Kabanata XXVIII
PHILIPPINES, 2024
NAGISING si Miles nang may biglang tumapik sa kaniyang balikat. Nakatulog siya sa sobrang daming nagpa-enroll ngayong araw at sobrang layo pa ng kaniyang number.
"Ate, ikaw na po." Sambit ng katabi niya.
Agad naman siyang napatayo nang makita ang number sa isang tv na nakabalandra sa kanilang harapan. Kinuha niya ang envelope para sa enrollment ng kaniyang kapatid na ngayon ay mag fi-first year college na.
"Pagkatapos niyo po rito, miss ay pumunta na ho kayo sa cashier para bayaran ang enrollment fee. Pagkatapos po ay ipa-validate niyo po ang ID na ito." Saad ng isang staff na nasa loob habang kinukuha ang requirements sa envelope.
Alam na naman niya ang proseso pero nakinig pa rin siya dahil sa sobrang lutang niya.
Pagkatapos ng lahat ay napagdesisyonan na niya ang lumabas. May nais siyang puntahan. Una, ay ang dating boarding house niya.
Isang taon na rin ang lumipas nang huli siyang nagawi rito sa syudad. Magmula noong gumraduate siya ay sa munisipyo siya ng Santa Anghela nagtrabaho.
Napahinga siya nang malalim nang makita ang dating tinitirhan. Ganoon pa rin ang istilo at hindi pa rin nawala ang sementong upuan.
May naalala siyang tagpo rito, nanunumbalik lahat ng kaniyang alaala...
Nang makabalik siya sa hinaharap ay lubos ang kaniyang pagtataka nang hindi niya makita si Sir Francois. Papasikat na ang araw at ang unang pumasok sa kaniyang isipan ay si Leonardo.
"O? Anak? Ang aga mo yatang nagising?" Pagtatakang tanong ng kaniyang nanay.
"Nay? Si Leonardo?" Nababalisa siya at gusto ng umakyat ng hagdan ang kaniyang mga paa.
"Ha? Sino si Leonardo, anak?"
"Si Leonardo, nay. Ang– kaibigan ko." Bakas na sa kaniyang boses ang panginginig. Bigla siyang nagulat nang iwinasiwas ng kaniyang nanay ang kamay nito sa kaniyang harapan.
"Tulog ka pa yata, anak? Nananaginip ka yata ng gising?"
Wala siyang ibang nagawa kundi ang pumanik sa taas. Agad niyang binuksan ang pintuan kung saan namalagi ang binata noon.
Isang malamig na hangin ang sumalubong sa kaniya, nanuot ito sa kaniyang balat. Tanging si Milo lamang ang kaniyang nakitang mahimbing na natutulog sa higaan.
Nangilid ang kaniyang luha at halos hindi na siya makahinga sa kirot na naramdaman sa kaniyang puso. Napaupo siya at nasapo ang noo–mistulang isang buhos ng ulan ang dumaloy sa kaniyang pisngi at ang bawat paghikbi ay kasing-bigat ng batong nakadagan sa kaniyang dibdib. "Ang daya mo! Ang daya niyo!"
Nagising si Milo nang marinig ang palahaw ng kaniyang ate at napabangon ng wala sa oras, "Ate? Anong nangyari sa'yo?"
"Milo..."
"Ate..." Agad niya itong niyakap at pinakinggan ang bawat iyak nito. Napatingin din siya sa kaniyang nanay at tatay na kumaripas ng takbo sa kanila.
"Hindi ako nag paalam sa'yo dahil umaasa akong makikita pa kita rito! Ang daya mo!" Sigaw niya pa, hindi na niya alintana kung anuman ang isipin sa kaniya ng mga magulang at kapatid. Hindi niya maintindihan ang sakit na naramdaman.
Lumipas pa ang mga araw, buwan, at taon ay walang palya ang pagpunta ni Miles sa isang lugar na laman ng kaniyang panaginip at gunita. Ang panahon na kung saan naranasan niyang makipag-isang dibdib sa lalaking lubos niyang inibig na kahit sinong lalaki man ay walang makakapantay.
Iniisip ng kaniyang mga magulang na siya ay nabigo lamang sa pag-ibig ng isang binatang nasa ibang baryo kung kaya ay hinayaan siyang mag munimuni sa sarili.
May mga gabing hindi siya makatulog at tanging pag-iyak lamang ang kaniyang alam na gawin. May mga katanungan siyang hindi na magawang sagutin ng tadhana.
Hindi niya rin magawang ngumiti o tumawa. Mas naging mailap siya sa mga tao at tanging pag-aaral at pag-uukit ang inatupag para makawala sa realidad na hindi pwedeng magsama sila ni Leonardo dahil magkaiba ang kanilang panahon. Siya ay nasa taong moderno at ang kasintahan ay nasa panahong makaluma.
Minsan humaharap siya sa salamin at makikita ang peklat sa ilalim ng kaniyang labi at ang peklat na nasa braso niya. Minsan naman ay nakatitig lamang siya sa singsing na nasa daliri at muli na naman siyang iiyak.
NAPAHINGA siya nang malalim nang makita ang dating kwarto sa boarding house at sa pwesto na kung saan sa unang pagkakataon ay nakilala ng binata ang kaniyang mga magulang.
Namamalayan niyang malaki ang kaniyang pinagbago sa sarili. Hindi na niya alam paano magbiro at hindi na niya alam kung paano tumawa nang totoo. Ibang-iba sa dating Miles.
Pagkatapos ay bumaba na siya at ang susunod niyang puntahan ay ang Casa de La Libertad.
Pumara na siya ng tricycle, "Manong, sa Casa de La Libertad po."
"Saan po iyon, ma'am?"
"Sa Cadena de Amor street po, manong." Tugon niya pa, pero napansin niya ang pangungunot ng noo nito.
"Wala pong ganiyan sa Cadena de Amor, baka Hacienda Romero po?"
Napaawang ang bibig ni Miles sa narinig, "S-sige po."
Puno ng pagtataka ang kaniyang isipan, nabalutan na naman siya ng maraming katanungan.
"Magandang heritage site po iyan, ma'am. Dinadayo ng mga vlogger. Minsan naman may mga paranormal experts ngang pumupunta diyan. Para lang sa views eh no." Natatawang saad ng tricycle driver.
Ngumiti lamang siya nang matipid sa narinig.
"Nandito na po tayo, ma'am."
Agad naman siyang nagbayad at bumaba na sa sinakyan. Halos hindi siya makapaniwalang hindi ito gaanong nagbago. Wala rin siyang makitang café sa ibaba.
Dali dali siyang pumunta sa gate. May guardhouse ito sa gilid at may isang guard ang abala sa pagsusulat sa isang record book. "Sir, magandang araw po. Pwede po ba ako–"
"Hindi po pwede, ma'am. Tuwing lunes at byernes lang po ito available na pasyalan." Saad ng guard na hindi man lang tumitingin sa kung sino ang kinakausap dahil abala ito sa pagsusulat.
Napalunok siya ng laway, "Kahit ilang minuto lang po–"
"Hindi po talaga–" Halos mahulog ang gwardiya sa kinauupuan nang makita siya. "K-kamag-anak po ba kayo?"
Umiling siya, "Hindi po, sir. Pero kilala ko si Sir Francois." Napansin niyang natigilan ang gwardiya na parang nakakita ng multo.
"Ma'am, kamukha niyo po ang asawa ni Senyor Leonardo. H-hindi po ako nagsisinungaling, carbon copy po!" Lumabas ang gwardiya sa guardhouse, "Halika po."
Sumunod naman siya sa guard na patungo sa casa.
"Sandali lamang po at tatawagin ko si Sir Francois, pasok po kayo."
Napatango siya at pumasok. Sa unang pagkakataon ay napangiti siya. Nilibot niya ang paningin sa loob ng casa. May mga litratong nakasabit sa bawat dingding at mga nakaukit na kahoy.
Pero ang nakatawag pansin sa kaniya ay isang pwesto na may malapad na salaming nakikita ang loob. May kung anong hatak ng damdamin ang kumawala sa kaniya at agad na nilapitan ito. "Un homenaje a Mila Romero." (Tribute to Mila Romero) Basa niya pa rito.
-----
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro