CHAPTER LIX: Beating Hearts (Fabienne)
FABIENNE
RAMDAM NA ramdam ko na ang December. Bukod sa malamig na simoy ng hangin, tila nagyeyelo na rin ang tubig. Parang lalagnatin nga ako sa kada buhos ko ng tubig sa katawan. Mabuti't may water heater ang shower sa bathroom kaya 'di nagmistulang ice bucket challenge ang pagligo tuwing umaga.
Katatapos lang ng prelims namin nitong week. Tapos na ang pagdurusa ko sa para sa taong 'to. Next year naman! Dahil tapos na ang exams, wala na dapat akong pasok ngayong Saturday. Pero dahil masipag akong estudyante at volunteer ako ng USC, may event ako na kailangang puntahan.
"Maraming salamat po sa pagpunta sa ating Puso ng Pasko Program," sabi ni Priam habang nakatayo sa steps ng quadrangle. Nakasuot siya ng pulang polo shirt na may kasamang Santa hat. Meron pa siyang gamit na walker na laging nakaalalay sa kaniya. "At maraming salamat din sa mga miyembro ng Elysian community para sa mga in-cash at in-kind donation. Dahil sa inyo, maituturing nating successful ang ating programa ngayong taon."
Every December, may give-a-gift program ang USC in partnership with the Center for Community Development Services ng Elysian University. Higit sa one hundred na residente—mga bata't matatanda—ang dumalo at nakapuwesto sa hile-hilerang mga upuan sa quadrangle. Binubuksan ang campus para sa mga taga-barangay lalo na ang mga mahihirap at salat sa buhay para bigyan ng kaunting handog—isang pack na may grocery items at Noche Buena package. Kaya kong i-enumerate ang laman ng bawat isa sa mga 'yon dahil kasama ako sa mga nag-pack no'ng isang araw.
"Puwede na po kayong pumila!" anunsiyo ng junior officers at iba pang volunteers na nakakalat sa event area. "Huwag po kayong mag-alala! Siguradong mabibigyan ang lahat kaya hindi n'yo kailangang magtulakan."
Nagsitayo na ang mga matatanda at bata saka gumawa ng dalawang pila sa gilid. Umabante ako sa tabi ni Priam para magkapantay kami. Ako muna ang magsisilbing assistant niya dahil challenge pa sa kaniya ang pagtayo at paggalaw.
Mahigit two weeks na mula no'ng bumalik siya sa campus. Patuloy ang pag-recover ng katawan niya, pero 'di pa rin nanunumbalik ang one hundred percent niyang lakas. Kaya na niyang maglakad nang wala ang tulong ng kaniyang walker, pero may iilang times na nawawalan siya ng balanse kaya kailangang nakaantabay pa rin 'yon sa kaniya.
I heard from Rowan that they'd advised him na magpahinga muna sa event na 'to lalo't 'di pa siya fully okay. Pero matigas ang ulo ni Priam. Daig pa niya ang isang bata minsan. Kapag napagdesisyonan na niya ang isang bagay, 'di basta-basta magbabago ang kaniyang isip. Kailangan ng maayos na reasoning para mabago ang isip niya. 'Sabagay, may mabigat na reason siya para mag-insist na pangunahan ang event.
"It's my way of giving back for the second chance at life that I'm living right now," sabi niya sa 'min sa briefing kahapon. "Also, I don't have stand there for the entire day—only for a few hours. So you don't have to worry about me getting exhausted."
A significant portion of the grocery items were donated by the Torres family. Ito raw ay isang way nila ng pasasalamat. Gano'n talaga kapag well off ang pamilya, kayang mag-donate ng ganito karami sa mga nangangailangan.
Nang may mga taong pumila sa harapan namin, kinuha ko ang isang gift pack sa tabi at iniabot kay Priam. Siya na ang nagbigay n'on sa aleng halos maiyak sa tuwa.
"Maligayang Pasko po." Sinabayan ng ngiti ni Priam ang pag-abot ng malaking eco-bag. Nagpasalamat sa kaniya ang babae bago umalis. Kumuha ulit ako ng gift pack at iniabot sa kaniya. Gano'n ang routine namin sa tuwing may pupunta sa 'ming tapat.
Kung may mga mapang-intriga mang nakamasid, malamang ay iniisipan nila ng masama ang event na 'to. Some might say na umeepal si Priam dahil papalapit na ang student council election at balak niyang tumakbo for reelection. Mabuti nga't 'di itinuloy ni Alaric ang balak nitong ipa-limit agad ang term ng USC president this upcoming election season. Sakaling natuloy, I'd actively campaign against it. Bahala na kung batikusin ako dahil sa pangingialam ko sa politika.
Speaking of USC president, muling sumagi sa isip ko ang ambush conversation ko kay Bellatrix Yllana. Akala ko no'ng una'y mag-o-audition o kaya'y magpapa-picture siya sa 'kin. 'Yon pala, gusto niyang malaman kung open-minded ako pagdating sa politics.
"I'm here to urge you to run for the USC presidency in the next student council race."
Walang nakatatawa ngayon, pero 'di ko naiwasang mapangiti at mapaalik-ik. Napaka-absurd ng idea na 'yon! Teka, alik-ik? Masyado na yata akong naimpluwensiyahan ng binabasa kong script ng Orosman at Zafira.
USC President Fabienne Lucero... Parang 'di bagay, 'no? Naalala ko tuloy 'yong mga sinurvey ng Herald na nagsabing gusto nilang ako ang i-appoint ni Priam bilang bagong VP niya. That was a serious poll, pero parang ginawang katatawanan sa pagsali ng pangalan ko. 'Di bale sana kung may prior experience ako. E, kahit nga sa classroom officers, wala akong posisyon at never akong na-elect. Sa gano'ng kataas na posisyon pa kaya?
If I had accepted Bellatrix's offer, I'd have become the subject of ridicule, lalo na ng mga estudyanteng tine-take seriously ang politics sa university. Nai-imagine ko na ang titles ng opinion pieces at ang phrases na gagamitin para i-describe ako. Popular but lacks experience. Walang pinagkaiba sa mga artistang tumakbo sa Senado. Isang malaking joke sa election. The list of possible insults would be endless.
Binigyan niya ako hanggang January next year para pag-isipan ang desisyon ko. Baka raw makatulong ang Christmas break para makapagnilay-nilay ako. But she didn't have to wait until next month. Meron na akong sagot. In fact, naka-ready na ang sagot ko pagkatapos na pagkatapos niyang i-bring up ang idea. Kaso ayaw niyang tanggapin agad.
Ayaw kong gumawa ng desisyon kung saan mapasasama ako. Enough nang sakit sa ulo at stress ang upcoming play namin at ang mga ganap sa USC. Ayaw ko nang dagdagan pa.
"Yam," tawag ko habang inaayos ng JOs ang susunod na pila. Hawak-hawak ko na ang susunod naming ibibigay na gift pack. "May tanong sana ako. Pero 'wag kang tatawa, ha?"
Lumingon siya sa 'kin, bahagyang kumunot ang noo. "Ano 'yon, Yen?"
Huminga muna ako nang malalim. Gusto kong malaman ang opinyon niya kaya maglalakas-loob akong itanong sa kaniya. "Do you think I have what it takes to be a USC president?"
Akala ko'y lalong kukunot ang noo niya sa pagtataka o kaya'y matatawa siya. Pero nanatiling seryoso ang tingin niya sa 'kin. Wala sa 'king mukha at tono na nagdyo-joke ako kaya baka sineryoso niya.
"Yes, I think you can be a good student council president."
Sumimangot ako. Kung 'di lang siya matutumba sa kinatatayuan niya, baka hinampas ko na siya sa braso. "Binobola mo yata ako, eh! Just tell me your honest opinion, Yam. 'Di mo kailangang magsinungaling o i-sugarcoat ang sagot mo para 'di ako ma-offend."
"That's my honest opinion." Wala pa ring nagbabago sa facial expression niya. Seryoso nga siya. "I honestly believe you can be a good USC president."
Kumunot ang noo ko. "Parang nahihirapan akong maniwala sa 'yo. Baka iniiwasan mong ma-offend ako kaya sinasabi mo 'yan. Pero promise! 'Di ako masasaktan o magtatampo sa 'yo kapag sinabi mong hindi."
"Kung hindi mo tatanggapin ang sagot ko, bakit mo pa ako tinanong?" kontra niya. "Again, I think you have what it takes to be a USC president. I think you have the heart to serve the student body. I think you can commit to the spirit of student leadership. What you lack, however, is experience. If you decide to run in the next election, that will be your Achilles' heel."
"Do you think I'd deserve the position if I run and win?"
"That's for the students to decide. Nasa mga kamay nila ang kapangyarihan."
"I'm more interested in your opinion." Iniabot ko na sa kaniya ang susunod na gift pack, 'tapos kumuha ako ng panibago.
Binati at nginitian niya muna ang matandang lalaki bago ibinigay ang handog namin. Lumingon din siya agad sa 'kin habang hinihintay ang susunod sa pila. "Right now, maybe not. Parang prutas ka na pilit sa hinog. But if you make the right decisions, you will definitely deserve it. No one will question your qualifications anymore."
"Paano?" Masakit na marinig ang kaniyang analogy sa prutas, pero na-appreciate ko ang pagiging honest niya.
"You're currently a USC volunteer so you're more or less an intern in the council. What you need to do next is to hold elective office first before jumping straight into the presidency. Your one-year stint in that position will give you some sort of credibility."
Tumango-tango ako habang hina-hand over ang pack sa kaniya.
"Why? Are you thinking of running in the 2022 student council elections?" tanong niya.
Napakamot ako ng pisngi. "May isang group na humihikayat sa 'kin na tumakbo dahil daw babae at popular ako sa campus. Meron na akong isasagot sa kanila, pero curious ako sa opinyon mo. Ikaw ang mas expert sa 'tin pagdating dito."
I also wanted to know kung siya ba ang tipo ng tao na sasabihin ang gusto kong marinig o ang magandang pakinggan para sa 'kin. Parang test ko na rin 'to sa kaniya.
"If you're going to run, it's going to be a tough race next year," tugon niya sabay ngiti sa 'kin. "A lot of students will definitely vote for you. Hindi ka i-a-approach ng grupong nabanggit mo kung sa tingin nila'y wala kang chance."
"Nah!" Mariin ang pag-iling ko. "Wala akong balak na sumabak sa college politics. Okay na ako sa theater. Susuportahan ko na lang ang candidacy mo para masiguro nating mananalo ka."
Bigla siyang napayuko, nawala ang kurba sa mga labi at ang kislap sa mga mata niya. "I have not decided yet if I'm going to run for reelection next year."
"What?!" bulalas ko. Napatingin tuloy sa 'min ang mga nakapila, maging ang photojournalist ng Herald na kumukuha ng photos namin. Hininaan ko ang aking boses dahil malaking scoop 'to kung sakali. "Nagdadalawang-isip ka na?"
"I still want to serve the student body to the best of my ability," sagot niya. Muling nagtagpo ang mga mata namin. "But a lot has happened in the past three months. At this moment, I'm not sure if I deserve another term."
"'Di natin mababago ang nakaraan, pero mababago pa natin ang kasalukuyan at hinaharap," sambit ko na parang isa akong life guru. Alam kong alam na niya 'yon, pero baka kailangan niya ng reminder. "May two months pa bago ang filing ng certificate of candidacy, 'di ba? May time ka pa para mag-isip kung lalaban ka pa o hanggang dito na lang talaga."
"Right." Agad na nabihisan ng ngiti ang mukha niya nang may lumapit sa kaniya. Binati muna niya ang taong 'yon ng "Maligayang Pasko" bago muling bumaling sa 'kin. "Maybe I'm having these thoughts because I just returned from a coma. I hope the Christmas break will clear my mind."
"Yup! Kung ako ang tatanungin, gusto kong tumakbo ka ulit para matuloy mo ang nasimulan n'yo at magawa mo ang mga 'di n'yo pa nagawa. Pero kung ayaw mo na talaga, susuportahan ko pa rin ang desisyon mo."
I thought of dropping Alaric's name in our conversation, pero baka ma-off siya at maisip niyang gusto ko siyang tumakbo para 'di manalo ang lalaking 'yon. Mas nangingibabaw ang tiwala ko sa kaniya at sa kaya pa niyang gawin, pero 'di ko rin maiwasang isipin na pigilan si Alaric sa pag-upo sa trono.
"Speaking of Christmas break," panimula niya, "are you free on Christmas Eve? Mom is asking kung puwede kitang maimbitahan para i-celebrate ang Pasko kasama namin. Now that they know about relationship, they want to get to know you more."
"What a coincidence!" Napapalakpak ako nang isang beses. "Gusto ka ring i-invite ni Mama sa bisperas ng Pasko. She's looking forward to seeing you again."
"Looks like we have a dilemma here." Bumuntong-hininga siya bago agad pinalitan ng ngiti ang flat niyang mga labi. "We cannot attend two celebrations at the same time."
"Hmmm..." Napahaplos ako sa aking baba. Paano kaya namin masosolusyunan 'to— Aha! "Dahil may dalawang malaking celebration niyan, what if magsalitan tayo? Pupunta ako sa inyo sa Christmas Eve, then pupunta ka sa 'min sa New Year's Eve?"
Dalawang beses siyang tumango habang nakatulala sa ibang direksiyon. "That could work. Walang magtatampo sa either side dahil hindi napagbigyan."
"Yup!" Lumawak ang ngiti ko. Pero sa isang kisapmata, biglang naglaho 'yon. Masyado akong na-carry away sa scheduling namin, muntik ko nang makalimutan ang isang importanteng bagay na kailangan naming pag-usapan. "Pero, Yam, sigurado ba tayo rito?"
"Huh?" Naningkit ang mga mata niya sa 'kin. "May problema ba?"
"Meeting the parents. Celebrating Christmas and New Year with our families..." nahihiya kong sagot. "I get it na kailangan nating mag-pretend at kailangan din nating panindigan ang narrative na couple tayo. Pero mas napalalalim na kasi tayo. Baka mahirapan na tayong umahon."
Bigla siyang natahimik, mukhang 'di rin niya agad na-realize 'yon.
"Kung magpapatuloy ang getting-to-know-you sessions with our families, siguradong mas mapalalapit sila sa 'tin o mapalalapit tayo sa kanila," dugtong ko. "Two to three months na lang, mag-e-eleksiyon na. Malapit nang mag-expire ang agreement natin. By that time, kakailanganin na nating itigil ang pagpapanggap na 'to."
"You have raised a good point," muli siyang nagsalita. "Siguradong hahanapin tayo sa mga susunod na celebration ng mga pamilya natin."
"Magiging iba ang sitwasyon kung tototohanin na natin 'to," saad ko. "We won't have to pretend anymore at magiging natural na ang lahat."
"Gusto mo bang totohanin na natin?"
Tila na-lock sa isang staring contest ang mga titig namin. Natulala ako sa kaniya, napaawang pa ang aking bibig. Biglang bumilis ang tibok ng puso ko. Lub-dub. Lub-dub. Dinig na dinig ko ang bawat pintig nito sa mga tainga ko. Parang uminit din ang aking pisngi kahit 'di gano'n kainit sa labas.
Lumunok ako ng laway at saka huminga nang malalim. "Kung tototohanin man natin, ayaw kong dahil napilitan tayo dala ng current circumstances natin. Gusto kong totohanin natin dahil gusto talaga natin ang isa't isa."
Marahan siyang tumango. "Same sentiment here."
'Di dapat sitwasyon ang magdidikta n'on. Dapat ay ang mga puso namin.
"Ikaw ba, Yam?" Umiwas ako ng tingin. Feeling ko'y namula na parang kamatis ang mukha ko. "Ano ba'ng nararamdaman mo para sa 'kin? Same pa rin ba gaya ng dati? O baka..."
Pansin ko sa 'king peripheral vision na tinititigan niya ako. Sa bawat segundong lumilipas ay palakas nang palakas ang kabog sa dibdib ko, parang bomba na palakas nang palakas ang bawat tick bago sumabog.
'Tapos bigla akong napapikit. Napagtanto ko kung gaano ka-awkward ang sitwasyon. Kung kailan nasa public kami, kung kailan nasa event kami, do'n ko naisipang itanong 'yon. Puso ng Pasko ang topic dito, pero ibang puso ang pinag-uusapan namin. 'Di bale sana kung nasa private area kami at walang ibang tao, magiging mas comfortable kami sa pagsagot ng mga gano'ng tanong.
Lumipas ang ilang segundo pero wala akong narinig na sagot mula sa kaniya. Nang nilingon ko siya, inaasikaso na ulit niya ang mga nakapila at naghihintay na mabigyan ng gift pack.
Alam kong narinig niya ako, at alam kong nakatitig siya sa 'kin kanina. Pero wala talaga siyang sagot sa tanong na 'yon.
Kung ako kaya ang tatanungin niya, ano'ng isasagot ko?
♕
NEXT UPDATE: It's Christmas Eve!
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro