PRODUCTINA
PRODUCTINA
Sa mundong pabago-bago, handa na nga bang harapin ang susunod na yugto? At sa pagharap nito, kaya na bang gawin at panindigan ang mga planong kailangan ng tumbasan ng gawa?
"Huy Tina bangon na!"
"Tinaaaa!"
"Ito talagang babae na 'to, nako talaga, huy kumilos ka na nga dahil kailangan mo na mag update!"
Sunod-sunod na sigaw ng utak ko, dahilan para mabaliw na naman ako at tuluyan lisanin ang pagkakayakap ko sa unan ko.
Ako lang ba? Ako lang ba ang babaeng writer na ipagpapabukas palagi ang mga dapat isulat? Pero dahil natatambakan na ako ng mga sulatin, pinili kong labanan ang katamaran. Dahil 2022 na kailangan makabawi naman ako sa mga istoryang hindi ko napanagutan noong nakaraang taon.
Sa totoo lang, hindi ko rin alam bakit araw-araw ang dami nila pero wala naman akong nagagawa dahil kapag talaga writer ka, kahit saan ka mapunta hindi nawawala ang mga iniisip mo. Ang hirap din pala maging writer noh, lalo na kung sa simula ang dami mong nagagawa pero sa kalagitnaan, ano na teh?
Tunay ngang writer ako dahil ang dami ko ng nasabi sa inyo, kaya't heto na bumangon na talaga ako. Kahit pasado alas tres ng madaling araw, nagsimula na akong tumipa. Alam kong may nag aabang din talaga ng mga sinusulat ko at ako lang naman itong kada buwan kung mag-update.
Nag-unat-unat muna ako at sinimulan na ang orasyon, este ang pagsusulat. Madalas madaling araw talaga ang oras at panahon ko dahil dito talaga mas malakas ang enerhiya, ang enerhiya ko sa pag iisip ng susunod na kabanata o kahit anong sulatin na gumugulo sa isip ko.
Hindi ko maiwasan ang mapangiti dahil nagdire-diretso ako sa pagsusulat, hanggang sa matuldukan ko na rin ang panibagong kabanata.
"Sa wakas natapos din!" Masayang sambit ko habang nakatitig sa aking selpon.
Pagkatapos kong mag update, kinuha ko ang notebook ko kung saan gumawa ako ng iskedyul ko sa buwan na ito, "Ito na self ang gagawin mo this month okay, dapat pagkagising mo maging PRODUCTIVE KA! Tama na puro paghiga at pahinga, kailangan mo na kumilos."
Napangiti ako sa mga nagawa ko na nitong ilang araw, kahit na sa totoo lang ay napakahirap dahil isa sa kalaban ko ang katamaran, pero kapag may gusto, may paraan. At dahil gusto ko ng alisin at baguhin iyon kaya eto, dinidisiplina ko ang sarili ko. Hindi dahil may pangarap ako, kundi gusto kong bigyan ng kahalagahan itong mga ginagawa ko.
At ilang saglit pa ay bumalik na ako sa aking pagtulog, pero bago iyon nagpasalamat muna ako sa itaas. Dahil alam kong isa ito susi para mas makita ko ang tunay na tagumpay. Ito ay yung tiwala at pananalig sa Poong Maykapal.
"Good morning everyone!" Masigla kong sabi sa mga kasama ko sa bahay. Nakagawian ko na ang ganito, isa sa naging bagong routine ko yung palaging babati para naman malanghap ang good vibes.
"Good morning din anak, ang ganda ng gising natin ha?" takang tanong ni mama habang nagluluto.
Ngumiti na lang ako bilang pagsang-ayon, dahil totoo naman ito. Gusto kong simulan ang araw ko ng maganda, kaya ganito ang dapat kong gawin.
Kahit medyo inaantok pa ako dahil nabitin ako sa aking pagkakatulog, ginawa ko na rin ang mga dapat kong gawin.
Nagwalis, nagpunas at nagluto.
Pagkatapos ng mga gawain ko, umupo muna ako sandali at uminom ng tubig. Nakakapagod pala ang ganito, pero alam kong malaking tulong ang ganitong sistema kapag inaraw-araw ko na.
Alam kong magiging matinding pagsubok itong haharapin ko, dahil ayokong maging TINApos ng maaga ang mga pangarap dahil sa TINAMad kaya't dapat maging producTINA ako ngayon.
At sa mga oras na iyon, naisipan ko buksan ang wattpad application ko. Sunod-sunod ang notifications na bumungad sa akin.
"Ate author, salamat po sa update. Bukas po ulit!"
"Ms. Author ang ganda po ng gawa mo."
"Waah, sana all po!"
At marami pang iba ang naging komento, kaya't mas nagkaroon ako ng inspirasyon at mas naisip ko na magpursige pa at ngayon at sa susunod pa, ako ay patuloy na magiging PRODUCTINA.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro