Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

CHAPTER 18

Sa loob ng Royal Palace ng Tien Maginda, ang maharlikang mga kasapi ng council ay nagtipon sa isang marangyang silid, handa na magtalakay ng isang napakahalagang usapin. Nakaupo sa kanilang harapan ang mga matataas na tao sa pamahalaan, ang mga miyembro ng royal council, at ang ilang mataas na opisyal mula sa iba't ibang sektor. Ang draft na inihanda ni Donovan bago ito umalis ng palasyo ay ipinasa na sa council para sa pagsusuri, at lahat ay naghintay ng mga reaksyon mula sa bawat miyembro.

Habang binabasa ng bawat isa ang nilalaman ng resolution, ramdam ang tensyon sa paligid. Ang alituntunin ay nakatuon sa pagbabago sa sistemang umiiral sa Tien Maginda. Ipinaglalaban ng resolution na ito ang karapatan ng mga ordinaryong Tien, na binubuo ng mga mamamayan na hindi kabilang sa elite na pamilya, upang makapag-aral sa ibang bansa, makilahok sa sports, at magtrabaho sa mga sektor tulad ng creative industries. Nakasaad din doon na papayagan ang lahat na umalis ng bansa, kahit ano pang layunin ng mga ito para mas maging ganap ang kanilang kalayaan. Naroon din ang pagkakaroon ng karapatan ng ordinaryong mamamayan na magbukas ng sarili nilang negosyo, basta tama lang ang pagbabayad ng buwis para mas patuloy na lumago ang ekonomiya ng bansa.

"Ang layunin ng panukala ni Prince Donovan ay makatarungan para sa lahat ng mamamayan ng Tien Maginda," sabi ni Sir Theodore, isang matandang miyembro ng council, na kilala sa pagiging pabor sa makabago at mas makatarungang batas.

Ngunit hindi lahat ay sumasang-ayon. Sa isang sulok ng silid, ang mga mata ni Consort Chandrel, ang reyna konsorte ng Haring Alric, ay tila nagagalit sa gano'ng idea. Ang kanyang matalim na tingin at ang matigas na ekspresyon sa mukha ay nagpapatibay sa hindi pagsang-ayon sa panukalang ito.

"Wala tayong dapat baguhin," ani Consort Chandrel, ang kanyang boses ay malakas at matalim na unalingawngaw sa council room. "Ang tradisyon at ang kasaysayan ng Tien Maginda ay nagsasaad na ang mga karapatan ng mga Tien ay itinatakda na ng kanilang estado sa buhay. Hindi tayo makakakita ng magandang kinabukasan kung pababayaan natin ang ating mga elite na pamilya na may makihati pa sa pribilehiyong exclusive lang para sa kanila."

Habang nagpapaliwanag si Consort Chandrel, nagkaroon ng ilang usap-usapan sa buong silid. Ngunit isang matalim na tanong mula sa isang hindi inaasahang tao ang nagpahinto sa lahat ng pag-uusap.

"Anong klaseng prinsipe ba si Donovan na pinapayagan ninyo na magbigay ng panukalang ganito?" tanong ni Duke Thalrich, isang miyembro ng council na may mataas na posisyon. Tinutok niya ang mga mata kay Consort Chandrel, na para bang may pinapahiwatig siyang lihim.

"Wala nga rito ang nagpanukala ng resolusyon na 'yan, pero bakit tinatalakay pa natin ito? Kung gusto niyang may makinig sa kanya, kailangan niyang harapin ang royal family na kinabibilangan ni Princess Suzanne. Pero saang lupalop ng mundo siya nagtatago?"

Nagkaroon ng mga tahimik na palitan ng tingin sa paligid. At sa puntong iyon, ang mga kasapi ng council ay nagsimulang mag-isip at magduda.

"Hindi ba't naaalala niyo ba ang nangyari sa totoong Prince Donovan? Si Donovan na nagpanukala niyan, ay pinalit lang. Si Prince Donovan ay matagal nang nawala sa mundong ito."

Isang matinding katahimikan ang bumalot sa buong silid. Ang lahat ay nagulat sa rebelasyong ibinuyangyang ni Duke Thalrich. Kaya pala itinatago nila si Donovan at binigyan ito ng higit na kalayaan. Ngayong may panukala ito at dapat na ikasal kay Princess Suzanne, saka lang naisip ng duke na ipahanap ito. Ang lead lang na nakuha nila ay nasa Pilipinas daw ito at namumuhay na parang ordinaryong Filipino citizen.

Si Consort Chandrel ay nagpatuloy sa kanyang matalim na tono, ngunit sa pagkakataong ito, ang kanyang mga salita ay may halong inis at pagkadismaya. "Ipinapalit na lang siya upang maging 'prinsipe' ng Tien Maginda, upang magpatuloy ang mga interes ng mga nagmamay-ari ng lupa at mga negosyo sa estado dahil kailangang may humalili kay Haring Alric. Tama ka, Duke Thalrich, kailangang depensahan ni Donovan ang kanyang panukala. Maaring alam na nito ang tunay niyang pinagmulan kaya may habag na siya sa ordinaryong mamamayan."

Ang mga kasamahan sa royal council ay nagkatinginan. Hindi nila inaasahan ang ganitong pagbubunyag. Ang lahat ng ideya na ibinibigay ng resolution, ang mga pangarap ng pagbabago at pagkapantay-pantay, ay maaaring hindi maisakatuparan dahil sa mga sikreto ng kanyang nakaraan.

Habang tumahimik ang lahat, si Sir Theodore, ang pinakamatandang miyembro ng council, ay nagsalita upang linawin ang usapin. "Kung totoo man ang mga alegasyong ito, hindi natin dapat gawing hadlang ang ating mga tradisyon para sa progreso ng ating bansa. Si Donovan, kahit saan pa siya nanggaling, ay napatunayan na ang kanyang layunin ay makatarungan para sa lahat."

Ngunit sa mga susunod na minuto, ang desisyon ng council ay lumitaw na mas komplikado kaysa sa inaasahan.

***

Sa tahimik na mga pasilyo ng Royal Palace, maingat na naglalakad si Sir Theodore. Sa kabila ng kanyang edad, hindi pa rin siya matatawaran sa pagiging matalas at maingat. Hindi siya basta-basta naniniwala sa mga haka-haka, pero ang mga natuklasan niya ay sapat para itulak siyang magsagawa ng sariling imbestigasyon.

Ayon sa kanyang mga impormante mula sa mas mababang antas ng konseho, may mga lihim na pagpupulong si Consort Chandrel kasama ang ilang mga misteryosong tao. At sa mga pag-uusap na iyon, tila may binubuong balak para mapatalsik si King Alric sa posisyon at mapalayo si Donovan nang tuluyan.

Dahan-dahan niyang inilabas ang isang maliit na papel mula sa kanyang panloob na bulsa—isang sulat mula sa isang tiwalang kasapi ng royal council. Nakasaad dito ang oras at lugar kung saan madalas makita ang mga tagpo sa pagitan ni Consort Chandrel at kanyang mga kaalyado. Sa sulat ding iyon, may pahiwatig na may kinalaman ang konsorte sa pagbagsak ng kalusugan ng hari. May recorded audio rin sa mga pagpupulong.

Nagsimula siyang magtungo sa isang lumang library ng palasyo—isang lugar na bihirang puntahan ng sinuman sa mga maharlika. Doon niya hahanapin ang mga lumang talaan tungkol sa kasaysayan ng pamilya ni Donovan at ang kanilang legal na karapatan sa trono. Alam niyang kailangang may sapat siyang ebidensya bago siya kumilos.

Habang sinusuyod niya ang mga lumang aklat at dokumento, may isang bagay na nakatawag ng kanyang pansin—isang lumang kasunduan sa pagitan ng dating hari at ng isang pamilyang may matibay na koneksyon sa mga tagapagmana ng trono. Ngunit ang isang dokumentong nasa pinakailalim ng talaan ay nagbigay sa kanya ng matinding pagkagulat.

Hindi si Donovan ang tunay na prinsipe ng Tien Maginda.

Ang totoong Prince Donovan ay namatay, mahigit dalawampung taon na ang nakalilipas, isang lihim na itinago ng royal family upang mapanatili ang magandang imahe ng kaharian. Ang lalaking kilala ngayon bilang Prince Donovan at ang parehong lalaki na nasa Pilipinas ay iisa at ipinalit lamang upang mapanatili ang balanseng pampolitika sa loob ng palasyo. Walang dugong bughaw ang binata. Ang dahilan kung bakit kailangang may prinsipe ang kanilang monarkiya ay para maikasal ito sa prinsesa ng Zedria, isang simbolikong paraan upang mapagtibay ang ties ng dalawang royal nation. At kapag nalaman ng lahat na patay na ang totoong Donovan, magiging kahihiyan iyon sa buong royal palace dahil sa kapabayaan. Ang totoong Prince Donovan ay namatay sa pagkalunod noong musmos pa lang ito.

Napapikit si Sir Theodore, pilit iniinda ang bigat ng rebelasyong iyon. Noon pa man ay may hinala na siya, pero ngayong may ebidensya na siya, hindi niya alam kung paano niya ito haharapin.

"Kung malalaman ito ng konseho, wala nang proteksyon si Donovan... at baka mapahamak siya. Kaya pala nagkakaroon na ng usap usapan na pinopondohan niya ang mga rebelde."

***

Samantala, sa isang tagong bahagi ng palasyo, isang anino ang maingat na nakikinig sa pag-uusap nina Consort Chandrel at isang taong mukhang kinatatakutan ng marami—isang assassin na kilala sa ilalim ng pangalang Ranha.

"Siguraduhin mong hindi na makakabalik si Donovan sa Tien Maginda," malamig na utos ng konsorte. "At tiyakin mong hindi na magigising pa si Alric."

"Madali lang 'yan, kamahalan," sagot ni Ranha, may bahid ng panunuya sa kanyang tinig. "Ang tanong lang, paano mo tatanggalin si Duke Thalrich? Siya ang pinakamalakas mong kalaban sa council at siya ang mas mataas sa hari."

Sandaling tumahimik si Chandrel, bago muling nagsalita. "May paraan. Huwag mong alalahanin ang tungkol kay Thalrich. Ang mahalaga, mawala na sa landas si Donovan bago pa siya bumalik sa bansa."

"Nagawa ko na. Natunton ko si Donovan sa Pilipinas. Nasaktan na siya ng ibang mga tauhan."

"Mabuti kung gano'n."

Hindi napansin ng dalawa na may isang taong nagmamasid mula sa dilim—isa sa mga tapat na alagad ni Sir Theodore. Tahimik itong lumabas ng silid at agad nagtungo sa matandang konsehal upang iparating ang narinig.

Sa puntong iyon, napagtanto ni Sir Theodore ang isang bagay—oras na para gumawa ng hakbang bago maging huli ang lahat.  

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro