CHAPTER 42
Pagkatapos nilang kumain, napagpasyahan nilang pumunta sa Manila Cathedral para magdasal.
Habang naglalakad sila papasok ng simbahan, biglang hinawakan ni Donovan ang kamay ni Raquel. Hindi niya ito tinignan, pero naramdaman niya ang marahang pagpisil nito. Pagpasok nila sa loob, sinalubong sila ng katahimikan ng katedral. Ang mga nagliliwanag na kandila, ang mababangong insenso, at ang tahimik na pagdarasal ng ibang tao ay nagbigay ng solemn at mapayapang ambiance.
Lumuhod sila sa isa sa mga mahahabang bangko at sabay na pumikit.
Hindi alam ni Raquel kung ano ang dasal ni Donovan, pero sa puso niya, taimtim siyang nagpapasalamat sa lahat—sa muling pagkikita nila, sa pagmamahal na hindi nila kailangang itago, at sa bagong simula na kanilang tinatahak.
Pagmulat niya, nakita niyang nakapikit pa rin si Donovan, tahimik na nagdarasal. Sa pagkakataong ito, siya naman ang hindi tumigil na pagmasdan ito, nang hindi nito nalalaman.
"Ano kayang ipinagdarasal niya?"
At doon niya naramdaman ang katiyakan. Hindi mahalaga kung gaano katagal sila bilang mag-asawa—hangga't magkasama sila, hangga't nagmamahalan sila, ang kilig ay hindi kailanman mawawala.
"Dito tayo magpapakasal ulit," bulong ni Donovan nang idilat ang kanyang mga mata.
Napatingin si Raquel sa kanya. "Ha?"
"I mean... someday. Gusto kong ipagsigawan sa buong mundo na ikaw ang asawa ko. At kapag dumating ang tamang panahon, gusto kitang pakasalan ulit, pero this time, sa harap ng lahat."
Napalunok si Raquel at hindi napigilang mapangiti. "Ikaw talaga. Hindi pa nga tayo nakakawala sa gulong ito, nagpaplano ka na agad ng isa pang kasal."
"Wala namang masama kung mangarap, 'di ba?" Ngumiti si Donovan at hinawakan ang kamay niya. "Ang mahalaga, magkasama tayo."
***
Matapos ang buong gabi ng paglalakad at pagtuklas sa kagandahan ng Intramuros, napagpasyahan nina Donovan at Raquel na umuwi na. Hindi sa mansion, kundi sa bahay ng mga magulang ni Raquel.
"Sigurado ka ba rito?" tanong ni Raquel habang nasa loob sila ng taxi. "Alam mong hindi magiging madali 'to, Van. Medyo galit sila sa nangyari."
Huminga nang malalim si Donovan at hinigpitan ang hawak sa kamay ng asawa. "Alam ko. Pero kailangan ko itong gawin. Hindi ko kayang hindi humarap sa kanila, lalo na't alam kong nasaktan din naman kita noon."
Natahimik si Raquel, muli niyang binalikan ang nakaraan—kung paano siya napahiya sa reality dating show kung saan contestant din si Donovan, dahil lang ni-reject niya ito at kung paano siya kinutya ng mga tao sa internet. Ang alam lang ng pamilya niya, caregiver siya ni Donovan at hindi rin approve sa mga ito ang lihim nilang kasal.
Pero kahit gaano kasakit ang nakaraan, nandito pa rin sila. Magkasama. At sa gabing ito, haharapin nila ang isang panibagong pagsubok—ang pagpapakilala ni Donovan sa pamilya ni Raquel bilang asawa nito.
Huminto ang taxi sa harap ng isang simpleng bahay. Ngayong kasama ni Raquel si Donovan, parang hindi niya maalis ang kaba sa kanyang dibdib.
Habang papalapit sila sa pinto, mahigpit niyang hinawakan ang kamay ni Donovan. "Basta... kahit anong mangyari, huwag kang sasagot kay Papa nang medyo passive aggressive, huh? Ayaw din niya sa mga parang know-it-all."
Napangiti si Donovan. "I'll be on my best behavior."
Huminga nang malalim si Raquel bago kumatok. Ilang segundo lang ang lumipas bago bumukas ang pinto at bumungad ang nanay niyang si Aling Lydia.
Nang makita siya nito, agad itong napaluha. "Raquel? Anak, anong ginagawa mo rito?"
Agad siyang niyakap nito nang mahigpit at puno ng pangungulila. "Bakit hindi ka man lang tumatawag?"
Napayakap din si Raquel kay Aling Lydia. "Sorry po, Ma. Ang dami lang pong nangyari..."
Kasunod noon, lumabas mula sa loob ng bahay ang kanyang ama—si Mang Samuel, kasama ang nakababatang kapatid ni Raquel. Agad na lumamig ang ekspresyon ng kanyang ama nang mapansin ang lalaking kasama niya.
Napasinghap si Aling Lydia at agad tumingin kay Donovan. "Hijo... ikaw 'yong nasa reality show? Ikaw 'yong dahilan kung bakit napahiya ang anak ko? Ikaw ang boss, asawa, at prinsipe ng Tien?'
Kahit walang sinasabi si Mang Samuel, halata sa mga mata nito ang galit.
Humakbang si Donovan pasulong at marahang yumuko bilang paggalang saka nagmano sa mga ito. "Magandang gabi po. Ako po si Donovan Elias..." Saglit siyang natigilan. "Ako po ang asawa ni Raquel. Opo, ako lahat ng tinutukoy ninyo."
Halos sabay-sabay napatingin ang pamilya ni Raquel sa kanya.
"Pasensya na po, alam kong mahirap itong tanggapin. Alam kong may mga pagkakamali ako noon... lalo na kay Raquel. Pero gusto ko pong itama ang lahat. Mahal ko po ang anak niyo, at gusto kong ipakita sa inyo na hindi ko siya sinasaktan o pinaglalaruan."
Nagkatinginan sina Aling Lydia at Mang Samuel.
Kita sa mukha ng matandang lalaki ang matinding pagdadalawang-isip. "At paano kami makasisigurong totoo ang sinasabi mo? Na hindi mo lang siya ginagamit?"
Diretsong tinitigan ni Donovan ang ama ni Raquel. "Dahil handa po akong gawin ang lahat para mapatunayan 'yon. Kung gusto niyo po, puwede niyo akong subukin."
Napailing si Mang Samuel. "Ang tigas din ng mukha mo. Ni hindi ka man lang lumapit sa amin bago mo pinakasalan ang anak ko."
"Alam ko po, at wala akong palusot doon." Huminga nang malalim si Donovan. "Pero handa po akong bumawi."
Natahimik ang lahat. Maging si Raquel ay hindi makapagsalita.
Napabuntong-hininga si Aling Linda at hinawakan ang braso ng asawa. "Siguro naman... kailangan na bigyan pa rin natin siya ng pagkakataon dahil mahal siya ng anak natin."
Nananatiling matigas ang ekspresyon ni Mang Samuel, pero halatang kumakalas na ang galit sa kanyang mata. Ilang saglit pa, lumakad ito papunta sa pintuan at tumingin kay Donovan.
"Sige. Pasok."
Napasulyap si Raquel kay Donovan at nagpalitan sila ng mahinang ngiti. Isang hakbang na ang natapos, pero alam nilang malayo pa ang kanilang lalakbayin para tuluyang makuha ang loob ng kanyang pamilya.
Sa gabing iyon, sa simpleng hapag-kainan ng tahanan ni Raquel, nagsimula ang unang hakbang ni Donovan sa pagpapakita ng kanyang tunay na pagmamahal—hindi lang kay Raquel, kundi sa buong pamilya nito.
At ngayong gabi, sa unang pagkakataon, matutulog silang mag-asawa sa bahay kung saan lumaki si Raquel—sa maliit niyang silid na dati niyang pinangarap iwan para makawala sa kahirapan. Pero kahit gaano kataas ang pangarap niya noon, babalik pa rin pala siya sa kanyang tahanan.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro