epilogue
ANG akala ko iyon na talaga ang oras ko. Iyon ang buong akala ng lahat.
Pero nagkamali kami.
Nang imulat ko ang mga mata ko, umaga na. Nagising ako ulit. Bagama't nanghihina pa rin, ang importante'y nagising ako. At papaanong nangyari iyon?
Hindi ba't huling araw ko na kahapon? Iyon ang binigay ng doktor na taning sa akin. Anong nangyari at buhay na buhay pa rin ako? Pinisil ko pa ang pisngi ko at nang maramdaman ang sakit ay napaawang ang mga labi ko.
Buhay pa ako.
Buhay na buhay pa ako!
Lahat ay nagulat nang makita nila akong dilat na dilat. Sa kabila ng iyakan kahapon, heto't naimumulat ko pa ang mga mata ko. Pati mga doktor ay nagtataka kung paanong nagkaroon ng himala at nabuhay pa ako sa kabila ng malala kong kalagayan.
Panay ang iyak at pasasalamat ni Mama dahil hindi ako natulad kay Papa. Hindi ako namatay. Hindi ako namatay tulad ni Papa sa sakit na kinakalaban ko ngayon.
Himala. Isang himala.
Nagdaan ang mga araw na patuloy lang ang pagbalik ng sigla ko. Dumaan ako sa iba't ibang uri ng mga tests. Lahat ay nagulantang nang makitang lumiliit na ang mga cancer cells na kinakalaban ko. Walang doktor sa ospital na kinaroroonan ko ang makapagpaliwanag ng dahilan ng paggaling ko.
Lumipas pa ang ilang buwan at tuluyan nang bumalik ang sigla ko. Nagpatuloy pa ako sa pagpapagaling at pagpapagamot. Paglipas pa ng isang taon ay cancer-free na ako. Wala na akong sakit pa.
Sobrang laking pasasalamat sa Diyos ni Mama. Nasagot ang dasal niya na maligtas ako. Bumalik ako sa pag-aaral at nag-graduate din ng high school nang puro awards. Hindi ko sinayang ang ikalawang buhay ko. Ginawa kong productive ang araw-araw kong pamumuhay sa mundo.
Marami akong organization na sinalihan na naglalayong tulungan ang mga cancer patients na kagaya ko noon. Hindi ko rin nalilimutang sumimba tuwing linggo para pasalamatan ang Diyos sa himalang ibinigay niya para sa akin.
Lumipas pa ang ilang taon hanggang sa maka-graduate na ako at magtrabaho bilang isang guro. Mahal na mahal ko ang trabaho ko at walang oras na hindi ko itinuro sa mga batang pahalagahan ang buhay na ipinagkaloob sa kanila.
Lagi ko sa kanilang pinapaalala na ang buhay ay isang regalo na dapat nating pakaingatan. Lahat ay hindi nabibigyan ng regalong ito. Hindi lahat ay nabibigyan ng mahabang panahon para sa regalong ito.
"ILANG years na rin nang iwan mo kami, 'Pa. Hanggang ngayon sobrang linaw pa rin sa alaala ko nang makita kitang maghingalo sa kabilang kamang kinahihigaan ko. Lagi mo sana kaming babantayan, 'Pa. Ayaw ko munang sumunod sa inyo." Natawa na lang ako sa sariling kalokohan.
Nagtirik ako ng kandila at inayos ang pagkakapatong ng mga bulaklak kong dala. Nakangiti kong ipinatong ang mga iyon. Lalo pang lumawak ang ngiti ko nang mapansin ang singsing na suot ko sa 'king daliri.
Kuminang ang bato niyon nang matapatan ng araw.
Tumayo ako matapos iyon at pinagpag ang pwetan. Napalingon pa ako sa lalaking nakatayo hindi kalayuan sa akin. Ngumiti ako rito at saka lumapit. "Gab..."
"Mara..." Lumapit siya sa akin. Napatingin siya sa singsing sa kamay ko at saka pilit na ngumiti. Nang tingnan ko naman ang kamay niya'y naroon pa rin ang relo na nakita kong suot niya dati matapos ang birthday niya. "Ah, ito? Regalo 'to ni Debbie noong 19th birthday ko."
Ipinagpatuloy ko ang pagngiti rito. Pero anumang pilit kong ngiti, nahahalata mo pa ring hindi sinsero iyon. "Kumusta ka na?" Umehem ako nang magkaroon ng katahimikan sa pagitan namin.
"Umm..." Napakamot siya sa batok. "Okay lang naman. Heto, busy na sa business namin. Naabot ko na ang goal ko kasama si Debbie. Ikaw, kumusta?"
Tipid akong ngumiti. "Teacher na 'ko ngayon."
"Itinuturo mo na rin ba sa mga bata kung pa'no mag-review habang kumakain ng candy?" natatawa niyang biro.
Bahagya din akong natawa dahil sa sinabi niya. Unti-unting humina ang pagtawa namin hanggang sa magkaroon ng mahabang katahimikan. Ilang segundo ang itinagal niyon.
"I just want to say sorry about... us." Napatungo siya, hindi makatingin sa akin.
"Bakit?"
Natigilan siya sa tanong kong iyon.
"Bakit ngayon mo lang naisipang kausapin ako? Hindi mo man lang ba nabalitaan na hindi naman talaga ako namatay? Hindi man lang ba nakarating sa iyo 'yun at inabot ka pa ng ilang taon bago ako kausapin?"
"Nahihiya akong humarap sa iyo. Hindi ko alam kung anong sasabihin ko sa iyo no'n. At saka nasaktan mo rin kaya ako no'ng panahong 'yun." Huminga siya nang malalim. "Panay ang pagtataboy mo sa 'kin no'n sa t'wing sinusubukan kong lumapit sa iyo. 'Yung tipong gusto ko ng karamay sa lungkot at trauma'ng dinulot sa 'kin ni Galvez tapos itutulak mo lang ako palayo."
Natigilan ako. Hindi ko alam na gano'n ang naramdaman niya. "I'm sorry. I didn't know."
"Okay lang. Lagi namang nando'n si Debbie para tulungan akong makabangon. Siya ang nakasama ko sa pag-abot ng mga pangarap ko."
"Naiintindihan ko naman, Gab, e. Mas sumaya ka kay Debbie. Mas nabigyan ka niya ng atensiyon sa mga panahong pinagtatabuyan kita." Bumuntonghininga ako. "Pero gusto ko lang sanang malaman mo na ikaw lang ang inaalala ko noon. Lahat ng mga naging desisyon ko noon, para sa ikabubuti mo."
"Akala ko kasi..."
"Akala mo mamamatay ako?" Peke akong tumawa. "Iyon din ang akala ko, e. Well, surprise. Buhay pa ako hanggang ngayon."
"Minahal kita, Mara. Totoo lahat ng mga naramdaman ko sa iyo."
Napaiwas ako ng tingin nang marinig iyon sa kaniya. Pinigilan kong pumatak ang nagbabadyang mga luha. "I know. But your love for me wasn't strong enough. Mas mahal mo si Debbie, alam ko."
"Oo, nandito lang talaga ako para sa closure na matagal ko nang gustong magkaro'n tayo. Mahal ko si Debbie. Mahal na mahal ko siya."
Kitang-kita sa mga mata niya ang sinseridad. Iyon ang mga tinging para sa akin niya ibinibigay noon, para sa ibang babae na ngayon.
Noong gumaling ako, hindi ko na kinausap ulit si Gab. Ayaw ko na silang guluhin pa ni Debbie. Kung tutuusin ay kayang-kaya ko siyang pilitin na ako na lang ang piliin pero hindi ko ginawa. Mahal ko si Gab pero hindi ko siya pepwersahing piliin ako. Hindi gano'ng klase ng pagmamahal ang meron ako para sa kaniya.
May kinuha akong envelope sa coat na suot ko at iniabot kay Gab. Taka niyang pinakatitigan iyon.
"Invitation iyan. Ikakasal na ako next week, Gab. Sana makapunta ka."
Tumango siya nang may ngiti sa mga labi. Niyakap namin ang isa't isa matapos iyon. Ilang segundo ang itinagal ng yakap naming iyon bago kami naghiwalay. Nagpaalam kami sa isa't isa nang may ngiti sa mga labi.
Akala ko noon, okay na ako.
Kailangan ko pa pala nitong closure para may mabunot na tinik sa puso ko. May tinik pa pala sa puso ko na ilang taon ko nang iniinda. Mabuti't napakawalan ko na ngayon.
Huminga ako nang malalim at bumuga ng hangin. Napangiti na lamang ako at saka naglakad papunta sa kotse. Sumakay ako roon. Sumilip pa ako sa bintana bago pinaandar ang sasakyan. Muli akong bumuntonghinininga nang makita si Gab, naglalakad palabas ng sementeryo. Umiling na lamang ako sa sarili at saka pinaandar ang kotse.
Nalimutan ko palang sabihin, peke pala ang gayumang nabili ko noon.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro