
eighteen
KUNG dati ay nakakabisita pa si Gab nang dalawang beses sa isang linggo, ngayon masuwerte na lang kung makakabisita siya nang isang beses. May mga linggong hindi ko man lang nakita maski anino niya.
Sobrang effective nga ng gayuma.
Mapait na lamang akong napangiti sa sarili ko. Kasalanan ko rin naman siguro kung ba't nangyari ito. Pinainom ko sila ng gayuma kaya malamang na magustuhan nila ang isa't isa. Natural lang na mawawala na ang atensiyon niya sa akin kasi si Debbie na ang mahal niya.
At iyon ang plano ko...
Isang buwan na lang ang natitira sa akin sa mundong 'to at mabuti nang gan'to. Hindi na siya masasaktan pag nawala ako. Hindi na niya mararanasan ang sakit na naranasan ko nang mawala si Papa.
"Umiiyak ka na naman."
Napalingon ako kay Mama nang bigla-bigla siyang umimik.
"Miss mo na ba si Gab? Gusto mo tawagan ko siya?"
Umiling ako. "Pupunta po siya rito kung gusto niya. At saka okay na po 'yung gan'to. Ayokong maapektuhan siya masiyado ng pag-alis ko."
"Ano bang sinasabi mo, anak? Gagaling ka naman, 'di ba?" Hinawakan niya ang kamay ko. Gamit ang isa pang kamay, hinaplos naman niya ang pisngi ko.
Awtomatikong tumulo ang mga luha ko. "Hanggang ngayon ba hindi pa rin kayo nawawalan ng pag-asa? Pareho nating narinig na sabi ng doktor mawawala na ako." Napahugot ako ng malalim na hininga. "Araw-araw pahina na ako nang pahina. H-Hindi na ako magugulat kung i-isang a-araw... hindi na ako magising."
Tumulo rin ang mga luha ni Mama pero agad niya iyong pinunas. "H-Huwag ka mawalan ng pag-asa, anak."
Umiling ako. "Tanggap ko na, 'Ma. Dapat tanggap mo na rin. Para kapag...o-oras na, hindi ka na mahirapan pa nang sobra."
Tumagilid ako ng pagkakahiga. Sunod-sunod na dumaloy ang mga luha sa pisngi ko. Impit na lamang akong napahagulgol nang marinig ang mahinang paghakbang ni Mama palayo.
---
HINDI pa rin talaga bumisita si Gab sa akin. Hindi ko alam kung nakalimutan niya na ako o ano. Sa Facebook ko na nga lamang siya nakikita. Laging ipinapakita ni Mama sa 'kin ang mga nangyayari sa buhay ni Gab.
Puro si Debbie ang nasa timeline niya. Ang saya-saya nila.
Nandoon si Debbie nang mag-celebrate si Gab ng birthday niya. Samantalang ako, narito sa ospital. Bumati naman ako kay Gab pero tanging simpleng salamat lang ang ni-reply niya. Para akong estranghero.
Sa sobrang effective ng gayuma, mukhang nakalimutan na ako ni Gab.
May binigay akong regalo kay Gab na bracelet. Nakalagay doon ang pangalan ko. Ako mismo ang pumili ng bracelet na iyon dahil naalala ko siya doon nang mag-browse ako online.
Pero ilang videos na ni Gab ang nai-post niya, hindi ko man lang nakitang suot niya iyon. Isang relo ang suot niya, relong hindi ko sa kaniya nakikita dati.
---
"I'M sorry, Mara," nakatungong imik ni Debbie. "Sinubukan ko namang pigilin, e. Sinubukan ko talaga."
Binisita niya ako para mag-sorry. Sorry para saan?
"Wala naman talaga akong intensiyong magkagusto kay Gab. Nagulat na lang ako isang araw na iba na ang nararamdaman ko. Pinigilan ko naman, e. Maniwala ka, ayaw ko rin talagang maramdaman 'to--"
"Shh..." pagputol ko sa kaniya. Mapait akong ngumiti sa kaniya. "Wala kang kasalanan."
"P-Pero--"
"Hindi naman mahirap mahalin si Gab. Hindi kita masisisi. At least ngayon, panatag na ako na hindi na siya m-mahihirapan pag... n-namatay na ako. May bago nang nagpapasaya sa kaniya."
"Mara..."
Ngumiti ako kasabay ng pagtulo ng luha. "Thank you, Debbie. Sinunod mo ang hiniling ko sa iyo."
Agad akong niyakap ni Debbie. "P-Pwede ko siyang iwan, Mara. A-Ayoko nang ganito, hindi ko kaya." Maski siya ay napahagulgol na rin. Panay ang iyak niya habang nakayakap sa akin.
Hinaplos ko naman ang likod niya. "Shh... mas mabuti na ito." Bumuntonghininga ako at saka pilit na ngumiti. Pinigilan kong tumulo ang nagbabadya ko na namang luha. "Pakibantayan na lamang si Gab sa pagtulog ko."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro