CHAPTER 43
Pagpasok sa loob ng kwarto, agad na tinignan ni Donovan ang paligid. Simple lang ito na may isang maliit na kama, isang luma ngunit maayos na aparador, at isang bintanang may puting kurtina. Sa dingding niya nakita lumang litrato ni Raquel noong bata pa ito.
Napangiti si Donovan. "Ikaw 'to?" tanong niya saka itinuro ang batang babae na nakasuot ng school uniform at naka-ponytail.
Napailing si Raquel at mabilis na tinakpan ang frame. "Oo na! 'Wag mo nang tingnan. Ang awkward ko d'yan."
Pero natawa lang si Donovan. "Nope. You look adorable."
Napatingin si Raquel sa asawa. Napansin niyang seryoso ang pagkakasabi nito. Hindi lang iyon basta pambobola, nakikita niya sa mga mata ni Donovan ang sinseridad.
"Bakit ka nakatingin sa'kin nang ganyan?" tanong ni Donovan habang tinatanggal ang kanyang sapatos.
Umiling si Raquel. "Wala. Natutuwa lang ako kasi... ang bilis ng mga pangyayari."
Umupo si Donovan sa gilid ng kama at hinila siya palapit. "Mabilis man, ang mahalaga, magkasama pa rin tayo."
Napayakap si Raquel sa kanya. Ilang saglit silang nanatili sa ganoong posisyon bago nagsalita si Donovan.
"Raqui," mahina niyang sabi. "Kung sakaling maging maayos na ang lahat... kung sakali lang, magiging okay lang sa akin na manirahan sa isang bahay na ganito."
Napatingin si Raquel sa asawa niya. "Talaga?"
Tumango si Donovan. "Oo. Hindi ko kailangan ng engrandeng mansyon. Ang mahalaga lang sa akin, kasama kita at kaya pa rin kitang bigyan ng maayos na buhay. I'll always work hard. Kahit saan pa tayo manirahan, basta ikaw ang kapiling ko, masaya na ako."
Naramdaman ni Raquel ang pag-init ng kanyang mata. Napakahirap paniwalaan na ang dating prinsipe ng Tien Maginda, ang lalaking nasa reality dating show noon, ay handang iwan ang marangyang buhay para sa kanya.
"Van..." bulong niya.
"What?"
"Salamat sa lahat."
Ngumiti si Donovan at hinalikan siya sa noo. "Wala kang dapat ipagpasalamat. Mahal kita, at gagawin ko ang lahat para sa'yo."
Sa sandaling iyon, habang magkayakap sila sa maliit na kwarto, naramdaman ni Raquel na wala na siyang ibang hihilingin pa. Pero hindi pa siya nakasisiguro kung hindi na naman ito tatakas kinabukasan gaya ng ginawa nito kaninang umaga.
Kaya nang makatulog na si Donovan, dahan-dahan siyang bumangon at kinuha ang cellphone niya. Nag-type siya ng mabilis na mensahe at ipinadala ito sa Nanay Lydia niya.
'Ma, paki-lock po ang pinto ng kwarto. Ayokong magising bukas nang wala na naman si Van.'
Makalipas ang ilang minuto, narinig niyang bumukas ang pinto sa labas. Ilang saglit pa, may mahinang click mula sa doorknob.
Napangiti si Raquel. Sa wakas, sa unang pagkakataon, makakatulog siyang panatag—siguradong paggising niya, nariyan pa rin ang lalaking pinakamamahal niya.
***
Maagang nagising si Donovan kinabukasan. Sanay siyang bumangon nang hindi gumagawa ng ingay, lalo na't gusto niyang hayaang matulog pa si Raquel. Pinagmasdan niya ito saglit. Nakaunan pa ito sa kanyang braso, mahimbing ang tulog, at bahagyang nakakunot ang noo, na para bang kahit sa panaginip ay may iniisip pa rin.
Napangiti si Donovan. Napagtanto niyang sa kabila ng lahat ng nangyari—ang gulong pinasok niya sa embahada, ang media circus, at ang pagharap nila sa pamilya ni Raquel—he had never felt this much at home.
Unti-unti niyang inalis ang braso mula sa ilalim ng ulo ni Raquel at maingat na bumangon. Lumakad siya papunta sa pinto, akmang lalabas para sana magpunta sa banyo, nang mapansin niyang hindi niya ito mabuksan. Napakunot ang noo niya. Muli niyang sinubukan, ngunit hindi pa rin ito mapihit nang madali.
Muling sinubukan ni Donovan, mas madiin ngayon ang pagpihit niya, pero wala pa rin. Kaya napatingin na siya kay Raquel, na mahimbing pa rin sa pagtulog. Napaisip siya. Hindi naman siguro aksidente ang pagkakakandado nito. Bigla siyang napangiti at bumalik sa kama.
"Raqui..."
Hindi niya maiwasang matawa nang mahina. Ngayon lang siya na-trap sa isang kwarto nang hindi ito dahil sa mahigpit na seguridad ng royal guards at political meetings.
"Raqui..." bulong niya ulit.
Narinig niya ang mahinang pag-ungol nito at gumalaw nang bahagya, pero hindi pa idinidilat ang mga mata.
"Raqui, na-lock yata tayo," sabi niya na may halong tawa sa boses.
Dahan-dahang dumilat si Raquel, kita pa ang antok sa mga mata. "Hmmm?"
"Yung pinto." Itinuro niya ito. "Hindi ko mabuksan."
Sa halip na magulat o mataranta, umikot lang si Raquel sa kama at tinakip ang unan sa kanyang mukha.
Napangisi na lang si Donovan. "Hindi mo man lang itatanggi na ikaw ang may pakana nito?"
Narinig niyang napabuntong-hininga si Raquel nang mahina, bago malinaw na nagsalita. "Ewan ko sa'yo... kung di ka kasi biglang umalis."
Natawa si Donovan. "So, planado talaga?"
Hindi sumagot si Raquel, pero ramdam niya ang banayad nitong ngiti kahit nakatago sa unan.
Napailing na lang si Donovan at umupo sa tabi niya. "Okay, I get it. Hindi na kita iiwan nang walang paalam."
Dahan-dahang inalis ni Raquel ang unan sa mukha at tumingin sa kanya, medyo namumula ang pisngi. "Promise mo 'yan?"
Tumingin si Donovan diretso sa mga mata ni Raquel na mapungay pa mula sa pagkakahising at marahang hinawakan niya ang kamay nito. "I promise, Raqui. Kahit saan pa ako dalhin ng gulong ito, hindi na ako aalis nang hindi mo alam."
Napangiti si Raquel, saka biglang bumangon. "Okay. Since sinabi mo na 'yan..."
Tumayo siya at lumakad patungo sa pinto, kumatok ng tatlong beses, at sumigaw. "Ma! Pakibukas na po 'yong pinto! Nangako na siya!"
Maya-maya, may narinig silang mahina ngunit natatawang sagot ni Aling Lydia.
"Sige, sige! Sandali lang."
Ilang saglit pa, narinig nilang bumukas ang kandado sa labas. Nang bumukas ang pinto, nakita nila si Aling Lydia na nakangiti, tila aliw na aliw sa nangyari.
"Good morning, Van," bati nito kay Donovan. "Pasensya ka na, ha? Strategy lang 'yan ni Raquel."
Ngumiti si Donovan at umiling. "Wala pong problema, Nay. Naiintindihan ko naman."
Napatingin siya kay Raquel, na mukhang nahihiya pero proud din sa ginawa niya. Hindi niya maiwasang mapangiti ulit.
Mula sa labas, sumilip si Mang Samuel at nakataas ang isang kilay. "So, hindi ka na tatakas?"
Napakamot ng ulo si Donovan. "Hindi na po, Tay."
Sumimangot ang matanda pero hindi ito mukhang galit. "Dapat lang."
Habang pababa sila para mag-almusal, napansin ni Donovan ang mahigpit na kapit ni Raquel sa kanyang braso. Wala itong balak na bumitaw. At sa isip niya, hindi niya rin hahayaang mawala pa ito.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro