CHAPTER 24
Sa bilis ng tibok ng puso niya, halos matalisod si Raquel palabas ng silid. Nakayuko siya at pilit na itinatago ang pamumula ng mukha. Hindi niya alam kung dahil ba iyon sa kahihiyan, inis, o sa kakaibang emosyon na pilit niyang itinatanggi.
Samantala, natatawang pumasok sina Laurence at Mang Dudong na kapwa may mapanuksong ngiti patungo sa hidden prince na kanilang boss.
"Nakaistorbo ba kami sa moment mo sa iyong prinsesa, Donovan?" biro ni Laurence habang nakapamulsa at halatang nang-aasar.
"Mali ang timing natin, pabalikin natin si Raquel. Naantala ang pagbibigay ng regalo," dagdag ni Mang Dudong na halatang nakiki-ride sa sitwasyon.
Napailing si Donovan, ngunit hindi niya naitago ang ngiti sa kanyang labi. "Oo, nakaistorbo nga kayo," sagot niya at halatang hindi naman galit. "Pero dahil birthday ko, I let that pass."
Natawa ang dalawa bago nagsimulang mag-usap tungkol sa simpleng selebrasyon sa ibaba at pati na rin sa mga bagay na personal at may kinalaman sa negosyong hindi pa maharap ni Donovan dahil sa kalagayan nito.
***
Nagtipon ang lahat sa hapag-kainan. Sa kabila ng simpleng selebrasyon, ramdam nila na hindi matitibag ang kanilang samahan. May mga lutong bahay na pagkain sa mesa, at kahit hindi ito kasing garbo ng isang royal banquet, mukhang kontento na ang binata at wala nang mahihiling pa.
Pagkatapos ng ilang palitan ng pagbati at kwentuhan, tumayo si Laurence at inilabas ang tablet.
"Van, may sorpresa kami sa'yo," aniya, sabay pindot sa screen. "You have to hear this."
Sa screen, isang video ang nagsimulang umandar. Isa-isang lumitaw ang mukha ng ilang bata, may bitbit na mga papel na may nakasulat na "Happy Birthday, Kuya Banban!"
"Salamat po sa tulong ninyo. Dahil sa inyo, nakakapag-aral na kami!" sigaw ng isang bata.
Isa pang batang babae ang lumabas sa greeting video. "Dahil po sa inyo, may school supplies na kami at hindi na mahihirapan sina Mama at Papa sa gastusin sa eskwela. Salamat Kuya Banban namin!"
Sunod-sunod ang mensahe ng pasasalamat mula sa mga batang natulungan niya, pati na rin mula sa ilang magulang na labis ang pagpapahalaga sa ginagawa niya sa isang foundation at iba pang charity.
Habang pinapanood iyon, naging speechless si Raquel. Hindi niya alam na may ganitong humanitarian side si Donovan. Ang pagkakilala niya rito ay isang prangkang tao, minsan mapanukso, may pagka-arogante, pero hindi niya akalaing may ginagampanan pala itong ganitong klaseng papel sa buhay ng iba.
Para itong knight in shining armor.
Napansin niyang nanatiling tahimik si Donovan habang pinapakinggan ang video. May bahagyang lungkot sa kanyang mga mata, ngunit mas lamang ang kasiyahan.
Matapos ang video, tinapik siya ni Mang Dudong sa balikat. "Isa ka talagang mabuting tao, hijo."
Ngumiti si Donovan, pero hindi na ito nagsalita. Isang iglap ay pumaling ang ulo nito sa gawi ni Raquel at iniabot ang palad nito sa kanya. Palihim silang nagkahawak-kamay sa sandaling iyon.
"Kung alam ko lang na pwede ka palang tawagin na Banban, dapat iyon na lang ang tinawag ko sa'yo," bulong ni Raquel na nagpipigil ng halakhak.
"You can call me whatever you want, pwede mo rin akong tawaging—mahal," panunukso ni Donovan. Alam niyang sa mga sandaling iyon ay hindi nakatingin sa kanila ang kanyang dalawang assistant kaya kampante siya sa panunukso kay Raquel.
"Unserious," tanging sambit ng dalaga at bumitiw sa paghawak-kamay nilang dalawa.
***
Habang nagpatuloy ang pagdiriwang, hindi maiwasan ni Raquel na muling mapatingin kay Donovan. Ngayon, mas lalo lang lumalim ang misteryo sa kanyang isipan. Sino ba talaga ito bukod sa pagiging mayaman na engineer at business bachelor?
At bakit pakiramdam niya... habang mas nakikilala niya ito, mas lalo siyang nahuhulog?
Matapos nilang kantahan si Donovan ng "Happy Birthday," kasabay ng pagsindi ni Laurence sa kandila, nagbigay ng wish ang binata.
"Kalayaan at tunay na pagmamahal."
Napakunot-noo si Raquel. Para bang may mas malalim na kahulugan ang mga salitang iyon. Hindi niya maintindihan kung bakit iyon ang naging wish ni Donovan. Pero bago pa lumalim ang pag-iisip niya, mabilis na inihipan ng binata ang kandila dahil itinutok ni Laurence sa gawi nito ang cake.
Sinundan iyon ng munting kasiyahan. Nagsalo sila sa pagkain at maya-maya pa, nagyaya na silang mag-inuman. Ngunit dahil sa kondisyon ni Donovan, hindi siya puwedeng malasing. Ganoon din si Raquel, dahil kailangang mabantayan niya ang binata.
Habang tumatagal ang inuman, unti-unting nalasing sina Laurence at Mang Dudong at natapos din ang tawanan, kantahan, at walang humpay na kwentuhan. Maya-maya pa, tuluyan nang bumagsak si Mang Dudong sa sofa, samantalang si Laurence naman ay nakayuko na sa mesa, mahimbing na ring natutulog. Knocked out na sila ng alak.
Naiwan sina Raquel at Donovan sa sala, at tahimik na nagmasid si Raquel sa dalawang lasing.
"Ang babaw ng tolerance nila," bulong ni Raquel, pinipigilan ang tawa. "Nakatulog na nga sila. Hahayaan na lang natin sila dyan?"
Napangiti si Donovan. "At least masaya sila. Kaya na nila 'yang mga sarili nila."
"Gusto mo na bang bumalik sa silid mo?" tanong ni Raquel, pilit na binabasag ang tensyon.
Tumango si Donovan. "Oo. At gusto ko ring makuha ang regalo ko."
Napakurap si Raquel. "Anong regalo?"
Napangiti si Donovan. "Alam mo na 'yon."
Napairap siya. "Ang kulit mo, Van."
Pero kahit na pinipilit niyang huwag seryosohin ang sinabi nito, hindi niya mapigilan ang pagbilis ng tibok ng kanyang puso.
Sa loob ng silid, marahang inalalayan ni Raquel si Donovan paupo sa kama.
"Okay ka na? Kailangan mo pa ba ng kung ano?" tanong niya.
Ngunit imbis na sumagot, ngumiti lang si Donovan at bahagyang itinagilid ang ulo. "Oo. Kailangan ko nang makuha 'yong regalo ko."
Napahinga nang malalim si Raquel. "Van-"
"Isa lang, Raqui," bulong nito, bahagyang yumuko, tila naghihintay ng kahit isang saglit na paglapit niya. "Hindi mo ba ako pagbibigyan kahit ngayong birthday ko lang?"
Nanatili siyang nakatitig sa binata at hindi agad makapag-decide. May kung anong lambing sa tinig ni Donovan na hindi niya kayang iwasan. Alam niyang delikado ito. Pero hindi niya rin maitanggi ang katotohanang may kung anong bumabalot sa puso niya tuwing kasama niya ang binatang ito.
Napabuntong-hininga tuloy siya. "Fine. Pero isa lang."
Bahagyang lumiwanag ang mukha ni Donovan. "Isa lang. Pangako."
Dahan-dahan, lumapit si Raquel. Inilapit niya ang mukha sa binata, at marahang dumampi ang kanyang labi sa pisngi nito. Isang mabilis na halik lamang iyon na walang hesitation.
Ngunit bago pa siya makalayo, biglang gumalaw si Donovan. Hinawakan nito ang kanyang kamay, na parang ayaw siyang pakawalan.
"Raqui..." mahinang tawag nito.
Napakurap siya, hindi siya sigurado kung anong dapat gawin. Pero bago pa siya makapag-isip, biglang hinaplos ni Donovan ang pisngi niya gamit ang malaya nitong mga kamay. At bago pa siya makaiwas, nadama niya ang malambot na labi ng binata na marahang dumampi na-hindi sa pisngi, kundi sa labi niya mismo!
Saglit na tumigil ang mundo ni Raquel.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro