Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 43

Hindi nakatulog si Tatiana matapos nilang mag-usap ni Aslan. Nanatili siya sa kaniyang silid at saka na lamang niya naisipan na lumabas sa kaniyang silid.

Namumugto ang kaniyang mga mata, tulala pa rin siya nang makarating sa kusina. Naupo siya sa upuan, hinaplos ang kaniyang tiyan habang taimtim na kinakausap ang kaniyang anak.

Ang hirap paniwalaan ng tatay mo, anak.  Ayaw kong magkaroon kayo ng koneksyon pero alam ko sa paglaki mo, hahanapin mo ang kalinga ng iyong ama.

Kung pwede lang na patawarin ko siya agad, ginawa ko na… pero natatakot ako. Natatakot ako na baka ulitin na naman niya ang kaniyang panggagago.

Naputol ang kaniyang pagmumuni-muni nang tinawag siya ni Race.

“Ate Tatiana?” Tawag ni Race.

Kamuntik na siyang mabuwal sa kaniyang kinauupuan. Napatingin siya agad sa bata.

“A-Ano ‘yon, Race? Papasok na ba kayo? Maghahain pa lang ako ng pagkain.”

Umiling si Race at lumabas naman sa silid si Ryan at ang isa pa nilang kapatid na nakabihis na at handa nang pumasok sa eskwela.

“Oh, ate, may pagkain na riyan,” turo ni Ryan sa lamesa. “Ibinigay po kanina ni Kuya Aslan, nariyan po pala siya sa kabilang silid.” Pagbibigay alam ni Ryan.

Kumunot ang noo ni Tatiana. “Paano niyo siya nakausap? Hindi ba, bilin ko sa inyo na kahit kailan huwag kayong tatanggap—”

“Ate, ipinapabigay po ni Kuya Aslan ang pagkain para po sa inyo…” paliwanag ni Ryan. “Alam ko po na may hindi kayo pagkakaintindihan pero sana po, magkaayos kayo alang-alang na lang sa magiging anak niyo.” Dugtong pa ni Ryan.

Umiling si Tatiana. “Mahirap patawarin, e. Kahit na gusto ko siyang yakapin ng mahigpit, hindi ko kayang gawin kasi natatakot ako… na baka saktan niya lang ulit ako.”

“Ganiyan naman ang pag-ibig ate, may nasasaktan at nagkakasakitan.”

Humugot ng isang malalim na paghinga si Tatiana. “Ang tindi kasi ng naging epekto sa akin, e. Siya lang naman kasi ang unang lalaking minahal ko… pero sa kaniya ko pa naranasan ang masaktan.”

“Hayaan mo po muna ate, pahupain niyo po muna ang galit at hinanakit niyo kay Kuya Aslan.” Sabi ni Riza. “Kausapin niyo na lang po siya kung hindi na kayo galit.”

Tatiana’s heart melted with the words of wisdom of the kids. She never thought that they can make her calm in this kind of situation.

“Mahirap man ibalik ang tiwalang nasira ng isang tao, hayaan lang natin na paghirapan niyang muli ‘yon kahit pa na nakatatak na sa isip natin ang sakit na ginawa niya, balang araw mapapatawad pa rin ang puso mo, ate.” Litanya ni Ryan at tinapik ang balikat ni Tatiana.

Niyakap siya ng tatlong bata at hindi nagtagal, lumayo rin sa kaniya.

“Kung galit ka kay Kuya Aslan, palagi mong iisipin ate… na kahit anong mangyari, tatay pa rin siya ng batang dinadala mo.” Paalala ni Riza.

“Huwag mo siyang hayaan na kusa na lang sumuko, kasi ikaw lang rin ang lalong magiging dehado.” Dagdag pa ni Ryan na tila parang isang eksperto pagdating sa pag-ibig.

Ngumiti siya, nginitian rin siya ng mga ito pabalik.

“Pasok na kayo at baka ma-late pa kayo,” sabi ni Tatiana. “Kung may problema, tawagan niyo lang ako. Hindi muna ako papasok sa trabaho.”

“Mas maigi pa nga ate, dahil buntis ka, dapat manatili ka lang dito sa apartment.”

“At paano ang gastusin natin sa araw-araw?” taas-kilay na tanong niya.

“Naka-pondo po ang pagkain sa ref, ate. Galing po lahat kay Kuya Aslan. At pinapasabi nga po pala niya, na siya ang maghahatid sa amin sa paaralan.” Sabi ni Ryan at narinig nilang may kumakatok sa labas.

Kumunot ang noo ni Tatiana.

“Nariyan na siguro si Kuya Aslan,” sabi ni Race.

Pinagbuksan ni Riza si Aslan, tuwang-tuwa naman ito at natulala na lang si Tatiana sa gilid habang sinusundan ng tingin ang mga bata.

“Magandang umaga, buntis,” kapagkuwan ay bati ni Aslan sa kaniya.

Nagtaas siya ng kilay. “Walang maganda sa umaga, kumag.” Masungit na sabi niya.

Natawa naman ang mga bata sa tabi at pinagmasdan ang dalawa.

Lumapit si Aslan at unti-unti namang lumukob ang kaba sa dibdib ni Tatiana. Napaatras siya at mabuti na lamang mabilis ang reflexes ni Aslan at ipinalibot niya agad ang kaniyang braso sa beywang ni Tatiana para hindi tumama ang likod nito sa lababo.

“Oh, I got you, love…” Aslan whispered, huskily. “Please, be careful. If bad something happens to you and to our child, I would be fucking insane.” His tone sounds worried.

Inirapan siya ni Tatiana. “Huwag mo nga akong hawakan,” angil niya at nag-iwas ng tingin. “Hindi ako gagawa ng ikakapahamak ko at ng anak ko.” Giit niya.

“Anak natin, love,” mariing sambit niya.

Pasimpleng tinulak ni Tatiana si Aslan kaya binitiwan siya ng binata.

“Lumayo ka nga, masyado kang malapit,” iwas tingin na usal niya kahit ramdam niya ang pag-iinit ng kaniyang mukha.

Hindi naman nakaligtas kay Aslan ang pamumula ng mukha ni Tatiana kaya sumilay na naman ang ngiti sa labi niya.

“Kinikilig ka ba, love?”

“Hindi ako kinikilig dahil hindi ka naman nakakakilig!” inis na sambit niya.

Ngumisi si Aslan, hinawakan niya ang bilugang tiyan ni Tatiana sabay luhod at sabi, “Magandang umaga, anak, huwag kang maglikot sa tiyan ni Mommy,” sabi niya. “Ako ang Daddy mo, gago ako pero mahal na mahal kita at aalagaan kita, anak ko.” Dugtong pa niya.

Napalunok si Tatiana, sinipat niya ang kamay ni Aslan.

 “Ihatid mo na lang ang mga bata kasi may lakad pa ako!” utos niya.

“Kaya nga Kuya Aslan, ihatid mo na kami at may lakad pa si Ate Tatiana.” Segunda naman ni Riza.

Nawala ang ngiti sa labi ni Aslan. “Sige, ihahatid ko na muna kayo,” tila nag-iba ang tono ng boses nito. “May pupuntahin rin ako pagkatapos ko kayong ihatid.” Sabi niya habang nakatitig kay Tatiana.

Muling nag-angat ng kilay si Tatiana. “Saan ka naman pupunta?” usisa niya.

“Sa tabi-tabi lang, may tatagpuin.” Sagot niya.

Nag-iwas ng tingin si Tatiana, bakas ang inis sa kaniyang mukha.

Sino naman ang tatagpuin ng lalaking ito? Tanong niya sa kaniyang isipan. Babae na naman siguro ang katagpo niya.

Minabuti na lamang niyang hindi magsalita at ipinagtabuyan na lamang ang mga ito.

“Saglit, hahalikan ko muna ang anak ko,” sabi niya at bumalik sa kinatatayuan ni Tatiana at lumuhod para halikan ang tiyan nito.

At pagkatapos, umangat ang kaniyang tingin, tumayo siya at kinintalan ng halik ang labi ni Tatiana.

“Mahal kita… ingat ka mamaya, love.” Sabi niya at tumalikod na.

Samantala, natulala si Tatiana, hindi makapaniwalang hinalikan siya ni Aslan.

“Bwesit talaga ang lalaking ‘yon!” Inis na sigaw niya. “Hindi naman masarap ang labi niya, kaya sino ba siya para halikan ako? Hindi ko naman siya boyfriend!”

Pinagmumura niya sa kaniyang isipan ang lalaki at maya’t-maya pa ay umayos na siya ng tindig.

Sinimulan niyang kumain, unang tikim pa lamang niya ay nanuot na ang sarap ng pininyahang manok na adobo.

“Ang sarap… luto niya ba ito?” tanong niya.

Tila nagustuhan ng kaniyang anak ang pagkain kaya naparami tuloy siya ng kain. Dumighay siya at busog na busog ang pakiramdam niya.

Tumayo na siya at nagligpit. Nagtungo na rin siya sa banyo at naligo na rin.

Pagkatapos makapagbihis, nakatanggap naman siya ng mensahe mula kay Dion. Nagmadali na siya sa pag-aayos at lumabas na rin sa kaniyang apartment bago bumaba.

Sinundo siya ni Dion sa may kanto at hindi niya alam na nasa malayo lang si Aslan, nakatanaw habang nasasaktan.

Samantala, nakasunod lamang si Aslan malayo kay Tatiana at sa lalaking gusto na niyang basagin ang pagmumukha.

Habang naglalakad ang mga ito sa bandang Session Road, tila nakaramdam si Tatiana na may sumusunod sa kanila kaya lumingon-lingon siya sa paligid.

Mabilis nagtago si Aslan at isinuot ang kaniyang hoodie maging ang kaniyang shades.

Nakita niyang hindi na luminga-linga sa paligid si Tatiana, kaya sinundan niya ang mga ito sa isang sikat na restaurant.

Naupo siya sa pinaka-dulo, pinagmasdan na naman niyang muli ang dalaga na masaya at nakangiti.

Kailan ko kaya makikita ang ngiti mong ‘yan kapag ako ang kaharap mo? Tanong ni Aslan sa kaniyang isipan. Kung pwede lang kitang ibulsa, ginawa ko na. Dugtong pa niya.

Nag-order siya ng pagkain pero ipinabigay niya iyon kay Tatiana. Lumipat siya ng pwesto sa bandang hindi siya makikita ni Tatiana kaya malaya niya itong pinagmamasdan.

Mabuti na lamang at tinanggap nito ang pagkain na in-order niya kaya lihim siyang napangiti kahit sobrang nagseselos siya.

Nang matapos kumain, sinundan niya muli ang dalawa hanggang sa dumako ang tanghali at umuwi si Tatiana. Ganoon pa rin ang senaryo, pagmamasdan niya si Tatiana sa malayo habang ang kaniyang puso ay durog na durog na.

Halos isang buwan na niyang ginagawa ang pagsunod kay Tatiana at lihim niya rin na sinusundan ito pauwi kahit alam niyang hindi na mapakali ang dalaga.

At ngayon, mas lalong nadurog ang puso niya dahil sa hindi na niya makayanan ang matinding selos kaya nang makita niyang hinatid ulit ni Dion ang babaeng mahal niya, nagpakita na ito.

“Oh, nakauwi ka na pala, love,” pilit niyang pinapagaan ang kaniyang boses.

Tumaas ang kilay ni Tatiana. “Ano naman kung nakauwi ako? At isa pa, huwag mo nga akong tawaging ‘love’ hindi kita boyfriend.” Inis na angil niya.

“Bawal ba kitang tawagin sa ganoon? Boyfriend mo ba ‘yan?” tanong niya sabay turo kay Dion.

Naguguluhan naman si Dion pero nang mapagtanto niya kung sino ang kausap niya ay lumukob ang galit niya.

“Sino ka ba?”

“Hindi ako sinuka, inire ako,” sarkastikong sagot ni Aslan.

Kumunot ang noo ni Dion. “Ano ba ang ginagawa mo dito? Hindi ka naman gusto ng Tatiana ko.”

Aslan smirked. “Hindi man niya ako gusto, ako naman ang tatay ng anak niya.”

Natigilan si Dion at lumingon kay Tatiana na napailing lang at malamlam ang kaniyang mata.

“Huwag mong pansinin ang gagong ‘yan,” malamig na sabi ni Tatiana. “Walang magawa sa buhay.” Dugtong pa niya.

Dion smiled and encircled his hands around Tatiana’s shoulder. “Paano ba ‘yan? Tatay ka lang ng anak niya pero hindi mo siya pag-aari.”

“Pag-aari ko siya, minarkahan ko nga,” pabalang na sagot niya. “Markado na ang babaeng inaangkin mo.”

“Pwede ba, Aslan, tumigil ka na?” inis na singhal ni Tatiana.

Kumunot ang noo ni Aslan ngunit kalmado pa rin ang kaniyang boses.

“I won’t stop the chasing until I make you mine again, love.” Aslan told her, seriously. “Chasing won’t make me give up on you. Why would I give up if in the first place, I’m still in love with you and still want you to be my woman for the rest of my life?”

“Nahihibang ka lang, pare,” wika ni Dion.

“Kung nahihibang ako, ang babaeng hawak mo lang ang dahilan ng kahibangan ko.” Malamig na turan niya. “At siya lang ang tanging gamot ng kahibangan kong ito,” dugtong niya.

Naasar si Tatiana. Nilingon niya si Dion. “Dion, sa ibang araw muna tayo mag-usap. Kakausapin ko lang ang gago para matahimik na.” pakiusap niya.

“Hindi, hindi kita iiwan dito na kayo lang.” pagmamatigas ni Dion.

Napangisi si Aslan. “Bakit? Natatakot ka na baka bumalik siya sa akin?” pang-asar niya.

Nagsukatan sila ng tingin ni Dion. Malamig ang tingin na ipinukol nito at nakakamatay naman ang tingin na iginawad ni Aslan.

“Hindi ako matatakot, pare.”

“Ngayon pa lang matakot ka na…” nagkibit-balikat si Aslan, “…baka hindi mo namamalayan, hawak ko na ulit ang babaeng inaangkin mo na talagang pag-aari ko.” Dugtong niya.

“Dion, huwag kang makinig sa kaniya. Nanggagago lang ‘yan. Please, sa ibang araw muna tayo mag-usap.” Sabi ni Tatiana at itinulak si Dion paalis.

Walang nagawa si Dion kung hindi makinig kay Tatiana at umalis na lamang kahit ayaw niya pa sana.

Naiwan si Tatiana at Aslan, nagsusukatan ng tingin.

“Ano ba ang problema mo, Aslan? Halos isang buwan ka ng narito, bakit hindi ka pa bumabalik sa Maynila?” pagalit na tanong ni Tatiana.

Sumeryoso ang mukha ni Aslan. “Nagseselos ako,” bulalas niya.

Kumunot ang noo ni Tatiana. “Bakit ka naman magseselos?” malamig na tanong niya.

“Kasi nakangiti at masayang-masaya ka kasama ng lalaking ‘yon!” Hindi na napigilan ni Aslan ang bugso ng kaniyang damdamin.

“Ano naman sa iyo? Hindi naman kita boyfriend para pagbawalan ako!” Angil ni Tatiana.

Natigilan si Aslan. Ibinulsa niya ang kaniyang kamay at tumawa ng mapakla.

“Nagseselos ako kasi mahal kita, tangina…” mariing bulalas niya. “…kung pwede lang kitang hilain pabalik sa akin, ginawa ko na. Putangina, nagseselos ako. Sa sobrang pagseselos ko, gusto ko na lang sumuko pero hindi, e…” umiling siya. “Sa tuwing naiisip kong sumuko, tinatanong ko na naman ‘yong sarili ko…”

Humugot ng isang malalim na paghinga si Aslan.

“Kung hindi lang kita mahal… hindi ako susubok na ipaglalaban ka, e. Pero mahal kita, kaya kahit nasasaktan ako ng sobra, tinitiis ko na lang kasi ramdam ko at alam ko sa sarili ko…” napalunok siya. “…alam kong nararapat lang ‘yon sa akin.”

Hinawakan ni Aslan ang kamay ni Tatiana at dinala iyon sa kaniyang dibdib at ginawang panuntok ang kamao ni Tatiana at pinagsusuntok ang kaniyang dibdib.

“Suntukin mo na ako, saktan mo na ako… pero kahit kailan hindi kita susukuan kasi mahal kita. Sobrang mahal kita para sukuan ko na lang bigla.” Malungkot at basag ang boses na usal niya.

“Bitiwan mo ako, Aslan.” Malamig na turan ni Tatiana.

Umiling si Aslan. “Hindi kita bibitiwan kasi hanggang kaya ko pa, ipaglalaban at hahayaan kong panoorin ka na masaya kasama ng iba.” Basag ang boses ni Aslan. “Hanggang sa kusa na lang sumuko ang sarili ko, hanggang sa maubos na lang ako… at kapag nakikita kong kaya mo ng wala ako.”

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro