Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

prologue

"P-PAPA..." Pumatak ang luha ko nang marinig ko ang malakas na pagdaing ni Papa sa kabilang kama. Pareho kaming nakahiga sa tigkabilang bahagi ng kwarto. Ang kaibahan nga lang, mas maraming mga nars at doktor na nagkukumahog sa kaniya kaysa sa pwesto ko.


Gusto kong tumayo at hawakan ang mga kamay ni Papa. Gusto kong malaman niya na narito lang ako't kasama niyang lumaban. Pero nang akma na akong tatayo ay may nurse na pumigil sa akin. May kinabit siyang kung anu-ano sa katawan ko. Napwersa akong humiga na lamang habang naluluhang tinititigan si Papa sa kabilang kama.


Ilang beses akong nagdasal. Ilang beses kong hiniling sa Panginoon na sana hindi pa Niya kunin ang papa ko. Nagmakaawa ako, halos magsumigaw at magwala sa kinahihigaan. Marami nang nurse na lumapit sa akin para pigilan ako. Humahagulgol akong nagpumilit na tumayo para puntahan si Papa.


Anumang iyak at pagmamakaawa ko sa mga nurse na nakahawak sa akin, hindi nila ako pinakawalan. Mas lalong humigpit ang pagkakakapit ng mga kamay nila sa braso ko at ilang bahagi ng katawan. Nagpatuloy na lamang ako sa paghagulgol habang nakatitig pa rin sa tatay ko.


Natigil lang ako sa pag-iyak nang may tumusok sa braso ko. Dahan-dahang nanlabo ang paningin ko kasabay ng pagbigat ng mga talukap. Tandang-tanda ko pa ang mga sinabi ng doktor bago ako mawalan ng malay. "Time of death, 9:12 pm."


---




"SORRY to say this, Mrs. Afable, pero siyam na buwan na lamang po ang itatagal ng anak ninyo."


Napaawang ang mga labi ko nang marinig iyon. Gustong-gusto kong umimik. Gusto kong magprotesta. Pero hindi ko mahanap ang mga tamang salita. Naitikom ko na lamang ang bibig ko. Napaiwas ako ng tingin nang magbadya ang pagdaloy ng mga luha ko. At nang dumaloy ang mga iyon sa pisngi ko, agad ko iyong pinunas gamit ang nanginginig kong mga kamay.


"D-Doc, ano pong s-sinasabi ninyo? S-Siyam... na buwan? Hindi totoo iyan, Doc. Sabihin mong hindi totoo iyan!" Agad akong niyakap ni Mama. Hinaplos-haplos niya ang braso ko kasabay ng paghagulgol niya.


Wala naman akong imik, natulala na lamang ako habang hinahayaan si Mama sa pagyakap sa akin. Hindi ako makaganti sa yakap niyang iyon, nanigas na lamang ako na parang isang mannequin. Walang ekspresyon. Wala nang maramdaman pa.


"Namana ng anak ninyo ang sakit ng tatay niya. Wala pang lunas sa sakit nilang dalawa. I'm afraid to say that there is nothing we could do to cure it. Gayunpaman, may mga medications at therapies naman tayong pwedeng makatulong para hindi lumubha ang mga sintomas ng sakit niya."


Mas humigpit ang yakap ni Mama sa akin. Panay pa rin ang hagulgol niya. "Hindi," Umiling siya. "Hindi mamamatay ang anak ko!"


Napabuntonghininga na lamang ang doktor saka nagpaalam para pumunta sa iba pang pasyente. Naiwan kaming dalawa ni Mama, hindi pa rin makapaniwala sa balitang narinig.


Hindi tumigil si Mama sa pag-iyak. Ayaw ako pakawalan ng mga yakap niya.


Ilang beses na nag-echo ang boses ng doktor sa utak ko. Ang bagsak nitong balikat at ang nakikiramay nitong mga mata ay malinaw na malinaw sa alaala ko.


Siyam na buwan na lamang...


Mamamatay na ako.


Matutulad na ako kay Papa na namatay five years ago nang pareho kaming atakehin ng sintomas ng sakit namin. Simula bata pa ako ay nakikipaglaban na ako sa sakit kong ito at ang buong akala ko'y gagaling pa ako. Pero magagaya rin pala ako kay Papa.


"Gagaling ka, Mara, naiintindihan mo?" Hinawakan ako ni Mama sa tigkabilang pisngi at tiningnan sa mga mata.


Hindi ako nakaimik. Hanggang sa muli akong yakapin ni Mama'y nanatiling tikom ang bibig ko. Sobrang daming pinoproseso ng utak ko na maski ang sistema ko ay nahihirapang tanggapin.


Panay ang paglilikot ng isip ko sa huling memoryang mayroon ako tungkol kay Papa. Napakalinaw sa alaala ko ng mariing pagkakapikit ng kaniyang mga mata at ang impit niyang pagsigaw. Halos lumuwa ang mga mata niya nang subukan niyang ibuka iyon. Matindi na rin ang pagkakapula ng pulos ugat niyang leeg. Hindi ko siya noon matingnan nang maayos dahil sa hindi mailarawang hinagpis na makikita sa mukha niya.


Iyon marahil ang pinakamasakit na naranasan ko buong buhay ko; ang masaksihan ang pagpanaw ng tatay ko sa mismong harapan ko.


Iyon 'yung klase ng sakit na magiging sariwa sa iyo kahit pa paglipasan ng panahon. Iyon 'yung klase ng sakit na hindi mo gugustuhing maranasan din ng iba.


Kaya't simula nang malaman kong may taning na ang buhay ko, hindi na ako nakipagkaibigan pa. Hindi na ako nagpapasok ng mga bagong tao sa buhay ko.


Ayokong mandamay.


Masasaktan lang sila oras na mawala ako.


Iyon ang ayaw kong maranasan nila dahil alam ko ang pakiramdam n'on. Alam ko kung ga'no kasakit ang maiwan. Hindi mo gugustuhing maranasan iyon. Hindi mo papangaraping maiwan. Maniwala ka sa 'kin.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro