Kabanata XXI
AKMANG lalapitan na sana ni Miles ang dalawa nang may pumigil sa kaniya.
"Huwag kang makisali pa." Matigas ngunit pabulong na saad ni Sir Francois, "Sinasabi ko sa'yo."
Hindi na lamang naituloy ng dalaga ang nais dahil sa gulat sa biglaang pagsulpot ng matanda. "P-pasensya na po" Pabulong na saad niya pa.
"Ayaw kong gumamit ng dahas para lumayo ka lang kay Leonardo. Pipiliin mo naman ako, hindi ba?" Kalmadong katanungan ni Julio sabay haplos sa pisngi ni Preciousa. "Ako ang tunay mong mahal, hindi ba?"
Dumaloy sa pisngi ng dalaga ang luha, "O-oo, Julio. Simula pa noong mga bata pa tayo ay gusto na talaga kita. Nadawit lang talaga ako sa ganitong sitwasyon na kailangan namin ipakasal ni Leonardo."
"H-hindi matutuloy ang inyong kasal." Seryosong saad ni Julio. "Umuwi ka na, sinta. Baka hinahanap ka na sa inyo lalo na at tumakas ka lang."
Napakagat ng labi si Miles sa natunghayan. Kumikirot ang kaniyang puso para kay Leonardo na walang alam sa nangyayari sa kaniyang iniirog.
TULALA lamang si Miles habang nakaupo kaharap ng mga paninda. Naaalala niya tuloy ang mga pagtatagpo sa panaginip noon na nabuntis si Preciousa na wala man lang kamalay-malay si Leonardo na pinagtataksilan na siya.
"Hija, pansin ko lang na parang kanina ka pa tahimik. Ikaw ba ay ayos lang?" Pag-aalalang tanong ni Ginang Margarita sa dalaga.
Tango at ngiti lamang ang naging tugon ni Miles.
"Basta ba'y may problema. Nandito lang ako makikinig ha." Pagpapagaan pa ng Ginang.
"Salamat po." Ani Miles at ibinaling muli ang sarili sa paninda.
"O siya, sige. Papasok muna ako sa loob. Tatawagin kita kung manananghalian tayo." Sambit ng babae at agad na pumasok sa loob.
Mayamaya pa ay natanaw ni Miles si Leonardo na papalapit sa kaniya. Seryoso ito habang bitbit ang isang maliit na tampipi. Agad siyang napatayo at balak na pumasok sa loob kung saan namamalagi si Ginang Margarita.
"Binibini–" Pigil pa ni Leonardo sa dalaga, "Ipinapaabot ni Juancho."
"Bakit sa iyo pa niya ipinaabot?"
"Yaman din lamang na dadaan ako rito, pinasabay niya na lang." Sagot ng binata, sabay bukas ng tampipi at agad na inabot sa dalaga, "Sabihan mo na lamang si ina na dumaan ako rito. Pupunta pa ako kay Preciousa ngayon. Nangako kasi akong bibisita ako sa kanilang tahanan."
Napayuko nang bahagya si Miles at inangat muli ang mukha, nakita niya ang bakas ng pagtataka sa mukha ni Leonardo.
"Bakit?" Tanong pa ng binata, kahit siya ay kabado rin na baka totoong pumunta ang dalaga kagabi sa mansyon at hindi iyon panaginip.
"W-wala naman, mag-ingat ka." Kabadong saad ni Miles. Nakita niya naman na napatigil si Leonardo at kalauna'y tumango rin. Naglakad na papalayo ang binata, samantalang siya ay naidampi na lamang ang palad sa dibdib dahil sa kirot.
"MAGANDANG gabi, binibini. Mabuti at pinaunlakan mo ang aking imbitasyon." Ani Juancho at agad na nagbigay galang sa dalaga.
Napangiti si Miles sa sandaling iyon. Hindi rin niya maiwasan na mapatingin sa paligid na sobrang nakakabighani dahil sa mga muwebles na makikintab at naglalakihang aranya na masasabing mamahalin ang kainan na ito. Ngunit napansin niya ang istilo ng kainan na tanging mesang pangdalawahan lamang ang naroroon.
"Umupo ka na, Binibini." Aya ng binata at inilahad ang isang silya, "Ang ganda mo sa iyong kasuotan."
Natauhan si Miles, "Ha? S-salamat, Ginoo. Ito'y pinahiram lamang sa akin ni Ginang Margarita." Pagkatapos ay umupo na siya, "Salamat."
Napangiti si Juancho, "Ito ang kainan na may swerte. Ang sabi nila kung ang nililigawan ay naidala rito– magkakatuluyan."
Walang masabi si Miles kundi ang ngumiti.
"Camarero!" Tawag agad ni Juancho sa tagapagsilbi ng kainan.
Lumapit naman ang camarero (waiter) sa kanila. "¿Sí, señor? ¿Cuál es su pedido?" (yes, sir? What is your order?)
Samantalang si Miles na malapit sa bintana ay tinanaw na lamang ang mga taong nasa labas. Napansin niyang gumagawa na ng parol ang kalalakihan at ang iba'y nagliligpit na ng kagamitan. "M-mag pa-pasko na pala?"
Nangunot ang noo ni Juancho habang tumatawa nang mahina, "Hindi mo alam?"
"A-ang ibig kong sabihin ay–"
"Ang piyesta rito ay kasabay sa pagdiriwang ng pasko." Saad ng binata, "Balita ko, isa ka sa lalahok sa pag-uukit?"
Umiling si Miles, "Ayokong sumali, Ginoo."
"Bakit naman hindi?"
"Hindi ako magaling." Ikling tugon ng dalaga sabay titig sa kandila na nakasindi ngayon sa gitna ng mesa.
Ngumisi si Juancho, "Hindi ka nagagalingan sa iyong sarili? Ang nagturo sa'yo ay si Ginang Margarita. Magaling 'yun, kung kaya ay magaling ka rin."
Napatitig na lamang si Miles sa mga kamay na may bakas ng mga sugat.
"Manonood ako," Pursigidong wika pa ng binata.
Hindi naman makapagsalita ang dalaga pero kalaunay ngumiti na lamang siya nang matipid.
NANG matapos silang kumain sa mamahaling kainan ay napagpasyahan ng dalawa na maglakad-lakad na lang muna sa mahabang daan patungo sa isang simbahan na kung saan may mga kura na nag-uutos sa mga sakristan na mag-ayos ng mga upuan para sa gaganaping simbang gabi mamaya.
Tumikhim si Juancho, "Kanina ka pa walang imik, ganiyan ba ang mga matatalino?"
Napatingin naman si Miles sa binata at sandaling nagtama ang kanilang mga paningin, "Hindi ako matalino, pangkaraniwan lamang ako." Napansin niyang ngumisi ang binata kung kaya ay ngumisi na lang din siya. Sa kalooban niya ay talagang makisig ito at maraming babae ang magkakandarapa rito. "Ginoong Juancho, kaya ba dinala mo ako sa ganoong kainan dahil nililigawan mo ako?"
"Kung sasabihin kung, oo?" Sabay ngisi ni Juancho, "Maaari ba? O kung ayaw mo pa ay naiintindihan ko naman."
Napayuko ang dalaga, "Ganito ba talaga ang mga kalalakihan sa panahon na ito?" Saad niya pa sa isipan.
"Natutuwa ako sa pagiging ikaw, sa iyong pagiging palaban at sa mga tuwid mong katwiran." Ani Juancho, "Sino ba naman ang hindi mabibighani?"
"Salamat. P-pero nais kong magpasya muna sa sarili–bigyan mo ako ng panahon." Rason pa ni Miles, "Teka, may naikwento ba sa iyo si Leonardo kung bakit ayaw niya munang alukin ng kasal si Binibining Preciousa?" Pag-iiba niya pa.
Napataas ang kilay ni Juancho at natigil sa paglalakad, "Marahil ay may kulang"
"Kulang? Ano?"
Huminga nang malalim ang binata, "Hindi niya pa ba naikwento sa'yo? Bukod sa gusto niyang magkaroon ng pundasyon bago pakasalan ang dalagang yaon ay may hinahanap siya sa katauhan nito. Kumbaga, kung sa pagkain pa ay kulang sa asin."
Nangunot ang noo ng dalaga, "H-hindi ko maintindihan, Ginoo." Napansin niya ang paghinga nito nang malalim. "Anong kulang?"
"Sabihin natin na talagang maganda si Binibining Preciousa, mabait, mayaman, maka-Diyos, at mahinhin." Humarap siya kay Miles at napangiti, "Pero para sa kaniya ay may kulang, pero kahit ganoon ay mahal na mahal niya ito–"
"Gaano ka mahal?"
"Masusukat ba ang pagmamahal?" Tumawa si Juancho, "May naikwento na rin ang pinsan mo sa akin. May babaeng dumadalaw sa kaniyang panaginip, pero tanging mga ngiti lang ang nakikita niya. Pero ang mukha? Hindi niya maaninag. Pero kakaiba ang kasuotan nito."
Biglang kinabahan si Miles at biglang nanlamig ang kaniyang mga kamay.
"Parang hindi iyon pangkaraniwang babae. Kakaiba daw ang suot eh."
Halos napako siya sa kinaroroonan sa sinabi ni Juancho sa kaniya.
"Siguro'y ang babaeng nasa panaginip niya na may magandang ngiti ang totoong gusto niya." Ani Juancho at tumingala sa isang tore kung saan naroroon ang batingaw ng simbahan.
NAPAAYOS ng kwelyo si Leonardo habang nakaharap sa salamin. Hinahanda ang sarili sa pagtatanghal na mangyayari mamaya. Napadako ang kaniyang paningin sa pares ng sapatos na ibinigay ng kaniyang ina noong nakaraang araw.
Araw na ng pasko at alam niyang abala sa labas ang lahat ng mga serbedor para sa handaan.
"Apo, tapos ka na ba?"
Agad na napalingon siya sa kinaroroonan ng kaniyang lolo at napangiti sabay tango.
"Halika na at naghihintay na ang kalesa sa labas."
Agad niyang kinuha ang tampipi na may lamang regalo para kay Preciousa at sa kaniyang ina. Muntik pa niyang nalimutan ang regalo para sa tinuturing niyang pinsan.
Nang makasakay na sila ng kalesa ay hindi niya maiwasan na mapatingin sa mga nagkukuluyang banderitas at mga parol na nakasabit sa bawat bintana.
Mga ilang minuto pa lamang ay narating na nila ang sentro ng bayan na kung saan may mga patimpalak na gaganapin. Unang nakita niya sa kaniyang paningin ay ang dalagang pamilyar ang ngiti.
"Leo!" Tawag pa ni Miles, "Galingan mo ha." Sabay ngiti.
Hindi niya maiwasang mapangiti rin, "Ikaw din. Si ina, saan?" Kusang humakbang ang kaniyang mga paa patungo sa dalaga na ngayon ay abala na sa pag-uukit ng kahoy.
"Bumili ho siya ng tubig at makakain– suot mo ang sapatos na ibinigay niya? Bagay." Saad ni Miles.
Alam niyang kinakabahan ito pero hindi pinapahalata at ang tanging sandata lamang ng dalaga ay ang ngumiti. "Salamat," Ang tanging saad niya sa babaeng may pamilyar na ngiti, "M-mila."
Pagkatapos ay tumalikod na siya upang pumunta sa isang entablado na may nag-iisang piyano.
"Amigo,"
Napalingon siya, si Juancho na may dalang biyolin, "Amigo."
"Ayos ka lang ba?"
Tanging tango lamang ang kaniyang naitugon at napatingin sa madla pero kahit ganoon ay ang dalagang nakangiti lamang ang kaniyang nakikita. Napangiti na rin siya bago nagsimulang tumugtog.
MATAPOS ang paligsahan ay naiukit ni Miles ang isang rosas sa kahoy. Hindi man niya nakuha ang malaking premyo ay may salapi siyang natanggap. Pero ang mas nakapanalo sa kaniya ay ang mga ngiti ni Ginang Margarita.
"Ang galing mo, hija." Puri ng Ginang, "Para sa akin ay sa'yo ang pinakamaganda."
"Naku, Ginang! Hindi naman po." Natatawang saad ni Miles. "May ipaghahanda na tayo mamaya."
Napayakap ang babae sa kaniya at tumango.
"Maligayang pasko, ina." Bati ni Leonardo nang makaabot sa pinagtatayuan ng dalawa at agad na ibinigay ang regalo sa kanila, "Maligyang pasko, Mila."
Tinanggap ni Miles ang regalo at halos hindi niya maiwasang ngumiti.
"Para sa'yo rin, Binibini." Habol pa ni Juancho at agad na ibinigay ang regalo sa dalaga.
"Salamat sa inyo."
"Si Preciousa, anak? Saan ba siya?" Tanong ni Ginang Margarita kay Leonardo sabay palinga-linga sa paligid.
Napakamot sa sintido si Leonardo at umiling, "Masyado siyang abala sa kanila ngayon. Maraming bisita. Sandali, kina lolo na lamang tayo dumiretso ngayon. Maraming handa."
"Naku, anak. Huwag na. Alam ko naman na hindi ako tanggap ng mga taong dadalo roon. Pasko pa naman."
Naintindihan ng binata ang nais ipahiwatig ng ina kung kaya ay napatango siya, "Sa inyo na lamang ako magpapasko, nay."
Nagkatinginan si Miles at Ginang Margarita.
"Bakit? Kahit tuyo pa ang nakahain ay ayos lamang." Natatawang saad ni Leonardo, "Pero hayaan na ninyo akong ipagbili ko kayo ng mga handa para mamaya."
Napayakap na lamang si Ginang Margarita sa anak, "Sige, anak. Gusto ka naming kasabay sa pasko."
Napangiti si Miles sa ganoong eksena at napansin niyang nagpupunas ng luha si Juancho kung kaya ay tumawa na lamang siya at tinapik niya ito, "Apektado ah?"
Tumawa na lamang si Juancho at namula ang pisngi nang mapansin siya ng dalaga. Hindi rin mapigilan na matawa ni Leonardo at Ginang Margarita.
NAPAUPO si Leonardo sa isang silya malapit sa bintana at nais na matunghayan ang makukulay na paputok sa madilim na kalangitan. Ilang minuto na lamang at mag ha-hatinggabi na.
"Bata pa ako noong huli kong nakita ang paligid na puno ng saya. Kakaiba ang pasko rito, ramdam na ramdam ko."
Napalingon siya sa dalaga na ngayon ay napaupo na rin habang nakatingin sa labas ng bintana. Napatitig siya sa labi nitong nakangiti.
"Ako'y nangungulila na rin sa aking mga magulang at hindi ko alam kung saan sila pwedeng hagilapin. Pero minsan ay naiisip ko na lamang na baka sa susunod na panahon, kakayanin ko ng mag-isa."
Nakita niya naman itong ngumiti sabay ang repleksyon ng mga makukulay na paputok sa kaniyang mukha. Sabay silang napatingin sa magandang ilaw na kumakalat sa madilim na kalangitan.
"Maligayang pasko, Mila." Bati niya rito.
"Maligayang pasko, Leo."
Hindi niya maiwasang yakapin ito. Yakap na alam niyang naramdaman niya na sa panaginip.
Nakita iyon ni Ginang Margarita at napangiti siya ng palihim.
Hindi maintindihan ni Miles ang kabog ng puso, nangulila rin siya sa yakap ni Leonardo at alam niyang hindi ito permanente kung kaya ay sinamsam niya na lamang ang yakap nito.
Napapikit si Leonardo, ngayon lamang siya nakaramdam ng kaginhawaan.
Bawat ngiti, bawat luha
Bawat gising, bawat pikit
Bawat hangin na tinatanggap
Bawat buga
At habang ika'y yinayakap nang maigi
Binubulong ang dalanging 'wag sana maglaho sa hangin
Ang bawat piyesa na bumubuo sa 'yo
Bawat piyesang nawa'y mapasaakin habang-buhay
Dito ka na lang habang-buhay
Dito ka na lang habang-buhay
Dito ka na lang habang-buhay
Habang-buhay.
---
Featured Song:
Bawat Piyesa by Munimuni
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro