two
"DAPAT nagpasundo ka na lang. Nabasa ka pa tuloy." Tinulungan ako ni Mama na magpunas ng medyo basa ko nang buhok. "Alam mo namang iniingatan natin ang health mo, anak. Dapat nga hindi ka na pumapasok at nagpapahinga na lang, e."
Bumuntonghininga ako. "Alam kong busy kayo sa comshop kaya hindi na ako nagpasundo. At isa pa, mabuburyo lang ako rito sa bahay kapag hindi ako pumasok. Manageable pa naman ang sakit ko these days."
"Hihintayin mo na lang na lumala hanggang sa atakehin ka do'n sa eskuwehan ninyo? Kailangan mong alagaan ang sarili mo. Nalimutan mo na ba ang sabi ng doktor?"
Hinarap ko ito at saka muling bumuntonghininga. Niyakap ko ito kasabay niyon. "Huwag po kayong mag-alala, 'Ma. Ang lakas-lakas ko kaya."
Ginantihan din ni Mama ang yakap ko. Hinalikan niya ako sa pisngi at saka hinaplos-haplos ang likod ng ulo. "Natatakot lang ako, anak. Hangga't maaari gusto kitang protektahan. Gusto ko nasa paningin lang kita't nababantayan."
"Hindi pa naman ako mamamatay, 'Ma. Huwag kang masiyadong mag-alala. Siyam na buwan pa ang natitira, 'di ba?" Pilit akong tumawa para gumaan ang atmosphere.
Pero imbes na matawa sa dark joke ko ay humagulgol si Mama. Hays. Heto na naman po tayo sa panibagong session ng pagpapatahan. Hindi talaga mabubuo ang araw nang hindi iniiyakan ni Mama ang sakit ko.
Hindi talaga niya matanggap.
Samantalang ako, heto't inihahanda na ang sarili sa katotohanang iyon. Wala naman na akong magagawa pa kung 'yun na ang kahihinatnan ng sakit kong 'to.
---
MAULAN na talaga ang panahon ngayon at kamalas-malasan lang dahil palagi kong nalilimutang magdala ng payong. Tuwing hapon tuloy ay kailangan ko pang maghagilap ng susukuban papuntang sakayan ng traysikel.
"Hello, Steff! May payong ka ba? Nasa'n ka?" Pinakatitigan ko ang makulimlim na langit at ang walang habas na pagbagsak ng mga butil ng ulan mula rito.
"Wala, nakisukob lang din ako, e. Sorry naiwan na kita diyan."
Napangiwi na lamang ako dahil doon. Ibinaba ko rin agad ang linya dahil wala naman kaming ibang pag-uusapan pa. Sana talaga hindi ko nakalimutang magdala ng payong, e!
"Diana, pasukob naman, oh! Hanggang doon lang sa sakayan!" pagsusumamo ko.
"Oh, ngayon ang bait-bait mo. No'ng nanghihingi ako ng papel sa iyo ang sungit-sungit mo."
"Dali na! Ibibigay ko na sa iyo lahat ng papel ko. Pasukubin mo lang ako hanggang sa sakayan!"
Dinilaan lang ako nito. Nang-aasar pa siyang kumaway na animo'y nagpapalam.
Napabuntonghininga na lamang ako sa kawalan ng pag-asa. Sinubukan kong tawagan si Mama para magpasundo pero busy daw siya sa comshop. Makisabay na lang daw ako kay Steff. Tss. Iniwan na nga ako ng babaeng 'yun, e.
"Wala ka ulit dalang payong?"
Napalingon ako sa kaliwa ko. Ibinulsa ko muna ang cellphone ko at pinagtuunan ng pansin ang lalaking nagsalita. May hawak itong payong habang napakalawak ng pagkakangiti. Animo'y guhit na lang ang mga mata niya sa pagkakasingkit.
"Tara! Sukob ka na rito!"
Lumapit ako sa kaniya at nakisukob sa payong niya. Naglakad kaming dalawa nang wala man lang nagsasalita. Hanggang sa sakayan ay wala sa aming umimik. Tumabi siya sa 'kin sa loob ng traysikel saka niya ginamit ang payong para hindi kami masabuyan ng ulan sa loob.
Tinulungan ko na rin siyang hawakan ang payong dahil sobrang lakas din ng hangin. Baka matangay ang payong niya.
Sumilip ako sa labas ng traysikel. Tinitigan ko ang makulimlim na langit. Kumulog pa nang bahagya kaya napakislot ako. May bagyo ata.
"Okay ka lang?" nakataas ang mga kilay niyang tanong.
Napalingon ako sa kaniya. Pero agad din akong napaatras nang mapagtanto kung ga'no kami kalapit sa isa't isa. Doon ko lang din napansin ang pagkakadikit ng mga braso namin, nagkikiskisan ang mga iyon.
Inilayo ko ang sarili ko sa kaniya. Pinaglaruan ko na lamang ang mga daliri ko saka ko tiningnan ang relo ko. Napasipol na lang din ako. Ang tagal naman ng biyahe, tss.
Tumigil ang traysikel sa tapat ng malaking bahay. Wala na ring ulan kaya malayang nakababa si Gab nang hindi nakapayong. Ito na yata ang bahay nila, malamang, kaya nga bumaba na siya ng traysikel at nagbayad ng pamasahe niya, e.
Balak na sanang paandarin ni Manong Driver ang traysikel pero pinigilan siya ni Gab. Napaawang na lamang ang bibig ko nang kunan niya ng picture si Manong. "Meron na akong picture mo kuya, ah. Ibibigay ko 'to sa mga pulis kapag hindi mo nauwi nang maayos iyang kasama ko." Itinuro pa niya ako bago siya tumalikod at pumasok na ng bahay nila.
Napakunot ang noo ko. Kapagkuwa'y napailing na lamang ako. Wirdo talagang lalaki.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro