katulisan ang dulo nito ngunit hindi gaanong kalapad. Pagkatapos pukpukin ang pinakuluang bakal, ang talas at talim naman ng espada ang kailangang paigtingin. Hinasa ito gamit ang isang umiikot na hasaan na nagdudulot ng nakangingilong tunog sa tenga at nagtatalsik ng pino at nagbabagang piraso ng bakal. Sumunod, ikinabit ang nahasang espada sa hawakan gamit ang pandikit na walang kasing lapot at lagkit. Mahalagang matibay ang pundasyon ng hawakan nang sa ganoon ay hindi makalas ang espada sa pagkakahawak nang kung sino man ang gagamit dito.
Kasalukuyang nagpapanday ang dalawang binatilyo. Ang una ay purong Taga-Silangan, may katamtamang pangangatawan at nagpapanday ng mga tarak, itak at kutsilyo. Ang isa naman ay may lahing Cenpyero, purong itim ang may kahabaan niyang buhok, may tingkad ng pamumula ang kulay kape niyang mga mata at may kakasigan ang pangangatawan niya, na malamang ay nakuha niya sa ilang taon niyang pagpapanday. Siya ang nagpapanday ng mga pang malakasang espada at iba pang gamit pandigma ng mga Kawal sa Silangan.
"Kamusta ang espada ng Kapitan, Aric?" tanong ng unang binatilyong si Eron sa matikas na panday.
"Ito tapos na," sagot ni Aric na ngayon ay isa nang ganap na binatilyo at bihasang panday. "Sabi ko naman, kayang-kaya ko tong gawin kahit nakapikit pa ang mga mata ko."
"Ang tanong, dadagdagan niya kaya ang bayad niya sa'yo?" tugon ni Eron sa kaibigan.
"Walang duda, sa ayos ba naman ng gawa ko," pagmamalaki ng binatilyo. "At ikaw ayusin mo yung paggawa mo dyan para dagdagan ko rin ang kita mo."
***
Ilang oras lamang ang nakaraan mula nang magtungo sa Pandayan ni Rito ang isang prominenteng tao ng Silangan. Si Uwalhid, Ang Kapitan ng mga Kawal ni Haring Rucaz na tanyag sa kanyang galing sa pakikidigma at sa kanyang katapatan sa hari. Lagpas anim na talampakan ang laki ng ng Kapitan, balbas sarado ang kanyang pisngi at nakasuot sa kanyang katawan ang kanyang mga bakal na armas na lalong nagbigay ng gara sa kanyang anyo.
Siniyasat niya ang Pandayan ni Rito, ang establishamentong itinatag ni Sarito mula nang sila ay lumikas sa Silangan. Natutunan ni Sarito o mas kilala na ngayon sa tawag na 'Rito' ang pagpapanday sa isang kaibigan, nagtayo siya ng pandayan at di kalaunan umunlad ang kanyang munting negosyo. Dito na nagpapagawa ng espada ang karamihan sa mga kawal at tauhan ni Haring Rucaz at isa na rito si Uwalhid.
Nagpapanday si Aric ng espada nang pumasok ang kagalang-galang na Kapitan.
"Kapitan Uwalhid," pagbati ni Aric. Tinigilan niya ang pagpapanday sa espada. "Magandang umaga po."
Pumukaw sa pansin ni Aric ang bakal na armas ni Uwalhid.
"Aric?" pinagmasdan ni Uwalhid ang mukha ng binatilyo, tila nakikilala niya ito. "Ikaw si Aric di ba? Ang anak ni Rito?"
"Opo ako nga," paglalahad niya.
"Nasaan ang ama mo?"
"Nasa bahay po siya kasama ni Tiyang Sania, ako na po ang namamahala dito sa Pandayan mula ng maasikdente siya at mapilay ang isa niyang binti."
"Ah ganun ba?" Ngayon lamang ito nalaman ng Kapitan, "pasensya na matagal na nung huli akong pumunta dito, di ko alam na ikaw na pala ang namamahala rito."
"Kailangan po ba ng bagong espada ng mga kawal nyo? Kaya ko silang igawa nang kasintibay ng gawa ni ama."
"Hindi sila," pagtatama ng Kapitan, "sa totoo lang ako ang nais magpagawa sayo. Ilang araw lang, aalis kami ng mga piling kawal para sa isang mahalagang paglalakbay sa utos ni Haring Rucaz. Hindi ko alam kung anong klaseng mga nilalang ang makakaharap namin doon, kaya kailangan ko ng isang espadang matalas, matibay at maaasahan sa oras ng bakbakan. Buo pa naman ang espada ko pero kung ikukumpara sa tao siya ay..."
"Napaglipasan na?" tila napagtanto ni Aric na parinig ng Kapitan ito sa kanyang Ama.
"Tama, kuluban na, hindi na matalas at makakaprotekta sa akin, kaya naman kailangan ko na ng bagong kapalit."
"Kailangan ko po ng disenyo ng nais nyong espada nang sa ganoon ay malaman ko ang naaangkop na bakal at hawakan para sa kanya," paliwanag ni Aric, "mayroon po ba kayong imahe?"
Sumenyas si Uwalhid sa isa niyang kawal at inabot nito sa kanya ang isang papel na may guhit ng disenyo.
Sinuri ito ni Aric at sa unang tingin pa lang niya, alam na niya kung anong bakal ang kanyang gagamitin.
"Madali lang itong pandayin," kumpyansang isinagot ng binatilyo sa Kapitan, "kayang-kaya ko ito kahit nakapikit ako."
"Inaasahan ko yan, bata," tinapik ni Uwalhid sa braso ang binatilyo. "Ito."
Inilapag niya sa mesa ang isang maliit na sako ng pera. "40 Gintong Silangan bilang paunang bayad, dadagdagan ko pa yan ng 40 kung maayos ang pagkakagawa."
"Maraming salamat po, Kapitan," tugon ni Aric. "Kung inyo pong mamarapatin, saan po ba kayong Lupain tutungo at para saan po ba ang lahat ng ito?"
"Ito ay malalaman pa lang rin namin," saad ni Uwalhid, "pero isa lang ang masasabi ko, tiyak na ito ay sa isang malayong lupain. Hindi ko maaaring ipaalam sa kanino man ang aming sadya, mahigpit itong ipinagbilin ng Hari. Kailangan namin itong ilihim para sa kapakanan ng aming misyon. Mas kaunti ang nakakaalam, mas mainam. Babalikan ko na lang mamaya ang espada. Ayusin mo ang paggawa."
"Hindi po kayo madidismaya, Kapitan Uwalhid," paninigurado ng binatilyo.
***
Nagbalik si Uwalhid ilang oras lamang gaya ng kanyang ipinangako.
"Inaasahan kong tapos mo ng gawin ang espada ko, Aric" hindi na siya nagpaligoy-ligoy pa.
"Tapos na po at kanina pa naghihintay sa pagdating mo Kapitan," kinuha ni Aric ang espada na nakabalot pa sa isang tela. "Kayo na po ang humusga."
Inirolyo ng Kapitan ang tela at pinagmasdan ang espada, kinuha niya ang disenyo at ikinumpara ang dalawa, halos walang pagkakaiba ang nakaguhit na disenyo sa nagawang espada ni Aric. Pareho ang sukat, haba at lapad. Lahat ay sakto hanggang sa pinakamaliit na detalye, namangha ang Kapitan ngunit hindi niya ito pinahalata sa Panday.
"Maganda siya, ayos sa paninigin," nanatiling karaniwan ang kanyang tinig. "Pero komportable kaya siya sa kamay?"
"Bakit di niyo po hawakan ng malaman nyo," muling nagbigay ng hamon si Aric.
Kinuha ni Uwalhid ang espada at sa kanyang pagkagulat, higit itong mas magaan sa inaasahan niya. "Magaang siya, hindi ako mahihirapang gumalaw dito."
Inugay niya ang espada at ito ay walang kasing liksi, naramdaman niya rin ang higpit ng kapit ng hawakan.
"Walang kauga-uga."
Tinantsa niya ang habi ng espada at ipinuwesto ang dulo ng kanyang daliri sa talim nito.
"Walang kasing talas ang pagkakahasa ko sa kanya," pagpapatuloy ni Aric, "subukan nyo."
Nagpatong si Aric ng kahoy sa kanyang mesa. Inugay dito ni Uwalhid ang espada at sa isang kisap-mata, nahati sa dalawa ang kahoy sa angking talas ng espada.
"Magaling, magaling," sa pagkakataong ito, hindi na napigilan ng Kapitan na purian ang espada. "Maayos ang pagkakayari, tiyak na mapapakinabangan ko ito sa aming paroroonan. May talento ka sa pagpapanday gaya ng iyong ama, naturuan ka niya ng maayos."
"Nagagalak po akong marinig yan," tugon ni Aric.
"Gaya ng ipinangako ko," hinagis ni Uwalhid kay Aric ang maliit na sako na naglalaman ng 40 Gintong Silangan at ito ay matagumpay niyang nasalo. "Dahil hindi mo ko nadismaya."
"Maraming salamat po," nakangiting tugon ni Aric bago umalis ang Kapitan sa kanyang establishamento.
***
Pagsapit ng hapon, natapos na rin Eron ang mga espadang pinasadya sa kanya ng dalawang kawal ng Hari. Binayaran nila ang binatilyo ng tig 20 Gintong Silangan sa bawat espada gaya ng karaniwang bayad ng mga kawal.
"Sapat na siguro to sa pupuntahan natin," saad ng unang kawal.
"Oo naman, tingin ko naman walang patutunguhan ang paglalakbay na ito," tugon ng ikalawa.
Kunwaring naghahasa si Aric ng mga tarak ngunit sa totoo lang nakikinig siya sa usapan ng dalawa, para bang bigla siyang nagkaroon ng interes sa kanilang misyon.
Ano ba talaga ang misyon na ito? Bakit mahalaga sa Hari pero balewala lang sa mga Kawal?
"Tama ka, saan ba naman natin mahahanap ang mga Tribong Myongan? Napakaraming isla dito sa Silangan."
Nagkalingunan si Aric at Eron nang marinig ang salitang Myongan.
"Baka nga nasa dulo na ng mundo ang mga iyon."
"Baka nahulog na sa dulo ng mundo, sa walang kasing taas na bangin ng kawalan," biro ng isa.
"Imposible yan, bilog ang mundo, tanga. Tiyak na may lungga ang mga Myongan na iyan, sa lugar na malayong-malayo dito."
"Nababaliw na talaga ang Hari sa pagnanasa niyang malipol ang mga Myongan, biruin mo nangako pa siyang gagawin niyang isang Kawal ang sinumang makakapagturo sa pinagtataguan nila."
Nandilat ang mga mata ni Aric sa narinig.
"Ang swerte naman ng lalaking yun kung sino man siya," pagpapatuloy ng kawal.
"Anong sabi nyo?" nakisabat na si Aric sa usapan ng dalawa. "Handang gawing kawal ng Hari ang sinumang makakapagturo sa kinaroroonan ng mga Tribo?"
"Oo yun ang pagkakaalam namin," sagot ng Kawal pagkatapos sila ay umalis na sa Pandayan.
Bata pa lang, pangarap na ni Aric na maging isang ganap na Kawal gaya ng kanyang Ama noon, nais niyang maglingkod sa isang pinuno at makipagdigma sa mga kalaban. Kung hindi lamang nagkagulo sa Imperyong Cenpyre malamang isa na siyang ganap na Kawal ngayon.
Ito na nga ba ang pagkakataon ko?
***
Nagmadaling umuwi si Aric sa kanilang bahay at pansamantalang isinarado ang pandayan. Kasama niya sa iisang bubong ang amang si Sarito at ang tiyahin nitong si Sania. Malaki na ang ipinagbago ni Sarito, kung ano mang lakas at tikas ang mayroon siya dati, naglaho na ang lahat ng iyon buhat ng maaksidente siya sa pagawaan at mapilay ang isa niyang paa. Ngayon gumagamit na siya ng tungkod para suportahan ang kanyang nanghihinang paa, gayumpaman di pa naman halata ang edad sa kanyang anyo. Si Sania naman ay nagkaedad na at pumuti na ang buhok ngunit may kalakasan pa naman ang pangangatawan.
"Ama, Tiyang," masiglang sumulpot si Aric sa may pinto, "may ibabalita ako sa inyo."
"Ano yun, anak?" tanong ni Sarito.
"Magtutungo si Kapitan Uwalhid at ang kanyang mga kawal sa isang sikretong misyon sa utos ng Hari," saad ng binatilyo.
"Anong misyon?" pag-usisa ng Tiyang Sania niya.
"Ang hanapin at sugpuin ang Tribong Myongan," paglalahad niya, "at nangako rin si Haring Rucaz na gagawin niyang Kawal ang taong makakahanap ng kanilang lungga."
"At ano naman ang gagawin mo?" napapaghalataan na ni Sarito kung saan patungo ang kanilang usapan.
"Gusto ko sanang humingi ng permiso sa Hari kung pwede akong sumama sa paglalakbay nila. Malay mo makatulong ako sa kanila at matutupad ko na rin ang matagal ko ng pinapangarap, ang maging isang ganap na Kawal."
"Anak ng tokwa kang bata ka," nagulantang si Sania sa sinabi niya.
Napabugtong hininga ang kanyang ama, "Aric, di ba napag-usapan na natin ito? Bakit mo pa nanaising maging isang kawal ngayong isa ka ng batikang Panday?"
"Dahil ito ang bagay na matagal ko nang minimithi mula noong bata pa ako," pagbubunyag niya. "Gusto kong maging katulad mo, Ama."
"Maging katulad ko?" pagtatanong ni Sarito.
"Gusto kong maglingkod sa isang pinuno, protektahan ang bayan laban sa mga kalaban, at makipagdigma. Nais kong gumamit ng totoong espada kaysa gumawa lang nito."
"Mapapahamak ka lang sa ilusyon mo," tugon ni Sarito, "at sinasabi ko sa'yo, kung alam mo lang lahat ng pinagdaanan ko, hindi mo gugustuhing maging katulad ko, gugustuhin mo rin bang maging matandang pilantod? Sino naman ang paglilingkuran mo, si Haring Rucaz? Dalawang Emperador na ang pinaglingkuran ko at alam ko na ang hilatsa ng mga pinuno, sinasabi ko sa'yo, hindi siya marangal tulad ni Cresento at Costan. Hindi nararapat sa kanya ang paglilingkod mo. Kung paglilingkuran mo lang siya parang ibinenta mo ang kaluluwa mo sa isang demonyo."
"Paano mo naman nasabi iyan, Ama?" tanong ni Aric. "Gusto lang naman ng Hari na ipaghiganti ang kanyang Ama at protektahan ang Silangan laban sa mababangis na Tribo. Sa tingin ko humahanap lang kayo ng dahilan para pigilan ako."
"Hindi ako nagdadahilan," iginiit ni Sarito. "Totoo ang sinasabi ko, mali ang kagustuhan ng Hari. Hindi kailanman magiging tama ang lipulin ang mga Myongan. Ayokong dungisan mo ang iyong mga kamay ng dugo nila."
"Ano naman ang pakialam ko sa kanila, hindi ba kalaban rin sila ng Imperyong Cenpyre, at muntikan na nilang mapatay ang dating Emperador?"
"Ayokong malagay sa panganib ang buhay mo nang dahil lang sa kaululan ni Rucaz, at higit sa lahat ayokong magkamali ka at gumawa ng isang bagay na pagsisisihan mo."
"Bakit kayo?" Ibinalik sa kanya ni Aric ang sinabi niya. "Nagkamali din naman kayo dati."
"Oo, nagkamali ako," tumindig si Sarito sa kinauupaan niya gamit ang tungkod, "pero ginawa ko iyon para protektahan ka. Walang araw na lumipas na hindi ko pinagsisisihan ang ginawa kong pagtakas sa gitna ng digmaan. Nasa kamay ko ang dugo ng Emperador at ng lahat ng namatay noong gabing iyon, dahil wala ako doon para sagipin sila. Tignan mo ang nangyari sa akin ngayon, isang mahina at walang silbing pilantod. Marahil ito na ang kabayaran sa aking pagtataksil. Ang bawiin ang lakas na mayroon ako at manghina hanggang sa mamatay."
Pinipigil na lamang ni Sarito ang luha sa kanyang mga mata.
"Ama," nakaramdam ng pagkahabag si Aric sa ama, "huwag nyo pong sabihin iyan, isa kang mabuti at dakilang Kawal noon. Kayo ang nag-iisang tinitingala ko. Kaya nga gusto kong maging isang Kawal. Gusto kong maging katulad mo. Sana naman ay payagan nyo na ko."
"Ang Kawal na hinahangaan mo noon, matagal na siyang wala," nananatiling matigas si Sarito. "Marumi at madugong trabaho ang pagiging isang kawal. Tigilan mo na ang kalokohang ito, hindi kita papayagang maging isang kawal. Mapapahamak ka lang."
Paika-ikang naglakad si Sarito paakyat sa ikalawang palapag. Naiwang nag-iisip si Aric sa kanilang naging diskusyon.
"Aric, unawain mo na lang ang iyong ama," payo ni Sania, "wala siyang hinahangad kundi ang ikabubuti mo."
***
"Malungkot ang anak mo sa ibaba," saad ni Sania kay Sarito, "tingin ko gusto niya talagang maging isang Kawal. Bakit ba hindi mo siya bigyan ng pagkakataon na tuparin ang matagal na niyang pinapangarap?"
"Hindi maari, Tiya Sania," tutol pa rin si Sarito, "hindi ko siya hahayaang maging kawal lalo na kung sa maling tao siya maninilbihan. Magiging aso lang siya na itatali sa leeg, isang tuta na gagawa ng mga kabaluktutan para sa kanya. Hindi. Higit sa lahat, ayokong dumating ang araw na maging tanyag siya at mapansin hanggang sa Imperyong Cenpyre. Hinahanap kami ni Fierro, may patong siya sa ulo ko. Hindi niya kami maaaring matunton dito. Ayokong umabot sa punto na malagay sa panganib ang mga buhay namin nang dahil lang sa pangarap ni Aric."
"Iyan lang ba talaga ang tunay na dahilan?" may pagnanais na itinanong ni Sania sa pamangkin.
Hindi nakaimik si Sarito at tila isang malalim na bagay ang tumakbo pabalik sa kanyang isipan.
***
"Ano pumayag ba si Mang Rito sa paalam mo?" tanong ni Eron na naiwang nagbabantay sa bantayan.
"Hindi nga," may pamomroblema sa tono ni Aric, "hindi ko alam kung ano ang nangyayari kay Ama? Masyado siyang maraming dahilan, ayaw niya raw mapahamak ako, masamang pinuno daw si Rucaz, hindi daw tama na puksain ang mga Myongan. Sinabi na niya lahat ng pwede niyang maidahilan para pigilan ako, pero walang umubra sa akin."
"Ibig sabihin desidido ka pa rin kahit pinagbawalaan ka na niya?" tanong ni Eron.
"Wala ng atrasan to," buong loob na sinabi ni Aric sa kaibigan. "Pangarap ko ito matagal na, bukas na bukas magtutungo ako sa Palasyo at pormal akong hihingi ng permiso sa Hari para sumama sa paglalakbay ni Kapitan Uwalhid. Sana ay maunawaan rin ako ni Ama. Hindi ko alam kung bakit ayaw niya kong maging isang Kawal, nabuo lang naman ang pangarap na ito dahil din sa kanya."
"Mukhang mahaba-habang usapan to," napagtanto ni Eron, "at ang mahabang usapan ay hindi makukumpleto kung walang alak. Tara sa taberna, mag-inom lang tayo sandali para lang makalimutan mo ng pansamantala yang mga problema mo at malay mo makadali pa tayo ng mga magagandang dalaginding doon, mabenta raw ang mga kalapati ngayon."
Napailing si Aric sa pangungulit ni Eron.
"Sige, mauna ka na, susunod na lang ako mamaya, magpapahangin lang ako."
"Kita na lang tayo dun mamaya," paalala ni Eron.
***
Kinagabihan, napagpasyahan ni Aric na magtungo na lang sa Taberna para makalimutan ang naging sagutan nila ng kanyang ama. Madilim ang gabi at siya ay naglalakad sa kadiliman, iniisip kung ano ba ang dapat niyang gawin at sundin. Kung susundin niya ang kanyang sarili, tiyak na hindi ito magugustuhan ng kanyang ama, kung susundin niya naman ang Ama, mapupunta sa wala ang kanyang mga pangarap noong bata pa siya, ang maging isang magiting na Kawal. Nagpatuloy lamang siya sa paglalakad, hindi inaalintana ang dilim ng kanyang paligid.
"Tulong!" umalingawngaw ang tinig ng isang babaeng tila humihingi ng tulong.
Natauhan si Aric mula sa kanyang pag-iisip at siya ay nagtungo sa direksyon kung saan nagmula ang sigaw, nakahandang tumulong. Madalim ang paligid ngunit naaninag niya ang kaguluhang nagaganap.
Namataan niyang pagsasamantalahan ng dalawang lalaki ang isang dalagita na marahil ay galing sa taberna, base sa suot nito. Nakapatong na ang isang lalaki sa dalagita habang nakahawak naman dito ang isa.
Hindi na nagpaligoy-ligoy pa si Aric at mula sa kadiliman hinablot niya ang lalaking nakaibabaw sa dalaga. Sinuntok niya ng ilang ulit sa pisngi at panga ang lalaki, wala itong laban sa kanya sapagkat mapayat ang pangangatawan nito, itinulak niya ang lalaki at ito'y bumagsak ng walang malay malapit sa dalagita.
Sumugod ang kasama nito kay Aric, mas malaki ang katawan nito sa nauna ngunit mas maliit. Sinubukan niyang suntukin si Aric ngunit nailagan niya ang kamao nito. Hinambalos ng binatilyo ang lalaki sa sikmura at sinuntok ito ng paulit-ulit sa pagmumukha gaya ng ginawa niya sa kasama nito. Ilang saglit lang ay natalo niya rin ito at bumagsak.
Umaksyon na agad si Aric bago pa magising ang dalawa, hinatak niya ang dalagitang pinagsasamantalahan at itinakbo niya ito papalayo nang hindi man lang nasisilayan ang kanyang mukha.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro