Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata XXIV

NANG marating ni Leonardo at Juancho ang sentro ay agad na pumasok sila sa kwartel. Nadatnan nila roon ang apat na kalalakihan na nakatayo at pawang nakayuko habang ang mga kamay nila ay nakagapos sa likuran.

"Senyor Leonardo, may nakapagturo sa kanila at siya mismo ang nakakita sa nangyari. Ang iyong pinsan na si Mila ay natagpuan sa gubat at walang malay." Saad ni Alperez Corpuz. "Senyor Francois, magpakilala ka sa kanila."

May kung anong kaba ang naramdaman si Leonardo nang makita ang matanda. Medyo kawangis ito ng kaniyang lolo pero mas makapal lamang ang kilay nito.

"Ako si Francois Dela Merced. Isa ako sa mga nakakita at nakarinig sa mga pangyayari– si Mila ay nasa isang kubo na kung saan ako namamalagi, mabuti na lamang at hindi siya napuruhan nang malala, natamaan siya sa balikat ng bala." Seryosong saad ni sir Francois, ginamit na niya ang natitirang abilidad para lamang na mabuhay si Miles.

"Ikaw ang pinag-iinitan ni Don Anghelo, hija. Ang mga nakaalitan mo noon ay nagsumbong sa kaniya–mga elitista ang kinalaban mo!" Saad ng isang lalaking pandak. "Ang nais nila ay mabura ka sa lugar na ito."

"Ang babaw ng pag-iisip ng Don Anghelo na 'yan–" Nakatikim siya ng isang malakas na sampal na ikinasubsob niya sa lupa.

"Oo na't mababaw pero ito malalim!"

Natigilan si Miles nang maramdaman ang pagtalsik ng dugo sa kaniyang mukha. Kitang-kita niya kung paano sinalo ni Don Matias ang matalas na itak at diretsong bumaon ito sa kalamnan ng tiyan. Dumanak ang dugo sa kaniyang mga kamay. Nanlaki ang kaniyang mga mata at nanigas siya sa pangyayari.

"Putang– bakit mo dinamay si Don Matias?!" Bulalas ng lalaking matanda sa pandak na lalaki.

"Hindi ko sinadya! Eh siya itong humarang sa babaeng iyan!" Pag-aaklas pa ng pandak na lalaki.

"Tanga ka!" Saad ng isa pang lalaki na may bruskong katawan.

Samantalang si Miles ay hindi makapaniwala sa nangyari, talagang namatay si Don Matias–namatay sa kaniyang mga kamay. Bigla siyang sumigawsigaw na puno ng galit. Sumigaw siya nang sumigaw at tumayo sabay kuha ng matalim na kahoy, "Magkita-kita tayo sa impyerno!" Halos mapaos na ang kaniyang lalamunan pero ang matinding galit ay umaapaw sa kaniyang katauhan. Tumakbo siya patungo sa pandak na lalaki at walang habas na pinagsaksak niya ito sa dibdib at tiyan, "Nararapat lang sa iyo 'to!"

Tumakbo na ang apat na lalaki at ang isa'y pinutok ang baril at tumama sa balikat ng dalaga.

Nawalan ng ulirat si Miles.

Sa hindi kalayuan ay naroroon si Sir Francois na nakamasid. Kahit siya'y namanhid at hindi makagalaw sa pwesto. Doon lamang siya nagkaroon ng katinuan nang makarinig siya ng putok ng baril. Agad niyang pinihit ang relo at inabante ang oras.

KANINA pa palakad-lakad si Leonardo sa iisang pwesto, hindi siya mapakali habang hithit ang isang tabako.

"Amigo, ikaw ay huminahon." Ani Juancho, "Napansin kong natuto ka ng magbisyo."

Napatigil ang binata at ibinuga ang usok, "Sa dami ng pangyayari ay tanging tabako na lamang ang nagbibigay sa akin ng gaan."

"Makikita na rin natin si Mila. Isang himala ang nangyari ngayong araw,"  Saad ni Juancho, "Sabik na akong makita ang iyong pinsan." Ngunit napansin niyang nag-iba ang ekspresyon ng kaibigan, naging seryoso ito.

"May sasabihin ako sa'yo, amigo..." Panimula ni Leonardo sabay hithit niya ng tabako at pagkatapos ay itinapon niya ang upos nito bago magsalita, "Mayroon akong ipagtatapat sa'yo."

Hindi umimik si Juancho, naghihintay siya sa sasabihin ng kaibigan.

"Si Mila ay hindi ko totoong pinsan." Diretsong saad ni Leonardo, "Estranghera siya sa buhay namin ni ina."

Nag-iba ang ekspresyon sa mukha ng binata sa sinaad ng kaniyang amigo, naguguluhan na siya. "Ano? Kayo'y hindi talaga magkaano-ano?"

"Siyang tunay, amigo. Ang mas malala pa nito ay parang nakita ko na siya dati pa sa hindi ko malamang dahilan." Saad ni Leonardo, napansin niya ang paniningkit ng mata ng kaibigan, "Sobrang pamilyar ng kaniyang mga ngiti–"

Gamit ang malalim na boses ni Juancho, siya ay nagsalita, "Siya ang babaeng nasa panaginip mo." Tumayo siya, "Kaya pala kakaiba siya kung makatingin sa'yo, parang may pahiwatig."

"Ano ang ibig mong sabihin, amigo?"

Huminga nang malalim si Juancho, "Sinubukan ko siyang ligawan kaso ang nangyari ay hindi siya nakapagpasya– hindi ko naman siya masisisi–pero sa aking napansin ay ikaw talaga ang totoo niyang nagugustuhan."

Nanuyo ang lalamunan ni Leonardo na para bang nagkaroon ng kandado ang kaniyang bibig.

"Ano pa ba ang magagawa ko 'di ba? Kawangis nga ni Mila ang iyong inukit mo noon, hindi mo lang natapos nang dumating si Preciousa sa buhay mo." Ani Juancho at napangisi na lang nang maalala ang isang gunita noong mga binatilyo pa lamang sila.

"Alam mo, amigo, kung makakakita man ako ng dalaga na ganito kaganda ang ngiti ay hindi ko na papakawalan pa." Ani Leonardo habang nakatingin sa kaniyang inuukit na mukha sa isang kahoy.

Bago pa man siya natuto ng pag pi-piyano ay natuto muna siyang umukit na itinuro ng kaniyang ina.

"Sino ba 'yan, mi amigo?"

"Hindi ko alam. Nakikita ko lamang siya sa aking panaginip. Hindi ko makita ang kaniyang mga mata, ang tanging ngiti at matangos niyang along lamang."

Humagalpak sa tawa si Juancho, "Guniguni ka na naman, kaibigan." Ngunit inismiran lamang siya ni Leonardo.

"Nabaon ko na nga sa limot iyon, hindi ko na alam kung saan na nakatago ang naiukit ko." Saad ng binata sa kaibigan.

Hindi na lamang umimik si Juancho at napangiti. May kirot man sa kaniyang puso, tatanggapin niya na lamang ito at magpapaubaya.

HAPON na nang marating ni Leonardo ang tahanan kung saan namamalagi na ngayon ang dalaga. "Tao po?" Ngunit walang tumugon. Napatingin pa siyang muli sa papel na binigay ng matanda.

Naglakas-loob na siyang pumasok at nadatnan niya ang dalaga na natutulog sa isang higaan. Maayos ang silid nito na makikitang hindi siya pinabayaan ng kumupkop sa kaniya. Agad siyang lumapit sa kama at hindi maiwasan na hawakan ang kamay ng dalaga. Napatitig siya nang maigi sa mukha nitong may galos sa labi. "M-Mila, nandito na ako. Hinihintay kana ni ina sa tahanan."

Walang tugon. Tanging mga huni ng ibon lamang ang kaniyang naririnig. Napapikit siya at nagsimulang manubig ang kaniyang mga mata, "H-hindi ko inaasahan na ikaw ang babae sa aking panaginip. Kaya pala noong una kitang nakita ay may hiwaga na akong naramdaman, hindi ko lang pinahalata." Saad niya sa dalagang mahimbing ang tulog. Hinaplos niya ang buhok nito at akmang hahalikan sa noo nang bigla itong gumalaw.

"Senyor Leonardo?" Kunot-noong saad ni Miles, hindi siya makapaniwalang nasa harapan niya ang binata, "Paano mo ako natunton?"

Ngumiti ang binata, "May nagpakilalang Francois Dela Merced, siya ang–" Hindi niya pa natapos ang sasabihin nang biglang yumakap sa kaniya.

"Ako'y nangulila sa inyo." Ani Miles habang humihikbi, "P-Pasensya na kung hindi ako nagpakita sa inyo."

"Ssshhh... Ang mahalaga ay ligtas ka."

Humiwalay si Miles, naging matamlay ang kaniyang ekspresyon. "Hindi ko alam kung paano ko patatawarin ang aking sarili–hindi ko nagawang iligtas ang iyong lolo. Siya mismo ang nalagay sa bingit ng kamatayan."

Hindi makaimik si Leonardo at napatulala sa sandaling iyon. Hinawakan niya ang kamay ng dalaga pinisil. "Huwag mong sisisihin ang sarili. Ang hustisya ay malapit ng makamit."

"A-Alam mo na ba kung sino ang nasa likod nito?" Nangingilid ang luha ni Miles. Kung dati ay hindi alam ni Leonardo ang totoong may pakana ng pagkamatay ng kaniyang lolo at tuluyang naibaon ito sa limot ng nakakarami, hindi niya rin maintindihan kung bakit ang babaw ng rason ni Don Anghelo para siya'y patayin na lamang–dahil lang ba ito sa mga kaibigan niyang elitista?

Nakita niyang umiling ang binata. Napahinga siya nang malalim at tuluyang bumuhos ang luha, "A-Ang iyong ama."

Nang marinig iyon ni Leonardo ay halos naging blangko ang kaniyang isipan. Parang may matinis na tunog ang dumaan sa kaniyang tainga.

KINAUMAGAHAN ay nabigla na lamang si Don Anghelo nang biglang may kumalabog sa kaniyang pintuan at agad naman itong pinagbuksan ng kasambahay.

Nagtaka siya sa mga panauhin. "Ano ang inyong ginagawa sa pamamahay ko?!" Singhal niya nang biglang may mga gwardya sibil na pumasok sa kaniyang mansyon sa pangunguna ni Alperez Corpuz. "Ano ba?! B-bakit niyo ako ginagapos?"

Seryosong napatingin sa kaniya ang Alperez na agad kinuha ang isang nakarolyong papel at ibinuklat ito sa kaniyang harapan.

"Ang papel na ito ay isang katibayan na kailangan ka naming dakpin upang harapin ang pagkakasala."

Nagimbal siya sa narinig, hindi niya akalain na kahit anong tago niya sa nangyari ay hindi siya nakaligtas. "Hindi iyan puwede! Kayo'y nag-aakusa. Ano naman ang aking ginawa? Nandito lamang ako sa aking tahanan at gumagawa ng plano para sa ikakabuti ng bayan na ito!"

"Mabuti pa ay sa himpilan ka na magpaliwanag, Don Anghelo." Ani Alperez Corpuz.

Napatingin siya sa asawang si Rosita. Tahimik itong tumatangis sa isang tabi at hinahayaan ang sarili na ginagapos. "Rosita?! Hindi ka mag-aaklas? Wala tayong kinalaman sa sinasabi ng mga bulok na hukbong ito! Kailangan nating harapin ang pinapataw nila!"

"Ayaw ko na, hindi na ako makatulog!" Hikbing saad ni Rosita at kusang sumama sa mga gwardiya-sibil.

"Punyeta!" Napamura siya at nagpupumiglas habang pinapalabas sa sariling tahanan. Doon ay nakita niya ang mga nagkukumpulang tao, nagbubulungan at tila ba ang mga tingin ay nakakatusok sa kabituoran ng puso.

SA loob ng himpilan ay halos wala ng mukhang maipapakita si Don Anghelo. Nagimbal siya nang makita ang dalagang estranghera na kasama ng kaniyang anak, "Leonardo, tulungan mo ako, anak! Hindi ko alam kung bakit nila ako pinagdadakip. Piyansahan mo naman ako, anak." May pagmamakaawang wika niya pa.

Hindi natinag si Leonardo at nanatiling walang reaksyon, buong pwersa niyang tinanggal ang kamay ng ama na nakakapit sa kaniyang manggas.

Samantala si Miles naman ay nasa likuran lamang ng binata at nakayuko. Nasusuklam siya sa pagmamakaawa ni Don Anghelo.

"Bueno, walang hukom ang nais ipagtanggol ka, Don Anghelo. Ang iyong mga alipores ay ikaw ang tinuturong puno't dulo ng lahat. Kahit na ang estrangherang dalaga ay ang isa sa mga magsisilbing ilaw para makamit ang hustisya ng iyong ama." Biglang saad ni Hukom Navales na kalmadong nakaupo lamang sa isang silya. Siya ang tinaguriang 'Hukom Bitay' ng bayan. Matalik niyang kaibigan si Don Matias at alam ang mga maling gawain ni Don Anghelo ngunit nanatili muna siyang tahimik, "Akalain mo nga naman at magkakaharap tayong muli. Sarili mo pang anak ang nagpasiya na ikaw ay ipadakip. Ang bilis ng karma, amigo."

Tagbo ang kilay ni Don Anghelo sa sinabi ni Hukom Navales. Bigla siyang napaluhod, "K-Kahit alisin niyo lang ako sa pwesto bilang kanang-kamay ng Alcalde! Hindi lang ako mabibitay!" Pagsusumamo niya pa, "Anak! Ama mo pa rin ako!"

"Bukas ang pintuan sa ibaba patungong selda, Don Anghelo." Nakakalokong saad ni Hukom Navales, "Adios, amigo."

"Ikaw na mujer ka! Hindi ko patatahimikin ang iyong kaluluwa hanggang hukay!" Bulyaw ni Don Anghelo kay Mila habang siya'y tinutulak na pababa patungo sa selda kasama si Rosita.

Tinapik ng hukom ang balikat ni Leonardo nang makatayo, "Tama lang ang iyong ginawa, hijo. Hindi na rin madadala sa salapi ang kasalanan ng iyong ama. At sa iyo, hija..."

Halos hindi makatingin ng diretso si Miles, alam niya sa sarili na nakapatay din siya.

"Wala kang kasalanan. Tama lang na kung may kinuhang buhay ay may kapalit din na parusa." Nakangiting saad ni Hukom Navales.

ILANG oras ang lumipas ay nagkaroon ng papasiya si Leonardo na magpakita sa ama sa selda. Sa huling sandali ay nais niyang makita ito kahit hindi na niya ramdam ang pagiging ama nito. Base sa kaniyang nalalaman ay bibitayin ito mamayang hapon kasama ng tatlong kalalakihan. Si Rosita naman ay ipapatapon sa ibang lugar.

Nang makarating siya ay agad niyang nakita ang ama na nakaupo sa nagkukumpulang dayami habang nakayuko,  nakapikit at nagdadasal.

Tumikhim siya sabay hawak sa rehas. Hindi niya maunawaan ang sarili kung bakit hindi niya magawang maawa sa ama.

"Leonardo," Garalgal ang boses ng kaniyang ama nang mapansin siya nito. "Alam kong huli na."

Nanatili siyang nakatayo ngunit napapahigpit na ang paghawak niya sa bakal na rehas.

"Alam kong kinamumuhian mo ako. Nabulag ako sa aking karangyaan at nalimutan kung saan ako dapat lumugar." Puno ng panaghoy ang boses ng kaniyang ama, "Patawarin mo ako, anak. Patawad sa lahat ng pagkukulang ko sa inyong dalawa ng iyong ina."

Hindi siya makapagsalita at nanatiling tikom ang bibig. Ang salitang patawad ay hindi kailanman mapapantayan ng paghingi ng hustisya.

"Marahil ay huli na ang lahat para sabihin ito, mahal na mahal kita, anak." Sambit ng kaniyang ama.
----

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro