Chapter 05: Missing Link
AIDEN
TUMINGIN ANG mga kaklase ko sa akin na parang may dumating na artista sa room. May ilang namangha, may ilang walang reaksyon ang mukha. Baka hindi nila in-expect na ako ang unang makakasagot sa palaisipang 'to. Oras na para magpakitang-gilas ako at itayo ang bandera ng mga Adlerian.
"Paano mo nasabing murder ito at hindi suicide?" may paghahamong tanong ni SPO1 Cosmiano nang tumayo ako para harapin silang lahat. Sa aking peripheral vision, nakita kong kunot-noong nakatingin sa akin si Harriet.
"Napakasimple lang, ma'am!" Ipinakita ko sa kanila ang aking killer smile na nakabihag sa puso ng ilang girls dito sa university. "Ginamit ko ang sinusundan naming principle pagdating sa pagdi-disguise."
Napakunot ang noo ng ilan, nagtataka kung anong kinalaman no'n sa kaso. Tanging Adlerian lang ang mabilis na makakaintindi sa tinutukoy ko.
"Katulad sa paggawa ng impersonation ng isang tao, dapat alam mo ang mga maliliit na bagay tungkol sa kanya," paliwanag ko. "Dahil kapag may hindi nag-match kahit isang characteristic o mannerism sa taong ginagaya mo, masisira na ang disguise. At isa sa mga dapat laging tandaan ay ang handedness ng target mo."
"Handedness?"
Itinuro ko ang hawak na baril ng biktima. "Dahil hawak ng kanang kamay niya ang revolver, maiisip natin na right-handed siya. Ang weird naman kung hindi dominant hand ang gagamitin niya para barilin ang sarili, 'di ba?"
Tumango ang ilan habang lalong nagkasalubong ang kilay ng iba. Teka, hindi pa kasi ako tapos magpaliwanag. Sunod kong itinuro ang mga bagay sa gawing kaliwa ng biktima. "Ngayon, hindi ba kayo nagtataka kung bakit nandito ang pen na posibleng ginamit ng biktima para pirmahan ang suicide note? Pati ang beer na iniinom niya? Kung talagang right-handed siya, mas usual na sa bandang kanan niya ilagay ang mga 'to. Pero hindi e."
Sunod kong ipinakita sa kanila ang phone na inilabas ko mula sa kaliwang bulsa ng biktima. "Isa pa 'tong gadget niya. Kadalasan, nilalagay natin ang mga panyo, smartphone o pera sa side ng dominant hand natin. Laging nasa kanang bulsa ko ang aking phone dahil kanang kamay ang madalas kong ginagamit. Hassle kung ilalagay ko 'to sa kaliwa dahil mahihirapan ang dominant hand ko na kunin ang phone."
Sinubukan kong basahin ang mood ng mga kaklase ko. May ilang napatango, tila sang-ayon sa ipinresenta kong deductions. May ilang wala pa ring imik na parang common knowledge na ang nabanggit ko.
Nagkrus ang mga braso ni SPO1 Cosmiano at tiningnan ako ng mga mapanuri niyang mata. Walang kahit anong hint sa mukha niya na tama ang pinagsasabi ko. "You pointed out the handedness of the victim. Now what are you trying to imply? Care to elaborate?"
"Pinagmukhang suicide ang krimeng 'to," sinagot ko ng tingin ang instructor namin bago ko inilibot ang aking mga mata sa iba kong kaklase. "Ang pagkakamali ng salarin, in-assume niya na right-handed ang kanyang biktima kaya lumikha ito ng inconsistency. At ang inconsistency na 'yon ang susuporta sa deduction na isa itong murder."
Sa loob ng ilang segundo, nagpalitan ng tingin ang mga kaklase ko. Walang kumibo. Speechless ba sila sa kung gaano ka-flawless ang deductions ko?
Nabasag ang katahimikan nang pumalakpak si Morrie. Sa kanya sunod na nabaling ang tingin ng karamihan. "Interesting theory, Adlerian. I agree with almost everything that you've said. But do you have something concrete to prove your point?"
Something concrete? Hindi pa ba sapat ang reasoning ko kanina?
"The handedness of the victim may shed some light on whether this is a suicide or murder. However, that is purely circumstantial." Nalipat kay Morrie ang spotlight nang lumapit siya sa mesa ng biktima habang nakahalukipkip ang mga kamay. Ang sabi ng ilan, nakaka-intimidate kapag lumalapit siya o kapag naririnig ang boses niya. Mukhang totoo nga. "It is possible that the victim is ambidextrous, right?"
"I hate to admit it, pero tama ang punto ni Morrie," sunod na humirit si Harriet, nakakrus ang mga braso habang nakatitig ang kanyang mga mata sa hawak na revolver ng biktima. Alam kong hindi siya papahuli kapag umeksena na ang mortal na kalaban ng kanilang House. "Sorry, but your argument is weak. The victim's handedness is not conclusive as to the real circumstance of his death. Baka gusto mong pag-aralan ulit ang crime scene at bumuo ng mas matibay na teorya."
Ito na nga ba ang paghihiganti ng isang babaeng inapi? Halatang gusto niya akong ipahiya sa harap ng mga kaklase namin. Madaling sabihing mali ang isang bagay, pero minsan, mahirap patunayan kung bakit mali ito. "Kung gano'n, ano ang tinitingnan n'yong anggulo sa kasong ito?"
"We pored over his documents to check if he has a license to carry a firearm," sagot ni Harriet bago tumingin sa instructor namin. "We assume that these files are copies of all the victims' documents. Would that be a fair assessment, ma'am?"
"Yes," tumango si SPO1 Cosmiano. "Lahat ng mga nakita n'yong papeles diyan ay photocopies ng kanyang official documents."
"Wala kaming nakitang gun license o kahit anong patunay na meron siyang baril," nagpatuloy sa pagpapaliwanag si Harriet, itinuro ang mga hawak na papel ng kanyang mga kasama.
Oops. Hindi ko na-check ang mga dokumento ng biktima. Masyado akong nag-focus sa mismong crime scene.
Itinaas ni Harriet na parang peace sign ang dalawang daliri. "Now there are two possible scenarios: una, ilegal niyang nakuha ang baril na ginamit niya para barilin ang sarili at pangalawa, may ibang taong nag-iwan ng baril na 'yan para pagmukhaing suicide ito."
"Speaking of firearms..." Maingat na inalis ni Morrie ang revolver mula sa kamay ng dummy at sinuri ang cylinders nito. "There are two bullets here. I assume that this is also the exact number of bullets in the cylinder found at the original crime scene?"
Muling tumango si SPO1 Cosmiano. "The victim used one bullet to shoot himself apparently at meron pang isang bala sa cylinder. At kung susuriin n'yo, may dalawang blank chamber na pagitan sa ipinutok na bala at sa hindi nagamit."
"Odd." Napahawak sa kanyang baba si Morrie at naningkit ang mga mata. Ipinakita niya sa lahat ang laman ng cylinder. "Why would he put two bullets in his gun? Wouldn't one bullet be enough to kill him?"
"At bakit magkalayo ang dalawang balang 'yon?" dagdag ni Harriet, sabay turo sa baril. "Normally, when loading a revolver, you would insert the bullets next to each other."
Gano'n din ang naisip ko. Siguro may dahilan kung bakit gano'n ang arrangement ng dalawang bala sa revolver. Lalong lumakas ang teorya na isa nga itong murder.
"How about the Watsonians? Do you have any input sa kasong 'to?" tanong ni SPO1 Cosmiano.
Mabilis na nag-tap sa screen ng kanyang iPad si Wilhelmina o Mina, ang top student ng House Watson sa klase namin. Hanggang ngayo'y nagtataka pa rin ako kung bakit ayaw niyang magsalita e hindi naman siya pipi. Sabi ng mga kapwa niya Watsonian, ayaw ni Wilhelmina na magsayang ng energy sa pagsasalita kaya sa tablet niya dinadaan ang pakikipag-usap.
-• --- - •
-• --- •-•• •- •--• - --- •--•
-• --- •--• •-• •• -• - • •-•
Kahit aware ako sa mga character ng Morse code — salamat sa lesson namin kahapon sa Cryptography — nahihirapan akong magbasa kapag mahaba na ang mensahe. Maging ang ilan sa mga kaklase ko, nanliit ang mga mata habang pilit na binabasa ang dots at dashes na nakasulat sa iPad.
"Bale ang gustong sabihin ni Mina, kataka-takang may printed suicide note ang biktima pero wala siyang device na makagagawa at makakapag-print nito," paliwanag ni Joanna, ang babaeng Watsonian na nakasalamin na laging taga-translate ng tila pipi naming kaklase. "Posibleng ipina-print niya ito sa isang internet cafe na malapit sa tinutuluyan niya. If that's the case, siguradong may makakatanda sa mukha niya dahil weird na magpa-print siya ng suicide note."
Tumango si Mina sa naging interpretasyon ng kanyang Housemate. Minsan napapabilib ako ng mga Watsonian. Iilang dots at dashes lang, nakukuha na nila ang ipinapahiwatig ng kanilang kasama.
"At kataka-taka rin kung bakit typewritten ang suicide note kung pwede naman niya itong isulat gamit ang kanyang pen para hindi na masyadong nag-effort ang biktima," dagdag ni Joanna na itinuro ang panulat sa mesa.
"I can say that most of you have arrived at the points that we found suspicious," patango-tangong sabi ni SPO1 Cosmiano. Kung kanina'y sobrang seryoso ng mukha niya, ngayo'y may kaunting smile na sa labi niya. "Sa susunod nating meeting, pupunta tayo mismo sa crime scene para mapag-aralan n'yo nang maigi ang kaso at makahanap ng ibang clue na baka na-miss namin. Any questions?"
Mabilis na itinaas ni Morrie ang kanyang kanang kamay. "Is it possible that this case is a part of the recent serial suicides?"
Huh? Anong serial suicides ang sinasabi niya? Nagbulungan ang mga kaklase namin, wala ring ideya sa kung ano ang tinutukoy ng Moriartian.
"For the information of everyone, there were reports weeks ago about people who shot themselves in the head," paliwanag ni Morrie para malinawan ang ilan sa amin. "Though the authorities are still investigating the link among the three victims, the weapons found were Smith & Wesson revolvers."
"Aba, nagbabasa ka pala ng news?" natatawang hirit ni Harriet. "I thought you were busy planning on how you would cheat your way to the top."
"I prefer to use my time wisely, unlike someone here who would waste it by hitting a defenseless boy with a singlestick," tugon ni Morrie.
"Buuuuuuuurn!" sigaw ng isang Moriartian na laging kasama ni Morrie. Todo-pigil sa pagtawa ang iba naming kaklase na nakakaalam sa nangyari. Nakaramdam ako ng kaunting hiya dahil ako ang "defenseless boy" na tinukoy.
Kung wala siguro si SPO1 Cosmiano rito sa room, baka sinugod na ni Harriet si Morrie at pinagbabali na ang mga buto nito. Kitang-kita sa nakakuyom niyang kamay ang pagtitimpi sa pang-aasar sa kanya.
"Sa ngayon, ang nakikita naming link maliban sa mga revolver na nakitang hawak nila ay ang kanilang criminal records at ang maliit na sugat na hugis 't' sa kanilang kamay." Lumapit ang aming instructor sa dummy at ipinakita ang palad nito sa amin. "Gaya ni Juan dela Cruz, ang tatlong iba pang biktima'y ex-convicts na pinalaya dahil hindi malakas ang ebidensya laban sa kanila."
"Kung murder nga ito, posibleng paghihiganti ang motibo ng salarin?" tanong ni Harriet, halata pa rin sa mukha niya ang pagkaasar.
"Masyado pang maaga para bumuo ng konklusyon ngunit posible ang anggulong sinabi mo," sagot ni SPO1 Cosmiano. "I will be furnishing you with copies of their criminal records, autopsy reports and findings from the crime scenes. Sa susunod nating meeting, gusto kong marinig ang mga theory na nabuo n'yo, maliwanag?"
"Yes, ma'am!"
"Kung wala na kayong tanong, class dismissed."
Pasado alas-otso pa lang, masyado pang maaga para sa dismissal. Lumabas na kaming lahat sa simulation room at nagkahiwa-hiwalay ng landas. Mamayang alas-nuwebe pa kasi ang susunod naming subject.
Kung karamihan sa mga kaklase ko'y naisipang bumalik sa mga dorm nila o mag-chill sa Hudson's Hub, dumiretso ako sa Skygarden na nasa rooftop ng Baker Building. May mga malalaking puno na nagbibigay lilim at mga rosas na nagbibigay kulay sa paligid. Meron ding mga greenhouse sa bawat sulok.
Nagsisilbing tambayan ang lugar na 'to ng mga estudyanteng gustong mag-relax at lumanghap ng sariwang hangin. Air-continuous ang bugso rito kaya hindi mo mararamdaman ang init ng araw. Pwede kang maglakad sa pavement para libutin ang patriyanggulong hardin. Kung gustong magpahinga, pwede munang umupo sa mga stone bench.
Naglakad ako sa Skygarden hanggang sa marating ang pinakaliblib na bahagi nito. Wala pang masyadong tao rito dahil may klase pa ang karamihan sa mga estudyante kaya perfect ang spot na 'to para sa mga pribadong usapan.
Nadatnan kong nakaupo sa kabilang stone bench ang kaklase kong si Morrie. Sa isa pang entrance siguro siya dumaan kaya hindi kami nagkasabay kanina. Umupo ako sa bench na kasunod ng inuupuan niya at nag-unat ako ng mga braso.
"So how did the meeting go?" tanong niya, ni hindi man lumingon sa direksyon ko. Para siyang nakikipag-usap sa hangin. Mas mabuti na ngang ganito ang way of communication namin. Ayaw ko ring may makahalatang nag-uusap kaming dalawa rito.
"Wala kang dapat ikabahala. Itinanggi kong involved ka at ang House mo sa gym incident kahapon." Para akong baliw na nagsasalita nang walang kausap. Mabuti't walang ibang tao kundi iisipin nila na nasisiraan na ako ng ulo.
"That's good news. I hope you do not mind if I ask you to get closer to her."
Hindi ko na naiwasang mapalingon sa direksyon niya. Gaya ng inaasahan, may hihingin na naman siyang pabor. "Bakit kailangan kong makipag-close sa kanya? Hindi pa ba sapat ang nakunan kong video kahapon?"
"This is only a precaution, Aiden. I'm not asking you to do anything except to keep an eye on her. I want you to know what she likes, what she dislikes and everything in between. Such information would prove to be vital someday."
"Pasensya na, kailangan na kitang tanungin." Ayaw kong gumawa ng isang bagay nang hindi ko alam ang rason sa likod nito. "Ano bang meron kay Harriet at bakit kailangan mong gawin sa kanya 'to?"
"She might become a problem in the future. I wanna make sure that when she chooses to be a hindrance to our plans, I have something up my sleeves against her."
"Plan? Anong plano?" Ginamit niya ang salitang "our," pero sa tingin ko, hindi ako kasama roon. Baka may iba pa siyang kakuntsaba sa binabalak niya.
"That, I cannot tell you." Sa wakas, tumingin na rin siya sa akin at tinitigan ako ng mga walang buhay niyang mata. "But perhaps you should know she's not the only one under surveillance."
May iba pa siyang minamanmanan? Sino pa kayang inutusan niya para bantayan ang mga potential threat sa kanila? Hindi naman siya multo, pero may mga pagkakataong matatakot ka sa kanya.
"Kapag natapos ko na ang pinagagawa mo, makasisiguro ba akong tutupad ka sa pinag-usapan natin?" paalala ko. Sa tingin n'yo ba'y papayag akong maging asong sunud-sunuran sa tulad niya nang walang legit na dahilan? "Baka kasi nakalimutan mo na ang nature ng deal nating dalawa."
"You have nothing to fear. Your secret is safe with me for the time being," anlamig ng kanyang boses, sing-lamig ng bumugsong hangin dito. "Do what I ask and I will keep my end of the bargain. Just make sure that there will be no loose ends."
Tumayo na siya't naglakad patungo sa kabilang direksyon, ni hindi na nagpaalam. Wala talaga akong balak tulungan siya sa kung anuman ang pinaplano niya, ngunit dahil may hawak siyang alas laban sa akin, wala akong magawa kundi sundin ang kagustuhan niya.
Kapag natapos na 'to, wala na akong dapat ikabahala pa.
Pinauna ko nang umalis si Morrie. Delikado kung may makakita sa aming dalawa na magkasabay bumaba. Mahirap na, baka magkasalubong kami ni Harriet at kung anong conspiracy theory ang mabuo niya. Mabuti nang umiwas sa gulo hangga't kaya.
Pagbaba ko sa ground floor, nadatnan kong magkausap sina Harriet at Wilhelmina sa tapat ng entrance ng Grand Hall. Mukhang seryoso ang usapan nila. Dahil maingay sa paligid, hindi ko malinaw na marinig kung tungkol saan 'yon. Pailing-iling lang si Mina habang patuloy ang pagbuka ng bibig ni Harriet.
Narinig ko sa ibang Adlerian na may nakita silang Watsonian na nakasalamin na isinugod sa clinic ng isang babaeng Holmesian at lalaking Moriartian. May iilan kasi sa aming naka-disguise bilang mga puno, halaman at pader para makasagap ng tsismis at bilang bahagi ng training sa House.
Teka, nang lumabas kami ni Harriet sa gym kahapon, iniwan niya ako at nagtungo siya sa direksyon ng abandonadong clock tower. Posible kayang silang dalawa 'yon? Sino naman ang Moriartian na kasama nila? At himala nga sakaling may kasama silang taga-House Moriarty.
Aba, bakit ko ba pinoproblema 'to?
Lumabas na lang ako ng Baker Building at tumambay sa Hudson's Hub. Kailangan ko munang mag-chill bago ang next subject namin.
-30-
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro