Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata XXV

NANG makarating si Miles sa tahanan ni Don Matias ay agad siyang nagbigay galang sa mayor doma at pinapasok naman siya kaagad. Dumiretso siya sa silid na kung saan nakahiga si Ginang Margarita. Nadatnan niya itong natutulog.

Agad naman siya na lumapit at hinawakan ang kamay nito. Napansin din niya na malaki ang ipinayat ng Ginang.

"Mila?" Mahinang saad ng babae sa kaniya na halos bulong na lamang kung tutuusin. "Nananaginip lang ba ako, hija?"

Biglang bumuhos ang kaniyang mga luha nang marinig ang boses ng babae, "H-Hindi po. Totoong..." Napahikbi na siya dahil sa sakit na nararamdaman sa puso, "Totoong nandito na po ako s-sa harapan ninyo."

Hinaplos ng Ginang ang kaniyang pisngi at gamit ang hinlalaki nito'y hinawi ang kaniyang mga luha, "Kay buti ng Diyos sa'yo, hija."

"Lumaban po kayo, Ginang Margarita. N-Nandito na ako, hindi ka po namin pababayaan ni Leonardo." Pagtatangis niya, ngayon lamang siya umiyak nang ganito na kahit saang panahon man siya dalhin ay paulit-ulit lamang niya itong damdamin.

Isang babaeng sobrang bait at may busilak na puso ang kumupkop sa kaniya. Ni kahit minsan ay hindi siya pinagdudahan at ni minsan ay hindi nito pinaramdam sa kaniya na ibang tao siya.

"May mga manggagamot ng pinapunta rito si Leonardo, pero kahit sila'y nakikita kong umiiling. Kung totoo ang kabilang buhay ay dadalhin ko ang lahat ng gunita na kayo ang laman ng aking isipan."

Alam niyang pagod na rin ang Ginang, sa lahat ng nangyari sa kaniyang buhay ay nakayanan niyang labanan ito at harapin. "Ginang M-Margarita, Salamat." Bumuhos muli ang kaniyang napakaraming luha, "Ginang, ikaw ang naging nanay ko sa panahon na 'to. Aking naging sandalan at alam kong matapang ka kung kaya ay lalaban ka para gumaling ka. Uukit pa tayo ng marami, h-hindi ba?" Napansin niyang ngumiti si Ginang Margarita at tumango kung kaya ay napangiti na rin siya. Kaniya itong niyakap, "Ipagkukuha kita ng makakain at tubig." Aniya, "Sandali lang po."

Agad siyang umalis sa silid, napalingon muna siya sa gawi ng Ginang sabay punas ng mga luha.  Nagsimula na rin siyang maglakad patungo sa kusina na kung saan madadaanan niya ang silid ni Don Matias. Sobrang lungkot– puno ng panaghoy. Hindi niya mapigilang pumasok sa silid dahil sa nakabukas ang pintuan na tila ba pinapahintulutan siyang pumasok. Doon ay nakita niya ang mga larawang nakasabit sa dingding. Mga larawan na hanggang sa nakaraan na lamang. Napangiti siya nang makita ang isang litrato na nakalatag sa isang mesa—litrato na kung saan makikita si Don Matias at Leonardo na nakasandal sa magkabilang dulo ng piyano.

Inilibot niya pa ang kaniyang paningin, napansin din niya ang isang bagay na natabunan ng tela, sa kaniyang palagay ay isa itong piyano. May nakadikit na isang papel sa tela na nakasulat ang "Para sa aking apo na aking pinakamamahal."

Ibinuklat niya ang sobreng nakapatong sa gilid nito.

Mahal kong apo,

Ako'y nasisiyahan sa iyo sapagkat ang layo na ng iyong narating. Marami ka ng natugtugan na maraming tao at napapasaya mo sila.

Itong aking regalo para sa'yo, Leonardo ay ako pa mismo ang gumawa. Sinekreto ko lamang ito para surpresa sa'yong kaarawan sa unang araw ng Marso.

Naalala ko tuloy noon na bago ako naging piyanista ay ang naging hanap-buhay ko lamang ay ang pag-uukit, hanggang sa naging maestro ako nito at isa sa mga naturuan ko sa pag-uukit ay iyong ina. Pero noong nawala ang iyong lola ay itinigil ko na, pero kahit ganoon ay nang dahil sa'yo, hindi pa pala nawawala ang unang talento ko.

Nawa'y magustuhan mo ito. Maligayang Kaarawan, apo!

Nagmamahal,
Ang iyong lolo

Hinila niya ang tela at doon ay napatabon siya ng kaniyang bibig sa natunghayan.

Ang estatwang nakita niya ay katulad sa estatwang nasa hinaharap at ang may dahilan ng lahat kung bakit siya nandirito. Nanghina ang kaniyang tuhod at napahawak sa sementong piyano. Bumuhos na naman ang kaniyang napakaraming luha. Huminga siya nang malalim at inayos ang sarili, "May dahilan ang lahat, Miles. May dahilan ang lahat." Aniya sa sarili.

Pagkuwa'y lumabas siya ng silid at kumuha na siya ng lugaw at maiinom sa kusina.

Pagkatapos ay agad siyang tumungo muli sa silid pero nadatnan niyang tulog na si Ginang Margarita, "Ginang?" Gising niya pa rito, "Ginang? Nandito na po ang pagkain ninyo. Kain na po kayo, susubuan ko kayo."

Ngunit walang tugon siyang nakuha. "G-Ginang? H-Heto na po o, kain na po kayo." Nanginginig na ang kaniyang boses nang hindi man lang ito tumutugon. Pinatong niya ang maliit na mangkok sa isang mesa, "Ginang Margarita?" Hindi na niya mapigilang yugyugin ito. "G-Gumising k-ka na po," Hanggang sa kaniya na lamang itong niyakap. Tanging paghikbi lamang niya ang naririnig sa buong silid.

HINDI naman makayanan na tingnan ni Leonardo na bibitayin na ang ama sa sentro kung kaya ay umuwi na lamang siya ng mansyon. Tahimik lamang siya na nasa loob ng kalesa, naisip niya tuloy ang ina na tiyak masaya na dahil nakita na ang dalaga.

Nang makarating ay nagtaka siya kung bakit maraming tao sa mansyon. "Anong nangyayari rito?" Agad niyang tanong sa mga kasambahay, "Nay Sylvia, ano ang nangyari?" Pero nabigla siya nang niyakap siya ng mayordoma, doon niya napagtanto na may mali sa nangyayari, "Si ina. Si ina! Anong nangyari?!"

Umiling-iling si Manang Sylvia, "Namaalam na s-siya, hijo. Hindi na niya nakayanan pa."

Tuluyan na siyang bumagsak at napaluhod sa lupa, halos hindi na siya makahinga sa narinig at natulala saglit bago bumuhos ang luha.

Nang makita iyon ni Miles ay agad siyang tumakbo papalapit sa binata at niyakap mula sa likuran, "Pakatatag ka, Leonardo. Nandito lang ako."

Sa pagkakataong iyon ay nakita mula sa hindi kalayuan ni Juancho ang dalawa. Sa kaniyang pakiwari ay ang bigat sa paa ang lumapit pa sa kanila pero ang puso niya ang nanaig na lapitan ang mga ito dahil matalik niyang kaibigan si Leonardo at kailangan ng karamay sa mga oras na ito na tila ba sinukuan na nito ang mundo. "Amigo, nandito lamang kami. Hindi ka namin pababayaan." Kalmado niyang saad at pinunasan niya ang luha ng kaibigan gamit ang kaniyang panyo. "Bilang isang matalik mong kaibigan ay kailanman hindi kita tatalikuran."

LUMIPAS ang mga araw, nanatiling nasa loob ng silid si Leonardo at dinamdam ang lahat ng nangyari. Magulo ang naging kaganapan, ang mahahalagang tao sa kaniya ay wala na.

Kasalukuyan siyang nakaupo ngayon sa kaniyang kama at nakatingin lamang sa sahig.

"Leonardo?"

Napaangat ang kaniyang mukha nang makita ang dalaga. May dala itong pagkain at tubig.

"Kumain ka na, masama sa katawan ang pagpapabaya sa sarili," Pakli ni Miles. "Masarap ang niluto ko."

Ngumiti siya nang matipid, "Salamat." Tanging sagot niya lamang. Naramdaman niya naman ang malalim na paghinga ng dalaga. Iniangat nito ang kutsara, hudyat na siya'y susubuan. "Kaya ko na, Mila."

"Hayaan mo akong pagsilbihan ka. Huwag mo akong pigilan."

Napatitig siya sa dalaga, bakas pa rin ang peklat nito sa ibabang labi. Hindi niya mapigilan na dampiin ang hinlalaki sa labi nito.

Nabigla si Miles sa ginawa ni Leonardo at lumayo siya nang bahagya. Biglang bumilis ang tibok ng kaniyang puso.

"Paumanhin sa aking ginawa, Mila." Napaiwas ng tingin si Leonardo at napatayo upang tumungo sa nakabukas na bintana. 

Napakagat ng labi ang dalaga at napalunok na lamang ng laway, "B-Bakit?" Bigla niyang tanong, alam niyang walang punto ang kaniyang katanungan ngunit may gusto siyang malaman.

Nagkibit-balikat si Leonardo, "Marahil ay sandaling nawala lamang ako sa aking sarili." Aniya. Napaharap siyang muli sa gawi ng dalaga.

"Kumain ka na, mamimitas muna ako ng mga bulaklak." Ani Miles at tumayo na lamang upang lumabas. Hindi na niya marinig ang sarili dahil sa nagtatalbugang tibok sa puso.

"Mila..."

Napalingon ang dalaga.

"Ano ang gagawin mo kapag sa oras na malaman mong ang laman ng iyong mga panaginip ay nakita mo na?"

Natigilan siya sa katanungan ng binata, hindi niya magawang makaimik. Nakita niya itong ngumiti nang matipid.

"Tuluyan na siguro akong nabaliw, walang punto ang aking katanungan." Saad ni Leonardo, muli siyang napatingin sa labas ng bintana.

Napasinghap ang dalaga sa hangin at kumuha ng lakas para magsalita, "Bakit ba natin napapaginipan ang isang tao? Lalo na kung hindi mo pa kilala. Ano bang mahika ang mayroon sa ating panaginip? Ito ba'y kasagutan o simbolo? Wala akong malinaw na sagot, pero sa oras na makatagpo ko ang mga tao sa aking panaginip ay yayakapin ko sila nang mahigpit." Malalim na kataga niya, "P-para hindi ko masabing isa pa rin itong panaginip." May tumulong luha sa kaniyang mga mata. Ngayon niya lamang napagtanto na ang layo na ng kaniyang nilakbay, mula sa estatwa hanggang sa panaginip at sa panahong ito na hindi niya inaasahan na magiging parte siya.

Hindi mapigilan ni Leonardo na hilain ang dalaga at yakapin ito nang mahigpit. "Pakiusap, huwag mo akong iwan. I-Ikaw ang babae na laman ng aking panaginip."

Niyakap pabalik ni Miles ang binata, hindi man siya sigurado sa bukas ay alam niyang hindi niya magagawang iwan si Leonardo. "Hindi kita iiwan. Nandito lang ako."

KINAGABIHAN ay nakaupo lamang si Miles sa azotea, nakatingala at pinagmasdan ang kalangitan na puno ng mga bituin. Pamilyar ang ganitong eksena– eksena na kung saan parehas nilang pinagmasdan ni Leonardo ang mga bituin sa hinaharap. Natawa siya sa alaalang sumagi sa kaniyang isipan na kung saan nagtataka ang binata sa mga nangyayari sa paligid at mga istilo ng mga pananalita sa mga tao sa hinaharap.

"Para sa'yo, Mila."

Napatingin siya sa gawi ng binata  na may dalang tasa, "Salamat."

"Ang daming bituin, tumatanda ba talaga sila?" Tanong ni Leonardo sabay higop ng tsaa. Narinig niyang tumawa nang mahina ang dalaga.

"Sobrang tanda na nila, hindi pa man tayo inilikha nandiyan na sila. Kahit nga sa hinaharap ay nandiyan pa rin, hindi kailanman nawala ang ningning." Saad ni Miles.

"Kahit anumang panahon pala ang lumipas iisa pa rin pala ang ating tinitingala kapag napupuno na tayo ng panaghoy sa sarili. Kaya siguro ginawa sila ng Diyos para ipaalala sa atin na may espasyo pa rin ang kaginhawaan kahit papaano." Malalim na kataga ng binata.

"Siyang tunay." Pakli ng dalaga. Wala siyang ibang masabi, hindi niya kayang sabihin na nanggaling siya sa hinaharap. Ayaw niya, ayaw na niyang isipin na naiiba siya sa panahon na 'to.

"Sandali," Lumapit si Leonardo sa isang piyano na pagmamay-ari ng kaniyang lolo. Binuksan niya ito at pinagpagan. Pagkatapos ay binuksan niya ang bintanang nakaharap dito. "Matagal ko ng gustong maranasan 'to. Ang tumugtog ng piyano sa harapan ng napakaraming bituin."

Napangiti si Miles, "Ito na ang oras na 'yun."

Umupo na ang binata sa harapan ng piyano. Nais niyang iparinig sa dalaga ang piyesa ni Rachmaninov sa Op.23 No. 4 Prelude Major-D.

Nang marinig iyon ni Miles ay parang lumulutang siya sa gitna ng kalmadong dagat habang natatanaw ang bilog na buwan at ang maraming bituin. Napatingin siya sa binata, mula sa makapal nitong kilay, matangos na ilong at sa mata nitong nakakahalina ay hindi niya pa rin maintindihan kung bakit nagawa siyang iwan ni Preciousa. Marami naman ang nagkakagusto dito pero parang pihikan pagdating sa babae.

Napaiwas na lang siya ng tingin nang mapansin niyang nakatingin ang binata sa repleksyon ng salamin na kung saan ay nakikita siya nito. Mas lalo siyang kinabahan nang makitang tumayo ito at lumapit sa kaniya.

"Matagal ko na rin itong gustong maranasan–ang maisayaw ka." Ani Leonardo sabay lahad ng kamay.

Hindi naman nag atubili ang dalaga na tanggapin ang alok ng binata. Inalagay niya ang kamay niya sa balikat nito, naramdaman na rin niya ang pagdampi ng kamay nito sa baywang.

Parang isang napakaraming boltahe ang kaniyang naramdaman nang maglapat ang kanilang mga palad. Kasabay ng musikang galing sa piyano ay hudyat na samantalahin nila ang gabi.

Nakatitig lamang silang dalawa na parang binabasa ng bawat isa ang nais iparating sa kanilang mga isipan.

"Mila, kahit hindi ko man alam kung saan ka nagmula o ano ang iyong pinagmulan, hindi ko man alam kung ano ang iyong buong pangalan pero alam ko kung bakit tayo ipinaglapit ng tadhana..." Hinawakan niya nang mahigpit ang kamay ng dalaga at itinapat ito sa kaniyang dibdib, "Dahil dito."
------

Featured piano piece:

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro