Kabanata XXII
FILIPINAS, 1896
LUMIPAS ang mga araw magmula noong bagong taon. Abala na ngayon si Miles sa pag-uukit ng mga kahoy. Nakawilihan na niya itong gawin kapag walang ginagawa o araw ng sabado.
"Masyado ng maraming narating na lugar si Leonardo magmula noong nagtanghal siya sa piyesta." Wika ni Ginang Margarita habang hawak ang isang liham galing sa anak, "Tingnan mo, narating na niya ang kabilang isla. Pupunta roon ang Visitador-Heneral ng Espanya."
Natigil ng dalaga ang pag-uukit at nakibasa na rin, "Hala, oo nga, Ginang!" May galak ang kaniyang boses, "Ano kaya ang dating ng Visitador-Heneral ano?"
"Matikas, siguro?" Hagikhik na tugon ni Ginang Margarita.
Napatawa naman si Miles at inakbayan na lamang ang Ginang, "Ano po ang gusto niyong ulamin?"
Napaisip nang bahagya ang babae, "Gusto kong mag-ihaw tayo ng isda."
Tumango-tango ang dalaga, "Bueno, para may pang-hapunan tayo ay mamamalengke na po ako." Pagkatapos ay pinagmasdan niya ang Ginang na napangiti.
"Ang bait mo talaga sa akin, hija. Siguro ay anghel ka?" Napansin niyang tumawa na lamang ang dalaga at umiling. "Para sa akin ay isa kang anghel."
"Anghel na nahulog sa lupa at nauna ang mukha," Biro pa niya na siyang ikinatawa ng Ginang. "Tutuloy na po ako," Ani Miles at ngumiti sabay kuha ng balabal na nakasabit lamang sa sanga ng malunggay.
"Mag-ingat ka, hija."
"Opo!"
NANG marating ni Miles ang palengke ay agad siyang napapili ng mga isda. "Isang kilo po ng bangus."
"Heto, hija."
Tinanggap naman agad niya iyon matapos ibalot sa isang dahon ng saging at inabot niya na rin ang bayad. Naglakad na siya papalabas ng palengke. Nais niyang maglakad na lamang at samsamin ang bawat lugar na kaniyang madadaanan.
"Siguro ay kailangan ng isiwalat ang tungkol sa atin."
Nakarinig na naman siya ng pamilyar na boses ng lalaki.
"H-hindi ko pa kaya. Baka kung ano ang mangyari sa akin at makakasama sa batang dala ko sa aking sinapupunan."
Nanlaki ang kaniyang mga mata sa narinig at napalunok ng laway. Pero kailangan niyang lagpasan ang dalawa na parang walang narinig kung kaya ay napagpasyahan niyang maglakad ng mabilis.
"M-mila?" Hindi makapaniwalang saad ni Preciousa nang makita ang kaibigan.
"Sino siya, sinta?" Pagtatakang tanong ni Julio.
Hindi na niya magawang sagutin ang kasintahan dahil lakad-takbo siyang tumungo kay Miles. Nangingilid ang kaniyang luha, "M-mila..."
Halos hindi makagalaw si Miles sa mga oras na ito, talagang natuod siya sa kinaroroonan.
"N-narinig mo ba?"
Hindi makasagot si Miles at ang tanging naririnig niya ang panimulang pagtangis ng kaharap.
Nagulat na lamang siya nang biglang lumuhod ito sa kaniyang harapan habang mahigpit na nakahawak ito sa kaniyang mga kamay.
"Por favor, mi amiga... H-huwag mong sabihin ang iyong narinig kay Leonardo! Por favor!" Hagulhol ng dalaga sa harapan ng kaibigan.
Hindi na niya alam ang gagawin at wala siyang maisasalita pa, nangilid na rin ang kaniyang mga luha.
"Por favor,"
Napatingin siya kay Julio na ngayon ay seryosong napatingin sa kaniya, kalauna'y hinila niya ang kaibigan upang makatayo. Kitang-kita niya ang mga matang namumugto.
Hindi ganito ang eksena. H-hindi! Sa labas ng simbahan niya dapat ito sasabihin sa akin! Talaga bang nagbabago na ang nangyayari?!
"M-mila... Alam kong kinamumuhian mo na ako ngayon. P-pero hayaan mo akong ako na ang... m-magsasabi kay Leonardo."
Ramdam niya ang panginginig ni Preciousa. "I-iisipin ko na lamang na hindi ito nangyari." Sa wakas ay nagkaroon na siya ng lakas-loob na magsalita, "Iisipin ko na lang na wala akong narinig at ibabaon ko ito sa limot."
Pinunasan ni Preciousa ang sariling luha at napasinghap, "M-mahal ko si Leonardo-"
"Doon lang 'yun. Mahal mo lang siya at may sukdulan ang katagang iyan. Hindi mo siya inibig kundi minahal lang." Matigas na turan niya sa kaharap, "Julio, nawa'y hindi magsisisi si Preciousa sa'yo." Sabay alis niya sa harapan ng dalawa. Umiiyak siya nang hagulhol habang lumalayo sa kanila.
"O? napaano ka, hija? B-bakit mugto ang iyong mga mata? M-may umaway ba sa'yo sa daan?" Nababahalang katanungan ni Ginang Margarita nang makita si Miles.
"W-wala po. Naiyak lang po ako sa padula sa sentro." Pagsisinungaling niya pa, pagkuwa'y napayakap siya sa Ginang Margarita.
Nagtaka man ang Ginang ay kaniya na lamang itong niyakap pabalik at pagkatapos ay pinaupo ang dalaga sa isang silya tsaka binigyan ng tubig. "Masakit ba ang wakas ng dula?"
Hindi umimik si Miles, bagkus ay napatingin siya sa gawi ni Ginang Margarita, "Hindi ko mawari kung ang lalaki ba sa kwento ang mali, dahil ayaw niyang magmadali sa buhay, o ang babaeng nakuhang magsinungaling at umabot na sa punto na parang nagda-dalawang isip na siya kung paano niya simulan ang pagsabi ng totoo na may mahal na siyang iba."
Napatulala ang Ginang sa sinabi ng dalaga, nakikita niyang apektado ito kung kaya ay hinaplos niya na lamang ang buhok, "Sa totoo niyan ay, may mali sa dalawa. Hindi madali ang ganiyang sitwasyon, hija. Pero mas kawawa ang lalaki, malay ba natin kung may malaking plano yaong binata, hindi ba? Pero hindi na nakapaghintay ang babae. Ang mas mainam pa ay mag-usap sila ng masinsinan– mas mainam na parehas silang kalmado. B-bakit? Ano ano ba ang naging wakas ng dula?"
"H-hindi ko alam, Ginang. Hindi ko na po tinapos." Wala sa ganang saad ni Miles. "Magluluto na po ako."
Naiwan lamang ang babae sa sala habang puno ng pagtataka ang mukha.
KINABUKASAN ay naisipan na pumunta ni Miles sa simbahan para magdasal ng taimtim. Alam niyang hapon na at kailangan niya ng umuwi.
"Hindi ko na alam kung paano ko itatama ang nagawa mo sa panahon na ito. Mukhang naiba mo na ang daloy ng pangyayari."
Napalingon siya sa nagsalita–si Sir Francois, "Senyor..."
Napabuntong-hininga ang matanda bago magsalita, "Kung hindi ka dumaan ay hindi ka makikita ni Preciousa. Kung hindi ka nakipag-usap kay Juancho ay hindi mababalisa si Leonardo–"
"Bueno, kung ipamukha mo lamang sa akin ang aking mga maling pagpapasya, Senyor ay ibalik mo na lamang ako sa kasalukuyan. Pagod na po ako rito." Seryosong saad ni Miles, "Wala naman akong kinalaman dito pero pinasok niyo ako sa panahon na ito-"
"Alam mo kung bakit, hija?"
Hindi makapagsalita si Miles at naghihintay ng kasunod na litanyam
"Dahil bukod sa nais kong malaman mo kung sino ang may gawa sa estatwa, ikaw, ikaw ang babaeng laman ng panaginip ni Leonardo."
Nangilid ang luha ng dalaga at napatayo, tumakbo siya papalabas ng simbahan. Hindi na niya mapigilan ang umiyak.
Hindi ko mawari kung bakit ako nasasaktan ng ganito? Dahil ba isa ako sa mga rason kung bakit naging matandang binata si Leonardo dahil sa kakahintay sa akin? Kaya pala hindi pa siya handa na magpakasal kay Preciousa dahil nais niyang makita ako?
Hindi na niya namalayan na malayo na ang kaniyang tinakbo at napansin ang sarili sa isang masukal na kagubatan. Papalubog na ang araw at kailangan na niyang tahakin pabalik ang daanan.
"¿Que necesitas de mi?" (Ano ba ng kailangan ninyo sa akin?)
"Nais lang namin na alamin kung nasaan ang dalaga, Don Matias! Ang alam namin ay nasa mga kamay mo siya. Hindi ka namin sasaktan kung dadalhin niyo siya sa amin."
Napatago siya bigla sa isang malaking kahoy nang makita ang isang matanda na nakaluhod sa harapan ng limang kalalakihan, nakasuot ang mga ito ng ordinaryong kamiso de tsino at may salakot sa kanilang ulo. Sa tingin din niya ay mayaman ang matanda. Nakita niya rin ang nakahandusay na katawan ng lalaking kutsero.
Nanlaki ang kaniyang mga mata nang maaninag kung sino ang matanda, "Don Matias!" Halos hindi na siya nag dalawang isip na lapitan ang matanda, agad siyang kumuha ng matalas na kahoy sa lupa.
"M-mila, b-bakit ka narito?" Hilakbot na saad ng matanda, "Hindi ka na sana pumunta pa!" Mahigpit ang kaniyang hawak sa dalaga kahit na nababahiran na niya ito ng dugo.
"N-naligaw po ako rito."
"Ah! Siya pala si Mila, mga amigo!" Saad ng matabang nakasalakot, "Kapag siniswerte ka nga naman at dito ka pa talaga naligaw!" Sabay halakhak nito.
"Huwag niyong subukan na saktan ang dalagang ito, malaki ang kapit ko sa lipunang ito! Pwede ko kayong patawan ng bitay!" Pagbabanta ni Don Matias sa limang kalalakihan.
"Tanda, wala ka ng lakas pa."
"Ano ba ang kailangan ninyo sa akin?!" Buong tapang na tanong ni Miles.
"Ikaw ang pinag-iinitan ni Don Anghelo, hija. Ang mga nakaalitan mo noon ay nagsumbong sa kaniya–mga elitista ang kinalaban mo!" Saad ng isang lalaking pandak. "Ang nais nila ay mabura ka sa lugar na ito."
"Ang babaw ng pag-iisip ng Don Anghelo na 'yan-" Nakatikim siya ng isang malakas na sampal na ikinasubsob niya sa lupa.
"Oo na't mababaw pero ito malalim!"
Natigilan si Miles nang maramdaman ang pagtalsik ng dugo sa kaniyang mukha.
------
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro