Ikalawang Yugto: Ang Apat na Tagapagmana
Sa isang maringal na Imperyo sa Buong Lupain na kilala sa tawag na Cenpyre, hindi pa katagalan ang nakalipas, namuhay ang dalawang magkapatid na Prinsipeng tagapagmana ng Emperador.
Ang panganay ay anak ng Emperador sa kanyang mahal na Emperatris...
Ang ikalawa naman ay anak niya sa isa sa kanyang lingkod, bunga ng panandaliang pakikiapid...
Magkaiba man ang kanilang mga ina, magkasundo at magkasangga sa lahat ng bagay ang dalawang Prinsipe sa paglipas ng mga taon, ngunit ang lahat ng ito ay magbabago sa pagdating ng isang binibining parehong bibihag sa kanilang mga puso. Ipinagkasundong ipakasal ang binibini sa nakatatanda, ngunit sila ay lihim na nag-iibigan ng nakababata. Lubos na nasaktan ang panganay na Prinsipe at nagkaroon ng lamat ang magandang relasyon nila ng kapatid.
Nasanay na nakukuha ang lahat sa impluwensiya ng kanyang Ina at Lolo, napuno ng kasakiman ang puso ng Panganay na Prinsipe. Hangad niya ang trono ng kanyang ama pati na rin ang babaing iniirog ng kanyang kapatid pero siya ay nabigo sa kanyang pagtatangkang angkinin ang mga ito, sa kanyang pag-iisa natuklasan niya ang isang nakapangingilabot na kapangyarihang tanging siya lamang ang may taglay. Ang kapangyarihan ng nasira nilang Diyos, ang Panginoon ng Apoy. Hindi lamang ito ang kanyang natuklasan, umalingasaw ang tinatagong lihim ng kanyang ina tungkol sa kanyang pagkatao. Nalaman niyang bunga lamang siya ng pagtataksil ng Emperatris at ng isang kawal, na hindi talaga siya tunay na anak at heredero ng Emperador.
Lalo lamang nitong napalala ang lahat, inusig ng Emperador ang Emperatris at ang kanyang Ama dahil sa natuklasan, pati na rin sa salang pagtatraydor sa pagiging bahagi ng nabigong balak na pabagsakin ang Imperyo. Itinakwil ng panganay na Prinsipe ang ina matapos malaman ang katotohanan na naging sanhi ng pagkamatay ng Emperatris. Sinisi ng ama ng nasirang Emperatris ang lahat sa Emperador, at ito ang nag-udyok sa kanya na paslangin ito. Nagtagumpay ang kanyang plano at napaslang niya ang Emperador.
Naipasa ang trono sa bastardong Prinsipe na siyang nag-iisa at tunay na tagapagmana, binigyan niya ng hustisya ang pumanaw na ama at hinatulan niya ng kamatayan ang Ama ng Emperatris.
Nalugmok ang huwad na Prinsipe sa pagkamatay ng kanyang lolo, wala na ang kanyang buong pamilya. Wala na rin sa kanya ang trono at ang babaing iniibig, ang lahat ng ito ay napunta sa dati niyang kapatid. Napagpasyahan niyang tanggapin ang itinadhana niyang kapalaran, ang sundin ang Kalooban ng Itim na Diyos at buhayin sa pamamagitan niya ang isinumpang Panginoon ng Apoy nang sa ganoon siya na ang magiging pinakamakapangyarihan sa lahat at mapapasakanya na ang Buong Lupain.
Gamit ang mas lumakas pa niyang kapangyarihan, pinaghigantihan niya ng matindi ang kapatid. Kinitil niya ang buhay ng kanyang ina at ang iba pa niyang mga mahal sa buhay. Hinamon niya ng patayan ang bagong Emperador, dahil sa kanyang ginawa, tinanggap ng Emperador ang hamon at isang matinding labanan ang namagitan sa dating magkapatid na ngayon ay mortal ng magkaaway. Ang kanilang magandang samahan ay humantong sa isang madugong hidwaan.
Noong papatayin na ng Panginoon ng Apoy ang kanyang katunggali, naglaho ang lahat ng kanyang kapangyarihan. Nanghina ang kanyang buong katauhan at siya ay muling nabigo. Sa halip na patayin, ipinabilanggo siya ng dating kapatid sa ibang lupain sa kagustuhang makamit ang hustisya para sa mga yumao niyang mahal sa buhay at pagbayaran ng nasirang Prinsipe ang lahat ng kanyang kasalanan.
Ang hindi niya alam, ang ipagkait ang kamatayan sa dating kapatid ang pinakamalaking pagkakamaling kanyang ginawa...
Para na rin niyang hinukay ang sarili niyang libingan...
Sapagkat, hindi pa tuluyang nanghina ang Reinkaranasyon ng Panginoon ng Apoy at sa itinadhanang panahon ng Itim na Diyos, muling sisiklab ang kanyang lagablab, makakalabas siya sa kanyang bilangguan at babawiin niya ang lahat ng nararapat sa kanya!
Ang Trono!
Ang Imperyong Cenpyre!
At ang Buong Lupain!
Sa takdang oras...
***
Ipinagpatuloy ni Tandang Ora ang paghahalo sa kanyang dambuhalang paso, matulin niya itong pinupunan ng likidong iba't-iba ang kulay, pagkatapos isinalin naman niya ang isang likidong kakulay at kasing-lapot ng dugo. Nakapikit ang kanyang mga mata habang hinahalo ang mahiwagang pasuan, bahagyang gumagalaw ang kanyang bibig ngunit walang naririnig na tinig mula sa kanyang pagriritwal.
Ilang minuto lamang, suminag ang kakaibang liwanag mula sa kanyang hinahalo, kuminang ang isang kulay kahel na likido na nagmula sa kanyang mga pinaghalong sangkop, nagbabaga na parang nanggaling ito sa kailaliman ng bulkan. Umalsa ang kumukulong sangkap at umahon ang isang bagay na nabuo mula sa pasuan, ito'y animo'y isang bolang nakakasilaw ang angking liwanag, na maihahalintulad sa araw. Hindi nagtagal, lumitaw ang isa pang orbe. May kaliitan ito kumpara sa nauna, hindi kumikinang, at napapaligiran ito ng mapupulang batik sa kanyang kahel na kulay. Tinitigan ni Ora ang paggalaw ng dalawang mahiwagang orbe. Alam niyang kung ano man ito, mayroong nais ipabatid sa kanya ang Panginoon.
Nanatili sa pwesto ang nanliliwanag na orbe, habang siya naman ay pinapagitnaan ng mas maliit. Umiikot naman ang may kaliitan sa gitna ng mas malaki, mula taas papuntang baba at patungo ulit sa taas habang bahagyang umiikot ang kanyang posisyon.
Nagpatuloy ang paggalaw nito at binilang ni Ora kung ilan ulit itong inikutan ang mas malaking orbe at ang bilang ay...
"Pito," bulong ni Ora sa kanyang sarili, "pitong beses na iikot ang mundo sa araw bago maganap ang itinadhana, ito ba ang nais niyong iparating, aking Panginoon?"
Mabilis pa sa kisap-mata, naglaho ang dalawang orbe at dumilim ang buong paligid. Nagsimulang lamunin ng makakapal na usok ang bawat sulok ng Gubat ng Kadiliman hanggang sa wala nang maaninag, mula rito, pumorma ang isang madilim ngunit malahiganteng usok na tila may sariling hugis at anyo, dalawang mapupulang mga mata ang dumilat mula sa kakapalan ng usok.
Sumunggab ito papalapit sa mangkukulam at siya'y pumasok sa loob ng kanyang tenga, nangisay ang matanda at isang nakapapangilabot na sigaw ang kanyang pinakawalan, hindi naman nagtagal at siya'y kumalma, tumatango na para bang may ibinubulong ang nilalang sa kanya. Lumabas sa kanyang kabilang tenga ang itim na usok at ito'y naglaho ng tuluyan.
"Pitong taon, Panginoon ko," sumang-ayon si Ora, pagkatapos siya ay lumuhod upang magbigay samba.
At sa pagkakataong ito, hinding-hindi na siya mabibigo...
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro