Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

seven

NAWALA ang ngiti ko nang ma-realize ang posisiyon namin ni Gab. Nanlaki ang mga mata ko at agad na tumayo. "Ehem. G-Gabi na. Kate, let's go inside na."


"I want to play pa!"


"Go inside. Huwag na makulit." Hinila ko na ito kaya wala na itong nagawa kundi maglakad na.



"At ikaw," Bumaling ako kay Gab. Hindi ko ito matingnan nang diretso sa mga mata. "Umuwi ka na sa inyo. Gabi na."


Nasalubong namin si Mama nang pumasok kami ni Kate sa loob ng bahay. "Oh, Gab! Ano pang ginagawa mo diyan sa labas? Pumasok ka na't tapos na ako magluto ng hapunan. Saluhan mo na kami."


Napangiti si Gab at naningkit na naman ang mga mata. Sana tanggihan niya 'yung alok ni Mama.


"Sige po, Tita. Tamang-tama, gutom na po ako." Humawak pa ito sa tiyan bago pumasok ng bahay.


Pambihira talaga!


---




NANG matapos kaming kumain ay nagkuwentuhan pa sila Mama at Gab. Hindi ko naman maintindihan kung anong pinag-uusapan nila dahil naghuhugas ako ng pinggan sa lababo. Naririnig ko lang ay ang pagtawa nila. Wow, close 'yan?


At nang pauwi na ito'y inihatid ko pa hanggang sa gate.


"Salamat," sinsero kong imik kay Gab. Tipid pa akong ngumiti rito.


Isasara na sana niya ang pinto ng kotse pero hindi niya iyon itinuloy. Napakunot ang noo niya dahil sa sinabi ko.


"Salamat kasi pinasaya mo si Kate pati si Mama. Ngayon na lang sila ulit tumawa nang gano'n."


Ngumiti siya. "You're welcome. Buti pa sila napasaya ko. Eh ikaw, masaya ka naman ba?"


Bumuntonghininga ako. "Masaya akong masaya sila."


"Kailangan ko ba sila laging pasayahin para mapasaya rin kita?"


Ngumiwi ako. "Umuwi ka na nga bago pa mapunta kung saan 'tong usapan." Bahagya akong natawa. Natawa na lang din siya bago magpaalam sa 'king uuwi na. Kita ko ang pagkakangiti niya sa loob ng kotse hanggang sa paandarin niya iyon.




PANAY na ang punta ni Gab sa bahay matapos ng gabing iyon. Kahit anong saway ko sa kaniya, wala naman akong magawa dahil hindi naman siya nakikinig. Minsan nga nahihiya na rin ako sa kaniya. Porket siya lang ang lalaki sa bahay, siya na lang ang gumagawa ng mga gawaing mabibigat.


Tulad kanina, kailangang ayusin ng gripo namin at siya na agad ang nagprisintang gumawa. Pwede naman kaming humanap at magbayad sa ibang gagawa pero ano ba namang panama namin sa kakulitan niya?


Minsan nga napapatanong na rin ako sa kaniya kung gusto niya nang tumira dito sa bahay.


"Hindi pa nga tayo kasal gusto mo na agad magsama tayo."


Halos mabilaukan ako nang iyon ang isagot niya habang kumakain kami ng lunch. Agad akong uminom ng tubig at hinimas-himas ang dibdib ko. Taenang lalaki 'to!


Panay ang tawa ni Mama kaya napanguso na lang ako sa inis. Magmula nang tumambay dito si Gab hindi na kumampi pa sa akin si Mama. Minsan nga napapaisip ko kung ako nga ba ang tunay na anak o si Gab.


Pabor din naman kasi kay Mama na narito si Gab. May nakakatulong siya pag-aalaga kay Kate. At saka kapag may problema sa comshop namin si Gab agad ang takbuhan niya.


Mga tipikal na bagay na si Papa ang dapat gumawa, pinunan ni Gab. Kaya hindi na rin talaga ako nagulat na botong-boto si Mama kay Gab para maging boyfriend ko.


Maging hanggang sa birthday ni Mama naroon siya't katulong namin sa pagluluto ng mga handa para sa bisita. Tuwang-tuwa si Mama sa kaniya dahil hulog daw siya ng langit. "Buti na lang nandito ka, Gab, may katulong ako sa pagluluto. Ito kasing si Mara, pagpiprito na nga lang ang alam lutuin nasusunog pa."


Ngumiwi ako. "Nag-i-improve na kaya ako!"


"No worries, Tita. Happy birthday po ulit."


Nahiya na tuloy ako't nakitulong na rin sa kanila sa paghihiwa ng mga rekado. Panay ang tawanan nilang dalawa sa mga kwento ni Gab. Naniningkit na lamang akong napatingin dito. Konti na lang maniniwala na akong clown 'tong si Gab. Expert sa pagpapasaya kila Mama, e.


Nang sumapit ang hapon, sunod-sunod na nagsidatingan ang mga bisita. Pumunta rin si Steff at kumain din. May pinakilala rin sa akin si Gab na kaibigan daw niya.


"Ako nga po pala si Debbie, girl best friend po ako nitong si Gab. Kapitbahay niya rin po ako." Inilingkis nito ang kamay sa braso ni Gab. "Pinuntahan ko po si Gab dito kasi bihira na po kami magkita, e. I miss him."


Niyakap nito ang braso ni Gab na animo'y isang pusang maharot. Inihaplos pa nito ang pisngi sa balikat ni Gab.


Lihim akong napangiwi. Ang dami niyang sinasabi wala namang nagtatanong. At saka hindi naman iyan invited. Anong ginagawa niyan dito?


"Hello, ako po pala si Debbie. Balita ko kaibigan kayo ni Gab kaya palagi siyang tumatambay dito."


Pilit ko na lamang siyang nginitian. Mabuti na lamang at umalis na siya sa harap ko. Nakakaasar 'yung mukha niya.


"Oy, grabe makanguso, ah. May problema ka ba?" tanong ni Steff sa akin. May dala itong paper plate na may lamang spaghetti at shanghai.


"Wala." Halos umirap ako.


Kumagat sa shanghai si Steff. "Nagseselos ka ba?"


"Kanino naman?!"


"Bakit galit ka agad?" natatawang tanong ng kausap ko. "Kay Debbie kako, kung nagseselos ka? Magmula kasi nang dumating 'yun naging ganiyan na hitsura mo--hindi maipinta."


Tumingin ako sa kinapupuwestuhan nina Gab at Debbie. "Magkaiba ang nagseselos sa naiirita. Tingnan mo nga iyang higad na iyan. Akala mo pusang nalilibugan kung makalingkis kay Gab. Sino bang di maiirita diyan?" Pinigilan ko ang sariling umirap.


"Baka naman ayaw mo lang aminin na nagseselos ka?"


"Eh kung kinakain mo na lang kaya iyang mga nasa plato mo nang matahimik ka?" Inirapan ko si Steff sa yamot ko.


Sa pagkairita ay hindi na ako nakakain. Nawalan ako ng gana. Kahit ang daming pagkain sa mesa, na masasarap naman panigurado, hindi ko magawang kumain. Naaalibadbaran ako sa Debbie na 'yun.


"Okay ka lang?" tanong ni Gab. Lumapit ito sa akin at inabutan pa ako ng pagkain pero hindi ko ito pinansin.


Lumayo ako sa kaniya, pumunta ako sa terrace. Wala roong tao at higit sa lahat, wala roon si Debbie. Ewan ko ba, hindi naman ako ginagawan ng masama n'ong tao pero kumukulo ang dugo ko sa kaniya.


"Hindi ka pa yata kumakain."


Napairap ako nang makita si Gab. "Iwan mo 'ko. Gusto kong mag-isa."


"Why? May problema ba?" Tumabi siya sa akin.


"Wala nga! Ba't ba ang kulit mo?"


"I'm just worried about you."


"Okay lang ako." Itinuon ko na lang ang paningin sa labas.


"May nagawa ba akong mali?"


"Wala." Umirap ako. Hindi ko talaga maintindihan kung ba't inis na inis ako. Last time I checked, hindi pa naman panahon para datnan ako.


Dinig ko ang paghakbang niya papalapit sa akin. "Hindi ka naman aakto nang ganiyan kung talagang wala."


"Ang kulit mo talaga." Bumuntonghininga ako. "Naiirita lang ako, okay? Naiirita ako sa Debbie na 'yun."


Napasinghap siya. "Why? May ginawa ba siya sa iyo? Just tell me, pagsasabihan ko siya."


Umirap ako. "Hindi! Wala! Wala siya sa 'king ginawa."


"Bakit ka naiirita kung wala naman?"


"Wala siya sa 'king ginawa pero sa iyo meron."


Naguguluhan niya akong tiningnan. "Hindi kita maintindihan."


"Ganoon ba ang nanliligaw? Nagpapaharot sa ibang babae habang kaharap ang nililigawan niya? Tss."


Umabot pa ng ilang segundo bago magbago ang naguguluhan niyang ekspresyon niya. "Tama ba ang pagkakaintindi ko?!" Nanlalaki ang mga mata niya't napakawalak ng ngiti. "Kino-consider mo na ako bilang manliligaw mo? Pwede na kitang ligawan? Payag ka na?!"


Napakunot ang noo ko, naguguluhan. "Sa halos tatlong buwan mong nakatambay dito sa bahay namin, hindi pa ba pagpayag 'yun?"


"Pero sabi mo kasi--argh! Pwede na akong manligaw!" Niyakap niya ako na siya kong ikinagulat. Napakalawak ng pagkakangiti niya habang napakalapit namin sa isa't isa. Nagkatitigan pa kami bago ko siya itulak palayo habang nanlalaki ang mga mata.


"Kumalma ka nga. At saka pwede ba, bawas-bawasan mo na ang pagtambay dito sa bahay? Huwag namang lagi. Nakakahiya, baka isipin mong inaabuso ko ang pagtulong mo dahil nanliligaw ka sa 'kin."


Tumango si Gab. Kinalauna'y sumigaw pa siya ng malakas na, "YES!"


Akala mo naman sinagot ko na siya kung maka-react. Iniisip ko na tuloy kung anong magiging reaction niya pag sinagot ko na siya. Napakalaki ng ngiti niya ngayon. Baka pag naging kami na, mapunit na ang bibig niya sa sobrang saya.


Lihim na lamang akong napangiti habang pinagmamasdan si Gab. Kumikislap ang mga mata nito. "Tara na, Gab. Baka hinahanap na tayo nila Mama."


Hinawakan ko ang kamay niya na ikinagulat niya. Pinamulahan siya dahil sa ginawa ko. Mahina na lamang akong napatawa habang naglalakad kami pabalik sa handaan, magka-hawak kamay.


Mamatay ka sa inggit, Debbie.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro