eleven
MATAPOS naming i-take lahat ng exams, agad na sa 'ming pina-check ang mga papers namin. Halos magtatalon pa nga ako dahil matataas ang nakuha kong scores.
"Congrats," nakangiting bati sa akin ni Gab.
Agad akong napayakap dito habang pinipigilan ang sariling magtatalon sa tuwa. "Thank you! Thank you talaga! Thank you sa pagtulong sa 'king mag-review!"
"Ehem, ehem."
Napalingon ako kay Steff nang marinig iyon. At nang ma-realize ko naman ang pagkakayakap ko kay Gab ay agad akong napabitaw. Napa-ehem na lang din ako habang pinagmamasdan ang sahig. "Bagong floorwax pala 'tong sahig natin, 'no?"
Natawa si Steff sa akin. "Para-paraan din 'tong si Mara, e."
Pinakyuan ko na lang ito sa yamot ko.
"Ipagluto ulit kita ng favorite mo? Reward para sa matataas mong scores."
Napakunot ang noo ko. Bumuntonghininga ako matapos makapag-isip nang malalim. "Kahit hindi na, masiyado ka nang naaabuso. Nakakahiya naman. Baka isipin nila kumuha lang ako ng manliligaw para utos-utosan at gawing katulong."
"Hayaan mo sila."
"Che! Nahihiya na talaga ako sa 'yo. At saka nahihiya din ako sa mga magulang mo, nagiging kahati na nila ako sa oras mo." Bumuntonghininga akong muli.
"They're totally fine with it, Mara. Basta huwag ko lang daw pababayaan ang pag-aaral ko. Mataas din naman mga scores ko so they have nothing to worry about."
Hindi na lamang ako umimik. Hinayaan ko na lang siya sa gusto niyang pagluluto para sa 'kin. Grabe talaga 'tong lalaking 'to. Walang kasawa-sawa sa 'kin. Halos magkapalit na kami ng mukha dahil lagi na kaming magkasama.
"Hanggang kailan mo balak magpaligaw diyan sa batang iyan?" tanong ni Mama sa akin habang pinagmamasdan namin ang pagluluto ni Gab sa kusina.
Nawala ang mga ngiti ko nang mag-sink in sa akin ang tanong ni Mama. Napaiwas ako ng tingin. "Tingin niyo po... hindi niya ako iiwan kapag nalaman niya ang tungkol sa sakit ko?"
"Hindi mo pa pala nasasabi?" nanlalaki ang mga matang tanong ni Mama.
Hindi ako makatingin sa kaniya nang diretso. "Iyon nga po ang mali ko, e. Nalibang ako. Hindi ko naisip na darating kami sa puntong 'to na maski ako na-a-attach na rin sa kaniya."
"Natatakot ka?"
Tumango ako.
"Labanan mo iyang takot na iyan. Dahil iyang takot na iyan ang pipigil sa iyo para maging masaya. Kung totoong mahal ka ni Gab, tatanggapin ka niya kahit anong taning ng buhay ang ibigay sa iyo."
Bumuntonghininga ako at saka pinakatitigan si Gab habang nagluluto. Nakatalikod ito at hinahalo ang nakasalang. May apron itong suot na kahit medyo madumi ay hindi naman nakabawas sa kagwapuhan niya.
Humarap siya sa akin at saka ngumiti. Napilitan naman akong gantihan ang ngiti niya. Nag-thumbs up ako habang pinipilit ang sariling ngumiti.
---
ISANG linggo lang ang hinintay namin bago ni-release ang grades namin ngayong sem. Tumaas ang grades ko kaysa noong last sem kaya hindi ko mapigilan ang kilig. Agad akong pumunta kina Steff at Gab para ibalita iyon.
Pero iba sa inaasahan ko ang nadatnan ko. Imbes na mga nakangiting mukha ay mga hitsurang hindi maipinta ang bumungad sa akin. Animo'y pinagsakluban sila ng langit at lupa.
"Anong problema?" tanong ko agad.
Pinakita sa akin ni Steff ang grades ni Gab at napaawang ang mga labi ko nang makita ang nag-iisang line of seven niyang grado. Napatingin ako sa subject kung saan siya bumagsak. Si Sir Galvez ang nagha-handle nitong subject na 'to, ah.
Seryoso lamang ang hitsura ni Gab. Kapagkuwa'y nagtiim ang mga bagang nito at kinuyumos ang papel na naglalaman ng mga grades niya. Todo ang panginginig ng kamay niya, halos pulbusin ang papel.
Umalis siya roon. Akma ko sana itong susundan pero hinawakan ni Steff ang braso ko. Napatigil ako at nangunguwestiyon siyang hinarap.
"Hayaan na muna natin siya. Hindi nakakausap nang maayos si Gab kapag ganiyan siya."
Noong pagkakataong 'yon ko napagtanto na hindi ko pa pala nakikitang magalit si Gab. Ito ang unang beses na nakita ko siya sa gano'ng estado.
Natatakot ako. Natatakot ako sa maraming bagay. Ayokong makita siya nang gano'n kapag nalaman na niya ang tungkol sa sakit ko. Hindi ko alam kung bakit pero pakiramdam ko magagalit siya sa 'kin oras na malaman niya ang katotohanan tungkol sa sakit ko.
---
"ALAM kong may idea ka na kung bakit ka narito, hija."
Napatingin ako sa nanay ni Gab. Gusto raw ako nito makausap. Marahil ay dahil sa bumabang grades ni Gab, inaasahan ko naman nang kakausapin niya ako dahil sa nangyari.
"Alam mo, hija... wala naman akong problema sa kung anong meron sa inyo. Lalo na sa iyo, wala akong anumang problema sa iyo. Alam kong napakabuti mong bata. Pero... si Gab na lang ang natitirang pag-asa ng pamilya namin. Gusto ko sanang walang hadlang sa pag-aaral niya."
Napatungo ako. Namasa ang mga mata pero pinigilan kong tumulo ang mga iyon. Kinailangan ko pang pumikit nang maraming beses para magpigil.
"Alam mo ba kung bakit sa school niyo na nag-aaral si Gab?"
Napatingin ako rito. Kitang-kita sa mga mata nito ang sinseridad. Wala itong ibang hangad kundi ang ikabubuti ng kalagayan ng anak niya. Naiintindihan ko.
"Bumagsak ang kompanya namin kaya hindi ko na siya kayang pag-aralin sa Alastair. Kinailangan niyang lumipat ng public school para makapag-aral siya. At kapag nakapagtapos na siya, maiaahon na niyang muli ang kompanya naming nalubog sa utang."
Muli akong napatungo nang salubungin nito ng tingin ang mga mata ko. Hindi ako makatingin nang diretso, siguro ay dahil alam kong may mali rin ako. Naging malaking sagabal ako sa pag-aaral ni Gab.
"Gusto ko sanang umiwas ka muna sa anak ko."
Natigilan ako, animo'y nabuhusan ng malamig na tubig. Inaasahan ko nang maririnig ko ang mga salitang iyon pero iba pa rin pala kapag totohanan na.
Maluha-luha kong hinarap ang nanay ni Gab. Kapagkuwa'y tumango ako at saka muling umiwas ng tingin. Pinunasan ko ang pisngi kong natuluan ng luha ko. "N-Naiintindihan ko po." Tumango ako nang maraming beses habang nagpipigil ng sunod-sunod na pagpatak ng mga luha. "Lalayuan ko po muna... a-ang anak niyo. Lalayo po muna ako kay G-Gab."
Malungkot man ang mga mata ay tipid pa ring ngumiti sa akin ang Mama ni Gab. Niyakap niya ako't hinaplos-haplos ang likod. Doon na nagsituluan ang mga luha ko. Ilang beses akong humingi ng tawad sa kaniya. Alam kong may mali talaga ako sa nangyari.
"Salamat at naiintindihan mo 'ko, hija." Nagpunas ito ng tumulong luha.
"Alam kong para rin po kay Gab ang mga desisyon ninyo. Kung anong mas makakabuti sa kaniya, doon po ako pabor."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro