Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

nineteen

MABILIS na lumipas ang mga araw. Maski anong paghihintay ko kay Gab, hindi talaga siya bumibisita. Napagod na lamang ako kakahintay na maalala niya ako. Minabuti ko na lamang na igugol sa pahinga ang atensyon ko.


Sumisikip lamang ang dibdib ko at mas lalo akong nanghihina kapag inaalala ko si Gab.


"Gusto mong pumasyal tayo sa labas?" tanong ni Mama sa akin.


Walang imik akong tumango. Agad naman niyang inihanda ang wheelchair at isinakay ako roon. Dahan-dahan niya akong itinulak palabas hanggang sa garden.


Napangiti ako nang makalanghap ng sariwang hangin. Humampas ang malakas na hangin sa mukha ko kaya napapikit ako. Muli akong huminga nang malalim at saka bumuga ng hangin. Napangiti na lamang ako dahil sa idinagdag n'ong sigla sa akin.


Hinayaan din ako ni Mama na pumitas ng bulaklak sa garden. Agad kong inamoy iyon.


"Napakagandang bulaklak..."


Napalingon ako sa kaniya at saka tipid na ngumiti.


"Kung alin ang magandang bulaklak iyon talaga ang isa sa mga unang napipitas, 'no? Parang sa buhay, kung sino ang may mabuting kalooban siya pa ang mas unang kinukuha."


Napakunot ang noo ko. "Edi masama po pala ang ugali ng mga matatanda?"


Natawa si Mama sa tanong kong iyon. Humagalpak siya sa pagtawa at saka ako pinisil sa pisngi. "Nagawa mo pa talagang magbiro."


Matapos ng ilang segundo naming pagtawa ay pareho kaming natahimik. Itinuon ko na lamang ang paningin ko sa mga bulaklak na nasa garden. Hindi na ako pumitas ulit dahil baka pagalitan na kami ng may-ari.


"Naaalala ko ang papa mo." Bumuntonghininga si Mama.


Agad naman akong napalingon sa kaniya.


"Napakabuti niyang tao. Kaya siguro maaga siyang kinuha sa 'tin dahil nasobrahan siya sa pagiging mabuti." Tumawa siya para pigilan ang nagbabadyang pagtulo ng mga luha sa kaniyang mga mata.


"'Ma..."


"Matagal nang wala si papa mo pero hanggang ngayon narito pa rin ang sakit." Doon na tumulo ang mga luha ni Mama. "Kaya ikaw, anak, lumaban ka. H-Hindi ko kakayanin kung pati ikaw mawawala sa 'kin. Hindi ko k-kaya..." Humagulgol siya at agad akong niyakap.


Wala naman akong nagawa kundi gantihan na lamang ang yakap niya. Gustong-gusto kong sabihin sa kaniya na lumalaban pa rin naman ako. Pero katawan ko na ang kalaban ko. Hindi ito ang klase ng laban na kaya kong ipanalo.


---





"H-HELLO..."


"Hello," agad na pagsagot ng kabilang linya. "Napatawag ka?"


"G-Gab..."


"Bakit?" Napakalamig ng tinig niya.


Napalunok ako kasabay ng pagtulo ng luha ko. "M-Miss na... k-kita."


"I miss you too," agad na sagot ni Gab. Parang robot lamang ang boses niya. Walang damdamin. Hindi ko maintindihan kung bakit gano'n siya makipag-usap sa 'kin.


"Pwede ka bang bumisita dito bukas?"


"Busy kami sa school, e. I'll check if kaya ba ng sched kong pumunta diyan."


Bumuntonghininga ako. "Ilang buwan ka nang busy, ah."


"What do you mean?"


"Bumisita ka naman sa 'kin, oh. Feeling ko kinalimutan mo na ako, e. Ang tagal na nating hindi nagkikita." Pinigilan kong gumaralgal ang tinig dahil sa nagbabadyang paghagulgol. Napatakip na lamang ako ng bibig.


"I don't get it. Kapag bumibisita ako, tinataboy mo 'ko. Pero ngayong pinagbigyan kita, nagrereklamo ka."


Sunod-sunod na tumulo ang mga luha ko. "G-Gab..."


"May importante ka pa bang sasabihin? I want to get some rest."


"M-Mahal mo na ba siya? Mahal mo na rin ba si Debbie?"


Hindi siya sumagot. Naghintay pa ako ng ilang segundo hanggang sa patayin na niya at ibaba ang linya. Napahagulgol na lamang ako habang yakap ang unan ko. Pinigilan kong gumawa ng ingay dahil baka magising si Mama.


Ito naman ang gusto ko, 'di ba?


Gumamit ako ng gayuma para mahulog silang dalawa sa isa't isa. At ngayong gumana nga ang plano ko, saka naman ako nagkakaganito?


Inaasahan ko namang magiging masakit ang kalalabasan ng plano ko pero hindi ko alam na ganito pala kasakit. Mariin ko na lamang na tinakpan ang bibig ko para hindi makagawa ng ingay ang paghagulgol ko.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro